CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Umikot at Nadapa (Face in the Mud)

RDB

Kahapon
Unang yugto

Umiikot ang buhay ng karamihan sa pag-ibig at sa taong iniibig. Maraming kuwento na akong narinig na may happy ending din. Kagaya na lamang ni Stef. Hindi sila nagkatuluyan ng ama ng kanyang anak pero ayun, kasal na siya sa isang lalaking alam niyang mamahalin siya at tatanggapin ang kanyang anak. Si Gerry, grand wedding sila ng kanyang high school sweetheart. Yung isang sundalo, 44 na taon hinintay ang babaing nakilala niya sa States noong 4th of July. Ikinasal sila nang siya ay 64 years old at ang babae ay 67 na. Marami pa akong alam na talagang fairy tale ending ang mga kuwentong pag-ibig nila.

Kapag may reunion o may pagkakataong nagkikita-kita kami ng mga dati kong kaklase sa high school, madalas, dalawa lamang ang tanong nila sa isa’t isa matapos ang mga paunang kamustahan. Ito ay: saan ka nagtatrabaho at may asawa ka na ba. Halos doon din umiikot ang kuwentuhan- ikinasal si May at nasa Saudi ang kanyang asawa. Si Carlito naman, engineer, may kotse na at nakapag-training sa Japan dahil sa pag-sponsor ng isang sikat na electronics company. Si Jose, ayan, hiwalay sa asawa at na-basted kay Mela, pero at least, naka move-on na. May web-cam na si Gerry kaya mas masaya maki-chat habang silang mag-asawa ay nasa Canada. Si Kris naman, happily married with two kids at may asawang nasa States. Sabi nga nila, pumuti siya at gumada ang accent, parang nangibang-bansa kung magsalita. Parang antique nga ang 3350 ko pag natabi sa mga cellphone nilang di-kamera pa.

Ganito ang ikot ng buhay.

Sa umagang ito, ako ay namulat sa katotohanan na ako ay small time, small fish at small fry. Ang mga dating kaibigan, kaklase, at pati ex-boyfriends, puro big-time na. Magaganda ang kanilang mga buhay, ika nga. Ano pa nga ba ang dahilan at nag-aral pa ang isang tao sa kolehiyo kung hindi para makahanap ng trabahong big-time din magpa-suweldo. Si Rose, tatlong taon na sa isang call center at handang-handa ng magka-anak. Ma-a-afford na niya ang magka-anak. May desenteng trabaho din naman ang kanyang mister.

Napatingin ako sa langit, gaya ng dati, kulay asul ito at may iilang ulap. Tinawag ko ang Pangalan ng Panginoon at may lungkot sa aking puso. 2006 na kasi. Malapit na ang 2007. 2007!

Ito ang aking buhay. Nag-iba ang ikot ng buhay ko.

Labing-siyam na taon lang ako ng ako ay maging isang DJ sa radyo. Nain-love, at ilang ulit nasaktan. Naging guro. Muling nagmahal at muling iniwan.

Hindi kasi ako kasal sa ama ng anak ko. Matagal na rin na wala kaming komunikasyon.

Bahagyang nawala ako sa sarili at maraming ginawang pagkakamali. Gumanti, lumaban, nabigo, nanghina. Hindi na muling nagmahal. Nahirapang magpatawad, at matagal, bago humingi ng tawad.

Ganito ang ikot ng aking buhay.

Hindi ganoon kataas ang aking naabot sa buhay. Ngunit nang ako ay bumagsak, parang itinapon ako mula sa 100th floor! Sobrang sakit. Ang hirap noon, buhay pa rin ako.

Sabi ni Kyle, sikat daw ako noong high school. Ngayon, sino ako? Single mother. Lumipas na ang kagandahang kalakip ng aking kabataan.

Hapon na. Mamaya, lulubog ang araw at magiging itim ang kalangitan. Lilitaw dito ang mga nagkikislapang bituin.

Paano ko ba maipapaliwanag na tumigil ang ikot ng aking buhay nang isang umagang magising ako sa katotohanang wala pala akong direksyon? Sa hirap na dinadala ko sa aking dibdib, sa mga mapapait na alaala na naglalaro sa aking isipan- nagising ako at nawalan ng lakas ang aking mga paa upang tumayo. Ayaw ko nang pumasok sa trabaho. Nasa tabi ko ang aking anak na noo’y isang taong gulang pa lang. Umiiyak ang anak ko, umiiyak rin ako. Kailangan kong magtimpla ng gatas at palitan ang kanyang diaper. Naupo lang ako sa gilid ng kama. Ayaw kong kumilos. Ayaw ko.

Kung puwede sanang matigil muna ang ikot ng mundo para maibalik ko ang kahapon at maisaayos ang lahat ng aking pagkakamali.

Ngunit ang mundo ko’y patuloy pa ring umiikot. Lumipas ang kahapon.. Wala sa aking kamay ang pagbabago ko sa aking sarili. Sabi nga, hindi kaya ng powers ko ang gawin iyon.

Ngayon
Ikalawang Yugto

Kinanta ni Yvonne Elliman yung I don’t know how to love him sa pelikulang Jesus Christ: Superstar. Nang marinig ko iyon, hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang lyrics nito. Marahil, sa pananaw ng sumulat ng kanta, iyon ang nararamdaman ni Mary Magdalene kay Jesus noong siya ay kanyang makilala. Paano mo nga mamahalin si Jesus? Siya ay anak ng Diyos at ako ay tao, babae at may nakaraan na hindi ganoon kadaling ikuwento.

Iyon din ang aking itinatanong. Pwede ba akong lumapit sa isang  Jesus Christ na anak ng Diyos? Maiintindihan ba niya kung ano ang nararamdaman ng isang babaeng nabaliw dahil sa bigong pag-ibig at sa mga kahiya-hiyang ikinilos noon? Maiintindihan kaya ng isang Jesus Christ ang nararamdaman ng isang taong nagigising sa kalagitnaan ng gabi at namumulat sa isang kuwartong puno ng lungkot at kasinungalingan? Alam kaya ni Jesus Christ ang guilt-feeling? Iyon yung parang ayaw mong iangat ang iyong pagkakatitig sa lupa dahil pakiramdam mo’y puno ng dungis ang iyong pisngi; na ang mga mata mo ay nalulunod sa kahihiyan sa iyong mga ginawang kasalanan. Kahihilamos ko lang, kaliligo ko lang- pero parang laging nakadikit ang alikabok sa aking balat.

Maiintindihan ba ako ni Jesus Christ?

Muling umikot ang aking buhay ng umagang magising ako sa katotohanang may malagim akong nakaraan at hindi ako magkakaroon ng kapayapaan sa puso at isipan kahit anong gawin ko.

Nagpa- convert ka na ba? Kailan ka nabaptize? Ito kasi ang palagi kong naririnig noong sinasama pa ako ni Mama na mag-attend ng worship ng mga taga-ibang relihiyon. May kasama pang pagtataas ng kamay sa mga altar calls tapos pag pumunta ka sa harap, may kakausap sa iyo. Tapos nun, wala na. Wala na rin akong gana na bumalik sa worship nila next Sunday. Kailan lang may ipinadalang newsletter sa akin ang isang Biblical Correspondence group at higit sa 20,000 ang mga gumawa daw ng “decisions for Christ”. Ano ba ang decision for Christ?

Hindi ko na maalala. Basta na-baptize ako at hindi na ako Katoliko. Patuloy namang malungkot ang aking buhay. Pareho rin ng dati, mali-mali pa rin ang aking ginagawa. Pero, sabi ko nga sa sarili ko- eh yung mga nasa church din naman puro love-love at crush-crush, pray for this guy that I like or that girl that I like para kami ang magkatuluyan. Sila rin naman ah, kakanta-kanta sa harap, pagkatapos noon, isnaban na at ba-bye na pag tapos na ang message. Yung pastor lang ang naalala kong naging totoo, sabi nga- sincere. Sa sobrang galing niya, pinagpilitan siyang ma-i-transfer sa States ng kanilang main convention.

Kristiyanismo- hindi pagbabago ng relihiyon. Isang bagong buhay- resulta ng kamatayan ng dating kong tao.

Ano daw?

Ito na ako ngayon. Iba na ang ikot ng aking mundo.

Sa mga ibang nakilala ko, marami ang bawal gawin- bawal ito, bawal yan... Naisip ko tuloy, kapag pala Kristiyano ka, lalong lumiliit ang mundong ginagalawan mo. Ang daming dapat at hindi dapat.

Ayaw ko nun, gusto ko- free to do what I want!

Pero hindi naman pala ganun, Christianity is not confined to dos and donts. Ang isang halamang rosas hindi maiwasang mamulaklak ng rosas dahil ganoon siya. Ang kandila ay likas na nagbibigay liwanag. Ang tubig ay umaagos at nagbibigay refreshment. Tulad ng isang Kristiyano- nagiging likas o bukal ang gawin ang mabuti, at umiwas sa kasalanan. Nagsisimula kasi sa transformation, hindi reformation.

Kapag pala born-again ka na, hindi ito yung nagpalit ka ng relihiyon o tumigil ka na sa pagsunod o pagtupad ng mga alituntunin nito.  Kung dati’y isang pinipilit na obligasyon ang pagdarasal, ngayon, parang pakiramdam mo ay mamamatay ka kung hindi mo ito gagawin. Sa pagdarasal ngayon, parang sabik ang iyong puso na lumapit sa Diyos at tahimik na hintayin ang Kanyang presensiya. Noon kasi, parang pader at sahig lang ang nakikinig sa mga sinasabi ko kapag ako ay nagdarasal. Parang nag-e-emote mag-isa at sarili ko lang ang kausap ko.

Ito na ang aking mundo.

Hindi naman ako naging supergirl with super powers. Wala rin akong anting-anting laban sa kasalanan. Hindi ako naging isang banal na babae sa paglipas lamang ng magdamag. Ang pang-unawa ko ngayon sa kabanalan ay hindi iyong lumalayo ka sa mga makasalanan. Si Jesus Christ na banal, hindi lumayo sa mga babaeng may maruming pamumuhay. Hinayaan pa nga niya ang isa na umiyak sa kanyang paanan.

Naiintindihan pala ni Jesus Christ ang mga taong katulad ko.

Naiintindihan din niya ang lahat ng mga tao.

Mayroon palang pagmamahal na nagbubukas sa iyong mga mata sa tunay mong katayuan o kalagayan sa buhay. Isang pag-ibig na inaakay ka patungo sa tunay na pagsisi.

Sa kaso ko, nakita ko na kahit may taong sinadya ang dayain at saktan ako, higit din pala akong nagkasala.

Ganoon kasi ang ikot ng aking mundo.

Hindi ako marunong magpatawad dahil pinaniwala ko ang aking sarili na ako ang nasaktan at kaya may karapatan akong magalit.

Nakita ko na ngayon kung gaano ako kasama.

Napag-alaman ko sa ngayon, na ang inaakala ko na kabutihan, ito ay kabutihang pangtao lamang na may halong pride.

Receive him into your heart and accept him as your personal savior. Ito yung sinabi nila sa akin noon.

Naisip ko, teka muna- ganun ba kadali iyon?

Muli kong itinanong - am I acceptable to God?

Hindi ako magbibigay ng Bible verses para ihayag kung paano nagbago ang ikot ng aking mundo. Kasi, para sa karamihan, ang Biblia ay isang libro na tulad ng iba.. Mas exciting pa nga ang Harry Potter na book series kung tutuusin, sa kanila. Ang totoo, sa mga taong nakaranas na ng pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos- ang salita ng Diyos ay buhay...ito ay buhay. Hindi lamang mga titik na pinagsama-sama.

Hangad ko ay maging acceptable.

Sa buhay ko, makikita kung tunay nga akong Kristiyano o hindi.

Sige, patuloy pa rin ang ikot ng mundo.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kabutihan At Katapatan Ng Panginoon

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Umikot at Nadapa


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.