CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!
(Grace Chan's Testimony)

Isinulat ni Grace Chan

"Sapagka't ako'y gaya ng mga tupang naliligaw; datapwa't ngayon [sa grasya ng Diyos] ay nagbalik sa Pastor at Obispo ng aking kaluluwa."  (Kinuha sa 1 Pedro 2:25)

Maibigin akong gumuhit ng mga larawan ng tupa. Bago pa man ako naging Cristiano, ginagamit ko na ito upang ilarawan ang aking espiritual na kalagayan noon: isang tupang ligaw - isang tupa na palagi na lang pagala-gala sa paligid-ligid, na walang tunay na direksyon sa buhay, at hindi alam kung saan siya patutungo… isang kahabag-habag na tupa. Pagkatapos pumagitan ang Diyos sa aking buhay at inilapit ako sa Kanyang sarili at sa Kanyang maluwalhating grasya na kinatatayuan ko na ngayon, ako ay isang tupang 'nahanap' na - isang tupang nakakikilala sa grasya ng Diyos, na pumapalibot sa akin sa mula't sapul pa, maski noong hindi pa man ako naisisilang.

Ang pangalan ko ay Grace. At ang aking buhay ay isang buhay na patotoo sa kahanga-hangang grasya ng Diyos!

Ayon sa aking mga magulang, ang pangalan kong Grace ay isang di-inaasahang pagkapili kundi isa itong alaala sa grasya ng Diyos sa akin at sa aking pamilya.

Noong 1982, sa may dalawang-palapag na bahay sa Wolverhampton, U.K., si Mom na kasalukuyang ipinagbubuntis ako ngunit may sakit siyang anemia (o sa medikal na katawagan, thalassemia) ay nahulog mula sa pinakataas na baitang ng hagdan hanggang sa ibaba. Si Dad ay dali-daling lumabas sa kuwarto niya pagkarinig ng malakas na lagabog. Nakita niya si Mom na nakaratay sa sahig. Dinala siyempre si Mom sa ospital. Ngunit hindi marinig ng doktor ang pintig ng aking puso, kung kaya't walang nakaaalam kung ang sanggol (iyon ay ako) ay buhay pa o hindi. Ang tanging bagay na magagawa nina Dad at Mom ay manalangin sa Diyos para sa Kanyang habag na hayaan akong mabuhay. Pagkalipas ng dalawang araw, napag-alamang ako ay buhay at nasa mabuting kalagayan sa sinapupunan ni Mom. Bilang pasasalamat sa Diyos at isang tagapagpaalala sa ginawa ng Panginoon sa amin, pinangalanan ako ng aking mga magulang na Grace.

Gayunpaman, namuhay ako nang maraming taon sa isang buhay na lubusang walang pasasalamat at walang pagkamalay sa grasya ng Diyos. Hindi ito dahil sa walang sinumang nakapagsabi sa akin ng tungkol dito, kundi dahil sa aking pagkamakasarili at espiritual na pagkabulag. Ngunit salamat sa Panginoon, iniligtas Niya ako at sa wakas naintindihan ko na rin kung ano talaga ang ibig-sabihin ng grasya! Grace - grasya - lubusang hindi karapat-dapat na matanggap, ngunit kusa at maluwag sa kalooban na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng napakalaking habag ng Diyos! Sa mga araw na ito, habang nakikilala ko ang aking Panginoon at Kaibigang si Jesus, madalas kong nakikita na lalo akong hindi karapat-dapat sa grasya at habag ng Diyos. Makikita ninyo kung bakit ko nasabi iyon.

Ipinanganak ako sa isang Cristianong pamilya, ngunit hindi kailanman ako nagkaroon ng isang personal na relasyon o kaugnayan sa Diyos. Sa katunayan nga, bago ko itinalaga ang aking sarili kay Cristo sa pamamagitan ng pagbabautismo noong 1999, lagi kong iniiwasang matawag na isang Cristiano. Ito ay dahil sa alam kong sa kailaliman ng aking puso na hindi ko tunay na kilala ang Diyos, higit pa roon, ang manalig at sumunod sa Kanya bilang aking Panginoon at Tagapagligtas! Tunay ngang marami akong mga maka-Cristianong gawa - gaya ng pagpunta sa simbahan tuwing Linggo at pakikisali sa grupo ng mga kabataan tuwing Biyernes at sa mga tulad pa nito. Sinubukan ko ring mamuhay nang ayon sa mga pamantayang itinuturo sa Biblia, gaya ng "mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili," ngunit talagang hindi ko kaya ang palaging maipamuhay ang mga ganitong pamantayan. Subalit, itinuring ko pa rin ang aking sarili na isang mabuting tao. Nag-aral akong mabuti. Sa katunayan, sa sobrang sipag ko sa pag-aaral, kinakailangan pa akong pigilan ng aking mga magulang. Gustong-gusto kong tumulong sa mga tao. Sa totoo lang, gagawin ko ang lahat kahit na makaaabala pa sa akin upang makatulong ayon sa sarili kong kaparaanan sa mga tao. Ngunit kung sasaliksikin ko ang aking puso, alam kong ang mga panlabas na 'mabubuting' gawa na ito ay pawang pang-uudyok ng makasariling kagustuhan na matanggap at makamtan ang paghanga ng ibang tao. Sino ba ang ayaw na tanggapin siya at purihin ng mga tao?

Sa maraming taon, ako ay naghanap ng isang tunay na kaibigan - isang taong ganap na totoo at tapat, na hinding-hindi ako pagtataksilan at tatanggapin ako maski sino man ako, kasama na ang aking mga kalakasan at mga kahinaan. Datapwat, ang hinahanap kong tunay na kaibigan na ito ay parang hindi ko matatagpuan kahit saan, marahil bukod sa aking mga magulang, na laging nagmamahal sa akin nang walang katapusang pag-ibig ng Diyos.

Habang ako ay nagkaka-edad, napasailalim ako ng isang napakalaking pagkaalipin ng matinding 'stress.' Ito ay pawang nagmula sa patuloy na pagpupumilit sa pagnanasang manguna sa lahat ng bagay na ginagawa ko, at ang takot na hindi umabot sa pamantayang itinakda ko sa aking sarili batay sa mga nagawa ko na. Takot ako na mawala ko ang isang bagay na sa panahong iyon ay parang iyon na lamang ang mapanghahawakan ko: ang mga tagumpay ko sa buhay na ito. Palagi kong sinusubukang ipakita sa iba ang pinakamagandang bahagi ng aking sarili upang sila ay magkaroon ng mga mabubuting salita tungkol sa akin. Ngunit, habang lalo kong sinusubukang gawin ito, lalo kong natanto na walang bagay sa buhay na ito ang tunay na nasa aking pagko-control. Naramdaman kong ako'y napakahina at walang-kakayahan. Umpisa kong naintindihan na kahit na mapasaakin ang buong mundo, ano pa ang saysay kung ang Diyos ay wala sa aking buhay? Sapagkat walang bagay sa mundong ito ang tatagal magpakailanman, at madalas sa hindi, ang lahat ng panghalina at kaluwalhatiang maiaalok ng mundo ay panandalian lamang at walang saysay. Sa isang segundo, ang panghalina at kaluwalhatian ay maaaring mawala at maging bahagi na lamang ng isang miserableng nakaraan!

Gayunpaman, natutunan ko ang aral na ito sa mahirap na paraan. Kahit na marami na akong narinig tungkol sa pag-ibig ni Jesus para sa bawat isa sa atin, kung paanong sa kabila ng katotohanang iyon, tayong lahat ay nagwalang-bahala o nagrebelde laban sa Diyos sa pamamagitan ng hindi pagtitiwala at pagsunod sa Kanya, ipinadala pa rin Niya ang Kanyang kaisa-isa at bugtong na Anak, si Jesus, upang maging tao. Pumarito si Jesus sa mundo, namuhay nang lubos na sumusunod sa Diyos, at sa pamamagitan ng kamatayan sa krus, inako ang resulta ng ating mga kasalanan dahil sa pagsuway, at sa pamamagitan nito, pinatunayan Niya ang pinakadakilang pag-ibig! At higit pa riyan, binuhay muli ng Diyos si Jesus pagkaraan ng ikatlong araw. Napagtagumpayan Niya ang kasalanan at kamatayan upang tayo ngayon ay magalak sa bagong buhay sa Kanya, at magkaroon ng personal na ugnayan sa Kanya, pagkatapos ipagkasundo sa Diyos… ibig kong sabihin, narinig ko na ang lahat ng katotohanang ito noon, ngunit dahil sa ilang kadahilanan, ang matigas kong puso ay hindi man lang na-antig ng labis-labis na pag-ibig na ito!

Purihin ang Diyos sa Kanyang napakalaking habag. Dinala Niya ako sa isang punto kung saan wala na akong patutunguhan bilang resulta ng aking pagrerebelde laban sa Kanya! Tulad ng aking nabanggit na, kahit na lumaki ako sa isang mapagmahal na pamilyang Cristiano, na napaliligiran ng mga mabubuting saksi ni Cristo, ang mga espiritual kong mata ay sadyang bulag kung kayat hindi ko maabot ang mga espiritual na bagay. Ang lahat ng bagay ay nanatili lamang sa antas ng kaalamang-isip. Habang patindi ang aking stress at pagkatapos ng maraming pagsisikap at pagkabigo na mabago ang sarili ko, sa wakas nakarating din ako sa isang punto kung saan wala na akong pagpipilian pa kundi aminin sa Diyos na kailangan ko Siya. Kinakailangan kong buong-buong isuko ang aking sarili sa Diyos.

Sa kaibuturan ng aking puso, alam ko na wala nang iba pang paraan kundi ang manumbalik sa Diyos! Taimtim kong ginusto na makilala, na tunay na makilala Siya, at manalig na Siya lang ang tangi at tunay na Diyos. Alam ko na kung tunay Siya sa Kanyang ipinahayag ukol sa Sarili Niya, sigurado na maibibigay Niya sa akin ang isang daan upang makawala sa miserable kong buhay.

Sa yugtong ito ang antas ng aking stress ay napakataas na hindi ko na kayang harapin ang mga kinakailangang gawin sa aking pag-aaral. Araw-araw, sa pag-uwi ko mula sa paaralan, nagkukulong ako sa aking kuwarto na kadalasan ay nasa lubos na kadiliman. Nag-umpisa rin akong mahulog sa pagkaalipin sa walang tigil na pagkain at pagkalungkot. Sa panlabas, ako pa rin ang kaaya-aya't masipag-magtrabahong si Grace. Iyan ang kung paano ako ilarawan ng mga taong nakapalibot sa akin noon, ngunit taimtim kong naramdaman na malapit na akong magka-break down. Wala na akong pag-asa sa buhay. Nawala kong lahat ang mga pinagsikapan kong maipundar sa loob ng maraming taon: kahusayan sa akademya, papuri at pagtanggap ng ibang tao, atbp. Sa wakas ay nakita kong wala akong anumang magagawa kung hiwalay kay Cristo. Ang lahat ng bagay ay pawang walang kabuluhan kung ang Diyos ay wala rito. Ang kailangan ko ay isang bagong-buhay, isang bagong simula! Ang miserable kong kalagayan ay nailarawang mabuti sa iyak ni Apostol Pablo, "Abang tao ako! Sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?" (Roma 7:24)

"Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin…". (Roma 7:25). At iyan ay totoo! Naranasan ko ito! Noong ika-18 ng Nobyembre, 1998, sa pamamagitan ng napakamakapangyarihan at tunay na karanasan kung saan ang Salita ng Diyos ay nangusap sa aking puso sa aking quiet time, ipinakita lahat ang mga problema ko at ipinakita sa akin kung sino nga talaga si Jesus, at sa wakas, naka-ugnay na ako sa Diyos! Sa araw na iyon, noong ako ay nasa pinakamahina kong kalagayan, halos lubos ang pagkasuya ko sa aking sarili, inabot ako ng Diyos at hinaplos ang aking puso. Ginamit Niya ang iba't-ibang bersikulo sa Biblia upang tawagin ako na lumapit sa Kanya. Patuloy Niya akong binigyan ng kasiguraduhan na Siya ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Siya pa rin! Ang kinakailangan kong gawin ay pasanin ang aking krus at sumunod sa Kanya. Pagkakalooban Niya ako ng kalakasan na mapagtagumpayan at makalaya mula sa mga pagkakaaliping ito na mahigpit na gumagapos sa akin. Sa katunayan, Siya mismo ang gagawa nito. Sinabi ni Jesus, "Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya." [Juan 8:36] At iyan ang nangyari sa akin; pinalaya ako ni Jesus mula sa aking mga pagkakaalipin.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nakaramdam ako ng isang napakalaking pagpipitagan sa Makapangyarihang Diyos na ito - isang bagay na lubhang wala sa akin sa loob ng lahat ng taong iyon na 'pagala-gala ako sa disyerto' tulad ng mga Israelita. Sa katunayan, sa unang pagkakataon, may kakayahan na akong masabi nang may lubos na kasiguraduhan na, "Oo, ang Diyos ay tunay!" Ang Espiritu Santo ay gumagawa sa isang makapangyarihang paraan na hindi ko na matalikuran pa ang katotohanan na ang Diyos ay buhay! Ang panahon ko sa 'libis ng kadiliman' na punong-puno ng pagkaalipin at pagdududa ay tuluyan nang lumipas. Sa wakas, nalaman ko na, na ang Diyos ay tunay!

Hindi lang iyon, binigyan ako ng Diyos, na nakaaalam sa aking mapagdudang ugali, ng higit pa sa hinihingi ko. Nangusap Siya sa akin, hindi sa isang naririnig na boses, kundi sa pamamagitan ng isang napakalinaw na mensahe na pumasok sa puso ko - kagaya ng isang panatak [seal] na naitatak sa aking puso. Sinabi Niya (sa wikang Cantonese), "Ako ay naririto." Sa sandaling iyon, alam kong wala nang balikan pa! Alam kong sinagot ng Diyos ang aking panalangin na gustong makilala Siya sa kaparaanang hindi ko na maitatatwa o mapagdududahan pa na Siya ay totoo. Ginawa Niya ito! Anong ginhawa at anong saya! Anong grasya! Naramdaman kong ang lahat ng kabigatan ng aking puso, at lahat ang mga kadena na minsan ay mahigpit na nakagapos sa akin na kung kaya't halos hindi na ako makahinga, ay natanggal na. Naramdaman ko ang 'kagaanan' at di-maipaliwanag na tuwa na umagos mula sa puso ko!

Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, umiyak ako hindi dahil sa ako ay malungkot o galit, kundi tanging sa kagalakan at pasasalamat! Idinalangin ko sa Diyos na mula sa araw na iyon hanggang sa mga susunod pa, ibabaling ko ang aking buhay sa lubusang pagsuko sa Kanya - ang nag-iisang tunay na Diyos - at pagsisilbihan ko Siya sa buong buhay ko. At noong ika-27 ng Hunyo, 1999, ipinagkatiwala ko ang aking buhay sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapabautismo.

Mula noon, naranasan ko kung papaanong patuloy na kumikilos ang Panginoon sa Kanyang makapangyarihang mga gawain sa pagbabago sa akin araw-araw upang maging kagaya ni Cristo. Ang mga karanasan at galak na nasa akin sa paglakad kasama ang Panginoon ay napakasagana kaya't napaka-imposibleng itala isa-isa rito. Gayunman, determinado akong magsumikap, sa pamamagitan ng Kanyang grasya lamang, na ipamahagi sa lahat ng tao na nakapalibot, sa pamamagitan ng mga salita at sa mga gawa, kung gaanong kadakila at mapagmahal ang ating Panginoong Jesus! Tulungan nawa ako ng Diyos na palaging pagtuonan ng pansin ang pangalan na pinagkaloob Niya sa akin - Grace.

***

Isinalin mula sa Ingles ng: Gospel Disciples Church, Philippines, 2004.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kabutihan At Katapatan Ng Panginoon

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Umikot at Nadapa


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.