CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos
(The Testimony of Lorie Orilla)

Ang Patotoo ni Lorie Orilla

Una sa lahat, ako'y nagpapasalamat sa Panginoong Diyos sa pagbibigay Niya muli sa akin ng pagkakataon na maisulat ang aking patotoo sa sariling lengguwahe upang maibahagi muli ito sa mga mambabasa. Purihin ang Panginoon sa lahat ng ginagawa Niya sa buhay ko!

Ang lagi kong naririnig sa mga nagpapahayag tungkol kay Jesus ay: "Tanggapin si Jesus sa iyong puso bilang personal na Tagapagligtas at Panginoon upang magkaroon ng kaligtasan o buhay na walang hanggan." Napakasarap pakinggan nito dahil sa nagdadala ito ng isang napakagandang pangako, ngunit ganoon lang ba kadali ang magkaroon ng kaligtasan? Oo nga, ang kaligtasan ay libreng biyaya ng Diyos sa sanglibutan, ngunit paano kung hindi ka naman tumalikod sa kasalanan? Tapos patuloy kang namumuhay sa kasalanan at wala namang pagbabago sa iyong buhay! Maliligtas ka pa rin ba maski sabihin pang tinanggap mo na si Cristo bilang personal na Tagapagligtas at Panginoon ng iyong buhay?

Mas mahalaga ba ang pagtanggap mo sa Panginoon kaysa sa pagtanggap Niya sa iyo? May bahagi ka ring gagampanan bilang pagpapatunay na ikaw ay sumusunod at may pananampalataya sa Kanya. Kung gusto mong maligtas, kinakailangang maging Panginoon at Hari si Jesus sa buong buhay mo nang walang anumang nakareserba para sa iyong sarili. Ibig sabihin, susundin mong lahat ang kalooban Niya sa iyong buhay; tatalikdan nang may determinasyon ang kasalanan; iiwanan ang makamundong-buhay; at mamamatay sa pagkamakasarili. Kaya nga ang sabi ni Jesus, "Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kanyang sarili, at pasanin sa araw-araw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin." [Lucas 9:23]

Noong bata pa lamang ako, lagi akong isinasama ng Nanay ko sa simbahan ng Katoliko. Kaya kilala ko si Jesus na namatay sa ating mga kasalanan at nabuhay muli. Tayo naman ay magkakaroon ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang buhay. Kilala ko rin noon Siya bilang Diyos at Panginoon, ngunit wala ako relasyon sa Kanya. Ibig sabihin, sa isip alam ko Siya ay Diyos, ngunit sa buhay ako ang hari; ako ang nasusunod. Ang karanasan kong ito ay walang kaibahan sa mga tumanggap sa Kanya bilang personal na Tagapagligtas at Panginoon ng kanilang buhay ngunit wala namang pagbabago sa kanilang buhay. Hindi nakikita ang kabanalan ng Diyos sa kanilang buhay.  

Napakahirap noon ang buhay ng mga magulang ko, kung kaya't naisipan kong magtrabaho sa ibang bansa upang makatulong sa pamilya ko sa mga pinansiyal na pangangailangan. Ngunit naging sentro ng buhay ko ang pera. Nakalimutan ko na ngang magsimba pa. Ano ang resulta ng pag-ibig ko sa pera? Akala ko noon ay pinayagan ako ng Diyos na mangibang-bansa upang mag-enjoy sa buhay, ngunit nauwi sa kasamaan ang buhay ko. Nagpapasalamat at pinupuri ko ang Diyos sa pag-akay Niya sa akin upang mapalapit muli sa Kanya! Pinatawad Niya sa mga kasalanan ko't mga pagkukulang sa Kanya. Nilinis Niya ang aking buhay. Ipinahayag Niya sa akin ang Kanyang kadakilaan. Gaya ng sabi sa Isaias 1:18:

Bagaman ang iyong mga kasalanan ay maging tila mapula,
ay magiging mapuputi na parang niebe [snow];
bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula,
ay magiging parang balahibo ng tupa.

Ang bersikulong ito ay nagbigay sa akin ng pag-asa sa buhay. Ang Panginoon ay napakahabagin sa pagtawag Niya sa akin pabalik sa Kanya pagkatapos ng maraming taon kong pagiging suwail.

Nagpakasaya ako noon kasama ng mga kabarkada ko. Bilang ligaw ang landas, natuto akong magkaroon ng mga bisyo at dumepende sa libangang ibinibigay ng mga ito sa buhay ko. Malakas ako noong manigarilyo, uminom ng alak at magsugal. Palapunta rin ako sa sayawan sa tuwing day-off  ko. Sayang! Hindi ko man lang napansin na napakaraming panahon pala ang nagugol ko sa mga ito kaysa sa Panginoon.    

Sa mga sinauna kong taon sa Hong Kong (1992-1993), isa sa mga pinsan kong babae ang sumubok na magyaya sa akin sa simbahan upang magsamba sa Diyos. Ngunit tinuya ko lamang siya at tinawag ko pa siyang "Praise the Lord". Siya noon ay suyang-suya sa akin at tinigilan niya akong katagpuin o tawagan pa sa telepono.

Noong 1995, may nakilala akong isang Kristianong lalaki na nagsabi sa akin na sinasayang ko lang daw ang mga day-off  ko sa mga walang kuwentang bagay samantalang maigugugol ko sana ito sa pagsamba, sa panalangin at sa pagpuri sa Panginoon sa loob ng simbahan. Ang sabi ko sa kanya, "Kahit saan ka man naroroon ay maaari kang manalangin, kahit pa sa ilalim ng punong-kahoy. Bakit kailangan ko pang magsamba kung paglabas ko mula sa simbahan ay magkakasala rin lamang ako!" (Naging kasabihan ko na ito sa mga taong gustong magyaya sa aking magsimba.)

Ngunit nagulat ako sa ipinamahagi niya sa akin: "May panahon tayo sa pamilya natin. May panahon tayo sa trabaho natin, sa mga kaibigan, sa paglilibang-libang. Pero higit sa lahat, sana'y may panahon tayo sa Diyos. Pati ba naman iyon ay ipagkakait mo sa Diyos at igugugol mo lamang ito para sa iyong sarili? Sana maunawaan mo ito sa iyong buhay." (Siguro maiisip ninyong tama na unang priority ang Diyos kaysa sa lahat. Ito'y isang bagay na mali, dahil maaaring Siya ang unang priority sa buhay natin ngunit hindi pa rin Siya ang lahat sa buhay natin.)

Hindi ko lang alam kung ipinalangin ako ng Kristianong lalaking ito o hindi, dahil doon na nag-umpisang kumilos ang Panginoon sa aking buhay. Ang sumunod na nangyari ay ito: nakasamaan ko ng loob ang pinakamatalik kong kaibigang-babae. Ito naman ang nakapagbigay sa akin ng sobrang kalungkutan hanggang sa kinapootan ko siya. Sa madaling sabi, nag-umpisa na akong umiwas sa mga kaibigan ko at umabot ito ng walong buwan. Sinubok ko ring makipagkaibigan sa mga bagong kakilala, ngunit mas mahirap ang naging kalagayan ko dahil kulang na ako sa pagtitiwala. Minabuti ko na lamang na hindi mag-day-off.

Nagtuloy-tuloy ito hanggang nalaman ng isa kong kaibagang kagagaling lamang sa Singapore ang nangyayari sa akin. Niyaya niya akong bumisita sa kanilang simbahan. Ito ang pinaka-una kong karanasan na dumalo sa ganitong fellowship. Sa totoo lang, pinagpala ako sa mensaheng narinig ko tungkol sa "Ilaw ng Mundo", ngunit pakiramdam ko ay napaka-old fashioned ng mga Kristiano doon. Gayonpaman, hindi ko natantong iyon na pala ang umpisang paghaplos ng Panginoon sa aking puso sa pamamagitan ng Kanyang Salita.

Pagkaraan ng isang linggo pagkatapos ng pagbisita ko sa simbahang iyon, tinawagan ko ang pinsan kong natukoy kanina at naikuwento sa kanya ang bago kong karanasang ito. Nagkaroon siya ng lakas ng loob na magyaya sa akin upang pumunta naman sa simbahan nila sa Grace Christian Church. (Ang pangangalaga sa Church na ito ay naibigay sa Christian Disciples' Church [CDC] pagkatapos yumao ng dating namumuno na si Pastor Edgar Loquias noong Marso 1997. Sa ganito ay nabago ang pangalan ng simbahan at naging CDC - Grace Branch noong Hunyo 1997).

Sa umpisa, lubos ang pag-aatubili kong pumunta doon, dahil lubha akong takot na makakita ulit ng mga taong-simbahan. Sa una, nakagulo ito sa aking isipan sa buong linggo kung pauunlakan ko ba ang paanyaya ng aking pinsan o hindi. Gayonpaman, dahil sa pagtitiyaga ng pinsan ko sa pag-imbita sa akin, nasabi ko sa aking sarili, "Sige, subukan ko kahit isa na lamang na pagkakataon. A, hindi naman ako mamamatay!"

Alam niyo ba kung ano ang nangyari? Pagkapasok ko pa lamang sa loob ng simbahan, hindi ko maintindihan kung bakit ako nanginginig at lubos na nahihiya sa mga tao roon. Ngunit, sa kaloob-looban ko'y mayroong isang pagtataka kung bakit ang mga tao sa paligid ay para bang may kakaibang saya at kapayapaan.

Ang mensahe ng pastor na si Ed Loquias ay ganito: "Ano ang kulay ng pag-ibig?" Sumagot naman ang mga tao ng iba't-ibang kulay - may pink, may pula, may puti, at iba pa. Nagpatuloy si Pastor Loquias, "Ikaw ba'y umibig na? Kung ganoon, maaari mong makita ang mga bagay-bagay sa paligid mo na pawang napakaganda at makukulay na gaya ng rainbow." Nagtawanan ang mga tao, ngunit nagpatuloy siya, "Napopoot ka ba sa iyong kapwa? Mayroon ka bang kinapopootan? Kung ganoon, ikaw ay mamamatay-tao. "Ang sinomang napopoot sa kanyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan." [1 Juan 3:15] Ang poot ay nabubuo sa puso. Dahil sa sobrang galit, pinapatay mo na ang taong kinapopootan mo mismo sa iyong puso, hanggang makagagawa ka na ng literal na aksiyon. Ang sinomang mamamatay-tao ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Hindi ka patatawarin ng Diyos, maliban na matuto kang magpatawad, umibig, at magpakumbaba sa harapan ng Diyos."

Nagkamali ako sa una kong inasahan na sa pagdalo ko sa simbahan ay hindi ako mamamatay. Pinatay ako! Pinatay ang aking pride at pagkamakasarili. Sa sandaling iyon, nagmakaawa akong mapatawad ng Diyos at hiniling ko sa Kanyang isiwalat Niya sa akin ang Kanyang kadakilaan. Ang pagkapoot ko ay agad-agad na nawala at natuto rin akong magpatawad sa kaibigan kong kinapootan. Nakipagbati ako agad sa kanya.

Nang lumabas ako sa simbahan sa araw na iyon, ako ay ganap na pinagpala. Sinisi ko pa nga ang pinsan ko kung bakit hindi siya nagtiyagang imbitahin ako upang mas maagang makalapit sa Panginoon. Sinabi naman niyang ginawa niya iyon noon at ako lang ang tumanggi! At kanyang ipinaliwanag na mayroong isang plano ang Diyos sa aking buhay kung kaya't tinawag Niya ako sa tamang panahon at sa tamang lugar na kung saan ay malalaman ko ang mga espiritual na bagay. Nangako akong magpapatuloy mula noon na magsamba sa Panginoon sa Grace Church at mag-aral ng Kanyang Salita. Nagkaroon agad ako ng Biblia at buong puso kong binasa ito mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. (Natapos ko itong basahin ng mga isang taon. Kayo, kung may Biblia kayo, binabasa ninyo ba ito?)

Sa pagpapatuloy ko sa simbahan at sa aking pagbabasa ng Biblia, paunti-unting nabago ang aking pagkatao. Hindi ako ang bumago sa aking sarili dahil wala akong kakayahan at kapangyarihang gawin ito. Ang Panginoong Jesus ang bumago sa akin. At ito ang pinakamalaking mirakulo na ginawa ng Diyos sa aking buhay. Sa katunayan, hindi ko namalayan ang mga pagbabago ko hanggang natuto akong magbulay-bulay ng Salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Napakaraming pagtutuwid na ginawa sa akin ng Diyos, ngunit ang kapalit nito ay bagong usbong ng buhay espirituwal sa pagpapatnubay ng Banal na Espiritu.

Laging nangungusap sa akin ang Panginoon lalo na sa pamamagitan ng mga panaginip mula noon hanggang ngayon. Mayroon akong gustong ipamahaging panaginip sa inyo. Ito ay nangyari mga ilang buwan na lamang bago ko itinalaga ang aking buhay sa Panginoong Jesus sa pamamagitan ng bautismo. Napakalinaw na nakita ko sa aking panaginip ito. Ako ay nasa loob ng isang bahay. May alaga raw akong isang higanteng pugita sa loob ng isang napakalaking aquarium. Ito ay gutom na gutom. Naipakain ko na sa kanya ang lahat. Pati na rin ang mga kasangkapan sa bahay ay nakain na rin nito. Nasimot na ang lahat; malinis na malinis na ang bahay. Pero wala pa rin siyang kabusugan.

Bigla na lang may lumitaw na isang korderong puting-puti. Sinabi sa akin ng kordero na iwanan ko na ang alaga kong pugita dahil kung hindi, ako ang susunod nitong kainin. Ngunit habang nagsasalita pa ang kordero, biglang hinagupit ito ng pugita sa pamamagitan ng mga galamay nito. Ang kordero ay naging duguan at sugatan at para bang mamamatay na. Paanoman, ang kordero ay nagsalita at sinabi sa akin, "Kung susundin mo ang pugita, papatayin ka nito. Ngunit halika! Sumunod ka sa Akin." Nagbukas ang pinto ng bahay. Lumakad ang kordero palabas sa pintuan at walang-takot akong sumunod agad sa Kanya.

Nabautismuhan ako noong Mayo 1996 at magmula noon ay sumunod na ako sa Panginoong Jesus. Siya ang Kordero ng Diyos na namatay at tumubos sa kasalanan ng sanglibutan, na nabuhay muli, at sa pamamagitan ng buhay Niya,  tayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ito ay kung tayo ay tunay na sumusunod at nananampalataya sa Kanya. Kailanman ay hindi ko pinagsisisihan ang aking pagsunod sa Kanya.

Nang napasakop na ang Grace Church sa CDC, mas kakaiba ang nasaksihan kong buhay ng mga bagong namumuno sa amin. Nakita kong ipinamumuhay nila kung ano ang kanilang itinuturong Salita ng Diyos. Naging ilaw sila sa amin upang mas lalo pa kaming lumakad na kasama ang Panginoon. Nakita namin ang kalaliman ng kanilang itinuturong Salita ng Diyos na nanggaling sa paglilingkod at pagtataguyod ni Pastor Eric Chang, ang founder ng Disciples Church.

Dahil dito, mas lalo akong nabigyang sigla na humangad pang mag-aral ng Salita ng Diyos. Ngunit nakita ko rin ang mga kahinaan ko at humarap din ako sa mga pagtutuwid ng Panginoon sa aking buhay. Pinarurusahan din Niya ako kapag ako'y nagkakasala sa Kanya. Dahil sa Kanyang awa't habag, itinutuwid Niya ako mula sa aking mga pagkakamali, upang muli ay manumbalik at magtiwala sa Kanya.

Marami ring pagsubok na dumaan sa aking buhay-Kristiano, ngunit mas lalo pa Niyang pinatibay ang aking pananampalataya. Noong una, nakaranas din ako ng pag-uusig mula sa pamilya ko, lalo na mula sa Nanay ko, dahil hindi siya masaya sa aking pagsunod kay Cristo. Itinuring niya akong maasim na bunga ng pamilya namin. Ngunit patuloy akong pinalakas ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at ganoon din sa mga mirakulong naranasan ko mula sa Kanya.

Sa mga buwang inuusig ako ng pamilya ko, doon ko naman naranasan ang katapatan at pagmamahal ng Diyos. Ang ipinaaalala sa akin ng Panginoon noon ayon sa Kanyang Salita ay: "Kung hindi mo kapootan ang sarili mong ama't ina, mga kapatid, at mismo mong sarili, hindi ka karapat-dapat na maging disipulo ko." Ang mga salitang ito ang nagtaguyod sa akin sa gitna ng pag-uusig na sumunod sa Kanya. At nakita ko ang Kanyang katapatan sa akin nang ilang ulit Niya akong iniligtas sa mga panganib.

Minsa'y bumagyo nang napakalakas sa Hong Kong. Naitaon na Linggo ito. Gaya nang dati, nagsamba ako kahit na may bagyo. Pagsara ng simbahan, nangusap sa akin ang Panginoon at sinabi Niyang umuwi ako agad. Ngunit sa pag-uwi, wala nang masakyan, kaya naglakad na lang ako. Basang-basa ako nang dumating sa bahay ng amo ko. Pagkabukas ko ng pinto, nakita ko na bukas ang mga bintana sa sala at basa ang mga kagamitan. Pumunta ako sa silid ng mga alaga ko at nakita na bahang baha ang loob nito, hanggang bukong-bukong ng paa. Bukas ang bintana. Nakita ko ring naiwanang umaandar ang electric fan.  Patakbo kong gustong patayin ang electric fan, ngunit na-ground ang mga daliri ko! Sa bilis ng pangyayari, wala-sa-isip kong hinugot ang plug mula sa saksakan ng koryente, na isang extension line.  Dahil sa ito'y isang live wire, at ako'y basang nakatayo sa baha, dapat nakoryete na ako! Ngunit iniligtas ako ng Panginoon at narito akong naibabahagi ito sa inyo ngayon.

Nang minsan pa, habang ako'y nagluluto ng lunch sa kusina, nanganib na naman ang aking buhay. Mahangin nang araw na iyon kaya't isinarado ko ang bintana at nag-iwan ng maliit na awang. Malapit ang stove sa bintana. Bigla na lang ibinalibag nang napakalakas na hangin ang bintana! Parang may tumamang bagay kung kaya't may butas sa gitna ng salamin singlaki ng basketbol. Nagkalat ang bubog sa buong kusina. Ngunit kahit isang kapirasong bubog ay walang tumama sa akin. Kung tutuusin, mga 3 feet lamang ang layo ng bintana sa mukha ko. Dapat may tumama sa akin. Alam kong ito'y isang himala.

Marami pa akong naranasang himala gaya ng mga pagligtas mula sa aksidente sa sasakyan; paghilom mula sa mga sakit at iba pa. Napakarami ng mga ito na kukulangin tayo sa oras kung ikukuwento lahat.

Nagpapasalamat ako sa Diyos na kahit na dumarating at lumilipas ang mga masalimuot na panahon sa aking buhay, binibigyan pa rin Niya ako ng mapayapang puso. Lalo ko itong naranasan noong namatay ang bunso kong kapatid sa pagkabangga sa kanya ng isang motorsiklo bago mag- Bagong Taon ng 2001. Napakarami ko noong katanungan sa Diyos. Ang isa'y kung bakit ganoon ang nangyari sa kapatid ko. Nasabi ko pa nga na sana ako na lang ang namatay kaysa sa kanya. Dahil nakapagbigay ng sobrang pighati sa pamilya ko ang pagkamatay niya, naisip ko ito. Ngunit ginamit ng Panginoon ang isa ko pang pinsan sa Grace Church upang ipaunawa sa akin na ang kaisipan ng Diyos ay ibang-iba sa ating kaisipan. Kung ako ang namatay, hindi pa pala ako handang humarap sa Panginoon dahil wala pa akong nagagawa para sa Kanya.

Natanto kong napaka-iksi ng buhay-pisikal, na sa isang iglap lamang ay maaaring mawalan tayo ng buhay. Higit sa lahat, Diyos lamang ang may hawak ng buhay ng sanglibutan. Kung hindi natin ito gagamitin para sa mga gawain ng Panginoon ay wala itong silbi. Kaya't napagpasyahan kong mag-apply sa isang Evangelistic Training ng CDC sa Maynila noong Abril 2001 upang maging mas malalim pa ang pag-unawa ko sa Salita ng Diyos na magagamit sa paninilbihang full-time sa Kanya. Sa awa Niya, ako naman ay natanggap. Ibig sabihin nito, iniwanan ko ang aking trabaho sa Hong Kong, at ganoon din sa inako kong pinansiyal na resposibilidad para sa aking pamilya.

Kumilos ang Panginoon sa buhay ng Nanay ko. Dati, hindi niya matanggap ang aking pagsunod kay Cristo. Kung hindi ako sumunod sa Diyos, paano ko maipakikita sa pamilya ko na ang pinili kong paglingkuran ay ang buhay na Diyos? Nabigyan ng pagkakataon ang Nanay kong makasali sa isang Church Camp ng CDC - Manila Branch noong kauumpisa pa lamang ng training namin sa Maynila. At doon ko lamang siya nakitang naging masaya pagkatapos ng kamatayan ng kapatid ko. Doon na rin niya ibinigay ang pagbabasbas sa aking desisyong maging full-time na manilbihan sa Panginoon. Sa mga araw na ito, siya ang pinakamasipag mag-aral ng Salita ng Diyos sa aming tahanan.

Sa paninilbihan ko sa Panginoon dito sa Pilipinas kasama ang ilang ka-manggagawa, marami rin akong natutuhang mga espirituwal na bagay, lalo na sa teamwork sa paglilingkod sa Panginoon, kahit na marami rin kaming mga kaibahan sa pananaw, pag-uugali, at iba pa. Mas lalong pinagtitibay ng Panginoon ang aming pagkakaisa sa gawain lalo na kung kami ay humaharap sa mga problema. Sama-sama kaming nananalangin sa paghingi ng patnubay at tulong sa Diyos. Wala rin kaming mga alalahanin sa buhay maski sa mga araw-araw naming pangangailangan dahil ang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng kailangan namin. Sa Panginoon kami nakadepende. Ayaw naming dumepende sa mga materyal na bagay dahil hindi ito kailanman maaaring ihalo sa mga espirituwal na bagay.

Maraming beses ko nang naranasan ang mga mirakulong pagbibigay ng Panginoon sa mga pangangailangan ko. Ibabahagi ko ang dalawang karanasan kong kamangha-mangha sa aking mga misyon sa taong ito (2004). Una, naranasan kong magipit sa pera, ngunit milagrong nagbigay ang Panginoon sa aking mga pangangailangan. Sa isang mission trip ko sa Luzon, nabigyan ako ng pagkakataong makadalaw naman sa pamilya ko, lalo na sa mga magulang ko. Ayaw ko ipagsabi kaninoman, lalo na sa pamilya ko, na ang perang natitira sa aking wallet ay kulang pang pamasaheng papuntang Maynila upang makabalik sa Iloilo (na destino ko noon). Dahil ayaw kong masira ang patotoo ko sa mga tao, lalo na sa pamilya ko, na hindi kailanman nagpapabaya ang Diyos sa lahat ng mga pangangailangan ng mga tunay na sumunod sa Kanya, minabuti kong sarilinin ang lahat at ipa-ubaya na lamang ito sa Diyos.

Isinaayos lahat ng Panginoon. Malinaw kong narinig ang boses Niya sa akin kung papaano ako makasasakay sa isang bus biyaheng Maynila. Sa hindi ko inasahang mangyayari, siningil ako ng konduktor ng bus na sinakyan ko nang may bawas mula sa normal na pamasahe. May 17% discount ako! Dalawang ulit kong pinaikot-ikot ang tiket sa pag-aakalang mali lang ang tingin ko, pero hindi naman mali. Tinanong ko pa nga ang konduktor na baka nagkamali lang siya nang nailagay. Pero ang sabi niya, "Iyan lang po Ma'am ang pamasahe mo." Wow! Eksakto ang pera sa wallet ko para sa pamasahe at nakakain pa ako ng isang siopao sa pananghalian. At isang ka-manggagawa ko sa Maynila sa araw ding iyon ang buong pagmamahal na nag-abot sa akin ng pera. Alam ba ninyo, eksakto rin ang perang ibinigay niya para magamit kong pabalik sa Iloilo? Kung paano niya nalamang wala akong pera, iyan ay maaaring ipinahiwatig ng Panginoon sa kanya. Purihin ang Panginoon sa ginawa Niya!

Ang pangalawang karanasan ay ang misyon ko naman sa Ilocos Norte noong Mayo 2004. Sa misyong ito, nagministro ako kay Freddie. Siya'y isang paralisado. Isang taon at pitong buwan na siya sa kalagayang ito.  Naaksidente siya noong Marso 2003, kasama ng nanay niya. Tumilapon sila mula sa minamanehong motorsiklo patungo sa isang malalim na pampang. Tatlong araw lang ang nakalipas mula nang aksidente nang nagkataong naroon ako sa lugar nila at nadalaw sila sa ospital. Sa dalaw na iyon, pumunta ako upang mag-encourage at manalangin para sa kanila.

Nakalipas ang isang taon. Nabigyan kami ng mga kasama ko ng pagkakataong makapagmisyon sa lugar nila noong April 2004. Buong pusong nanalangin si Freddie sa Panginoon na makababalik pa ako muli sa kanila upang makapakinig ng Salita ng Diyos. At nasagot naman siya ng Diyos! Kaya nga noong Mayo 2004, binigyan ako ng Panginoon ng pribilehiyong maiayos ang mission trip ko pabalik doon. Sa pagpunta ko doon, wala akong siguradong matutuluyang tahanan dahil sa mga pangpamilyang kadahilanan ng mga kaibigan ko roon. Ngunit hindi ko ipinagpaliban ang paglalakbay. Naranasan ko ang patnubay ng Panginoon kung saan manunuluyan. Narinig ko ang Kanyang boses. Ginabayan Niya ako, "Sa grocery store." Sumakay ako ng tricycle at nagpahatid sa grocery store. "Magtanong ka." Nagtanong ako sa nasa-counter kung may alam silang puwedeng matuluyan. Hindi pamilyar sa akin ang lugar na ito at wala man lang akong kakilala roon kahit na isang tao. Itinuro ako sa isang bahay na pag-aari ng isang butihing ginang.

May kalayuan man ang tiniluyan kong bahay sa kina-Freddie, ngunit araw-araw, tinulungan ako ng Panginoon sa pagbalik-balik sa kanila upang makapagbahagi ng Salita ng Diyos sa kanya. Walong araw lang ako roon. Bawat araw, naranasan ko ang tulong ng Panginoon kung paano makararating sa kanila. Minsa'y may nagdaang tricycle at hindi nagpabayad dahil siya'y pastor pala. Tag-ulan noon, at ilang beses na tumila ang ulan sa tuwing pupunta na ako kina Freddie. 

Sa pagkain din, naranasan ko ang pagpapaubaya ng Panginoon. Hindi ako makapagluto sa tinutuluyan ko. May kapatirang nagpapabaon para sa akin ng makakain ko, may iba ring nagbibigay ng prutas, at pati na ang landlady ko ay nagbibigay rin ng sari-saring kakanin. Nagkasya ang maliit kong budget sa misyong ito. Paulit-ulit kong naranasan ang kabutihan katapatan ng Diyos sa Kanyang mga alagad.

Tunay na naihanda ng Panginoon ang puso ni Freddie. Sa kabila ng paghihirap niya sa kanyang pagkaparalisado, naitalaga niya nang tuluyan ang kanyang kaluluwa sa Panginoon. Humingi siya ng tunay na mirakulo, hindi sa pisikal na kagamutan, kundi sa kapatawaran ng Diyos sa kanyang mga kasalanan. Binago ng Diyos ang kanyang puso upang magkaroon siya ng bagong buhay-espirituwal. Bago ako umalis sa Ilocos Norte pagkatapos ng walong araw na misyong iyon, nasabi ni Freddie na napanaginipan niyang nabautismuhan siya.

Pagkalipas ng limang buwan, muli'y nabigyan ako ng pagkakataong makabalik kay Freddie, kasama ang aking mga ka-manggagawa upang ihanda ang kaluluwa niya sa harapan ng Panginoon. Naisagawa ang bautismo sa kanya bago siya namayapang binawian ng pisikal na buhay. Habang kami ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Panginoon, mayroong siyang napakatamis na ngiti sa kanyang mukha. Nagningning din ang kanyang mga mata bago nahugutan ng hininga na sinalubong ng Panginoon.

Sa panahong iyon, marami kaming mga datihan at bagong kakilala dito sa Pilipinas na namatay. Ito ay tunay na pagpapaunawa at nagpapaalala sa amin ng Diyos na Siya lamang ang may hawak ng buhay. Anumang oras, maaari Niya tayong bawian ng buhay-pisikal. Ngunit paano natin pinangangasiwaan ang buhay-pisikal na ito na ibinigay Niya sa atin? Pangsarili lang ba nating kaligayahan at kapakanan ang iniisip natin? O napag-isipan na ba nating walang-silbi ang buhay-pisikal kung hindi naman natin kinikilala ang nagbigay ng buhay na ito?

Isa pang karanasan ang gusto kong ibahagi sa inyo bago ako magtapos sa patotoong ito. Ito ay tungkol sa buhay ng isang tiyo sa Iloilo - si Tiyo Manuel. Dati siyang nakilala at nabahagian ng Salita ng Diyos ng isang kapatirang lalaki mula sa Grace Church mula Marso hanggang May 2003. Ipinagpatuloy naman namin siyang ministrohan mula Agosto 2003 hanggang Marso 2004 bago siya namatay.

Ang kuwento ng buhay ni Tiyo Manuel ay ganito. Nang siya'y malakas pa, inabuso niya ang kanyang katawan sa mga bisyo. Sa isip niya, nasa katutubong edad pa lamang siya at hindi niya naisip na sinisira niya ang kanyang kalusugan. Hanggang dumating ang araw na siya ay nagkasakit ng tuberculosis at hika. Humina siya nang humina hanggang halos hindi na siya makabangon mula sa higaan at ang bawat hininga'y hinahabol.

Ngunit, sa kalagayang ito siya nabigyan ng pagkakataon ng Diyos na makakilala sa Kanya. Nakita niya ang pag-ibig ni Jesus para sa kanya sa pagbibisita at pananalangin namin para sa kanya. Nakita niya na lumilipas ang buhay nating pisikal sa mundong ito sa unti-unti niyang panghihina sa bawat araw. Kinalimutan na niyang hilingin sa Diyos ang mirakulong kagalingan ng pisikal niyang katawan, kundi puro pang-espirituwal na mirakulo na lamang ang hiniling niya sa Diyos. Buong puso siyang nanampalataya sa Panginoon at buong puso rin siyang humingi ng kapatawaran ng Diyos sa kanyang mga kasalanan, lalo na sa pang-aabuso sa katawan. Natutunan niyang makausap bilang kaibigan si Cristo. Nagkaroon siya ng pag-asa na makapiling ang Panginoon sa kabilang buhay. Ina-asam-asam pa nga niyang mapalapit na ang araw na iyon. Nang binawian siya ng buhay ng Panginoon, napakapayapa niya.

***

Ang pinakamalaking milagro na mababasa natin sa Biblia ay ang pagbabagong buhay ng tao. Hindi natin kayang baguhin ang puso natin. Hindi natin kayang baguhin ang sarili natin. Diyos lamang ang makagagawa niyon sa atin. Tulad ni Tiyo Manuel at ni Freddie, naunawaan nilang mabuti na ang pisikal na buhay ay yumayao at may hangganan. Buong puso nilang hiniling sa Panginoon ang mga espirituwal na pag-iintindi sa lahat ng mga itinuturo ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng mga pagdurusa't paghihirap na idinudulot ng sakit. Buong puso nilang hiniling sa Diyos ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan at paglilinis ng Panginoon sa kanilang puso. Inasam nilang magkaroon ng espirituwal na buhay kay Cristo, upang sa ganoon, kung mabawian na sila ng buhay-pisikal, handa na silang humarap sa Panginoon sa Judgment Day, at sa kabila niyon, ang makapiling ang Kordero ng Diyos sa Kanyang Kaharian nang walang hanggan.

Purihin ang Panginoon sa mga kaluluwang ito na nagbigay sa akin ng matamis na encouragement upang patuloy na lumakad kasama ng Kordero ng Diyos. Ilan pa kayang gaya ni Tiyo Manuel at ni Freddie ang babaguhin ng Diyos? Sana, sa mga makababasa sa patotoo kong ito, magkaroon din sila ng pagkakataong makilala nila ang Panginoon sa kanilang buhay. Binibigyan tayong lahat ng Diyos ng pagkakataong makakilala at manumbalik sa Kanya, ngunit napakaunti lamang ang nakasusumpong nito. Hihintayin pa ba nating lumipas ang lahat ng pagkakataon bago natin italaga ang ating buhay sa Kanya, kapag huli na ang lahat?

Dito nagwawakas ang pagbabahagi

KAILAN PA?

Kailan pa ibibigay ang buhay mo't lakas?
Sa Kanya na nagbigay sa 'yo ng buhay na wagas;
Ang Pangalan Niyang banal, kailan itatanyag?
Kung wala nang pagkakataon, at huli na ang lahat!

At kung ang araw mo'y lumipas na,
Makuha mo pa kayang Siya ay paglingkuran?
Kailan pa kaya maglilingkod sa Diyos?
Kung hindi ngayon, kailan pa?

At kung ang araw mo'y lumipas na,
Makuha mo pa kayang Siya ay paglingkuran?
Kailan pa kaya maglilingkod sa Diyos?
Kung hindi ngayon, kung hindi ngayon,
Kung hindi ngayon, kailan pa?
            

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kabutihan At Katapatan Ng Panginoon

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Umikot at Nadapa


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.