|
ChristianDisciplesChurch A Christian Evangelism and Discipling Ministry |
|||||||
|
|||||||
|
Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng
Lilim ng Kamatayan Jing Rong Wang, Christian Gospel Disciples Church Paunang Salita Una, napansin natin na ang pagdurusa ay palaging nangyayari sa buong itinagal ng kanyang buhay. Batid natin na kahit ngayon, sa kanyang matandang edad (siya'y nasa kalagitnaan na ng kanyang 70 taong gulang), siya'y nagdurusa sa pisikal na mga kahinaan at mga sakit, ilang bahagė nito ay maaaring dahil sa mga bagay na kanyang tiniis noong kabataan niya. Pangalawa, ang normal na saloobin na inaasahan nating makikita sa isang nakararanas ng matindi at matagal na pagdurusa, gaya ng damdamin ng pagka-awa sa sarili, ng malaking sama ng loob sa mga taong naging sanhi ng marami niyang kapaitan sa buhay, at ang pagdaing o pagreklamo ukol sa di-makatarungang pagpapahintulot ng Diyos na magdusa siya higit sa ibang tao - ang saloobing ito at ang mga damdaming ito ay hindi matatagpuan sa kanyang patotoo. Siyempre, ito ay hindi pagsasabi na hindi siya kailanman nagkaroon ng pakikibaka sa mga ganoong kaisipan. Ngunit ang nakita rito ay ang sa pamamagitan ng mapagwaging biyaya ng Diyos, napagwagian niya ang lahat ng iyon. Panghuli, ang malinaw na lumabas sa kanyang patotoo, sa makatuwid, ay ang tahimik at tapat na pananampalataya, kung saan sa pamamagitan nito ay napagtatagumpayan niya ang sanlibutan kasama ang mga kapighatian nito. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, "Ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang ating pananampalataya." (1 Juan 5:4; Juan 16:33) Sa panahong ang nangingibabaw na kaisipan ng tao ay binubuo sa katanungang "Ano ang makukuha ko sa pagiging isang Kristiano?" tayo'y nagulat, halos mamangha, na matagpuan ang isang tao na hindi kailanman nagtatanong ng ganoong katanungan. Ito ba'y sa kadahilanang natutuhan niya ito sa halimbawa ng kanyang ama, na kahit na siya at ang pamilya niya ay nabubuhay sa kahabag-habag na karalitaan, gayunpaman ay ipinamigay niya ang tanging pag-aari niya na mahalaga - isang asno - bilang isang alay sa Panginoon?! Hindi ba nito ipinapaalala sa atin ang dukhang balong babae at ang dalawa niyang lepta [mite], kung saan iyon ang lahat ng pag-aari niya? (Marcos 12:42-44; Lucas 21:2-4) Napakaraming tao sa ngayon ang naging Kristiano dahil sa nais nilang makakuha ng lahat ng urė ng pakinabang mula sa Diyos. Pisikal na pakinabang tulad ng kagalingan sa sakit at kalusugan ang nasa taas ng listahan. Pero kasama na rin ang mga materyal na kapakinabangan tulad ng kasaganahan at mga kayamanan, at pangkaisipang kapakinabangan tulad ng kapayapaan ng pag-iisip at kagalakan (at siyempre, walang pagdurusa). Dito'y malinaw na may dalawang urė ng mga Kristiano: (1) Yung mga palaging humihiling ng kung anu-ano nilang mapapakinabangan, (2) Yung mga higit na nais itanong kung may maiaalay ba sila - gaano man kaliit ito - sa Kanya na umibig sa atin at ibinigay ang Kanyang sarili para sa atin (Efeso 5:2; Galacia 2:20). Malinaw rin na iyong mga nasa unang urė ay matatagpuang imposible ang maunawaan iyong mga nasa ikalawang urė. Sa katunayan, maaaring para sa kanila ay lubhang nakalulungkot ang patotoong ito! Ngunit dito lalabas ang katanungan: Alin sa dalawang magkaibang urė ng Kristiano ang tunay na Kristiano batay sa katangi-tanging turo ng Panginoon at sa pangkalahatang turo sa Bagong Tipan? Marahil ang pagpuri ng Panginoon sa dukhang balong babae na nabanggit sa itaas ay sapat na kasagutan. Sa mga huling araw na ito, kung saan ang antas ng tukso at pagdurusa ng mga tunay na mananampalataya ay madadagdagan pa (tulad ng babala sa atin sa Kasulatan), lubhang mahalaga na matuto tayo mula sa patotoo at halimbawa ng mahal na kapatid na babaeng ito. Ang panawagan ni Jesus sa Kanyang Simbahan ay, "Magtapat ka hanggang kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay." (Apocalipsis 2:10) Sa patotoong ito, narinig ko ang tugon ng kapatid na babaeng ito sa mga salita ni Job, "Bagaman ako'y patayin niya, akin ding hihintayin [pagtitiwalaan] siya." (Job 13:15) Ano kaya ang magiging tugon natin? Eric Chang
Mga Pagkilala ng Tagapagsalin Nang una kong mabasa ang mga makapangyarihang patotoo nina kapatirang Jing Rong at ng anak niyang si Jonathan, ako'y naiyak. Hindi pa ako kailanman nakarinig ng sinuman na dumanas ng pagkagutom at napakaraming paghihirap mula nang ipinanganak hanggang sa halos buong buhay na nila. Bukod doon, ako'y naantig kung paano ang kanilang pagtitiwala sa Panginoon ang siyang nagbigay-lakas sa kanila upang lagi silang mabuhay na may pasasalamat at kagalakan, habang sila'y nagdurusa upang manatiling tapat sa Kanya. Kung kaya't naudyok akong isalin ang aklat na ito sa Ingles [mula sa Intsik] upang ang bahagė ng sanlibutan na Ingles ang sinasalita ay malaman ang lawak at tindi ng pagdurusang tiniis ng maraming bukod-tanging Kristiano sa Tsina. Sa aking palagay, ang tatlong henerasyon ng pamilyang Kristianong ito ay isang tamang pagsalalarawan kung ano ang pagdurusa ng mga Kristiano sa Tsina at gaano pa kalaki ang maaari nilang pagdusahan kapag pinilė nilang maging tapat sa ating Panginoon. At habang ako'y nag-aalala kung paano ako mananatiling tapat sa harap ng matinding pagdurusa para sa kapakanan ni Jesus, ang mga matatapat na ito ang naging katibayan sa akin na Siya ay
Winnie Yee
Ang Kahalagahan ng Pagdurusa
Ang Aking Pamilya - Nakatagpo ng Kagalakan
sa Pagdurusa Panglima ako sa isang mag-anak na may maraming babae. Dahil ang pang-apat namin ay isang babae rin, tinawag siya ng lola ko na "Kalungkutan ni Lola." Si lola ay isang tradisyunal na babae na may feudal values, ibig-sabihin, mas gusto niya ang mga lalaki at ayaw niya sa mga batang babae. Kaya't nang dumating ako, higit akong inayawan ni lola. Kahit na 5 taong gulang na ako, hindi ko pa kayang lumakad. Tinawag ako ni lola na "Ang Pilay." Mahigpit na pinagbawalan niya ang nanay ko na kargahin ako at hawakan ako. Ako raw ay palalakihing tulad sa isang aso. Kung mamatay man o mabuhay ako ay hindi mahalaga. Tinanong ko ang nanay ko, "Bakit ayaw mo akong kargahin?" Lumuluha siyang sumagot, "Wala akong 'mabuting kapalarang' hawakan ka. Kapag kinarga kita, sasaktan ako ng lola mo." Nang pumanaw ang lola, mapagmahal na inalagaan ako ng nanay ko, kung kaya't mabilis akong lumaki. Nag-umpisa akong mag-aral nang pitong taong gulang na ako. Sampu kami sa aming pamilya at lahat kami ay umaasa sa isang asno na maggiling ng arina para sa amin. Pagkatapos ibenta ang arina, ilulugaw namin ang natitirang darak. Hindi mabusog ang mga tiyan namin sa lugaw na ito at lagi kaming gutom. Hindi ko malilimutan ang tulang isinulat ng pangatlo kong kuya, na naglalarawan ng abang kalagayan ng aming pamilya. Ito'y isinulat nang ika-12 buwan ng taon, nang may ugong ng hanging umiihip mula sa norte at mabibigat na niyebeng [snow] bumabagsak. Ang tula, kapag isinalin, ay ganito:
Lahat ay masayang binabatė ang pagdating ng Bagong Taon, naghahanda ng lahat ng klase ng piling pagkain - pinasingawan, ginisa at pinirito - na nagpuno ng hangin ng nakagaganang amoy. Nag-shopping ang mga pamilya upang masiyahan silang makasuot ng mga bagong damit sa Bagong Taon. Gayunman, walang paghahandang nangyayari sa aming kusina, at walang anumang niluluto sa aming kalan. Sa katunayan, wala kaming makain. Lahat kaming mga babae ay nalulungkot, pero ang ama namin ay hindi man lamang nagulumihanan. Sa halip, ibinaling niya ang aming atensyon sa pagsasamba sa Panginoon. Kaming mga babae ay napakamatulungin sa isa't isa at ang nakatatanda naming mga kapatid na lalaki ay taos-puso kaming minamahal. At ang Diyos ay kasama namin. Sa ganitong paraan, umaapaw pa rin sa pamilya namin ang espiritu ng pista. Ang karalitaan at kasalatan sa katunayan ang humubog sa amin na maging isang pamilyang pambihira sa pagiging malapit sa isa't isa. Nang nagsilakihan na ang tatlo kong kapatid na lalaki, sila'y nagsipag-aral sa mga paaralang Cristiano. Bilang resulta nito, hindi lamang sila nakakamtan ng magandang edukasyon, ngunit nagkaroon pa sila ng mahusay na pundasyon sa pananampalataya. Gustong-gusto nilang umawit ng papuri sa Diyos, at sila rin ay tumutugtog ng plauta at ng hou lou qin, isang instrumentong may dalawang string. Ang bawat isa sa amin ay may biyayang ipinagkaloob sa musika at kami'y naging isang pamilyang napaka-blessed ng Diyos.
Ng Buo Niyang Puso, Kalakasan at Katapatan Di-kalaunang pagkapamigay ng aking ama ng asno, pinagkalooban kami ng Panginoon ng dalawang kambing na makukunan ng gatas. Kaya't nag-umpisa kaming magbenta ng gatas ng kambing. Unti-unti, nadagdagan ang aming kawan ng kambing at dumami ang aming mga sukė. Pinagkalooban din kami ng kaibigan ng aking kapatid na lalaki ng bakang mapagkukunan ng gatas, kaya't agad nagkaroon ang aming pamilya ng aming sariling gatasan. Kami lang ang tanging may gatasan sa maliit naming bayan, kung kaya't kahit na ang mga mayayaman ay palaging bumibili ng gatas sa amin. Kami'y nagpapasalamat sa aming Ama na nasa langit sa di-inaasahang pagbibigay ng isang paraan upang may makukunan kami ng ikapapamuhay. At kami'y naging mas masaya habang ang buhay namin ay naging mas panatag.
Isang Walang-Awang Giyera Ang ama ko ay isang napakamakabayang tao at ipinagkapupuri niya ang kanyang bansa. Dahil sa hindi niya makayanang manirahan sa ilalim ng pagmamalupit ng mga Hapones, ipinasya niyang sumapė sa puwersang lalaban sa mga Hapones. Gayunman, inaresto siya ng walang-habag na kaaway pagkaraan lamang ng anim na buwan mula nang siya'y magpalista. Bago siya patayin, humiling siya ng ilang minuto upang manalangin. Sa kanyang tuhod inialay niya ang kanyang espiritu at nagmakaawa siya sa Panginoon na alagaan ang kanyang asawa't mga anak. Kaya, ang ama ko ay minartir sa isang kuwebang templo. Pagkatapos, ang aming tahanan ay buong sinamsam. Ito'y sa ika-21 araw ng ika-12 na buwan ng taon [sa kalendaryong Intsik]. Tinatangay ng hanging tumatagos ang makapal na niyebe't yelo na bumabalot ng lahat ng bagay na makikita. Dahil sa nanakaw ang lahat ng kagamitan sa bahay at dahil sa pagkamatay ng ama ko, ang nanay ko ay nasa di-masabing dalamahatė. At isang araw, habang naghihinagpis siyang umiiyak, nawalan siya ng malay. Kahit na maraming tao ang sumubok na iligtas siya, nanatili siyang nasa koma na nahaharap sa nalalapit na kamatayan. Dinuyan namin ni Ate si Mama habang kami ay puno ng walang-hangganang kalungkutan. Ayaw namin siyang iwanan kahit isang sandali man lang. Kami'y humahagulgol sa pinakataas ng aming mga boses, umiiyak ng, "Mama! O, aking mama!" at "O Panginoon, aking Panginoon! Sana'y huwag Mong hahayaang iwanan niya kami sa ganitong kahapisan!" At dininig ng Diyos ang aming mga iyak. Nakita Niya ang aming pagdurusa at paghihirap. Alam Niya ang paghihirap ng aming kalooban at ang hindi namin kaalaman kung paano magpatuloy mabuhay. Kaya't naawa ang Panginoon sa amin. Bumalik ang malay ni Mama at muli, mapagmahal at mahigpit naming nayakap ang isa't isa.
Lumalakad sa Libis ng Lilim ng Kamatayan Sa kadilim-diliman, inakay kami sa kamay ni Mama upang umalis mula sa nakapapangilabot na lugar kung saan ang mga buhay namin ay nasa panganib. Naririnig namin ang matapang na pagkahol ng mga aso at kami'y lubhang takot na habulin ng kaaway. Sa nangangagat na ginaw, nagsalitan kami ni Ate sa pagbuhat sa maliit naming kapatid na lalaki at paghawak sa kamay ng aming mga kapatid na babae. Tuwing madudulas at madadapa kami, muli kaming tatayo. Dahil hindi namin alam kung saan kami pupunta, napapasigaw kami ng, "O Panginoon! Tulungan Mo kami!" Kami'y lubos na pagod na pagod noon. Nang madaling araw na, nakaabot kami ng 18 kilometro at nakarating sa bahay ni Bro. Li Bao Ming. Siya'y matagal na kaibigan ni Papa at isang kapatid na nagmamahal sa Panginoon. Mainit niyang tinanggap ang aming pamilya, kung kaya't napuno ang mga puso namin ng kapayapaan at kaginhawaan. At para itong isang pagdating sa nakapapahinga at tahimik na mga tubig pagkatapos makibaka sa bumabagyong dagat. Napag-alaman namin na kinabukasan pagkaalis namin, nagpadala ang kaaway ng mga tauhan sa aming bahay upang arestuhin si Ate at ako. Kung hindi kami umalis ng gabing iyon, natagpuan na siguro namin ang aming katapusan. Salamat sa Panginoon! Ang Kanyang pag-iisip ay nakahihigit sa ating pag-iisip. O Panginoon, napakahalaga ng Iyong mga pag-iisip! Patuloy kong papupurihan Ka! Nang panahong iyon, naalala ko ang makabagbag-pusong mga salita sa huling panalangin ni Papa bago siya bitayin. Pinakinggan siya ng Diyos at hindi nakalimutan ng Panginoon ang kanyang asawa't mga anak. Sa libis ng lilim ng kamatayan, naranasan namin ang proteksyon at pag-aalaga ng Panginoon, na nagmamahal sa bawa't isa sa atin.
Ang Init ng Pagmamahal ng Isang Ina Ito ay isang mahirap na kalagayan na nagbigay ng sakdal na pasakit sa aking Mama. Ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya, sinabi niyang, "Nakarating na ako nang ganito kalayo. Paano ko pa maiiwanan ang aking mga anak? Kung mamatay kami, sama-sama kaming mamamatay. Hindi ko sila maiiwan." Sa pag-asa sa Panginoon para sa kalakasan, si Mama, kasama kami sa tabi niya, ay nakalakad ng 60 kilometro sa loob ng 2 araw. Kakanta siya ng:
Nararamdaman ko ang makapangyarihang lakas ng Diyos na umaalalay kay Mama. Ang liwanag sa kanya ay kuminang na tulad ng kagandahan ng pagsikat ng araw at palagė siyang nagniningning sa aking puso. Ang mga panalangin niya sa katahimikan ng gabi ay palaging tumitimo sa aking puso. Hindi ko kailanman malilimutan ang isa sa mga paboritong himno o awit ni Mama, na ganito ang nilalaman:
Kapag nagluluto, binobomba ni Mama ang bulusan [billows] at pinapaypayan ang apoy na parang tumutugtog ng accordion. Kapag umawit siya, ito'y parang may sumasaliw [accompany] sa kanya. Gustong-gusto niyang awitin ang Awit 34. Maraming pinagdusahan si Mama, ngunit patuloy pa rin siyang masaya.
Mahihirap na Panahon Natanggap si Ate sa isang 4-na-taong programa sa kursong pagna-nurse. Nang dumating ang oras ng pag-alis niya, karga-karga ko ang nakababatang kapatid na lalaki namin sa paghatid sa kanya sa estasyon ng tren. Binilhan ko si Ate ng ilang pirasong siopao para makain sa daan, pero ibinigay niya ang mga iyon sa kapatid namin dahil gusto niyang kumain nito. Kaya't nagbiyahe siyang gutom papunta sa paaralan ng mga nars sa Probinsya ng Henan. Luhain ang aking mga mata at masakit ang puso kong kinawayan siya bilang paalam hanggang sa hindi ko na siya makita. Sa mga taong iyon, maraming beses akong nakaranas ng gutom. Kapag sinusumpong ako ng gutom, humihingi ako ng tulong sa Diyos. Kumukuha ako ng mga ligaw na damong-panggamot [wild herbs] sa mga bukid para punuin ang aking tiyan. May humahamak sa aking pagiging mahirap, at ang kanilang tumutuya't nakabababang tingin ay madalas na sumusugat sa aking puso. Sa maraming okasyon, ako'y nagkukulong sa bahay, umiiyak dahil ayaw ko silang makita. Nananalangin ako sa bahay at nakatatagpo ng kapayapaan at kaginhawaan sa aking puso. Kung wala ang Panginoon para sa akin noon, matagal na akong nawalan ng pag-asa. Ang Panginoon ang kalakasan ng aking puso!
Sinanay sa Pamamagitan ng Malaking
Paghihirap Sa isa pang okasyon, habang naglalaba ako ng mga damit sa ilog, dumaan ang isang sundalong Hapon. Kahit na walang dahilan, sinipa niya ako at ako'y nahulog sa ilog. Wala akong lakas ng loob na gumalaw habang ako'y lumulutang sa tubig at sa puso ako'y sumigaw ng, "O Panginoon, iligtas Mo ako." Tumawa nang malakas ang sundalong Hapon at pagkatapos ay umalis na. Sa iba pang okasyon, isang traydor ang dumating kasama ang mga sundalong Hapones sa gabi. Mukhang malulupit sila nang basta na lang sila pumasok sa aming bahay, sapilitang gustong halughugin ito. Nang sagutin ko sa salitang Hapones ang traydor, nakangiti niyang sinabi na, "O sige" at umalis na. Sa katunayan, iyon lamang ang mga pangungusap na alam ko sa salitang Hapones. Sadyang pumarito sa aming bahay ang mga sundalong Hapones dahil alam nila na may ilan akong kapatid na lalaki na naglilingkod sa hukbo na lumalaban sa mga Hapones. Kaya't bigla na lang nila kaming pinuntahan upang tingnan kung nasa bahay sila. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa pag-iingat Niya sa amin. Noong 1942, tinanggap ako sa Pamprobinsyang Paaralan ng Pagsasanay ng mga Guro sa Xuzhou. Doon, nakakakain ako ng mabuti, kung kaya't bumuti ang kalusugan ko. Ngunit ang higit na mahalaga sa akin ay ang magsikap na mag-aral. Pinasasalamatan ko ang aking Amang nasa langit sa pagbibigay Niya sa akin ng napakagandang pagkakataon. O, gaano ko kaibig na papurihan ang Kanyang Ngalan! Hinding-hindi ko kailanman malilimutan ang araw na lumipat ako sa dormitoryo ng kolehiyo. Kahit na maginaw nang gabing iyon, at lahat ng aking ka-eskuwela ay nasa kani-kanilang mga higaan na, nanatilė pa rin akong nananalangin sa bakuran. "Papaano ako makatutulog, O Panginoon, kung wala akong kumot?" ang iyak ko. Kaya't ako'y nakatayo sa bakuran, naghihintay na kahabagan ako ng Panginoon. Pagkaraan ng ilang sandali, tinawag akong matulog ng kaklase kong si Wang Hua, na dalawang taon ang tanda sa akin. Sinabi ko sa kanya na wala akong kumot. Ang sabi niya'y: "Maaari nating magkasamang gamitin ang kumot ko." Mula noon, hanggang sa makatapos kami pagkaraan ng tatlong taon, inalagaan niya ako nang tulad ng isang nakababatang kapatid. Espesyal akong nagpapasalamat sa Diyos para rito. Aking nakita na sa una pa lang, inihanda na ng Diyos ang isang ka-eskuwelang mabait na magmamahal sa akin. Sa iba pang panahon, may isang matandang kapatirang lalaki sa Panginoon na pumunta pa sa Xuzhou upang bisitahin ako. Dahil alam niyang kulang na kulang ako sa pera, nais niya akong bigyan ng dalawang dolyares na pilak. Ngunit nang mga oras na iyon, nag-atubilė akong tumanggap ng pera mula sa iba dahil walang kakayahan si Mama ni ako na bayaran siya. Kaya't matigas kong tinanggihan ang kanyang pera. Ngunit sa pagbibigay niya't pagsasauli ko nito, nahulog ang isa sa dalawang dolyares na pilak sa bukid ng trigo at nawala. Ako'y lubhang nabalisa at naramdaman kong dapat akong humingi ng paumanhin sa kanya. Inalukan niya ako ng pera dahil sa pagmamahal niya, ngunit ayaw kong magkautang sa kanya. Kahit na hindi ko layunin na mawala ang kanyang pera, napagalit ko siya at hindi ako karapat-dapat sa kanyang kabaitan. Ipinalangin ko na mapatawad ako ng Panginoon at siya nama'y lubusang pagpalain. Noong 1943, binisita ako ni Ate sa Xuzhou. Nang makita niya ang manipis kong suot na damit, agad-agad niyang tinanggal ang makapal niyang jacket at ibinigay ito sa akin. Napakalamig ng panahon at halos hindi ko maatim na makita siyang nanginginig sa ginaw. Nang kami'y namamaalam na, puno ng luha ang aking mga mata. Labis kong ginagalang ang aking Ate. Kapwa kami lumaki sa paghihikahos at pagdurusa, kung kaya't mahal namin ang isa't isa at nagkakaisa kami sa puso. Kahit hanggang ngayon, labis niyang minamahal ang Panginoon at ako. Nagpapasalamat ako sa Panginoon na hinayaan Niya kaming lumaking magkasama sa Kanyang kampo ng pagsasanay sa pagdurusa. Ako'y nakatapos noong 1945 at umuwi isang araw pagkaraan ng seremonya. Inimbita ako ng namumuno sa paaralang aking pinagtapusan na magturo roon, isang bagay na hindi ko pinagtangkahang naisin kailanman. Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa biyaya Niya dahil ang trabahong ito ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na mapag-aral ko ang aking mga kapatid. Ang mga taong nagmamaliit sa akin dati ay kusang nakipagkaibigan sa akin. Ngayong mabuti-buti na ang aming kalagayan, nakaramdam ako ng higit na kasayahan. Karamihan sa mga mag-aaral ay mga Cristiano, at ilan sa mga kasamahan ko ay nagtapos pa sa mga seminaryo. Madalas kaming nagtitipon upang magsamba, manalangin at magbahaginan, at kami'y nagkakasundo. Hinangaan ko sila sa kanilang masiglang espiritual na buhay at ang banal nilang pag-uugalė. Ako rin ay nagnanais na pumasok sa seminaryo upang magamit ako ng Panginoon. Umaasa ako na bibigyan ako ng pagkakataon ng Panginoon.
Lumalakad sa Panganib Kasama ang Diyos Ang ikatlo kong kapatid na lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa miyembro ng Bagong Ika-Apat na Tropa, at lubhang nag-alala kami sa kanila dahil sa mga panahong iyon, ang hukbo ng Komunista ay mas mahina kaysa sa hukbo ng Nasyonalista. Pagkatapos ng isang mabigatang labanan sa dakong timog ng probinsya ng Anhui, ang Ika-Apat na Tropa ay kinakailangang isaayos muli ang kanilang mga hanay pagkatapos ng pagkawala ng kanilang namumunong-komandante na si Ye Ting. Malaki ang nabawas sa hukbo at kulang-kulang sila sa kagamitan. Kung sila'y mapapalaban muli, siguradong matatalo sila. At mismo sa oras na ito nangyari ang pinaka-kinatatakutan namin. Sa kalagitnaan ng Disyembre, 1946, hindi ko inaasahang makatanggap ng isang sulat mula sa bayan ng Siyang sa Probinsya ng Jiangsu. Wala kaming kamag-anak sa Siyang. Kanino kaya nanggaling ang sulat? Dahil ang mga hukbong Komunista at Nasyonalista'y naglalaban sa bayan ng Siyang, hinulaan kong ito'y balita mula sa ikatlo kong kuya. Agad-agad kong binuksan ang sobre at nakita ko ang isang sulat na di-pamilyar ngunit pinong sulat-kamay na nagmumungkahing ito'y sinulat ng isang babae:
Sa umaga ko natanggap ang sulat. Sa hapon, sinabi ko sa aking pamilya ang tungkol sa mabigat na suliranin ng aking hipag. Ang buong pamilya ay nabigla at nag-alala. Sinabi ko sa kanila na kailangan naming puntahan at iligtas si Hipag. Naisip ko, "Nais ng Diyos na mahalin natin ang iba. Hindi puwedeng wala tayong ginagawa habang may isang taong nasa ganoong panganib." Pinuntahan ko ang aming Pinuno ng Paaralan, isang kapatid sa Panginoon, nang hapong iyon din. Pagkarinig niya sa aking kahilingang mag-leave, siya'y nalagay sa isang gipit na sitwasyon. Palapit na nang palapit ang pagtatapos sa paaralan at nasa panahong pinaka-busy ito. Kami'y naghahanda para sa huling pagsusulit, sa pagmamarka ng mga papel at sa pagsusulat ng mga report card. Higit pa rito, walang sinuman ang makahahalili sa akin dahil kami'y kulang na sa tauhan. Isa pang dahilan, nag-aalala rin pala ang pinuno namin para sa aking kaligtasan. Pagkaraan ng ilang sandali ng malalim na pag-iisip, sinabi niyang, "Hindi lang sa hindi ko kayang wala ka sa paaralan, pero ako'y nag-aalala rin sa paglalagay mo ng iyong sarili sa mapanganib na sitwasyon. Bilang isang dalaga, paano ka tatawid sa linya ng mga labanan sa pook ng giyera? Bukod sa roon, kahit na magawa mong iligtas ang iyong hipag, saan mo siya papatuluyin? Isa siyang Komunista, at kung malaman ng gobyerno na itinatago mo siya sa kung saan, haharapin mo ang parusang kamatayan. Tayo'y isang Cristianong paaralan. Bilang ganito, kinakailangan nating umiwas na masangkot sa pulitika." Nang matapos siya, sinabi kong, "Anuman siya, Komunista o Nasyonalista, siya'y aking hipag at ang kanyang buhay ay nasa panganib. Paano kong maaatim na makita siyang mamatay nang hindi ako kikilos? Hindi ko maaaring hayaan siyang mamatay. Kailangan ko siyang puntahan." Sumimangot ang Pinuno: "Kung ipagpipilitan mong pumunta roon, ano ang mangyayari sa iyong trabaho sa paaralan? Papaano namin makakaya ang karagdagang gawain sa huling pagsusulit? Sino ang hahalili sa iyong mga klase?" Ako'y naipit sa isang sapilitang pagpipilė, ngunit hindi ko maaaring hayaang mamatay ang hipag ko. Kaya't ako'y sumagot, "Alam kong inilagay ko ang paaralan sa isang napakahirap na sitwasyon, ngunit nakasalalay rito ang buhay ng isang tao." May mahabang katahimikan. Nang maunawaan niyang ako'y hindi na mahihikayat pa, sa kahuli-huliha'y sinabi ng Pinuno na, "Kung magpipilitan ka, maaaring mabigat ang mga bunga nito." Para sa kapakanan ng buhay ng aking hipag, basta't kailangan kong gumawa ng desisyong pumunta sa Siyang, kahit na anong mangyari. Nang marinig ko ang sinabi ng Pinuno, agad kong ipinahiwatig na kung ang desisyon kong umalis ay isang bagay na nangangahulugang hindi na ako bagay na magpatuloy pa sa pagtuturo, maaari akong magbitiw. Ngunit, sa kabilang banda, hindi ko mapapabayaan ang hipag ko para lang sa sarili kong kapakanan. Nanatiling tahimik ang Pinuno at bumalik siya sa kanyang opisina. Lahat ng kapatiran sa simbahan, maging ang mga kasamahan ko sa trabaho, ay tutol sa aking pagpunta. Nag-aalala sila sa aking kaligtasan dahil sa mabigat na labanang nangyayari sa Siyang. Ngunit buo na ang aking pag-iisip sa aking desisyon. Tanging pagkalipas ng panahon ko lang nalaman na ang maliliit na labanan sa pagitan ng Bagong Ika-Apat na Tropa ng Komunista at ng Hukbong Nasyonalista ay humantong na pala sa digmaan. Tinipon ng mga Nasyonalista ang mga tropa para paligiran ang ilang puwersa ng mga Komunista at upang talunin sila sa tabi ng Ilog Hongze. Ang estratehiya [mahusay na pagpaplano] ng mga Komunista ay ang umurong sa Norte at sumanib sa puwersa ng Ika-Walong Tropa sa kalagitnaan at dakong-timog ng probinsya ng Shandong. Nang madiskubre ng mga Nasyonalista ang mga planong ito, sila'y nag-alala nang husto. Naniniwala ang pinakapinunong opisyal nila na kung nagawa ng Bagong Ika-Apat na Tropa na tumawid sa Riles ng Longhai, pawang napawalan ng mga Nasyonalista ang "tigre pabalik sa mga burol." Kung kaya't inutusan ang kumander ng Xuzhou na hadlangan ang mga Komunista kahit na anong mangyari, upang panatilihin sila sa timog-silangan ng Riles ng Longhai. Ganito kabagsik at kalupit ang digmaan. Ang tropang kinabibilangan ng kuya't hipag ko ay agresibong hinahabol ng mga Nasyonalista nang sila'y umuurong papuntang hilaga. Nakatawid si Kuya at ilan pa sa kanyang mga kasamahan sa isang ilog upang maiwasang mapaligiran ng kaaway, ngunit ang hipag ko ay kasama sa mga naharang sa dakong-timog na dalampasigan ng ilog at sila'y nadakip. Mabuti na lang at hindi niya sinabi ang tunay niyang pagkatao. Nang siya'y naaresto, siya'y nakasuot ng damit pangsibilyan at ipinilit niyang bumibisita lamang siya sa kanyang pamilya. Kaya't siya'y ibinilanggo sa isang pook-piitan [detention center], naghihintay na mapiyansahan ng isang kamag-anak.
Nag-iisa sa Daan Dahil hindi pa umabot ang giyera sa dakong silangan, ang tawid-ilog na daan ng Riles ng Jinpu ay nagagamit pa. Kaya't maayos akong makapaglalakbay mula sa aming bayan hanggang sa Xuzhou. Ngunit nang matapos kong bilhin ang tiket ko, wala na akong masyadong pera na naiwan. Nang umandar na ang tren, mula sa bintana'y tumingin ako sa 'walang-siglang' tanawin. Wala roong anupaman kundi dilaw na putik sa lahat ng dako. Naisip ko kung ano kaya ang itsura ng lugar na patutunguhan ko, habang tahimik akong nananalangin sa Panginoon mula sa aking puso. Alam ko na Siya'y ating makapangyarihang Tagapagligtas at papatnubayan Niya ako kahit sa matataas na mga liyab ng apoy o sa malalalim na mga tubig, tulad ng nakasulat sa Isaias 43:1-3:
Bumaba ako ng tren sa Xuzhou tungo sa realidad ng giyera. Isang taon lang ang nakararaan nang ako'y nag-aral dito, ngunit ang pagbabago ng siyudad ay nakapag-aalala. Ang simoy ng hangin sa mga lansangan ay may tensyon [tense] at nakalulungkot. Karamihan sa mga tindahan ay nagsara na at ang ilan sa mga nakabukas ay kalahati na lang ang laman. Gayunpaman, ang lugar ay punong-puno ng mga sundalo at mga trak ng hukbo. Mula pa noong unang panahon, ang Xuzhou ay isang sentro ng transportasyon para sa 5 probinsya at ito'y kilala bilang isang mapayapa ngunit maunlad [bustling] na siyudad. Sa dahilan ding ito, ito rin ay isang lubhang pinag-aawayang pook dahil sa kagandahang posisyon nito pang-militar. Ito ngayo'y mas maituturing na isang kampo ng hukbo, na kung saan itinaguyod din ang Punong Opisina ng Pagkontrol sa Mga Bandido sa Sentro ng Tsina ng mga Nasyonalista. Ang mismong lupain ay nagbibigay ng mabahong amoy ng mga brutal na pagpatay, na siyang pumipigil sa sinuman na dumaan doon. Naglibot ako sa mga pangunahing kalye, sinusubukang magtanung-tanong kung paano makapupunta sa Siyang. Nasabihan ako na ang lahat ng urė ng mga transportasyong sibil ay natigil na at maaaring hindi na magpatuloy. At higit na mahalaga, dahil sa pagsimula ng giyera, ang lugar na ito ay naging isang sona ng militar, na mahigpit na ipinagbabawal sa di-inaatasang-tauhan. Pinagkatiwalaan kong ang Diyos ang maghahanda ng paraan para sa akin, kung kaya't nilapitan ko ang mga nakaunipormeng pangsundalo upang tingnan kung anong mga plano ang maaaring gawin. Isang sundalo ang nakakita sa akin at nagtanong, "Ano ang gawain mo?" "Ako'y isang guro," aking isinagot. "Isang guro?" Muli niya akong tiningnan at tinanong, "Saan ka pupunta?" Sinabi ko sa kanyang gusto kong pumunta sa Siyang. "Siyang?" May pagdududa sa kanyang tingin sa akin, at tinanong niya, "Bakit?" Sinabi ko sa kanya na mayroon akong kailangang asikasuhin. Mas nagsuspetya siya dahil dito. Sinimulan niyang tanungin ako. Ano'ng kailangan kong gawin doon? Ano'ng lugar ang pinanggalingan ko? Saan ang aking tahanan? Upang makuha ang tiwala at simpatiya niya, sinabi ko sa kanya na ang pinakamatanda kong kuya ay isang pinuno ng isang 'regiment' [pangkat na may kalakihan] ng Ika-46 na Tropa ng Nasyonalistang hukbo. Doon lamang siya medyo huminahon. Sa pagbabago ng kanyang pakikitungo sa akin, sinubukan kong humiling ng ilang bagay. Tinanong ko, "Kung gayong walang sibilyang transportasyon, maaari ba akong maglakbay na kasama kayong lahat?" Medyo nagulat siya. Maaaring napuna niyang ang aking hiling ay di-karaniwan. Maaaring nagulat siya sa aking pagpupursigi. Matapos ito pag-isipan, sinabi niya, "Napakapanganib nito. Ngunit kung hindi ka takot, puwede nating kumuha ng permiso sa Punong Opisyal." Pagkatapos makahingi ng permiso, nag-umpisa na akong maglakbay kasama nila. Ang kanilang tropa ay patungo sa timog na parte ng probinsya ng Siyang kung kaya't dadaan sila sa bayan ng Siyang. Ang trak ng hukbong sinasakyan ko ay lumabas mula sa silangang tarangkahan ng Xuzhou at kumaripas ang takbo tungo sa timog-silangan. May kasabihan na ito ang dinaanan nina Xiang Yu at Liu Bang nang sila'y tumakas pagkatapos na matalo sa isang malaking labanan sa Xuzhou malapit sa 'Siyam na Milyang Burol.' Nakatayo ako sa trak ng hukbo at napaliligiran ng mga sundalong malulungkot ang mukha. Sandali lang pagkaalis sa Xuzhou, nakarinig kami ng putukan kaliwa't kanan na palakas nang palakas habang kami'y naglalakbay. Hindi katagalan, natagpuan na lang naming kami'y nasa gitna na ng putukan, kung saan ang mga bala ay nagliliparan sa taas ng ulo namin tulad ng kumpul-kumpol na mga tipaklong. Tila baga may malalaking paputok [firecrackers] na tuluy-tuloy na pumuputok sa paligid namin. Nasindak ako, at kahit na ang mga sundalo ay ninenerbiyos. Sa isip-isip ko, kapag ako'y namatay rito, hindi kailanman malalaman ng aking pamilya ito. At ano kayang mangyayari sa aking hipag? Sino'ng pupunta sa pook-piitan kung saan siya nakakulong para siya ay iligtas? Alam ko na sa panahong gaya nito, walang sinuman ang mag-aalala kung may ilan pang karagdagang mamatay. Habang umuulan ng bala sa aking paligid, tumawag ako sa Panginoon. Unti-unti Niya akong pinahinahon at tinulungang maniwala na kahit na gaano kahirap ang mga sitwasyon, walang panganib ang mangyayari sa akin. Habang patuloy na umaandar ang mga trak, isang utos ang ibinigay mula sa harap ng linya na nag-uutos na kami'y tumigil at mag-antay ng karagdagan pang mga utos. Tumigil ang trak namin. Lumipas ang oras at umandar muli - at kinailangang tumigil muli. Dahil sa rami ng ganitong uri ng pagtigil-tigil sa daan, lumubog na ang araw nang kami'y makarating sa Siyang. Sa aming pag-alis sa Xuzhou nang maagang-maaga, halos buong araw kaming naglakbay sa lamig na wala ni isang patak ng tubig na ininom, lalu pa't pagkain. Gayunpaman, patuloy kong pinasalamatan at pinapurihan ang Panginoon. Mahimala Niya akong dinala sa isang ipinagbabawal na lugar na imposibleng matawid, kahit na may pakpak pa ako! Habang gumagabi, nilakad ko ang mga kalsada sa Siyang. Wala akong kilala ni isang kaluluwa. Ang higit pang nakapagpapabalisa sa akin ay ang kaalamang hindi ko pa nakikilala ang hipag ko. Gabay ng address na pinadala niya sa akin, natagpuan ko rin sa wakas ang lugar na pinagkukulungan sa kanya. Pagkatapos suriin ang pahintulot kong maglakbay, tinanong ako ng mga guwardiya, "Ano ang relasyon mo kay Zhang Zhi?" Noon ko lang nalaman na ang tawag sa hipag ko ay Zhang Zhi. Kaya't sinagot kong, "Si Zhang Zhi ay aking hipag." Ako'y nagpatuloy, "Hindi ko alam kung bakit siya ikinulong, ngunit siya'y sumulat sa akin upang piyansahan siya."
"Ganoon ba?" ang sabi nila. "Mag-antay ka
rito." Mahigit na kalahating oras ang lumipas bago nila nilabas hindi lang isa, kundi apat na mga babae. Ako'y nagulat. Lahat sila'y halos magsing-edad at halos pare-pareho ang suot nila. Alin sa kanila ang hipag ko? Alam kong sinusubukan nila ako. Kung pinilė ko ang maling tao, hindi lang ang hipag ko ang malalagay sa panganib, kundi pati ako. Sa pagkataranta ko, tinawag ko ang Diyos na tulungan akong magpakahinahon upang malagpasan ang pagsubok na ito. Upang mawala ang tensyon, nagbuntong-hininga ako at nagsabing, "Ay naku! Muntik na akong mamatay sa pagpunta rito. Kung hindi ako nakasakay na kasama ang hukbo, hindi ako kailanman makararating kahit na may pakpak pa ako!" Nagkunwari akong galit at pinagalitan ko siya, "Ano ba'ng nangyayari sa iyo? Ano ba sa lupalop ng mundo ang pinaggagagawa mo't kung saan-saan ka nagpupunta kung kailan napakapanganib?" Matapos nito, binudburan ako ng mga tanong ng mga guwardiya. Tinanong ako kung saang probinsya ako nanggaling, ang gawain ko, ang mga miyembro ng aking pamilya, ang mga koneksyon kong panlipunan at kung anu-ano pa. Alam kong ito'y karaniwang ginagawa, kaya't sinabi ko lang ang katotohanan na ako'y isang guro sa isang paaralang pinatatakbo ng mga misyonaryo at ako'y isang Cristiano. Upang makuha ang kanilang tiwala, sadya kong sinabi na ang pinakamatanda kong kapatid ay pinuno ng isang 'regiment' sa Ika-46 Tropa ng Hukbo ng Nasyonalista. Pagkaraan lang ng panahon ko nalaman na ang Ika-46 na Tropa pala'y mismong naka-estasyon sa di-kalayuan. Ang pagsabi ng koneksyong ito'y tunay na nakatulong upang makamtan ng aking hipag ang kalayaan. Sinabi ko rin sa kanila na ako'y may isang pinsan sa Xuzhou na isa ring opisyal ng Hukbo ng Nasyonalista, upang ipakita na mataguyod ang aking pamilya. Tunay na naging palakaibigan na sila na hindi nila pinigilan ang pakikipag-usap ko sa hipag ko. Nag-umpisa pa nilang tanungin kung saan ako nagtapos ng pag-aaral. Nang sabihin kong ako'y nagtapos sa Pangprobinsyang Kolehiyo ng mga Guro sa Xuzhou noong 1945, nag-umpisa silang magkuwentuhan kung sino ang pinuno at sinu-sino ang mga guro ng kolehiyong iyon at kung anu-ano pa. Sa pagtatanung-tanong nila, isang binata na parang isang opisyal ang lumapit. Agad niya akong kinausap, "Nanggaling ka sa Pangprobinsyang Kolehiyo ng mga Guro? Ano ang ginagawa mo rito?" Siya rin ay nagtapos sa Pangprobinsyang Kolehiyo ng mga Guro; nauna siya ng isang taon sa akin. Siyempre, ako'y sobrang-tuwang makita ang isang dating ka-eskuwela. Inisip ko, ang pagpaplano ng Diyos ay tunay na kamangha-mangha! Ang pagdating ng taong ito ang magiging alas ko. Ang paghuhusga ko ay napatunayang tama. Huminto na sa kanilang pagtatanong ang mga guwardiya at sinabi sa aking magpahinga habang pinag-uusapan pa nila ang aking kaso. Ako'y nakaramdam ng kaginhawaan. Nang sila'y bumalik, sinabihan nila akong punuin ang ilang papeles ayon sa karaniwang-gawain. Kinakailangan kong isulat ang aking "family background' at ipaliwanag kung bakit ako ang tumatayong taga-garantiya ng aking hipag. Pagkaraan ng dalawang araw ng pag-aaral ng kaso ko, ang hiling kong pagpipiyansa ay naaprubahan. Nang matanggap ko ang napakagandang balita ng pagpapalaya sa hipag ko, punung-puno ako ng pasasalamat na siya'y nakatakas sa kamatayan. Nguni't habang kasama kong lumilisan ang hipag ko mula sa lugar ng bilangguan, may isang kaaliw-aliw na pangyayari. Isa sa mga sundalo ang nagsabi sa akin, "Ngayong ibinibigay na namin ang hipag mo sa iyo, hindi ba dapat na pasalamatan mo kami?" Sa tradisyon ng mga Intsik, ang 'pasasalamat' ay maaaring mangahulugan ng maraming bagay. Kahit na ako'y bata pa, nakuha ko ang pakahulugan niya. Pakiramdam ko'y naipit ako dahil kakaunti lamang ang pera ko. Kung ibibigay ko sa kanila kung ano'ng mayroon ako, wala na kaming pamasaheng pauwi. Ngunit upang makalisan kami agad ng hipag ko, hindi puwedeng urong-sulong ako sa pagdesisyon. Sa pagbigay ko sa kanila ng lahat ng pera ko, umiyak ako sa Diyos sa aking puso, "O Panginoon, ipinagkakatiwala ko ang lahat sa Iyo. Tulad ng paggabay Mo sa pagparito ko, nagtitiwala ako na maililigtas Mo kami at dadalhing ligtas pauwi." Habang nililisan namin ang pook-piitan nang walang pera, inisip ko kung paano kami makauuwi. Ang alam ko lang ay kinakailangan naming mabilisang umalis sa lugar na ito hanggang sa abot ng aming makakaya. Walang pangpublikong sasakyan ang matatagpuan at hindi namin kayang mag-arkila ng pribadong sasakyan. Sa takdang oras na iyon, nasalubong ko muli ang ka-eskwela ko sa Pangpublikong Kolehiyo ng mga Guro. Nang ibahagi ko ang aking problema sa kanya, ginulat niya ako sa pagsabi ng, "Relaks ka lang! Ako ang bahala. Aayusin ko na makaalis kayo rito sa lalung-madaling panahon." Hinanap niya ako nang maaga kinaumagahan. Tamang-tama, isang trak ng hukbo na papunta sa Xuzhou ang dumaraan, at ang nagmamaneho ay isang mabuting kaibigan niya. Hinimok ako ng aking ka-eskwela na umakyat sa trak at sinabing, "Wala nang oras na mag-usap ngayon. Umakyat na lang kayo sa trak at umuwi. Iyon ang pinakaimportanteng bagay!" Isang maganda ngunit napakaginaw na umaga noon. Ang hipag ko't ako ay umupo sa trak at tumitig sa tila-bagang pinaliliguan-ng-araw na mga pader ng Siyang. Alam namin na sa wakas, kami'y pauwi na. Sa pagbabalik-tanaw, naalala kong ito'y isang malaking paghihirap. Sa limampung kilometro naming paglalakbay, wala kaming kinain o ininom, at maninipis lang ang aming mga damit na nagbibigay ng init sa amin sa maginaw na panahon. Kami'y naglakbay pauwi mula Xuzhou na nakahiga sa patung-patong na uling sa isang tren na pangkargo, sagad-sa-butong gininaw sa humahampas na hangin habang umaandar ang tren. Gayunpaman, pinasasalamatan ko ang Diyos dahil alam ko na sinasanay Niya ako sa mga mahihirap na panahong ito upang ihanda ako na maging payag na maghirap [be willing to suffer]. Sa pagbabalik-tanaw, naalala kong ito'y isang malaking paghihirap. Sa limampung kilometro naming paglalakbay, wala kaming kinain o ininom, at maninipis lang ang aming mga damit na nagbibigay ng init sa amin sa maginaw na panahon. Kami'y naglakbay pauwi mula Xuzhou na nakahiga sa patung-patong na uling sa isang tren na pangkargo, sagad-sa-butong gininaw sa humahampas na hangin habang umaandar ang tren. Gayunpaman, pinasasalamatan ko ang Diyos dahil alam ko na sinasanay Niya ako sa mga mahihirap na panahong ito upang ihanda ako na maging payag na maghirap [be willing to suffer]. Ang aking pamilya'y nakatira sa isang maliit na siyudad, kaya't alam ng lahat ng aming kapit-bahay na may isang Komunista na nakatira sa aming bahay. Ang iba'y nag-aalala na baka lumabas ang sekretong ito sa mga kinauukulan, ngunit ang aking pamilya at ako'y desididong protektahan ang aking hipag kahit na ano pa ang mangyari. Hindi namin alam na may mangyayari na buong mapapalitan ang aming plano. Katatapos ko pa lang ang lahat ng aking pagmamarka at pagkakalkula [appraisals] ng mga mag-aaral nang dumating ang isang sulat mula sa pangatlo kong kapatid na lalaki. Inihatid ito mula sa Tengxian sa Probinsya ng Shandong ng isang mensaherong kumatok sa aming pintuan sa gabi at agad-agad na lumisan din. Hindi alam ng aking kapatid na naiuwi ko na ang kanyang asawa. Sa kanyang sulat, sinabi niya sa aking pumunta agad sa Siyang upang piyansahan ang kanyang asawa at samahan siya sa Tengxian. Pagkarating doon ay hahanapin ko si Pastor Li Zao Dao ng Simbahang Tengxian. Si Pastor Li ay kaklase ng aming Pastor sa Seminaryo sa Huabei at isa siyang responsableng tao. Sa mismong sumunod na araw, lumakad na kami ng hipag ko, muling dala-dala ko ang telang bag ko na ang laman ay ang aking Biblia.
Wala Isa Man Lamang Tilaok ng Tandang sa
Isang Libong Milya Para kaming nakatuntong sa isang lugar na hindi tinitirhan ng tao. Wala kaming nakitang isang tao man lang sa buong araw naming paglalakad. Tulad nang nakasulat sa mga lumang aklat, sa panahon ng digmaan, wala man lang isang tilaok ng tandang ang maririnig sa isang libong milya sa mga sentrong kapatagan. Naranasan namin ang ganoon ding kalungkot-lungkot na kalagayan. Wala kaming nakitang anumang tropa, ngunit paminsan-minsan ay nakaririnig kami ng mga putok ng baril sa karatig-pook. Kung minsan, may mga putok na nagsisiliparan sa taas ng aming mga ulo! Habang kami'y naglalakad, sinabi ko sa aking hipag na, "Kinakailangan nating manalangin sa Diyos. Kung hindi ka Niya iniligtas, hindi ka makaaalis sa pook-piitan. Ngayon, kailangan nating magmakaawa sa Kanya na tulungan tayong maka-abante." Kung kaya't kami'y nananalangin habang kami'y naglalakad. At sa wakas, nakarating din kami sa Tengxian nang hating-gabi. Mainit kaming tinanggap ni Pastor Li Zai Dao. Hindi mapigilan ng aking hipag ang kanyang katuwaan na makabalik sa isang lugar na tinitigilan ng mga Komunista. Kinaumagahan, habang siya'y patakbo sa isang pinagpupulungang lugar ng mga Komunista, nakita niya ang kanyang asawa na palabas sa mismong gusalė. Nagulat ang aking kapatid nang marinig niyang tinatawag siya ng asawa niya. Nakatayo siya at paulit-ulit na binubulong, "Nananaginip ba ako?" Isang araw pa lang akong tumigil sa Tengxian nang sabihin ni kuya sa akin, "Hindi ito lugar na dapat panatilihan nang matagal. Nalalapit na ang paglisan ng aming mga tropa. Umuwi ka na sa lalong madaling panahon." Maaga pa kinabukasan, pinadala ni kuya ang kanyang bodyguard para ihatid akong pauwi. Nilakaran namin ang siya ring daan sa pagpunta roon. Muli, wala ni isa man lang tao ang makikita sa daan. Pagkaraan ng mga mahigit-kumulang na 20 milya, para bang may naramdaman ang bodyguard at umayaw na siyang magpatuloy. Ang sabi niya, "Lubhang mapanganib sa harap! Hindi na kita masasamahan pa. Kinakailangan mong magpatuloy na mag-isa." Sa pagsabi nito, tumalikod na siya't iniwanan ako - isang walang-kalaban-labang dalaga - na mag-isa sa daan! At higit pa roon, dumidilim pa naman. Tumawag ako sa Diyos: "O Panginoon, pakasagipin Mo ako!" Sa mga sandaling iyon, nakakita ako ng isang mahina at kumikislap-kislap na ilaw sa malayo. Sinabi ko sa sarili ko na marahil ito'y sa Lincheng. Lumakad ako tungo sa ilaw, nananalangin habang naglalakad. "O Panginoon, sana'y huwag Mo akong hayaan na makasalubong ng anumang bandido o mababangis na hayop," ang iyak ko. "Sana'y dalhin Mo akong ligtas sa Lincheng." Mga dalawa't-kalahating metro mula Lincheng, ilang lalaki ang biglang lumitaw mula sa dilim. Sila pala'y mga sundalong Nasyonalista na naka-duty na magbantay. Inumpisahan nila akong tanungin: Saan ako nanggaling? Saan ako pupunta? Bakit pa ako nasa daan, eh, gabi na? Napakakalmado ko. Sinabi ko sa kanila na ako'y pauwi na at ipinakita ko sa kanila na ako'y walang dala maliban sa isang Biblia. Tiningnan nila ang laman ng tela kong bag at mabilisang hinayaang umalis na. Pagkarating lang sa Lincheng ko nalaman na kahit na ito'y isang malaking siyudad, wala man lang isang sibilyan kang makikita. Ang mga kalsada ay puno ng mga tropa. Nag-aalala, inisip ko kung saan kaya ako titigil sa gabing ito. Nag-umpisa akong tumawag sa Diyos. Habang nananalangin, nakita ko ang isang matandang lalaki na naglalakad lampas sa harapan ko. Hinabol ko siya't sumigaw, "Mama, saan po ako makakakita ng isang bahay na matutuluyan?" Tiningnan niya ako't sumagot, "Naghahanap ka ng isang bahay-tuluyan? Wala akong nakikitang kahit na isang sibilyan sa paligid. Ikaw, mayroon?" "Tama ka," ang sabi ko. "Ngunit naghahanap ako ng bahay na matutuluyan sa gabi." Nag-isip siya ng malalim sa ilang sandali at nagsabi, "Sa ganitong panahon, saan ka makahahanap ng bahay-tuluyan upang magpalipas ng gabi?" "Puwede na sa akin kahit na anong urė ng lugar. Gusto ko lang makapagpahinga," ang sabi ko. Sumagot ang mabait na matandang lalaki, "Mukhang kailangan mong tumuloy sa aking bahay." Ang 'bahay' ng matandang lalaki ay isang giba-giba at tagpi-tagping kubo. Iisa lamang ang kama. Pagkasindi niya ng lampara, sinabi niya, "Sa likod ng pinto, may konting dayami na matutulugan mo." Habang sinasabi niya ito, inabutan niya ako ng isang punit na kumot. Naupo ako sa tumpok ng dayami, itiniklop ang aking mga binti sa aking harapan at nagtaklob hanggang ulo gamit ang punit na kumot. Sa hating gabi, may malakas na pagkatok sa pintuan. Lumundag ang matanda mula sa kama upang buksan ang pinto. Anim o pitong sundalo ang pumasok at tinanong siya kung may sinumang pumasok sa bahay. "Walang sinuman!" ang sagot niya. Sinabi nila na kapag may nahanap silang sinuman na nakikituloy sa kanya, malalagot siya. Sa gabing iyon lamang, tatlong beses na basta na lamang pumasok ang mga sundalo. Dahil sa kaliitan ng bahay-kubo, natapakan ng mga sundalo ang aking mga paa tuwing buksan nila ang pinto upang pumasok. Ngunit hindi kailanman nila ako natagpuan. Kailangan kong magpasalamat sa Diyos para dito dahil alam ko na Siya ang bumulag ng kanilang mga mata upang hindi ako makita, kahit na nakatayo sila mismo sa tabi ko. Dahil ayaw kong ilagay sa panganib ang matanda, sinabi kong, "Hayaan mong umalis na ako - kung hindi, mabibigyan kita ng problema." "Siyempre hindi!" ang sagot niya. "Isa kang batang babae! Kapag naaresto ka nila, mawawasak ka!" Nalalapit na sa Pista ng Tagsibol (ang Bagong Taon ng Intsik) nang ako'y nakauwi sa bahay. Nang nakahiga na ako sa kama at nakikinig sa paminsan-minsang tunog ng mga paputok, inisip ko ang mga pangyayari ng mga nakaraang araw na sa pakiramdam ko'y pawang isang panaginip lamang. Naisip ko sa aking sarili, "Maliban na lang sa proteksyon ng Panginoon, hindi ko alam kung saan na ako mapupunta!" Kung kaya't lalo akong determinadong mahalin ang Panginoon ng mas malalim pa, tulad ng pagpapakita Niya ng Kanyang pagmamahal sa akin. Noong 1947, habang nasa digmaang sibil ang mga Nasyonalista at mga Komunista, may isang beses na dinala ko ang aking mga estudyante sa isang kuwarto upang magtago. Isang bomba ang sumabog sa isang bahay na di-kalayuan sa amin at ang aking binti ay nasugatan sa isang piraso ng bakal mula sa bomba [shrapnel]. Maraming iba pa ang nasugatan din. Ngunit naawa sa akin ang Panginoon kaya mabilis akong gumaling pagkatapos ng operasyon upang tanggalin ang shrapnel. Pinasasalamatan ko ang Diyos sa pagliligtas Niya sa akin mula sa kamatayan.
Kagalakan sa Aking Puso Sa bagong panahon ng kaguluhang ito, walang sinuman ang makapaglalakbay sa loob ng bansa nang walang sulat ng rekomendasyon o permisong maglakbay. Ang pagpapatakbo ng mga tren malapit sa aking tahanan ay nasuspendi, kaya't wala akong mapagpilian kundi ang maglakad ng siyam-na-pung kilometro sa loob ng dalawang araw tungo sa Bangbu. Doon, sumakay ako ng tren tungo sa Nanjing, kung saan nakitira ako kay Ate. Pagkalipas ng sandaling panahon, sa rekomendasyon ni Pastor Xie, ako'y napasok sa seminaryo. Ang kagalakan ko ay parang nakapasok ako sa bagong langit at sa bagong lupa! Para bagang ang bawa't talim ng damo at bawa't halaman sa seminaryo ay nagbibigay inspirasyon sa akin na magpatuloy sa Panginoon. Natagpuan kong palakaibigan at may maraming kahanga-hangang pag-uugalė ang aking mga ka-eskwela. Sa loob ng tatlong taong iyon, natutuhan ko ang tungkol sa katotohanan at ang aking buhay ay nabago ng ilang antas. Ngunit, hindi ako nakontento. Patuloy akong nagsikap na sumunod kay Cristo Jesus ng buo kong lakas upang makamtan ko Siya. Sa mga panahong ginugol ko sa seminaryo, nagkusang-loob [volunteer] akong pumunta sa lugar para sa mga may ketong, isang leprosarium, linggu-linggo upang pangunahan ang pagsamba sa Linggo. Marami sa iba na nasa seminaryo ay ayaw pumunta dahil sa ang anyo ng mga pasyenteng may ketong ay nagbigay ng takot sa kanilang puso. Gayunpaman, ako'y hindi nila naapektohan. Ang mga pasyenteng ito'y nakatira sa paanan ng isang burol at pinipilit nila ang maysakit nilang katawan kahit paano upang makadalo sa simbahan na nasa tuktok ng burol upang magsamba. Tuwing makikita nila kaming dumarating, sinasalubong nila kami na parang ang mismong Panginoon ang dumarating sa kanila. Naluluha ako sa tuwina. Lalo akong inilalapit ng Panginoon sa Kanyang Sarili at binibigyan ng mas malalim na habag at pagmamahal para sa kanila. Sa katunayan, ang pakiramdam ko ay hindi ako ang tumutulong sa kanila, kundi sila ang tumutulong sa akin na mas mahalin ang Panginoon nang mas malalim. Sa kasawiang-palad, nang mapasa-pamahalaan ang pamamahala ng leprosarium, nawalan ako ng pagkakataong bisitahin sila. Espesyal kong itinatangi ang alaala ng isang guro sa seminaryo na nagmula sa Inglatera. Tunay siyang isang tapat na alipin ng Panginoon at isinasabuhay niya ang larawan ni Cristo sa kanyang buhay. Ang kapangyarihan at karunungan sa pananalita ng Diyos ay tunay na nananahan sa kanya na sa bawa't pagtatagpo namin, may dalang isang malinaw na katuruan mula sa Kanya. Hinatid ko siya sa istasyon ng tren nang lisanin niya ang Hangzhou noong 1952. Dahil sa hindi ko alam kung kailan kami muling magkikita, sumakit ang aking puso at hindi ko mapigilan ang aking mga luha. Nang makita ako ng ilang sundalo ng Hukbo para sa Pagpapalaya ng mga Tao [People's Liberation Army], tinawag nila akong isang 'running dog' [tumatakbong aso] para sa mga banyagang imperiyalista - sa madali't sinabi, isang traydor. Paano nila mauunawaan ang mga espirituwal na bagay?
Pinag-isa sa Iisang Puso May malaking pagnanais na tumulong sa mga kabataan ang asawa ko, at mahusay siyang makipag-usap sa kanila. Dahil dito, siya'y naging tanyag sa kanyang pangkabataang paglilingkod [youth ministry]. Nakatawag ito ng maraming pansin, at nag-umpisang magdala sa amin ng gulo. Noong 1955, nag-umpisa ang Kampanya ng Su Fan (Malubhang Atake). Kahit na ang tina-target ng kampanya ay ang mga sining ng kultura, nadawit na rin ang simbahan. Tinawag kaming punahin ang mga mali [criticize] ni Ginoong Wang Ming Dao, isang kilalang mangangaral ng panahong iyon. Nakarating minsan si Ginoong Wang sa aking baryo upang manguna sa mga pagtitipon ng pagsamba. Dahil sa idiniin niya ang kabanalan sa kanyang mga mensahe, taimtim kong naramdaman na siya'y isang tapat na alipin ng Diyos. Paano akong mangangahas na magsabi ng walang-batayang pagpuna sa alipin ng Diyos? Dahil sa hindi kami pumailalim sa mga ganitong kampanya, kami ngayon ang naging target nila. Higit pa roon, sa aming hindi pagsali sa "Three Self Church Movement" [Kilusan ng Tatlong Pang-Sariling Simbahan], tinawag kaming kontra-rebolusyonista. Kung kaya't kinakailangan naming 'mag-aral,' ibig-sabihin, ang magpasailalim sa mga 'pulong ng pagpapalit-kaisipan' [brainwashing sessions] at 'ikumpisal ang aming mga krimen' araw-araw. Isang araw, nagdaos ang Kagawaran para sa mga Bagay-Bagay Ukol sa Relihiyon [Department of Religious Affairs] ng isang pagtitipon at salu-salo para sa mga manggagawa sa simbahan sa aming siyudad, upang anyayahan kaming sumali sa pagserbisyo sa pamahalaan. Tinapik ni Pastor Rong Guang ang balikat ng aking asawa at pabirong sinabi, "Bro. Xia, sa iyo ang pasasalamat sa pagkakaroon natin ng ganitong pista sa araw na ito!" Ang lahat ay nasa masayang kalagayan, kumakain at umiinom, ngunit ang asawa ko ay lubhang malungkot at hindi man lang kumain. Sa sukdulan ng kasayahan, ipinahayag niya na, "Hindi ako sasali sa "Three Self Church." Ang kabiglaanan ng pahayag niya ay nagdala ng isang daluyong na nakamamatay na katahimikan hanggang sa kabilang dulo ng kuwarto. Ang sumunod na nagsalita ay ang Pinuno ng Department of Religious Affairs. "Kung hindi mo iinumin ang saro [cup] ng karangalan, kung gayon, antayin mo ang saro ng kaparusahan!" ang malakulog niyang sigaw. Ang pagtitiwalag sa iglesia [excommunication] ng aking asawa ay ipinahayag nang sumunod na Linggo. Iyon ay sa ika-8 ng Enero, 1955, at iyon din ang araw ng kapanganakan ng aming panganay na lalaki. Ipinangalanan namin siyang Zan Mei, na nangangahulugang 'Pagpupuri.' Hindi namin alam kung saan tutungo pagkaraan ng mapatiwalag sa iglesia. Isang araw, nang lumabas ang asawa ko upang maglakad-lakad, nasalubong niya ang asawa ni Pastor Yu. Nang tanungin siya kung saan siya pupunta, sinabi niyang "Ako'y naghahanap ng isang apartment." "Halikayo't tumuloy sa amin," ang sabi ni Mrs. Yu. Salamat sa Panginoon! Alam Niya ang aming pangangailangan at inihanda niya para sa amin ang isang napakalaking kuwarto. Noong ika-26 ng Oktubre, 1955, inaresto ang asawa ko at lahat ng kanyang mga aklat ay kinumpiska. Nang mismong gabing iyon, hindi nakatulog si Zan Mei. Masaya siyang tumatawa at gumulong-gulong mula sa isang dulo ng kama tungo sa kabila hanggang mag-umaga! Hindi siya kailanman naging tulad nito dati. Pinuno ng Diyos ng kagalakan ang aking anak, at dahil dito, ako rin ay napuno ng kaginhawaan at pagpupuri. Pagkatapos nito, inialay ko ang aking anak sa Panginoon. Inilagay ang asawa ko sa isang kampo ng mabigat na trabaho [hard labor camp] sa Qinghai sa loob ng limang taon at ang mga araw ko bilang asawa ng isang kontra-rebulusyonario ay mahirap din. Araw-araw, kasama ko ang anak ko sa pagdalo ng mga pulong ng pagpapalit-kaisipan. Doon, nagsusulat ako ng mga pagkukumpisal at tumatanggap ng masasakit na salita at pisikal na parusa. Matinding inatake ang asawa ko sa radyo at sa peryodiko ng Zhejiang, ang Zhejiang Daily News, bilang isang kontra-rebulusyonario. Halos hindi ako makakain sa panahong pagpapahirap na ito. Ngunit nagpapasalamat ako sa Panginoon sa presensya Niyang kasa-kasama ko. Sa pagdepende sa Kanya, mayroon akong kapayapaan sa aking puso dahil Siya ang aking kalakasan at tulong. Isang gabi, kahit na malakas ang hangin, si Bro. Zhang, isang binatang nagmamahal sa Panginoon, ay dumating upang bisitahin at paginhawain ako. Sandali lang pagkatapos niyon, siya'y inaresto. Noong 1996, apat-na-pung taong nakalipas, muli niya akong dinalaw. Napakasaya namin na muli naming nakita ang isa't-isa! Walang katapusan naming pinag-usapan ang tungkol sa madilim at malabagyong mga panahong iyon, ang mga masasaya at masasakit ding karanasan. Mirakulo na nakaligtas kami sa lahat ng ito at muling nagkita! Nais kong pasalamatan ang Panginoon sa Kanyang kamangha-manghang grasya. Minsan, nagkaroon si Zan Mei ng malubhang bronchitis. Ang mataas na lagnat niya ay ayaw bumaba at parang ang kanyang buhay ay unti-unting pumapanaw. Ngunit dahil sa wala akong pera, hindi ko siya kayang ipaduktor. Ang magagawa ko lamang ay ang lumuhod sa harap ng Panginoon, nagsusumamong mahabag Siya sa aking anak. Ito'y oras kung kailan tulog na ang lahat. Bigla na lang na binisita kami ni Bro. Yang. "Bakit ka naparito sa ganitong oras?" ang tanong ko. "Gabi na!" "Hindi ko alam," ang sagot niya. "Naramdaman ko na lang na kailangan kitang makita." Nakita ni Bro. Yang kung gaano kalubha ang sakit ni Zan Mei at agad-agad niyang kinarga ito para dalhin sa ospital. Nang mismong saglit na iyon, dumating si Sis. Xie. Siya rin ay nakaramdam ng pagnanasang makita ako. Kaya't sinamahan ako ng dalawang kapatirang ito sa ospital. Ang sabi ng duktor, "Kung nag-antay ka pa ng limang minuto bago pumunta rito, marahil ay patay na ang anak mo." Naagapan ang buhay ni Zan Mei dahil sa eksakto sa oras ang pagpapagamot sa kanya. Napakabuting Panginoon! Wala Siyang ginawang mga pagkakamali at Siya ang Diyos na nagnanais na magpakita ng awa. Muli, inialay ko sa Kanya si Zan Mei, naghahangad na matutuwa Siyang tanggapin ang anak ko na maglingkod sa Kanya balang araw. Noong 1957, bumalik ako sa Shanghai upang tumira sa aking biyenang babae. Nag-umpisa akong magturo dahil hindi ko nais na makabigat sa kanya. Tatlong buwan lamang ako nagturo dahil ito'y sukdulan ng panahong kontra-sa-[demokratikong] kilusan [anti-rightist movement]. Alam ng paaralan na ako'y isang Cristiano at asawa ng isang kontra-rebulusyonaryo, kaya sinabi nila sa akin na hindi ko maisasakatuparan ang mga prinsipyo ukol sa Pilosopiyang Pagtuturo ni Marx dahil sa aking idealistikong kaisipan (sa madali't sinabi, ang aking Cristianong pananampalataya). Sa pagkawala ko ng anumang pag-asang makakuha ng trabaho, wala akong mapagpipilian kundi ang lisanin ang Shanghai kasama ang anak ko, nagpapaanod sa kung saan-saan. Sa buong panahong ito, ipinailalim ako ng Panginoon sa Kanyang proteksiyon at iniligtas ako sa maraming kapahamakan at mga tukso. At tuwing may panganib at pangangailangan, may ligtas na lugar Siyang ibinibigay na masisilungan ko. Kahit na walang sinuman akong malapitan, lagi akong maaaring lumapit sa Kanya upang ibigay Niya ang kapanatagan ng loob na hinahangad ko.
Ang Asawa Ko sa Kampo ng Gawaing
Pagpapahirap Noong 1958, ako'y pumunta sa Xian at lumagi roon ng kalahating taon. Doon, natanggap ko ang isang napakahabang sulat mula sa aking asawa. Ito'y sinulat niya habang nasa panggabing duty siya sa ospital sa isang umuulang gabi. Lahat ng pasyente'y tulog na tulog na. Napakapayapa ng gabi at walang mga abala. Binigyan siya ng inspirasyon ng Banal na Espiritu na sulatin ang liham na ito tungkol sa kung paano siya nananabik sa Panginoon:
Nang matapos niya ang sulat, pinakiusapan niya ang guwardiyang nagbabantay sa kanya na ihulog ito. Hindi lang hindi inihulog ang sulat, kundi napagalitan pa siya. "Napakatindi naman ng kaisipan mong medyo nakaaangat [bourgeois mentality]. Nagsusulat ka ng love letters! Ano ba itong 'Yahweh, iniibig Kita! Nauuhaw ako sa Iyo!' Sino si Yahweh? Si Yahweh ba'y asawa mo? Mauunawaan ba niya ang sulat mo? Alam mo ba na ikaw ay isang bilanggo sa isang kampo ng gawaing pagpapahirap? Wala kang karapatang magsulat ng mga 'love letters'. Kunin mo ulit ito!" Hindi nawalan ng pag-asa ang aking asawa. Lubos niyang naunawaan na ang Banal na Espiritu ang nagbigay-inspirasyon at nag-udyok sa kanya na isulat ang liham na ito. Alam niya na may perpektong dahilan ang Diyos para rito. Kaya't nagpursigi siya sa pagmamakaawa sa guwardiya na ipadala ang liham na ito. Sa katunayan, ang sulat na ito'y nag-iwan ng di-madaling maaalis at mabuting impresyon sa guwardiya. Hinangaan niya ang nakita niyang mapanglikha at kakayahan sa akademya. Sa katunayan, nakuha ng sulat ang kanyang atensyon hanggang sa ang kanyang isipan ay hindi makapagpahinga sa mahabang panahon. Naalala niya kung paano siya naulila at pinalaki ng kanyang lola, na isang banal na Cristiano na nagdadala sa kanya sa simbahan tuwing Linggo upang magsamba sa Diyos. Tuwing ang lola niya'y mag-aayuno [fast], tatawagin din siyang mag-ayuno. Itinuring niyang isang mabuting Cristiano ang kanyang lola dahil sinamba niya ang Diyos ng may ganoong katapatan sa puso. Pagkabasa sa sulat na ito, naisip niya ang tungkol sa aking asawa, isang edukado at magandang lalaki na nagbigay ng lahat para sa pananampalataya niya sa Diyos. Hindi lamang iyon, nakahanda siyang magdusa ng husto para sa kanyang pananampalataya. Maaaring may katotohanan at kadahilanan sa likod ng kanyang determinasyon na gawin ito. Kaya't makikitang gumagalaw ang Banal na Espiritu sa puso ng guwardiya. Inisip niya muli ang kanyang lola at nakumbinsi na siya'y isang Cristianong katuwang sa paggawa ng Diyos. Sa ganitong paraan, nag-umpisa siyang maghanap ng katotohanan tungkol sa Diyos. Pagkaraan ng panahon, ang Punong Hukom ng korte ay nagkasakit at pinatawag ang aking asawa mismo na mag-alaga sa kanya. Ngunit, bilang isang bilanggo sa gawaing pagpapahirap, walang kalayaang maglakbay nang mag-isa ang asawa ko. Inayos ng Diyos ang mga bagay-bagay upang ang mismong guwardiyang iyon ang maaatasang sumama sa kanya sa paglalakbay. Sila'y naglakbay na naka-kabayo. Nang marating nila ang isang talampas [plateau] sa gitna ng mga burol, iminungkahi ng guwardiya na magpahinga sila. Bigla na lang hinawakan nito ang aking asawa't nagsimulang umiyak. "Utang ko sa iyo ang pinakamalaking paghingi ng patawad," ang sabi niya. "Gusto kong manampalataya sa Diyos. Gusto kong magsisi at magbalik-loob kay Jesus. Pinagmamasidan kita sa lahat ng mga taong ito at nakita kong nasa sa iyo ang Espiritu ng Diyos. Kahit na ano ang gawin mo, ginagawa mo iyon ng buong puso at kaisipan mo. Pambihira ang ugalė mo at nakikita kong kasama mo ang Diyos." Malinaw na ang Espiritu ng Diyos ay naroon sa kanilang dalawa. Binautismuhan siya ng asawa ko sa isang malinaw na sapa, at sila'y labis na nagalak. Kahanga-hanga ang Diyos! Hindi ba Siya'y gumagawa sa isang kamangha-manghang paraan?
Hinahawakan ng Panginoon ang Aking Kamay Noong 1960, napakaraming tao ang namatay sa gutom sa mga probinsya ng Anhui at Henan. Walang trabaho o bukid na masasaka roon. Sa paghihirap dahil sa gutom, naghanap ng kublihan ang nanay ko sa aking kapatid na lalaki sa Beijing. Sa kagandahang-palad, nauna akong dinala ng Panginoon sa Beijing, kung hindi, si nanay, ang aking anak na si Zan Mei, at ako'y muling makararanas ng pagkagutom. Hindi ba't laging totoo na kahit hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, lagė akong inaalalayan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang kamay? Tunay na kailangan kong pasalamatan ang Panginoon sa Kanyang proteksyon. Noong 1961, biglang inilipat ang asawa ko ng mga maykapangyarihan sa bilangguan sa Lawa ng Qinghai upang mangisda. Nang panahong iyon, ang taggutom ay nasa lahat na ng dako ng bansa [Tsina]. Hindi na mabilang ang mga ordinaryong taong namatay sa pagkagutom, at hindi pa nababanggit dito ang mga bilanggo sa hard labor camp. Paborito ng asawa ko ang isda, at araw-araw ay busog na busog siya sa lubhang masustansyang pagkain na ito: pinasingawang tinapay na ipinirito sa mantika ng isda. Pumunta siya sa Qinghai kasama ng 2,000 bilanggo ngunit 200 lamang ang nakaligtas. Pagkaraan ng apat na buwan sa Lawa ng Qinghai, siya'y napakalakas. Sa katunayan, tumimbang siya ng pinakamabigat na timbang niya noon. O, nakamamanghang Panginoon! Lahat ng kaluwalhatian ay sa Kanya at ibinibigay Niya ang Kanyang kaluwalhatian sa Kanyang mga anak. Pagkatapos nito, lahat kami ay nag-alay ng pasasalamat sa Panginoon nang sa kahuli-hulihan ay umuwi na ng bahay ang aking asawa. Noong Tagginaw na iyon, ang mga kapwa bilanggo niya ay napalaya para umuwi na sa kani-kanilang tahanan. Ngunit wala sa listahan ng mga palalayain ang asawa ko. Dumating ang araw nang ang lahat na ng iba ay sumakay na sa bus upang umuwi. Nakatayo siya sa di-kalayuan, inaantay kung paano siya aakayin ng Panginoon dahil sinabi sa kanya ng Panginoon na iyong mga nadakip ay makauuwi na. Sa huling minuto, nang ang mga pangyayari ay pawang walang pag-asa na, tinawag ang pangalan niya at sinabihan siyang mabilis na sumakay na sa bus. Punong-puno siya ng pasasalamat. Walang makapipigil sa kalooban ng Panginoon dahil nasa Kanya ang kapangyarihan. Kung kaya't nangyari na isang madaling araw ng Disyembre, bigla na lamang lumitaw sa harap ng aming mga mata ang aking asawa. Hindi niya nabanggit sa amin kung kailan siya babalik, kaya't pakiramdam ko'y para akong nananaginip. Ako'y lubhang di-makapaniwala at nagpasalamat ako sa Panginoon sa kamangha-mangha Niyang ginawa. Nagagalak ang Panginoon na payagan ang Kanyang mga aliping nagpipitagan sa Kanya na mapayapang makabalik. Sa pamamagitan ng rekomendasyon ni Dr. Chen, nag-umpisang magtrabaho ang aking asawa sa Sentrong Ospital ng aking bayan. Apat silang mga duktor sa Kagawaran ng Medisinang Panloob. Lahat sila'y mga Cristianong inusig dahil sa kanilang pananampalataya. Espesyal na biniyayaan sila ng Panginoon ng Kanyang proteksyon sa maikling mga araw na masaya silang magkakasama kung kaya't naipahayag nila ang Kanyang mapagkandiling pagmamahal na higit na matamis pa sa pulut-pukyutan [honey]. Ang pangalawa kong anak na lalaki ay ipinanganak noong Agosto, 1963. Nang panahong iyon, nagsimula ang Kampanya ng Si Qing [Apat na mga Paglilinis]. Muli, kinakailangang dumalo ang aking asawa ng mga pulong ng pagpapalit-kaisipan [brainwashing sessions] sa isang pangpulitikang paaralan. Tulad ng datė, lagi siyang nakararanas ng masasakit na salita at nakatatanggap ng malulupit na pagpuna sa maraming mga bagay, tulad ng kanyang "kaisipang nakaaangat sa karaniwang manggagawa" [bourgeois thinking] at paniniwala sa Diyos. Sa huli, siya'y pinagtrabaho sa isang palimbagan [printing press] bilang isang urė ng "pagtutuwid sa pamamagitan ng paggawa" [correction through labor]. Kahit na iniukol sa kanya ang gawaing iyon upang papahirapan [torment] siyang mabuti, napaglabanan niya ang mga kahirapan, at anuman ang gawin niya, nagagawa niya ng mabuti. Kahit na ang mga pinaka-may-karanasang mga manggagawa ay di-kayang tapatan ang bilis at kakayahan niya. Ang Espiritu ng Diyos ay nasa sa kanya, binibiyayaan siya ng katalinuhan dahil pinagpipitagan niya ang Diyos sa lahat ng ginagawa niya. Nang mismong taong iyon, ako'y nasisante habang nagtuturo sa kindergarten sa bayan dahil sa aking pananampalataya. Gayunpaman, nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng dalawang kamay na makapagpapalaan para sa pamilya sa pamamagitan ng pagni-knitting (paggawa ng tela sa pamamagitan ng paghahabi ng mga sinulid). Nag-knitting ako kasama ang dalawang kapatirang babae at ako'y may di-maipaliwanag na tuwa. Salamat sa Diyos na naglaan ng kalakasan para sa bawa't araw upang ang puso ko'y nanatiling matapat at ang aking mga paa'y nanalagė sa Kanyang daan.
Ang Pagiging Isang Panoorin [Spectacle]
sa Sanlibutan Nang madaling araw ng ika-17 ng Hulyo, 1965, ipinanganak ko ang aming anak na babae. Pinangalanan siyang Chen Shi ng aking asawa, na nangangahulugang "Anghel ng Bukang Liwayway." Ipinanganak siyang may maraming pigsa sa buong katawan. Maraming mga gamot ang kailangang ipahid sa kanyang katawan kung kaya't halos hindi na siya mukhang isang baby. Higit pa roon, nakaranas kami ng isang napakatinding init [heat wave] sa sumunod na buwan, na may temperaturang umaabot sa 40°C. Ang maliit na kuwarto namin ay napakainit at walang kahangin-hangin, kaya't hindi kami makatulog. Kaya't buong araw kaming nakaupo sa labas ng bahay, sa bakuran, nakararamdam ng pagkahilo at halos hindi makahinga sa init. Dagdag pa roon, ang baby ko ay masasakitin dahil sa di-wasto't di-tamang pagkain [malnutrition]. Ngunit pagkaraan ng dalawang buwan, salamat sa Panginoon, unti-unti siyang bumuti at bumalik ang kulay sa kanyang mga pisngi. Sa pagitan ng 1965 at 1969, wala ni isang araw ng kapayapaan para sa amin. Kung hindi pakikinig sa malulupit na masasakit-na-salita at paratang ang aming dinaranas, pagpaparada sa mga kalsada na suot-suot ang matataas na sombrerong nababalutan ng mga nakahihiyang pagpaparatang naman ang kapalit. Kapansin-pansin ang asawa ko dahil sa matangkad siya. Kami'y ginawang isang panoorin ng sanlibutan dahil sa mga walang-batayang paratang. Madalas akong manalangin at makipagbahaginan sa isang kapatirang babae na nakatira sa aming lugar. Kaya't inakusahan kami ng mga umuusig sa amin na may pinaplano kaming mga sekretong gawain at dumaan kami, pati na ang asawa ko, sa napakahigpit na pagtatanong sa harap ng publiko. Higit pa roon, pinaratangan kami ng isang nakapagtatakang akusasyon - ang pagpapadala ng mga telegrama sa Taiwan! Kaya't ikinulong nila kaming tatlo at paulit-ulit na sinaliksik ang aming mga tahanan. Sa panahong ito, nakaranas ng sakit sa puso, high blood at ulcer ang aking asawa. Kung hindi lamang dahil sa habag ng Panginoon, magiging mahirap para sa kanya ang makatagal na may mga sakit na ito. Tunay na kung hindi kami tinulungan ng Panginoon, maaga pa lang ay nawalan na kami ng lakas ng loob na magpatuloy. Noong Taglamig ng 1969, kami'y na-xia fang, ibig-sabihin, ipinadala kami sa kabukirang pook.* Sinabi namin sa aming mga sarili na hindi naman ito ganoong kasama, at nawa'y makaligtas man lamang kami sa mga kaguluhang pangpulitika sa siyudad. Hindi namin alam na mas matindi pa pala ang darating.
Isang araw, isang trak ang huminto sa tabi ko at ilang lalaki ang nagsabing sumakay ako. "Antayin ninyong bumalik ang asawa't mga anak ko at kami'y sama-samang aalis," ang sabi ko. Ngunit tumanggi sila at kinaladkad nila ako sa lupa na parang patay na baboy. Nagalusa't nasugatan ang aking mga kamay at ang katawan ko naman ay lubhang nagdurugo. Tamang-tama, sa mga sandaling ito, dumating ang asawa't mga anak ko at itinulak kaming lahat ng aming mga taga-usig sa likod ng trak. Dinala nila kami ng laban sa aming kagustuhan sa isang lugar na may limampung kilometro ang layo. Pagdating doon, sinabihan nila ang mga pinuno ng baryo at mga magsasaka na higpitan ang pagmamatyag sa amin, dahil kami'y mga matataas na klase na espiya at mga kontra-rebulusyonaryo. Muli, kami'y ipinarada sa mga kalye na suot-suot ang mga matataas at matutulis na sombrero [dunce caps] sa aming mga ulo at mga paskil [placards] sa aming mga leeg. Muli, kami'y naging panoorin upang makita ng lahat at mapahiya. Ang mga taga-usig namin sa baryo ay kasing-sama ng sa siyudad. Kung hindi kami binigyan ng Panginoon ng kalakasang higit pa sa makakayanan ng tao, maaaring hindi namin makakayanan ang mga araw na iyon. Bawa't alala ng Panginoon ay nagdadala ng tamis at kaginhawaan. Taimtim kong naramdaman na hindi, kahit na isang saglit lamang, mabubuhay na wala ang Panginoon na nagmamahal sa atin. Pagkaraan ng panahon, nagbago ang pakikitungo sa amin ng mga tao sa baryo. Sila'y nakipagkilala't nakipagkaibigan sa amin. Hindi na kami gaano katakut-takot para sa kanila. Napagaling ng aking asawa ang mga mayroon ng mahihirap na sakit, kung kaya't nahulog ang kanilang mga puso sa kanya at nakamtan ang kanilang pabor. Paglipas pa ng sandaling panahon, may ilang mga magsasaka ang nag-umpisa ng isang klinika sa komunidad at inimbitahan nilang maging manggagamot ang asawa ko roon. At doon, tagumpay niyang napagaling ang maraming pasyente at natuwa ang mga tao sa baryo dahil sa napagaling niya ang maraming karamdamang gumugulo sa kanila. Makalipas ang panahon, nagkasakit ang asawa ni Sekretario Li ng brigada ng paggawa. Pagkatapos siyang gamutin, siningil siya ng asawa ko, tulad nang ginagawa niya sa mga tagabaryo. Lubos na hindi nasiyahan ang Sekretario sapagkat hindi siya pinakitaan ng espesyal na pabor. Kaya't nakakita siya ng dahilan at sinabi, "Matandang Xia, may mga problema ka pa sa iyong paninindigang politikal at ideolohiya at kinakailangan mo pang pumailalim sa 'pagpuna sa sarili' [self-criticism] bago bumalik sa iyong trabaho." Nakaramdam ng matinding galit si Sekretario Li, kung kaya't ipinag-utos niya sa Pinuno ng Kagawaran ng Produksyon na bigyan ng mas mahigpit na pagbabawal ang aking asawa at ibigay sa kanya ang pinakamahirap at pinakamabigat na gawaing-kamay. Bilang resulta nito, lumitaw muli ang mga lumang sakit ng aking asawa. Sa sobrang sakit na naramdaman niya, hindi na siya makatayo mula sa higaan. Mula noon, may napakalaking pagpapahalaga ang mga magsasaka sa 'kanilang' Dr. Xia, at siya'y itinuring na isang taong may integridad at may pagkamakatarungan. Nagpatunay siya ng isang banal na reputasyon sa mga tagabaryo at pinagwagian ang kanilang pagtitiwala. Nagpapasalamat kami sa Panginoon dahil dito. Labing-isang taon pagkalipas kaming ipadala sa baryo, nasunog ang aming bahay. Pinatayo naming muli ito nang sumunod na taon, para gibain naman muli ng isang bagyong may kahalong ipu-ipo. Noong malakas ang ulan, lahat ng parte ng kisame ay tumulo maliban sa isang parte na kasinglaki ng lamesa. Ang buong pamilya namin ay sumuksok sa sulok na iyon at sa pangunguna ng aking asawa, kami'y kumanta ng mga awiting papuri. Tumunog sa kagalakan ang aming mga boses. Gayunpaman, ang akala ng mga taga-baryo ay humahagulgol kami dahil bumagsak ang aming bahay. Ngunit nang pumunta sila upang paginhawain kami, nasorpresa silang makita na kami'y kumakanta! Pinagtawanan nila kami. Gayunman, naunawaan namin na " ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Diyos." (Roma 8:28). Kami'y nagalak, umaasa sa mga pangako ng Diyos habang inilalagay Niya sa aming mga puso ang Kanyang kapayapaan. Sa ibang pagkakataon naman, habang nagbabayo kami ng trigo sa lupa, umihip nang malakas ang hangin, at kinalkal nito ang trigo at dinala sa ilog. Kami pa naman ay nananabik sa pag-aani ng trigo at umaasang makakakain na ng pinasingawang tinapay [steamed buns]. Ngayon, lahat ng pinagpaguran namin ay nawalan ng saysay. Lahat ng inani naming trigo ay nawala't napunta sa tubig sa ilog. Napabuntong-hininga ang mga taga-baryo sa kawalang pag-asa, ngunit kami'y nagpasalamat sa Panginoon kahit na sa walang-katapusang paghihirap na aming nararanasan. Naalala ko ang mga salita ng Panginoon sa Lucas 22:28: " kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin." Nang tayo'y umasa sa Panginoon, ang mga puso natin ay nakaranas ng kaginhawaan at pagiging kontento. Kahit na sa patuloy na pagdurusa, maaari pa rin tayong lumukso sa kagalakan.
Pagtatayo Muli ng Aming Tahanan Noong ika-23 ng Disyembre, 1980, ako'y bumalik-nanirahan sa siyudad. Nagpapasalamat ako sa Panginoon na ipinagpatayo kami ng aking kapatid na babae ng isang bahay na may tatlong kuwarto upang matirhan namin. Pagkatapos ng dalawang taon, binigyan ako ng inspirasyon ng Panginoon na magbukas ng isang kindergarten sa aming tahanan. Sa isang banda, nalutas nito ang aming pangangailangang pinansyal, at sa kabilang banda, nagbigay ito ng pagkakataong makapag-aral ang mga bata sa mga kalapit-bahay. Karamihan sa mga bata ay hindi makapasok sa pampublikong kindergarten, dahil kailangan ng mga sulat ng rekomendasyon mula sa tatlong antas ng awtoridad. Kung kaya't ang aking kindergarten ay nagbigay ng kalunasan sa sakit ng ulo ng mga magulang. Nagpapasalamat sila rito kahit na sa may-kahirapang kundisyon nito. Sinuportahan din kami ng gobyerno at ako'y ginawaran ng titulong "Modelong Manggagawa." Maayos ang lahat ng bagay dahil sa tulong ng kamay ng Panginoon. Ang aming pampamilyang pagsamba ay nag-umpisa rin kasabay ng aming pagbubukas ng kindergarten. Bukod pa roon, nag-umpisa ring pumasok sa paaralan ang aking mga anak, at ang aming mga puso ay punung-puno ng pagpupuri. Sa espesyal na biyaya ng Panginoon, ang matagal na naming inaasam na mga panaginip ay nagkatotoo - nangaral ang aking asawa at nanguna ng mga pag-aaral sa Biblia at sama-sama kaming naglingkod sa Panginoon. Gayunpaman, naakit din namin ang atensyon ng "Three-Self Church." Inimbitahan nila ang aking asawa na mangaral doon at magtrabaho rin sa kanilang ospital, ngunit tinanggihan niya sila. Pagkatapos noon, gumawa sila ng gulo para sa amin sa pamamagitan ng pagre-report sa mga awtoridad ng tungkol sa aming pampamilyang pagsamba. Dahil hindi nakarehistro ang aming pagtitipon, kung kaya't walang permiso mula sa gobyerno, hindi kami pinayagang magtipun-tipon. Ipinag-utos ng pampamahalaang awtoridad na itigil namin ang mga pagtitipon. Kung kaya't ang mga mananampalataya ay nagkawatak-watak. Gayunpaman, nagpatuloy kaming magkita-kita ng dalawahan at tatluhan para sa pagsamba at pagbabahaginan, kahit na kami'y mahigpit na minamanmanan. Ang Panginoon mismo ang nagprotekta sa amin.
Ang Kumakalat na Apoy "O sige, sabihin mo sa akin!" sabi niya. Pagkarinig niya, sobra siyang natuwa. Mula noon, mayroon na akong kutob na may isang bagay na hindi ko inaaasahan ang mangyayari sa kanya. Noong ika-15 ng Marso, 1993, sa ika-40 anibersaryo ng aming kasal, nagkasakit ng malubha ang aking asawa. Nasa tabi ng kama niya ang mga anak namin at nagbigay sila ng dugo sa kanya. Hindi siya makainom pero napakaalerto pa rin niya at nasa katuwiran pa rin sa kanyang pananalita. Iginagalang ng lahat ng mga anak namin ang kanilang ama at gusto nilang makinig ng kanyang mga salitang may kaalaman. Sa gabi ng ika-29 ng Marso, bigla na lang sumigaw ang asawa ko ng "Halleluhah! Purihin ang Panginoon!" Our children asked him, "Papa, why are you so happy?" Tinanong siya ng aming mga anak, "Papa, bakit masaya kayo?" Ang sagot niya, "Nakita ko ang langit na bumukas para sa akin. Malapit na akong iuwi ng Panginoon." Narinig din ng ibang mga pasyente ang malakas niyang sigaw. At kanyang hiniling sa kanila na mabilis na maniwala kay Panginoong Jesus. Nang sumunod na araw, ang buong pamilya'y nagdaos ng isang pagsamba sa ospital kung saan ang asawa ko ang nangaral. Pinagtagubilinan niya kami na "Pag-alis ko, ang simbahan ay kailangang muling mag-umpisang magsamba." Ang lahat ng aming mga anak ay naroon sa eksena nang sabihin ito ng kanilang ama. Ang bunso naming anak na lalaki ang nagsabi pagkatapos na, "Nais kong ihandog ang aking sarili upang gamitin ng Panginoon. Ipanalangin mo ako, Papa." Kung kaya't ipinatong ng aking asawa ang kanyang mga kamay sa kanyang ulo upang ipagpanalangin siya at ihandog siya sa Panginoon. Noong unang araw ng Abril, kinuha na ng Panginoon ang aking asawa. Mukhang maningning ang kanyang mukha, na para bagang siya'y natutulog. Mapayapa siyang yumao upang makita si Jesus. Hindi na siya muling magkaroroon ng kalungkutan at mga luha dahil makakasama na niya ang Panginoon mula sa araw na iyon. Noong ika-5 ng Abril, tatlong-daang tao ang dumating sa punerarya para sa burol. Bago pa iyon, marami na ang dumating upang makilamay, nananalangin sa Panginoon na iligtas kami mula sa anumang kaguluhan. Tunay na nasa amin ang Panginoon, at ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu'y gumagawa sa araw na iyon. Ang mangangaral at ang kapatirang lalaki na nanalangin ay pawang binigyan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Hindi pa kami nakakakita ng ganoong kapuspos-ng-Espiritung eksena at kami'y naging inspirado. Ang namamahala ng punerarya ay nagsabing, "Sa lahat ng mga taon ko rito, hindi pa ako kailanman nakakita ng ganoong karangal at maka-Diyos na tanawin. Ang mga awit ay napakamakabagbag-damdamin at hindi pa ako nakaririnig ng ganoong kagandang musika. Sino ang namatay? Bakit maraming tao ang dumating upang magbigay ng kanilang pagpipitagan? Napakanakakapukaw ng damdamin! Maganda sigurong maniwala sa Diyos na tulad niya. Nais din naming maniwala sa Diyos." Naroroon ang mga pulis sa burol. Binantayan nila ang aking asawa sa lahat ng mga taong ito. Salamat sa Panginoon sa Kanyang patuloy na pagproprotekta sa kanya mula sa mga taong ito hanggang sa kanyang kamatayan. Nang kunin ng Panginoon ang mahal kong asawa, ako'y naiwang may malalim na kalungkutan. Magkasama naming nilabanan ang mga espiritual na laban sa lahat ng mga taong ito, nagbabahaginan ng iisang puso at kaisipan. Hindi ko alam ang aking gagawin nang wala na ang aking ka-manggagawa. Kahit na mahal ng aking mga anak ang Panginoon, sila'y mga bata pa. Sa dami ng kapatiran sa simbahan na dapat alagaan, pakiramdam ko'y may limitasyon ang aking lakas at nagmakaawa ako sa Panginoon na bigyan ako ng isang ka-manggagawa. Nagpapasalamat ako't pinakinggan Niya ang aking kahilingan. Mula nang oras na iyon, nag-umpisa ang mga kapatiran na regular na bisitahin at tulungan ako. Ang bunso kong anak na lalaki ay nagkaroon din ng oportunidad na makapasok sa pagsasanay upang maglingkod sa Panginoon. Sa sobrang pag-ibig niya sa Panginoon ay nag-resign siya mula sa kanyang trabaho sa isang institusyon ng pagsasaliksik upang matutong paglingkuran Siya sa iisang-isip. Pagkatapos ng kamatayan ng asawa ko, nag-umpisa ding umibig sa Panginoon ang panganay kong anak. Ang sabi niya, "Namatay na si Papa, ngunit ako nama'y nagkabuhay." Tapat siyang umaasa na isang araw, siya rin ay makapapasok sa pagsasanay upang maglingkod sa Panginoon. Pagkalooban nawa siya ng Panginoon ng ganoong pagkakataon! Sa mga ilang taong ito, ang Panginoon ay kasama ko, at ang isang minamahal na pastor ay nagpapakita ng kanyang pag-aalala sa akin sa maraming mga paraan. Maraming mga kapatirang lalaki at babae ang buong-pusong tumutulong sa akin. Malaki rin ang nailago ng simbahan. Umuwi na rin ang bunso kong anak na lalaki pagkatapos ng kanyang pagsasanay. Nang makita niyang hindi na ako malakas, pinayuhan niya akong siguraduhin na mayroong sapat na pahinga. Pinasasalamatan ko ang Panginoon sa pag-ibig ng aking anak. Hinayaan ako ng Panginoon na lumapit sa Kanya ng may katahimikan sa mga huling taon ng aking buhay. Tunay na kamangha-mangha Siya!
Pagtatapos Ang pagdurusa ay nakabuti para sa akin. Ang pagdurusa ang naging sanhi upang matutuhan ko ang Kanyang mga pinag-uutos. Hinayaan ako ng Panginoon na matikman ang maraming mapapait na kapighatian, na ngayo'y naging aking biyaya. Ang mga anak kong lalaki, ang mga manugang kong babae, at ang anak kong babae, lahat sila'y naniniwala sa Diyos at mapagmahal din sila sa akin bilang kanilang ina. Kapag hinahangaang mabuti ng mga Cristiano at mga di-Cristiano ang pagkakaisa ng aming pamilya at sinasabi sa akin kung gaano ako kapalad, nagpapasalamat ako sa Panginoon, na Siyang nagpakita ng pagkahabag sa akin at nagbigay ng grasya na humihigit pa sa aking pang-unawa at mga pangangailangan. Sa kasalukuyan, ako'y isang may-maputing buhok na matandang babae na nagdaranas ng iba't ibang sakit. Ngunit kasing-determinado pa rin akong mahalin ang Panginoon katulad ng ginawa ko noong mga kabataang araw ko. Nawa'y itaguyod Niya ako hanggang sa makita ko Siya - mukha sa mukha! Habang tinatapos ko ang patotoong ito, tunay kong inaasahan na ito'y makatutulong sa mga kapatirang lalaki at babae na may hangaring maglingkod sa Diyos. Gayunpaman, pakitandaan na ako'y isa lamang na ordinaryong nakatatandang kapatid na babae. Huwag ninyo akong tingnan na mas mataas kaysa sa karapat-dapat dahil hindi iyon nababagay na gawin. Dahil sa habag ng Panginoon, " hindi niya papatayin ang timsim na umuusok" na tulad ko. (Mateo 12:20) Kaya, dahil sa grasya Niya at sa pangunguna ng Banal na Espiritu, umaasa ako na papalakasin ng mga kapatirang lalaki at babae ang loob ng isa't isa na sama-samang takbuhin ang takbuhan [run the race together], "nagtutumilin sa hangganan sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus." (Filipos 3:14) Isang mahinang miyembro ng katawan ng Panginoon Jing Rong |
Difficult in reading?
Tagalog Series: - Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya! - Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos - Ang Kabutihan At Katapatan Ng Panginoon - Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan
|
|||||
|
Copyright 1998-2007. All
Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best
viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution. |
|||||||