|
ChristianDisciplesChurch A Christian Evangelism and Discipling Ministry |
|||||||
|
|||||||
|
Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba (Blessed Are the Meek) Mateo 5:5 - Ikatlo sa Isang Serye ng Sampung Mensahe Tungkol sa 'Ang Mapapalad' Sumapit tayo ngayon sa ikatlong 'mapapalad' o 'beatitude.' Mababasa sa Mateo 5:5: "Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa.¹" Mamanahin nila ang 'earth.' Masaya! Maligaya! Gaya ng nakita natin noon, ang kahulugan ng 'mapalad' ay masaya! Masaya sapagkat pinagpala ng Diyos ang taong ito! "Masasaya ang mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa." Nang pinag-aralan natin ang 'dukha sa espiritu', nakita na natin na ang pangunahing kahulugan nito ay ang pagiging maamo o mapagpakumbaba. Ngunit ngayon, kailangan nating itanong ang isa pang katanungan: Ano ang kahulugan ng 'maamo' o 'mapagpakumbaba'? Kailangan nating maunawaan ito nang mas malalim pa. Ngayon, gusto kong muling sabihin na napakahalaga para sa atin ang maunawaan ang turo ng Panginoon tungkol sa kaligtasan. At gusto kong ulitin kung ano ang nasabi na, na ang turo ng Panginoon ay hindi isang turo ng kaligtasan sa pamamagitan ng doktrina. Iyon ay, hindi tayo maliligtas sa pagkakaroon ng tamang paniniwala lamang, kahit na mahalaga iyon. Ni hindi rin tayo maliligtas sa pamamagitan ng mga gawa, mahalaga man ang mabubuting gawa. Gaya ng sinabi ni Pablo, "tayo'y... nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa". [Efeso 2:10] Kung naliligtas tayo hindi alinman sa pamamagitan ng doktrina ni sa pamamagitan ng mga gawa, kung gayon, paano tayo naliligtas? Sa pagiging isang bagong tao sa pamamagitan ng biyaya (o grasya) at kapangyarihan ng Diyos! Ginagawa tayong maging mga bagong tao ng Diyos. Tayo'y naliligtas, at tanging naliligtas, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, na ibinigay niya sa atin sa grasya niya upang gawin tayong mga bagong tao. Ano ba ang larawan ng mga bagong taong ito? Anong uri ng tao ba sila? Iyan mismo ang sinasabi sa atin ng 'mapalad' o 'beatitude' na ito. Heto ang larawan ng bagong tao: isang taong pinagpapala ng Diyos sapagkat siya'y dukha sa espiritu; siya'y mapagpakumbaba. Pinagpapala siya ng Diyos sapagkat nahahapis siya dahil sa kasalanan, kasi mahal niya ang katuwiran; kinamumuhian niya ang kasalanan. At pinagpapala siya ng Diyos sapagkat maamo siya. Maamo siya hindi dahil sa may panlabas na asal siya ng pagpapakumbaba; sinusubukan niyang iyuko ang ulo niya; pinapalungkot niya ang mukha niya at nag-aasal na parang nagdadalamhati. Hindi ganoon! Maamo siya dahil sa ginawa ng Diyos na maging ganitong uri siya ng bagong tao.
Ang Solusyon sa mga Problema ng Sangkatauhan: Ang Ebanghelyo Maaari ninyong baguhin ang kalagayan ng kabuhayan niya; ng edukasyon niya; ng kalusugan niya. Mapapahaba ninyo ang buhay niya sa pamamagitan ng mga gamot gaya ng antibiotics at kung anu-ano pa. Ipinapalagay na nagagawa nga nilang mapahaba ng kaunti pa ang buhay ng tao. Subalit walang anumang magagawa ang mga ito upang baguhin ang tao sa kaloob-looban niya. Makasarili pa rin siya sa likas na pagkatao niya. Sa pamamagitan ng edukasyon, matututunan niyang hindi gaano ipahalata ang pagkamakasarili niya. Matututo siyang maging mas tuso, kaya lalong magiging mas mapanganib ang kalagayan niya. Noon, ipinapakita niya ang pagkamakasarili niya nang deretsahan. Ngayong siya'y edukado at marunong na, alam na niya kung paano itago ang pagkamakasarili niya; hindi halata ito sa kilos niya. Pero makasarili pa rin siya. Gaya pa rin siya nang dati, pero mas matalino lang siya ngayon sa mga kinikilos niya. Gusto niyang magkaroon ng mas magandang mundo kung saan may kasaganaan, kapayapaan, at kariwasaan. Hindi mangyayari ito! Tingnan ninyo ang mundo ngayon. Nasa gatilyo o kalabitan ng baril ang daliri ng lahat. Ang tanong ay kung puwede natin mapanatili ang balanse ng kapangyarihan. Anong mangyayari kapag ang balanseng ito ay naligalig? Nabubuhay tayo sa lubos na mapanganib at tunay na delikadong sitwasyon.. Paano natin mapapanatiling balanse ang mga bagay-bagay? Napakahirap! Kapag hindi madaling ibalanse ang mga ito, kaunting mangyari lang, hindi na balanse. Anong mangyayari kapag ang balanse ay pansamantalang nasira? Kung gayon, may magsasamantala upang unang makasalakay. Hindi tayo nabubuhay sa isang kalagayan kung saan may kasiguruhan ng anumang uri ng kapayapaan, ng kapalagayan. Ang tanging paraan upang malutas ang problema ay sa paraang ginagawa ng Diyos sa pamamagitan ng karunungan niya. Kailangang mabago ang tao mula sa kaloob-looban niya. Kapag tinatanong ng mga tao, "Ano ang ginagawa ninyong mga Cristiano sa mga problema ng lipunan?" ang sagot ay, "Marami kaming ginagawa." At ginagawa lang natin ang mga bagay na talagang mahalaga. Tinutumbok natin ang puso ng tao at binabago siya. Kapag may isang bagong tao na, may simula na kayo ng isang bagong lipunan. Kapag may isang bagong lipunan na kayo, may isang bagong mundo na kayo. "...sapagka't mamanahin nila ang lupa." Hindi pa tapos ang Diyos sa lupang ito, sa 'earth' na ito. Pakipansinin ito. May isang uri ng turo ngayon na tila kinalilimutan na ang lupa o earth. "Pupunta tayo lahat sa langit," na tila sinasabi natin na, "Paalam, lupa!" at "Wala akong pakialam sa kung ano ang mangyayari sa iyo. Tapos na ako sa lupang ito." Hindi pa tapos ang Diyos sa lupang ito. Itatatag ng Diyos ang kaharian niya sa lupang ito. Tandaang mabuti ang turong ito sa Biblia. Ang turo natin ay hindi isang uri ng pagtakas. Ang Cristianismo ay hindi isang pagtanggi na harapin ang mga problema ng mundo kaya lilisanin na natin ito. Hindi ito pagsabing, "Wala akong pakialam sa mundong ito. Pupunta na lang ako sa langit. Kung ano man ang mangyari sa mundo, wala akong pakialam." Pero may pakialam ang Diyos! "Mamanahin ng maaamo ang lupa." Itong mismong lupang ito! Itong 'earth' na ito. Kataka-taka, 'di ba, na nag-aalala pa rin ang Diyos sa lupang ito. Sa ating isip, kamangha-mangha ito, ngunit hindi sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang mundong ito at itatatag niya ang katuwiran niya dito mismo sa lupang ito. Paano niya ito gagawin? Una, babaguhin muna niya tayo. May mas magandang solusyon ba kayo para sa mundong ito? Kung mayroon, ipaalam ninyo sa akin, dahil wala pa akong naririnig na anumang solusyon.. Tingnan ang mundong ito at ang kaguluhang naririto. Walang paraang makakagawa kayo ng isang mas mabuting lipunan, o maitatatag ang katuwiran sa mundo, hanggang hindi ninyo nababago ang tao mula sa kaloob-looban niya. Iyon ang dahilan kaya nakikita ko na ang Ebanghelyo lang ang pangunahin at tanging solusyon sa mga problema ng mundong ito. Hinahamon ko ang sinumang makahanap ng mas magaling na solusyon. Wala ni isa man. Sa totoo lang, napakalinaw nito. Hindi makakatatag ng mabuti't bagong lipunan kung walang mga bagong tao rito. Hindi magagawang baguhin ang tao sa pamamagitan ng edukasyon. Mababago ba ang mga tao sa pagbibigay sa bawat isa sa kanila ng swimming pool at dalawang sasakyang imamaneho? Maraming butangero [gangster] ang may swimming pool at dalawang sasakyan. Marahil ay lima-lima pa! Kung makakapagpabago sa tao ang mabuting kalagayan sa pangkabuhayan, dapat lahat ng may dalawang sasakyan at tatlong bahay o anupaman ay mga bagong tao na. Subalit hindi kayang baguhin ng mga ito ang tao mula sa loob. Kailangang ang Diyos ang gumawa upang baguhin ang tao. Kung gayon, paano ninyo nalalaman na nabago na kayo? Tinanong ng isang guro sa Sunday school ang isang batang babae na kamakailan lang gumawa ng isang pagpapahayag ng pananampalataya: "Ngayong ibinigay mo na ang iyong sarili kay Cristo, sa Panginoong Jesus, sa palagay mo ba'y may bagong puso ka na?" Ang sagot ng batang babae, "Naku, opo! Palagay ko po, guro." Ang sabi ng guro, "Paano mo nalalaman na may bago ka nang puso?" Sumagot ang bata, "Ganito po iyon. Ang mga bagay na gusto ko noon, na minamahal ko noon, kinamumuhian ko na ngayon. At ang mga bagay na kinamumuhian ko noon, minamahal ko na ngayon." Inilalarawan lang nito ang kung ano ang nasabi na rito. Kung may nagsabi sa akin noong ako'y isang tinedger ng tungkol sa "Mapapalad ang maaamo," maaaring umirap lang ako. Maamo?! Iyon ang huling bagay na gusto kong maging. Gusto kong maglakad tulad ng leon, tulad ng tigre. Maamo - para lang iyon sa manok. Naku, hindi! Para iyon sa mga taong walang-kuwenta sa mundong ito. Ngunit para sa mga tulad natin - mga higit na mataas, mga piling tao - sinong gustong maging maamo? Alam ninyo na sa aming mga Intsik ang kasabihan ay, "Parang tigre siya kung lumakad." Nagpapahiwatig ito na mahalaga siya, na makapangyarihan siya. "Lumakad tulad ng isang tigre!" Naku, hindi! Eh, lumakad kaya tulad ng isang tupa - maamo, walang-kalaban-laban? "Hindi, hindi. Ayaw namin ng ganito." At ang mga bagay na kinamumuhian ko noon ay maaamo. Binago na ako ng Diyos sapagkat mahal ko na ngayon ang kaamuan. Kahit na sa muling pag-aaral ko ng siping ito, sinasabi ko sa aking sarili, anong himala ito! Anong himala itong nagawa ng Diyos, na dumating ang isang araw na makakatayo ako rito at makakapagsalita ng tungkol sa "Mapapalad ang mapagpakumbaba"! Kung nakikilala lang ninyo ako noong hindi pa ako Cristiano, malalaman ninyo na ang kaamuan ay hindi isang katangiang nasa isip ko. Para sa akin, kalokohan lamang ito. Marahil kung hindi pa kayo Cristiano ngayon at narinig ninyo, "Mapapalad ang mapagpakumbaba", masasabi ninyong, "Naku! Anong uri ng pagpapala ito? Anong uri ng katangian ito?" Ngunit kapag binago na kayo ng Diyos, ganap na nababago ang mga katangiang pinapahalagahan ninyo. Doon ninyo malalaman na may nangyari sa inyo.
Pagbabago ang Solusyon sa Ugat ng Problema At kaya, gaya ng batang babae sa Sunday school, ang mga bagay na kinamumuhian ko noon, hinahamak ko noon - kasama na ang mga Cristiano, na kinamumuhian ko noon - minamahal ko na sila ngayon. Ang mga bagay na minamahal ko noon, tinatanggihan ko na at kinamumuhian ko na: ang pagpapahalaga sa sarili, ang kayabangan. Binago na ng Diyos ang pagkatao ko. Alam ninyo, kataka-taka rin na sa panahong ito, maraming beses kapag ginawan ako ng masama ng mga tao, nakakagulat sa akin na hindi ako nakakaramdam ng paghihiganti o pagtatanim ng galit. Noon, lagot ang sinumang gumawa ng masama sa akin! Ngunit ngayon, hindi man lang ako nakakaramdam na paghihiganti. Kataka-taka! Kapag may nagsabi ng masama tungkol sa akin, hindi ako naaapektuhan nito. Ayaw kong ipagtanggol man lang ang sarili ko. Ayaw ko man lang sabihing, "Hindi! Nagkakamali kayo. Hindi ako ganyan." Kung gusto ninyong maniwala na masama si Eric Chang, "Aleluyah!" Okey lang sa akin. Hindi iyon nakakagulo sa akin. Hindi ako nababahala roon. Kataka-taka, 'di ba? Hindi ito nagpapasama ng loob ko. At kapag pinupuri ako, kataka-taka na wala rin itong epekto sa akin. Hindi ako nakakaramdam ng pagmamalaki. Wala akong anumang nararamdaman dito. Bakit? Sapagkat alam kong hindi ako, kundi siya ang gumawa nito. Si Cristo ang mahalaga! Tinukoy ang isa sa mga dakilang kompositor, ang Italyanong si Toscanini, bilang napakamapagpakumbabang tao. Noong minsang nag-iinsayo sila ng kanyang orkestra, nagbigay siya ng sukdulang inspirasyon sa kanyang orkestra upang mailabas nila ang kasukdulang husay nila sa pagtugtog. Natanto kahit na ng orkestra mismo kung gaano sila napasigla sa damdamin nila. Kaya pagkatapos ng insayo, ibinaba nila ang kani-kanilang instrumento at pinalakpakan si Toscanini. At insayo pa lamang ito! At sinabi ni Toscanini, na may mga luha sa mga mata niya, "Ito'y hindi ako; ito'y si Beethoven." Naipasa niya ang sukdulang kahusayan ngunit ang pakiramdam niya ay nailabas lamang niya ang kung ano ang na kay Beethoven. Wala siyang nagawang anupaman. Ganoong kababa ang loob niya! Nang naisip ko ang mga salitang ito ni Toscanini, "Ito'y hindi ako, ito'y si Beethoven," ipinaalala ng mga ito sa akin ang mga salita ni Juan Bautista, "Ito'y hindi ako, kundi si Cristo." "Not I, but Christ!" Kaya kapag pinupuri kayo ng mga tao, anong ginawa ninyo upang purihin nila? Hindi naman kayo ang gumawa upang maging bagong tao kayo. Si Cristo ang nagbago sa inyo mula sa loob. Ito ang ibig kong sabihin ng kababaang-loob na ito, ng kaamuang ito.. Hindi natin napapaamo ang ating mga sarili sa pagyuko ng ilan pang digri - na tila baga ang kababaang-loob ay sinusukat sa anggulo ng pagkakayuko ninyo! Ipinapalagay na mas mababa kayong yumuko, mas mapagpakumbaba kayo. At kung tuwid ang inyong pagtindig, napakamapagmataas ninyo na. Inaamin kong hindi tuwid ang aking tindig. Dapat magka-good posture ako. Ngunit wala itong anumang kinalaman sa kababaang-loob - ang aking baluktot na likod. Ang pagpapakumbaba ay mula sa puso. Ito ay dahil binago tayo ni Cristo mula sa loob. Kapag binago na tayo ni Cristo mula sa loob, simula na nating nauunawaan ang katuruang ito. Nang sinabi ng Panginoon na, "Mapapalad ang maamo", hindi niya ibig sabihin na kailangan ninyong mamalukto't yumuko upang masabing maamo kayo. Ang ibig niyang sabihin ay: "Maging maamo sa puso!" "...matuto kayo sa akin;" ang sabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 11:29, "sapagka't ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso". Hindi palaging nakikita sa panlabas na anyo ng mapagpakumbabang tao na siya ay maamo. Ito'y nasa loob. Huwag husgahan ang isang tao sa panlabas na pag-uugali lamang niya. Ikinuwento minsan sa akin ng isang pastor kung paanong sa pagpunta niya minsan sa isang pagpupulong, nakita niya roon ang mga kantorang [choir] nakatayo sa harap at kumakanta. Nakita niya na may isa na tumayo at kumanta nang nakataas ang ulo; nang may pagmamalaki; taas ang noo, pati ilong na rin. Sinabi sa akin ng pastor na ito na lubhang nagalit siya at nainis sa tindig at buong asal ng taong ito, sa paraan ng pagkanta nito. Lubhang nabagabag siya nito, hanggang sa pagkatapos ng pagpupulong ay nakilala niya ang taong kumakanta na ito. Natuklasan niyang bulag ang taong ito. Doon niya natanto na ang dahilan kung bakit kumakanta ng nakatayo't taas-noo ang taong ito ay sapagkat siya'y bulag; wala siyang nakikikitang anupaman. Maraming mga bulag ang may ganitong tindig, hindi dahil sa sila'y mayabang, kundi dahil ganoon na sila. Huwag hatulan ang tao sa panlabas nilang anyo. Ang kababaang-loob ay nasa puso.
Nangangailangan ng Pagbabago ang Puso Ang kasabihang ito ng mga Intsik ay aking nakikita sa maraming lugar sa aking paglalakbay kung saan-saan. Sa iba't-ibang tindahan, makakakita kayo ng maliliit na kard na may mga kasabihan o salawikain, para isabit ninyo sa inyong pader upang ipaalala sa inyo ang ilang pangungusap ng karunungan. Ilan sa kanila ay talagang maganda at ilan naman ay kalokohan lang, siyempre. Nabanggit ng isa ang napakagandang salawikaing Intsik na ito: "Kung may katuwiran sa puso, magkakaroon ng kagandahan sa pagkatao. Kung may magandang pagkatao, magkakaroon ng pagkakaisa sa tahanan. Kung may pagkakaisa sa tahanan, magkakaroon ng kaayusan sa bansa. Kung may kaayusan sa bansa, magkakaroon ng kapayapaan sa ibabaw ng lupa." Kapayapaan sa mundo! Nakita ng kasabihang Intsik na ito na kailangang magsimula sa puso ng tao: "Kung may katuwiran sa puso...". At makikita natin sa ilang saglit, na maraming kinalaman ang kaamuan sa katuwiran. Tunay na kahanga-hanga! Tunay na malalim ang turo ng Panginoong Jesus! Napakaderekta sa punto! Tunay na natumbok niya ang puso ng paksa.
Isang Pagsisiyasat sa Orihinal na Sipi sa Awit 37 Ito ang sinasabi ng mang-aawit: "Ngunit mamanahin ng maaamo ang lupain, at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan." Ang salitang kapwa ginamit sa Hebreo at sa Griyego ay 'kapayapaan' na isinalin dito bilang 'kasaganaan'. Ang salita ay 'kapayapaan.' Mamanahin ng maaamo ang lupain o lupa; pareho ang salita rito sa Hebreo at Griyego, na maisasalin bilang lupa o lupain. Samakatwid, paano natin ipapaliwanag ang isang sipi sa turo ng Panginoon? Ganito: ang paraan ng paggawa nito ay ang magsiyasat kung saan kinuha ng Panginoon ang mga salitang ito at saka pag-aralan sa nilalaman ng sipi o 'context'. Sa katunayan, kakaiba ang ika-37 na Awit. Kakaiba ito dahil naroon ang salitang 'mamanahin.' Sa ibang salin, ito'y 'aangkinin.' Sa Griyego at Hebreo, kapwa ito 'mamanahin.' At sa katunayan, pareho ang salita't kapanahunan nito sa Lumang Tipan sa Griyego at sa Bagong Tipan sa Griyego: "Mamanahin ng maaamo ang lupain." Limang beses sa Awit na ito, matatagpuan natin ang 'magmamana.' At kapag inihambing ang mga ito, na tinatawag sa Hebreo na isang 'magkatulad na pahayag', simula na nating nakukuha ang kahulugan sa pamamagitan ng pag-oobserba sa paghahalintulad na ito. Makikita natin ito.
1) Ang Maaamo ay Naghihintay sa Panginoon Una, natutunan natin na ang mga maaamo ay ang mga naghihintay sa Diyos. Tingnan ang b.9 at makikita ninyo ang parehong parirala sa ibang paghahalintulad. Awit 37:9: "Sapagkat ang masasama ay tatanggalin; ngunit ang naghihintay sa PANGINOON ay magmamana ng lupain." Ngayon, kapag kinuha ninyo ang ikalawang bahagi, kapwa kaso ay may kinalaman sa 'pagmamana ng lupain.' Sa unang bahagi, ang 'maamo' at 'ang naghihintay' siyempre ay magkatulad. Kaya ang maaamo ay ang mga naghihintay sa Panginoon. Ang susunod na katanungan na kailangan nating itanong ay: Ano ang ibig sabihin ng naghihintay sa Panginoon? Sa b.34, makikita muli ang parehong paghahalintulad: "Hintayin mo ang PANGINOON, at ingatan ang kanyang daan, at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain". Kaya dalawang beses sa Awit na ito, tinutukoy ang mga naghihintay sa Panginoon, na siyang itataas niya. "Magpakumbaba kayo sa harapan ngPanginoon, at kanyang itataas kayo." [Santiago 4:10] Itataas niya kayo. Ang mga mapagpakumbaba ay ang mga nagpapakumbaba ng sarili sapagkat nagtitiwala sila sa Diyos. Sila ang itataas ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. Dinadala nito tayo sa isa pang punto na lubhang mahalaga. Dito, tinatalakay natin ang mga panuntunan ng espiritwal na kapangyarihan. Maraming Cristiano ang lubhang kulang sa espiritwal na kasiglahan, sa espiritwal na lakas, at ang dahilan ay hindi nila hinahayaan ang Diyos na gumawa ng ganitong pagbabago sa buhay nila. Kapag hinayaan ninyo ang Diyos na gumawa ng ganitong pagbabago - ang gawin kayong maging mapagpakumbaba sa inyong puso (hindi sa panlabas kundi sa loob - saka ninyo lang mararanasan ang espiritwal na lakas, ang kapangyarihan ng bagong tao, ang pagkilos ng Espiritu sa inyong buhay. Kaya, ito ang panuntunan ng kapangyarihan. At ang taong mapagpakumbaba ay ang naghihintay sa Panginoon. Kung gayon, ano ba ang 'naghihintay sa Panginoon'? Sinasabi ng b.7 sa atin na ito ay ang "manahimik", maging tahimik, "matiyaga kang maghintay sa kanya". Ano ang kahulugan niyon? Sinasabi rito: "Huwag kang mabalisa". Ano ngayon ang kahulugan ng 'mabalisa'? May pagkamalabo ang 'mabalisa.' Sa Ingles, ibig sabihin ng mabalisa ay hindi mapalagay. Mas wasto ang kahulugan nito sa Hebreo: ang mag-apoy, ang mag-apoy sa galit. Ito'y ang magalit at mag-init. Hayaan ninyong banggitin ko ang isa pang punto rito: Kumusta ang inyong kahinahunan sa kasalukuyan? Kung kayo'y isang taong madaling magalit, kung gayo'y mas makakabuting hilingin ninyo sa Panginoon na simulan na ang pagbabago sa inyong buhay. Ang ganitong uri ng galit ay kabaliktaran ng kababaang loob. Katunayan ng hindi pa nababago ang taong di-nakakapagpigil at madaling magalit. O kaya'y hindi pa sila ganap na nababago. Marami pa ang kailangang mangyari. "...huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya". Ang galit dito ay sa masasamang tao na gumiginhawa. Nayuyurakan ang matutuwid at gumiginhawa ang masasama. Sa inyong pamilyar sa lipunan sa Hong Kong, madalas kayong nakakaramdam ng pagkayamot sa masasamang tao, lalung-lalo na sa mga makurakot na mga opisyal ng pulis at ng pamahalaan. Yumayaman sila sa pamamagitan ng katiwalian. Sila'y nagmamaneho kung saan-saan ng Cadillac o Mercedes Benz o anupaman. Namumuhay sila sa masaganang paraan. Ang mga ito ay mga masasamang tao at mga magnanakaw. At nayayamot kayo, nagagalit, at nag-iinit. Gaya ng sinasabi rito, ang init ng galit ay dumarating - na gumiginhawa ang mga di-matuwid, samantalang nayuyurakan ang matutuwid. Subalit sinasabi rito na, "...huwag kang mabalisa". Kaya, ang sabi sa b.8 ay, "Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan!" at muli, "Huwag kang maghimutok". Huwag kayong magalit. Ito ay nauuwi lamang sa kasamaan. Ang galit ay nauuwi sa kasamaan! Walang kabuluhan ang magalit. Sinasabi ninyong, "Bakit hindi tayo dapat magalit? Kailangang may gawin tayo tungkol dito." Huwag kayong mag-alala! Maraming gagawin ang Diyos tungkol dito. Ang sabi sa b.9: "Sapagkat ang masasama ay tatanggalin; ngunit ang naghihintay sa PANGINOON ay magmamana ng lupain." Ang Diyos ay isang Diyos ng katarungan! Sa mundong ito na ating tinitirhan, sa lupaing ito, isasagawa niya ang katarungan. Huwag ninyong iisipin na makakaligtas ang masasama! Tatanggalin sila ng Diyos. At sinasabi sa b.10 na: "Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na". Kahit tingnan ninyong mabuti ang kanyang lugar, wala na siya roon. Titingnan ninyo ang lugar niya at sasabihin ninyong, "Nasaan siya? Akala ko'y nandito lang siya dati-rati. Lahat ng mga bantayog na itinayo niya para sa sarili, lahat ng mga tropeo na napagwagian niya - aalisin ng Diyos ang lahat ng mga ito. Hahanapin ninyo siya at hindi ninyo makikita ni anino niya. Ngayon iyon ang nilalaman nito. At mababasa rin natin sa b.11, "Ngunit mamanahin ng maaamo ang lupain, at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan" - sa lubos na kapayapaan. May isang kasabihan sa mundong ito, na pinagtibay ng sinasabing mga panuntunan ng ebolusyon: Ito ay ang "matira ang matibay" o "survival of the fittest". Ang kalikasan daw ay nagpapatuloy sa paglago sa pamamagitan ng lakas at dahas. At kaya, marami sa atin ay pinalaki sa ganitong paraan: "Ipaglaban mo ang iyong sarili!" At iyon ang dahilan kaya hindi ko gusto ang turong ito ukol sa kaamuan at kababaang-loob, na para sa akin ay kalokohan lang. Kung hindi ninyo ipaglalaban ang inyong sarili, sinong makikipaglaban para sa inyo? Pero, ang sagot ng Biblia ay: lalaban ang Diyos para sa iyo. Habang wala kayong pananampalataya, hindi ninyo paniniwalaan iyon. Kaya ipaglalaban ninyo ang inyong sarili. Ang problema lang ay: kapag ang kalaban ninyo ay mas malakas kaysa sa inyo, lalamunin niya kayo. Tapos na kayo! O kung hindi naman, kailangan ninyong magpakaamo't tawagin siyang "Boss!" para hindi niya kayo yurakan. "Sige, boss, mas malakas ka sa akin, kaya ano kaya, iwanan mo na lang ako ng tira-tira pagkatapos mong kumain." Hindi naman maaaring maging malakas ang lahat - dahil sa survival of the fittest - kaya sa huli, yuyuko kayo sa ibang tao. Ito ngayon ang batas ng "matira matibay." Totoo ba ito? Narinig ng ilan sa inyo ang tungkol kay Richard Wurmbrandt, ang pastor na galing sa Romania, sa East Europe. Sinabi niya sa isa sa mga aklat niya, tungkol sa 'matira ang matibay': "Sa kaso ng 'matira ang matibay,' paano nangyari na sa katapusan ng buong proseso ng ebolusyong ito, may natitira pa ring mga hayop na kasing-walang-laban gaya ng tupa. Paano ninyo maipapaliwanag ito?" Tungkol sa mga tupa, ang sabi niya, "Hindi nakakatakbo nang mabilis ang mga ito. Wala silang sungay. Hindi sila makalaban-laban. Paanong nangyari na may mga nilalang pa ring tinatawag na tupa, pagkatapos ng 'matira ang matibay,' ang turo ng ebolusyon? Dapat ang natitira na lang ngayon ay ang mga leon. Yamang ang pinakamalakas lang ang matitira, kung gayon, kapag inihambing sa mga leon, ano pa ang puwedeng matira kundi sila?" Marahil, may punto rito. Hindi ko alam kung paano nakaligtas ang mga tupa. Sa ngayon, hindi ko alam kung may mga humahamon o wala sa doktrinang ito ng 'matira ang matibay.' Ngunit ang alam ko ay ito: sinasabi ng Panginoong Jesus na, "Ngayon, sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat". [Mateo 10:16] Wala tayong kalaban-laban. Sino ang magiging tagapagtanggol natin? Tulad ng sinasabi ni Pablo, "Kayo'y papatayin sa buong araw, gaya ng mga tupa sa katayan." [Roma 8:36] Ngunit ang Diyos ang ating tagapagtanggol! Ang punto rito ay ito: alinman sa nagtitiwala kayo sa sarili ninyong lakas o nagtitiwala kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Narinig ko na nang nakaraang araw, pinag-aralan nila sa ating Bible study ang tungkol sa 'iharap ang kabilang pisngi.' Umaasa ako na nakuha rin ninyo ang puntong iyon. Ang taong naghaharap ng kabila niyang pisngi ang siyang nagtitiwala sa Diyos bilang tagapagtanggol niya.. Ang taong gumaganti ang siyang nagtitiwala sa sarili para sa depensa niya. Marahil, bihasa kayo sa kung fu. Mabuti iyon! Ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo: wala iyon sa kapangyarihan ng Diyos! Kapag nagsimulang kumilos ang kapangyarihan ng Diyos, walang dalubhasa sa kung fu ang makakatalo rito. Natatandaan ko sa ating iglesya sa Liverpool, minsan may taong gustong magpabautismo. Galit na galit ang kapatid niyang lalaki, na isang guro ng kung fu! Tinawagan niya ako, subalit wala ako sa bahay. Karaniwan, ginaganap namin ang pagbabautismo sa Ingles na pook-sambahan, at kaya, nang malaman niya ito, tinawagan niya ang pastor doon at inabuso ito. Sinabi niya, "Kung mangangahas kang ipagpatuloy ang pagbabautismo sa kapatid ko, pupunta ako riyan at ako ang makakalaban mo. Ihanda mo na ang kama mo sa ospital, dahil bubugbugin kita kapag binautismuhan mo ang kapatid ko." Sobra ang galit niya! Nang bumalik ako, nasabihan ako ng, "Alam mo, terible ang nangyayari. May gustong magpabautismo, pero nagsabi ang kapatid niya, na dalubhasa na at guro pa ng kung fu, na pupunta siya rito sa iglesya. Guguluhin niya ang baptismal service at bubugbugin pa ang pastor. Anong gagawin natin? Tatawag ba tayo ng pulis?" Ang sabi ko, "Hmm, hindi ko matatawagan ang pulis kasi hindi sa ating lugar ang bautismo, kundi sa iba. Nasa sa pastor na iyon kung gusto niyang tumawag ng pulis." Kaya tinawagan ko pastor at tinanong siya, "Gusto mo bang tumawag ng pulis?" Sagot niya'y, "Hindi. Okey lang. Magtitiwala ako sa Panginoon bilang aking tagapagtanggol." Ah, alam ng taong ito ang prinsipyo! Ang sabi ko sa aking sarili, "Purihin ang Diyos! May mga tao ng Diyos pa rin sa panahong ito!" Sinabi niya, "Ayaw kong magkaroon ng mga pulis sa pook-sambahan. Baka sasabihin ng mga tao, "Anong uri ng baptism service ito?" At kaya ipinalangin ko ang tungkol sa bagay na ito.. Nang marinig nitong guro ng kung fu na nakabalik na ako, tinawagan niya ako. Sabi niya, "Gusto kong pumunta riyan at makipagkita sa 'yo." Ah, bubugbugin na niya ako kahit hindi pa oras ng bautismo.. Hindi man lang niya hihintayin ang araw na iyon. Kaya ipinagkatiwala ko ang bagay na ito sa Panginoon. "...ang Panginoon...aking muog at aking tagapagligtas". [Awit 144:2] Nang tanungin ko ang magpapabautismo, "Nagbibiro ba siya, o talagang gagawin niya ito?" ang sabi niya, "Kung kilala ko ang kapatid ko, tototohanin niya ito.. Kapag sinabi niyang gagawin niya, gagawin niya talaga." At nasabi pa niyang hindi lang niya bubugbugin ang pastor, papatayin din niya ang kapatid niya. Papunta na siya sa bahay, at kaya, ipinagkatiwala ko ito sa Panginoon. Nang nagtimbre siya ng doorbell, binuksan ko ang pinto at nakatayo siya roon. Sinabi niya, "Naku, lubos akong humihingi ng paumanhin sa panggugulo sa 'yo. Sori kung inaaksaya ko ang oras mo." Sinabi ko [sa aking sarili], "Ay! Ito ba ang gustong bumugbog sa akin?" Kaya sinabi ko [nang malakas], "Tuloy ka! Tuloy!" At napaka-palakaibigan niya. Inisip ko, "Anong nangyari sa kanya?" Nagkaroon kami ng napakagandang pag-uusap, at naging magkaibigan kami sa pag-uusap na ito. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Okey lang sa akin na bautismuhan mo ang kapatid ko." Pagkatapos ng pag-uusap na ito, maayos na ang lahat. "May isang kundisyon lang. Pakisabi lang sa kanya na huwag sasabihin sa ina namin. Iyon lang. Kasi may mahinang puso si ina." Sabi ko, "Iyon ay nasa pagpapasya niya." Nagtitiwala tayo sa Diyos na maging depensa natin. Ang ibig kong sabihin, kung ginamit niya ang kung fu niya, marahil, nadala na ako sa ospital kaagad. Ngunit tagapagligtas ko ang aking Diyos. Anong nangyari sa kung fu niya? Naging kaibigan ko siya. Masdan, ganito ang iharap ang kabilang pisngi: maaari kayong lumaban; puwede. Maaari ninyong depensahan ang inyong sarili. O maaari namang magtiwala kayo sa Diyos na maging tagapagligtas ninyo. Ngayon, mas mahirap nga lang kung dalubhasa kayo sa kung fu. Kapag may sumampal sa inyo sa mukha at inisip ninyo, "Hoy, kaya kong patumbahin ka sa isang suntok lang!" Ngunit [sa halip], nagtiwala kayo sa Diyos para ipagtanggol kayo. Iyon ang punto rito. Maghintay sa Panginoon - iyon ang kahulugan nito. Ibig sabihin, huwag maging mainipin. Huwag uminit ang ulo at agad na gumanti ng suntok. Maghintay! Ibigay ang karapatan sa Diyos. Siya ang may karapatang humatol. Hayaan ninyo siyang maging tagapagtanggol ninyo. Kung wala kayong pananampalataya sa Diyos, hindi ninyo gagawin ito. Kaya dinadala nito tayo sa ikalawang punto.
2) Ang Maaamo ay May Pananampalataya sa Diyos Hindi mahalaga kung mabubugbog ko siya o hindi. Kung hindi kayo gumanti dahil natatakot kayong hindi ninyo siya kayang talunin, kung gayon, duwag kayo. Kung gumanti kayo sapagkat alam ninyo na kaya ninyo siya, samakatwid, mapang-api kayo, dahil alam ninyong kaya ninyo siyang talunin. At kung gumanti kayo nang hindi nalalaman kung matatalo ninyo siya o hindi, kung gayon, ano ang resulta ng lahat ng ito? Marahil ay mabubugbog kayo nang husto o mabubugbog siya nang husto; kaya sa huli, patas lang kayo. Wala kayong napatunayang anuman. Subalit, siyang nagtitiwala sa Diyos para sa depensa niya: iyon ang maaamo. "Magtiwala ka sa PANGINOON, at gumawa ka ng kabutihan; upang ikaw ay makapanirahan (pansinin ito) sa lupain", sa Lupang Pangako, "at magtamasa ng katiwasayan" - ang katiwasayan na nagmula sa Panginoon. Pagkatapos sa b.5, "Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa PANGINOON; magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa." Iyon ngayon ang punto ng paghaharap ng kabilang pisngi: Siya ang gagawa. At saka sa b.6: "Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag, at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat." Itatatag niya ang pagwawalang-sala ninyo at itatatag din ang katuwiran ninyo." Nakaaliw na madalas kong napupuna ito tungkol sa masasama. Tila mas mataas ang suweldo nila kaysa sa akin, pero tila walang katapusan ang pagkakautang nila.. Maaaring kumikita sila ng dalawa o tatlong beses ng kung anong kinikita ko, ngunit walang hangganan silang may utang. Nagkakamot ako ng ulo sa pagtangkang unawain ito. Bakit ang lalaki ng suweldo nila, pero nabubuhay sila sa pamamagitan ng credit card nila? Kamakailan lang, sinubukan ni Pangulong Carter na lagyan ng mga paghihigpit sa paggamit ng credit card dahil nabubuhay sa utang ang mga taga-Kanlurang bansa. Lahat sila'y wala nang pera. Nabubuhay silang lahat sa utang. Tapos, walang hangganan silang namumuhay na sinusubukang magbayad ng utang nila sa bangko. Tunay na kataka-taka! Ayaw kong magkautang ng anupaman, dahil hindi ako nakakatiyak kung mababayaran ko ang utang ko. Kaya ayaw kong magkautang. Takot ako sa credit card. Pero, karamihan sa mga tao ngayon, talagang abot-leeg sila sa utang. Bakit? Dahil maaari kayong manghiram mula sa inyong sahod. Maaari kayong humiram ng $2000 at magbayad ng $25 bawat buwan. Gaano katagal kayo aabutin sa 21% na tubo sa isang taon para maibalik ang inutang ninyong $2000? Kaya, ito'y walang hangganang paghahabol sa pagbabayad ng walang katapusang pagkakautang. Palagi kayong nabubuhay sa utang. Nanghihiram ang masasama, pero hindi sila makabayad-bayad. Bakit? Dahil hindi sila nasisiyahan sa kung anong mayroon sila. Gusto nila ng mas marami pa. Gusto nila ng mas magarang kotse. Sabi nila: "Bumili ang kapitbahay ng 1979 na modelong sasakyan. Kailangan kong bumili modelong 1980. Kailangang malamangan ko siya. Kung nakabili siya ng 1980 na modelo, kailangan kong kumuha ng 1981 na modelo. May leather coat siya; kailangang mayroon din ako. Hindi maganda na plastik ang akin. O di kaya, kung may leather coat siya, dapat may fur coat ako. Kung fur coat ang kanya, dapat mink ang akin." May tawag dito sa Ingles: "Keeping up with the Joneses." Nakikipagpaligsahan sa mga materyal na bagay ng kapit-bahay. Siguradong alam ninyong mabuti ito sa Hong Kong. Palagi kong sinusubukang unawain ang bagay na ito. Hindi ko maunawaan ang ganitong pag-iisip. Palagi kong hindi ito maintindihan, pero sinusubukan ko. Humihiram ang masasama ngunit hindi sila makabayad. Ngunit ang matutuwid, maaaring dukha sila pero mapagbigay sila. Iyon ang kagandahan ng lahat ng ito. Sabi rito sa b.16 ng siping ito, "Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao, kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo" - masama. Maaaring kaunti lang ang mayroon kayo, ngunit basta matuwid kayo, iyon ang mahalaga. May kasaganaan ang masasama, ngunit hindi iyon nagdudulot ng anumang kabutihan sa kanya". "Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali". Ah, tunay itong kahanga-hanga! Isabuhay ang buhay-Cristiano at tingnan kung mabisa nga ito. Naniniwala ako sa Ebanghelyo dahil nalalaman kong mabisa ito. Talagang totoo ito. Maaaring siraan ng puri at atakihin ako ng tao. Okey lang ito. Tagapagtanggol ko ang Diyos. Kung mali ako, ako dapat ang mahatulan. At kung siya ang mali, kaawaan nawa siya ng Panginoon, dahil hahatulan siya ng Panginoon. Talagang kahanga-hanga! Ipamuhay ninyo ito't makikita ninyo kung paano pawawalang-sala kayo ng Diyos, kung paano niya kayo ipagtatanggol. Tulad ng nangyari sa akin, nang dumating ang dalubhasa sa kung fu upang bugbugin ako, nakipagtuos ang Panginoon sa kanya. Babaguhin niya ang taong iyon upang maging kaibigan ninyo. Sa katunayan, sa susunod na may gustong umatake sa inyo, kailangang harapin niya ang kaibigan ninyong bihasa sa kung fu.
3) Ang Maaamo ay ang Matutuwid Ngayo'y unawain natin ang isang bagay. Ganito ang sinasabi ng Apostol sa 1 Juan 3:7: "Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid". Napakahalaga nito. Huwag kayong palilinlang kaninoman. "Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya (ni Cristo) na matuwid." Isa itong pangunahing punto: na ang pagiging matuwid ay hindi lamang sa pananalita kundi sa paggawa nito. Sa 1 Juan 2:29, makikita natin ang sinabi ni Apostol Juan: "...ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak (ng Diyos)." "Ang mga ipinanganak ng Diyos" - at iyon mismo ang nakikita natin dito. Kapag binalikan natin ang Awit 37:28, mapapansin natin na iyon ang dahilan kaya tinawag na 'banal' ang mga matutuwid. Ang kanyang mga banal: ang mga banal ng Diyos! At natatandaan ninyo nang ako'y nagpapaliwanag ng tungkol sa pagdidisipulo, sinabi ko na mas gustong gamitin ni Pablo ang salitang 'mga banal'. Pagkatapos, nagpatuloy ang Awit sa pagsabi na ito'y dahil: "Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay". Pansinin ito sa Awit 37:31. At kaya, walang kapintasan at matuwid siya. Kaya, sa ngayon, naniniwala ako na nakikita na ninyo kung paano kinuha ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito mula sa Awit 37 upang bigyan tayo ng isang pahiwatig sa kung ano ang ibig niyang sabihin. Sa ngayon, [una] nakikita natin na ang mapagpakumbaba ay ang taong may pananampalataya sa Diyos. Naghihintay siya sa Diyos. Pangalawa, nakita natin na ang mapagpakumbaba ay ang taong bukas-palad at mapagbigay kasi nagtitiwala siya sa Diyos. Pangatlo, isa siyang gumagawa ng katuwiran. Sinasabi sa b.27 ng Awit, "Lumayo ka sa masama, at gumawa ka ng mabuti". Sa gayon sinasabi ng b.29 na, "Mamanahin ng matuwid ang lupain".
Ang Bunga ng Kaamuang Ito Kung titingnan ninyo ang Awit 37, mismong sa huling dalawang bersikulo nito, sa b.39 at b.40, makikita ninyo na ang kabuuan nito'y may kinalaman sa kaligtasan: "Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa PANGINOON; siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon. At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng PANGINOON; kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila, sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya." Ang maaamo ay yaong maliligtas. Gaya ng nasabi ko mula sa simula, may kinalaman ang kaligtasan hindi lamang sa kung ano ang pinaniniwalaan ninyo, hindi lamang sa mga bagay na panlabas ninyong ginagawa, kundi sa kung anong uri ng tao kayo.. At maaari lamang kayong maging ganoong uri ng tao sa pamamagitan ng kapangyarihang mabago kayo ng Diyos. Pangalawa, ang maamong tao ay ang may kapayapaan. Nararanasan ninyo na ba ang kapayapaan sa inyong puso? Nagkakaroon ba kayo ng kapahingahan? Pinag-uusapan sa Mateo 11:29 at Awit 37:11 ito. Gaya ng nakita natin, sinasabi ng Awit 37:11 ito: "mamanahin ng maaamo ang lupain, at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan" - kapayapaan. Ganito rin ang sinasabi sa Mateo 11:28-29 ng Panginoong Jesus, "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa." Iyon na mismo ito! Napakaraming Cristiano ngayon ang walang kapahingahan. Nababagabag sila, nababalisa, nasa ilalim ng malaking paghihirap. Nabubuhay tayo sa isang lipunang naglalagay ng maraming kahirapan sa inyo. May walang katapusang pagsusulit kayong kukunin; kailangang magpatuloy kayo sa ilalim ng pagpapahirap ng sangkatutak na trabaho. May matinding paghihirap talaga itong buhay na kailangan nating pagdaanan, ngunit makakahanap ang maaamo ng kapahingahan sa kaluluwa nila, sa kaloob-looban ng pagkatao nila. Kahit anong panlabas na mga kahirapan, naroroon ang kapahingahan sa kalooban. Kaya, una'y may kaligtasan. Ikalawa'y may kapahingahan. At ikatlo, may tagumpay. Ang maaamo ay nakakatagpo ng tagumpay. Tunay na napakaganda nito. Tingnan natin ang Awit 149:4. Ito'y ikalawa sa huling Awit. Sabi rito: "Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang hirang; sa nangagpapakumbaba'y (ang maamo) tagumpay ang ibibigay.²" Hindi ba maganda iyon? Ang maaamo ang siyang magtatagumpay; hindi ba pambihira iyon? Iniisip natin na ang mararahas, ang malalakas, ang matitigas ang siyang magtatagumpay. Hindi pala! Ang maaamo ang binibigyan niya ng tagumpay. Sinasabi sa atin sa Mateo 21:5 na pumasok ang Panginoong Jesus sa Jerusalem na "mapagkumbaba" (o 'maamo' sa Griyego), "nakasakay sa isang asno." Ang asno ay ang instrumento, ang hayop na sumasagisag ng kapayapaan. Ang kabayo ay ang instrumento ng digmaan. Pumasok ang Panginoong Jesus na matagumpay ngunit nakasakay sa isang asno. Nakakamangha muli ito. Ang maaamo ang siyang binibigyan ng tagumpay. Sila ang mga taong pawawalang-sala ng Panginoon, tulad ng nakita natin sa Awit 37:6. Ngayon, gugugol pa ako ng ilang sandali sa pagpapaliwanag ng tungkol sa tagumpay, dahil napakaraming Cristiano ang namumuhay na lubhang bigo sa buhay. Napapansin ninyo ba kung parating bigo kayo? Kung gayon, narito ang kasagutan ninyo: hayaang baguhin kayo ng Diyos! Nabubuhay tayo ngayon sa isang lipunang nag-aaral ng mga pamamaraan, ng mga technique.. Paano magiging tagumpay? Ano ang mga hakbang at mga pamamaraan upang tayo'y magtagumpay? Walang-anumang kinalaman ang sagot sa Biblia sa mga pamamaraan. May kinalaman ito sa kung anong uri ng tao kayo naging upang maging matagumpay - matagumpay sa espiritwal na kahulugan. Kung palagi kayong bigo sa buhay-Cristiano, kung gayon, kailangang hilingin ninyo sa Diyos na baguhin kayo. Gawin nawa kayo at ako ng Diyos na maging bagong tao. Ikaapat, mapapansin natin na ang maaamo ay nakakatagpo ng patnubay. Humahanap ang napakaraming Cristiano ng patnubay. Tinatanong nila: "Ano ang kailangan kong gawin sa kalagayang ito? O sa kalagayang iyon?" At madalas, kailangang maggugol ng maraming oras ang pastor upang sagutin ang mga tanong tungkol sa patnubay. Kung pupunta at maghahanap kayo ng aklat sa tindahan ng mga libro, sasabihin nito ang mga paraan kung paano makakakuha ng patnubay mula sa Diyos. Lubos kayong nagkakamali. Hindi natin kailangan ang pamamaraan o technique.. Ang kailangan natin ay ang paggawa ng Diyos sa ating buhay, nang sa gayon, babaguhin niya tayo. Makikita ninyo na kahit hindi kayo naghahanap ng mga pamamaraan, palagi kayong papatnubayan ng Diyos sa bawat hakbang. Tulad ng nakita natin sa Awit 37:23, "Ang mga lakad ng isang tao ay ang PANGINOON ang nagtatatag". Itinatatag ng Diyos ang lakad ng taong mapagpakumbaba, ng maamo sa loob niya, sa puso niya. Ang ganitong uri ng mga tao ang walang problema sa patnubay. Hindi sila parating naguguluhan sa kung ano ang susunod nilang gagawin, kung ano ang susunod nilang hakbang. Anong susunod kong gagawin? Paano ko malalaman ang kalooban ng Diyos? Ang nagtatanong ng mga ganitong katanungan, ang problema nila ay hindi kung paano malalaman ang kalooban ng Diyos.. Ang tanong para sa kanila ay: "Ano ang gagawin ng Diyos sa iyo?" Simulan sa pagsabing, "Panginoon, baguhin mo ako nang lubos sa aking puso, upang malaman ko ang iyong kalooban, upang ako'y maging uri ng tao na nakakaunawa, na nakakarinig ng iyong tinig, at nauunawaan ang iyong kalooban." Ang ikalima't huling punto ay ito: Ang maaamo, siyempre, ang magmamana ng lupain. Kahanga-hanga na bumalik tayo muli sa puntong ito. Anong ibig sabihin ng 'mamanahin ang lupain'? Ano bang makukuha natin? Dito, kailangan nating tandaan ito. Sinasabi sa b.3 ng 'Ang Mapapalad' na: "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit." Ang dukha sa espiritu ang magmamana ng kaharian ng Diyos. Magkaibang bagay ba ang manahin ang kaharian ng langit at ang lupain? Ano bang ibig sabihin niyon? Hindi sila magkaiba kundi iisa't parehong bagay, dahil ang kaharian ng langit ay itatatag sa lupaing ito! Ang Diyos ay hindi pa tapos sa mundong ito. Itatatag ng Diyos ang kanyang kaharian sa lupa. Kaya sinasabi sa 'Ang Panalangin ng Panginoon' sa Mateo 6:10, "Dumating nawa ang kaharian mo." Dumating saan? Dumating sa atin! Dumating sa lupaing ito! "Masunod nawa ang kalooban mo... sa lupa" - dito magaganap ang kalooban niya - "kung paano sa langit". Kaya, kapag dumating ang kaharian niya sa lupa, ang kalooban niya ay magaganap sa lupa, gaya ng kung paano sa langit. Tandaan itong mabuti sa inyong isip. Hindi pa tapos ang Diyos sa lupaing ito. Itatatag ang kaharian ng Diyos dito at ngayon sa lupaing ito. Nandito na, ngunit lubusang maitatatag ito kapag muling dumating na si Jesus. Napakalawak ng paksa tungkol sa kaharian ng langit. Gumugugol ito ng maraming oras upang maipaliwanag. Masasabi ninyong dumarating nang yugto-yugto ang kaharian ng Diyos. Sa huling yugto, sa muling pagdating ni Jesus, lubusang itatatag ang kanyang kaharian sa lupa. Itatatag ng Diyos ang pamahalaan niya sa lupa. At maghaharing kasama niya ay ang mga banal niya. Hindi ibig sabihin ng "mamanahin ang kaharian" na naroroon lamang tayo. Hindi ibig sabihin na wala na tayong gagawin. Bibigyan tayo ng mga gawain ng pamamahala kasama niya. At ang mga taong hinihirang ng Diyos na mamamahala ay ang mga mapagpakumbaba, ang maaamo sa puso. Magkakaroon ng bagong langit at bagong lupa. Maghaharing kasama niya ang mga banal. Mababasa natin ang paghahari ng mga banal sa Apocalipsis 5:10 at 22:5. Kapag nakita na natin ang mga bagay na ito, mauunawaan na natin ang kahanga-hangang layunin ng Diyos.
Naghahanap ang Diyos ng Taong Ayon sa Kanyang Sariling Puso Gumagala sa lupa sa kasalukuyang panahong ito ang mga mata ng Diyos sapagkat pumipili siya ng mga taong maghaharing kasama niya, na magtatayo ng bagong lupa, ng kaharian ng Diyos. Itatatag niya ang kaharian niya. Lilikha siya ng bagong lipunan, na tinatawag na kaharian ng Diyos, kung saan mananahan ang katuwiran dito sa lupa. Magtatatag siya ng bagong lipunan sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga bagong tao. Iyon ang patakaran niya, ang kataas-taasan at dakilang karunungan niya. Isa itong bagong lipunan sapagkat mga bagong tao ang naroroon. Gumagala sa lupa ang mga mata niya, naghahanap ng mga taong ayon sa sarili niyang puso. Alam ninyo, sa araw-araw ng buhay natin, nabubuhay tayo na parang nasa pagsusulit. Pinanonood ng Diyos kung paano natin pinangangasiwaan ang bawat sitwasyon, ang bawat krisis. Inilalagay niya tayo sa pagsubok. Gaya ng sinasabi ni Pedro, "...ang kadalisayan ng inyong pananampalataya... (ay) sinusubok sa pamamagitan ng apoy" -upang maging kasing-dalisay ng ginto. [1 Pedro 1:7] Gusto ng Diyos ng mga taong kasing-dalisay ng ginto. Gusto niyang pagmasdan kung paano ninyo pinapangasiwaan ang bawat krisis dahil iyon ang apoy na sumusubok sa pananampalataya ninyo. Kapag hinamak kayo, gumaganti ba kayo? Nanonood ang Diyos. Itinatanong ng Diyos, "Nagtitiwala ba siya sa akin o nagtitiwala siya sa sarili niyang lakas, na hindi naman kalakasan." Nagmamasid siya sa lupa. Pinagmamasdan niya kung paano kayo makipag-ugnayan sa mga tao, kung paano ninyo pinangangasiwaan ang inyong mga pagsusulit, kung paano kayo umasal sa trabaho, kung paano kayo gumagawa ng mga pasya. Naghahanap siya ng tao na sumusunod sa kanyang puso. Sa 1 Samuel 13:14, sinabi roon ng propetang Samuel kay Saul, "Ang PANGINOON ay humanap na ng isang lalaking ayon sa kanyang sariling puso" upang maging hari ng Israel at ito'y si David. Muli sa Gawa 13:22, tinawag si David na "isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko." Gumagawa ang Diyos ng isang henerasyon ng mga bagong tao - at hinuhubog niya sila na maging kawangis o anyo ni Cristo. Itatatag niya ang bagong lipunan na ito. Iyon ang dahilan kaya nang dumating si Jesus, ipinahayag niya ang kaharian ng Diyos: "Magsisi kayo, sapagkat darating na ang kaharian ng Diyos." Parating na ang paghahari ng Diyos. Itataguyod ang paghahari ng Diyos. Itatatag sa lupa ang pamahalaan ng Diyos. Magkakaroon ng bagong henerasyon ng tao. Magkakaroon ng kapayapaan, ngunit dahil may mga bagong tao rito. Sa ngayon, hinahanap niya ang mga taong iyon. Para sa akin, nakakatuwa iyon. Anong uri ng mga bagong tao? Sinasabi niya sa atin dito sa Sermon sa Bundok: ang mga mapupunta sa kaharian ng Diyos ay ang mga dukha sa espiritu, ang mga nananangis dahil sa kasalanan, ang mga mapagpakumbaba. Ngayon, alam natin na hindi tayo maaaring maging ganito, maliban na lang kung dumating ang Espiritu ng Diyos sa atin at binago tayo. Tingnan ninyo, ang kaamuang binabanggit dito ay isa sa bunga ng Espiritu sa Galacia 5:23. Isang bunga ng Espiritu ang kaamuan.. Hindi ito isang bagay na makakamit sa ating sariling lakas; hindi natin mababago ang sarili natin upang maging ganitong uri ng bagong tao. Kailangang gumawa ang Diyos sa atin upang maging mismong anyong iyon tayo. Nananalangin ako na kapag nakikinig tayo sa Sermon sa Bundok, nauunawaan natin ang plano ng Diyos para sa kaharian niya, nauunawaan natin ang kamangha-manghang layunin ng Diyos na iligtas tayo, nauunawan ang layunin ng Diyos para sa mundong ito. Hindi itinatago ng Diyos ang mga bagay na ito sa atin. Talagang kahanga-hanga ang Biblia sapagkat sinasabi nito sa atin na, "Ito ang aking plano para sa mundo. Lilipulin ko ang kasamaan. Tatanggalin ko ang masasama, ngunit magtataguyod ako ng mga taong tulad ng inilalarawan dito sa siyam na Mapapalad na ito. Ito ang uri ng tao na aking gagawin, isang bagong tao, sa aking kaharian." Gawin nawa ng Diyos na makatagpo ang bawat isa sa inyo ng lugar sa kahariang iyon, na ang Banal na Espiritu ay papa-sa-inyong buhay at babaguhin kayo. Maranasan nawa ninyo ang biyaya at kapangyarihan niya! Katapusan ng mensahe. ¹Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001. ²Ginamit ang Magandang Balita Biblia. |
Difficult in reading?
Tagalog Series: - Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang" - Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya! - Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos - Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan - Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba - Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran - Mapapalad ang mga May Malinis na Puso - Mapapalad ang mga Mapagpayapa - Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran
|
|||||
|
Copyright 1998-2007. All
Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best
viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution. |
|||||||