|
ChristianDisciplesChurch A Christian Evangelism and Discipling Ministry |
|||||||
|
|||||||
|
Mapapalad ang mga Mahabagin (Blessed Are the Merciful) Mateo 5:7 - Ikalima sa Isang Serye ng Sampung Mensahe tungkol sa 'Ang Mapapalad', Mensahe ni Pastor Eric Chang Magpapatuloy tayo ngayon sa ating pag-aaral ng Salita ng Diyos sa mga sinabi ng ating Panginoong Jesus sa Mateo 5:7. Dito, ganito ang mababasa natin: "Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan." Gaya ng ating natututunan linggo-linggo, may napakaraming yamang naisisiksik ang Panginoong Jesus sa ganitong iilang mga salita. At dahil napakaraming yaman doon, tunay akong nagtataka kung gaano kakaunti ang nasasabi tungkol sa alinmang 'mapalad', o sa tinatawag na 'beatitudes' o 'mga biyaya' sa mga komentaryo. Nangangailangan ang ilan sa mga komentaryo ng mas marami pang pagsusuri kaysa sa sipi mismo. Tunay na nadidismaya ako tungkol dito minsan, kaya bihira akong tumingin sa mga komentaryo. Inaamin ko na wala akong pagnanais na tumingin sa mga komentaryo. Ngunit sa tuwing ginagawa ko ito, madalas nagkakaroon pa ako ng mas maraming tanong kaysa sagot, dahil napakalalim at napakahalaga ng mga salitang ito ng Panginoong Jesus.
Makakamit ng mga Mahabagin ang Kaligtasan Sa madaling salita, tinutukoy ng Panginoong Jesus dito ang tungkol sa kaligtasan. Kahahabagan sila, tatanggap sila ng habag mula sa Diyos, iyon ay, maliligtas sila. Kaya, muli, ang katanungan ay: sinu-sino ang mga taong maliligtas? Ang sagot ng Panginoon dito ay: ang mga mahabagin! Sila ang mga taong maliligtas. Hayaang bigyang-diin ko muli, dahil hindi ako magsasawa sa pagbibigay-diin dito, na sa turo ng Panginoong Jesus, hindi batay ang kaligtasan sa isang propesyon o pagdedeklara ng pananampalataya, ni hindi sa mga gawa. Kundi ipinangako ang kaligtasan sa isang uri ng tao; sa kasong ito, sa inilalarawan bilang mahabagin. Kung ninanasa ninyo ang maligtas, dapat maging ganoong uri ng tao kayo. At sa pagsasaliksik natin kung anong uri ng tao itong sinasabi ng Panginoong Jesus, napag-alaman natin na kung sa ating sariling lakas lang, hindi tayo magiging ganoong uri ng tao. Tanging sa biyaya lamang, o mas tamang sabihin, sa "nakakapagpabagong-biyaya ng Diyos" lamang tayo maaaring maging ganitong uri ng tao. Hindi tayo maliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, ni sa pamamagitan ng mga gawa. Naliligtas tayo, sa madaling salita, sa pamamagitan ng nakakapagpabagong-biyaya ng Diyos sa ating buhay. Ito ang siyang gumagawa upang maging ganitong uri ng tao tayo, dahil, sa ating sariling kalikasan, hindi nating kayang maging ganito.
Hindi Tayo Likas na Mahabagin Gaya ng maraming ulit ko nang naibahagi, tuwing bumibisita ako't ini-enjoy ang magiliw na pagtanggap nina Betty at Shirley sa Shatin, lagi kong naaalala ito. Nakapila ako roon para sumakay ng bus. Iniisip ko, "Wow! Mula nang huling pagparito ko, lubhang nagbago ang mga tao sa Hongkong. Tunay silang maayos nang pumipila." Ngunit nang dumating ang bus, biglang nawala ang pila! Anong nangyari sa pila? Akala ko, aakyat kaming lahat ng bus ayon sa pila. Ngunit bigla na lang sumingit sa harap ang mga nasa huli. Ang mga nasa harapan naman, kasama na rito ang ilang matatanda, nakikipaggitgitan na gamit-gamit ang kani-kanilang mga siko upang mapanatili ang puwesto nila. Nawala kasi ang pila. Mahabagin? Hindi! "Matira ang matibay" ang umiiral. Wala sa usapan ang habag. Siyempre, huwag hamakin ang mga matatanda sa Hongkong. Napakagaling nila sa paggamit ng kanilang siko. Kaya, kapag tungkol sa pananatiling-buhay, palagay ko'y hindi sila tatanda kung hindi nila natutunan ang sining ng pananatiling-buhay. Hindi pinag-uusapan dito ang habag. Sa ating kalikasan, hindi tayo maaaring maging mahabagin. Subalit - at ang kabuuang punto ng kaligtasan ay ito - binabago tayo ng Diyos! Nagiging mga taong tulad nito tayo: mga taong naging mahabagin. At sa pamamagitan ng pananampalataya, [nagiging mahabagin tayo].
Nagiging Mahabagin Tayo sa Pamamagitan ng Tunay na Pananampalataya Ang pananampalataya, kung gayon, ay ang ganap na pagtitiwala ng inyong sarili sa mga kamay ng Diyos, upang baguhin kayo, upang espiritwal na gamutin kayo. Anumang kulang doon ay isang propesyon o pahayag lamang ng pananampalataya. Walang sinuman ang mapapagaling ng isang pahayag ng pananampalataya, kung gaya lang ito ng pagpapahayag ninyo na naniniwala kayong maililigtas kayo ng doktor, na mapapagaling niya kayo. Hindi kayo mapapagaling ng paniniwalang iyon, hanggang hindi ninyo inilalagay nang buo at walang pag-aalinlangan ang inyong sarili sa kanyang mga kamay. Sa ngayon, higit pa roon ang ginagawa ng mga ospital. Bago sila magsagawa ng isang operasyon, pinapipirma muna nila kayo sa isang kasunduan na nagsasabi na, kahit mabigo ang operasyon, hindi ninyo sila idedemanda. Malaya sila sa anumang responsibilidad. Susubukan nila ang lahat ng magagawa nila, ngunit kung hindi sila magtagumpay, hindi ninyo sila maaaring kasuhan. Ngunit ang kahulugan ng pananampalataya naman ay ang lubos na pagtatalaga - nang walang anumang pag-aalinlangan - ng inyong sarili sa mga kamay ng Diyos. Sasabihin kong muli ito, upang maging lubos na malinaw ito sa atin. Ang turo ng Biblia tungkol sa kaligtasan ay hindi isang kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pananampalataya, ni sa pamamagitan ng mga gawa. Ito'y isang kaligtasan sa pamamagitan ng isang pananampalataya na isang buong pagtatalaga, o 'total commitment.' Ito ang ganap na pagtitiwala ng ating sarili sa kamay ng Diyos upang magawa niya ang anumang kinakailangang gawin para mabago niya tayo. Hindi ako maaaring maging mahabagin, ngunit kaya akong gawing mahabagin ng Diyos. Napakahalagang maintindihan niyon. Napakalaki ng paggalang ko kay Martin Lloyd-Jones, na siyang pastor dati sa isang iglesyang dinaluhan ko nang maraming taon. Ngunit sa totoo lang, hindi ko siya talaga maintindihan nang sinabi niyang, "Kung kinakailangang maging mapagpatawad o mahabagin ang isang tao upang maligtas, kung gayon, walang sinuman ang maliligtas." Hindi ko maintindihan kung anong ibig niyang sabihin dito. Dahil, siyempre, tunay ngang walang-sinuman ang maliligtas sa pamamagitan ng sarili niyang lakas. Ngunit ano ba ang biyaya? Ang biyaya ay walang iba kundi ang biyaya ng Diyos, ang grasya ng Diyos. Ano ang biyaya kundi ang kapangyarihang mabago ako ng Diyos, na siyang gagawa ng anumang hindi ko kayang gawin sa sarili kong lakas?
Sa Pamamagitan ng Biyaya, Maaari Tayong Mabago Upang Maging Mahabagin Subalit higit pa roon ang gustong sabihin ni Lloyd-Jones. Ang gusto niyang sabihin, kahit na anumang sitwasyon, hindi maaaring mangyari ito. Itinuturing ko ito - kailangan kong sabihin ito nang may respeto at lungkot - bilang pawawalang-bisa ng biyaya ng Diyos. Itinatanggi nito na maaaring maging epektibo ang grasya ng Diyos, na kaya ng biyaya ng Diyos na gawing mahabagin ang isang di-mahabagin; na gawing mapagpatawad ang isang di-mapagpatawad; na gawing mabait ang isang taong di-mabait. Kung hindi ito magagawa ng biyaya ng Diyos, kung gayon, ano ang biyaya? Ano ang biyayang nakakapagpabagong ito? Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang bagong tao? May anumang kahulugan pa bang natitira rito? Masasabi ko na sa kahulugan ni Lloyd-Jones, wala na itong ibang kahulugan, sapagkat hindi nababago ng biyayang iyon ang sinuman. Kaya, wala akong maipapahayag na Ebanghelyo. Hindi ko alam kung ano pa ang naroroon para ipahayag. Ipinangaral ni Lloyd-Jones na simpleng kapatawaran lang ang biyaya. Hindi ko maaaring ituring na turo ayon sa Biblia ang ipangaral ang kapatawaran nang walang pagbabago kaninuman. Wala akong nakikitang ganoon sa Biblia. Walang-wala! May kumpiyansa ako sa biyaya ng Diyos na siyang epektibong nakakapagpabago sa inyo at sa akin. Natutuwa ako at niluluwalhati ang Ebanghelyo dahil kayang baguhin ng Diyos ang isang tao; kaya niyang baguhin kahit na ang makasalanang sukdulan ang kasamaan. Nakita ko't narinig ang mga patotoo ng mga butangero [gangsters] at mga kriminal, na ganap na binago ng biyayang ito. Natutuwa ako sa biyayang nakakapagpabago ng isang tao. Hindi lamang ang mapatawad siya't maiwan sa kung ano siya dati-rati, upang magpatuloy sa pagkakasala araw-araw na walang pag-asang mabago. Hindi iyon ang biyaya. Ang biyaya ang siyang nakakapagpabago ng isang tao; hindi ba iyon ang Ebanghelyo, ang Magandang Balita? At kaya, kailangan kong sabihin na hindi ako nasisiyahan kay Lloyd-Jones sa puntong ito. Mataas ang paggalang ko sa kanya. Ngunit ang ideya o pang-unawa niya sa biyaya ay tanging hanggang kapatawaran lang. Umaasa ako na ang pagkakaintindi ko sa biyaya ay nakaugat sa Salita ng Diyos, na higit pa ito sa kapatawaran lang, na humahantong ito sa isang pagbabago. Kapwa nagpapatawad at nakakapagpabago ito, upang hindi ninyo na gawin paulit-ulit ang parehong mga kasalanan. Alam ng sinumang taimtim na sinusubukang ipamuhay ang buhay-Cristiano nila na kung kapatawaran lang ang maihahandog ng Ebanghelyo, walang anumang maaasahan kundi isang habang-buhay na kabiguan, na paulit-ulit ninyo pa ring gagawin ang parehong mga kasalanan at magpakailanman kayong babalik at sasabihing, "Sori, hindi ko gustong gawin ito, ngunit nagawa ko muli ito." Anong uri ng Ebangelyo ito? Bakit pa natin kailangan mapasa-atin ang Espiritu ng Diyos kung gayon? Kung nananahan sa akin ang Espiritu ng Diyos, may nangyayari ba sa akin dahil dito? Dahil, kung wala naman epekto ang pananahan ng Espiritu ng Diyos sa akin, ang kailangan ko lang ay ang humingi ng kapatawaran oras-oras. Hindi ko kailangan ang Espiritu ng Diyos na manahan sa akin. Kailangan ko lang bumalik araw-araw at sabihing, "Panginoong Diyos, nagsisisi ako na nagawa ko muli iyon." Kinabukasan, babalik ako at muling sasabihin na, "Nagsisisi ako muli." Para saan pa ang pananahan ng Espiritu ng Diyos sa akin? Kung ano ang kahalagahan ng pagbibigay sa atin ng Espiritu ng Diyos, batay kay Lloyd-Jones, interesado akong malaman ito.
May Epekto Dapat ang Pananahan ng Espiritu ng Diyos sa Atin At nakakapagtaka, lalo na dahil hindi ugali ni Lloyd-Jones ito, sinasalungat niya ang kanyang sarili sa mensahe niya sa Sermon sa Bundok pagkaraan ng dalawang talata. At sinasabi ko na hindi ito ugali ni Lloyd-Jones dahil, karaniwan, napakatalas ng pananaw niya at hindi niya sinasalungat ang sarili niya. Pagkaraan ng dalawang talata, nagpatuloy siya sa pagsabi na, "Kung tayo'y napatawad ng Diyos, samakatwid, kinakailangan nating patawarin ang ibang nagkasala sa atin." Anong ibig sabihin ng: "Kinakailangan"? Iyon ang ginamit niyang salita: 'kinakailangan.' Kaya ba nating magpatawad o hindi? Kung kaya nating magpatawad, kung gayon, tinutupad lamang natin ang itinuturo ng Biblia rito. Kailangang dumating ang araw na malinaw nating naiintindihan - at binibigyang-diin ko ito muli at naglalaan ako ng panahon para rito - na ang kaligtasan sa Biblia ay ang biyaya ng Diyos na mabisang nakakapagpabago ng isang tao; mula sa pagiging makasalanan, nagiging isang banal na tao siya. Idinidiin kong mabisa ito. Iyon ang dahilan na posibleng mangyari ang itinuturo niya, dahil maaaring gamitin ang kapangyarihan niya. Kapag walang kapangyarihan, magiging malabong mithiin lang ang itinuturo niya. "Mapapalad ang mga mahabagin," ngunit kung hindi natin kayang maging mahabagin, wala nang mapapag-usapan pa. Kaya, sino ang pagpapalain? Yamang walang kayang maging mahabagin, batay kay Lloyd-Jones, samakatwid, walang pagpapalain. Kung gayon, walang kabuluhan ang pahayag na ito. Sa palagay ko, nagkamali ang minamahal nating si Lloyd-Jones dito. Posible ito dahil kayang magawa ito ng kapangyarihan ng Diyos. Sapat para sa atin ang biyaya ng Diyos. Iyon ang sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 12:9. Sapat para sa atin ang biyaya niya, at nagiging sakdal ang kapangyarihan niya sa ating kahinaan. Iyon ang kaluwalhatian ng Ebanghelyo. Binabanggit ko ngayon ang tungkol kay Lloyd-Jones dahil nangaral siya mismo sa siping ito tungkol sa Sermon sa Bundok. Baka sakaling nabasa o binabasa o babasahin ninyo ito, sinasabi ko ang aking pahayag sa kuro-kurong ibinigay ni Lloyd-Jones sa siping ito. May mga pahayag din si Watchman Nee. Ngunit sa kaso ni Watchman Nee, natatakot akong mas maraming masasabi tungkol sa kanya dahil, sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang sinasabi niya. Kahit na malaki ang pagpapahalaga ko kay Watchman Nee, nanghihinayang ako sa kanya. Sinasabi niya na: "Ibinibigay ang habag sa taong walang karapatang makamit ito." Iyon ay, upang maipakita ang habag, ibibigay ito sa taong walang karapatan dito. Kung anong ibig sabihin niyon, hindi ko talaga alam. Sa totoo lang, nangangailangan ang ilang mga komentaryo ng mas maraming komentaryo pa. Ang isang pahayag na tulad nito [ay malabo]. Ano ba ang "Ibibigay... sa taong walang karapatang makamit ito"? Anong tinutukoy rito? Tinutukoy kaya ang kabaitan, o ang pag-ibig? Tila puwedeng tukuyin dito ang napakaraming bagay, hindi lang habag. Ano bang tinutukoy niya? Hinihiling ko sa Diyos na kapag may sumulat ng kuro-kuro, alam ng sumulat kung anong sinasabi niya. Sa sumunod niyang pangungusap, nagpatuloy siya sa pagsasabi na, "Hindi dapat magnais makalamang ang mga Cristiano sa ibang nasa mundong ito." Hindi malinaw sa akin kung anong kaugnayan niyon sa pagpapakita ng habag. At anong ibig niyang sabihin sa paglalamang sa iba? Kailangang magbigay ng mas malinaw na pahayag kaysa sa ganitong uri ng malalabong pahayag. Sinasabi ko lang ito sapagkat, sa kasawiang palad, tulad ng natuklasan ng marami sa inyo, nakakadismaya ang pagsisiyasat sa mga komentaryo. Mas maguguluhan kayo pagkatapos magbasa ng komentaryo. May mabuti akong kaibigan sa Inglatera na alam kong nagpapakadalubhasa sa pagbabasa ng mga komentaryo. Madalas siyang tumututol pagkatapos mabasa ang mga ito dahil lalo siyang naguguluhan. Ngayon bakit ko sinasabi ito? Dahil nakasalalay ang malaking bahagi ng kahinaan ng iglesya sa mga araw ngayon sa katotohanang hindi talaga natin naiintindihan kung anong ibig sabihin ng Salita ng Diyos. At hindi rin nakakatulong ang ating mga guro. Lalo pa nila tayo iniiwang mas naguguluhan dahil sa mga pahayag nila. Sinasabi ng Panginoong Jesus sa Lucas 6:36 na dapat tayong maging maawain gaya ng ating Ama na maawain. Upang sundin ang utos na ito, kailangan kong maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng 'mahabagin,' 'di ba? Paano ako susunod sa isang utos kung hindi ko ito naiintindihan? Hindi ko naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng maging mahabagin. Ni hindi ako natutulungan kapag sinabing magpakita ako ng habag sa taong walang karapatan dito. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin niyon. Sa anong sitwasyon ba nangyayari iyon? Wala siyang karapatan sa ano, at ano naman ang ibibigay ko sa kanya? Idinadalangin ko sa Diyos na kapag ipinangaral ninyo ang Ebanghelyo, mas maliwanag ito kaysa roon. At kapag nangungusap ang mga namumuno sa iglesya nang tulad nito, ang hinala ninyo, hindi rin nila tunay na alam kung anong sinasabi ng Panginoong Jesus. Iyon talaga ang ugat ng problema. Kapag hindi alam mismo ng mga namumuno ng mga iglesya o ng mga pastor ang sinasabi nila kaya malabo sila sa itinuturo nila, kung gayon, paano makakasunod ang sinuman sa atin sa Salita ng Diyos? Kaya pumunta na tayo sa Salita ng Diyos. Mithiin nating maunawaang mabuti kung anong sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus dito.
Ang Kahulugan ng "Habag" sa Biblia Ipinapaliwanag ko ito dahil hindi ko gustong ipaliwanag lang sa inyo ang sipi, kundi gusto ko ring malaman ninyo kung paano maiintindihan ang isang sipi. Hindi ko gustong bigyan lang kayo ng isda, kundi ang ituro rin sa inyo kung paano mangisda, para alam ninyo kung paano pakainin ang inyong sarili sa hinaharap. Mahalaga ang 'concordance' dahil masisiyasat ninyo ang bawat sanggunian ng isang salita at kung paano ginamit ang salitang iyon. Magbibigay ang pag-aaral ng salitang iyon ng kahulugan nito nang higit sa magagawa ng anumang diksyunaryo. Kapag bumili kayo ng isang pang-teolohiyang diksyunaryo, iyon din ang ginagawa ng manunulat ng pang-teolohiyang diksyunaryo. Sinisiyasat niya ang bawat sanggunian ng isang salita sa 'concordance' at ibinubuod ito para sa inyo. Iyon lang! At kaya ninyong gawin ito para sa inyong sarili. Pero kung ayaw ninyong gawin ito, o masyado kayong tinatamad, o iniisip ninyong wala kayong oras para gawin ito, kung gayon, maaari kayong maglaan ng kalahati o isang oras sa pagbabasa ng pang-teolohiyang diksyunaryo. At mabuti kung maliwanagan kayo pagtapos niyon. Kung hindi, sayang! Simpleng iyon lang ang magagawa ng pang-teolohiyang diksyunaryo. Ngayon, kapag siniyasat natin ang salitang 'habag' at kung paano ito ginamit sa Bagong Tipan, simula nating makikita ang isang napakahalagang bagay. Makikita natin na palaging ginagamit ang salitang 'habag' sa Biblia kaugnay ng mga bunga ng kasalanan. Iyon ay, ang panlunas ng Diyos sa lason ng kasalanan ay ang habag. Ang habag ng Diyos ang paraan niya sa pakikitungo sa kasalanan sa Bagong Tipan. Halimbawa, ginamit ang salitang habag sa kaso ng isang lalaking bulag na tumatangis sa Panginoong Jesus at nagsasabing, "Anak ni David, maawa ka sa akin!" Anong hinihiling niya? Sa isip niya, humihiling siya ng kagalingan. Ngunit nagpapakita ng habag ang Panginong Jesus sa diwang ang bawat sakit na pangkatawan ay bunga ng kasalanan. Ngayon, ipagpalagay natin na walang kasalanan sa mundo. Walang mga sakit at walang trabaho ang lahat ng mga doktor. Dahil wala nang kasalanan, wala na ring sakit; ngunit dahil may kasalanan, may sakit. Ngunit huwag sanang magkamaling isipin na may tuwirang kaugnayan ang kasalanan sa sakit, na may-sakit ang isang tao dahil nagkasala siya. Mali ang ganoong tuwirang pag-uugnay! Hindi ninyo dapat kailanman sabihing, "May-sakit ka dahil nagkasala ka." Hindi iyon ang koneksyon doon. Mali ang ganitong konklusyon. Iyon ang dahilan kaya nang itanong ng mga disipulo ang tungkol sa lalaking bulag sa Juan 9:1ss, "Sino ang nagkasala? Ang taong ito o ang kanyang mga magulang?" sumagot ang Panginoong Jesus, "...hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man." Ang katanungan ay hindi: "Siya ba'y bulag dahil sa nagkasala siya, o siya ba'y bulag dahil nagkasala ang mga magulang niya?" Siya ay bulag sapagkat may kasalanan sa mundo, sa pangkalahatang diwa. May sakit sa mundo, pinagdurusahan natin ito, bilang kasapi ng sangkatauhan. Halimbawa, may lumalaganap na epidemya ng trangkaso. Kapag nagkaroon kayo ng trangkaso, ang tanong ay hindi: "Ano bang nagawa kong kasalanan para magkatrangkaso ako?" Kasi, kung magkaugnay ang sakit at ang kasalanan, ang madaliang paraan para gumaling kayo mula sa trangkaso ay ang lumuhod agad at magsisi. Sa sandaling tumayo kayo, wala na dapat kayong trangkaso. Hindi ganito kadali. Hindi, hindi! Ang trangkaso ay nasa mundo. Nagkaroon kayo ng trangkaso hindi dahil nagkasala kayo, kundi dahil laganap ang trangkaso sa mundo. May katabi kayong bumahin, inilipad ng hangin ang mga mikrobyo, nalanghap ninyo iyon, at kaya, nagkatrangkaso kayo. Iyon ang nangyari. Wala itong kinalaman sa kung nagkasala man kayo o hindi. Kung may ganoon ngang tuwirang ugnayan ang sakit at kasalanan, dapat maging napakasaya natin dahil patay na dapat ang lahat ng mga Mafia ngayon, dahil magkakaroon sila nang mga lubhang nakakatakot na sakit. Sa mga tulad nating nakagawa ng mas kakaunting kasalanan, dapat magagaang sakit lang ang dadapo sa atin, gaya ng sipon; samantalang sa lahat ng mga butangero, dapat gumagapang na sila dahil sa mga kakila-kilabot na sakit na mapapa-sa-kanila. Sa kasawiang palad, malulusog ang mga butangero. Nagmamaneho pa ng kani-kanilang mga Cadillac! Habang ang lahat ng mabubuting tao naman, iika-ika sa kani-kanilang mga sakit. Walang deretsahang ugnayan ang sakit sa kasalanan. Ngunit may di-tuwirang ugnayan ang dalawa sa diwang ang lahat ng sakit na naririto sa mundo ay dahil may kasalanan. Kung walang mga kasalanan, hindi magkakaroon ng mga sakit. Kinailangan kong maglaan ng kaunting oras sa pagpapaliwanag nito dahil may kahibangan pa ring kaisipan, kahit na sa mga Cristiano, na kapag nagkasakit ang isang tao, ang itatanong ay, "Anong nagawa niyang kasalanan?" Lubhang katawa-tawa iyon! Nagagawa pa rin ang ganitong kamalian ng ilang mabubuting tao, lalo na sa mga kapatirang 'Pentecostal,' na masyadong nagbibigay-diin sa espiritwal na pagpapagaling o 'spiritual healing.' Hindi kayo dapat na mahulog sa ganitong kamalian.
Pinapawalang-Bisa ng Habag ang mga Bunga ng Kasalanan Ngayon, gawin nating mas tiyak ito. Nakikita natin na sa Bagong Tipan, mas madalas tinutukoy ng habag ang kapatawaran ng mga kasalanan. Napakarami ng mga halimbawa nito upang banggitin lahat. Halimbawa, sa 1 Timoteo 1:13&16, sinabi ni Pablo na nakatanggap siya ng habag mula sa Diyos kahit na inusig niya ang mga Cristiano at pinatay pa ang ilan sa kanila. Nakatanggap siya ng habag, dahil nang inusig niya ang iglesya, hindi niya alam ang ginagawa niya. Dito, malinaw na ang habag ay nangangahulugan ng kapatawaran. Dahil hindi niya alam ang ginagawa niya sa pag-usig niya sa mga Cristiano, nakatanggap siya ng habag sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanya. Hindi niya alam na si Jesus ay ang Cristo. Kaya nang malaman niya ito, agad siyang nagsisi. Makikita ninyo sa Lucas 1:77-78 na kahanay ng pagpapatawad ng mga kasalanan sa b.77 ang habag na nasa b.78. Higit nitong tiniyak at nilinaw ito. Sa b.77 mababasa nating: "sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan", tapos sa b.78 naman, makikita ang kahanay: "sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos...". Muli sa Roma 11:31&32, kapag sinasabi ni Pablo na tumanggap ang mga Hentil ng habag, ang ibig niyang sabihin ay niligtas sila, napatawad sila. Muli, sa Efeso 2:4, sinabi ni Pablo ang tungkol sa mapagpatawad na awa ng Diyos - sa pamamagitan nito - naliligtas tayo. O sa Tito 3:5 sinabi niya na, "Iniligtas tayo ng Diyos hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran, kundi ayon sa kanyang kahabagan." Mahabagin siya sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan at sa pagliligtas sa atin. Kaya, kapag siniyasat natin ito sa Kasulatan, walang mapupunang anuman na napakahirap o nakakalito. Hindi kailangang bigyan ng pakahulugan ang salitang 'habag' sa malalabo at di-maunawaang mga kataga, tulad ng: "Ibibigay ang habag sa taong walang karapatang makamit ito." Hindi ito maunawaan. Tuwiran nating maipapaliwanag ito - at salamat sa Diyos dahil tuwirang ipinahayag ito ng Kasulatan - bilang: ang habag ay kapatawaran! Simple lang! Ang maging mahabagin ay ang maging mapagpatawad. Anong mahirap maunawaan dito kapag pinag-aralan natin ito mula sa Biblia? "Mapapalad ang mga mahabagin" - iyon ay, ang mga mapagpatawad - "sapagkat sila'y kahahabagan" - patatawarin sila." Napakalinaw ng kahulugan. Napakaliwanag! Bakit pa tayo gagamit ng mga malalabo't di-maunawaang mga pahayag, maliban siyempre, kung hindi rin natin ito nauunawaan? Ngayon, isa itong pangunahing turo ng Panginoong Jesus - na patatawarin tayo kung nagpapatawad tayo. Ngunit kung hindi tayo nagpapatawad, hindi rin tayo patatawarin. Ganito ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa simpleng mga salita niya sa panalanging itinuro niya, sa Mateo 6:12: "At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin." Hindi na maipapaliwanag iyon nang mas malinaw pa. Hindi ito tulad ng malalabong pahayag ng ating mga pinuno sa iglesya. Nangungusap sila na gamit ang mga salitang mahirap maintindihan, na ipinapalagay na naiintindihan nila kung anong sinasabi nila. Tuwiran kung mangusap ang Panginoong Jesus. Kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin. Tunay itong salungat sa mga salita ng ating minamahal na kaibigang si Martin Lloyd-Jones. Tuwirang sinasabi ng Panginoong Jesus na nakasalalay kung patatawarin kayo o hindi sa kung nagpapatawad kayo o hindi. Nakasalalay ang pagpapatawad ko o hindi sa kung nabago na ako o hindi. Sapagkat kung hindi pa ako nababago, wala kayong makukuhang anumang kapatawaran mula sa akin. Sigurado iyon, dahil kung sa likas kong pagkatao lang, kung saan inuuna ko ang aking sarili, hindi kayo magkakaroon ng ganoong pagkakataon sa akin. Kung may anumang utang kayo sa akin, titiyakin kong babayaran ninyo ito hanggang sa huling sentimo. Ngunit dahil binago ng Diyos ang aking buhay - binago niya ako - hindi ko na ipagpipilitan na bayaran ninyo ako hanggang sa huling sentimo. Kahit hindi na. Gaya nang malayang pagpapatawad ng Diyos sa akin, malaya rin ko kayong mapapatawad. Ang nakakapagpabagong-biyaya ng Diyos ang gumagawa upang maging posible ang katuruang ito. Ngunit hindi natin dapat haluan ng kung anu-ano ang katuruang iyon. Wala tayong karapatang haluan ito. Kaya tayong baguhin ng Diyos.
Ang Habag ay ang Patawarin ang Kaaway Gaya ng alam ng marami sa inyo, gumamit ang mga Hapon ng mga armas na pambomba na abot sa malalayong distansya, mula sa Malaysia tungo sa Singapore. Kaya noong binobomba nila ang Singapore, marami ang malubhang nasugatan sa buong paligid. At kaya, kinukuha ng ama ni Dennis ang mga sugatan, itinatakbo sila sa ospital at sinusubukang iligtas ang kanilang buhay. Katulad ng nalalaman ninyo, walang iginagalang na anumang uri ng pandaigdigang batas ang mga Hapon. Wala silang paggalang sa 'Red Cross' o anumang uri ng 'cross.' Kaya, nang tumawid ang mga Hapon sa daan sa pagitan ng Malaysia at Singapore, sumalakay sila at basta na lamang pinagbabaril at pinagpapatay kahit na sinong makita nila. Huling nakita ang ama ni Dennis sa 'mercy mission' na iyon; nahuli siya ng mga Hapon. Hindi na siya nakita pang muli. Lumaki si Dennis na hindi nakikita ang ama niya, dahil sanggol pa lang siya nang panahong iyon. Talagang tumimo sa aking puso ito, sapagkat anong mararamdaman ninyo sa mga Hapon kung brutal nilang pinatay ang inyong ama? Isang araw, dumalaw siya sa 'apartment' ko sa London, sa Inglatera. Nagkataon na may isa akong kaibigang Hapon na bumibisita sa aking apartment noon. Isang Cristiano ang Hapong ito. At nang dumalaw si Dennis sa aking apartment, inisip ko, "Naku! Hindi ko alam na darating siya para dalawin ako. At heto ang bisita kong Hapon sa aking apartment. Ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag sinabi ko sa kanya na may Hapon sa aking apartment?" Kaya, habang paakyat siya ng hagdanan, sinabi ko sa kanya, "Unawain mo sana ito, Dennis. Alam kong maraming nagawang masasamang bagay ang mga Hapon sa iyo at sa iyong pamilya." Nasabi ko ito dahil inaresto rin ang tiyuhin niya at kung anu-ano pa. "May isang Hapon sa aking apartment ngayon, ngunit isa siyang Cristiano." Ibinaling ni Dennis ang tingin niya sa akin. Tumigil siya nang ilang sandali at nag-isip. Sinabi niya, "Okey lang. Okey lang iyon." Kaya nang pumasok kami, nakipagkamay at bumati si Dennis. Pagkatapos nang ilang sandali, sinabi ni Dennis, "Alam mo, mabuti siguro na tapatan kong sabihin sa iyo na pinatay ng mga Hapon ang aking ama." Inisip ko, "Naku! Ano kayang mangyayari sa ganitong usapan?" At nalungkot ang kapatid na Hapon na ito tungkol dito. At nagpatuloy si Dennis sa pagsasabing, "Ngunit huwag kang mag-alala. Binago na ng pag-ibig ng Diyos ang aking puso. Mahal kita kahit gayunpaman." Iyon ang nakakapagpabagong-biyaya ng Diyos! Sa likas niyang pagkatao, maaari niyang tingnan ang taong iyon nang may pagkamuhi sa kaibuturan ng puso niya, ngunit sinabi niyang, "Iniibig kita sa pangalan ni Cristo. Napatawad na ang lahat." Ito ngayon ang nakakapagpabagong-biyaya! May habag siya sa mga tao na sa likas niyang pagkatao ay kamumuhian niya. Maliban sa magpatawad kayo, hindi kayo patatawarin. Bakit sinabi ni Lloyd-Jones na kung nakasalalay sa atin ang pagpapatawad, hindi tayo maliligtas? Kahabag-habag kung gaano niya minaliit ang biyaya ng Diyos? Iyon ba talaga ang gusto niyang sabihin? Tiyak na hindi ito imposible dahil sa Diyos, lahat ay posible. Magagawa niya na maging mapagpatawad tayo. Sinasabi ko nang tuwiran tungkol sa aking sarili, hindi ko rin gusto ang mga Hapon. Ibig kong sabihin, paano makikitungo ang mga Intsik sa mga Hapon pagkatapos naming magdusa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Marami kaming pinagdusahan. Nagkawatak-watak ang aking pamilya noon. Muntik ko nang hindi na makilala ang aking ama. Pumunta sa liblib na dako ang aking ama, determinadong labanan ang mga Hapon, kahit sa kahuli-hulihang tao kung kinakailangan. Determinado siyang kapag hindi namin kayang manalo, hindi na niya makikita pang muli ang aming mukha. Naiwan kami sa lugar ng mga Hapon. Naranasan ko ang mawalan ng mga bagay-bagay. Subalit kaya kong matutong magpatawad dahil binago ng Diyos ang puso ko. Sa ngayon, iniibig ko na ang mga Hapon. Matapat kong masasabi na iniibig ko sila, hindi lang na pinapatawad ko sila at sasabihing, "Okey, kalimutan na iyon!" kundi talagang iniibig ko sila. Sa pamamagitan ng pag-ibig ni Cristo na hindi ko rin maintindihan, hindi ko alam kung bakit, pero iniibig ko sila.
Ang Habag ay ang Ibigin ang Kaaway Kahit ang isang disipulo, maaaring maging kaaway ng kanyang guro. Naaalala ba ninyo ang ginawa ni Pedro? Nang sinabi ng Panginoong Jesus na ipapako siya sa krus, sinabi ni Pedro, "Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman dapat mangyari ito sa iyo." Sinubukan niyang humarang sa nalalapit na pagpapapako ni Jesus sa krus. At sinabi ni Jesus, "Layuan mo ako, Satanas." Ang 'Satanas' ay nangangahulugang kaaway. Ibig sabihin ng mismong salitang 'Satanas' ay katunggali. Sinabi ni Jesus kay Pedro: "Layuan mo ako, Satanas" dahil nang mga sandaling iyon, naging si Satanas si Pedro, iyon ay, naging isang kaaway, naging isang katunggali ni Jesus. Kung kaya, ang habag ay ang ibigin ang inyong kaaway. Iyon ang kahulugan niyon. Dahil, kung hindi siya nagkasala sa inyo sa sandaling iyon, hindi ninyo siya magiging kaaway, hindi ninyo kailangang patawarin siya. Ngunit dahil nagkasala siya sa inyo, kailangan ninyong magpatawad. At binigyan tayo ng Diyos ng biyaya, ng grasya upang makapagpatawad sa lahat ng sakit sa damdaming nagawa ng tao sa atin. Ang mga taong nagsalita ng laban sa inyo - mapapatawad ninyo ba sila? Kailangan nating magpatawad! Kailangan nating magpatawad, kung tatanggap tayo ng habag, tulad ng ganap na pagpapatawad niya. Sa katunayan, napakahalaga nito kaya naglaan ang Panginoong Jesus ng isang buong talinghaga upang ituro ang mismong puntong ito.
Ang Habag sa Talinghaga ng Lingkod na Di-Nagpapatawad Natatandaan ninyo na may isang opisyal ng pamahalaan na nagkautang ng milyun-milyong dolyares sa panginoon niya, sa hari niya. At hindi niya kayang bayaran ang milyun-milyong dolyares na iyon. Kaya, kinailangang ibenta siya sa pagkaalipin kasama ang pamilya niya, na siyang panuntunang ginagawa sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan noong panahong iyon kapag nabigo silang gawin ang kani-kanilang trabaho. (Marahil, dapat din nilang gawin iyon ngayon sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan na bigo rin sa paggawa ng trabaho nila.) Subalit, lumapit ang taong ito sa harap ng hari at humingi ng tawad. Sinabi niya, "Hindi kita mababayaran. Mahabag ka sa akin. Mahabag ka sa aking pamilya." Ang sabi ng hari, "Sige, patatawarin kita. Yamang nagsisisi ka, malaya kitang pinapatawad." Palagay ko'y alam na ninyo ang nalalabi sa talinghagang iyon. Lumabas ang taong ito at nakita ang isang kapwa-opisyal na may-utang sa kanya ng ilang dolyar. Sinunggaban niya ito, sinakal at sinabihang, "Nasaan ang bayad sa utang mo sa akin? May utang kang $20 sa akin. Bayaran mo ako ng $20." Dahil walang $20 na ipambabayad ang kasamahan niya sa kanya, kaya ipinabilanggo niya ang kapwa niya alipin. Ngayon, nang nakarating ang balita sa hari, ipinatawag niya ang opisyal na ito at sinabing, "Pinatawad kita. Nahabag ako sa iyo. Hindi ba dapat na nahabag ka rin sa ibang tao? Ngayon, dahil hindi ka nahabag sa taong iyon, kung gayon, mapapawalang-saysay ang kapatawarang natanggap mo. Sapagkat hindi ka nagpatawad, hindi ka rin patatawarin." Hindi siya patatawarin kahit napatawad na siya. Pansinin itong mabuti: Napakahirap nito para sa doktrinang "minsang ligtas, palagi nang ligtas." Kahit na napatawad na siya, napawalang-bisa ito. Kaya ngayon, ipinatapon siya sa bilangguan. Doon, dadalhin daw siya sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran niya hanggang huling sentimong utang niya. Siyempre, ibig sabihin nito, hindi na niya kailanman mababayaran iyon, dahil sa bilangguan, hindi siya kikita kahit isang sentimo. Walang paraan upang mabayaran pa niya iyon. Tapos na siya. Ibang paraan iyon upang sabihing ganap na ganap na siyang tapos. Dahil sa hindi siya nagpatawad, hindi rin siya patatawarin! Kahit na pinatawad na siya, napawalang-bisa ang kapatawaran niya, dahil pinatunayan niyang hindi siya karapat-dapat sa kapatawarang iyon. Ganap na malinaw ang turo ng Panginoong Jesus. Walang malabo roon. Hindi ninyo ito mababaluktot at madadaya gamit ang mga salitang ito. Napakalinaw ng mga ito!
Ang Ating Kasalukuyang Pangangailangan sa Habag Ang pangalawang bagay ay ito: Kapag pinag-aralan natin ang paggamit ng 'habag' sa Biblia, makikita natin ang dalawang paraan sa paggamit ng 'habag.' At kung titigil tayo sa unang punto lang, hindi natin makikita ang buong yaman nito. Tungkol ang unang punto sa kapatawaran ng Diyos sa ating mga kasalanan, ngunit hindi ibig sabhin niyon na iyon lang ang tanging panahong nangailangan tayo ng habag: nang nabautismuhan tayo, nang una tayong naging Cristiano. Pagkatapos, hindi na natin kailangan ang habag kailanman. Ganoon ba? Kung ganito ang ating pag-iisip, lubha tayong nagkakamali. Malalaktawan natin ang kalahati ng kahulugan ng 'habag' na napakahalaga rin. Maraming beses, makikita ninyo ang kalahati ng kahulugan ng paggamit sa 'habag' sa Bagong Tipan, kung saan nangungusap si Pablo: "Nawa ang biyaya, habag at kapayapaan ng Diyos, ating Ama ay mapasa inyo." Kailangan pa rin natin ang walang-tigil na habag niya. Makikita natin ito sa 1 Timoteo 1:2, halimbawa, kung saan sinabi ni Pablo kay Timoteo, "Biyaya, kahabagan at kapayapaan...mula sa Diyos Ama...". Kailangan pa rin natin ng biyaya, ng kahabagan, ng kapayapaan. At saka sa 2 Juan 3 rin, halimbawa, makikita natin ang ganap na parehong mga salita: "biyaya, kahabagan at kapayapaan...". Ganoon din sa sinasabi ni Pablo sa Galacia 6:16 na, "Kapayapaan at kaawaan...sa Israel ng Diyos." Binabanggit ko ang mga talatang ito upang ipakita na hindi lang kinailangan ang habag nang una tayong napatawad, ngunit patuloy nating kinakailangan ang habag sa kasalukuyan. Bakit? Bakit kailangan pa rin natin ng habag? Dahil nakikibaka pa rin tayo sa kasalanan. Natatandaan ba ninyo ang sinabi ko na ang katuruan sa Biblia ay: ang habag ang panlunas ng Diyos sa kasalanan? Nakikipaglaban pa rin tayo sa kasalanan. At dahil patuloy tayong nakikipaglaban sa kasalanan, kailangan natin ang nagbibigay-lakas na habag ng Diyos sa pakikipaglaban sa kasalanan. Makikita natin na ginamit ang 'habag' sa mismong ganitong paraan, halimbawa, sa Hebreo 4:16. Mababasa rito: "Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan" - upang makatanggap tayo ng habag ngayon, hindi lang noong nakaraan. Bakit tayo lumalapit sa trono ng biyaya? Bakit tayo lumalapit sa Diyos sa panalangin? Upang makatanggap tayo ng habag! At ano ang 'context' o ang nilalaman ng buong sipi? Tungkol ang nilalaman ng b.15 halimbawa sa tukso - na natutukso tayo ng kasalanan at lubha tayong mahina. Mahina tayo. Dahil mahina tayo at natutukso ng kasalanan, kailangan natin ang nagbibigay-lakas na habag ng Diyos. Kailangan nating panghawakan ito sa araw-araw. Ang habag na ito ng Diyos ang kahanga-hangang sagot ng Diyos sa kasalanan at sa ating kahinaan sa espiritwal. Ang habag ng Diyos ang umaalalay sa atin at nagbibigay-lakas sa atin. Kaya, ang habag ay ang biyaya ng Diyos, ngunit dito, tinutukoy natin ang biyaya mismo sa kahulugan nitong "tulong upang mapagtagumpayan ang kasalanan." Napakatiyak ng Biblia rito. Walang anumang malabo o nakakalito tungkol dito. Kaya ating napansin na pinagkakaiba ang habag at paghuhukom. Halimbawa, sa Santiago 2:13, naroon ang mismong komentaryo ni Santiago sa mga salita ng Panginoon dito sa 'mapapalad'. Ganito ang mababasa sa Santiago 2:13: "Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa". Tandaan itong mabuti. Walang awa ang paghuhukom sa isang taong hindi nagpakita ng awa. Ito ang negatibong bahagi sa katuruan ng Panginoon. Parehong katuruan ito, ngunit inilagay sa negatibo. Ngunit heto ang positibong bahagi: "...ang awa ay nagtatagumpay laban sa paghuhukom." Ipinapakita rito na nagtatagumpay ang awa ng Panginoon laban sa paghuhukom. Ang awa ng Diyos, ang kanyang nakakapagligtas-na-biyaya sa atin, ang siyang sumasagip sa atin mula sa paghuhukom. Iyon ang dahilan kaya nagtatagumpay ito laban sa paghuhukom. Hindi ba maganda iyon? Ngunit kung hindi kayo nagpakita ng awa sa iba, samakatwid, magiging walang-awa ang paghuhukom sa inyo. Kailangan ninyong maging isang uri ng tao upang maligtas: isang mapagpatawad na tao. Ah, tunay na maganda ito! Tinawag tayo para maging mahabagin. Kinakailangang maging mahabagin tayo. Hindi ito puwedeng pagpilian. Nakasalalay dito ang ating kaligtasan! Hayaang maging epektibo sa ating buhay ang biyaya ng Diyos!
Habag ang Ibig ng Panginoon at Hindi Handog "Habag ang ibig ko at hindi handog." Ano ang ibig sabihin niyon? Ang mga handog ay mga panlabas na gawi ng relihiyon. Kumakatay kayo ng isang tupa o isang bakang lalaki, anuman iyon na iniaalay, at inihahandog ito. Mga panlabas na gawi ng relihiyon ang mga ito. Sinasabi ng Panginoon Jesus na, "Hindi ko ibig ang mga ganitong panlabas na pagtutupad sa relihiyon, na tinatawag na paghahandog. Ngunit habag mula sa puso ang ibig ko. Ibig ko na maging iba kayong tao kaysa kung ano kayo dati-rati." Napakaraming makasalanan at mapagkunwari at teribleng mga tao na napakarelihiyoso. Nakakasuka ito. Gumagala sila kung saan-saan kasama ang kanilang mga panrelihiyong gawain. Akala nila ito ang kabuuan ng relihiyon: ang maghandog ng mga hain sa altar, ang magwasiwas ng insenso, ang magbulung-bulong nang malakas na mga panrelihiyong bukambibig, ang magbigay-diin sa lahat ng sinasabi sa pagsabi ng ilang "Aleluya" at "Purihin ang Panginoon" at iba pang mga bagay na tinatawag na relihiyon! Ngunit ang sabi ng Panginoon Jesus, "Wala akong pakialam sa mga panlabas na gawi ng inyong relihiyon at sa mga pag-aalay ninyo ng mga handog. Ngunit ang gusto kong makita ay ang habag sa inyong mga puso. Iyon ang hinahanap ko." Ano samakatwid ang hinahanap niya? Una, nakita natin na ibig sabihin nito na kung mahabagin ako, magpapatawad ako. Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, nagpapatawad ako. Hindi ko ito magagawa sa sarili kong kakayahan. Ngunit ano ang pangalawang kahulugan nito? Ang nagbibigay-lakas na biyaya ng Diyos ang gumagawa sa akin. Ano ang ibig sabihin nito? Hayaang sabihin ko sa inyo.
Ang Pagtatatag ng Isang 'Team' na Pinaliligiran ng Habag Kaya tinuruan ko ang mga bagitong itong maglaro ng baseball. Pagkaraan ng dalawang buwan ng pagsasanay, sinabi ko sa aking sarili, "Ngayon na ang panahon para subukan ang mga bagitong ito." May isa akong kaibigan na kahanay sa isang napakahusay na 'ball team' sa paaralang tinatawag na St. Francis Xavier's sa Shanghai. Ubod nang galing ang 'ball team' nila: ubod nang husay, ubod na 'organized' [maayos sa mga sistema nila], at ubod na dalubhasa sa paglalaro. At narito ang aking 'team' ng mga bagito, na makikipaligsahan sa taga-St. Francis Xavier's College. Kaya, pumasok kami roon at nakipaligsahan, at sobra-sobra ang aming pagkatalo. Dumating ang 'score' sa punto na ito'y naging katawa-tawa na, na walang-saysay na ang pagtatala pa ng 'score.' Nang umabot kami sa 'score' na 36-punto nila laban sa 2 o 3-punto namin, wala nang halagang pag-usapan pa ito. Sobra na ang lamang nila sa amin. Kaya pagkatapos ng laro, lubhang malungkot ang 'team' na hinahawakan ko, kaya ihinagis nila ang kani-kanilang mga 'bat' at guwantes. At kaya, maaari kong sabihin sa kanila, "Wala kayong ka-kwenta-kwenta! Ang ibig kong sabihin, nababagay kayo sa basurahan lang. Lumayas na kayo rito; ayaw ko na kayong muling makita pa. Bigong-bigo ako sa inyo! Inaksaya ninyo lang ang oras ko!" Naku, kung ganito kayo magsanay ng 'team,' ano pa ang silbi ng pagsasanay ninyo sa kanila, dahil, wala nang 'team' na pag-uusapan pagkatapos ninyong sabihin ang lahat ng iyon. Ano ngayon ang habag? Ang habag ay ito: kapag lubhang di-maganda ang paglalaro ng inyong 'team,' pagkatapos niyon, puntahan ninyo sila at sabihing, "Hindi maganda ang laro natin. Dapat lang na hindi na tayo maglaro pa kailanman. Pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa! Magtulungan tayo. Suriin natin ang mga mali natin. Tingnan natin kung saan tayo nagkamali. Huwag na tayong manghinayang sa tapos na. Oo, napahiya tayo sa araw na ito. Nilampaso nila tayo; tinapak-tapakan nila tayo. Pero hindi pa tapos ang lahat. Lakasan natin ang ating loob. Pag-aralan kung saan tayo nagkamali, saan tayo nabigo at kung anong mga kahinaan natin. Magtrabaho tayong mabuti upang mapabuti ang mga paglalaro natin. Lalaban tayo muli sa kanila. Magkakaroon tayo ng 'rematch.' Umpisahan na natin ang pag-eensayo at pag-aralan ang lahat ng mali natin." Hindi na kailangan pang sabihin na naggugol kami ng mahabang panahon, dahil mali ang lahat ng ginawa namin. Kaya pinag-aralan namin ang lahat ng mga mali't kahinaan namin at siniyasat sila isa-isa. Gumawa rin kami ng 'schedule' kung kailan sinadya naming pinagbuti ang bawat isa sa mga ito. Nang sumunod na taon, sinabi namin sa 'team' ng St. Francis Xavier: "Bakit hindi tayo magkaroon muli ng isa pang laro?" Sabi nila, "Naku, hindi! Hindi na muli sa 'team' ninyo. Katawa-tawa kayo! Inaksaya lang ninyo ang oras namin." Kaya sinabi namin, "Okey! Okey! Bigyan lang ninyo kami ng isa pang pagkakataon upang muling makipaglaro sa inyo." At sinabi nilang okey dahil magkakaibigan naman kami, at alang-alang sa pagkakaibigan, maaaari pa silang mag-aksaya ng ilang oras. Kaya pumasok kami sa palaruan at nakipaglaro sa kanila. Sinabi nila, "Aba! Iba itong 'team' na ito!" Ngayon, sila naman ang natalo! Natalo namin sila: 12 kami, 8 sila. Okey, hindi namin sila nalamangan nang gaya ng ginawa nila sa amin, subalit natalo talaga namin sila. Lubos silang nagulat na sa loob ng 12 buwan, makakabalik kami at matatalo namin sila. Nang sumunod na taon, nakikipaligsahan na kami sa "A-Division" sa Shanghai, ibig sabihin, laban sa pinakamagagaling. Samantalang ang 'team' ng St. Francis naman, hirap na hirap mapanatili ang puwesto nila sa 2nd Division, sa di-gaanong magagaling na mga pangkat. Nakikipaligsahan na kami laban sa mga pinakamahusay!
Kapag Isinagawa sa Espiritwal na Buhay ang Habag, Isang Magandang
Larawan Ito Maaaring nagkasala ang isang tao, tapos sinabi ninyong, "Isa kang Cristiano at gumagawa ka ng ganitong mga bagay!" Idiniin ninyo pa siya at sinabing, "Hindi kumikilos nang ganito ang mga Cristiano. Nakakahiya ka!" Pagkarinig niyon, maaaring sabihin ng kapatid na ito sa sarili niya, "Marahil dapat tumigil na ako sa pagtawag sa sarili bilang Cristiano. Marahil hindi na ako dadalo sa iglesya kailanman. Isa akong kahihiyan sa Diyos; isang kahihiyan sa iglesya; at kahihiyan sa lahat. Paalam! Aalis na ako ngayon." Paano ninyo matutulungan ang taong ito? Sa pamamagitan ng paghuhukom, winasak na ninyo ang taong ito dahil sa pagkakasala niya. Ngunit, sa halip, maaari ninyong kunin ang ugali ng habag at sabihing, "Nagkasala ka. Tunay ngang nagkasala ka." Magiging prangka kayo: ang kasalanan ay kasalanan. "Ngunit sapat ang biyaya ng Diyos. Huwag kang sumuko! Sama-sama tayong magpatuloy. Subukan natin itong muli. Marahil magkakamali ka muli, ngunit hindi na kasinggrabe ng ginawa mo ngayon. At pagkatapos niyon, muli kang babagsak, pero balang araw magtatagumpay ka sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Mapapagtagumpayan mo ang mga bagay-bagay. Makakayanan mo ito! Oo!" Binibigyan ninyo ng pag-asa ang taong iyon sa pamamagitan ng inyong habag. Ngunit sa paghatol ninyo sa kanya, tinanggalan ninyo na siya ng lahat ng pag-asa. Tapos na! Iniisip ko kung gaano karaming tao ang nagpakamatay dahil hinusgahan sila ng tao at sinabihan ng, "Wala kang pag-asa! Wala ka nang kabuluhan! Wala kang kuwenta!" Yamang wala nang pag-asa, nagpakamatay sila. Wala nang kabuluhan pa ang mabuhay. Ang habag ng Diyos, ang kagandahang loob ng Diyos, ay ang kanyang biyaya. Nagkasala si David. Maaaring sabihin ng Diyos: "Basura ka lamang at itatapon na kita." Subalit nahabag ang Diyos sa kanya. Nagsisi si David at sinabing, "Panginoon, nagkasala ako. Nakagawa ako ng malubhang kasalanan! Gawin mo ngayon sa akin ang nararapat sa iyong paningin." At hinatulan siya ng Diyos. Ngunit may habag ang Diyos; hindi siya nilipol ng Diyos. Pagkatapos, muli siyang nagkasala at muling nahabag ang Diyos sa kanya, noong nagsisi siya. Ito ang ugaling pinag-uusapan. Ganap na kabaliktaran ng pagiging mahabagin ang mapaghatol na pag-uugali. Sinabi ng Panginoong Jesus (at ito ang kabaliktaran nito) sa Mateo 7:1-2: "Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan. Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo...". Minsan, nagiging mas istrikto tayo sa kapwa-Cristiano, dahil inaasahan natin ang isang mataas na 'standard' o panuntunan mula sa kanila. At kailangan kong aminin na minsan, istrikto rin ako sa mga Cristiano. Lubha akong nabibigo, nayayamot, nagsasawa at nagagalit, kapag nabibigo ang mga Cristiano. Subalit kapag may pagsisisi na nakikita sa kanilang ugali, at lumalapit sila sa harapan ng Diyos nang may tunay na pagsisisi, dapat tayong maging mahabagin. "Nagkasala kayo. Magsimula kayong muli. Subukan ninyong muli." Sa ganitong paraan, kapag ito ang ginagawa ng buong 'team', ng buong iglesya, may kumpiyansa ako na makakapagtayo tayo ng isang espiritwal na 'team' na magiging matagumpay. Namangha ako sa kung ano ang magagawa ninyo sa isang pangkat ng tao na hindi pa nakakakita ng bola sa buong tanangbuhay nila, inilagay sila sa isang pagsasanay ng labing-dalawang buwan, at tunay na nakapaglaro sila nang may kahanga-hangang kahusayan. Sanayin ninyo pa sila ng panibagong labing-dalawang buwan at makakapaglaro na sila laban sa pinakamahuhusay. Di-kapani-paniwala ito, ngunit dahil ito sa patuloy naming pagpapalakas ng loob nila. Talagang kawili-wili na sa Shanghai, maraming 'team' ang nagkawatak-watak dahil sa pagsusumbatan, pag-aaway-away, pag-aakusahan sa isa't isa, pagsisiraan at iba pa. Ngunit pinanghawakan ng aming 'team' ang isang espiritu ng pagdadamayan, dahil nagsimula kami mula sa paggawa ng katakut-takot na kamalian at natuto kaming magpatawad sa bawat pagkakamali ng isa't isa. At sama-sama kaming lumago at gumaling, hanggang sa mapasama na kami sa mga pinakamahusay. Natanto ko na isa itong napakahalagang espiritwal na aral - ang matuto na maging mahabagin sa mga mahihina. Kaya itinuturo sa atin sa Biblia: maging mahabagin sa sinumang nabibigo. Tulungan silang makabangon muli. Kausapin sila! Huwag nang idiin pa sa kanila ang nagawa nilang pagkakamali. Ang sabihan sila o hatulan sila ay hindi makakapagdala sa kanila saanman. Hayaang sabihin ko ito sa inyo ngayon. Kadalasan, nakikita ko na nasisira ang relasyon sa pagitan ng mga mag-asawa dahil hindi sila mapagpatawad sa isa't isa. Sa huli, sasabihin ninyo na lang na, "Nagsawa na ako sa iyo. 50 beses mo nang ginagawa ang kamaliang ito at suyang-suya na ako rito. Tama na! Galit na galit na ako!" Puwede tayong magpatuloy nang ganito, ngunit hindi ko sigurado kung may patutunguhan pa tayo." Nagsisimula nang masira ang relasyong nagsimula nang may pag-ibig dahil sa mapanghatol na pag-uugali. At kapag nangyari iyon, nauuwi na sa pagkasira ang relasyon nilang mag-asawa. Tumatagal lamang ang pagsasama ng mag-asawa kapag nagkakaisa sila bilang isang 'team', kapag sinasabing, "Okey! Hindi maganda iyon. Di-kanais-nais ang nagawa mong ito. Okey, pagbubutihin natin ito sa susunod. Huwag panghinaan ng loob. Magkasama tayong kikilos. Pagwawagian natin ang labang ito." Ito ang kagandahan ng buhay-Cristiano. At dito tayo magtatapos. Ating ibuod ito. Nakikita na natin ngayon ang kahulugan ng habag. Una, ang ibig sabihin ng habag ay ang pagiging mapagpatawad, ngunit pangalawa, ibig ding sabihin nito ang patuloy na pagbibigay-lakas sa mahihina, ang pagtulong sa kanila upang magtagumpay, para sa bandang huli, kaya na nilang mapagtagumpayan ang kasalanan. Ito ang napakagandang turo ng Panginoon. Kapag namumuhay tayo sa ganitong paraan: na kapwa pinapatawad ang ating mga kaaway - pinapatawad ang sinumang nagkasala sa atin - at tinutulungan silang espiritwal na magtagumpay, makakatiyak tayo na matatanggap natin ang habag ng Diyos sa Araw na iyon. Katapusan ng mensahe. Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001. |
Difficult in reading?
Tagalog Series: - Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang" - Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya! - Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos - Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan - Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba - Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran - Mapapalad ang mga May Malinis na Puso - Mapapalad ang mga Mapagpayapa - Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran
|
|||||
|
Copyright 1998-2007. All
Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best
viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution. |
|||||||