|
ChristianDisciplesChurch A Christian Evangelism and Discipling Ministry |
|||||||
|
|||||||
|
Mapapalad ang mga Mapagpayapa (Blessed Are the Peacemakers) Mateo 5:9 - Ikapito sa Isang Serye ng Sampung Mensahe Tungkol sa 'Ang Mapapalad', Mensahe ni Pastor Eric Chang
Ibuod natin nang madalian ang natutunan natin noong nakaraan. Sinabi ng Panginoong Jesus na mapapalad ang mga may malinis na puso, dahil sila - hindi sinuman - ang makakikita sa Diyos. Ang mga may malilinis na puso lang ang binibigyan ng pangako na makikita nila ang Diyos, ang pangako ng buhay na walang hanggan. Dinadala nito tayo sa tanong na: Ano ang maging malinis sa puso? Sa pagbubuod ng napag-aralan natin sa nakaraan, ang malinis na puso ay ang pusong nilinis mula sa laman, mula sa 'sarili' o 'self.' Literal na nangangahulugan ang salita sa Griyego na 'malinis sa puso.' Nilinis nga ito mula sa kasalanan at mula sa 'sarili' [sa pagiging makasarili], ngunit, gaya nang nakita natin, nilinis ito sa isang paraan na kaya na ng buong puso, dahil napalaya na ito mula sa kasalanan at sa 'sarili', na magtuon nang buong-buo sa pagmamahal sa Diyos. Iniibig nito ang Diyos! Kaya, ang natuli na sa puso - yaong mga nalinis na mula sa kasalanan at sa pagiging makasarili - ay yaong kayang ibigin ang Diyos nang buo nilang pagkatao, nang buo nilang pagtuon. At dahil ganap na nakatalaga at ganap na tapat ang puso nila sa Diyos, sinusunod nila ang kanyang mga utos at ginagawa ang kanyang kalooban. Ano ang kalooban niya upang magawa natin? Ang sagot ay naririto mismo. Ang kalooban niya ay ang maging mapagpayapa tayo: "Mapapalad ang mga mapagpayapa".
May Kaayusan sa 'Ang Mapapalad' Ang ibig kong sabihin ay ito: Sa ibang manuskripto, sinusundan ng "Mapapalad ang mga mapagpakumbaba" ang "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu" dahil siyempre, iisang tao lamang ang mga mapagpakumbaba at ang mga dukha sa espiritu. Sa katunayan, tulad nang natutunan natin mula sa salitang Hebreo [noong ipinaliwanag natin ang unang mensahe sa seryeng ito], parehong salita ang 'dukha' at ang 'mapagpakumbaba'. Kapag isinalin, ang Hebreong salita ay maaaring 'dukha' o 'mapagpakumbaba.' Halos pareho ito. Iyon ang dahilan na sa maraming napakahalagang mga manuskripto, magkasunod ang "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu" at "Mapapalad ang mga mapagpakumbaba". Parang pag-uulit ang dalawang ito ng isa't isa. Isang pag-uulit din ang huling dalawang mapapalad ng isa't isa: "Mapapalad ang mga inuusig" at "Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig..."; halos pareho lang ang sinasabi ng mga ito. Kaya nangangahulugan iyon na, kahit na may siyam, sa diwa nito, pipito lang ang mapapalad o 'beatitudes.' Pagkatapos, mapapansin din ninyo ang pagtutungo nito mula sa panloob hanggang sa panlabas. Nagsisimula ito sa "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu" - iyon ay panloob; sa inyong espiritu, dukha kayo. Ngunit kapag sumapit tayo sa huling mapapalad sa seryeng ito, makikita ninyo na pumapalabas na ito. Ang taong masigasig na pinagkakasundo ang ibang tao ay masigasig ding uusigin ng ibang tao. Sumusulong tayo mula panloob hanggang sa panlabas. May nakakawiling pagtutugma rin sa pagitan ng kung anong panloob, iyon ay, sa ugnayan natin sa Diyos, at kung anong panlabas, iyon ay, sa ugnayan natin sa tao. Ang "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu" ay ang paghaharap natin sa presensya ng Diyos. Ngunit nahahapis din tayo dahil sa kasalanan na nasa mundo at sa ugnayan natin sa antas na pantao. May patayo at pahalang na ugnayan. Tuloy-tuloy na nagpapalitan ang patayo at pahalang at nakikita natin ang 'pattern' o pagkakasunod-sunod na ito. Kaya, makikita natin ang sumunod: "Mapapalad ang mga mapagpakumbaba" sa kaugnayan sa Diyos, at pagkatapos, isang pagkagutom at pagkauhaw na makitang isinasagawa ang katuwirang ito sa ating buhay at sa sanlibutan. "Mapapalad ang mga mahabagin" [sa ugnayan kapwa sa tao at sa Diyos (dagdag ng patnugot)]. Pagkatapos, muli sa "Mapapalad ang mga may malinis na puso," ang pakikipag-ugnayan ng may malinis na puso sa Diyos, at pagtapos nito, ang pakikipag-ugnayan ng mga mapagpayapa sa tao. Ngayon, titingnan natin nang mas malalim pa ang lahat ng ito, ngunit nakikita na natin ang isang tiyak na pagsunod-sunod sa pagpapatuloy natin. Napakahalagang makita ang pagsulong mula sa panloob tungo sa panlabas. Sa madaling salita, hindi kailanman nakatuon sa kanyang sarili ang Cristiano o disipulo. Hindi niya inaalala ang sarili niyang kabanalan at katuwiran na nakakalimutan na niya ang sanlibutang nasa paligid niya. Hindi kailanman kalinisang panloob lang ang kabanalang ito, kung saan mabubuhay tayo nang hiwalay sa iba, na maaari nating isara ang pinto at maging banal sa ating mga sarili. Sinasabi sa atin ng Panginoon na ang tinutukoy niyang kabanalan at pagkamalinis ay hindi isang pagkamalinis na natatamo sa pamamagitan ng pagwawalay ng ating sarili sa iba, kung saan hindi na tayo makikihalubilo sa ibang tao. Hindi ito isang kabanalan na makakamit sa isang monasteryo. Isa itong kabanalan na lumalabas na gaya ng ilaw na tumatagos sa kadiliman; na lumalabas gaya ng asin at tinatalo ang kabulukang nasa paligid nito. Kaya, hindi kailanman nangungusap ang Panginoong Jesus ng tungkol sa uri ng kabanalan na tumatangging makipag-ugnay sa ibang tao, isang kabanalan na mapapanatili lang ang pagiging banal sa pamamagitan ng pagsasara ng pinto at ng pagwawalay ng sarili sa iba. Kaya nakikita natin itong pagsulong mula sa panloob - sa kadukhaan sa espiritu - na kumikilos palabas, upang mapabanal ang iba. Napakalinaw nating nakikita ang 'pattern' o pagsunod-sunod na ito.
Hindi sa Diwang Pampulitika o Panlipunan ang Pagpapayapang Ito Ngayon, sasabihin ninyong, "Iyon ang pagpapayapa". Tama ba iyon? Ano bang dapat nating gawin? Sa tuwing may pag-aaway at digmaan, maghahadali ba tayo sa paghayo roon at gagawin ang ganitong bagay? Sa isip natin, iyon ang paraan ng pagpapayapa, ngunit hindi naman sa diwang ayon sa Diyos. Dahil hindi iyon ang paraan na gusto ng Panginoon upang isagawa natin ang pagpapayapa. Makikita ninyo na kahit parang simple lang ang pagpapayapa, kailangan nating maging mas malalim pa roon. Paano, halimbawa, kung nagtatrabaho kayo sa isang kompanya at nagwelga ang mga trabahador, sabihin na natin, laban sa namamahala sa kanila? Maaaring sa pagwewelga, pinagbabasag nila ang bintana. Kamakailan lang, may naganap na welga rito. Naaalala ninyo na pinagsisira nila ang mga ilaw ng trapiko at mga ganitong bagay, na maaaring maging lubos na mapanganib. Kaya, anong gagawin ninyo kapag nangyari iyon sa inyong kompanya? Pupuntahan ninyo ba sila at sasabihan ng, "Hindi! Dapat tayong magparoon ng kapayapaan. Peace! Huwag tayong magwelga. Magiging magkaibigan tayong lahat. Magngingitian tayo. Magkakamayan tayo." Tapos, sasabihin ninyong, "Tingnan ninyo, ginagampanan ko ang pagiging mapagpayapa. Ayaw ko ng ganitong karahasan, ng ganitong pagbubuwag, pagwewelga at mga bagay na tulad nito." Nang sinabi ng Panginoon ang pagiging mapagpayapa, hindi niya naging pangitain na hahayo ang iglesya, haharapin ang mga tao sa welga at magiging mga 'pacifist', iyon ay, mga di-naniniwala sa dahas o sa armas bilang panlutas ng mga away o di-pagkakasunduan. Hindi ibig sabihin ng Panginoon na kung gusto ninyong maging mapagpayapa, hindi na kayo dapat magsundalo, hindi na kayo mamamaril ng tao at kung anu-ano pa; sa madaling salita, hindi na tayo masasangkot sa pampulitika at panlipunang gawain. Kaya maaaring isipin ninyo na tinutukoy rito ng "Mapapalad ang mga mapagpayapa" ang mga taong naroroon na, kapag pumunta sa digmaan ang hukbo, hihiga sila sa kalye at sasabihing, "Kailangan ninyong dumaan muna sa aking katawan dito bago makipagdigmaan dahil isa akong mapagpayapa, isang 'peacemaker'. Hindi kayo dapat lumusong sa digmaan, dahil, sa totohanan lang, isa akong pacifist'." Iyon ba ang tinutukoy ng Panginoong Jesus? Makikita ninyo na madaling ipaliwanag sa ganitong paraan ang Biblia ng taong gustong gamitin ito para sa pampulitika at panlipunan nilang layunin. Iyon ba ang sinabi ng Panginoong Jesus na gawin ng mga disipulo niya? Nakita ba ninyong nakahiga ang mga disipulo sa harapan ng hukbong Romano nang sinasalakay nito ang Jerusalem? Sinabi ba nilang, "Kapayapaan! Kapayapaan! Huwag ninyong gawin ito! Huwag salakayin ang Jerusalem; dapat tayong magkaroon ng kapayapaan sa panahong ito"? Hindi! Kapag ganito ang pag-iisip at pananalita ninuman, na tungkol sa pagkakaroon ng kapayapaan sa mundong ito at kapayapaan sa pampulitikang antas, ibig sabihin, hindi niya naintindihan kung ano ang tungkulin natin sa henerasyong ito. Hindi matatamo ang kapayapaan sa ganitong paraan. Tulad ng mababasa ninyo sa Bagong Tipan, makikita ninyo na hindi kailanman nasangkot ang iglesya sa mga isyung pampulitika o panlipunan at mga bagay na tulad nito. Sa katotohanan, wala tayong pangyayaring gayon. Ngayon, kung hindi ganoon, paano kaya tayo magiging mapagpayapa? Anong uri ng kapayapaan ang pinag-uusapan natin? Maliwanag na kapag pinag-aaralan ninyo ang turo ng Panginoon, mauunawaan ninyo na, una sa lahat, ang kapayapaang tinutukoy niya ay sa anong antas? Siyempre, sa espiritwal na antas! "Kung gayon," ang tanong ninyo, "walang pakialam ba ang Cristiano sa mga pampulitika o panlipunang bagay? Sa mga araw na ito, may palagiang debate tayo tungkol sa pagiging 'independent' ng Quebec o hindi. Dalawang pangkat ang nagtatalo tungkol dito. Paano natin maisasagawa ang kapayapaan sa ganitong sitwasyon? Uurong ba ang Cristiano at sasabihing, "Hindi, pag-uusapan lamang namin ang kapayapaan sa espiritwal na antas"? Paano natin haharapin ang mga ganitong tanong at problema? Noong isang araw, habang nakikipag-usap ako sa isang kapatirang babae, itinanong niya sa akin mismo ito: "Hindi ba tayo, bilang mga Cristiano, dapat na sumali sa paglutas ng mga problemang panlipunan o pampulitika, lalo na dahil napakaraming Cristiano sa sanlibutang ito? Kung nagpasya ang lahat ng mga Cristiano na makipagkasundo upang magkaroon ng kapayapaan o harapin ang mga panlipunan at pampulitikang problema, magiging lubhang mahalagang tinig tayo sa sanlibutan [kasi napakarami natin]." Totoo ito, ngunit hindi iyon ang sinasabi ng Panginoong Jesus dito. Ipinaliwanag ko sa kanya: "Maaaring harapin ang problema sa antas na panlipunan at pampulitika, ngunit haharapin lamang ang mga sintomas dito. Tulad ito ng larangan ng medisina ngayon, kung saan ginagamot lang ang mga sintomas. Kapag masakit ang bahaging ito, ginagamot lang ang bahaging ito. Hindi ginagamot ang sanhi ng problema kundi ang sintomas lamang. Kaya kapag sumakit ang ulo mo, iinom ka ng aspirin. Ganoon ang paggamot sa sintomas lang. Hindi mo itinatanong o hindi mo alam kung bakit nga ba sumakit ang iyong ulo. Kaya, sa halip na malaman ang sanhi ng sakit at gamutin ang sakit doon, ginagamot mo lang ang nakapangibabaw na pakiramdam ng sakit. Ginagamot mo ang sintomas, hindi ang sakit mismo."
Hinaharap ng Tunay na Pagpapayapa ang Ugat ng Problema Hindi ninyo malulutas ang problema sa pamamagitan ng paggamot lang sa mga sintoma nito. Kung gusto ninyong harapin ang problema, kailangang tumungo kayo agad sa ugat ng problema, at iyon ay ang kasamaan o kabulukan ng puso ng tao. Kapag napagaling ang karamdaman sa puso ng tao, sa gayon siyempre, mawawala ang mga sintoma. Malinaw iyon. Palaging layunin ng Kasulatan ang lutasin ang mga panlipunang problema, hindi sa antas-panlipunan, kundi sa espiritwal na antas kung saan nagmumula ang lahat ng ibang problema. Kung gayon, napakabuting magkaroon ng kamalayang-panlipunan at kamalayang-pampulitika, ngunit kung lulutasin ang problema sa mga antas na ito lang, isa itong kabiguan sa pag-intindi na nagmumula ang lahat ng mga problema ng tao sa espiritwal na antas. Tunay na hinaharap lang ninyo ang mga problemang iyon kapag inyong sinimulan sa espiritwal na antas. Kuning halimbawa ito. Noong panahon ni Pablo, mapapansin ninyo na naroon ang problema ng pang-aalipin. Anong sinabi ni Pablo? Lumabas ba siya roon at sinabi sa mga tao, "Kailangan nating magkaroon ng kapayapaan. Hindi tayo dapat magkaroon ng ganitong pangmamalupit. Dapat nating baguhin ang sitwasyon sa lipunan. Hindi dapat mang-api sa kapwa tao. Kailangan nating alisin ang pang-aalipin"? Hindi natin naririnig na sinasabi iyon ni Pablo. At nagulat tayo! Kung naiintindihan ninyo ang espiritwal na pamamaraan o stratehiya, malalaman ninyo na aalisin ni Pablo ang pang-aalipin hindi sa pagtatayo roon at pagwawagayway ng mga watawat tungkol sa pagpapaalis sa pang-aalipin, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Ebanghelyo sa paraang mababago ang puso ng tao. At dahil nabago na ang inyong puso, mararamdaman ninyo agad, at matatanto ninyo agad na hindi pala maaaring tratuhin ang kapwa ninyo bilang ari-arian. Hindi puwede! At hindi ninyo magagawa ito dahil nabago na ang puso ninyo. Di-katakataka na habang sumusulong ang Ebanghelyo, nawala ang pang-aalipin. Hindi kinailangang magpahayag ang Ebanghelyo ng pagtututol sa pang-aalipin. Binago lamang nito ang puso ng tao at nawala ang pang-aalipin. Hindi na maipagpatuloy ang pang-aalipin nang ipinangaral ang Ebanghelyo dahil hindi na mapagmalupitan pa ng isang tao ang kapwa niya. Kapag ginamot ninyo ang ugat ng problema, nawawala ang mga sintoma. Isang sintoma ng kasalanan ng tao ang pang-aalipin, ang hangaring angkinin at pamunuan o i-dominate ang isa pang tao. Ngunit kapag nabago na ang puso niya, nawawala na ang hangaring iyon. Kapag binago ninyo ang panlabas nang hindi binabago ang panloob, lilitaw uli ang pang-aalipin sa ibang anyo. Maaalis ninyo ang pagbibili o pagbebenta ng tao upang gawing alipin, ngunit maaari pa rin kayong magmalupit, gaya nang pagiging malupit sa mga manggagawa o mga dukha. Hindi nga ninyo siya pag-aari bilang alipin, ngunit kaya ninyo pa rin siyang pagmalupitan, sabihin na natin, sa pinansiyal na bagay-bagay. Puwede pa rin natin siyang pagsamantalahan. Kaya ninyo pa ring yurakan ang mga dukha, gaya ng ginawa nila sa Israel. Tuwing bumabagsak ang buhay- espiritwal ng Israel, iyon mismo ang nangyayari. Nawawalan ng katarungang panlipunan. Anong gagawin ninyo? Lalabanan ninyo ba ang bawat kawalan ng katarungan sa pagsulpot nito? Kung gagawin ninyo iyon, nilalabanan ninyo lang muli ang mga sintoma. Hindi nilabanan ng mga propeta ang mga sintoma lamang. Tinuligsa nila ang mga sintoma, ngunit sinabi nilang galing ang mga sintomas na iyon sa mga espiritwal na sakit na nasa kaloob-looban ng tao. Malinaw nating intindihin ang problema. Hindi ako sumasali sa pagtatalong pampulitika o kaguluhang panlipunan dahil layunin ko ang harapin ang problema sa espiritwal na antas. Tanging kapag nabago lang ang tao sa espiritwal na antas magkakaroon ng pagbabago sa antas ng panlipunan at pampulitikang mga problema. Simula ninyo na ngayong nauunawaan ang mahusay na stratehiya ng Ebanghelyo, ang paraan ng Biblia. Sa pagkabigong maunawaan ito, iniisip ng maraming Cristiano na hindi sila dapat masangkot sa kaguluhan. Lubhang mali iyon. Sapagkat kapag nabago na ang mga tao, sa gayon, maaapektuhan din ang lahat ng iba pang problema. Intindihin natin kung paano nito naaapektuhan ang ating pag-uugali. Kapag sinasabing 'mapagpayapa,' hindi ibig sabihin na lalabas kayo sa kalsada't magmamartsa roon, na may dala-dalang karatulang nagsasabi ng, "Kapayapaan." Hindi nababago niyon ang tao sa puso. Kaya nitong gawin kayong mukhang katawa-tawa lang, na walang naisasagawang anumang bagay. Hindi ko inaalintana na magmukhang katawa-tawa kung makakatulong ang pagiging katawa-tawa na mabago ang mga tao sa puso nila. Kung wala namang pagbabago, wala namang nalulutas. Wala namang tunay na naaayos na problema.
Hindi Mapapaghiwalay ang Kapayapaan at Katuwiran Hindi kailanman mapaghihiwalay ang kapayapaan at ang katuwiran sa Biblia. Kahit saan nakikita ang kapayapaan, makikita rin ang katuwiran. Palaging ganito sa Biblia. Isa itong prinsipyo na hindi nababago at di-maaaring mabago. Tingnan natin ang isang halimbawa sa Kawikaan 10:10, kung saan makikita ang salitang 'mapagpayapa'. Ito ang mababasa rito: "Lumilikha ng kaguluhan ang pagkindat; nagdudulot naman ng kapayapaan ang matapat na pamumuna²." Lubhang nakakagulat iyon. Isinasagawa niya ang kapayapaan na may-lakas-loob na pumuna ng kamalian. Kakaiba, 'di ba? Hindi natin inasahan iyon. Makikita natin sa b.11, "Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay". Paano nangyari ito? Dahil pinupuna niya ang kamalian, gaya nang nabasa natin. "...ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan." Pansinin ito. Nagsasabi ng kapayapaan ng bibig, ngunit karahasan ang tunay niyang saloobin. Sa madaling salita, nakatago ang karahasan sa magagandang salitang sinasabi. Sa b.12: "Ang pagkamuhi ay nagbubunsod ng alitan, ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway." Pansinin muli ang b.10. Kahit na isang pagkilos ng pakikipagkaibigan ang pagkindat ng mata, marahil sa taga-Kanluran, lumilikha ang taong kumikindat ng mata niya ng kaguluhan. "...ngunit ang matapat na pamumuna," ng taong nagsasalita nang laban sa masama at sa kasalanan, ang siyang "nagdudulot naman ng kapayapaan'. Pansinin na kung walang katuwiran, walang saligan ang kapayapaan. Paano kayo magkakaroon ng kapayapaan - ng nananatiling kapayapaan - sa saligan ng kasinungalingan? Hindi mangyayari ito! Napakadaling maintindihan niyon. Ang tiyak na saligan ng nananatiling kapayapaan ay ang pagkakaroon lamang ng katarungan at katuwiran. Paano kayo magkakaroon ng katarungan at katuwiran sa pamamagitan ng kasinungalingan at sa pamamagitan ng pagkompromiso sa kasinungalingan? Hindi ninyo makakamtan ito. Iyon ang dahilan kaya nauunawaan ninyo ang sinasabi sa Kawikaan 10:10 na siyang nagsasagawa ng: "matapat na pamumuna... nagdudulot naman ng kapayapaan²." Iba siya sa mga bulaang propeta na palaging binabatikos ni Jeremias. Sa Jeremias 6:14 at 8:11, halimbawa, palagiang sinasabi ng mga propetang ito ang, "Kapayapaan, kapayapaan!" gayong wala namang kapayapaan. Kasinungalingan iyon. Hindi sila tunay na mapagpayapa. Hindi kayo gumagawa ng kapayapaan sa pagsasabi lamang ng, "Kapayapaan, kapayapaan!" Dapat kayong magsalita ng katotohanan. Kapag walang kapayapaan, huwag ninyong sabihing, "Kapayapaan, kapayapaan!" Sabihin ninyong, "Hindi magkakaroon ng kapayapaan." Sa Isaias 48:22 sinasabi: "'Walang kapayapaan para sa masama,' sabi ng PANGINOON." Hindi kayo magkakaroon ng kapayapaan nang walang katuwiran at katotohanan. Halimbawa, iyon ang dahilan kung bakit tuloy-tuloy na binabatikos ng Panginoong Jesus ang kasalanan, kahit na tinawag siyang "Prinsipe ng Kapayapaan" sa Isaias 9:6. At wala siyang binatikos nang higit pa sa mga relihiyosong tao ng kanyang panahon, na ang mga Fariseo at mga eskriba, iyon ay, ang mga mala-Fariseong iskolar. Kahit saanman, hindi pa nakikita ng ganoong kahigpit na pagbabatikos sa pangkat na ito, na siyang isinagawa ng Panginoon. Nagsasalita siya nang laban sa kasalanan at kabulaanan [falsehood] ng mga relihiyosong ito. Tingnan ninyo at punong-puno ang buong kabanata ng Mateo 23 ng ganoong pagtutuligsa. Kaya tandaan ang kung ano hindi ang mapagpayapa. Hindi pakikipagkompromiso sa kasinungalingan ang pagiging mapagpayapa, na sinasabi nating, "Alang-alang sa kapayapaan, sige, kahit na di-totoo ang sinasabi niya, hindi na ako kikibo. Dapat mag-ibigan na lang tayo. Kailangang mapagpayapa lang tayo." Hindi man lang ganoon ang kaso. Kaya, gaya ng halimbawang nasa Galacia 2, nabanggit doon na pinagsabihan ni Pablo si Pedro sa harap ng mga tao nang kumikilos siya nang taliwas sa Biblia. Mali, di-makatuwiran at pabago-bago ang kilos ni Pedro. Masasabi ninyong hindi yata mapagmahal ang pagsabihan nang ganoong kalupit si Pedro, dahil isa siyang nakatatandang apostol. Hindi iyon mahalaga kay Pablo, dahil, saanman na may kabulaanan, magkakaroon ng alitan; magkakaroon ng pag-aaway. Hindi kayo magkakaroon ng kapayapaan kung saan may kasalanan. Kailangang maintindihan ninyo ito nang malinaw.
Ang Kasalanan ang Sanhi ng Di-pagkakasundo, Samantalang ang Panlunas
Nito ay ang Katuwiran Nabubuhay tayo sa isang Kanlurang lipunan kung saan nabubuhay ang mga tao sa mga gamot na "valium", "tranquilizer", at "sleeping pills." Sobra kasing hirap ang nararanasan sa buhay, mula sa loob at mula labas. Bakit may ganoong napakaraming presyon at tensyon? Kung dahil sa dami ng trabaho ang tensyon, ibang bagay iyon. Minsan, hindi natin nakakayanan ang sobra-sobrang presyon sa trabaho natin. Kahit si Pablo, nasabi niyang kung minsan, hindi siya makatulog sa kaiisip sa mga trabahong kailangang gawin at tapusin - ang kabalisahan at pag-aalala sa mga iglesya. Ibang bagay iyon. Ngunit kung dahil sa ibang bagay ang tensyon ninyo, gaya ng hidwaan ninyo ng isang kapatid o asawa o kaibigan o boss - away dito, away doon, tensyon sa lahat ng dako, ibang bagay na iyon. Sa gayon, ang dahilan bakit hindi kayo makatulog ay ang kasalanan. Ang kasalanan ang ugat ng lahat ng hidwaan. Kumusta ang inyong personal na ugnayan, halimbawa sa inyong asawa? Pinanggagalingan ng napakaraming hidwaan ang pamilya, dahil doon, napakadaling lumitaw ng kasalanan. Nagbubunga ang pagiging makasarili ng napakaraming problema, ng napakaraming tensyon, ng napakaraming kalungkutan sa tahanan, sa pagitan ng magkakaibigan, o sa pagitan ng ama't ina, o mga anak. O, ang hidwaan - nakapaterible nito! Alam ninyo ito kapag nagpapalaki kayo ng isang bata. Palaging ipinagpipilitan ng bata ang sarili niyang paraan. Sinusubukan ninyong sabihin sa kanya kung anong mabuti para sa kanya, pero para sa kanya, hindi mabuti iyon. Ayaw niya ng ganoong paraan. Hidwaan muli! Kaya, naghahatid ang kasalanan ng panloob na kabalisahan, pagkabalisa sa isipan, at kabigatan o 'stress' sa buong paligid ninyo. At kaya, hindi makapagpayapa ang isang 'peacemaker' sa pagtatago lang ng mga problemang ito. Balewala ang pagtakpan ang mga ito. Kailangang matanto niya na ang sanhi ng lahat ng uri ng ganitong pag-aaway ay ang kasalanan, at kaya, dapat niyang harapin ang kasalanan. Kung gayon, ang dapat na pangunahing inaalala ng isang mapagpayapa ay ang katuwiran na siyang panlunas sa kasalanan. Dapat itinutuon niya ang buong pansin niya sa katuwiran. Napakahalagang punahin ang puntong ito. Ngayon, ano bang gagawin natin upang mangibabaw ang katuwiran sa pakikitungo o pagdi-deal sa kasalanan? Samakatuwid, dapat isipin ng mapagpayapa kung paano niya haharapin ang kasamaan. Maaari niyang ibunyag at sabihing mali ito - isa na iyon sa magagawa niya. Dapat siyang magsalita laban sa pagiging makasalanan kahit na maging kalaban siya ng lahat. Hindi siya magiging popular sa mga tao dahil doon. Ang sumunod na 'beatitude' ay ang "Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran" at makikita ninyo ang ugnayan. Agad-agad, makikita ninyo na nangungusap ang sumunod tungkol sa mga pinag-uusig dahil sa katuwiran. Napakalinaw ng ugnayan; sumunod agad ang dapat mangyari pagtapos nito. Kaya, gusto ninyong itatag ang tunay na kapayapaan sa inyong buhay? Paano kaya ninyo gagawin iyon? Sa pag-inom ng mga 'tranquilizers'? Makakatulong iyon sa inyo upang malunasan ang mga sintoma nang sandali, ngunit hindi niyon malulunasan ang problema sa loob ninyo. Paano ninyo malulutas ang problema? Kailangang simulan ninyong itatag ang katuwiran sa inyong buhay. Ngunit paano?
Kapayapaan sa Pamamagitan ng Bagong Puso, ng Bagong Pundasyon Sasabihin ninyo, "Okey. Sa palagay ko, hindi mabuti ang sabon at eskoba sa sahig na putik." Kaya, anong gagawin ninyo? Wawalisan ninyo ito, pero magliliparan naman ang alikabok sa silid. Paano ninyo malilinis ang sahig na putik? Ang pinakamabuting gawin ay walising palabas ang dumi at asahan na malutas niyon kahit bahagya lang ang problema. Sa katunayan, makikita ninyong hindi puwedeng linisin ang sahig na putik sa ganitong paraan. Kailangan ninyong maglagay ng ibang bagay sa sahig, o palitan ang buong sahig. Kaya mauunawaan ninyo bakit kahoy ang sahig ng mga bahay sa ngayon, na nakataas sa ibabaw ng putik. O 'di kaya, kailangan ninyo ng sementong pundasyon, para semento ang pundasyon at hindi putik. Nakatayo ang bahay ninyo sa isang matibay na pundasyon. Karamihan sa inyo [dito sa Canada], kapag bumababa kayo sa silong ng inyong bahay, wala kayong makikitang putik doon, 'di ba? Nakatayo ang buong bahay ninyo sa konkreto. Sa parehong paraan, upang tumibay ang bahay na ito't maging malinis, kailangan ninyong magkaroon ng bagong pundasyon dito. Hindi lang kayo basta kuskos lang nang kuskos ng eskoba sa inyong sahig na putik. Ano samakatuwid ang mensahe? Ang mensahe ay simpleng ito: Kung sinusubukan ninyo lang sabihing, "Okey, alam ko na wala akong kapayapaan dahil hindi malinis ang aking buhay - hindi ito makatuwiran - kaya anong gagawin ko? Gagamit ako ng sabon at eskoba upang hugasan ang putik na naroon." Sa ilalim ng putik na iyon, mas marami pang putik. Kaya, hindi ninyo kailanman malulutas ang inyong problema. Ang tanging paraan lang ay ang baguhin ang pundasyon ng inyong bahay, o sa pinag-uusapan natin, baguhin ang pundasyon ng inyong buhay. Iyon lang ang paraan upang magkaroon ng kapayapaan sa inyong buhay. Ito ang naiintindihan ng mapagpayapa: isang bagong pundasyon ang kailangan. Tinatawag iyon sa Biblia na muling kapanganakan o 'regeneration.' Sa madaling salita, hindi kayo magkakaroon ng kapayapaan - at kapag wala kayong kapayapaan, hindi kayo magiging isang mapagpayapa - nang hindi nababago, nang hindi nagkakaroon ng isang ganap na bagong puso sa loob ninyo. Kailangan ninyong mabago. Kaya, kapag nangungusap ang Panginoong Jesus nang tungkol sa kapayapaan, hindi lamang tungkol sa isang panlabas na kapayapaan ang tinutukoy niya, kung saan itinitikom na lang ng lahat ang bibig nila. Kagaya ito ng kasong ikinuwento ko sa inyo sa isang kasalan. May nagtanong sa mag-asawang matanda na, "Paano tumagal ang inyong pagsasama nang ganitong katagal?" Ang sagot ng lalaki, "Ganito iyon. Gumawa kami ng kasunduan sa simula pa lang ng kasal." Itinanong ng tao, "Anong kasunduan iyon?" Ang sagot niya, "Ganito ang kasunduan namin: sa tuwing may pagtatalo o may away kami, lalabas ako para maglakad-lakad. Hinahayaan naming huminahon muna ang mga bagay-bagay. Iyon ang paraan na tumagal kami nang napakahabang panahon sa aming pagsasama." Nagpatuloy siya, "Nagtagal kami nang napakahabang panahon dahil mula nang ginawa namin ang kasunduan, namuhay ako nang mas mahabang panahon sa labas ng bahay." Mas marami siyang oras na ginugol sa paglalakad-lakad sa labas ng bahay. Napanatili niya ang kalusugan niya sa madalas niyang paglalakad-lakad sa labas ng bahay. Sinabi niya, "Naging abala ako sa buhay sa labas ng bahay mula noon." Ang tanging paraan upang magkaroon sila ng kapayapaan ay ang hindi nila madalas pagkikita sa isa't isa. At sa tuwing nag-aaway sila, lumalabas muli siya para maglakad-lakad. Kailangan niyang maglakad-lakad nang ilang ulit sa isang araw kung gayon. Mabuting paraan iyon upang manatiling malusog. Sa kasawiang palad, maraming tinatawag na kapayapaan sa mundong ito ang ganitong uri, na matatawag na 'standoff.' Isang uri ito ng panandaliang kapayapaan kung saan pansamantalang tumitigil ang pagbabarilan. "Hindi ka magpapaputok at hindi ako magpapaputok, okey? Tatawagin natin itong tigil-putukan. Kung walang 'standoff, ' pareho lang tayong masasaktan. Iyon ang kapayapaan sa putik na sahig. Walang kabuluhan iyon. Papaano kayo magkakaroon ng isang mahabang-panahong kapayapaan kung ganito? Ang epekto ng ganoong uri ng kasal ay parang hindi kayo kasal. May tahanan kayo kung saan ginugugol ninyo ang karamihan sa inyong oras sa labas. O 'di kaya, may tahanan kayo kung saan may dingding kayo gaya ng 'Berlin wall' at makakapasok lamang kayo kapag may pasaporte kayo. Nananatili ang isa sa bahagi niya, at ang isa naman sa kabila. At sa gayon, magkakaroon tayo ng kapayapaan. Tapatan kong sasabihin sa inyo na nakakita na ako ng buhay-mag-asawa na ganito ang pamamaraan. Isa itong 'standoff' kung saan madalang nag-uusap ang mag-asawa, dahil sa tuwing may pag-uusap, may pagtatalo at nag-aalab ang kanya-kanyang damdamin. Kaya ang pinakamabuting paraan, ang sabi nila, "Kapwa manahimik na lang tayo, nang sa gayon, magkaroon tayo ng kapayapaan. Kung hindi iyon mabisa, ang susunod na hakbang ay ang magdiborsiyo tayo." Hindi isang 'standoff' ang solusyon, ni ang paghihiwalay. Hindi! Kailangang magkaroon tayo ng isang panloob na pagbabago upang magkaroon ng tumatagal na kapayapaan, ng tunay na kapayapaan. Iyon lamang ang tanging paraan. Tanging kapag ganap na nabago na ng Diyos ang ating puso lang tayo magkakaroon ng ganitong kapayapaan sa loob natin. "...ang aking kapayapaan," ang sabi ng Panginoong Jesus sa mga disipulo niya sa Juan 14:27, "...ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo." Natatamo ang kapayapaang tinutukoy rito ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Ang mapagpayapa ay ang taong pinagkakasundo ang dalawang panig, 'di ba? Sinasabi niya sa panig na ito't pangkat na iyon na, "Mamamagitan ako sa inyong dalawa upang kayo'y magkasundo na." Iyon ang mapagpayapa. Sa anong paraan tayo magiging mapagpayapa? Una at higit sa lahat, kailangan nating makipagkasundo sa Diyos at makipagsundo sa tao. Pagkatapos niyon, maipagkakasundo natin ang Diyos at ang tao. Sa ganitong paraan, maaari nating maipagkasundo ang dalawang panig dahil napagkasundo na tayo mismo.
Hindi Tayo Magiging Mapagpayapa nang Walang Pag-ibig sa Diyos at sa
Tao Alam ninyo kung anong nangyayari sa mga tagapamagitan - sila ang mga taong nasisigawan ng magkabilang panig sa pagpupursige nilang maipagkasundo ang dalawa. Tingnan na lang ninyo ang sinusubukang gawin ng dating presidente ng U.S. na si President Carter. Sinusubukan niyang pagbatiin ang mga Arabo't Judio; nasigawan lang siya ng dalawang pangkat. Patuloy pa rin siyang umaasa na may mangyayari mula sa ginagawa niya. Napakahirap nito dahil habang pinagkakasundo ninyo sila, sasabihin ng isang panig, "Kakampi ka ng kabilang panig." Kapag kinausap ninyo ang mga Arabo, sasabihin ng mga Judio na kakampi ninyo ang mga Arabo. Kapag kinausap naman ninyo ang mga Judio, sasabihin ng mga Arabo na nasa panig kayo ng mga Judio. Kaya, na kaninong panig siya? Naiipit siya sa gitna. Walang ibang bagay maliban sa tunay na pag-ibig ang makakagawa upang maging tunay na mapagpayapa tayo. Pansining mabuti ang espiritwal na prinsipyong lumilitaw mula rito. Hindi kayo maaaring maging mapagpayapa ayon sa diwa ng Panginoon maliban kung tunay ninyong iniibig ang Diyos at tunay ninyong iniibig ang tao, at kaya ninanasa ninyong pagbatiin sila. Isang napakahirap na bagay iyon. Ipinapakita niyon kung gaano kataas ang pamantayan ng isang mapagpayapa rito. Hindi ito kasing-simple nang pagwawagayway ng isang plakard o paglalakad-lakad sa kalye. Magagawa nating lahat iyon para sa kadahilanang pampulitiko. Hindi ito kasing-dali ng pagtatayo lang doon at pagbibigay ng mga pampulitikong salita. Kailangan itong magmula sa likas na pag-ibig para sa Diyos at para sa tao. Ang pag-iibig sa Diyos - masasabi ba nating iniibig talaga natin ang Diyos, na sapat ang pag-ibig natin sa kanya upang gustuhin nating maging mapagpayapa, upang ipagkasundo ang tao sa Diyos? Masasabi ba nating talagang iniibig natin ang tao kaya gusto nating maging isang mapagpayapa? Kung iniisip ninyong madali iyon, isipin lang nang sandali ang personal na pakikipagtunggali ninyo. Isipin ang inyong relasyon, halimbawa, sa inyong mga kasambahay o kasama sa kuwarto, sa inyong mga magulang, sa inyong mga kaibigan. O balikan muli natin ang tungkol sa buhay mag-asawa at ugnayan sa mga anak. Oh, doon kailangang harapin ang tunay na ibig sabihin ng pagpapayapa! Iyon talaga ang mahirap na bahagi. Makikita natin na nanggagaling ang pagkakaroon ng ganoong pag-ibig sa Diyos at sa tao sa muling-kapanganakan. Gaya ng sinasabi sa Roma 5:5, "...ang pag-ibig ng Diyos" na "ibinuhos sa ating mga puso". Malibang mangyari iyon, imposible ang lahat ng sinasabi rito tungkol sa "Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos"; hindi ito magagawa. Muli itong isang walang-kabuluhang panaginip - maliban sa kung nabago na tayo. Binibigyang-diin kong muli't muli na depende ang kaligtasan sa pagbabago ng isang tao, ang pagbabagong iyon sa loob natin upang maging posible ito. Masasabi ninyo bang nabago na kayo hanggang sa bukal na sa loob ninyong ibigin ang Diyos ng buong puso ninyo, at ibigin ang tao, kahit na kaaway ninyo siya?
Kasama sa Pagpapayapa ang Pag-ibig sa Kaaway Ang siyang umiibig sa mga kaaway nila ang mga mapagpayapa, dahil, paano pa kaya nila maisasagawa ang pagiging mapagpayapa? Hindi natin maisasagawa iyon! Kung sa ating sarili lang, hindi natin maisasagawa ito dahil sa kalikasan ng tao, agresibo siya. May hidwaan tayo dahil palaging hinahanap ng likas na tao ang sarili niyang interes. Ganoon siya sa kalikasan niya. Maaaring napakabait niyang tao, ngunit ang sarili niyang interes ang pangunahing inaalala niya. Nakikita kong napapansin ninyo agad ito kapag bata ang kaharap ninyo. Palaging nangunguna sa kanilang isipan ang sarili nilang interes. Magaganda ang mga bata. Napakababait nila at lubhang di-kapani-paniwalang makasarili. Mahal ko ang mga bata. Mahal ko sila kahit na di-kapani-paniwalang napakamakasarili nila. Ang pagiging makasarili ang sanhi ng lahat ng hidwaang mayroon tayo. May pakikipagtunggali tayo dahil kailangang masunod ang ating gusto. Kaya, para magkaroon ng kapayapaan kapag nagkahidwaan, kailangang may pagbabago. Sa likas na katauhan natin, ayaw nating unahin ang interes ng Diyos o ng ibang tao. Ayaw nating gawin ito. Ngunit dapat nating maintindihan na hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan hanggang hindi tayo nagkakaroon ng pag-ibig para sa mga tao - ang uri ng pag-ibig na handang umibig hanggang ganap na mabago sila ng Diyos. Iyon ang kinakailangang gawin ng isang mapagpayapa. Kapag humayo kayo roon at inibig ang mga tao hanggang sa mabago sila mula sa kanilang pagkamakasarili, simula ninyong mauunawaan ang pag-iisip ni Cristo. Naging mapagpayapa ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng dugo ng krus niya.
Ang Halaga ng Pagiging Mapagpayapa: Ang Pagtagumpayan ang Kasalanan
sa Pamamagitan ng Pag-ibig Hindi lamang ninyo dapat na pagsabihan ang mga makasalanan, kundi, dapat din ninyong ibigin sila. Dapat ninyong gawin ang dalawang bagay: kailangan ninyong pagsabihan ang mga makasalanan, tulad ng ginawa ng Panginoong Jesus, at ibigin pa rin sila. O, kay hirap niyon! Iyon ang nagpapahirap sa pagiging mapagpayapa. Isang gawain iyon na talagang kakaiba ang hirap, gayunma'y napaka-makabuluhan. Ang maganda roon ay ang makita ninyong nagbabago ang isang tao - lumalayo siya mula sa di-katuwiran o 'unrighteousness' - dahil naiintindihan na niya ngayon na masama ang kasalanan. Nakapagpalaki na ba kayo ng isang bata? Kung oo, maiintindihan ninyo mismo kung anong ibig kong sabihin. Ang pagiging mapagpayapa ay tulad ng pagpapalaki ng bata. Kapag gumagawa ng mali ang aking anak na babae, pinagsasabihan ko siya. Kung kinakailangan, papaluin ko pa siya't didisiplinahin. Gayunman, kinakailangang hindi ko lamang siya pagsabihan, kailangang mahalin ko rin siya sa paraang makikilala niya na masama ang kasalanan. Tunay na mahirap ang gawain ng isang magulang. Napakahirap kumbinsihin ang bata na masama ang isang bagay dahil iniisip niyang napakabuti niyon. Nasubukan ninyo na bang kumbinsihin siya na masama sa kanya ang matatamis? Muntik na akong sumuko sa imposibleng gawaing ito. Hindi ko alam kung paano ko mapapatunayan sa bata na masama ang matatamis, hindi lamang sa ngipin, kundi sa kalusugan din, na nakasisira ito sa gana sa pagkain. Sa palagay ko, alam ng sinumang mga magulang sa inyo kung gaano kaimposible ang gawaing iyon. Naniniwala ang bata na mabuti ang matamis at sinasabi ninyo lang ang salungat sa kanyang karanasan. Titikman niya ito at sasabihing, "Hmm... masarap!" Ngunit naroon si Daddy na nagsasabing hindi ito mabuti. Subukan ninyong kumbinsihin ang isang bata sa susunod. At maiintindihan ninyo na iyon ang gawain ng isang mapagpayapa: ang subukang kumbinsihin ang makasalanan na masama ang kasalanan. Sinasabi ng makasalanan na, "Ngunit masarap ang kasalanan! Nandaraya ako sa pagbabayad ng aking buwis. Okey ito kasi nagkaroon ako ng sobrang $50. Kung hindi ako mandaraya, malulugi ako ng $50. Sinasabi mo ba sa akin na mabuti ang pagbabayad ng karagdagang $50 na buwis? Kalokohan iyon! Masama ang magbayad ng karagdagang $50 dahil alam ko kung anong magagawa ko sa $50. Makakakain ako ng napakaraming 'steak' sa Ponderosa. Makabibili ako ng napakaraming magagandang bagay sa $50. At sinasabi mo sa aking, 'Hindi! Masama iyon. Bayaran mo ang $50 na buwis!' Kalokohan!" Nakikita ninyo na heto ang gawain ng mapagpayapa: sinusubukan niyang itaguyod ang katuwiran. Itinataguyod niya ang kapayapaan sa pundasyon ng katuwiran. Nakikita ninyo na ngayon ang gawain ng mapagpayapa. Paano ninyo makukumbinsi ang makasalanan na masama ang kasalanan? Hindi ko alam. Paano magagawa ang trabahong ito? Sinusubukan ko pa ring mag-isip ng paraan upang patunayan sa aking anak na masama ang matatamis, ngunit hindi siya naniniwala rito dahil wala pa siyang bulok na ngipin; maganda pa rin ang mga ngipin niya. Noong huling bisita niya sa dentista, hindi niya kailangang magpapasta. Sinabi niya, "Nakita mo na, Dad?" At kinailangan kong sabihin, "Dahil iyon sa paalala ng Daddy sa iyo na huwag kumain ng matatamis." Hindi pa rin siya ganap na kumbinsido. Anong hirap ng trabahong ito! Ang pagsabihan ang makasalanan na huwag ibigin ang kasalanan, samantalang buong buhay niya, inibig niya ang kasalanan. Isang mabigatang trabaho ito. Imposible ito. May magagandang larawan ng mga halos-hubad na babae at may taong nagsasabi ng, "Wow, mukhang kawiliwili ito!" Pagkatapos, sasabihin ninyong, "Hindi. Nakakaengganyo iyon sa laman." Ngunit maganda ito sa mga mata niya! Sinasabi niya, "Ang ganda-ganda nito!" Sinasabi ninyo, "Hindi! Hindi iyon mabuti." Talagang mahirap ang gawaing iyon! Palaging natatagpuan ng Cristianong sumusubok na itaguyod ang katuwiran bilang isang mapagpayapa na nakikipaglaban siya sa isang mahirap na digmaan, kung saan halos siguradong matatalo siya. Subukang kumbinsihin ang taong ito't sasabihin niya sa inyong, "Hindi naman ako kasing-lubha ng ibang tao. $50 lang ang dinaya ko sa aking buwis; ang ibang tao nga'y $500. Mabuti pa ako kumpara sa kanila." At subukan ninyong sabihin sa kanya na hindi mahalaga kung ito'y $50 o $500; ang pagnanakaw ay pagnanakaw. Ngunit hindi niya makikita iyon. Hindi ba may kaibahan naman sa pagitan ng $500 at $50? O, anong hirap ng trabahong ito! May isang di-kainggit-inggit na trabaho ang mapagpayapa. Higit pa roon, kapag nagpatuloy pa kayo nang may katagalan sa pagiging mapagpayapa, matutuklasan ninyong magkakaroon kayo ng maraming kaaway. Sasabihin nilang, "Lumayas ka rito! Nagbabanal-banalan ka! Tama na! Ayaw na naming makinig sa 'yo. Kailangan nating mabuhay sa katotohanan ng buhay sa mundong ito, okey? Dalhin mo ang iyong kabanalan sa ibang lugar. Magpahayag ka sa mga monghe sa monasteryo. Para sa amin, kailangan naming makibaka sa buhay na ito. Kailangan naming ipamuhay ang buhay na ito sa totoong mundo." Alam nating lahat ang pakiramdam. Aalis kayong bigo: "Narito't sinusubukan kong gumawa ng kapayapaan, upang pagkasunduin ang tao sa Diyos. Inaaksaya ko lang ang aking oras." Napakahirap na trabaho nito. Higit pa roon, kapag natumpok ninyo ang isang maselang punto, lagot kayo! Babalingan nila kayo gaya ng pagbaling nila sa Panginoong Jesus at ipinako siya. Kapag maliliit na bagay lang ang tinutuligsa ninyo, makakangiti pa sila. Ngunit kapag malalaking kasalanan na sa kanilang buhay ang tinutuligsa ninyo, hindi na sila makakangiti pa. Nang sinabi ni Juan na Tagapagbautismo kay Haring Herodes, "Hindi mo dapat kinuha ang asawa ng iyong kapatid," ibinilanggo siya at doon na siya namatay. Kung tinukoy lang niya ang $50 na pagdaraya sa buwis, marahil ngingiti-ngiti pa si Herodes. Marahil, sabihin pa niya, "Iyon ang buhay!" Ngunit nang nagsimulang magsalita si Juan tungkol sa relasyon ni Herodes sa asawa ng kapatid niya, na pribadong bagay, nasabi siguro ni Herodes, "Hindi ko palalampasin iyan. Tama na! Ang pribado ay pribado. Umalis ka na! Pakialaman mo ang sarili mong buhay. Huwag mong pakialaman ang kasalanan at pribadong buhay ko. Kung hindi, masasaktan kita." Anong hirap nang maging mapagpayapa! Gayunman, pansinin na tinawag tayo mismo sa gawaing ito. Dahil, kapag tinatawag ninyo ang mga tao para sa kapayapaan, tinatawag ninyo sila sa isang ganap na pagbabago ng kanilang buhay - isang buhay kung saan mamamahala si Jesus ng kanilang buhay, kung saan titigil na sila mula sa pagkamakasarili nila, at magtataguyod si Jesus ng katuwiran sa buhay nila. Naku, anong hirap ng trabahong ito! Kinakausap ko ang isang kapatiran kanina lang sa kotse. Babalik siya sa Singapore kasama ang mga iba pa. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa mga problemang haharapin niya kapag sinubukan niyang kausapin ang kanyang pamilya't mga kaibigan tungkol sa katotohanan. Iyon mismo ang buong problema. Kailangang magpahayag ng katotohanan ang mapagpayapa upang maitaguyod ang kapayapaan sa isang matibay na pundasyon.
Ang Mga Mapagpayapa ay Tatawaging mga Anak ng Diyos Talagang nakakawili ito dahil ilang bersikulo pagkatapos nito, matatagpuan nating tinutukoy ng Panginoong Jesus ang mga disipulo niya bilang mga anak ng Diyos. Sa Mateo 5:16 halimbawa, "Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit." Kung Ama na ninyo ang Diyos, ibig sabihin, mga anak na niya kayo ngayon. Gayunman, hindi tinutukoy ng Panginoong Jesus dito ang tungkol sa pangkasalukuyang pagiging anak kundi ang panghinaharap na pagiging anak. Napakahalagang maintindihan nito nang tama sa saligan ng pagpapaliwanag o 'exegesis.' Hindi tayo dapat magkamali na isipin na sa kasalukuyang pagiging anak ang sinasabi ng Panginoon. Napakahalagang mapansin ito. Tungkol sa panghinaharap na pagiging anak ang sinasabi niya. May dalawang bagay tungkol sa pagiging anak ang dapat ninyong maobserbahan. May pangkasalukuyan at may panghinaharap na pagiging anak. Alam ba ninyo na nagtuturo ang Biblia ng dalawang uri ng pagiging anak? Mga anak kayo ngayon, ngunit tanging sa isang pinaka-unang hakbang na diwa lang. Kaya, huwag kayong makipagtalo na "minsang naging anak, palaging anak na." Huwag gumawa ng ganitong uri ng pagkakamali. Anak lamang kayo sa diwa na may nakatakdang panahon ng pagsubok o 'probation.' Maaari ninyong sabihin na hindi pa kayo lubos na naaampon. Ako ba ang nagsasabi niyon? Hindi! Sinasabi iyon ng Biblia, hindi ako. Hayaan ninyong basahin ko sa inyo ang Roma 8. Makikita ninyo na ganito mismo ang sinasabi ni Pablo. Maraming beses na nangungusap si Pablo ng tungkol sa pagiging anak natin, gayunman, kapag sumapit siya sa siping ito sa Roma 8:23, nangungusap siya tungkol sa pagiging anak sa hinaharap. Ngunit pansinin na sinabi niya sa naunang bahagi ng kapitulo na mga anak na tayo. Basahin natin ang Roma 8:15 muna upang makita ninyo ang kabuuang larawan: "Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, 'Abba! Ama!' Sa b.16 sinasabi ito, "Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos." Basahin ngayon ang bs.22&23, "Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay samasamang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon. At hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu...". Anong unang bunga ng Espiritu? Ibinigay ang Espiritu sa atin kaya nakakatawag tayo ng, "Abba! Ama!" Kaya, "tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan." Masasabi ninyong, "Kasasabi lang niyang may espiritu tayo ng pagkukupkop, ngunit sa b.23, sinasabi niyang naghihintay tayo sa pagkukupkop sa atin bilang mga anak." Hindi! Hindi pa tayo ganap na kinupkop bilang mga anak. Naghihintay pa tayo sa pagkukupkop. Nasa sa atin ang Espiritu bilang unang bunga, at dahil sa Espiritu na iyon, tunay na masasabi na natin ang, "Ama!" Paano natin maiintindihan ito - mga anak tayo, ngunit hindi pa tayo lubos na kinukupkop bilang mga anak? Ang tanging paraan upang maintindihan natin ito ay ang tantuhin na mga anak tayo base sa isang takdang pagsubok o 'probation.' Papaano pa natin maiintindihan na mga anak tayo, ngunit hindi pa nakukupkop bilang mga anak? Hindi pa ba tayo lubos na napapatunayan bilang mga anak? Hanggang sa Araw na iyon, gaya ng sinasabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 5, tatawagin tayo ng Diyos at titingnan, at sasabihin niyang, "Ikaw ay aking anak na lalake; ikaw ay aking anak na babae." Sa Araw na iyon sa wakas, ganap na niya kayong kikilalanin bilang anak. Hanggang sa puntong iyon, anak kayo, ngunit hindi pa ibinibilang na anak. Ipinaalala niyon sa akin ang kaso ng mga embahador. Darating sila sa isang bansa at kailangang ituring or ibilang sila bilang mga embahador. Kailangang ipakita nila ang kanilang mga kredensiyal sa Presidente upang pormal na tanggapin bilang isang embahador. Marahil, kung hindi siya tinanggap ng Presidente, kailangan niyang bumalik sa pinanggalingan niya at umuwi. Hindi tinanggap ang pagiging isang embahador niya; hindi siya kinilala. May isang diwa na oo, mga anak tayo at may unang bunga tayo ng pagiging anak, ngunit hindi pa tayo lubos na kinukupkop, gaya ng sinasabi ni Pablo rito. Hindi pa ganap ang ating kaligtasan. Hinihintay pa natin ang pagkukupkop sa atin, ang pagtutubos sa ating katawan. Hindi pa natutubos ang ating mga katawan. Sa diwang iyon, hindi pa ganap ang ating kaligtasan. Kailangan pa tayong kilalanin bilang mga anak. Maaaring palaisipan ang puntong ito sa atin, ngunit kung may sinumang may mas magandang solusyon sa inyo, gusto kong marinig iyon. Kung gayon, dumako tayo sa panghuling punto na kailangan nating tandaan. Anong uri ng tao ang tatawagin at kikilalanin ng Diyos bilang mga anak? Anong uri ng tao? Iisang uri lang ng tao ang nababasa ko rito: iyon ang mapagpayapa. Ang mga mapagpayapa ang siyang kikilalanin ng Diyos bilang kanyang mga anak. Iniisip ko kung gaano karami sa atin ang matatanggap. Paulit-ulit kong itinatanong sa maraming Cristiano: Anong ibig sabihin ni Pablo sa Filipos 2:12 nang sinabi niyang, "...isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig". Anong ibig sabihin ni Pablo sa mga salitang "takot at panginginig"? Sa mga araw na ito, nasa henerasyon tayo na binibigyang-diin ang pangangailangan sa katiyakan, sa 'assurance'. Sinasabi natin na kung wala tayong nararamdamang kasiguruhan, baka masisira ang ating buhay-espiritwal. Baliktad ang pagkakalagay nito sa Biblia. Kung sa pakiramdam ninyo, sigurado na kayo, masisira kayo. Kung hindi kayo nakakasiguro sa inyong kaligtasan, baka isagawa ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig, at kaya maliligtas kayo. Kakaiba! Binaliktad na natin ang sinasabi sa Kasulatan. Iyon mismo ang sinasabi ni Pablo sa Filipos 2:12. Maraming beses ko nang itinanong sa mga Cristiano, "Sabihin nga ninyo sa akin kung anong ibig sabihin ng 'isagawa ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig'." Walang sinuman sa mga Cristiano ngayon ang nakapagbigay na sa akin ng sagot. Wala pang nakakapagbigay ng sagot sa akin - pastor man o sinumang Cristiano. Subukan ninyo para sa inyong sarili. Kung gusto ninyong matulala ang isang pastor minsan, itanong ninyo lang sa kanya kung anong ibig sabihin ng Filipos 2:12. Makakatiyak kayo na wala siyang maisasagot dahil sa kasalukuyang kalagayan, walang maisasagot sa tanong na iyon. Kapag naiintindihan ninyo ito, ang sinasabi ng Panginoon ay, "Huwag pakasiguro sa inyong kaligtasan!" Sasabihin kong totoo: ang Diyos ang inyong Ama na nasa langit. Subalit huwag kalimutan na sa Roma 9, tinatawag ding mga anak ang mga Judio. May iba't-ibang uri ng pagiging anak sa Bagong Tipan. Ang tanong ay: Anong uri ng pagiging anak ang pinag-uusapan ninyo? Tinatawag ding mga anak ng Diyos ang mga Judio. Mababasa natin iyon sa Roma 9:4. "Sa kanila ang pagkukupkop, ang mga pangako, ang mga patriyarka," ang sabi ni Pablo sa simula ng kabanata. Sinasabi ninyo, "Kung gayon, mga anak din sila?" Oo! Mga anak sila. Tinatawag ding mga anak ng Diyos ang mga anghel. Ngunit wala ni isa sa mga ito ang uri ng pagiging anak na sinasabi ni Pablo rito. Anong uri ng pagiging anak ang tinutukoy ni Pablo rito? Tinutukoy niya ang pagiging anak kung saan kinikilala kayo ng Diyos bilang isang anak sa direkta't personal na paraan. Iyon ang kaligtasan sa diwa ng Bagong Tipan. Walang ganitong uri ng kaligtasan ang mga anghel. Ang mga Judiong hindi naniwala, mga hindi sumunod sa Diyos, wala silang ganitong uri ng kaligtasan. Mga anak sila, ngunit hindi sa ganitong uri ng pagiging anak. Kaya tandaan ito: ang tunay na pagiging anak na ito na tinutukoy ng Panginoong Jesus, ang pagkukupkop upang maging mga anak, ang siyang hinihintay natin sa hinaharap. Maiba ako, ang panghinaharap na kaligtasan mismo ang punto sa mapapalad na ito. Napansin itong mabuti nina Propesor Schweizer at H.A.W Meyer. Batid nila na di-pangkasalukuyan ang pagiging anak na ito; tinutukoy nito ang panghinaharap. Magiging anak ba kayo sa Araw na iyon? Iyon ang malaking tanong. Magiging anak ba kayo? Sinu-sino ang magiging mga anak? Ang mga anak ay yaong mga mapagpayapa dito't ngayon.
Pagpapahayag ng Kapayapaan, Pagpapahayag ng Kaligtasan Ngayon, pansinin itong mabuti. Tinawag kayo upang maging mapagpayapa. Kailangang maging mapagpayapa ang bawat tunay na disipulo, hindi lamang ang pastor. Samakatuwid, kailangang ipahayag ng mapagpayapa ang mensahe ng kapayapaan. Ano ang mensahe ng kapayapaan? Ang mensahe ng kapayapaan ay ang mensahe ng kaligtasan. Ang pagpapahayag ng kapayapaan ay pagpapahayag ng kaligtasan. Sinasabi sa Isaias 52:7, "Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan". Sinasabi sa atin ng sipi na sila ang mga mensahero ng kapayapaan. Bilang pagtatapos sa sulat niya sa mga taga-Efeso [6:14ss], sinabi ni Pablo sa mga Cristiano na kailangan nating isuot ang helmet, isuot ang baluti o 'breastplate', isuot ang lahat-lahat ng 'armor.' At sa inyong paa, anong isusuot ninyo? Isuot sa inyong paa ang "ebanghelyo ng kapayapaan." Anong ibig sabihin niyon? Nangangahulugan ito na kailangan ninyong lumakad at kumilos upang ang buong direksiyon ng inyong buhay ay nakadisenyo upang itaguyod at mapasulong ang ebanghelyo ng kapayapaan, ang espiritwal na kapayapaan sa sanlibutang ito. Mga kapatid, kung maaari sana ay pakatandaan ito: maliban na gawin ninyo iyon, malibang maging isa kayong mensahero ng kapayapaan, malibang nakasuot sa inyong mga paa ang ebanghelyo ng kapayapaan, samakatuwid, hindi ninyo magiging bahagi ang kaligtasan. Hindi kayo tatawaging mga anak ng Diyos. Sapagkat, sinasabi rito, ang mga mapagpayapa ang siyang tatawaging mga anak ng Diyos. Isang mataas na pagtawag iyon, 'a high calling.' Di-katakataka na sinabi ni Pablo na ang ating pagtawag ay isang napakataas na pagtawag. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili na tinatawag na kayo ngayong anak ng Diyos, na anak kayo ng Diyos dahil naniniwala kayo kay Jesus. Pinawalang-sala kayo noon. Oo, sa isang diwa, anak nga kayo ng Diyos, tulad ng mga Judio; mga anak din sila ng Diyos. Subalit, kung magiging anak ng Diyos kayo sa Araw na iyon, sa ganap na diwa ng pagiging anak, sa kung saan may pagkakataon kayo maging, kung gayon, ngayon at dito pa lang, kailangan ninyo nang kumilos at ipagkasundo ang Diyos at ang tao, ipagkasundo ang tao sa tao, at maging mapagpayapa sa henerasyong ito sa pundasyon ng katuwiran. Umaasa akong naiintindihan ninyong mabuti ang sinasabi ng Panginoong Jesus. Katapusan ng mensahe. ¹Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001 ²Ginamit ang: Biblia ng Sambayanang Pilipino, Ikalawang Edisyon, International Catholic Bible Society, Rome, Italy, 1999. |
Difficult in reading?
Tagalog Series: - Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang" - Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya! - Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos - Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan - Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba - Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran - Mapapalad ang mga May Malinis na Puso - Mapapalad ang mga Mapagpayapa - Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran
|
|||||
|
Copyright 1998-2007. All
Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best
viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution. |
|||||||