|
ChristianDisciplesChurch A Christian Evangelism and Discipling Ministry |
|||||||
|
|||||||
|
Mapapalad ang mga Dukha (Blessed Are the Poor)
Una ng Isang Serye ng 10 Mensahe Tungkol sa 'Ang Mapapalad' Tayo'y dumako sa Mateo 5:3 kung saan inumpisahan ng Panginoong Jesus ang Sermon sa Bundok na kanyang itinuro sa mga disipulo niya, sa pandinig at presensya ng napakaraming tao. Inumpisahan niya ang kanyang mensahe sa mga salitang ito: "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.¹"
Ang mga Dukha'y Nagsasaya sa Taon ng Pagdiriwang [Year
of Jubilee] Ang ipahayag ang "taon ng biyaya" o kalugud-lugod na taon ng Panginoon ay ang ipahayag ang Taon ng Pagdiriwang o 'Jubilee,' na nangangahulugan ng pagpapalaya sa lahat ng pagkakautang. Gayon ang nangyayari sa Taon ng Jubilee, ang pagpapanumbalik ng kalayaan sa lahat ng alipin. Sa Israel, nangyayari ito minsan sa bawat 50 taon. Ang "taon ng biyaya" - isang kaaya-ayang taon - ay nangyayari minsan sa isang tanang-buhay, minsan sa 50 taon. Ito'y ang Taon ng Jubilee, ang Taon ng Pagdiriwang. Ito'y taon ng pagsasaya dahil kung may pagkakautang sinuman kahit kanino, ang lahat ng utang ay papatawarin. Ang lahat ay kusang pinapalaya sa lahat ng pagkakautang. Ang mga dukha na nasa ilalim ng pang-aapi ng mga pagkakautang na ito ay agad-agad na pinapalaya. Ang mga hindi makabayad ng kanilang mga utang at kailangang ipagbili ang kanilang sarili sa pagka-alipin, kung kaya naging mga alipin sila, ay pinapalaya sa Taong iyon. Sinisimbolo nitong Taon ng Jubilee ang pagdating ng kaharian ng Diyos kung kailan ang mga dukha, ang mga bihag at ang mga alipin ay papalayain. Ito'y isang panahon ng paghihilom, pagpapagaling sa mga sugat: ang panunumbalik ng paningin sa mga bulag at pagpapalaya sa mga naaapi. At kaya ang Taon ng Jubilee ay napakahalaga, siyempre, kanino? Sa mga dukha! Ang mga mayayaman ay walang mga utang at wala sila sa panganib na maging mga alipin. Kaya, hindi kalugud-lugod sa mga mayayaman ang Taon ng Jubilee sapagkat kailangan nilang palayain ang kanilang mga alipin at ang mga may utang sa kanila sa ilalim ng batas ng Israel. Sa gayon, hindi ito isang taon ng 'Jubilee' o pagsasaya sa mayayaman. Ngunit sa mga dukha, ito'y isang taon ng pagsasaya. Ito'y magandang balita sa maralita. Iyon ang kung ano ang kaharian. Sa kahulugang iyon, umpisa na nating nauunawaan kung ano ang ipinaritong gawin ng Panginoong Jesus. Sinabi niya, "Ang Espiritu ng Diyos ay nasa akin... upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha". Kung ano ang espiritwal na kahulugan nito ang mismong kailangan nating pag-aralan. Ngayon, siyempre, sinasabi nito sa atin na pagkatapos basahin ito sa Nazaret, ang sarili niyang bayan, isinara niya ang aklat (sa Lucas 4:20) at isinauli ito sa tagapaglingkod. Binasa niya itong aklat, itong Biblia, sa sinagoga, gaya ng gawi noong panahong iyon. Pagkatapos, sinabi niya, "Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig." Narinig ninyo ang kasulatang ito - ang Isaias 61:1ss - na naganap sa inyong pandinig. Kayo ang mga testigo sa pagtupad ng mga salitang ito tungkol sa Mesiyas, na may kaugnayan sa pangako ng pagdating ng Hari, na siyang magpapahayag ng Taon ng Jubilee. Sa katunayan, ang Taon ng Jubilee, na hindi na pinagdiwang sa napakatagal na panahon, ay magaganap na ngayon sa Mesiyas. Ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang mga kababayan, ang mga taga-Nazaret. "Ang Isang Propeta ay Walang Karangalan sa Kanyang Sariling Henerasyon" May isa pang sipi ng turo kung saan sinasabi ni Panginoong Jesus, "Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan." [Mateo 13:27 atbp.] Ang kahulugan ng mga salitang ito ay buo kong ipinaliwanag sa aking pam-Paskong mensahe na pinamagatang 'Being Spiritually-Minded' [Ang Pagiging Isip-Espiritwal]. Ibig sabihin ni Jesus, ang pagtingin sa kanya't sa ibang tao ng mga may isip-makalaman ay mula sa pantaong pananaw lamang. Ang iniisip nila kay Jesus: "Paano maaari maging Mesiyas ang karpinterong ito? Kilala natin siya mula sa kanyang kabataan?" Hindi sila mapalaya sa pantaong pag-iisip. Hindi nila maisip na ang Diyos, bilang nahayag sa laman, ay makakaparito sa sanlibutan bilang isang tao, bilang isang karpintero. Mukhang imposible na magapi itong balakid sa isip-makalaman. Ibinababa ng karnal o likas na tao ang lahat ng bagay sa sarili niyang antas. Hindi niya kayang mag-isip sa espiritwal. Sinasabi niyang, "Kilala ko ang taong iyon. Paano siya maaaring maging Anak ng Diyos?" Paano kung ang isang taong kilala ninyo'y talagang Anak ng Diyos? Paano ninyo ba alam kung siya nga'y hindi? Napakahirap matantiya sa tanang-buhay ng isang propeta ang kanyang espiritwal na kadakilaan. Napakadalas nitong nangyayari. Ang dakilang artista (pintor, atbp.) ay di-kailanman pinahahalagahan sa tanang-buhay niya. Madalas, ang mga larawang pininta ng mga dakilang pintor, tulad ni Van Gogh, ay di-kailanman napahalagahan sa tanang-buhay nila. Kahit na si Beethoven, Liszt at lahat ng mga dakilang musikero ay hindi napahalagahan sa tanang-buhay nila. Ngunit ngayon, sa ibang henerasyon na maaaring maging malaya mula sa pantaong kalipunang ito, nakukuha nilang matanto ang tunay na kahusayan ng mga taong ito. Ang mga dakilang propeta ng Israel ay di-pinarangalan sa kanilang henerasyon. Sa ngayon, kinikilala natin na sila'y mga propeta ng Diyos, ngunit hindi sila kinilala sa kanilang henerasyon. Higit sa isang beses, inakusahang taksil si Jeremias. Itinapon siya sa isang hukay kung saan muntik na siyang mamatay, kundi lang siya nailigtas sa huling sandali. [Jeremias 38:6-13] Dinala siya ng isang pangkat ng tao sa Ehipto kung saan ayaw niyang pumunta. [Jeremias 43:6ss] Sinaktan siya't inabuso. Ang mga propeta sa Israel ay isa-isang inabuso sa kanilang kapanahunan. Nang sinabi ni Micaya kay Ahab na siya'y mamamatay, sinampal siya ng isang kunong-propeta. Siya'y kinontra - isa laban sa isang buong pangkat ng mga propeta. [1 Hari 22:24ss] Siya lang ang nagpropesiya ng katotohanan; ang lahat ng mga iba'y nagpropesiya ng kasinungalingan. Gayunman, inaangkin nilang lahat na sila'y mga propeta. Kaya, isa laban sa marami, sino kaya ang maaaring tama? Siguradong tama ang karamihan? Hindi! Siguradong mali ang karamihan! Iyon ang problema sa espiritwal na mga bagay-bagay.. Ang kakaunti ang palaging napapatunayang tama sa paglipas ng panahon. Ngunit sa kanilang henerasyon, sila'y hindi napapahalagahan. Ang isang propeta, sabi ng Panginoong Jesus, ay di-nawawalan ng karangalan sa mata ng Diyos, ngunit sa sariling panahon niya, sa sariling bayan niya, wala siyang karangalan. Isa-isang nangyari iyon sa lahat ng mga propeta sa Lumang Tipan. Alam nating nangyari iyon kay Amos, kay Hoseas - sa lahat sa kanila. Wala silang karangalan sa henerasyon nila. Sila'y tinuya, nilibak, itinakwil at kinamuhian ng mga tao. Kaya halos mawalan ng pag-asa si Jeremias na ipagpatuloy pa ang kanyang ministeryo. Maraming beses, inyong matatandaan, sinabi ni Jeremias, "Hindi na ako mangangaral kailanman. Sapat na ang ibinigay kong pasensiya sa mga taong ito. Kung gusto nilang mamatay, hayaan silang mamatay. Nasabi ko na ang dapat kong sabihin. Ito'y tapos na." Pagkatapos, naalala ninyo kung paano niya sinabi, "...waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy na nakakulong sa aking mga buto". [Jeremias 20:7-9] Ang pag-ibig niya sa Diyos at sa mga tao ay hindi mapigilan. Kailangan pa rin niyang mangaral at tanggapin ang magiging bunga, kahit kamuhian pa siya ng mga Israelita. Sinong may gusto na masabihang, "Kung hindi kayo magsisisi, kayo'y mamamatay"? O kaya'y masabihang, "Kayo'y mga makasalanan na malapit nang parusahan ng Diyos sa pamamagitan ng apoy ng pagkawasak"? Kaya, gayundin ang nangyari sa lahat ng mga propeta. At nang mangaral ang Panginoong Jesus, walang ipinagkaiba. Kinamuhian siya nila, lalo na ng mga pinuno, ng mga relihiosong pinuno ng Israel. At sa huli'y ipinako nila siya sa krus. "Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan...". Ayaw nilang makinig. Ang tanging uri ng tao na makikinig, na magsasaya sa Taon ng Jubilee sa pagdating ng kaharian ay ang mga dukha. Kaya kailangan nating pag-aralan na ang mga dukha lamang ang tanging bukas ang puso sa espiritwal na bagay-bagay, na magiging at maaaring maging espiritwal sa pag-iisip. Ang mga mayayaman - sila ang may pagkalugi sa lahat ng bagay. Sa gayon, hindi nila tinatanggap ang Ebanghelyo, maliban sa kung babawasan at gagayaking kaaya-aya ang Ebanghelyo upang maging katanggap-tanggap sa mga mayayaman. Ngunit walang ginawang ganoon ang Panginoong Jesus. Ang mga salita ng Panginoong Jesus ay makikitang totoo kay Elias, na hindi pumunta sa mga Israelita kundi sa banyagang lupain, sa Sidon at sa isang Hentil na ginang, dahil hindi tinanggap ng mga Israelita ang isang dakilang propetang gaya ni Elias. Ni hindi rin nila tinanggap si Eliseo. Si Elias ang pinakadakila sa mga propeta sa Lumang Tipan kung espiritwal na kapangyarihan ang pag-uusapan, ngunit siya'y tinanggihan ng henerasyon niya. Walang karangalan ang paglilingkod sa Panginoon sa sariling henerasyon. Mas marahil na tutugisin at uusigin ang isang lingkod sa pangangaral niya ng katotohanan.
Ang mga Katulad na Sipi ng "Mapapalad ang mga
Dukha" sa Mateo at Lucas Isa pang pagkakaiba nila ay ito. Sa Mateo, ginamit ang salitang "kaharian ng langit" at sa Lucas nama'y "kaharian ng Diyos". Ang dalawang ito'y nagkakaiba lang sa katawagan pero iisa lang ang kahulugan nila. Ang mga Judio, sa pag-aatubili nilang gamitin ang salitang 'Diyos,' ay palaging gumagamit ng mga di-tuwirang katawagan, gaya ng 'ang Kamahalan' [Majesty], o kaya'y 'langit' kapag tinutukoy nila ang Diyos. Ngunit walang anumang pagkakaiba sa kahulugan ang 'kaharian ng Diyos' at 'kaharian ng langit'. May tatlong bahagi sa mensaheng ito na kailangan nating tingnan. Una, 'Mapapalad'; pangalawa, 'ang mga dukha'; at pangatlo, 'ang kaharian ng Diyos'.. Ano ang kahulugan ng mga ito? Anong ibig sabihin ng maging mapalad, maging dukha o dukha sa espiritu? Ano ang kaharian ng Diyos?
"Mapapalad..." Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya; kundi nasa kautusan ng PANGINOON ang kanyang kagalakan, at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan. Anong uri ng tao ang masaya? Ang taong masaya ay siyang hindi lumalakad sa masama, kundi sa katwiran. Masaya ang taong nagagalak sa Diyos at sa kanyang kautusan at nagbubulay-bulay araw at gabi ng Salita ng Diyos. Sa Biblia, ang kagalakan, iyon ay, ang espiritwal na kagalakan, ay tumutukoy sa isang uri ng tao. Sa katunayan, ang 'beatitudes' o pagiging 'mapapalad' ay ilang ulit na makikita sa Mga Awit. Kapag sila'y binilang, may 19 na 'mapapalad' sa Mga Awit, na lubhang katulad sa 'mapapalad' ng Panginoon dito. "Mapalad ang taong...". Sa madaling salita, ang uri ng taong ito'y masaya sapagkat pinagkakalooban siya ng Diyos ng mga biyaya. Mapalad siya sapagkat binibiyayaan siya ng Diyos. Ang Diyos ang siyang magpapasaya sa kanya. Nagdadala ng saya ang Diyos sa isang uri ng tao. Kung kayo ang uri ng taong iyon, kayo ay magiging masaya. Magkakaroon kayo ng biyaya ng Diyos na magpapasaya't magpapagalak sa inyo. Ngunit kailangan ninyo munang maging ganuong uri ng tao. Kung gusto ninyong makita ang taong binibiyayaan ng Diyos sa Lumang Tipan, kunin ninyo lang ang isang 'concordance' at tingnan ang salitang 'blessed' ['mapalad'] sa Mga Awit. Makikita ninyo ang 19 na uri ng pagiging mapalad. Kung tatanggalin ninyo ang mga inulit na sipi, may matitira pa ring 15 o 16 na iba't ibang uri ng pagiging mapalad, ngunit lahat sila'y tumutukoy sa parehong uri ng tao, iyon ay, ang mga matuwid. Ang mapalad na tao ay siyang hindi umuupo sa upuan ng mga masasama.
...Ang mga Dukha Ito ang pangunahing prinsipyo ng kaharian ng Diyos: ang lahat ng pinahahalagahan ng mundong ito'y binabaliktad. Iyon ang unang prinsipyo na dapat ninyong maunawaan. May pangunahing pagbabago sa pinahahalagahang bagay. Ngayon, sa 'Mapapalad ang mga dukha', una sa lahat, dapat ninyong malaman kung kayo ba'y dukha o hindi. Sapagkat kung hindi kayo dukha, mas mabuting huwag na lang kayong makinig sa turo ng Panginoon dito, dahil wala itong kinalaman sa inyo. Sinasabi rito na, "Mapapalad ang mga dukha" ngunit kung sasabihin ninyong, "Ako'y hindi dukha", walang punto na ipagpatuloy ang pagtingin sa siping ito sapagkat hindi naman kayo kasali. Ito'y para sa mga dukha lamang. Kung hindi kayo dukha, kalimutan na lang ito. Ganuon lang naman ito kasimple. Sinu-sino ang mga dukha?
Dapat Ninyong Malaman Kung Kayo Ba'y Dukha Basahin natin ang Apocalipsis 3:17. Tinutukoy nito ang iglesya sa Laodicea. Mga Cristiano nga! At gaano karaming mga Cristiano ang dukha ngunit iniisip nilang sila'y mayaman? Subalit, dahil iniisip nilang sila'y mayaman, hindi nila makamtan-kamtan para sa sarili nila ang biyaya ng Diyos. Sapagkat hindi lamang kayo dapat na maging dukha, dapat ring alam ninyong dukha kayo. Mahalaga iyon. Kundi'y iisipin ninyong kayo'y mayaman at hindi ninyo ihahanay ang inyong sarili sa mga dukha. Sabi sa Apocalipsis 3:17: "Sapagkat sinasabi mo, 'Ako'y mayaman, at naging mariwasa..." - iyon ang gusto nating mangyari sa atin) at hindi ako nangangailangan ng anuman.' Hindi mo nalalamang ikaw ay aba, kahabag-habag, maralita, bulag at hubad." Ang ibig sabihin ng "Hindi mo nalalaman" ay sinasabi o iniisip ninyong kayo ay mayaman at naging mariwasa at hindi nangangailangan ng anuman; ngunit hindi ninyo nalalaman ang inyong kaabahan, ang inyong karukhaan. Wala nang anumang kaawa-awa pa kaysa sa maging dukha at hindi nalalaman na siya'y dukha, kaysa sa may-sakit ngunit hindi alam na siya'y may-sakit. Gaya sa Juan 9:40-41, sinasabi ng mga Fariseo na, "Kami ba naman ay mga bulag din?" "Hindi kami bulag." Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sapagkat sinasabi ninyong kayo'y nakakakita, na kayo'y hindi bulag, ngunit ang katotohana'y kayo'y mga bulag, sa gayon nananatili ang inyong kasalanan." Ang maging bulag at dukha ngunit hindi ito nalalaman, iyon ay isang panlilinlang sa sarili. Lubhang kahabag-habag iyon. Maaaring iniisip ng ilang mga tao ngayon na sila'y malulusog, ngunit sa katunayan, sila'y mga may-sakit. Maaaring mabuti ang pakiramdam nila ngunit maaaring sila'y may kanser na sa kanilang katawan. Iyon ang nangyari sa aking ama. Pumunta siya sa ospital para sa karaniwang 'check-up.' Mabuti ang kanyang pakiramdam; walang anumang problema sa kanya. Sinabi ng doktor, "Ano itong bukol sa iyong leeg?" "O, ang bukol na ito? Hindi naman sumasakit. Hindi niyan ako binibigyan ng anumang problema. Mabuti ang aking pakiramdam." Ngunit sinabi ng doktor, "Oo, mabuti nga ang iyong pakiramdam, ngunit hindi ko gusto ang itsura ng bukol na ito." Pagkaraan ng dalawang buwan, siya'y namatay. Kaya, maaaring may-sakit na ang isang tao ngunit hindi pa niya alam ito. Dala-dala na niya pala sa kanyang katawan ang mga binhi ng kamatayan, ngunit hindi niya alam ito. Kung minsan, mas tumatagal pa ang buhay ng isang taong may-sakit kaysa sa isang taong malusog. Ang ina ko'y palaging may-sakit, palaging mahina. May ganito't ganoon siyang problema. Ang ama ko'y palaging malusog at malakas. Siya'y nag-exercise, nagboksing, naglakad-lakad at kumain ng mga bitamina. Inalagaan niya ang kanyang kalusugan. Ang ama ko'y palaging maluog; ang aking ina nama'y palaging may-sakit - palagi na lang kumakain ng mga gamot. Alam ninyo ba kung sino ang mas tumagal ang buhay? Ang aking ina! Ang may-sakit na alam na siya'y may-sakit ang mas nabuhay nang matagal. Kataka-taka! Maraming beses, pinag-isipan ko ang tungkol dito sa Kasulatan, "...ang takbuhan ay hindi para sa matutulin, ni ang paglalaban man ay sa malalakas...." [Eclesiastes 9:11] Walang anumang lubos na nakakalungkot. Siyempre, sa kaso ng aking ama, walang paraan na malaman niyang siya'y mamamatay na; ang kanser na iyon ay naroroon na sa kanyang katawan. Walang paraan na malalaman natin ito. Ngunit kung sa espiritwal, ito'y maaari nating malaman, sapagkat ang Espiritu ng Diyos ay naririto upang ituro sa atin ang nakakamatay na sakit na nasa ating mga kaluluwa. Kaya, nalalaman ninyo ba kung dukha kayo o hindi? Marahil sa pakiramdam ninyo'y hindi kayo dukha, at dahil hindi ninyo nararamdamang kayo ay dukha, pakiramdam ninyo'y hindi patungkol sa inyo itong mga salita ni Jesus. "Mapapalad ang mga dukha" at sinasabi ninyong, "Ako'y hindi dukha." Kaya mabuti pang tumalikod na lang kayo. Sinong nangangailangang makinig sa Sermon sa Bundok? Ang mensaheng ito'y para sa mga dukha. Sa nakikita ninyong kayo'y mayaman o may-kaya, hindi ninyo ito kailangan. Ating isaalang-alang kung gayon kung ano itong karukhaang ito. Ano ba ang kahulugan ng dukha?
"Dukha sa Espiritu" - Pinansyal na Karukhaang
Humahantong sa Espiritwal na Kababaang-loob Siyempre, pareho silang totoo. Ang dahilan ay simpleng ito: ang nasa Mateo ay tama sa kaisipang ang pagiging dukha lamang sa pinansyal ay hindi sapat upang makamtan ang espiritwal na biyaya. Ang mismong pinansyal na karukhaan ay hindi tiket upang mapasa-langit. Siguradong may mas higit pa sa pampisikal na karukhaan. Dapat may karukhaang tumutungo rin sa katumbas na karukhaan sa mga espiritwal bagay-bagay. Sa madaling salita, mapalad ang maging pinansyal na dukha kung ituturo kayo ng pinansyal na karukhaang iyon sa espiritwal na kababaang-loob. Iyo'y napakahalaga. Kung kayo'y dukha pero nagpapanggap kayong mayaman, iyon ay, niloloko ninyo ang mga tao upang humanga sila sa inyo, kung gayon, niloloko ninyo lamang ang sarili ninyo. Sa ating nakakaalam ng sitwasyon sa Hong Kong, alam nating madalas ito mangyari. Ang isang tao'y nabubuhay nang higit pa sa kanyang kakayahan. Halimbawa, hindi niya kayang bumili ng isang kotse, ngunit bibili pa rin siya kahit na utangin niya ito, upang may 'mukha' lang siyang maipapakita. Kailangang may maipakita siya sa ibang tao. Kaya, siya'y nabubuhay nang higit sa kanyang kakayahan. Ang resulta nito'y pahirap nang pahirap ang kanyang buhay dahil siya'y napapabaon sa utang. Madalas ding nangyayari ito kapag may nag-aasawa sa Hong Kong. Siyempre, sa pagsundo sa babaeng ikakasal, kailangang nagmaneho ang lalaking ikakasal ng isang magarang kotse. Kaya, maghahanap siya ng isang mayamang kaibigan na mahihiraman ng kotse. Ngunit walang katiyakang mangyari ito, sapagkat di-tiyak na magpapahiram ang mayayamang kaibigan, dahil sila ang pinakakuripot na mga tao sa mundo. At kaya, uupa na lang siya ng kotse. Isang malaking kotse para hindi naman kahiya-hiya! At kahit na mamatay pa siya sa laki ng gastos, uupa siya ng isang Rolls Royce o hindi kaya'y Mercedes Benz. Gagastos siya ng ilang daang dolyares sa pag-upa nitong abang sasakyan para madala ang kanyang kasintahan sa simbahan o sa kung saanman sila ikakasal. Ang lahat ng ito'y para lamang hindi siya maging kahiya-hiya. Ayaw ninyong makita ninuman na kayo'y dukha, kaya nagkukunwari kayong mayaman kayo. Kaya, ang punto rito'y ito: ang pagiging dukha ay hindi tiket upang mapasa-langit. Ang punto'y ang pagiging dukha at ang pagkilala nito sa paraang magbibigay-daan ito sa isang saloobin ng kababaang-loob tungo sa Diyos.
Ang Kayamanan ay isang Siguradong Hadlang sa
Pagiging Isang Disipulo Makikita natin iyon, halimbawa, sa mga salita ni Jesus sa mayamang kabataang pinuno, sa 'rich young ruler.' Hindi niya pinayagang maging disipulo niya ang taong ito, maliban sa kundisyong ipagbili niya ang lahat ng ari-arian niya, ipamigay ito sa mga dukha at pagkatapos ay sumunod sa kanya. Hindi niya pinayagang sumunod ang mayamang kabataang pinuno sa kanya nang hindi ginagawa ito. Ngunit sa karamihan, puwede nang hindi gawin iyon. Sa panahon ngayon, masarap sabihin na, "May isa akong disipulo na milyunaryo. May 5 Mercedes Benz siya't may-ari pa ng isang pabrika. Iyon ang aking disipulo." Sinabi ng Panginoong Jesus sa mayamang kabataang pinuno: "Hindi. May isang kundisyon lang upang maaari kang maging disipulo ko." Agad na itinanong ng mayamang kabataang pinuno, "Ah! Ano iyon? Maaari ba akong magbayad ng $100,000?" Sumagot ang Panginoon, "Hindi. Higit pa roon. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo, ipamigay ito sa mga dukha, at pagkatapos ay pumarito ka't sumunod sa akin." Ngayon, kung puwede nga lang gawin itong mas madali para sa kanya ng Panginoong Jesus, makakasiguro kayong ginawa na niya iyon. Gagawin niya iyon dahil sinasabi sa atin sa Kasulatan na mahal niya ang taong ito. Hindi niya pinadali ito hindi dahil sa kinamumuhian niya ang taong ito, kundi dahil minamahal niya ito. Ang dahilan kaya ginawa ng Panginoon ito'y sapagkat ang materyal na kayamanan ay isang siguradong hadlang sa espiritwal na saloobin ng isang tao. Sa panahon ngayon, ang iglesya sa Kanluran ay nasa mahigpit na hawak ng espiritwal na problema sapagkat gusto nating ikumpromiso ang ating saloobin sa kayamanan. Hindi ninyo maaaring gawin ito. Hindi ako magiging tapat sa pangangaral sa inyo ngayon kung susubukin kong pagaanin ang turo. Ang kayamanan ay isang siguradong hadlang. Iyon ang dahilan na sinabi sa Santiago 5:1: "Kahabag-habag kayong mayayaman!" Wala siyang itinatanging sinupaman. Kahabag-habag kayong mayayaman! Mapapalad ang mga dukha! Ang Ebanghelyo'y di-kailanman naging mabuting balita para sa mga kapitalista. Sa kasawiang palad ng kapitalista, hindi niya nakayanang pababain ang antas ng turo ng Panginoong Jesus para bumagay sa kapitalismo. Hindi ito mangyayari. Kung pag-aaralan ninyo ang turo ng Panginoon tungkol sa ari-arian saanman sa Kasulatan, parehong bagay ang makikita ninyo. Hindi siya nakikipagkompromiso sa mga mayayaman. Hindi niya pinahihintulutan na magtiwala ang isang tao sa kayamanan. Kaya, sinasabi sa Sermon sa Bundok na, "Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan." [Mateo 6:24] Hindi ninyo maaaring gawin iyon. Ngunit gustong sabihin ng iglesya na, "Oo, maaari. Ako'y naglilingkod sa kayamanan, iyon ay, sa pera, at naglilingkod din ako sa Diyos." Sinasabi ng Panginoong Jesus na hindi ninyo maaaring gawin ito. Alinman sa dalawa: nabubuhay kayo para sa Diyos o para sa kayamanan. Kung nabubuhay kayo para sa Diyos, ang kayamanan ay nagiging alipin. Ang pera'y nagiging alipin. Ito'y isang kaparaanan lang sa pinatutunguhan. Gagamitin ninyo lamang ito, pero hindi ninyo maaaring pagsilbihan ito. Ginagawa nitong napakahirap ipangaral ang Ebanghelyo sa isang lipunang tulad ng mayroon tayo sa Canada, isang lipunan kung saan halos lahat, maliban sa iilan sa atin, ay may sapat na ipon sa bangko. Maaaring sabihin ninyong, "Ano ang batayan mo para mangaral nang ganito? Ang ganda ng suot mong kurbata't puting polo. Okey rin ang jacket mo. Nangangaral ka ng laban sa mayayaman, eh may kotse ka sa paradahan, at Oldsmobile pa ito. Tapos naririto ka't nangangaral nang laban sa mayayaman."
Patotoo: Ang Maging Dukha, Subalit Di-Nagkukulang
sa Anupaman Tingnan ninyo, ang jacket ko'y maganda, kaya huwag na ninyo akong bilhan ng isa pang jacket. Wala na akong lugar na mapaglalagyan pa ng ibang jacket.. Mahusay itong kurbata ko. Magtatagal pa ito ng maraming taon. Kaya mabuti ang aking kalagayan. Ngunit sinasabi ko lang ito sa inyo bilang katotohanan. Kahit na nangaral ako ng Ebanghelyo nang maraming taon at nakapagsalita sa maraming komperensya, kung saan mataas ang bayad sa akin bilang isang pangunahing tagapagsalita ng komperensya - maaari akong makakuha ng hanggang $600 sa 3 araw - gayunpaman, hindi ako nakapag-impok ni isang sentimo mula sa mga kinita ko sa pangangaral ng Ebanghelyo. "Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa...". [Mateo 6:19] Hindi ako yumaman sa pangangaral ng Ebanghelyo. Nang ako'y nangaral sa Liverpool, ako'y nabubuhay sa pantawid-buhay na kinikita ko. Nabuhay ako sa pawang kusang ambag ng mga tao. Hindi ako kumuha ng suweldo man lang. Ang kapalit ko ngayon - ako ang naghasik, iba ang umani - ay tumatanggap ng suweldo na makalimang ulit sa kung ano ang natanggap ko noong ako'y naroroon pa. Kahit na makalimang ulit pa ang natatanggap niya, ang nakukuha niya ay bahagyang halos kasing-halaga ng karaniwang kinikita sa Inglatera. Kahit ikalimang bahagi lamang niya ang nakuha ko, hindi naman ako nalulungkot ukol dito sapagkat ang layunin ko ay ang mag-impok ng kayamanan sa langit. Ngayon, anuman ang gawin niya sa kanyang kinikita, nasa sa kanya na iyon. Maaaring para sa kanya, siya'y nag-iimpok rin ng kayamanan sa langit. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya, ngunit sinasabi ko ito dahil mahalaga na hindi lamang puro salita ang isang mangangaral, kundi dapat pinatotohanan niya sa kanyang buhay ang ipinangangaral niya. Kaya, baka sakaling may nag-iisip sinuman sa inyo rito na ako'y nangangaral lang mula sa aking utak, at mula sa natutunan ko sa Teolohiya, sinasabi ko sa inyo na kung hindi ko maisasabuhay ito, hindi ko ninanais na ipangaral ito. Sinabi ng Panginoon na "Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa...". Sinasabi kong muli, at ang Diyos ang aking testigo, wala akong anumang naipon dito.
Ang mga Disipulo Niya'y Tinawag na Ipagkatiwala sa
Kanya ang Pagtustos ng mga Pangangailangan Isinagawa ko iyon sa maraming taon, nang walang kinikita o mapagkukunan para sa ikabubuhay ko. Noong panahong nag-aaral pa ako, kinailangan kong umasa lamang sa Diyos. Wala akong ibang mababalingan kundi ang Diyos. At hindi niya ako kailanman binigo. "Mapapalad ang mga dukha, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit." Lubos kong kilala ang kahirapan. Sa tatlong taon sa Tsina, alam ko kung ano ang dumanas ng pagkagutom. Ngunit hindi niya ako binigo kailanman. Sinabi niya, "Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo." "Ipinapangako ko sa inyo na kapag walang pasubali kayong sumunod sa akin - hinahanap muna ninyo ang aking kaharian - sisiguraduhin ko na hindi kayo magkukulang sa anupaman." Hindi ako nagkulang sa anupaman. Napakabuti ng Diyos. Kahit na wala akong anumang inimpok na matatakbuhan sa hinaharap, hindi ako nagkulang sa anupaman. Nang ako'y nasa Inglatera, may natatago akong pagkukunan mula sa pagkamatay ng aking ama. Ngunit dahil napakaliit lang ng aking kinikita, naubos ko rin iyon. Wala na akong maiipon pa. At mula nang mapunta ako rito sa Canada, wala pa rin akong maimpok. Hindi ko layunin na mag-impok ng anuman. Maaaring maitanong ng ilan, "Paano kung magretiro ka na? Anong mangyayari sa iyo kapag nagretiro ka na? Wala kang pera." May kaparaanan ang aking Diyos na magtustos sa akin. Anumang mayroon ako, tanging tagapamahala lamang ako nito. Subalit huwag hahayaan nawa ng Diyos na ako'y yayaman sa pangangaral ng Ebanghelyo. Kaya, may malapit na ugnayan ang materyal na karukhaan at ang espiritwal na karukhaan.. Maingat nating tandaan ito. Sa mayamang kabataang pinuno, hindi siya pinayagan ng Panginoong Jesus na maging isang disipulo sa anumang kalagayan, maliban sa kung ipagbili niya ang lahat ng kanyang mga ari-arian. Ngunit sa panahon ngayon, pinapagaan ng iglesya ang mensahe. Dahil tayo'y isang iglesya ngayon ng nakaluluwang sa buhay, kaya pinapagaan natin ang mensahe. "A, okey lang ito. Huwag mag-alala tungkol dito." Oo, huwag mag-alala rito, ngunit ang resulta'y hindi kayo dukha, kaya hindi kayo dukha sa espiritu; kung gayon, inyo ba ang kaharian ng langit? Huwag ninyong sabihing magaling kayo sa pagsabi ng, "Kung dukha ka, dukha rin ako. Karamihan sa atin ay mga mag-aaral. Wala akong pera. Haleluyah! Kung gayon, sa atin na ang kaharian ng Diyos." Una sa lahat, maaaring isa sa mga araw na ito'y yumaman kayo, kapag nakatapos na kayo't nakuha na ninyo ang inyong 'degree.' Dala-dala ninyo ang inyong pagiging 'Bachelor', 'Master', o 'Ph.D.' at umpisa na kayong kikita ng maraming pera. Oo, isa sa mga araw na ito, yayaman kayo. Pagkatapos, sasabihin ninyong, "'Mapapalad ang mga dukha.' Huwag sanang ipangaral muli ito ng pastor. Sana'y hindi ko na kailangang pakinggan pa ito muli." Bakit? Sapagkat mapipilitan kayong magtiwala sa Diyos, hindi sa naimpok ninyo sa bangko. Gusto nating mapasa-atin ang Diyos at gusto rin nating magkaroon ng kayamanan. Gusto natin kapwa ito. Ngunit sayang, hindi ito papayagan ng Panginoon. Kaya, isa sa mga araw na ito, alinman sa maliwanag ninyong ipahayag o ipahiwatig lang ang inyong pipiliin, o nakapili na kayo. Ngunit kung dukha nga kayo ngayon, huwag ninyo ring i-congratulate ang inyong sarili. Hindi ganoon kadali. Gaya ng nasabi na natin, ang pagiging dukha ay hindi tiket para mapasa-langit. Kailangan ninyong maging dukha sa espiritu. Sasabihin ninyong, "O, talagang mahirap pala ang makarating sa kaharian. Akala ko'y dukha ako kaya maaari na akong makarating doon. Ngunit kailangan ko pa palang maging dukha sa espiritu."
Ang Kahulugan ng 'Dukha' Nakakaaliw ito. Kung titingnan ninyo ang salitang dukha na sa Hebreo ay "$nc" (anav) at saliksikin ito sa diksiyunaryong Hebreo, makikita ninyo na ito'y nangangahulugang 'dukha', 'aba', 'maamo', 'mapagpakumbabang-loob'. Hindi ninyo maihihiwalay ang mga kahulugang ito sa salitang 'dukha'. Lumilitaw talaga ang yaman ng salitang ito. Kababasa ko pa lang ng Isaias 61:1. Ang salitang 'dukha' muli ay gaya ng salitang nangangahulugan ng 'maamo' o 'mapagpakumbabang-loob'. Pinakamakapangyarihang lumitaw ito sa Bilang 12:3.
Si Moises ay Napakaamo, iyon ay, Siya'y Lubos na
Dukha Sa isip ni Aaron, "Ako'y nakatatanda sa iyo, kaya may karapatan akong...". Masdan ito, ang katulad na saloobin ng laman kaysa ng espiritu. Ang pag-iisip niya'y pareho ng pag-iisip ng mga Judio nang tingnan nila si Jesus: "Nagmula ka sa Nazaret.. Kababayan ka namin. Tapos, ngayon sinasabi mong espesyal ka, na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?" Ngayon, inatasan si Moises ng Diyos na maging lider, maging propeta ng Israel, at madalas, may dahilang mainggit sina Miriam at Aaron. Sa palagay nila, bilang mga kapatid ni Moises, may karapatan silang magsalita laban sa kanya. Napakamali niyon. Maging maingat sa pagsasalita laban sa lingkod ng Diyos. Kaya, nagsalita sila laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na napangasawa niya. Ang napangasawa ni Moises ay hindi mula sa lahi ng mga Israelita kundi isang Cusita. At sinabi nilang, "Ang PANGINOON ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?" Sa madaling salita, "Ikaw lamang ba ang propeta rito?" At narinig iyon ng Panginoon. Maging maingat sa kung ano ang inyong ginagawa sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong sinasabi. Ngayon, hindi sinabi ni Moises, "Hoy, mag-ingat kayo. Ako ang propeta ng Diyos dito." Hindi sila sinagot kahit paano ni Moises. Hindi niya dinebate sila. Hindi siya sumagot nang pabaling. Kundi'y dumapa siya sa harapan ng Panginoon. Ganoon siyang klase ng tao. At kaya sa b.3, sinabi na, "Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa." Ang resulta'y basta pumunta na lamang siya sa harapan ng Diyos. At, sa alam ninyo sa inyong pagbabasa, nagbigay ng biglaang parusa ang Diyos, na mababasa natin sa b.4ss: "At sinabi agad ng PANGINOON kina Moises, Aaron at Miriam, 'Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan." Wow! Siguradong nagkaroon sila ng malaking takot doon. "Lumabas kayo't makitagpo sa akin." Siyempre, ang resulta ang parusa kina Aaron at Miriam. Ngunit ang puntong tinutunguhan ko ay narito sa b.3: "Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo". Napakadukha - iyon ang salita sa Hebreo na isinalin dito na 'napakaamo'. Parehong salita sa Hebreo ang ginamit sa Isaias 61:1, "...ihatid ang mabuting balita sa mga dukha²". Iyon mismo ang Hebreong salita na isinalin dito bilang napakaamo. Lubos na kawili-wili iyon, 'di ba? "Ang lalaki ngang si Moises ay napakadukha, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa." Siyempre dito, nangangahulugan itong 'dukha sa espiritu'. Ang 'dukha sa espiritu' kung gayon ay nangangahulugan ng 'maamo', 'mapagkumbabang-loob'. Iyon ang dahilan kaya sinasabi ko na kung kayo ay dukha sa pinansiyal, hayaang ang karukhaang iyon ay tumagos sa inyong espiritu. Huwag hayaang iligaw kayo ng mundo at isipin na kailangan ninyong magsinungaling para mapahanga ang ibang tao. Hayaan ang Diyos ng lahat ng kahabagan ang tumingin sa inyo at siya ang magkakaroon ng pagsasaalang-alang sa inyong karukhaan. Itataas niya kayo. Hindi ninyo kailangang magmayabang o mambola sa buong buhay ninyo. Hayaan ang Diyos ang maging inyong lakas at kapangyarihan. Hayaan ninyong itaas niya kayo at ipatong ang inyong mga paa sa bato. Iyon ang salitang 'dukha'. Makikita ninyo na ang Hebreong salitang 'dukha' ay maaaring literal na dukha o dukha sa espiritu. Dito, sa nakita natin sa Bilang 12:3, ito'y nangangahulugang dukha sa espiritu, hindi lamang dukha sa materyal na bagay-bagay Pinalaki si Moises sa bahay ng mga prinsipe. Pinalaki siya sa sambahayan ng Faraon. Namana niya ang posisyon bilang maharlikang prinsipe. Ngunit ano ang ginawa niya? Di-gaya ng mayamang kabataang pinuno, tinalikuran niya ang mundo. Tinalikuran niya ang pagiging prinsipe ng Ehipto at ang lahat ng karangyaan nito. Gaya ng ating nababasa sa Hebreo 11, pinili niya ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos kaysa magkaroon ng kasiyahan sa mga yaman ng Ehipto. Siya'y dukha kapwa sa literal - dahil pinili niya ito - at dukha rin siya sa espiritu, at iyon ang higit na mahalaga. Sa Isaias 29:18&19, matatagpuan nating muli ang Hebreong salitang 'dukha'. Sa b.18 sinasabi na, "At sa araw na iyon..." sa araw ng Mesiyas; sa b.19, "Ang maamo..." - muli ang Hebreong salita ay 'dukha' (tama rin naman ang salin dito bilang 'maamo') - "Ang maamo ay magtatamo ng sariwang kagalakan sa PANGINOON, at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel." Muli, ito'y dahil ang Mabuting Balita ay ipapangaral sa mga dukha. Ano ngayon ang tungkol sa dukha? Sa Amos 2:6&7, matatagpuan ninyo na ang dukha ay isang salitang singkahulugan ng 'matuwid'. Sapagkat kung kayo ay dukha sa espiritu, iyon ang pinakadiwa ng pagkamakatwiran. Ang mga dukha ay ang mga walang kalaban-laban, ang mga taong inaapi-api ng mga mayayaman at mga makapangyarihan. Kung kaya, sila'y tumitingala sa Diyos bilang kanilang pananggalang at tagapagtanggol. Kung mayaman kayo, kaya ninyong ipagtanggol ang inyong sarili; hindi na ninyo kailangan ang Diyos para ipagtanggol kayo. Ngunit walang sinumang makakapagtanggol sa mga dukha; kailangan nilang ipagkatiwala ang kanilang kapakanan sa Diyos. Walang pag-asa ang mga dukha sa mundong ito. Hindi sila makakaasang magkaroon ng marangyang pamamahinga. Hindi sila makakaasa na magkaroon ng matuling bangka sa St. Lawrence o ng isang bahay-bakasyunan sa lawa. Wala silang mga ganoong kakayahan. Wala silang pag-asa sa mundong ito. Tanging ang Diyos lamang ang kanilang pag-asa. Wala silang kasapatan sa kanilang mga sarili. Ang Diyos ang siyang kasapatan nila. Kailangan nilang umasa sa Diyos araw-araw.
Patotoo ng Pagtitiwala sa Diyos na Maging
Tagapagtustos Ganoon din ang nangyari nang ako'y nagpunta sa Inglatera. Gaya ng nasabi ko sa inyo, ako'y nag-aral doon. Maraming beses, wala akong kaparaanan. Hindi ko alam kung paano ko mababayaran ang aking pang-matrikula. Wala akong pera. Ngunit sasabihin kong, "Ama, kung gusto mo akong mag-aral, ikaw na ang gumawa ng paraan." Maraming beses, mag-e-enrol ako ngunit wala akong pambayad. Lalapit lang ako't sasabihing, "Ama, kung gusto mong mag-aral ako, pakitustos ang aking pangangailangan. Kung hindi mo gustong mag-aral ako, masaya akong titigil na. Walang kabuluhan ito sa akin." Ano ba ang digri? Ang Panginoon ang mahalaga. Ngunit ipinagkaloob ng Panginoon ang aking mga pangangailangan, kung kaya nang ako'y makatapos, sinabi ng aking ina na, "Hindi ko maunawaan ito. Ang Diyos mo ay talagang Buhay na Diyos. Hindi ko alam kung paano nagawa ito, ngunit talagang ipinagkaloob ng Diyos mo ang lahat ng pangangailangan mo." Aking ipinamuhay ang mga bagay na ito. Alam kong totoo sila. Hindi hinihiya ng Diyos ang mga nagtitiwala sa kanya. Ito ang dahilan bakit kung sinasabi ninyong, "Hangal ba ang taong ito sa hindi niya pagtatabi ng pera; hindi niya inaalala ang kanyang pagreretiro; o kung paano makakapasok sa paaralan ang kanyang anak kapag lumaki na siya?" Ang aking Diyos ay sapat para sa aking mga pangangailangan. Kung ipinapalagay ninyo na kahangalan ito, kung gayon, ito'y mapalad na kahangalan! Sapagkat hindi kailanman nagpapabaya ang Diyos. Hinding hindi siya nambibigo. Gaano kapalad itong maging dukha at sa karukhaang iyon ay makilala ang Diyos - ang Diyos na hindi kailanman nagpapabaya. Hindi alam ng mga mayayaman kung ano ang kanilang kakulangan. Sila ang tunay na dukha. Hindi nila kailanman naranasan kung ano ang magagawa ng Diyos para sa kanila. Naranasan ninyo na ba ang pagtutustos ng Diyos? Paano kayo magagalak sa Diyos kung hindi ninyo alam kung paano maging siya ang inyong tagapagtanggol? Ang inyong tagapagtibay? Ang inyong tagapagtustos? Ang inyong kalakasan?
Pagtitiwala sa Diyos na Maging Tagapagtibay Pinanghahawakan ko ang pangakong ito: "...kung paano ang iyong mga araw ay gayon nawa ang iyong lakas." [Deuteronomio 33:25] Sa madaling salita, hindi kayo bibigyan ng trabaho ng Diyos nang hindi niya ibinibigay ang pisikal na kalakasan upang makayanan ninyo ito. Kung minsan, sa mga huling araw na ito, kung saan sa sobrang pagod, kahit ang buong dibdib ko'y sumisikip na, sinasabi ko na lang na, "Panginoon, ipinagkakatiwala ko na lang sa iyo na tulungan akong matapos ang programa ng pagsasanay na ito. Hindi ko alam kung paano ko makakayanan ito, ngunit kung kinakailangan kong mamatay pagkatapos nito, tulungan mo akong maipagpatuloy ito hanggang sa huling araw nito. Iyon ay para sa iyong kapurihan at kaluwalhatian." Kamangha-mangha na tinutulungan niya tayo hanggang sa lahat ng pangangailangan. Para sa akin na dati-rati'y napakalakas at napakalusog, napakahirap tanggapin na nawala na ang aking lakas kaya kailangan kong umasa sa kanya. Kaya ako'y dukha sa bawat kahulugan nito, kahit sa pisikal. Sa kalusugan, purihin ang Diyos. Ako'y lubhang dukha - dukha sa pisikal - na kailangan kong umasa sa kanya araw-araw para sa lakas na makapangaral ng kanyang salita, ipagpatuloy ang pagsasanay sa training team, tapusin ang napakaraming kailangang tapusin, gaya ng pagsubaybay sa mga manuskrito (ng mga aklat), pagsusulat ng mga liham at pagbibisita at kung anu-ano pa.
Pagtitiwala sa Diyos na Maging Tagapagtanggol Gayunman, sinasabi ng Panginoon na, "Hindi! Ako ang iyong tagapagtanggol. Kapag sinampal ka nila, ako, ang Panginoon, ang gaganti." Dukha ako hanggang sa bahaging hindi ko na kayang ipagtanggol ang aking sarili. Siya ang aking tagapagtanggol. Hindi na ako ang sarili kong ministro ng depensa. Naalis na ang ministro ng depensa mula sa kabinete. Ang ministro ng pananalapi'y naalis na rin. Ang lahat ng ito'y wala na sa aking pamamahala. Sa ngayon, ang naiwan lamang ay ang hari. Siya ang hari. Siya ang ministro ng ugnayang panlabas, ministro ng katarungan, ministro ng panustos, ministro ng pananalapi, ng lahat-lahat. Kailangan kong umasa sa kanya sa lahat ng bagay ngayon. Doo'y makikita ninyo na maliban sa tanggapin itong susing pahayag na nagbubukas ng Sermon sa Bundok, hindi ninyo matatanggap ang anupaman sa Sermon sa Bundok. Wala roong anuman na katanggap-tanggap sa inyo, 'di ba? Maging totoo kayo sa inyong sarili. Hindi katanggap-tanggap ito sa inyo. "...kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila." "Alam ninyo ba kung anong 'belt' na ang naabot ko sa judo? Itong abang taong ito na nangahas na sampalin ako, ipadarama ko sa kanya kung anong pakiramdam ng kumalaban sa isang tulad ko. Alam ninyo ba kung ano ang boksing? Sige! Sampalin mo pa ako at matitikman mo kung paano ako manuntok." Ang sabi ng Panginoon, "Hindi! Ako ang gaganti para sa 'yo. Magtiwala ka sa akin." Hindi katanggap-tanggap ito sa isang likas na tao. Sasabihin niyang: "Hindi ko matatagalan ito!" Matatagalan ninyo kaya?
Ang Pagkakaroon ng Pananampalataya at ang Hindi
Pagtitipon ng Kayamanan sa Lupa Ang lahat ng pinag-uusapan rito'y pananampalataya - ang pananampalataya sa Diyos na ipagtanggol kayo, na tustusin ang inyong pangangailangan. Paano kung nagkasala ang ibang tao sa inyo? " Huwag humatol". Iwanan ang paghatol sa Diyos. Kayo'y pinagsabihan ng masama. Sinira ang inyong puri. Binigyan kayo ng maling kuro. Okey lang ito. "Huwag humatol". Iwanan ang paghatol sa kanya. O, ang tawag sa pagiging disipulo - anong taas ng pagtawag na ito!
Ang Kung Ano't Hindi ng Kaligtasan Huwag gayahin ang pagkakamali ng maraming 'evangelical' sa panahon ngayon, na naniniwala na sila'y maliligtas dahil naniniwala sila sa mga tamang doktrina, kahit na mga nakakasura silang mga tao na nag-uugali nang kahiya-hiya, na mga bastos at arogante, na nagtitiwala sa kayamanan, na nagmamayabang sa kayamanan, na di-marunong makiramay, mahilig mamintas, at walang awa. At akala nila, dahil naniniwala sila sa lahat ng tamang doktrina, maliligtas sila. Ito'y kahangalan. O kaya'y sila yaong isang klase ng mga abang tao na nag-iisip na dahil, "Gumagawa ako ng maraming mabubuting gawa; nagbibigay ako ng maraming pera sa mga dukha; tumutulong ako sa ibang tao kapag may panahon ako, na di-gaaong kadalas, pero kapag may oras ako, tinutulungan ko sila; at ginagawa ko ito at iyon. At kaya, ako'y mabuting tao at dapat lang na maligtas ako. Nakamtan ko sa mga ginagawa ko ang aking sariling kaligtasan. Iniisip nila na maililigtas nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng mga gawa. Ang mga ito'y mga hangal din. Hindi sa kung ano ang pinaniniwalaan ninyo, o sinasabi ninyong pinaniniwalaan ninyo. Hindi sa kung anong ginagawa ninyo. Ang mahalaga ay kung ano kayo. Huwag mahulog sa alinman sa dalawang kamaliang ito: ang pagkakamali ng mga 'evangelical' na nag-aakala na ang paniniwala ay sapat upang makapagligtas, at ang pagkakamali ng maraming tao't relihiyon, kasama na ang ilang bahagi ng Simbahang Katoliko - at sinasabi ko na ilang bahagi lamang, dahil ito'y hindi opisyal na doktrina ng Katoliko - na iniisip na sa paggawa lamang ng mabubuting gawa'y maliligtas na sila. Pareho itong mali. Ang turo ng Panginoon ay ito: ang kung ano kayo ang siyang mahalaga. Ang tanong kung gayon ay: kailangan ninyong maging dukha sa espiritu; ngayon, anong uri ng tao ang dukha sa espiritu? Paano tayo magiging dukha sa espiritu?
Paano Maging Dukha sa Espiritu? Pagsisisi. Magiging dukha sa espiritu kayo at makikilala ninyo ang karukhaan ninyo sa espiritu kapag nakilala ninyo na kayo ay makasalanan at sasabihin ninyong, "Maawa ka sa akin, O Diyos... ayon sa iyong saganang kaawaan ay pawiin mo" - nagsusumamo ako sa iyo - "ang aking mga paglabag." Iyon ang pagsisisi. Alam na alam ang pagsisisi sa Lumang Tipan. Hindi ito isang bagong diskubre sa Bagong Tipan. Ang mga santo sa Lumang Tipan ay maluwalhating naligtas din. Marami silang maituturo sa atin tungkol sa kaligtasan. Ang sumunod na punto'y ito: ang maging bagong tao. "Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos; at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko." [Awit 51:10] Isang bagong nilalang! " Lumalang ka sa akin ng isang bagong puso, muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko." Oo, ganap na naunawaan ito ng mang-aawit. Kailangan ninyong magsisi at kailangang ilalang kayong muli ng Diyos - gawin kayong bagong tao. Ang mga santo sa Lumang Tipan, sinasabi kong muli, ay maluwalhating naligtas. Alam nila kung ano ang maging dukha sa espiritu. Iyon ang dahilan kaya kapag nilalang kayong muli, nagiging bagong tao kayo. Kaya hindi ito sa kung ano ang pinaniniwalaan o ginagawa ninyo, kundi ito'y ang kung ano kayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na gumagawa upang kayo ay maging bagong tao. Kaya, itong pagiging dukha sa espiritu ay simpleng pamamaraan kung paano tayo ginagawa ng Diyos na maging bagong tao. Ito ang bagong tao na ating pinag-uusapan. Walang ibang paraan na mamamana ninyo ang kaharian ng Diyos maliban sa pagiging isang bagong tao. Ito ang sinasabi ng kilalang-kilala bersikulo sa Juan 3:5: "malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos." Pareho ang turo rito ngunit inilagay lang sa ibang salita, ngunit malinaw na ipinaliwanag ito sa atin, upang maunawaan natin na nangungusap ang Biblia tungkol sa pananampalataya, kung ano ang kahulugan nito. Sa Juan 3, huwag ninyong banggitin o i-quote ang "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na... sinumang sa kanya'y sumampalataya ay ...magkaroon ng buhay na walang hanggan" at iba pa, nang hindi nalalaman kung ano ang kahulugan ng 'sumampalataya sa kanya'. Ipinapaliwag ng nauna rito sa Juan 3:5 ang ibig sabihin ng "sumampalataya sa kanya". Ang "sumampalataya sa kanya" ay pagsampalataya sa isang paraan na mababago niya kayo, na muli niya kayong mailalalang, na kayo ay maipapanganak na muli sa tubig at sa Espiritu. Hindi ang inyong pananampalataya ang siyang magliligtas sa inyo; ang Diyos ang magliligtas sa inyo sa pamamagitan ng pagiging dukha sa espiritu. Walang anumang mahimala sa pananampalataya. Ang Diyos ang siyang may-akda ng mga himala, ang naglalalang ng isang bagong tao.
Mamanahin ang Kaharian, Tatanggapin si Jesus
Bilang Hari! Hindi gustong tanggapin ng mga mayayaman si Cristo bilang Hari. Maaaring sabihin niya sa inyo, gaya nang sinabi niya sa mayamang kabataang pinuno: "Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo." Sasabihin ninyong, "Hindi ko gustong pakinggan ito. Hindi ito ang nais kong marinig. Gusto ko yaong sinabi ng mangangaral noong isang araw, 'Sumampalataya lamang kay Jesus, at ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Walang mga kundisyon." Ngunit ang 'ipagbili ang lahat ng iyong ari-arian', hinding hindi. Iyon ay para sa mayamang kabataang pinuno lamang. Hindi iyon para sa akin. Isang batas para sa mayamang kabataang pinuno at isa pang batas para sa akin. Haleluyah! Napakabuti ng Diyos!" Huwag ninyong lolokohin ang inyong sarili. Ang prinsipyong para sa mayamang kabataang pinuno ay para sa ating lahat. Hindi natatangi o espesyal ang mayamang kabataang pinuno. Sa palagay ninyo ba'y mas higit pa kaysa sa inyo o sa akin ang pagmamahal niya sa pera? Gaano natin niloloko ang ating mga sarili! Hindi! Iisa lamang ang batas para sa lahat ng tao. Wala roong dalawang batas para sa iba't ibang tao: isa sa mayamang kabataan, isa sa akin. Hindi! Ang mga dukha ang siyang tumatanggap kay Jesus bilang Hari. At sa pagtanggap kay Jesus bilang Hari, natatanggap ninyo na ang kaharian. Simpleng tinutukoy ng kaharian ang kanyang pamamahala. Paano ninyo matatanggap ang kanyang pamahalaan nang hindi siya tinatanggap? Sa pagtanggap ninyo kay Jesus bilang Hari, ang bunga ay natanggap ninyo rin ang buhay, sapagkat siya ang Hari na nagdadala ng buhay. "Ang paglago ng kanyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magwawakas". (Isaias 9:7) Siya'y nagdadala ng buhay na walang hanggan sa inyong kaluluwa. Kaya, ating muling pagbulay-bulayin ang katanungang ito: Kayo ba'y dukha? Kayo ba'y dukha sa espiritu? Alam ninyo bang kayo ay dukha? Bukas ba ang inyong puso upang tumanggap? Mayroon ba kayong pananampalataya na magtiwala sa Diyos na maging tagapagtanggol ninyo kapag kayo ay inaapi? May pananampalataya ba kayo na magtiwala sa Diyos na tulungan kayo sa pisikal at sa espiritwal? Tinatanggap ninyo rin ba siya bilang inyong Hari? Katapusan ng mensahe. ¹Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001 sa lahat ng ginamit na mga bersikulo, maliban kung sinabing ². ²Ginamit ang: Biblia ng Sambayanang Pilipino (Katolikong Edisyong Pastoral), Claretian and St. Pauls Publications, QC & Makati, 1999. |
Difficult in reading?
Tagalog Series: - Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang" - Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya! - Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos - Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan - Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba - Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran - Mapapalad ang mga May Malinis na Puso - Mapapalad ang mga Mapagpayapa - Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran
|
|||||
|
Copyright 1998-2007. All
Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best
viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution. |
|||||||