CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Mapapalad ang mga May Malinis na Puso (Blessed Are the Pure in Heart)

Mateo 5:8 - Ika-anim sa Isang Serye ng Sampung Mensahe Tungkol sa 'Ang Mapapalad' Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ipagpapatuloy natin ngayon ang pag-aaral sa Sermon sa Bundok sa Mateo 5:8: "Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos." Makikita nila ang Diyos! Anong gandang kahahantungan! Anong kahali-halinang pangako! At sino pa ba ang makakapagbigay ng ganoong pangako kundi ang Diyos lamang?

Una sa lahat, nais kong pansinin ninyo ang panghinaharap na panahunan dito: makikita nila ang Diyos! Hindi pa natin nakikita ang Diyos sa kaluwalhatian at kamaharlikahan niya. Ang sabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 13:12, "Sapagkat ngayo'y malabo nating nakikita sa isang salamin". Ating nakikita, ngunit malabo, gaya nang mula sa isang salamin. Nagpatuloy si Pablo sa pagsasabi na, "ngunit pagkatapos nito ay makikita natin (siya) nang mukhaan."

Tungkol sa Ano Ba ang Buhay?
Ano ang layunin ng buhay ng tao? Pinagtatakahan ko kung ano kaya ang layunin ng inyong buhay? Saan kaya papunta ang buhay nating ito? Saan kaya nagtatapos ang lansangan ng buhay na ito? Ilang ulit ko nang napuna na walang ibang patutunguhan ang buhay nating ito kundi sa isang hukay, sa isang butas sa lupa na ilang talampakan ang lalim. At magwawakas ang lahat ng ating pagsusumikap at paggawa kapag naibaon na tayo sa hukay na iyon. Hindi kayo maaaring nasa gawain ng pagmiministeryo nang hindi nakakaranas na paminsan-minsang tawagin upang mamuno sa seremonya sa isang libing at upang matanto na iyon ang kahahantungan ng lahat ng tao.

Sa ating mga medyo bata pa't may mabuti-buting kalusugan, mahirap isipin ang katotohanang ito: na gusto man nating isipin ito o hindi, magwawakas ang lahat ng buhay sa libingan. Subalit kung doon nga tumitigil ang lahat, dapat pesimista na tayong lahat [dahil lahat naman ay tutungo sa kabiguan]. O 'di kaya, maging tulad na lamang tayo ng mga Ingles [British] na ipinapakita na hindi sila naaapektuhan ng anuman, na sinusubukan nilang pabutihin na lang ang isang masaklap na sitwasyon, kasi, wala naman tayong patutunguhan kundi ang hukay. Kung iyon lang ang hinaharap sa buhay ng tao, kung gayon, tunay na isa itong malungkot na hinaharap.

Kahit sa ating nagmiministro paminsan-minsan sa mga libing, umuuwi tayong maraming seryosong iniisip sa kung ano nga ba ang ibig sabihin ng buhay. Tila lubhang walang kabuluhan na banggitin sa seremonya ang mga nagawa ng taong namatay - na ginawa niya ito't iyon at nagkaroon siya ng ganito't ganoong titulo't karangalan. Tila napakawalang-saysay na banggitin pa ang lahat ng mga ito, kung magwawakas, lilipas at mawawala lang ang lahat ng mga ito. Kaya, katulad lamang ang pagbanggit ng mga nakaraang karangalan sa pagkuha sa isang album ng mga larawan upang tingnan ang mga nakalipas na araw, na naglaho na mula sa kasalukuyan. Kung hindi ninyo kilala ang Diyos, saan kayo patutungo, dahil hindi kayo madadala ng buhay na ito kahit saanman? Literal itong nagtatapos sa kamatayan. Tunay ngang ito ay isang 'dead end.'

Talagang lubos na kaawa-awa ang trahedya para sa mga di-nakakakilala sa Diyos. Ginagawa nila ang lahat upang alisin sa isipan nila ang paksang ito, ngunit muli't muling bumabalik ito, maging sa mga tahimik na sandali ng gabi kapag nagmumuni-muni tayo pagkatapos ng buong araw na pagtratrabaho. O maaari ring bumalik ito sa isipan kapag namatay ang isang minamahal sa buhay. Muli, kinakaharap nila itong bagay na hindi nila gustong isipin.

Noong nasa Hongkong ako ilang buwan na ang nakakaraan, nagkita kami ng isa kong dating kaibigan. Kababata ko siya sa Shanghai. Napakatalino niyang babae at napakagaling sa anumang gawin niya - maging sa pagtugtog ng piano o sa pag-aaral. Nagpunta siya sa Estados Unidos at lubos na naging matagumpay sa propesyon niya sa agham. Nakamit pa niya ang napakataas na parangal sa mundo ng akademya. Nakuha niya ang kanyang 'Master's degree' bago ko pa nakuha ang una kong 'degree.' Napakalayo ng lamang niya sa akin sa mundo ng akademya.

Maaga siyang nagsimula at maaga siyang nagtapos. Sa napakabatang edad, hindi lamang niya nakamit ang tagumpay sa pagtatapos ng kanyang Ph.D., kundi isa rin siyang 'associate professor' sa pang-estadong pamantasan ng Michigan. Kaya, sa napakabatang edad niya, naroon na siya sa tugatog ng mundo ng agham, isang dalubhasa sa pag-aaral ng tungkol sa mga kristal [crystallogy], lalung-lalo na sa mga mineral [mineralogy].

Subalit nang magkausap kami sa Hongkong, wala na siya sa larangan ng agham, kundi nasa larangan ng negosyo. Pinamamahalaan na niya ngayon ang negosyo ng ama niya, na isang napakayamang tao sa Hongkong, isang milyunaryo, o marahil, dapat kong sabihing isang multimilyunaryo. Napakarami kasing mga milyunaryo sa Hongkong sa mga araw na ito, lalo na dahil sa Hongkong dollar.

Nagkausap kaming mabuti ng kababata ko at naitanong ko sa kanya kung bakit niya isinuko ang napakatagumpay niyang karera sa agham, upang pamahalaan ang negosyo ng ama niya, na tila ganap na walang kaugnayan sa karera niya. Sinabi niya na iyon nga ang dahilan kaya niya ito ginawa. "Anong ibig mong sabihin?" ang tanong ko. Sumagot siya, "Buweno, humigit-kumulang, narating ko na ang tugatog ng larangan ng 'crystallogy' at wala na akong patutunguhan pa. Iyon na ang katapusan ng daan. Narating ko ang isang 'dead end.' Wala na akong makitang anupamang hinaharap." Maaaring magpatuloy siya sa pagsasaliksik, ngunit para sa kanya, wala nang kawili-wiling bagay na magagawa roon. Narating na niya ang tuktok. Naging propesor na siya. Kaya ano pa ang ibang maaaring gawin? Hindi nakapukaw ng kanyang interes ang anupamang pagsasaliksik tungkol sa larangan niya.

Kaya, nang inanyayahan siya ng ama niya na pamahalaan ang kanyang negosyo sa Hongkong, kahit wala man lang siyang anumang nalalaman tungkol sa negosyo, humayo siya, dahil lagi siyang nananabik sa isang bagong hamon. Kaya naging taga-pamahala siya sa negosyo ng ama niya. At lubhang nagtagumpay rin siya rito, dahil di-katagalan, na-master na niyang mabuti ang lahat. Sa pamamagitan ng napakatalino niyang isip, natutunan niya ang bawat departamento at aspeto sa mundo ng negosyo, mula sa saping puhunan [stocks and shares], na hindi naman niya talagang linya, hanggang sa mga iba pa.

At sa aming pag-uusap, itinanong ko, "Kawili-wili ba sa iyo ang mundo ng pagnenegosyo?" Sinabi niya, "Sa unang taon, oo! Subalit ngayong wala nang natitira pa para matutunan, tunay na nakaka-aburido na para sa akin ang lahat ng bagay. Ngayon, karaniwan na ang lahat ng ito. Naglaho na ang hamon. Wala nang 'challenge'!" Sinabi ko, "Ano na ngayon ang ibig sabihin niyon?" Sinabi niya, "Ibig sabihin niyon, kailangan ko nang maghanap ng ibang bagay na magagawa, dahil naaaburido na ako sa paulit-ulit na gawaing ito."

Narating na rin niya ang tuktok sa mundo ng negosyo, at muli, wala na naman siyang saanmang patutunguhan. Ano pang naroroon para gawin? Wala nang bagong mga bundok sa mundong iyon na maaakyatan pa, at wala nang mga bagong hamong nakakapukaw ng interes niya. Kaya sinabi ko, "Ano pa bang ibang larangan na inaasahan mong subukan? Pagkatapos mong masubukan ang agham at negosyo, wala nang masyadong natitira para sa iyo upang patunguhan." At kaya, napunta kami sa paksa na ang buhay ay tila nagtatapos lamang sa libingan at wala nang ibang mapapatunguhan pa.

Tila napakakaunti na lamang ang magagawa ng tao kapag narating na niya ang tuktok. Kapag nasa ibaba kayo ng paa ng bundok, mukhang napakaringal ng tuktok sa itaas! Anong isang hamon! Anong taas niyon! Subalit kapag nakatayo na kayo sa tuktok, wala na kayong ibang mapupuntahan maliban sa kung may isa kayong helikopter upang maitaas pa kayo, ngunit hindi rin makakaakyat ang helikopter nang ganoong kataas. Kaya, natutuklasan natin na tila ito na ang kabuuang kuwento sa buhay ng tao.

Nang isinaalang-alang ko ang kaso niya, tiningnan ko ang pangkalahatang kalagayan ng tao. Nakikita ko na lubos na nagsusumikap ang mga tao para magka-Bachelor's degree, magka-Master's, magka-Ph.D. at kung anu-ano pa. Ngunit pagkatapos niyon, hindi na nila alam kung saan pa tutungo, kung ano pa ang magagawa o magagampanan. Tila sa huli, narating na nila ang katapusan, ang 'dead end.' May mga proyektong pananaliksik na maaari ninyong ipagpatuloy, ngunit doon ninyo ba ilalaan ang inyong buong buhay? Iyon ba ang layunin ng buhay?

Kapag pinag-usapan ang pera, hindi suliranin ang pera sa kanya, sapagkat milyunaryo ang ama niya. Siya naman, pinamumunuan ang negosyo. Sinong gustong pag-usapan ang pera? Ano ang magagawa ninyo sa pera? Maaari ninyong idikit ang pera sa lahat ng pader sa inyong bahay bilang wallpaper. Ngunit pagkaraan ng panahon, hindi na magandang tingnan kahit na iyon. Anong gusto ninyong gawin? Kapag nagkapera at nagkatitulo na kayo, at may magandang katayuan na sa buhay, saan pa kayo pupunta mula roon? Tila dumating na kayo sa katapusan, sa 'dead end.'

Isang Maluwalhating Hinaharap - Ang Makita ang Diyos!
Ngunit gaano kaluwalhati ang hinaharap kapag kaya nating makakita lampas sa lahat ng mga ito, at sabihing, "Makikita natin siya - mukhaan." Mukha sa mukha! Para sa akin, iyon ang nagpapabago ng larawan. Noong hindi pa ako Cristiano, gayon din ang naramdaman ko. Pinag-aralan ko at siniyasat ang buhay at wala akong nakitang maaaring patunguhan nito. Oo nga't may daan, pero may ginhawa bang maglakbay sa daang ito kung alam ninyo na sa huli'y hahantong lang pala kayo sa isang katapusan, sa isang 'dead end'? Tunay na di-kawili-wili iyon.

Maraming beses, nakaramdam ako ng isang ganap na kabiguan. Pinagtatakahan ko kung para saan ba ang lahat ng pagpapagal sa mundong ito. Hindi ako naging Cristiano upang magkaroon ng isang maluwalhating hinaharap. Hindi gayon ang kaso ko. Hindi ako naging Cristiano dahil sa umaasa akong makahanap ng anumang daan lampas ng katapusan, na lampas sa 'dead end.'

Kung tunay ngang wala nang anumang lampas ng katapusan, kung gayon, kailangan nating tanggapin iyon, tulad nang simpleng sinabi ni Bertrand Russell, "Kahit na nagtatapos ang buhay sa isang 'dead end,' pagbutihin na lang natin kung anong magagawa natin dito." Hindi kataka-taka! Isang Ingles si Bertrand Russell at tunay na marami siyang karanasan sa pagkikibit-balikat na lamang.

Ngunit ang tanong ay: May lampas pa ba sa katapusan? At sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin na: para sa mga may malinis na puso, mas maganda pa ang maaasahan sa hinaharap at maaari nating maranasan iyon. Mapapa-sa-atin ito, ngunit hindi ito inihahandog ng Panginoong Jesus na mura lamang. May kundisyon ito: kailangan ninyong maging malinis sa inyong puso! At iyon ang lubos na nagpapahirap dito, 'di ba? Hindi naghahain ang Panginoong Jesus ng mura at madaling makamit na kaligtasan, gaya ng ginagawa ng ating mga makabagong ebanghelista. Palagi nilang binabawasan ang halaga ng kaligtasang iniaalok nila.

Tahasang sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin na, "Makikita ninyo ang Diyos! Makikita ninyo ang Diyos, kung handa kayong maging malinis sa inyong puso." Napakahalagang pag-aralan natin kung ano ang ibig sabihin ng pagiging malinis sa puso, at kung makatotohanan o hindi ang ganitong pangitain. Ngayon, nakasalalay rin ang tanong dito: Maliban sa maging tunay ang Diyos sa ating buhay, baka ang pinag-uusapan natin ay "mga bagay na di-maaabot". Marahil, sinusubukan lang nating aliwin ang ating mga sarili at muling tinatanggihan na iyon na ang wakas, na ang kamatayan na ang katapusan. Gusto nating mag-imbento ng isang hinaharap para sa ating mga sarili, na tatawagin nating 'ang pangitain ng Diyos.'

Tulad ng nasabi ko na sa inyo, hindi ako naging isang Cristiano dahil gusto kong makita kung anong lampas sa kamatayan. Nakahanda akong tanggapin na wala nang mangyayari lampas ng kamatayan kung ito na talaga ang wakas. Hanggang sa nakilala ko ang Diyos! Hanggang sa naunawaan ko na ang Diyos ang lahat sa buhay! Naibahagi ko na noon sa marami sa inyo kung paano ko nakilala ang Diyos at hindi ko na ito muling uulitin pa, ngunit ang karanasan kong iyon sa Diyos ang ganap na nagpabago ng aking buhay. Natanto ko na ang Diyos ay tunay, na naririto siya. Iyon ang simula. Ngunit kung hindi ninyo makikilala ang Diyos, parang sa guni-guni lang ang pag-asang magkaroon ng pangitaing ito ng Diyos.

Iyon ang dahilan kung bakit sa simula't sapul, binibigyang-diin ko na ang kahalagahan ng isang buhay na ugnayan sa Diyos. Kung hindi, maitatatag ang inyong pananampalataya mas marahil sa pantasya kaysa sa katotohanan. Maliban sa paglakad nang may malinis na puso dito at ngayon, wala tayong kakayahang sabihin kasama ni Pablo, "...kilala ko ang aking sinampalatayanan". [2 Timoteo 1:12] Kaya ninyo bang sabihin ito? Na kilala ninyo kung sino ang pinaniniwalaan ninyo? O nasasabi ninyo ito sa walang-kabuluhang pahayag: "Naniniwala ako sa sinumang pinaniniwalaan ko", gaya ng sinasabi ng mga magaling mangatwiran, ng mga 'logician'. Walang malayong patutunguhan iyon, dahil kaya nating lahat na maniwala sa anumang mapili nating paniwalaan.

Kailangan nating lampasan ang pagsasabi na pinaniniwalaan natin ang sinumang pinaniniwalaan natin, tungo sa isang pagkilala sa kanya na pinaniniwalaan natin. At ang paraan upang makilala siya ay sa pamamagitan ng paghakbang sa isang ganap na pagtatalaga. Walang ibang paraan upang makikilala ninyo ang Diyos maliban sa buong pagtatalaga ninyo ng buhay ninyo. Ito ang dahilan kaya binibigyang-diin ko ito noong simula't sapul pa, sapagkat kung hindi ninyo buong itinalaga ang inyong sarili sa Diyos at nagpahayag lamang kayo ng isang uri ng pangkaisipang pananampalataya, kung gayon, pangkaisipan lamang ang inyong pananalig sa Diyos. Hanggang doon lamang kayo.

Maaaring lubhang kawili-wili ang isang pangkaisipang pananampalataya sa Diyos para sa mga pilosopo. Ngunit walang gaanong silbi ito sa pagtatatatag ng inyong buhay upang maging matibay. Para sa akademikong kapakinabangan lang ang pangkaisipang pananampalataya. Pangkaisipan lamang ba ang inyong pananalig? O itinatag ba ito sa katotohanan kung saan, kasama ni Apostol Pablo, masasabi ninyong, "...kilala ko ang aking sinampalatayanan". Bakit ko nasabi ito? Sapagkat naranasan ko ang kapangyarihan niya sa aking buhay, kung saan ginawa niya akong isang bagong tao, na tama lang tawaging isang bagong nilalang kay Cristo.

Masasabi ninyo ba ito tungkol sa inyong sarili? Kung hindi, ang tawag sa ang anumang pananalig na mayroon kayo ay 'isang pangkaisipang pananampalataya' lamang! Lubos na mabuti ito para sa pangkaisipang mga layunin, lubos na magaling para sa pangkaisipang pagtatalo, at kawili-wili para sa mga pilosopo, ngunit may napakaliit na pakinabang lang ito. Bakit? Dahil kailangang mag-ugat sa buhay ang ating pananalig sa Diyos at dahil ang kalinisan ng puso ay isang katangian ng buhay. Hindi ito isang pangkaisipang pamimilit na sumang-ayon [intellectual persuasion] o isang pangkaisipang kasiguraduhan [intellectual conviction]. Nakaugat ito sa buhay, sa katangian ng inyong buhay. Napakahalagang maunawaan iyon.

Kaya, muli kong sasabihin ito: ang kaligtasan sa turo ng Panginoon ay hindi isang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya, na simpleng naniniwala lamang na totoo ang ilang mga bagay - na may Diyos, na namatay si Jesus at kung anu-ano pa. Ni natatamo ang kaligtasan sa pamamagitan ng paggawa ng ito't iyong bagay - ang paggawa ng mga mabubuting gawa - pagsisindi ng mga kandila sa mga iglesya, paglalagay ng pera bilang handog, paggawa ng ilang mabubuting gawa kung saan-saan. Hindi ito isang kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa; hindi ito kaligtasan sa pamamagitan ng pangkaisipang pananampalataya; kaligtasan ito sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na dumarating sa inyong buhay at nagpapabago sa inyo upang maging bagong nilalang kayo.

Ngayon, iyon ang katotohanan! Iyon ang pagsasalita ng tungkol sa isang bagay na alam ninyong nangyari sa inyo; isang bagay na masasabi ninyong naranasan ninyo sa inyong buhay; at hindi isang bagay na pinaniniwalaan ninyo sa inyong isipan sa pamamagitan ng pangkaisipang pamimilit sumang-ayon o 'intellectual persuasion.' Hindi ko sinasabi na may mali sa 'intellectual persuasion.' Napakabuti niyon. Okey lang na mag-aral kayo ng 'apologetics' [ang aspeto ng teolohiya tungkol sa pagproproweba ng katotohanan ng Cristianismo]. Sige, pag-aralan ang mga pilosopo, at mga Cristianong pilosopo, kung gusto ninyo. Ngunit kung titigil kayo roon, titigil din doon ang inyong kaligtasan. May kinalaman ang kaligtasan sa kalinisan ng puso.

Upang Makita ang Diyos, Kinakailangang Maging Malinis ang Puso ng Isang Tao
Kaya pansinin ang may-kundisyong aspeto ng pahayag na ito. Makikita ninyo ang Diyos ngunit sa kundisyon na malinis kayo sa puso. "Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos." Ibig sabihin nito, tama rin ang negatibong kahulugan ng pahayag. Iyon ay, kung hindi kayo malinis sa puso, hindi ninyo kailangang alalahaning makita ang Diyos, sapagkat hindi iyon mapapa-sa-inyo. Dahil ang mga may malinis na puso - sila ang makakakita sa Diyos. Hindi makakatanggap ang iba ng anumang uri ng pangako ng kaligtasan.

Ngayon, maingat na pansinin ang aspeto tungkol sa kundisyon. Kailangan kong bigyang-diin ang puntong ito, sapagkat may-kundisyon ang kaligtasan. Walang kaligtasan na walang kundisyon sa Biblia. Kailangan kong bigyang-diin ito sapagkat, tulad ng nabanggit ko noong nakaraan, nagawa ito mismo ng ating mabuting kaibigan na si Martin Lloyd-Jones. Sinubukan niyang tanggalin ang may-kundisyong aspeto nito. Tila nabagabag siya, sa mga kadahilanang pandoktrina, sa kasabihang, "Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan."

Sa madaling salita, kung ninanasa ninyong makatanggap ng habag, dapat maging - hindi 'marahil' o 'nararapat' kayong maging, o 'mabuti' ang maging - kundi dapat kayong maging mahabagin. Nakapagpabalisa ito sa kanya dahil sa pandoktrinang pananaw niya. Gusto niyang ibatay ang kaligtasan sa iisang bagay lamang, tulad ng mismong sinabi niya, na nakabatay ang kapatawaran sa pagsisisi lamang. Subalit ngayon, nakabatay ito sa pagsisisi at sa pagiging mahabagin. At nakapagpabalisa iyon sa kanyang teolohiyang o pandoktrinang pamantayan. Nakasira ito sa kanyang panimbang. Hindi na siya balanse rito. Kaya, ano ang ginawa niya?

Nagpasya si Dr. Lloyd-Jones na medyo baguhin ang ayos sa sinabi ng Panginoong Jesus. Para sa akin, wala itong kapatawaran. Hindi ito dapat pabayaan na lang. Ang ginawa niya upang tanggalin ang kundisyon ay ang baliktarin ang sinabi ng Panginoong Jesus. Kapag pinag-aralan ninyo ang paraan ng pagpapaliwanag niya sa sipi, ang sinasabi ay, "Mapapalad ang mga nakatanggap ng habag, dahil magiging mahabagin sila."

Ngayon, walang-anumang bagay ang nakakapagbigay sa atin ng karapatan na baliktarin ang mga salita ng Panginoon. Una sa lahat, upang gawin ito, upang gawing walang-kundisyon ang isang may-kundisyong pangungusap, kailangan niyang baliktarin ito. Subalit higit pa roon, kailangan din niyang baguhin ang panahunan, sapagkat, gaya nang napansin ninyo, ang sinasabi ng Panginoon ay: "sila'y kahahabagan."

Sa pang-teolohiyang katawagan, isa itong panghuling-araw o 'eschatological' na pahayag, iyon ay, isa itong pahayag ukol sa mga hinaharap na bagay. Sila, sa hinaharap, kapag dumating ang kaligtasan ng Diyos sa kanilang buhay, makakatanggap sila ng habag sa araw na iyon. Subalit binaliktad ito ni Lloyd-Jones kaya naging: "Nakatanggap sila ng habag, at kaya, dapat na maging mahabagin sila."

Tama rin naman iyon. Siyempre, totoo rin ang sinasabi ni Dr. Lloyd-Jones: "Mapapalad ang mga nakatanggap ng habag, sapagkat sila'y magiging, o nararapat silang maging, mahabagin." Ngayon, kahit na totoo ang pahayag na iyon, sapagkat sinabi iyon ng Panginoong Jesus sa Mateo 18:33, hindi ito ang sinasabi ng Panginoong Jesus dito sa 'mapalad' o 'beatitude' na ito. Totoo ang pahayag sa sinasabi nito, ngunit walang kaugnayan ito sa sinasabi ng Panginoon dito. At sa Mateo 18:35, sinasabi ng Panginoon na kung hindi ninyo patatawarin ang ibang tao, hindi rin kayo mapapatawad.

Napakamadaling makita nito, na hindi ito isang tanong ng pansariling-paliwanag o 'interpretation.' Hindi na natin kailangan ng pansariling-paliwanag. Hayaan na lamang nating mangusap ang mga salita at sabihin ang ibig nilang sabihin. Hindi natin dapat palitan at huwag dapat tayong mangahas na baguhin ang may-kundisyong aspeto ng pangungusap na ito. Hindi tayo maaaring basta na lang magtanggal ng isang kundisyong itinakda ng Panginoon. Pinakamahalagang obserbahan ito. Hindi ninyo dapat na paglaruan ang mga Salita ng Diyos.

Nang dumating si Lloyd-Jones sa katapusan ng mensahe niya sa Mateo 5:7, natanto niya na hindi niya pala naipahayag ang tunay na sinabi ng Panginoon. Napansin din niya iyon, kaya nagsabi siya ng karagdagang mga pangungusap na ang epekto, humigit-kumulang, ay "mapapalad ang mga mahabagin sapagkat sila'y kahahabagan." Ngunit sa kalagitnaan, nasabi na niya sa atin na naalis na ang may-kundisyong aspeto. Hindi maaari ito. Kaya, dito, kailangan nating matanto na ito ay isang kundisyon: makikita ninyo ang Diyos kung malinis kayo sa inyong puso. Medyo kataka-taka na, nang dumating si Lloyd-Jones sa Mateo 5:8, tila ayaw na niyang makipagtalo tungkol sa may-kundisyong aspeto nito. Tila isinantabi na niya ang paksa. Talagang kataka-taka rin iyon.

Kailangan nating tandaan ito ngayon, tulad ng tamang nakita ni Propesor Edward Schweizer. Ganito ang sinasabi niya: "Walang sinuman ang maaaring umasa sa habag ng Diyos kung hindi siya mismo nagpakita ng habag." Isang ganap na tamang pahayag iyon at isang ganap na tamang pagkaunawa sa sinasabi ng Panginoon, sapagkat iyon mismo ang sinasabi niya. Walang sinuman ang maaaring umasa sa habag ng Diyos kung hindi nagpakita ng habag. Pinakamahalagang matandaan natin ito. Pinagsasama ko ang dalawang ito dahil may malapit na ugnayan sa pagitan ng "Mapapalad ang mga may malinis na puso" at "Mapapalad ang mga mahabagin".

Napakalinaw na lumilitaw ang ugnayang ito sa Awit 24:3-5. Hayaan ninyong basahin ko ito sa inyo. Sa katunayan, ito ang saligan sa Lumang Tipan para sa mga salitang ito ng Panginoong Jesus. Ganito ang mababasa sa Awit 24:3­-5:

Sinong aakyat sa bundok ng PANGINOON? At sinong tatayo sa kanyang dakong banal? Siyang may malilinis na kamay at may pusong dalisay (ang may malinis na puso), na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo, at hindi sumusumpa na may panlilinlang. Mula sa PANGINOON, pagpapala'y (pansinin ang 'mapalad' dito) kanyang kakamtan, at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.

Naisalin ang salitang 'habag' dito bilang 'pagwawalang-sala' (na ganap na tama rin), samantalang sa Lumang Tipan sa Griyego, ang salita ay 'habag.' Tatanggap siya ng habag, at kaya, iniuugnay ito sa nakaraang 'mapalad' o 'beatitude' sa turo ng Panginoon. Subalit may isa pang dapat nating tingnan bago tayo magpatuloy sa pagsisiyasat sa kung ano ang maging malinis sa puso. Isa rin itong katanungang iminungkahi ni Dr. Lloyd-Jones. Tungkol naman ito sa pangitain ng Diyos. Sa Araw na iyon, makikita ba natin ang Diyos gamit ang mga mata natin mismo, o sa espiritwal na diwa? Paano natin makikita ang Diyos?

Sa Anong Diwa Natin Makikita ang Diyos?
Ngayon, hindi ko tatalakayin ito kung hindi niya ito naitanong. Yamang iminungkahi niya ang tanong at yamang isa siya sa may pinakamalawak na binabasang komentaryo sa Sermon sa Bundok, kinakailangan kong magbigay-puna rito. Pagkatapos talakayin ang paksa, sa pagbubuod, sinabi ni Lloyd-Jones na hindi natin alam ang sagot sa tanong na iyon. Kamangha-mangha talaga!

Ngunit para sa akin, hindi maaari ang gayon, dahil napakahalaga ng tanong upang iwanan na lang nang ganoong kalabo ang sagot. Makikita ba natin ang Diyos sa Araw na iyon sa pamamagitan ng pisikal nating mga mata? Makikita ba natin talaga ang Diyos, tulad ng sinasabi ni Job, "...makikita ko ang Diyos sa aking laman"? [Job 19:26] O ibig ba lamang nating sabihin na makikita natin ang Diyos sa isang espiritwal na diwa? Sa madaling salita, hindi dapat maiba ang ganitong espiritwal na pangitain sa Diyos sa kalidad, sa katangian o sa uri mula sa kung paano natin siya nakikita ngayon, kundi makikita lang natin siya nang higit na malinaw.

Nakikita natin siya ngayon, ngunit malabo lamang. Nakikita natin siya sa pamamagitan ng pangitain ng pananalig - sa espiritwal na paraan - ngunit hindi natin siya nakikita nang malinaw. "...malabo nating nakikita (siya) sa isang salamin", ngunit hindi natin siya nakikita nang tiyakan, nang eksakto. Ngunit sa Araw na iyon, magiging mas malinaw nating makikita ang Diyos. Magiging mas dalisay ang pangitain sapagkat, marahil, darating sa kasakdalan ang ating espiritwal na buhay; magiging perpekto ito.

Sa kanyang pagsagot sa tanong, nagpakita ng ilang ebidensya si Lloyd-Jones mula sa Bibla. Sinabi niya na batay sa katibayang iyon, hindi natin alam ang sagot. Kailangan kong punahin, una sa lahat, na tunay na di-kumpleto ang katibayang ipinakita niya. Nalaktawan niya ang napakaraming mahahalagang katibayan. Kaya, hindi natin kailangang maging malabo tungkol sa bagay na ito.

Halimbawa, binabanggit ni Lloyd-Jones ang kaso ni Moises. Sinasabi niyang hindi pinayagan si Moises na makita ang Diyos nang mukha sa mukha; nakita lamang niya ang likurang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos. Kaya, nagpatuloy siya sa pagsasabi na hindi makikita ng tao sa pamamagitan ng pisikal na mga mata ang kaluwalhatian ng Diyos.

Ngunit wala namang kaugnayan sa pinag-uusapan ang tungkol sa kaso ni Moises, dahil minsan pa, nalimutan ni Dr. Lloyd-Jones na tungkol sa 'eschatology' ang pinag-uusapan natin, iyon ay, tungkol sa mga huling araw. Pinag-uusapan dito ang pagkita sa Diyos sa hinaharap. 'Eschatology' ang pinag-uusapan, ang mga bagay-bagay hindi sa kasalukuyang panahon, kundi sa darating na panahon. Kaya, walang kaugnayan ang pagbanggit kay Moises.

Sa kasalukuyang panahon, sa mga hindi-pa-huling-araw na kalagayan, nabubuhay tayo sa kasalukuyang makasalanang kalagayan. Dahil sa pagiging makasalanan natin, walang sinuman ang makakakita sa Diyos at mananatiling-buhay. Napakalinaw na sinabi sa Biblia iyon. At siyempre, bilang isang makasalanan tulad nating lahat, hindi maaaring makita ni Moises ang Diyos at manatiling-buhay, gaya ng sinasabi ng siping iyon sa Exodo 33. Maaari lang niyang makita ang likurang bahagi ng Diyos. Hindi niya maaaring makita ang Diyos nang mukha sa mukha.

Ngunit walang kaugnayan iyon sa mga salita ng Panginoong Jesus dito. Bakit? Dahil hindi naman natin pinag-uusapan kung makikita natin ang Diyos gamit ang mga mata natin o sa sitwasyon natin ngayon. Makikita natin ang Diyos sa Araw na iyon kapag nabago na ang katawan nating ito, kapag nabihisan na ang nasisira ng di-nasisira, kapag nabihisan na ang namamatay ng di-namamatay, kapag wala na ang makasalanang katawan at naroon na ang bagong katawan, na ganap na naluwalhati na at taglay ang larawan ni Cristo.

Tungkol sa 'eschatology' o mga huling araw ang pinag-uusapan natin. Kaya dito, nakalimutan muli ni Dr. Lloyd-Jones ang paksa. Hindi nararapat na banggitin si Moises kasi wala namang kinalaman si Moises sa pinag-uusapan, dahil tungkol ito sa pagkikita sa Diyos sa Araw na iyon, kapag nabihisan sila ng walang-kamatayan, kapag nabago ang katawang ito upang maging tulad ng maluwalhating katawan ni Cristo, gaya ng sinabi ni Pablo sa atin sa Filipos 3:21. Kaya, hinding-hindi malabo ang sagot sa tanong na ito.

Muli, mapapansin ninyo na dalawang ulit ko nang binanggit ang 1 Corinto 13:12. Kailangan ninyong pansinin ang sinasabi ni Pablo roon: makikita natin ang Diyos sa Araw na iyon - kaiba sa pangitain ni Moses - nang mukhaan, nang mukha sa mukha! Walang pangitaing ganoon si Moses, kaya walang kabuluhan ang banggitin siya. Hindi nakita ni Moises ang Diyos nang mukhaan, ngunit makikita natin siya nang mukha sa mukha, sa biyaya ng Diyos.

Higit pa roon, ang pangitain ay hindi "pareho sa uri, kundi magkaiba lamang ng antas o degree." Ibang-iba ang uri ng pangitain, gaya nang nilinaw ni Pablo mismo. Sapagkat sa ngayon, malabo tayong nakakakita sa isang salamin, ngunit sa Araw na iyon, magiging ibang uri ang pangitain natin, magiging mukha sa mukha ito.

Anong ibig sabihin ng "malabo... salamin"? Ibig sabihin, hindi derekta ang ating pangitain sa Diyos. Ang salamin doon ay hindi ang salamin kung saan makikita ninyo kung anong nasa kabilang panig, kundi ang salamin kung saan nakikita natin ang ating sarili, o 'mirror.' Malabo nating naaaninag sa salamin ang kaluwalhatian ng Diyos. Noong mga araw, tulad ng nalalaman ng marami sa inyo, kung nakapunta na kayo sa isang museo sa Britain o sa alinmang museo ng mga antigo, alam ninyo na ang 'salamin' ay isang pinakintab na tanso o pinakintab na metal. Pinakintab ito nang husto para kapag tumingin kayo rito, makikita ninyo ang inyong aninag. Hindi ito tulad ng salamin natin ngayon.

Kaya, sinasabi ni Pablo na nakikita natin ngayon ang naaninag niyang kaluwalhatian. Nakikita natin ito parang sa pamamagitan ng isang malabong salamin. Ngunit sa Araw na iyon, ganap na maiiba ang uri ng ating pangitain. Hindi na ito magiging di-derekta, gaya ng pagtingin sa aninag o 'reflection' lang, kundi magiging derekta ito, o 'mukha sa mukha.' Kaya, hindi tayo iniiwan ng Biblia sa anumang pag-aalinlangan sa kung ano ang kalikasan ng pangitain natin sa Diyos. Makikita natin siya! At isang nakakatuwang patutunguhan niyon! Makikita natin siya!

Kung hindi iyon nakakapagbigay sa inyo ng tuwa, kung gayon, walang masyadong bagay sa mundong ito ang makakapagbigay ng tuwa sa inyo. Ano ba ang nakakapag-'excite' sa inyo? Ang makapagmaneho ng isang TR7? Ang makapagpalipad ng helikopter? Para sa akin, wala nang anumang makakapagbigay ng tuwa sa akin maliban sa pag-asang makikita natin siya sa kung ano siya, dahil magiging katulad natin siya! Magiging tulad natin siya sapagkat ganap na niya tayong mababago sa Araw na iyon. Sa mortal nating laman, na puno ng kasalanan, hindi ko kayang makita ang Diyos, at manatiling-buhay; ngunit sa Araw na iyon, makikita natin ang Diyos at mabubuhay tayo.

Upang Makamit ng Pangitaing Makita ang Diyos, Kailangang Magkaroon ng Bagong Puso
Ating mabilis na isaalang-alang, kung gayon, kung paano mapapa-sa-atin ang maluwalhating pangitaing ito? Paano magiging posible para sa iyo't sa akin na makibahagi sa maluwalhating pangitaing ito? Ah, anong pag-asa na makita ang Diyos! Anong ibig sabihin ng malinis na puso? Anong dapat na mangyari sa akin? Nakikita natin sa Biblia na likas na malayo sa pagiging malinis ang puso ng tao. Lubha itong napakasama at mapandaya sa lahat ng bagay.

Iyon mismo ang sinasabi sa atin sa Jeremias 17:9ss. Lubhang napakasama ng puso. Mapanlinlang ang tao. Hindi lang siya mahusay manlinlang ng ibang tao, nakukuha niyang dayain din kahit ang sarili niya. Ang galing nating lokohin ang ating sarili! Nakukuha nating sabihin sa ating sarili ang lahat ng uri ng walang-kabuluhang bagay. Mapandaya ang ating puso. Kailangan nating maging maingat lagi dahil mapanlinlang ang ating puso.

Kaya, mula sa pagkaroon ng mapandayang puso, paano tayo magiging malinis sa ating puso? Sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus sa Marcos 7:21-22 na mula sa puso, mula sa kaloob-looban ng tao, lumalabas ang lahat ng uri ng kasalanan at kasamaan. Basahin na lamang ninyo ang mahabang talaan doon sa Marcos 7:21ss. Isa itong mahaba't di-kanais-nais na talaan ng masasamang bagay na lumalabas mula sa puso. Kung ganoon ang aking kalagayan, ano pang pag-asa ko na makita ang Diyos? Ang sagot ay "wala." Kung sa sarili ko lamang, walang kapag-a-pag-asa!

Anong dapat na mangyari? Kailangang may gawin ang Diyos sa aking puso. Kailangan niyang operahan ang aking puso. Kailangan niyang alisin ang luma kong puso, na namatay na dahil sa 'spiritual arteriosclerosis' o sa mga nakabarang bagay-bagay sa aking puso sa espiritwal na diwa. Tapos kailangan niyang ilagay sa akin ang isang bagong puso na tunay na buhay. Kailangan niyang magsagawa ng 'heart transplant.'

At salamat sa Diyos na kapag isinasagawa niya ang isang 'heart transplant,' napapalaki ang pag-asa kong manatiling-buhay. Kapag ikinumpara sa mga taong nagpapa-'heart transplant' ngayon, hindi naman sila nananatiling-buhay nang matagal. Kapag nabuhay ang isa nang anim na buwan, itinuturing na itong isang napakalaking tagumpay. Marahil, kung hindi siya nagpa-transplant ng puso, mabubuhay pa siya ng dalawang taon, ngunit nang nagpa-'heart transplant' siya, nagkaroon siya ng kaluwalhatiang mabuhay nang anim na buwan.

Siyempre, nakakawili ito bilang isang eksperimento sa agham, ngunit bilang isang sining ng pagpapahaba sa buhay sa kasalukuyang panahon, hindi man lang iyon mailalarawan bilang lubos na magaling. Gayunman, hindi ako dadako sa medikal na pakikipagtalo. Tungkol sa mga espiritwal na 'heart transplant' ang sinasabi ko at ang napakagandang patutunguhan nito. Kaya, paano malilinis ang aking puso? Paano binabago ng Diyos ang aking puso? Paano niya ako binibigyan ng isang bagong puso?

Nasa Lumang Tipan na ang katuruang ito. Doon, sinabi na sa atin na bibigyan tayo ng Diyos ng isang bagong puso. Mismong si Ezekiel ang pangunahing propeta ng bagong puso. Makailang ulit niyang sinasabi iyon sa atin. Halimbawa, sa Ezekiel 11:19, binanggit niya ang tungkol sa "pagkakaroon ng isang bagong puso at ng isang bagong espiritu." Sinasabi rin niya ito sa Ezekiel 18:31 at babasahin ko ito sa inyo dahil mahalaga ito sa ating layunin: "Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsuway na inyong ginawa laban sa akin, at kayo'y magbagong puso at magbagong diwa! Bakit kayo mamamatay, o sambahayan ni Israel?"

Gusto kong pansinin ninyo ang isang nakakawiling bagay rito na may kinalaman sa kung paano tayo makakakuha ng isang bagong puso. Sinasabi rito na, "Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsuway na inyong ginawa... at kayo'y magbagong puso". Mabibigyan tayo ng Diyos ng isang bagong puso, subalit kailangan nating hanapin ito. Ang aspetong ito ng Diyos - ang kaloob ng Diyos at ang ating pagnanasa, pagkagutom at pagka-uhaw sa mga ito - ay napakahalaga. Babalikan natin ito sa ilang sandali. Pansinin muna natin kung anong kailangan nating gawin. Paano, kung gayon, babaguhin o lilinisin ng Diyos ang ating puso? May tatlong bagay tayong makikita sa Bagong Tipan na kaugnay sa paglilinis ng puso.

Una sa lahat, mababasa natin sa Hebreo 9:14 na nililinis ng dugo ni Cristo ang ating puso o ating budhi mula sa kasalanan. Ang dugo ni Cristo ang makakapaglinis ng ating puso. Siya ang lilinis at magbibigay sa atin ng isang bagong puso. Ganito rin ang sinasabi sa 1 Juan 1:7, na "kung tayo'y lumalakad sa liwanag, ...ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan." Ikalawa, mababasa natin sa Efeso 5:26 na nililinis din niya tayo sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig ng Salita ng Diyos. Nililinis ng Salita ng Diyos ang ating puso. Sinasabi rin ito sa Juan 15:3, kung saan sinasabi ng Panginoon Jesus sa mga disipulo niya na, "Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo."

Ikatlo, sinabi sa atin na nilinis ang ating puso sa pamamagitan ng pananampalataya, sa Mga Gawa 15:9. Sa pamamagitan ng pananalig, nilinis ng Diyos ang ating puso. Ngunit dapat, sa ating bahagi, magkaroon tayo ng pananalig. Kaya maaari ninyong baguhin ang paglalarawan, ngunit pareho pa rin ang ideya. Alinman sa dalawa ang tinutukoy rito: ang larawan ng paglilinis ng maruming puso o ang larawan ng pagbabago ng pusong naging matigas na. Gumagamit ang Biblia ng iba't-ibang larawan upang sabihin ang parehong bagay. Maaaring magkaiba ang larawan, ngunit pareho ang mensahe. Sa bawat kaso, kasing-galing ng 'bago' ang 'nilinis' na puso; ang napalitang puso ay bago. Alinman dito, pareho lang.

Ang Puso ay ang Panloob na Pagkatao
Ano samakatuwid ang puso? Ano ang binabago? Ano ang nililinis? Sa isang diwa, siyempre, dapat nating matanto na tinutukoy ng 'puso' sa Biblia ang sinasabi ni Pablo na panloob na tao, kasama ang lahat ng mga pakiramdam, ng mga pasya at ng kakayahang mag-isip nito. Sa pagsasabi ng 'puso,' simpleng ibang paraan lang ito sa Biblia na pantukoy sa tao sa kaloob-looban o kaibuturan niya, sa kung ano talaga siya, hindi lang sa kung anong nakikita sa panlabas. Tinutukoy rito kung ano talaga kayo sa kaloob-looban ninyo, hindi kung ano ang ipinapakita ninyo sa ibang tao. Maaaring lubhang kalugod-lugod kayo sa inyong panlabas na pag-uugali, ngunit maiinitin ang inyong ulo; magagalitin kayo. Maraming mga tao ang tulad nito. Namumuhay sila na may dalawang katauhan, tulad ng Dr. Jekyll-and-Mr. Hyde na uri ng pamumuhay, isang uri ng espiritwal na sakit sa pag-iisip kung saan may naghahating personalidad. May 'spiritual schizophrenia' sila. May panloob at may panlabas silang pag-uugali.

Subalit kapag sinabing 'puso,' tinutukoy nito kung ano talaga kayo sa inyong kaloob-looban, sa panloob na pagkatao. Mahalagang maintindihan iyon. Tinutukoy rito kung ano talaga ang inyong iniisip, hindi kung anong sinasabi ninyo sa ibang tao na iniisip ninyo. Kapag tinanong kayo kung ano ang iboboto ninyo sa ika-20 ng Mayo, sasabihin ninyong, "'Oo' ang iboboto ko," ngunit pagdating ng botohan, ang iboboto ninyo ay, "Hindi"! Sinasabi ninyo ang isang bagay sa pandinig ng mga tao; ang isa naman ay ang tunay na gagawin ninyo. Hindi nangangahulugan na kung ano ang iniisip ninyo, iyon ang sinasabi ninyo; tapos, kung ano man ang inyong sasabihin, hindi nangangahulugang iyon ang iniisip ninyo. Kaya, kapag tungkol sa puso ang sinasabi sa Biblia, tungkol ito sa kung ano talaga kayo sa tunay ninyong sarili. Iyon ang kinakailangang mabago.

Pinagmamalasakitan ng Biblia at ng Salita ng Diyos na maturuan tayo sa pinakamalalim na antas ng ating mga suliranin, hindi lang sa pagbabago ng ilang sintoma. Hindi ito pagsasabi na, "May nararamdaman kang masakit dito, kaya bibigyan kita ng aspirin para tulungan kang guminhawa." Okey iyon at nawawala nga ang sakit, ngunit paglipas ng panahon, gagrabe pa ang sakit. At kaya ito ang paggagamot ng sintoma lamang.

Gaya ito ng napakaraming pag-oopera o 'surgery' sa ngayon. Tatanggalin ninyo ang 'cancer' mula sa bahaging ito, ngunit lalabas ito sa iba pang bahagi nang higit pang malubha. Gaya rin ito ng pagtatanggal ng mga 'dandelion,' na isang uri ng damuhang-bulaklak. Bubunutin ninyo ang isa, ngunit pagkatapos, mapapansin ninyong may tutubong dalawa pang 'dandelion' doon. Sasabihin ninyong, "Binunot ko ito noong isang araw ah! Anong nangyari?" Kaya maghuhukay kayo nang mas malalim upang bunutin ninyo ito muli, ngunit pagkatapos niyon, makikita ninyo sa halip ang tatlong 'dandelion.' Kaya sasabihin ninyong, "Imposible ito!"

At kaya, ganito ang paggamot sa mga sintomas. Subalit pinatutunguhan ng Biblia ang ugat ng mga bagay-bagay! Gusto ng Diyos na ayusin kayo sa kung ano kayo talaga sa panloob, hindi kung pumupunta kayo sa iglesya, o kung may maganda kayong ngiti, at kung magara ang ternong suot ninyo. Dala-dala ninyo ang isang magandang Biblia na balot sa balat mula sa Morocco, na mabibili sa halagang $56.00. Lumalakad kayo nang mayabang, dahil napakaganda ng panlabas ninyong anyo. Ngunit ano ang nasa loob ninyo? Maaaring pag-uwi ninyo sa bahay, sisigawan ninyo ang inyong asawa, susunggaban sa lalamunan ang inyong kapatid, gagawing kahabag-habag ang buhay ng inyong kasambahay, at doon simulang lalabas ang tunay na sarili. Nais ng Diyos na gamutin ang puso. At kaya, ang 'puso' ay simpleng ang tunay na sarili, ang panloob na pagkatao.

Makikita natin ito, halimbawa, sa Efeso 3:16. Sinasabi rito ni Pablo ang tungkol sa panloob na pagkatao. Sa b.17 tinatalakay niya ang tungkol sa puso, na parehong bagay lang, siyempre. Ito ay ang panloob na pagkatao lang: ang tao sa kung sino siya talaga. Ito ang ipinaritong gawin ng Panginoong Jesus: kailangan niyang linisin ang panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang dugo. Hindi ito sa pamamagitan ng isang panlabas na kasuotan ng relihiyon na maaari ninyong isuot at magmumukha kayong higit na relihiyoso kaysa dati-rati. Hindi iyon sa pagsusuot ng kwintas na may nakalawit na krus, na nagpapakita na higit kayong relihiyoso.

Kung hindi ninyo ako nirerespeto dahil sa aking kurbata, sa susunod magsusuot ako ng kuwelyong pangpari o pangministro. Kung kulang pa iyon upang masabi ninyong banal ako, daragdagan ko ng itim na damit na pangsermon o toga. Siguro, kapag naisuot ko na lahat ng ito, maniniwala at bibilib na kayo na ministro ako ng Ebanghelyo.

Ngayon, kung gusto kong bumilib ang tao sa pagsusuot ko ng mga ito, kung gayon, mali ang aking iniisip. Kung nakasalalay ang pagiging banal ko sa kaitiman ng aking toga na pang-sermon - at kung masyado namang itim, magsusuot ako ng dalawang puting kuwelyo (ang Geneva collar) - kung gayon, hindi ko naunawaan ang buong punto. Tunay itong kahabag-habag! Kaawa-awa!

Pagsasanay sa Kalinisan ng Puso
Sa panahon ngayon, kailangan nating mangaral at subukang itatag ang ating relihiyon sa pamamagitan ng mga panlabas na kasuotan, samantalang nais ng Diyos na tingnan ang panloob na pagkatao. Tumitingin ang Diyos sa puso. Nais niyang baguhin ang tao sa kaibuturan niya. Kung ano ang totoo para sa mga ministro, ganoon din para sa mga Cristiano. At binibigyang-diin ko ang puntong ito dahil talagang lubos na praktikal ang kalinisan ng puso. Napaka-praktikal! Sapagkat hindi lang ito kalinisan sa puso, kundi makikita sa liwanag ang kalinisang ito. Hindi lang ito nakikita sa inyong pananamit at paglalagay ng isang maliit na krus sa sulapa o 'lapel' ng kuwelyo.

Wala akong problema kung gusto ninyong maglagay ng isang krus sa inyong sulapa, subalit hindi nito kayo higit na mapapabanal kaysa ninuman. Hindi ibig sabihin na dahil balot sa balat-Morocco ang inyong Biblia at sa plastik lang nakabalot ang sa akin na mas mabuti kayong Cristiano kaysa sa akin.

Kung gayon, ano samakatwid ang ibig sabihin ng kalinisan ng puso? Alam na natin ngayon kung ano ang puso at kung paano nagiging malinis ang puso. Kailangan naman nating ganap na tanungin kung ano mismo ang 'kalinisan ng puso'! Kapag pinag-aaralan natin ang Biblia, makikita nating muli na nakaugat ito sa Lumang Tipan. Gaya ng nakita natin sa Awit 24, lubhang 'praktikal' ang kalinisan ng puso. Umaasa ako na babasahin ninyo ito nang napakaingat. Kung sakaling hindi ninyo ito ginawa, umaasa ako na inyong titingnan muli ito, sapagkat sinasabi roon na ang kalinisan ng puso, ang kalinisan ng kamay at ang katapatan sa pananalita ay iisang bagay lang. Hindi kayo maaaring magkaroon ng isa na di-kasama ang isa pa.

Tunay na naihahayag ang kalinisan ng puso sa kalinisan ng mga kamay, ibig sabihin, hindi kayo gumagawa ng mga makasalanang gawa. Maipapahayag ito sa katapatan ng inyong pananalita, na totoo ang anumang sabihin ninyo. Hindi na kailangang hulaan pa ng tao, "Ngayon, ilang bahagi kaya ng sinabi niya ang totoo? Ilang bahagi kaya nito ang labis sa katotohanan?"

Ngayon, kung nagmula kayo sa lipunan ng Hongkong, tiyak na alam ninyo na magiging malaking problema iyon, dahil sa pagsusuri niyon, kailangan ninyong magbawas ng malaking porsyento ng kasinungalingan sa bawat pangungusap. Marahil, 20% na lang ng katotohanan ang matitira. May 80% na kasinungalingan at 20% na katotohanan dito. Nilalarawan niyon ang karumihan ng puso. Kapag malinis ang puso, totoo ang inyong mga pahayag. May tao na kapag nagsalita, alam ninyo na totoo ang sinasabi niya. Walang panloloko; malinis ang kamay niya.

Sa madaling salita, kapag pinag-uusapan ng Panginoong Jesus ang tungkol sa kalinisan ng puso, hindi natin dapat tukuyin ito na napaka-espiritwal, na nagiging lubhang walang kabuluhan na ito. Maraming beses (at binibigyang-diin ko ang puntong ito), sinasabi ng mga tao, "Naku! Napakaespiritwal niyon, ngunit lubhang di-praktikal", na para bang ang anumang bagay na espiritwal ay di-praktikal kailanman. Kataka-taka iyon, sapagkat, kabaliktaran ito sa Biblia.

Anumang bagay na espiritwal ay maisasagawa o praktikal! Ang anumang bagay na di-espiritwal ang siyang bulaan at di-maisasagawa, dahil hindi naman ito totoo. Kailangan nating pag-aralang baguhin ang ating pag-iisip. Kapag nangungusap ang Biblia tungkol sa isang bagay na espiritwal, kapag sinasabi nito ang tungkol sa malinis na puso sa espiritwal na kahulugan, ibig sabihin niyon na ganap na tunay ang pagbabago. Ibig sabihin niyon na anumang malinis o dalisay ay tunay. Totoo ito dahil malinis ito. At dapat naipapahayag ang kalinisan sa bawat aspeto sa buhay ng isang tao, at inaasahan ko, kahit na sa paraan ng inyong pananamit.

Iniisip ng ilang tao na napakabanal ang maging napakarumi, dahil nagpapatunay ito na hindi sila nag-aalala sa mga panlabas na bagay. Sinasabi nilang, "Kasasabi mo lang, ipinangaral mo ngayun-ngayon lang na ang panloob ang mahalaga at ang panlabas ay di-mahalaga. Kaya, kung hindi ko sinusuklay ang aking buhok, okey lang iyon. Kung hindi ko hinuhugasan ang aking buhok, kaya nagsisitayuan at naglalagkitan silang lahat doon, lubos akong espiritwal. Ang mahalaga ay malinis ako sa panloob." Kung bastos ako, hindi bale, kasi panlabas lang ang kabastusan. Sa totoo lang, napakabait ko sa panloob kong pagkatao."

Ngayon, ito ang uri ng bagay na hindi natin dapat ginagawang biru-biro kapag ipinapaliwanag ang mga salita ng Panginoon. Hindi ibig sabihin ng 'malinis na puso' na hindi na talaga mahalaga ang panlabas o hindi na mahalaga kung paano kayo kumikilos sapagkat talagang nasa puso ang lahat. Hindi! May napakalinaw at praktikal na pagsasagawa ang pagiging 'malinis na puso' sa Biblia. Ibig sabihin nito na naghihilamos kayo ng inyong mukha kahit na malinis kayo sa puso. Hindi lamang malinis ang inyong puso, malinis din ang inyong mukha. Iyon ang tinutukoy ng Biblia. Lubhang praktikal ito. Iyon ang dahilan kaya malinis din ang inyong mga kamay. Nasa Awit 24 din iyon: malilinis na kamay! Okey, alam kong ibig sabihin niyon na hindi kayo nagkakasala, ngunit nangangahulugan din iyon na maaari kayong maghugas ng inyong mga kamay sa literal na paggawa.

Isa itong patotoo kay Cristo kung maingat ang mga Cristiano kahit sa paraan ng pananamit nila. Ganoon kapraktikal ang Cristianismo. Nag-aalala ako sa ayos ng bawat manggagawang Cristiano. Maaari pang paunlarin ng ilang manggagawang Cristiano ang kanilang ayos. Mahalaga rin ang paglilinis o hindi ng inyong sapatos. Kapag malinis ang inyong puso, hayaan ding maging malinis ang inyong sapatos. At nasabi ko na maging malinis sa ibang mga bagay rin, sa praktikal na aspeto ng bawat buhay. Sa pagpunta sa isang Cristianong tahanan, inaasahan din natin na malinis ang tahanan. At hindi dapat sabihing, "Alam mo namang nasa loob ng puso ang kalinisan sa pang-espiritwal na aspeto, kaya kung mukhang tinumbang basurahan ang aking tahanan, hindi ito gaanong kahalaga, kasi ang mahalaga ay kung anong nasa puso."

Binibigyang-diin ko ang puntong ito, dahil iniisip ng napakaraming Cristiano na ang pagka-espiritwal ay panloob kaya hindi na mahalaga ang panlabas. At mula roon, maaari rin nating sabihin na hindi rin mahalaga ang pag-uugali. Hindi kataka-taka na di-kapani-paniwalang bastos ang ilang mga Cristiano at ilang mga pastor. Ngunit kapag pinuna ninyo ang kabastusan ng pag-uugali nila, sasabihin nilang ang kalinisan ng puso ang mahalaga. Gusto kong makita ang kalinisan ng puso sa Biblia sa inyong pag-uugali, sa paraang ipinapahayag ninyo ang inyong sarili, sa paraan ng pagdadala ninyo sa inyong sarili. Kaya sinasabi na, "Hayaang maging totoo kayo sa inyong pananalita."

At ipinagpatuloy pa iyon ng Panginoon sa Sermon sa Bundok: "Ngunit ang inyong pananalita ay maging "Oo" kung "Oo"! Ganap na totoo! Tunay na napakapraktikal ng Biblia! Ngunit hindi lang ito totoo sa siping ito. Sinasabi ito sa Kasulatan sa maraming paraan. Sa simula't sapul pa, nakikita natin na naipapahayag ang kalinisan ng puso sa pagkamasunurin sa Diyos. Nakikita ito sa lugod na pagsunod sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ganoon katiyak at katunay ito.

Isang Malinis na Puso, Isang Ganap na Puso
Ginagamit ang katawagang 'perfect heart' o "sakdal na puso" maraming beses sa Lumang Tipan. Ginamit ito halimbawa sa 1 Mga Hari 8:61, 2 Mga Hari 20:3 at maraming beses pa sa Biblia. Doon, matatagpuan na tinutukoy nito ang isang pusong banal at buong nakatalaga sa Diyos, at dahil buo itong nakatalaga sa Diyos, ipinapahayag nito ang sarili sa pagsunod sa Diyos.

Kaya, halimbawa, sa 1 Mga Hari 8:61, mababasa ninyo roon ang tungkol sa pagsunod nang buo ang puso, o pagsunod nang tapat ang puso. Ang salitang 'tapat' ay nangangahulugang buo: isang buong puso, na walang anumang paghahati-hati. Ibig sabihin ng malinis na puso, iniibig ninyo ang Diyos nang buo ninyong puso, hindi lamang ng ilang bahagi nito. Napakahalagang maunawaan iyon.

Sa 2 Cronico 25:2, itinukoy kay Haring Amasias na, "At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, ngunit hindi taos sa puso." Lubhang kapansin-pansin! Maaari ninyong gawin kung ano ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ngunit hindi taos sa inyong puso. Makikita kaya ng isang taong ganoon ang Diyos? Kung susundin nating mabuti ang turo ng Panginoon, hindi. Sinabi niya na ang makakakita sa Diyos ay ang may malinis na puso, ang tapat o taos sa puso. Ibig sabihin ng malinis ay walang dungis, sira o kamalian. Ito ay ganap na malinis. Walang mantsa, walang bahid. Iyon ang dahilan kaya tanging ang may pusong sakdal o ganap lamang - na buong nakatalaga sa Diyos - ang makakakita sa Diyos.

Ngunit sinabi rito na ginawa ni Amasias ang kung ano ang matuwid. Kataka-taka! Ginawa niya ang kung ano ang matuwid. Sa panlabas, ginawa niya kung ano ang matuwid, subalit sa panloob, hindi sakdal sa Diyos ang puso niya, hindi buo. Napakahalaga nito. Kung gayon, dapat nating ingatan ang pagkabalanse ng lahat ng bagay. Kailangang maging sakdal tayo sa panloob, ngunit dapat na makita rin iyon sa panlabas. Ngunit hindi maaaring panlabas lang; dapat maging sa kaloob-looban natin, buo tayong nakatalaga sa Diyos. Buo, sakdal, ganap - ibig sabihin ng lahat ng ito ay 'kalahatan', 'kabuuan'! Buong puso para sa Diyos! Iyon ang kung paano magiging isa ang inyong mata, isa ang inyong pangitain sa Diyos.

Panghuli, nangangahulugan din ito na maging tuli sa puso. Sinasabi rin sa Roma 2:29 ang tungkol sa pagtutuli sa puso. Gayundin sa Colosas 2:11. Ano ang ibig sabihin ng pagtutuli sa puso? Ito ay ang pagtatanggal ng laman mula sa puso. Ano ang kahulugan ng 'pagtatanggal ng laman mula sa puso'? Ibig sabihin, malinis sa espiritwal na hangarin. Ano ang malinis sa espiritwal na hangarin? Ibig lang sabihin nito na maging ganap sa pagsunod sa Diyos - walang pasubali sa pagsunod sa Diyos. Isa itong pagsunod na inuudyok ng pag-ibig para sa Diyos.

At dito tayo magtatapos. Naniniwala ako na ngayon, nauunawaan na natin kung paano tayo magiging malinis sa puso. Nauunawaan na natin kung ano ang puso at kung ano ang malinis na puso. Ang pagiging malinis sa puso ay ang paggawa ng kalooban ng Diyos nang buong-buo at ganap, walang pasubali. Nawa'y mangyari na matuto tayo, sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, na mabago ng kapangyarihan niya, at dumepende sa grasya niya upang magawa ang kalooban niya, upang sa Araw na iyon, makikita natin ang Diyos, mukha sa mukha.

Katapusan ng mensahe.

Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.