|
ChristianDisciplesChurch A Christian Evangelism and Discipling Ministry |
|||||||
|
|||||||
|
Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran (Blessed Are Those Who Are Persecuted for Righteousness' Sake) Mateo 5:10-12 - Ikawalo sa Isang Serye ng Sampung Mensahe tungkol sa 'Ang Mapapalad', Mensahe ni Pastor Eric Chang noong ika-11 ng Mayo, 1980 Sa araw na ito, tatalakayin natin ang Mateo 5:10-12, kung saan mababasa: "Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin. Magalak kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo." Sa kaugnayang ito, nais ko ring basahin ang kahalintulad na sipi sa Lucas 6, kung saan piniprisinta ang parehong katotohanan sa medyo ibang mga salita. Mababasa sa Lucas 6:22-23: "Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao. Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa," - literal kayong lumundag sa saya - "sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta." Sa bs. 26 naman, mababasa: "Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta." Dito nakikita natin na sa kahalintulad na sipi sa Lucas, nagsalita ng magagandang bagay ang lahat tungkol sa mga bulaang o di-totoong propeta. Samantalang tungkol sa mga tunay na propeta naman, nagsasabi sila ng masasama. Talagang nakakaaliw ang sitwasyong ito, dahil ipinapakita nito na hindi alam ng tao sa henerasyong ito kung sino ang tunay o sino ang mga bulaan sa mga propeta. Napapasailalim ang mga tunay na propeta sa paninira [slander], pamimintas [criticism], kaalipustahan [reviling] at katakwilan [rejection], ngunit maganda ang pagtanggap at pananalita ng lahat ng tao sa mga bulaang propeta. Binalaan ng Panginoong Jesus ang mga disipulo niya: "Mag-ingat kayo kapag magaganda ang sinasabi ng lahat tungkol sa inyo" dahil ito ang nangyari sa mga bulaang propeta. Itinuturing silang kapita-pitagan ng mga tao ng henerasyon nila, samantalang di-maganda ang pagtatrato at pananalita tungo sa mga tunay na propeta gaya ni Isaias, Jeremias at Ezekiel. Anong gustong ituro ng Panginoong Jesus sa atin? Naaalala ninyo ba ang unang 'mapapalad' o 'beatitude' sa bs. 3 na nagsimulang, "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit"? Nais kong pansinin ninyo ang kahalintulad nito sa "kaharian ng Diyos" sa bs. 10. Doon sinabi na, "kanila ang kaharian ng langit" at sa pagkakataong ito, itinutukoy ito sa mga inuusig dahil sa katuwiran. Ipinapakita nito na umikot tayo at bumalik doon sa mga tao kung kanino ang kaharian ng Diyos. Sa susunod na mensahe, pag-aaralan natin ang tungkol sa ayos at kahulugan ng pagsunod-sunod ng mga 'mapapalad' na ito, at kung anong espiritwal na kahulugan ng ayos na ito. Masasaya Yaong Mga
Naghihirap Tiningnan ko sila at sinabing, "Sila nga ang masasaya. Kayo ang dapat kaawaan." Nang sinabi ko iyon, nasa isip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus, "Masasaya - mapapalad - ang mga naghihirap dahil sa katuwiran." Sila ang mga binibiyayaan. "Kayong mga Cristianong taga-Kanluran," sinabi ko sa kanila, "kayo ang mga kawawa. Kayo ang dapat kaawaan." Kung masaya man o kaawa-awa, depende iyon kung paano ninyo titingnan ito. Kung titingnan ninyo ito mula sa anggulo ng espiritwal, dapat silang kainggitan sa mga espiritwal ng mga biyayang napapa-sa-kanila. Ngunit, siyempre, sanay ang simbahang tingnan ang mga bagay-bagay sa makamundong paraan. Anong magagawa ng makamundong iglesya kundi tingnan ang mga bagay-bagay mula sa makamundong paraan? At sa paggawa nito, siyempre, mararamdaman ninyong, "Kaawa-awa naman ang kundisyon nila! Sobra-sobra ang paghihirap nila! Kawawa! Terible ang nangyayari sa kanila!" Ngunit tinuturuan tayo ng Panginoon na mag-isip sa espiritwal na paraan. Kung tinitingnan ninyo ang mga bagay-bagay sa espiritwal na paraan, mararamdaman ninyong, "Napakapalad ang maghirap!" Sa isang sandali, makikita natin bakit napakapalad ng maghirap at gaano kalaking pribilehiyo ang maghirap! Napakasaya ko noong 1955 nang nasa Peking ako at nakadalo sa iglesyang pinamumunuan ni Wang Ming Tao. Naaalala ko kung gaano kalinaw niyang sinabi na, "Hindi ako karapat-dapat na magdusa para sa pangalan ni Cristo. Ngunit kung ibibigay ng Diyos sa akin ang pribilehiyong ito, bibilangin ko itong malaking biyaya." "Mapapalad ang mga naghihirap" - naintindihan ni Wang Ming Tao mabuti ang leksiyon. Isa itong pribilehiyo at hindi niya itinuring ang sarili niya bilang karapat-dapat sa napakataas na pribilehiyong ito. Narito ang pagkakaiba ng pag-iisip sa espiritwal na paraan at pag-iisip sa makalamang paraan. Kung mag-iisip kayo sa paraang makalaman, kakaawaan ninyo ang mga naghihirap. Kung nag-iisip kayo sa espiritwal na paraan, gaya nang ginawa ni Wang Ming Tao, kung gayon, ituturing ninyong pribilehiyo - isang mataas na pribilehiyo - ang magdusa para sa pangalan ni Cristo, dahil sa katuwiran. Ang Kahalagahan ng
Paghihirap sa 'Rabbinic' na Katuruan O isipin si Abel. Inusig si Abel ng kapatid niya; pinatay pa siya ng kanyang kapatid. Ngunit pinili ng Diyos si Abel at hindi si Cain. O isipin si Isaac, sabi ng mga Judiong maestrong ito. Inusig si Isaac ng mga Filisteo, gaya ng mababasa natin sa Genesis 26:27. At pinili ng Diyos si Isaac, siya na inusig. Tingnan si Jacob. Parati na lang inuusig si Jacob ni Esau. At pinili ng Diyos si Jacob, hindi si Esau. "Si Jacob ay aking minahal, ngunit si Esau" - ang mang-uusig - "ay aking kinasuklaman." [Roma 9:13] Pagkatapos tingnan kung sinong pinili ng Diyos. Pinili niya si Jose [Joseph] - inusig si Jose ng mga kapatid niya. Pinili ng Diyos si David, at inusig ni Saul si David. At marami pang halimbawang ganito sa Lumang Tipan. Napansin kahit ng mga 'rabbi' na pinili ng Diyos ang mga inuusig. Sa ibang salita, yaong mga inuusig ang siyang pinili ng Diyos. Yaong mga pinili ng Diyos ang siyang inuusig. Parating may ganitong kaugnayan. Napansin din ng mga Judiong guro na lahat ng mga ihinahandog na hayop sa Lumang Tipan ay mga hayop ng kapayapaan. Anong mga ito? Naroon ang tupa, ang baka at ang 'heifer' o batang baka - lahat ng mga ito ay mga hayop ng kapayapaan. Hindi agresibo ang mga hayop na ito. Sila yaong parating inaatake ng ibang hayop, gaya ng leon, leopardo at lobo. Nakakita na ba kayo ng leong inihandog sa templo, o isang lobo o isang leopardo? Hindi. Hindi tatanggapin ang mga hayop na ito upang maging handog. Bakit? Mga hayop sila ng kamatayan, ng pagkaagresibo, hindi ng kapayapaan. Ngunit ang mga hayop ng kapayapaan ay mga hayop ng handog. Ngayon, nakikita ninyo ang ugnayan sa mga mapagpayapa: "Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos." Iniuugnay ito agad-agad sa "Mapapalad ang mga inuusig" dahil ang mga mapagpayapa ang siyang uusigin. Ang mga mapagpayapa ang siyang pinaka-gaya-ni-Cristo. Bakit kinuha ni Jesus ang krus niya at naghirap? Sinasabi ng Colosas 1:20 sa atin: upang "gumawa ng kapayapaan" para sa atin "sa pamamagitan ng kanyang krus." Bakit tayo tinawag na kunin ang krus at sundan si Jesus? Upang maging mga mapagpayapa tulad niya. Upang gumawa ng kapayapaan sa pamamagitan ng ating pagdadala ng krus. Hindi ito dahil kaya ng ating krus na maitaguyod ang kapayapaan o maging dahilan ng pagpapatawad sa kasalanan gaya ng nagawa ng krus ni Jesus, ngunit dahil dapat tayong sumunod sa kanyang yapak. Binigyan din tayo ng ministeryo, sabi ni Pablo, ng pakikipagkasunduan. Binigyan tayo ng ministeryong ito ng pakikipagkasunduan, ng pagiging mga mapagpayapa, gaya ng mababasa natin sa 2 Corinto 5:18-19 at kasama sa ministeryong ito ang paghihirap. Uusigin ang mga Banal Narito ang sagot, maaaring hindi ang sagot na gusto natin, ngunit ito ang sagot na ibinibigay ni Jesus. "Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran, dahil kanila ang kaharian ng Diyos." Paano natin kung gayon mamanahin ang kaharian ng Diyos? Sinu-sino ang magmamana ng kaharian ng Diyos? Yaong mga inuusig dahil sa katuwiran! Sino kaya ang mga taong inuusig dahil sa katuwiran? Sila yaong mga dukha sa espiritu (na buong dumedepende sa grasya ng Diyos dahil dukha sila; wala sila ng anuman sa sarili nila), na nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran, na mahabagin sa iba, na mga mapagpayapa. Pare-pareho ang lahat ng mga taong ito. Hindi tinutukoy ng mga 'mapapalad' na ito ang iba't ibang tao. Pare-pareho ang mga taong ito na may iba't ibang mga aspetong ito. Ibig sabihin nito, kung magsisimula kayo sa simula, kung handa kayong maging dukha sa espiritu, kung nais ninyo ang katuwiran hanggang magutom at mauhaw kayo para rito, kung nakahanda kayong maging mga mapagpayapa, kung mahahabagin kayo, kayo ay uusigin. Huwag magkamali rito. Uusigin kayo. Sinabi ni Apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:12 ang mga napakahalagang salitang ito: "Uusigin ang lahat ng namumuhay nang banal kay Cristo Jesus." Hindi ninyo kailangang hanapin ito. Darating ang pag-uusig sa inyo sa kalaunan o sa kalapitan. Napakaimportante niyon dahil kung hindi pa kayo nakakaranas ng pag-uusig kailanman, makakasiguro kayo sa isang bagay: may mali sa inyong pagiging Cristiano! Pinagpapala tayo kung inuusig tayo. Pinagpapala tayo kung naghihirap tayo. Bakit? Hayaang sabihin ko sa inyo ang isang bagay. Hindi mag-aaksaya ng panahon si Satanas kung hindi ninyo siya bibigyan ng gulo. Hindi man lang niya kayo pag-uukulan ng pansin para usigin, dahil hindi ninyo man lang siya binibigyan ni katiting na gulo. Hindi ninyo siya binibigyan ng sakit ng ulo, bakit niya kayo uusigin? Hindi kayo isang sanhi ng gulo para sa kanya. Uusigin ni Satanas yaong nagbibigay sa kanya ng malalaking gulo o yaong alam niyang magbibigay sa kanya ng gulo. Bakit niya uusigin yaong hindi naman nagbibigay sa kanya ng gulo? Nakikita natin na isa sa mga dahilan kung bakit malaking pagpapala ang usigin: dahil pinapatunayan nito na binibigyan ninyo si Satanas ng maraming gulo sa pamamagitan ng kabanalan ng inyong buhay. Hindi iyon dahil mas malakas ang boses ninyo kaysa sa iba o dahil mas kaya ninyong magsalita nang mahusay kaysa sa iba. Hindi nag-aalala si Satanas tungkol sa mga taong mahilig magsalita - dahil madalas, kayabangan lang ito. Ang mga taong may buhay na nagsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos, na nagpapakita ng kagandahan ni Cristo, ang siyang gumugulo sa kanya. Ang uri ng taong ito, sinasabi sa atin ni Pablo sa 2 Timoteo 3:12, na namumuhay nang banal, na gaya ni Cristo sa kanilang buhay, ang siyang siguradong daranas ng pag-uusig. Hindi kayo makakatakas. Hindi ako makakatakas. Kung hindi ninyo gustong dumanas ng pag-uusig, sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus nang tapatan, "Huwag kayong maging Cristiano. Huwag kayong maging isang maka-Bibliang tipo ng Cristiano. Huwag kayong maging tunay na disipulo, dahil kung magiging tunay na disipulo kayo, daranas kayo ng pag-uusig. Garantisado ito para sa inyo." Kaya nga sinabi ng Panginoong Jesus na kung hindi kayo handang dalhin ang inyong krus at sundan siya, kung hindi kayo handang maghirap, kung gayon, hindi kayo maaaring maging disipulo niya. Hindi kayo makakatagal. Ang Paghihirap ang
Pintuang-daanan Papasok sa Kaharian ng Diyos Mababasa natin sa bs. 19 na "...dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio" at "kanilang pinagbabato si Pablo at kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na." Tumanggap ng maraming pag-uusig si Pablo lalo na mula sa mga Judio. "Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe. Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra," kung saan siya pinagbabato - "sa Iconio at" - at sa huli'y bumalik sa - "sa Antioquia, na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos." Paano kayo papasok sa kaharian ng Diyos? Sa pamamagitan ng maraming kapighatian! Ngayon, isang napaka-malarawang paraan ito ng pananalita tungkol sa pinag-uusapan. Tinukoy ang mga kapighatian bilang ang 'gate' o pintuang-daan na pagdaraanan upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Kailangan ninyong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagdaan sa mga kapighatiang iyon. Ang mga kapighatian, pag-uusig at paghihirap ang pintuang-daanan tungo sa kaharian ng Diyos. Ngayon, halos katulad niyon ang sinabi ng Panginoong Jesus mismo sa Lucas 13:24 nang sinabi niyang magpursigi at pumasok sa makitid na daan. Magpursiging pumasok! Paano? Saan? Sa makitid na pintuan! Papasok saan? Sa kaharian ng Diyos! Paano? Sa makitid na pintuang-daan! Ano ang makitid na pintuang-daan? Iyon ang makitid na pintuang-daan ng pag-uusig, ng pagpapasakit, ng paghihirap. Hindi nililinlang ng Panginoong Jesus ang sinuman. Hindi siya kagaya ng maraming mamamahayag na gustong balutan ang gamot ng matamis at itago ang mga katotohanan, at sabihing, "Basta't maging Cristiano at magiging maganda at kalugud-lugod ang lahat. Magiging mabuti ang lahat! Ang kailangan ninyo lang gawin ay maging Cristiano!" Sinabi ng Panginoong Jesus, "Hindi, hindi. Hayaang sabihin ko sa inyo ang totoo. Nais ninyo bang pumasok sa kaharian ng Diyos? Gusto ninyo bang pumasok sa buhay na walang hanggan? Ang pintuang-daan ay sa pamamagitan ng paghihirap. Maganda sa loob, ngunit hindi magiging madali ang pumasok. Makitid ang daan na ito at kailangan ninyong magpursigi - literal na nangangahulugan ang salita sa Griyego ng "magpasakit" - upang makapasok. Ang pagtawag ay ang pagtawag ng paghihirap. Ito ang pintuang-daanan tungo sa kaharian ng Diyos. Walang sinuman ang dapat mapasa-ilalim ng anumang mapanlinlang na larawan tungkol dito. Totoo na sa loob ng kaharian ay buhay, ngunit ang daan papasok dito ay marahil sa pagdaan sa kamatayan. Paano pa ba natin maipapahayag ang katotohanan maliban sa paraang sinabi ng Panginoon, "Mapapalad ang mga inuusig" - yaong mga naghihirap - "dahil sa katuwiran, sapagkat sa kanila ang kaharian ng Diyos." Ang kaharian ng Diyos ay mapapa-sa-kanila. Pitong Dahilan Bakit
Mahalaga ang Paghihirap Dito hindi natin pinag-uusapan ang paghihirap sa pangkalahatang diwa. Hindi ko tinutukoy rito ang tungkol sa paghihirap na nangyayari sa atin sa kahinaan ng kalusugan dahil, kung tutuusin ang lahat, hindi lang naman mga Cristiano ang may mahihinang kalusugan; may mga di-Cristiano ring mahihina ang kalusugan. Walang kailangang pag-usapan tungkol sa ganitong uri ng paghihirap. Ibig kong sabihin, hindi lang ako ang may mahinang kalusugan; may mga di-Cristiano ring mahihina ang kalusugan. Hindi ito natatagpuan sa mga Cristiano lang. Walang espesyal dito. Kahit na ang kahinaan sa kalusugan ay hindi dahil sa katuwiran, mapapagtiisan ko ito sa isang espiritwal at gaya-ni-Cristong paraan. Kung paano ninyo pagtitiisan ang pagsubok na iyon ang kaibahan ng isang Cristiano at ng di-Cristiano. Ang Cristianong umuungol at nagrereklamo sa tuwing may paghihirap na dumaraan sa buhay ay hindi karapat-dapat maging Cristiano. Hindi naiintindihan ng taong iyon ang espiritwal na kahalagan ng paghihirap. Dito, pinag-uusapan natin ang paghihirap na para sa kapakanan ng katuwiran. Dumarating sa atin ang paghihirap na ito dahil sa ating banal na buhay, dahil sa katuwiran sa ating buhay, iyon ay, dahil sa kapakanan ng katuwiran. Nais kong ibahagi ang pitong punto mula sa Kasulatan tungkol sa espiritwal na kahalagahan ng paghihirap upang magsaya tayo sa pagdating nito, na naaalala na ito ang pintuang-daan sa kaharian ng Diyos. 1) Naghihirap Tayo
Dahil Hindi Tayo Mula sa Mundong ito Sinabi ng Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo sa Juan 15:19: "Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya." Hindi nila kayo uusigin dahil sa kanila kayo. Hindi nila kayo uusigin. "Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan." Kinapopootan kayo ng sanlibutan dahil hindi kayo taga-sanlibutan. Kung taga-sanlibutan kayo, hinding hindi nila kayo uusigin. Mamahalin nila ang kanila. Ngunit dahil hindi kayo taga-sanlibutan, iyon ang dahilan bakit kinapopootan nila kayo, bakit nila inuusig kayo. Sa madaling-salita, inuusig kayo bilang Cristiano dahil nasa sa inyo ang marka na hindi kayo taga-sanlibutang ito. Paano ninyo taglay ang marka? Sa katuwiran sa inyong buhay! Hindi kayang matagalan ng sanlibutan ang katuwiran dahil inilalantad ng katuwiran ang di-katuwiran. Inilalantad nito ang kasalanan ng mundo. Napapansin ninyo ba na naiilang nang husto ang isang makasalanan sa presensya ng makatuwirang tao? Bakit? Dahil hinahatulan na siya ng buhay ng makatuwirang tao! Hindi kumportable ang sanlibutan sa presensya ni Jesus dahil tahimik na inilantad ang mga mali nila sa pamamagitan ng buhay niya, dahil naramdaman nila ang pag-aalinlangan na makasama ang isang napakatuwid. Napansin ninyo na ba na kung madumi ang suot ninyo at pumunta kayo sa presensya ng ibang nakasuot ng magaganda't malilinis na damit, maiilang kayo; iisipin ninyong hindi kayo dapat naroon. O, kung may isang kalakihang pagkukumpol ng mga tao na nakadamit sa napakaruming paraan, tapos may sumali na nakasuot ng togang puti na walang-bahid, matatanto ng lahat ng iba na, "Ay! Napakarumi ko!" Bakit? "Ngayon ko natanto ito dahil nakikita ko ang kaputian ng suot ng taong iyon." Kung kaisa kayo sa kanila, hindi nila mapapansin ang kaibahan. Ngunit dahil hindi kayo kaisa sa kanila, kaya kinapopootan nila kayo, inuusig nila kayo. Parating nais ng sanlibutan na puwersahin ang mga tao sa kanilang gawi, na gawin ang mga bagay-bagay sa kanilang paraan. Napansin ninyo ba na sa buong buhay ninyo, sa buong buhay ko, napasailalim tayo sa mga pamimilit ng mundong ito? Gusto nilang mag-isip kayo sa paraan nila. Hindi nila maintindihan kung bakit hindi kayo nag-iisip sa paraan nila. Para sa kanila, ang tanging mahalaga sa buhay ay ang pera. Pera, pera - lahat na lang ay pera. Hindi nila maintindihan ang taong hindi itinuturing ang pera bilang napakahalaga. Hindi nila kayo maintindihan. Gaya nang prangkahang sinabi ng ama ng isa sa ating mga 'co-workers', "May communication gap kami kasi hindi pareho ang mga pinapahalagahan namin." Hindi niya maintindihan bakit ayaw ng isang grupo ng mga propesyonal, ng mga may-pinag-aralan at kayang magkapera sa mundong ito, na magtrabaho para magkaroon ng maraming pera! Sa halip, anong ginagawa nila? Pinag-aaralan nila ang Biblia! Para sa taong taga-sanlibutan, hindi ito mainti-intindihan. Wala itong kabuluhan, dahil lahat ng tao, gustong magkapera. Nagdudulot ang pera ng kapangyarihan. Nagbibigay ito ng karangalan sa lipunan. Naghahandog ito ng kasiyahang materyal; kaya ninyong tumingin sa magagandang color TV at magmaneho ng magagarang kotse. At narito ang mga taong ito na mga propesyonal naman - na may kakayaha't katalinuhang gawin ang mga bagay na ito, ngunit hindi nila ginagawa ang mga ito. Hindi kayang maintindihan ito ng mundo. At isa pa, nakakainis ito para sa kanila dahil kahit papaano hinahatulan nito sila sa anong pinapahalagahan nila. Sinasalungat nito ang 'sense of values' nila. Sinasabi nito sa mundo, "Balewala ang mga pinapahalagahan ninyo. Balewala para sa amin ang pag-ibig ninyo sa mundong ito. Lahat ng napakahalaga sa inyo, ang masasabi ninyong pinakaimportanteng bagay sa buhay ninyo, balewala ang mga ito para sa amin." Ito ang marka ng Cristiano: hindi sila nabubuhay para sa mundong ito, ngunit para sa mundong darating. Hindi sila nabubuhay para sa di-makatuwirang pera, ngunit para sa katuwiran. Hindi maintindihan ito ng mundo. Hinuhusgahan sila ng mga bagay na ito! Sa madalian o kalaunan, kapag ganito kayo namumuhay, uusigin kayo. Una, sisimulan nilang magsabi ng masasamang bagay tungkol sa inyo. Dahil, kung tutuusin, ginawa nila iyon sa Panginoong Jesus. Terible ang mga itinawag nila sa kanya: "Sira-ulo siya. Sinasaniban siya ng demonyo. Wala na siya sa tamang pag-iisip" at kung anu-ano pa. Kung sinabi nila iyon tungkol sa ating Panginoon, dapat pa ba nating asahang iba ang itatrato sa atin? Kaya, ang unang bagay at ito: ipinapakita ng paghihirap na taglay natin ang marka ng isang Cristiano. Sa ganitong paraan lang tayo uusigin ng mundo. Kung nag-iisip kayo tulad ng mundo, kung nag-aasal kayo tulad ng mundo, kung nagsasalita kayo tulad ng mundo, hindi kayo uusigin ng mundo. Bakit pa? Isa kayo sa kanila. Ngunit kapag iba kayo, sisimulan nila kayong kapootan dahil ipinapakita ng inyong kaibahan ang mga kasalanan nila; at uusigin kayo. 2) Ginagawang Dalisay
ng Paghihirap ang Ating Pananampalataya O, kayang-kaya nating lahat na maging Cristiano kapag pagpapasarap ang ibig sabihin nito, halimbawa, kapag ang pagiging Cristiano'y nangangahulugan nang pagpunta sa isang BBQ kasama ng iglesya. Sino bang hindi kayang maging Cristiano sa ganoong okasyon? Gusto nating lahat ng mga BBQ. Kung ang pagiging Cristiano'y nangangahulugang lahat tayo'y puwedeng pumunta sa isang 'special tour' sa Israel, sa 'Holy Land', na nababasa ko sa mga Cristianong magasin, eh di, kaya nating lahat na maging Cristiano. Sino ba ang may ayaw pumunta at mag-tour sa Holy Land o sa Greece o sa Turkey, kung saan nagpahayag noon si Pablo. Sa gayong kalagayan, masarap maging isang Cristiano. Masarap maging Cristiano dahil lahat ng mabubuting taong ito, parati nila kayong ine-encourage, at ngumingiti sa inyo, at pinapalakas ang loob ninyo. O, masarap maging Cristiano kapag puwede tayong lahat uminom ng tsaa pagtapos ng serbisyo; napaka-nakaka-relaks. At lahat ng mga Cristiano, gaya ng mga kapatirang babae sa iglesya, parati silang gumagawa ng masasarap na cake. Ah! Napakasarap maging Cristiano! Sinong sasalungat sa pagiging Cristiano? Sa mga kundisyong iyon, puwede tayong lahat na maging Cristiano. Napakasarap maging Cristiano kasi tuwing Linggo, puwede nating isuot ang pinakamagagarang damit natin. Maaari nating isuot ang magagandang kurbata natin sa iglesya. Napaka-espesyal na araw ito na maganda ang ating pakiramdam sa pagiging nasa iglesya sa Linggo. Kung hindi kayo pumunta sa iglesya, para bang may kulang. At tama naman, may na-miss talaga kayo. Pero, sa gayong kalagayan, nakaka-engganyo maging Cristiano. Pero maghintay! Maghintay hanggang inuusig na kayo bilang Cristiano. Nagtataka ako kung ilan ang mananatiling Cristiano. Gayon ang uri ng Cristianismong mayroon kami sa Tsina noon - yaong uri ng magandang Cristianismong pang-Linggo, magagandang building, magagandang electric o ibang uri ng organ. Magagarang pook-sambahan na may mga stained-glass window o pinalamutiang babasaging bintana! Dito sa kinaroroonan natin ngayon, nahuhulog na ang kisame. Wala ito kumpara roon sa mga simbahan namin sa Shanghai. Napakaganda ng mga simbahan namin sa Shanghai. May karpet pa nga kami! Hindi man lang maganda itong narito. Makakahanap kayo ng mga pook-sambahan kung saan may magagandang karpet, kumportableng mga upuan at ang buong kapaligiran ay napaka-cozy at kalugud-lugod. Pagkatapos dumating sa Shanghai ang mga Comunista. A, oo, napunta na ako sa simbahan nang isa o dalawang beses kasama ang mga magulang ko. Tinawag itong 'Community Church of Shanghai' [Pang-komunidad na Iglesya ng Shanghai]. Isa itong napakagandang lugar. Napakahalina ng harding nasa labas na may rosas at iba pang mga bulaklak. Ang gaganda ng mga salamin sa bintana. May magandang organ sa loob, na magaling ang tunog, at alam na alam ng tagapagtugtog nito kung paano ito patugtugin nang napakaganda. Magagara ang suot ng lahat. Napakagalang nilang lahat. O, ang daming mabubuting tao sa simbahan. Tapos, dumating ang mga Comunista. Hindi magara ang mga suot ng mga Comunista. Nakasuot sila ng mga unipormeng berde at nakarolyo ang mga manggas nila. May medyo luma't di-magandang pagkaka-plantsang gora o cap sila sa ulo na may pulang bituin doon. Madalas ko silang pinapanood na nagmamartsa papasok sa Shanghai. Marurumi silang mga tao na may mga sinturon para sa baril nila at maraming bala at granadang nakasabit kung saan-saan. Hindi man lang sila kamukha kahit papaano ng mga sundalong maaayos at kalugud-lugod tingnan na nasa TV. Nagmartsa sila roon na may iba't ibang uri ng mga armas. May ilang may dala ng lumang-klaseng baril ng Hapon. May ilang nakasuot ng helmet ng Hapon; may ilan namang nakasuot ng helmet ng America; at may ilan pa ring nakasuot ng mga helmet na galing kung saang lupalop man nila ito nahanap. At sasabihin ninyong, "Anong klaseng hukbo ito?" Ang kaisa-isang alam nilang gawin ay ang lumaban. Dumating sila sa mga pook-sambahan at nagsialisan ang mga Cristianong nakasuot ng magagarang damit. Nang dumating ang mga Comunista, nasaan ang mga Cristiano? O, hindi nila gustong matagpuan sa simbahan kasi magiging kahiya-hiya iyon. Naglaho lahat ng mga pang-Linggong Cristiano! Napakaliit ng grupong natira. Hindi sila nakasuot ng magagara dahil hindi nila kayang bumili ng magagarang damit. Ang natirang grupo ay ang tunay na mga Cristiano. Ginagawang dalisay ng paghihirap ang iglesya dahil ginagawang dalisay nito ang pananampalataya. Tinatanggal nito ang mga di-tunay! Pagkatapos, simula kong nakita ang mga tunay na Cristiano. Hanggang sa oras na iyon, ayaw kong maging Cristiano, hindi dahil ayaw ko ng magagarang damit, ngunit kung iyon lang ang ibig sabihin ng Cristianismo, hindi ako interesado roon. Ngunit nang makita ko kung anong natira pagkatapos sunugin ng apoy ng Comunismo ang nasa mga simbahan, nabuksan ang aking mga mata. At saka ko lang nasabi, "Mga tunay na Cristiano ito. Ngayon ko nakikita ang kaibahan ng tunay at di-tunay." Bago roon, hindi ko alam kung sino ang tupa at kung sino ang kambing. Hindi ko mapaghiwalay sa aking isipan kung alin ang tunay na ginto at kung alin ang pekeng dilaw na lata lang. Ngayon, nakikita ko na ang kaibahan. Ang kahalagahan ng apoy o ng paghihirap ay ito: ginagawang dalisay nito ang pananampalataya. Hindi ninyo ba dapat i-welcome ito? Hindi ba't dapat naisin ito? Hindi ba't maganda ito? Ang mga taong nanatili sa iglesya - sila yaong inalam ang magugugol o nag-'count the cost' sila, at nagnais na magpatuloy. Sila ang mga katulad ni Henry Choi na madalas kong naibabahagi sa inyo. Maaari siyang makapunta sa Kanluran at bilang isang 'research chemist' o nananaliksik na kemiko, kaya niyang magkaroon ng magandang kabuhayan. Sinubukan ng ama kong pilitin siyang umalis dahil malaki ang respeto niya sa taong ito. Sinabi ng ama ko: "Umalis ka na! Pumunta ka na sa Kanluran! Magtaguyod ka ng magandang kabuhayan para sa sarili mo." Sinagot ni Henry, "Hindi. Narito ang iglesya; dito ako mananatili." Hindi ko makalimu-limutan gaano ang utang ng loob ko sa kanya, dahil, kung umalis siya ng Tsina, hindi siguro ako nakatayo rito upang magpahayag ng Salita ng Diyos sa araw na ito. Malaki ang utang ng loob ko sa kanya dahil tinanggihan niyang lumisan. Nakahanda siyang pagtiisan ang apoy, na alam na alam na sa kalaunan, susunugin din siya nito. At hindi nagtagal ang paghihintay. At kaya, iyon ang apoy na nagpapadalisay ng pananampalataya. 3) Ang Taong Nagdurusa
ang Siyang Tapos na sa Kasalanan Ngayon, anong ibig-sabihin nito? Naiintindihan ito ng mga taong tulad ni Henry. Siyempre, ang mga taong handang tiisin ang paghihirap ang siyang tumatanggi sa pang-aakit ng laman. Ang pagpunta sa Kanluran ang pang-akit sa laman - upang magkaroon ng mabuting kabuhayan, upang magkaroon ng seguridad, at upang makatakas mula sa pag-uusig na alam niyang darating sa kanya. Siya yaong siguradong buong-buo at gising-sa-isip na nagtatakwil sa pang-aakit ng laman. Gustong gusto ng laman ang mga bagay na ito - sa seguridad, kayamanan, pagtingala ng tao - na dumarating sa mga taong tulad niya. Magagaling, matatalino at may kakayahang mang-imbento ang mga taong ito, gaya ni Henry na nakakaimbento ng maraming bagay. At kahit na hindi siya kailanman lumabas mula sa Tsina, nakakapagsalita siya ng Ingles nang walang punto o accent. Ang galing niya! Hindi ko alam kung paano niya ginagawa ito. Marami nang nakapag-abroad, nanirahan at nag-aral pa roon na di-makapagsalita ng Ingles nang walang punto, samantalang siyang hindi nakalabas mula Tsina, kayang-kaya niyang magsalita ng Ingles nang walang mali. Kung hindi ninyo nakita ang mukha niya, iisiping ninyong nakikinig kayong nagsasalita ang isang Americano. Ngunit hindi man lang siya nakalabas mula sa Tsina. Isa siya sa mga taong ma-abilidad at matalino, pero hindi man lang siya naaakit ng mundo. Ni ng pag-aasawa! Gaya ng nasabi ko sa ilan sa inyo, tinanggihan niyang mag-asawa upang makapagsilbi siya sa Panginoon nang walang humahati sa kanyang atensiyon, dahil alam niyang maghihirap siya. Sinabi niya sa akin, "Kung maghihirap ako, mas gusto kong maghirap nang mag-isa, na hindi ko kailangan pang isipin ang mga paghihirap na idudulot nito sa aking asawa't anak." Ihinanda niya ang isip niya nang buo para sa sakripisyo kaya hindi na siya nag-asawa, kahit na napaka-kaaya-aya niyang lalaki. Kaya, nakikita natin mula sa mga bagay na ito na tumigil na sa pagkakasala ang taong naghihirap, sa diwang tinalikuran na niya ang kasalanan, ang mundo at ang laman. Ang taong nagdesisyon nang nakadilat ang mata at gising ang isip na masaya niyang tatanggapin ang kahirapan sa kapakanan ni Cristo ay siyang tunay na tapos na sa kasalanan sa isip niya. Hindi nito ibig-sabihin na hindi na siya nagkakasala, kundi pinutol na niya ang ugnayan sa kasalanan. Malaki ang pagkakaiba nito. Kaya, nakikita natin na ito ang uri ng taong nakakaintindi ng kahalagahan ng paghihirap, dahil alam nila na hindi lamang nito sinusubukan ang kadalisayan ng kanilang pagtatalaga o commitment, ngunit napapalakas din sila nito, sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, na wasakin ang kapangyarihan ng kasalanan sa buhay nila. Ginagamit nila ang paghihirap sa pagwasak sa kasalanan sa buhay nila. Nagiging instrumento ang pagdurusa para sa espiritwal nilang paglago. 4) Dinadala Tayo ng
Paghihirap sa Pagpapasakop sa Diyos Maliban na lang kung nakahanda kayong mamuhay nang buong nasa ilalim ng kalooban ng Diyos - hindi sa inyong kalooban kundi sa kalooban ng Diyos - hinding-hindi ninyo tatanggapin ang paghihirap. Hindi ninyo ito matatanggap. Lalaban kayo. Sisipa kayo. Uungol kayo't magrereklamo. Ngunit tingnan kung anong ginawa ni Jesus: ipinasailalim niya ang buhay niya sa kalooban ng Diyos nang lubos, na tinanggap ang paghihirap nang may kagalakan - hindi dahil wala nang magagawa pa, kundi talagang may galak. Napakaimportante niyon. Binibigyan tayo ng paghihirap ng mismong pagkakataong iyon na magpasailalim ng kalooban ng Diyos nang may kalugud-lugod na pagtanggap nito. Napakalaki ng espiritwal na kahalagahan ng paghihirap dahil tunay na sa pamamagitan ng ganitong uri ng paghihirap na nababasa natin sa Hebreo 5:8 na natuto ang Anak mismo ng pagsunod, ng pagpapasailalim sa kagustuhan ng Diyos. Nangaral ako tungkol dito noong huling Easter. Ngunit hindi tumitigil na mangusap ang bersikulong ito sa puso ko: "Bagama't siya'y isang Anak," - na isang Anak ng Diyos si Jesus, o mas tama: na Anak ng Diyos, dahil wala ang 'isang' sa Griyego; walang 'indefinite article' o 'di-tiyak na pantukoy' ang Griyego. Walang 'a' o 'an' na katumbas sa Ingles. "Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natutuo ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis". Kung natutuo ang Anak ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis, ng paghihirap, gaanong mas dapat tayong matuto ng pagsunod sa pamamagitan ng paghihirap? Paano kayo natututo ng pagsunod? Sa pamamagitan ng paghihirap, ng pagtitiis! Isang eskuwelahan ang paghihirap kung saan natin natututunan ang pagsunod. Saan natin matututunan ang pagsunod kung hindi natin kailangang magtiis? Ang paghihirap ang mismong nagtuturo sa atin ng pangangailangang sumunod. Sa gitna ng paghihirap, doon tayo natututong sumunod. 5) Dumarating ang
Espiritwal na Pagkasakdal o Maturity sa Pamamagitan ng Paghihirap Isinaad ng Panginoong Jesus ito sa ibang paraan sa Mateo 13, sa Talinghaga ng Manghahasik. Sa Mateo 13:5-6 sinabi niyang natuyot ang [halamang mula sa] butong nahulog sa mabatong lupa nang sumikat ang araw, dahil wala itong gaanong ugat. Hindi ito nakarating sa kaharian ng Diyos. May mga nakatanggap ng buto ngunit hindi nakarating sa buhay na walang hanggan, dahil natuyot sila bago sila nakarating sa paggapas. Hindi nila nakamtan ito, kahit na natanggap nila ang buto. Ngayon, ano ba ang araw na nagpatuyot dito? Sa bs. 20-21, sinabi ng Panginoong Jesus na ang araw ay ang mga pag-uusig at pagsubok na dumarating sa isang taong nakakatanggap ng salita ng Diyos. Kaya, masdan ito: ang araw na nagpapatubo sa trigo - sa malusog na trigo na may ugat upang tumubo - ay siya ring nagwawasak sa mga walang ugat. Ang araw, na masasabing pag-uusig, ay buhay sa isa at kamatayan sa isa naman. Ang araw ang siyang nagdudulot ng pagkagulang sa mga halaman. Kung wala ang araw, gaya ng alam ng sinumang magsasaka, hindi makakarating ang mga halamang ito sa pagkagulang. Ngunit, ang parehong araw na iyon na nagdudulot ng pagkagulang at pagtubo sa mga butong may ugat, ang mismong nagdadala ng kamatayan at kawasakan sa mga buto na hindi nagka-ugat sa katuwiran o righteousness. Kaya, dito, natatagpuan natin na ang pag-uusig, gaya ng araw, ang siyang nagbibigay pagkagulang, iyon ay, pagkahinog sa ani. Sa parehong paraan, dapat makahantong tayo sa pagkagulang sa pamamagitan ng nakasusunog na apoy, sa pamamagitan ng init ng araw. Kung may ugat tayo, iyon ang ginagamit upang makahantong tayo sa sakdal na pagkagulang, hindi para mawasak tayo. Iniisip ko lang kung nagkaroon na kayo ng pagkakataong makausap ang mga alagad ng Diyos na nagdusa. May nakausap na ba kayong isang alagad ng Diyos na naghirap? Mapapansin ninyo ang pagiging magulang at malalim niya na di-matatagpuan sa mga mamamahayag na galing diretso mula sa mga seminaryo, na wala pang dinaraanang pagdurusa para kay Cristo. May kalidad sila na kakaiba. Nang kinausap ko si Wang Ming Tao sa Peking, naramdaman ko ang kalaliman at kapangyarihan ng taong ito dahil marami siyang pinagdaanang mga pagdurusa para kay Cristo. Naghirap na siya noong sinakop ng Japan ang China. Nagdusa muli siya nang dumating ang mga Comunista. Naghirap siya sa kamay ng lahat. Pero kapag kinausap ninyo ang taong ito - kapag kinausap ninyo si Wang Ming Tao - mapapansin ninyong may kalaliman, may pagkagulang na hindi ninyo matatagpuan sa iba. Kung tutuusin ang lahat, nakausap ko na ang maraming propesor ng teolohiya at maraming teologo sa kapanahunan ko. May kaibahan sa kalidad na di-maikukumpara. Para itong pakikipag-usap sa mga taong galing sa ibang mundo. Ang isa'y may kaalamang naipon sa ulo; ang isa nama'y may yamang espiritwal at kalaliman at maturidad. Isang pribilehiyo ang makipag-usap sa mga taong gaya nito, kay Wang Ming Tao, kay Yang Zi Jie, kay Li Han Wen. Mga alagad ng Diyos sila. Ito ang mga taong nag-mature sa ilalim ng pagdurusa. May malaking kaibahan sa kalidad ng mga taong ito. Kapag nagpahayag sila, may kaibahan din sa pagpapahayag nila. May kaibahan sa pagkagulang at sa kapangyarihan ng kanilang pagpapahayag. Iyon ang kahalagan ng pagdurusa, ang espiritwal ng kahalagahan ng paghihirap. Kaya, ang ikalimang puntong gusto kong ibahagi sa inyo ay ang nagpapagulang na epekto ng paghihirap na napakaimportante. 6) Kinukumpleto Natin
ang Kakulangan sa Pagdurusa ni Cristo Sinasabi niyang, "Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga pagtitiis alang-alang sa inyo, at sa aking laman ay pinupunan ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, na siyang iglesya." Sinabi ni Pablo na, "Pinupunan, kinukumpleto ko sa pamamagitan ng pagdurusa ko...". Kaya, bakit napakasaya niya? Bakit napakalaking pagpapala ang pagdurusa? Ito'y dahil sa paghihirap na iyon, kinukumpleto niya ang kakulangan, o na siyang kulang, sa mga paghihirap ni Cristo. Puwede bang magkaroon ng pagkukulang ang mga pasakit ni Cristo? Oo, tiyak ito! Iyon mismo ang sinasabi ni Pablo. Nagsilbi ang pagdurusa ni Cristo upang pagbayaran ang ating mga kasalanan, ngunit may aspeto ang paghihirap na importante para sa kaligtasan ng iglesya, na hindi buong naranasan ni Cristo sa lahat ng pagtitiis niya. At sabihin natin ito nang may lahat ng pagrerespeto dahil mula sa Kasulatan ito. Hindi ito isang bagay na sinasabi ko. Hindi ito isang bagay na inimbento ni Pablo. Isang importanteng bagay ito para sa kaligtasan ng iglesya ngunit nasa sa atin upang gampanan, upang tiisiin, para sa inyo at para sa akin upang pagtiisan. Kung hindi naghirap si Pablo, paano makakarating ang Ebanghelyo sa mga lugar na kababasa pa lang natin, halimbawa sa Mga Gawa 14? Sa Derbe, Listra, Iconio, at sa buong Macedonia at buong Grecia at buong Asia Minor at sa mga lugar kung saan nagpahayag siya sa Chipre at Creta at marahil sa Espaņa, o saanmang hindi pa naipapahayag ang Ebanghelyo. Sino ang magdadala ng Ebanghelyo sa mga lugar na ito? Sino? Sino ba ang nagdadala ng Ebanghelyo sa mga tao kundi yaong mga handang maghirap gaya ni Pablo. "...nagagalak ako sa aking mga pagtitiis alang-alang sa inyo". Ang pagdadala ng Ebanghelyo sa anumang lugar ay may kasamang malaking pagdurusa. Sinong naghihirap upang dalhin ang Ebanghelyo roon? Ang mga tapat na alagad ng Diyos, sino pa? Kaya, kung wala ang paghihirap nila, makakatanggap ba ang mga lugar na ito ng Ebanghelyo? Siyempre hindi! Kung gayon, hindi ba't kailangan ang paghihirap nila sa pagpapahayag ng Ebanghelyo? Siyempre! Hindi ba't kailangan ang paghihirap nila para sa kaligtasan ng mga taong ito, sa diwang hinding-hindi makakarating ang Ebanghelyo sa mga ito kung wala ang pagdurusa nila? Sigurado! Kung gayon, hindi ba't ang bahaging ito ng pagdurusa ay kasing-importante para sa kaligtasan ng iglesya rin? Oo, dahil kung wala ang paghihirap na iyon, hindi matatanggap ng mga ito ang Ebanghelyo. Ngayon, nakikita ba ninyo na importante rin ang bahaging ito ng paghihirap para sa kaligtasan ng iglesya? Ang bahaging iyon ay para sa atin upang pagtiisan. Ang bahaging iyon ang iniwan ni Cristo sa atin, upang sumunod tayo sa mga hakbang niya. "Kunin ang inyong krus at sundan ako." Ngayon, kung hindi kailangang ipasan natin ang krus natin, na importante lang na ipasan niya ang krus niya, kung gayon, walang puntong sabihin sa atin na ipasan ang krus natin. Sinasabi niyang ipasan natin ang krus upang maging kasama ni Cristo sa paghihirap. Wala namang mahirap intindihin dito, 'di ba? Sa ngayon, nais nating magkaroon ng Cristianismo kung saan si Cristo ang dumaranas ng lahat ng pagdurusa, samantalang wala tayong kailangang gawin. Si Cristo ang dumaranas ng lahat ng paghihirap: siya ang namatay, siya ang daranas ng lahat ng paghihirap. Uupo na lang tayo't magrerelaks. Anong uri ng Cristianismo ito? Hindi ito ang Cristianismong itinuro ng Panginoong Jesus. Ito ang isinasaad ng itinuro niyang Cristianismo: ang pintuang-daanan papasok sa kaharian ay sa pamamagitan ng paghihirap, sa pamamagitan ng pag-uusig sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pagdaraan sa pag-uusig, nakakatanggap ang ibang tao ng Ebanghelyo. Makikita ng iba ang pahayag ng buhay ninyo. Nagliliwanag ang inyong buhay bilang ilaw sa mundo. Importante ba ang ilaw? Siyempre, importante ito dahil kung walang ilaw, mahuhulog kayo sa bangin. Mababali ang inyong leeg. Mamamatay kayo. Tayo ang ilaw ng sanlibutan na nagdadala ng kaligtasan ng Diyos sa sanlibutang namamatay. Ngunit upang maging ilaw na iyon, kailangan nating masunog o ma-burn out. Nang nakaraang araw, nagkaroon kami ng power cut o brown out kung saan kami nakatira ni Helen (ang asawa ko). Sa loob ng limang oras, wala kaming ilaw sa gabi. Kaya, kinailangan naming sindihan ang mga kandila namin at nagbigay liwanag nang mabuti ang mga ito! Sinasabi ko pa nga kay Helen, "Napakagaling ng mga kandilang ito! Matagal ang pag-aapoy, napaka-steady. Hindi lalakas-hihina. Tuloy-tuloy lang ang pagbibigay-liwanag ng mga ito. Magagandang kandila! Napakagaling ng ilaw na ibinibigay nila." May mga kandila ako na parati na lang nalulunod sa wax. Parati ninyo na lang itinataas ang mitsa dahil nawawala ang ilaw kapag nalulunod ang mitsa sa wax. Ngunit ang mga ito, tuloy-tuloy silang nagningas mula sa simula hanggang huli - isang maningning at matagalang ilaw. May isa't-kalahing dali o inch ang haba ng apoy nito, nagbibigay ng magandang liwanag. Ngunit malaking kawalan ito para sa kandila, dahil upang ibigay ang ilaw na iyon, unti-unting nauubos ang kandila, pababa nang pababa, paikli nang paikli, hanggang wala nang natitira. Na-burn out ito nang lubos. Namatay ito. Talagang literal na nasunog ang kandila upang ma-enjoy natin ang ilaw, upang hindi tayo mahulog sa hagdan at mabali ang ating leeg, upang makita natin ang ating dinaraanan at ang ating ginagawa. Nasa sa atin ang ilaw. Dapat tayong maging ilaw. Sinabi ng Panginoong Jesus, "Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Kaya, magliwanag!" Malaking kawalan ang pagliliwanag; mabe-burn out kayo, mamamatay kayo paglipas ng panahon. Ngunit matatanggap ng iba ang kaligtasan! May isang uri ng paghihirap na tinatawag tayong tiisin. May isang sakripisyo, isang pag-be-burn out na tinatawag tayong tiisin upang magkaroon ang iba ng buhay ni Cristo. Ipinapasa natin ang buhay na iyon sa iba, sa pamamagitan ng ating kamatayan, sa pamamagitan ng ating pagdurusa. Nawa'y naiintindihan ninyo ang Colosas 1:24 nang mabuti mula ngayon. "...nagagalak ako sa aking mga pagtitiis," sinabi ni Pablo. Napakasaya ko. Bakit? "Dahil sa pamamagitan ng paghihirap ko, ginagampanan ko ang bahaging kulang sa paghihirap ni Cristo, ang bahagi kung saan tinawag akong magtiis upang mabuhay ang iba." Namatay si Jesus upang maisagawa ang kaligtasang iyon - upang maging posible ang kaligtasan - ngunit natigil na sana ang kaligtasang iyon sa Kalbaryo kung hindi humayo ang mga disipulo at dinala ang kaligtasang iyon sa ibang tao sa mundo. Kung hindi sila humayo, kung gayon, walang makakaalam tungkol sa pagkamatay ni Jesus. Iyon na ang katapusan. Kailangang humayo ang mga disipulo at ipahayag ang mga bagay na ito sa buong mundo. Iniutos niya sa kanila: "Humayo kayo sa buong mundo at gumawa ng mga disipulo." Ngunit malaki ang nawawala sa sinumang gagawa niyon. Kailangan nilang maghirap sa buong proseso. Iyon ang bahagi ng paghihirap na para sa mga disipulo upang tiisin, na para sa iglesya upang tiisin, na para sa inyo at sa akin upang tiisin - para sa kaligtasan ng sanlibutan. Tandaan: hindi lang si Pablo. Huwag sabihin, "Si Pablo lang ang maghihirap dito. Ang buong puntong ginagawa niya ay: dapat natin siyang tularan. Dapat taglay natin ang parehong pag-iisip na mayroon siya. Sa Filipos 1:30, sa naunang sulat, iyon mismo ang sinabi niya. Babasahin muna natin ang bs. 29: "Sapagkat sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo," - tandaan: para sa katuwiran - "hindi lamang ang manampalataya sa kanya," - ito lang ang nais gawin ng iglesya sa ngayon, iyon ay, 'manampalataya lang' - "kundi ang magtiis din naman alang-alang sa kanya, yamang taglay ninyo ang gayunding pakikipaglaban na inyong nakita sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyo tungkol sa akin." Sinabi ni Pablo, "Ikaw at ako - tayo'y nakikibaka sa parehong laban, dahil ikaw at ako'y tinawag hindi lamang upang maniwala ngunit upang maghirap, upang magtiis. Magkasama tayo sa pakikipaglaban. At sa pakikibaka para sa kaligtasan ng mga kaluluwa, gaya ng sa anumang paglalaban, magkakaroon ng mga sugatan. May masasaktan. May mamamatay. Walang pakikibaka kung saan walang magwawagi nang wala man lang nagagalusan. Lahat ay masasaktan. Obserbahan natin ang kahalagahan ng pagdurusang ito. May kahalagahan ito kaugnay sa kaligtasan. Ang pagiging mapalad ng pagdurusa ay ang pagkakatawag sa atin upang iministeryo ang buhay at ang kaligtasan ni Cristo sa iba. Sa prosesong iyon, atin ang bahaging iyon ng pagdurusa; sa atin itinalaga ang parteng iyon upang pagtiisan. Hindi natin kayang mamatay para mapatawad ang kasalanan ng iba. Ang dugo ni Cristo lamang ang makakapagtanggal ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ngunit walang makakatanggap ng pagpapala ng dugong iyon at ng dakilang kaligtasang iyon maliban sa dalhin ninyo at dalhin ko ito sa sanlibutan. Sa paggawa niyon pinapasan natin ang ating krus, ang ating pagdurusa. Sa pinag-uusapang pagdurusa, napakaraming ibang bahagi ng katuruan ng Panginoon sa Kasulatan ang nagtatalakay ng puntong ito. Sinasabi sa 1 Pedro 3:14-15 ang mismong bagay na ito: "Subalit magdusa man kayo ng dahil sa katuwiran..." - pansinin na ito mismo ang salitang ginamit ng Panginoong Jesus sa 'Ang Mapapalad': "dahil sa katuwiran" - "ay mapapalad kayo." Dito, inulit ni Pedro ang mga salita ng Panginoong Jesus. Pagkatapos, nagpatuloy siya: "Huwag kayong matakot sa kanilang pananakot, ni mabahala, kundi sa inyong mga puso ay pakabanalin ninyo si Cristo bilang Panginoon." Dito, dapat taglay natin ang pagiging handang ito at magalak sa pagdurusa dahil sa katuwiran, sa proseso ng pagdadala ng Ebanghelyo sa iba. 7) Dakila ang Inyong
Gantimpala Alam ninyo na tinawag lahat ng mga disipulo na maging propeta, gaya ng nakita natin, upang dalhin ang salita ng Diyos sa iba, upang dalhin ang kaligtasan sa iba. Iyon ang trabaho ng mga propeta. At kapag tiniis ninyo ang pagdurusa at dinala ang kaligtasan sa iba, pinapatunayan ninyong hindi lamang kayo disipulo kundi propeta pa ng Diyos, isang tapat na propeta ng Diyos na nagdadala ng Salita ng Diyos, ang salita ng buhay sa iba; at hindi lamang sa salita kundi sa inyong buhay. Matatagpuan kayo sa pinakamabuting samahan. Kalugud-lugod kayo sa Diyos. Ipinapakita nito na isa kayong tunay na disipulo at isang tapat na alagad ng Diyos. Ngayon, hindi ba ito dahilan upang magdiwang? Magagalak kayo dahil sa inyo ang kaharian ng Diyos. Dito natin nakikita ang mga dahilan kung bakit may napakalaking kahalagahan ang pagdurusa, na isang napakalaking pribilehiyo ang mapasa-Diyos. Sa ganitong paraan, kailangan din natin, sa pagtatapos, na isaisip ito. Kailangan nating magdusa dahil sa katuwiran, kung dapat mang magdusa tayo. Huwag nawang magdusa ang sinumang Cristiano dahil sa kamalian, sa paggawa ng mga nakakahiyang bagay, sa pagsasalita nang masama tungkol sa ibang tao, sa paninirang-puri, sa pagsisinungaling, o sa paggawa ng katiwalian. Ang sinasabi rito'y "dahil sa katuwiran", at hindi dahil sa anupamang dahilan. Ngunit kung maghihirap nga kayo nang dahil sa katuwiran, magalak dito: na mapapasama kayo sa samahan ng mga propeta. Ngunit hindi lang iyon. Natagpuan ko, at sa palagay ko, matatagpuan ng lahat ng nagdusa dahil sa katuwiran, gaanuman kaliit o kalaki, na di-kailanman nagiging mas malapit ang presensya ng Diyos maliban kapag naghihirap. Kahanga-hanga niyon! Kapag naghirap kayo dahil sa katuwiran - heto ang isa pang dahilan para sa pagpapala - matatagpuan ninyong napakalapit ng presensya ng Diyos sa inyo, tulad nang hindi ninyo pa nararanasan noon. Makikita ninyo rin ito sa Kasulatan, sa katunayan. Naaalala ninyo na nang itinapon si Pablo at Silas sa preso, nagalak sila sa pagiging naroon dahil sa Panginoon. Umawit sila ng mga himno't awit ng pagtataas sa Diyos. Bilang resulta niyon, ipinaramdam ng Panginoon ang presensya niya sa pamamagitan ng isang lindol. At napakalakas ng lindol na iyon na nawasak ang preso. Ang presensya ng Diyos sa pagdurusa! Muli't muli, matatagpuan ninyo ito. Sa 2 Timoteo 4:17, inilagay si Pablo sa isang paglilitis para sa buhay niya at sinabi niya ito: "Walang tumindig sa tabi ko", "Ngunit ang Panginoon ay tumindig sa tabi ko". Napakalapit ng presensya ng Diyos sa kanya sa preso at sa paglilitis. Napakamapagpala ng paghihirap dahil napakalapit ng presensya ng Diyos. Ipinagdarasal ko na maintindihan nating lahat ang espiritwal ng kahalagahan ng pagdurusa. Nawa'y hinding-hindi natin matagpuan ang sarili nating umuungol at nagrereklamo, kundi alam natin na ang pagdurusa ay espiritwal na pagpapala sa pinakamataas na antas na dapat tanggapin nang may galak at bilang pribilehiyo. May 'Impact' Ba
ang Iglesya sa Kanluran? Tinatamaan Ba ng Iglesya ang Mundo? Isang bagay ang nakakabalisa sa akin nang husto tungkol sa iglesya sa Kanluran ay hindi sila binabalewala ni nirerespeto. Binabalisa ako nang parehong dalawang ito. Bakit? Dahil sinasabi ng Kasulatan, gaya ng nasabi ko na nang maraming beses sa mensaheng ito, "...lahat ng ibig mamuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig." Kung gayon, bakit hindi inuusig ang iglesya sa Kanluran? Naiistorbo ako nito. May mali sa iglesya, kaya hindi ito inuusig ng mundo. Halatang-halata na hindi tinitingala ng mundo ang iglesya dahil wala namang nasasabing anuman ang iglesya sa mundo. Wala man lang itong nagagawa. Walang ilaw na nagliliwanag. Kung kabaliktaran, maniwala kayo sa akin, sa kalaunan, sisimulan na tayong usigin ng mundo. Ngunit ang iglesyang mayroon tayo sa Kanluran, kitang-kita na walang 'impact' ito. Nagugulahan ako na hindi lamang hindi inuusig ang iglesya, ngunit nakakakuha pa ito ng mga espesyal na pribilehiyo. Nasabihan akong nakakakuha ang mga pastor ng espesyal na pribilehiyo. Dapat daw kaming makakuha ng bawas sa buwis. Nang kausap ko si Don noong isang araw, nasabi kong naguguluhan ako dito. Hindi ko gustong mangolekta ng mga espesyal na pagpapagaan. Nang nasa Inglatera ako, tinanggihan kong tumanggap ng anumang espesyal na pagpapagaan. Hindi kailangang magbayad ng buwis sa 'housing allowance' nila ang mga pastor. Sinabi kong, "Magbabayad ako ng buwis na ito tulad ninuman." Tiningnan nila ako at inisip, "Kakaiba!" Ayaw namin ang iyong pera, tapos gusto mong bayaran ito." Sabi ko, "Ayaw ko ng anumang pagpapagaan. Kung nagbabayad ang ibang tao ng buwis, magbabayad ako ng buwis." Iisipin ng ilang tao na may sira ako sa utak, 'di ba? Okey lang iyon. Ang nakakagulo sa akin ay ang pagbibigay ng mundo sa iglesya ng espesyal na pakikitungo at dangal. Dito sa Kanluran, kinikilala tayong mga pastor bilang nakakataas sa mundo. Puwede pa nga tayong magpatunay na kilala natin ang isang tao sa pamamagitan ng ating lagda. Kung may nais ng 'citizensip', puwedeng tayo ang mag-sign bilang guarantor. May mga iba pa at maaari rin nating lagdaan iyon. Kabilang tayo sa mga taong kinapapanatagan ng loob ng gobyerno, gaya ng mga abogado at duktor at mga taong tulad nito. Isang piling grupo lang ng tao ang puwedeng maglagda sa mga forms na ito, at kasama kaming mga pastor dito. Nagugulumihanan ako rito. Hindi ko gusto ang ganitong 'special treatment.' Mas palagay ang aking damdamin kapag nasa Silangan kung saan kinamumuhian at tinatatwa kami ng mga tao. Iniisip nila, "Mga pastor! Isang antas lang silang naka-angat sa mga manlilimos! Sila ang iskoma ng lipunan! Sila ang mga bumagsak sa lahat ng maaaring pag-aralan, at dahil walang anumang maipasa, hindi sila makakuha ng anumang propesyon sa ibang lugar, kaya ngayon, naging mga pastor sila." Magaling! Mabuti! Ganito ang dapat nangyayari. Ikinasusuya at itinatakwil tayo. Naroon ang kagalakan. Ngunit ang iglesya ngayon, napakalayo mula sa Kasulatan ang narating sa Kanluran. Nawa sa Diyos na magsimula muli ang iglesya na mamuhay bilang ilaw, na mamuhay sa paraan kung saan ang antas ng kabanalan ay magpapagulumihanan muli sa mundo. Sasabihin nilang, "Ay! Dapat nating tanggalin ang mga pribilehiyo mula sa mga taong ito. Binibigyan nila tayo ng sobra-sorbrang gulo." Hindi nag-aabala at di-nag-aalala na magpahayag ng katuwiran ang iglesya ngayon. Hindi ito nagnanais magpahayag ng kabanalan. Nais lang nitong magpahayag ng doktrina. At hindi naman nag-aalala ang mundo sa doktrina. Sasabihin nilang, "Nais ninyong maniwala sa doktrina, sige! Nais ninyong maniwala na ginawa ito't iyon ni Jesus, sige! Basta't huwag ninyo lang pakialaman ang aming buhay, puwede ninyong paniwalaan ang nais ninyo. Balewala sa amin kung anong pinaniniwalaan ninyo. Maaari kayong maniwala sa mga 'guru' o sa 'transcendental meditation' o sa anupaman. Wala kaming pakialam kung anong pinaniniwalaan ninyo, basta't iwan ninyo kami sa kapayapaan." Nang nagsalita si Juan na Tagabautismo ng kung anong gusto niya, hindi sila nag-alala. Ngunit nang sinabi niyang, "Makasalanan kayo!" sumagot sila, "Anong sinabi mo?" At nalagay siya sa gulo. Sana'y gisingin ng Diyos ang iglesya sa panahong ito. Samantala, sana'y may pagnanais at determinasyon tayong ipasan ang ating krus at sundan siya. Katapusan ng mensahe. Ginamit sa lahat ng binanggit na bersikulo rito ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001. |
Difficult in reading?
Tagalog Series: - Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang" - Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya! - Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos - Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan - Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba - Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran - Mapapalad ang mga May Malinis na Puso - Mapapalad ang mga Mapagpayapa - Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran
|
|||||
|
Copyright 1998-2007. All
Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best
viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution. |
|||||||