CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran (Blessed Are Those Who Hunger and Thirst for Righteousness)

Mateo 5:6 - Ika-Apat sa Isang Serye ng Sampung Mensahe Tungkol sa 'Ang Mapapalad', Ipinangaral ni Pastor Eric Chang noong Abril 13, 1980

Ating pag-aaralan ngayon ang ika-apat sa 'Ang Mapapalad' sa Mateo 5:6: "Mapapalad" - iyon ay, maligaya, masaya - "ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin." Ano ang ibig sabihin niyon?

Habang lalo kong pinag-aaralan at pinagninilay-nilayan ang turo ng Panginoon, hindi matigil ang paghanga ko sa lalim at yaman ng mga salita niya, sa kung paano niya kayang ilagay ang napakaraming aral sa iilang salita. Palagay ako na naipaliwanag ko na ang karamihang bahagi ng Biblia, ngunit wala ninuman ang makakapagsalita gaya ng Panginoong Jesus. Walang makakapaglagay ng napakaraming bagay sa iilang salita na tulad niya. Wala siyang kapareho! Tunay siyang kamangha-mangha. Ang problema ng tagapagpaliwanag ay ang paano maipapaliwanag ang lahat sa simple't malinaw na paraan, upang maibunyag ang mga yaman ng turo ng Panginoon.

Inihahambing ang Katuwiran sa Pagkain at Inumin
Ano ngayon ang ibig-sabihin nito? Muli, sa pangkahalatang kaisipan, hindi mapapalad ang sinumang nagugutom at nauuhaw, ngunit ang sabi ng Panginoong Jesus, "Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran", sa 'righteousness.' Isaalang-alang natin ang ilang kahulugan na nasa mga salitang ito.

Inihahambing ng Panginoong Jesus ang katuwiran sa pagkain. Dahil, kung tutuusin, nagugutom at nauuhaw tayong lahat. Nagugutom tayo sa pagkain, at ang pagkain siyempre ay mahalaga sa buhay. Nagugutom at nauuhaw tayo sa mga bagay na sa pananaw natin ay lubhang mahalaga sa ating buhay. Hindi lang ito kasiya-siya, kundi mahalaga rin. Hindi tayo magugutom at mauuhaw nang ganoong katindi sa mga bagay na hindi nakakabighani ng pinakamalalim nating mga pagnanasa.

At isa sa bumibighani sa pinakamalalim nating pagnanasa ay ang may kaugnayan sa buhay. Dahil kung wala ang buhay, hindi kayo makakapagnasa ng anupamang bagay. Kung patay na kayo, wala na ang lahat; walang nang gugustuhin pang makamtan. Kaya, ang buhay ang pangunahing bagay na maaari nating gugustuhin. Nagugutom at nauuhaw tayo sa pagkain at sa inumin dahil sinasabi ng katawan ang desperadong pangangailangan nito sa mga bagay na ito. Lalo kayong maghintay, lalong wala kayong makain, at lalong magugutom ang tiyan. Lalo kayong mauhaw, lalong humihiyaw ang katawan ninyo sa pagkauhaw sa inumin, dahil nakasalalay ang kaligtasan ng katawan dito.

Ngayon, mag-isip nang mabuti. Sinasabi ng Panginoong Jesus ito: kung gaano kahalaga ang pagkain at inumin sa pisikal na buhay, gayon ding kasing-halaga ang katuwiran sa espiritwal na buhay. Iyon ang unang punto na napakalinaw na natatanto natin, 'di ba? Ngayon, isiping mabuti ito. Sinasabi ng Panginoong Jesus na ang katuwiran ay isang bagay na napakahalaga sa inyong espiritwal na buhay, na kung nalalaman ng inyong espiritu ang pangangailangan nito, isisigaw nito ito - ang pagkagutom at pagkauhaw nito sa katuwiran - dahil kung wala ito, hindi kayo mabubuhay. Kung walang katuwiran, hindi kayo mabubuhay.

Kaya, ang inihahambing ay ang pisikal na pagkain at inumin sa pisikal na antas at ang katuwiran na kapwa pagkain at inumin sa espiritwal na antas. Napakadaling makita niyon. Hindi kailangang isipin nang malalim pa ito upang maunawaan iyon. Ngunit mag-umpisa tayo sa paksang iyon.

Anong nangyayari kapag kayo'y kumakain o umiinom? Kapag kumuha kayo ng pagkain, anong ginagawa ninyo? Para malagyan ng laman ang inyong tiyan, inilalagay ba ninyo ang pagkain sa bulsa ninyo? Sasabihin ninyo: "Kalokohan iyon! Isinusubo ko ito sa bibig, hindi sa bulsa." At kung kayo'y nauuhaw, anong gagawin ninyo? Ibinubuhos ninyo ang tubig sa buhok ninyo. Sasagot kayo muli: "Katawatawa! Kapag nauuhaw, iniinom ang tubig. Inilalagay ito sa bibig."

Bakit sinasabi ko ito? Dahil may kataka-takang kakulangan sa pang-unawa kung gaano kahalaga ang katuwiran sa walang-hanggang buhay sa diwang ito: na kinakailangang ipasok ito sa inyong kaloob-looban. Masusing pansinin ito. Kailangan itong i-'internalize.' Hindi kayo napapakain ng pagkain kung ilalagay ninyo ito sa inyong bulsa. Iyon ay ang paglagay sa labas o pag-'externalize' nito.

Ngunit kung gusto ninyong mapakain nito, kailangan ninyong isubo ito sa inyong bibig at kainin ito. Kung kayo'y nauuhaw, hindi ninyo ibubuhos ang tubig sa inyong buhok. Okey iyon kung shampoo ang pag-uusapan, ngunit hindi mapapawi ang uhaw ninyo nito.. Kailangan ninyong inumin ito. Kailangan ninyong ipasok ang pagkain sa inyong katawan bago ito makakagawa ng anuman para sa inyo.

Napakasimpleng maunawaan nito. Gayunman, kamangha-mangha kung gaano kakaunti ang mga taong nakakaunawa ng mga simpleng espiritwal na bagay. Napakatalino nila kapag tungkol sa mga materyal na bagay. Marami silang alam doon. Ngunit kung tungkol sa espiritwal na buhay, wala silang maunawaang anuman.

Ganito ang sinasabi ng Panginoong Jesus: Hindi ninyo dapat ninanasa lang ang katuwiran, kundi dapat kunin at isaloob ito. Ang ibig sabihin ng 'isaloob' o 'internalize' ay hindi ninyo lang ito tatanggapin. Sapagkat kung binigyan ko kayo ng isang pirasong tinapay kapag nagugutom kayo at inilagay ninyo ito sa inyong bulsa, tinanggap ninyo ba ito? Siyempre naman, tinanggap ninyo ito. Pero napawi ba nito ang gutom ninyo? Siyempre'y hindi, dahil hindi ninyo ito isinaloob.

Sa panahon ngayon, marami tayong naririnig tungkol sa pagtanggap kay Cristo, ngunit ano ang kabutihang magagawa ng pagtanggap kay Cristo, maliban kung isasaloob ninyo si Cristo? Iyon ang kabuuang-diwa ng kabanata 6 ng Juan: "...ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin." [b.57] Iyon mismo ang sinasabi ng Panginoong Jesus. Walang kabuluhan ang tanggapin si Cristo (kung ano man ang ibig-sabihin nito) maliban sa tanggapin ninyo siya sa kaloob-looban ng pagkatao ninyo, maliban sa isapuso niyo siya.

Isipin ngayon ang katuwiran. Ano muli ang nangyayari sa pagkain kapag kinain ninyo ito? Paano nito napapawi ang gutom? Halimbawa, tunay na gutom kayo. Tapos, ipinasya ninyong kumain ng papel - kinagat, nginuya at nilunok ninyo ito - maaaring mawala ang inyong gutom dahil napuno ng papel ang tiyan ninyo. Ngunit ang mangyayari ay mamamatay pa rin kayo. Bakit? Dahil hindi nagbibigay ng sustansiya ang papel sa inyong katawan. Mapupuno nito ang tiyan ngunit hindi nito mabibigyan ng sustansiya ang katawan. Hindi pagbibigay ng pangangailangan ninyo ang pagpuno lamang ng tiyan.

May narinig ako tungkol sa isang tao na kakaiba dahil ginagawa niyang malaman ng iba na kaya niyang kainin ang lahat ng bagay, kasama ang mga kotse, bisikleta at salamin. Kaya niyang kumain ng isang buong kotse. Kasama na roon ang salamin, ang gulong na goma, ang lahat-lahat. Hindi ko maunawaan bakit hindi siya namamatay sa pagkalason sa tingga, o sa iba pang nakakalasong bagay. Ngunit talagang kumakain siya araw-araw ng ilang turnilyo upang patunayan na kaya niyang kainin ang mga bagay na ito, kahit na isang buong kotse.

Ngayon, mas gusto kong magmaneho ng kotse kaysa kumain nito, sapagkat hindi ko makita ang kabuluhan ng pagkain ng kotse, dahil hindi naman ito nakakapagbigay ng sustansiya sa katawan ko, kundi mas malamang, malalason pa nito ang katawan ko. Ayaw kong tangkaing isipin kung ano ang mangyayari sa taong ito pagkaraan ng ilang taon. Kaya, kinakailangang isaloob ng katawan ang katuwiran bago nito maililigtas ang inyong buhay.

Ang Pamumuhay sa Katuwiran ang Magliligtas sa Atin
Ngayon, kapag espiritwal ninyong kinakain ang katuwiran, hindi lang ninyo isinisiksik ito sa inyong lalamunan. Kailangang isaloob ang katuwiran sa inyong katawan. Anong mangyayari kapag naipasok sa katawan ang kinain ninyong pagkain? Ito'y magiging bahagi ninyo. Mapupunta ang mga sustansiya sa dugo ninyo, at sa pamamagitan ng dugo, mapupunta ito sa iba't ibang bahagi ng katawan ninyo, at magbibigay ng sustansiya roon.

Sa madaling salita, tumitigil sa pagiging isang kapirasong pagkain lang iyon, ngunit tinutunaw ito sa maliliit nitong sangkap: sa 'protein', 'carbohydrates', 'fats' at iba pang sustansiya. Nagiging bahagi ng inyong katawan lahat ng iyon. Muli, napakadali nitong maunawaan. Tingnan natin ngayon ang katuwiran.

Ganito ang sinasabi ng Panginoong Jesus: kung gusto ninyong maligtas, hindi lang ninyo lulunukin ang katuwiran at pananatilihin sa inyong tiyan, dahil walang magagawa iyong anupaman sa inyo. Kailangang isapuso ninyo ito upang maging bahagi ng bawat sulok ng inyong pagkatao, ng inyong buhay: hanggang dulo ng mga daliri, mata, atbp. Magpapakain at magbibigay sustansiya ang kinain ninyo sa pananghalian sa ugat ng buhok ninyo para tumubo ang buhok ninyo. Mapapakain ang mata. Mapapasigla at magbibigay buhay ito sa mga sčlulá [cells] sa bawat bahagi ng katawan ninyo. At kaya, dapat maging pangangailangan (gaya ng pagkain) ang katuwiran; mahalaga ito sa bawat bahagi ng inyong katawan, sa bawat bahagi ng inyong buhay.

Binibigyang-diin ko ngayon ang puntong ito sapagkat ito ang turo ng Panginoong Jesus. Ngunit sa ating kalungkutan, hindi ito ang madalas nating nakikita sa mga itinuturo ng iglesya sa ngayon. Sa mga araw na ito, itinuturo na napakadaling matamo ang kaligtasan - basta "maniwala lang at kayo'y maliligtas na." Humigit-kumulang, ang paniniwalang ito ay pangkaisipan lang sa nilalalaman nito. Pinaniniwalaan ninyong nangyari ang ilang mga bagay sa nakaraan, tunay ngang naganap ang mga bagay na ito sa 'history', at naniniwala kayo sa mga ito nang buong puso ninyo. Ano mismo ang isinasaloob dito? Paano nito napapakain ang gutom na kaluluwa? Paano ito nagbibigay buhay sa mga namamatay?

Nakakapagligtas ba sa atin ang mga totoong pangyayaring nangyari na o ang tinatawag na 'historical facts'? Sinabi ng Panginoong Jesus na kailangan ninyong kainin ang katuwiran. Kailangang isaloob ang katuwiran. Naliligtas ba tayo ng 'historical facts'? Pareho lang ang epekto kung kinuha ko ang Encyclopedia Britannica at nginuya ang mga pahina nito. Hindi nito napapakain ang utak ko. Wala itong nagagawa para sa akin. Hindi ang 'historical facts' ang mga bagay na magliligtas sa atin. Ang katuwiran ng Diyos kay Cristo ang siyang magliligtas sa atin.

May isang turo ngayon na nagsasabing ipinapatong ng Diyos ang katuwiran niya sa atin; isinusuot niya ito sa atin. Dito, sinasabi ng Panginoong Jesus ang tungkol sa pagkain at inumin, iyon ay, mabubuhay tayo sa pamamagitan ng pagkain at inumin. Hindi tayo nabubuhay sa pamamagitan ng pagpapatong lang ng damit sa atin. Ito'y paglalagay sa labas natin ng katuwiran niya. Katakataka!

Siyempre, kailangang may isinasaloob at may isinasalabas. Kailangang kapwa may panloob at panlabas na katuwiran. Dapat unang magkaroon ng katuwirang nasa loob, at pagkatapos, dapat ihayag ito sa labas upang makita ng lahat, kung saan ang buhay na ito ay magiging ilaw. Kailangang mailabas ang liwanag ng isang tao. "Kayo ang ilaw ng sanlibutan" - nakikita ito ng mga tao! Ngunit hindi lang ito basta-basta paglalagay ng ilaw sa labas natin.

Kailangang magmula ang ilaw ni Cristo mula sa loob natin at magningning palabas kung ito ay magiging tunay - isang liwanag na tumatagos mula sa atin at sa pamamagitan natin, hindi lang nagniningning mula sa balat natin. Ang buong suliranin ng Lumang Tipan ay panandalian lang lumiwanag ang ilaw sa mukha ni Moises, sa balat niya. Walang silbi ang ilaw na nasa balat lang. Dapat itong maging ilaw mula sa puso, mula sa kaibuturan ng tao.

Tulad ng sinasabi ni Panginoong Jesus sa Juan 7:38: "Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay." Lumalabas ang tubig na ito, ngunit nagmumula ito sa loob. May katuruan tayo ngayon na pawang panlabas na katuwiran lamang; walang-anumang pagbabago sa loob. Iyon ay, ipinapatong o isinusuot lang ang katuwiran sa inyo. At sinasabi sa atin na kapag tumingin ang Diyos sa atin, hindi niya nakikita kung ano talaga tayo. Ang nakikita lang niya ay ang damit ng katuwiran na suot natin.

Anong uri ng Diyos ito? Hindi niya nakikita lagpas ng panlabas na takip ng katuwiran? Kahit na sabihing ang katuwirang iyon ay ang katuwiran ni Cristo at iyo'y nagiging panlabas na balot natin, iyon ba ang tinatawag na kaligtasan? Ngayo'y nakikita ninyo kung gaano kakaiba ang turo ni Jesus at ng ganitong uri ng mababaw na turo.

Sa ngayon, pawang panlabas lang ang Cristianismo. Mababaw ang turo, ang pananampalataya at ang buong buhay-Cristiano. Pawang panlabas lang ang lahat ng ito dahil ipinapatong lang sa atin ang mga ito. At kapag tumingin sa atin ang Diyos, hindi niya tayo nakikita; ang nakikita niya ay si Cristo, sapagkat nagtatago tayo sa likod ni Cristo. Kaya tayo ay ang dating bulok na makasalanan pa rin, na hindi pa rin nagbabago. Puno pa rin tayo ng kasalanan, ngunit ang nangyari lang ay binalutan tayo ni Cristo, tulad ng isang bahay-uod.

Hindi makita ng Diyos kung anong lampas ng kamangha-manghang bahay-uod na ito, kaya hindi niya nakikita ang kasalanang nakatago sa loob nito. Anong uri ng turo ito? Saan sa Biblia makikita ang ganitong uri ng turo? Hindi ko alam. Ngunit sigurado akong pamilyar kayo sa aking sinasabi, kung may katagalan na kayong naging Cristiano.

Ang katuwiran sa turo ng Biblia ay hindi isang ipinapatong na katuwiran lamang. Ibinibigay ang katuwiran ng Diyos na ito sa atin hindi upang tingnan lang natin; hindi upang ipahid lang natin sa mukha para gumanda ang ating anyo kaysa dati; hindi upang ilagay sa labas natin upang magmukhang mas malinis tayo, kahit pa ang totoo ay napakarumi pa rin ng ating kalooban. Anong uri ng Diyos ito na ipinapahayag dito? Mas mabuti pa siguro kung gumawa na lang siya sa mga 'fashion show.' Ibig kong sabihin, hindi na ninyo kailangang maligo, basta palitan ninyo na lang ang damit ninyo. Siguraduhin lang ninyo na malinis ang inyong damit panlabas, at hindi na bale kung marumi ang panloob. Hindi! Hindi ganito ang turo ng Panginoong Jesus. Isipin itong muli.

Gaya ng taong nagugutom sa pagkain at nauuhaw sa tubig, napakapalad ng taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, dahil gusto niyang tanggapin ito sa loob niya at mapalusog nito. Kinakain niya ito hanggang muling mabuhay ang naghihingalo niyang kaluluwa, ang pagod na pagod niyang espiritu. Kaya sinabi ni Jesus: "Siya na tumatanggap sa akin..." Ibig sabihin: "Huwag lang akong isuot! Siyempre puwede ninyo rin akong isuot; ngunit higit sa lahat, kailangan ninyo akong kainin. Ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay sa pamamagitan ko."

Ito'y Problema ng Gana sa Pagkain
Napakahalaga nito. Pansinin ang isa pang bagay sa turo ng Panginoon: ang problema ng maraming tao ngayon ay ang 'gana' sa pagkain. Kaya, may katuwiran, pero may gana ba kayo para sa katuwiran? Nakita na natin na kasing-halaga para sa kaluluwa ng katuwiran tulad ng pagkain para sa katawan. Umaasa ako na inyong nauunawaan itong mabuti.

Kahit na mahalaga ang paniniwala sa tamang mga bagay, hindi ito ang tumpak na pananampalataya. Walang sinumang makakatanggi na mahalaga ang paniwalaan ang tamang mga bagay, gaya ng kahalagahang kumain ng tamang uri ng pagkain. Tulad ng nakita natin, ang kumain ng papel ay hindi makakabusog sa inyo; hindi nito matutugunan ang pisikal na mga pangangailangan ninyo. Ngunit mahalaga rin na mapansin natin na ang katuwiran ay ang tamang pagkain, at dapat isaloob natin ang pagkaing ito.

Ngayo'y may problema kayo kung namamatay na pala kayo sa gutom, pero hindi ninyo alam ito. Hindi kayo nagugutom. Ang may-sakit ay walang gana. Maraming tao ang espiritwal na may-sakit, kaya wala silang gana sa katuwiran. Isipin ang may-sakit na lubhang nangangailangan ng sustansya sa katawan, ngunit dahil may-sakit siya, wala siyang gana; hindi siya makakain.

Alam na alam ko ang gayong pakiramdam. Kapag may-sakit ako, wala akong anumang gana. Kahit maglagay man kayo ng masarap na bistek sa harap ko, hindi pa rin ako maaakit na kumain. Balewala iyon sa may-sakit.

May isang uri rin ng sakit kaugnay sa pagkain kung saan walang gana dahil may pangkaisipan na sakit. Tinatawag itong "anorexia." Nasabi sa akin na ito'y kadalasang nararanasan ng mga babaeng tinedyer na gustong magpapayat. Pagkaraan ng panahon, natutuklasan nilang nawawalan sila ng gana. Hindi na sila makakain. Sa katunayan, nakakaramdam sila ng kagustuhang magsuka tuwing makakakita ng pagkain. Pakiramdam nila'y may-sakit sila.

Nabasa ko noong isang araw ang sulat ng isang babae sa isang kolumnista sa pahayagan. Humihingi siya ng tulong sapagkat hindi na siya makakain at humihina na ang katawan niya. Hindi na niya alam kung paano mapagtatagumpayan ito. Nakondisyon na ang pakiramdam niya kung saan gusto niyang sumuka tuwing makakakita ng pagkain. Maaaring lumubha ang kalagayang ito hanggang literal na mamatay sa gutom ang isang tao.

Naroon pa ang kaso ng isang tao na nagkasakit din sa isipan dahil sa sakit sa katawan. Kamakailan lang, nabasa ko na tuwing makakakita ang asawang babae ng isang doktor ng pagkain, gaanoman kasarap ang pagkaing iyon, nakakikita siya ng lahat ng uri ng mga gumagapang na surot sa paligid ng pagkain, kung kaya, hindi niya makain iyon. Kaya siya'y nanghihina.

Hindi alam ng asawa niyang doktor kung paano siya gagamutin. Hindi malaman kung anong gagawin sa kanya. Sa huli'y sumangguni siya sa isa pang doktor na dalubhasa sa sakit pangkaisipan o 'psychiatric medicine.'

Nagreseta ang doktor ng mataas na dosis [dose] ng "niacin". Ito'y isang Bitaminang B, na tinatawag na B3. Niresetahan siya ng 30,000 mg ng B3 kada araw. Kaya tuloy-tuloy siya sa pag-inom ng 60 tabletas ng 500 mg ng B3 para maabot ang 30,000 mg na nasa reseta.. At kapag nakainom na siya ng 30,000 mg ng B3, nakakatingin na siya sa pagkain nang hindi nakakakita ng anumang surot. Nakakakain na siya nang normal. Ngunit kataka-taka na kapag binawasan ang dosis ng Bitamina B3 sa 26,000 mg, nakikita niya muli ang mga surot. Sa tuwing itinataas ang bitamina nang higit sa 26,000 mg, nawawala ang mga surot.

Kaya, nakikita ninyo na may ganitong sakit. May hinala ako na maraming Cristiano ang nangangailangan ng maraming espiritwal na Bitamina B. Tuwing makakakita sila ng espiritwal na pagkain, nakakakita siguro sila ng mga surot na gumagapang sa paligid nito; o di kaya, may nakakondisyon silang pakiramdam na magkakasakit sila.

Hindi ba kawiliwili na sa tuwing bubuksan ng ilang mga Cristiano ang Biblia nila upang pag-aralan ito, nakakaramdam sila ng lubhang pagkapagod? Bigla na lang silang napapagod. Para bang nababalot sila ng kapaguran sa sandaling buksan nila ang Biblia. Ngunit, katakataka, sa sandaling isara nila ang Biblia, bumubuti uli ang pakiramdam nila. Tunay na isa itong palaisipan! Kaya, siguro nakakakita sila ng surot sa isip nila na gumagapang sa Biblia, o may-sakit sila ng espiritwal na 'anorexia', o anumang uri ng kawalan ng espiritwal na gana. May karamdaman dito at kailangan ng pagpapagaling o 'healing' mula sa Panginoon.

Kaya maliwanag kung gayon na maligaya ang taong may mabuting gana sa pagkain, na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat napakalusog niya. Kahit papaano, hindi siya nagkukulang sa Bitamina B. Wala siyang anumang ibang pangkaisipang mga guni-guni. Wala siyang ibang mga problema sa kawalan ng gana sa pagkain. Malakas ang gana niya. Napakahalaga nito.

Nakakapagpalago ng Gana sa Pagkain ang Pag-aayuno
Kaya ang ikatlong bagay na kailangan nating itanong ay: Paano kaya tayo magkakaroon ng mabuting gana? Tatlong bagay ang nakikita natin dito. Una sa lahat, siyempre, kailangang mapagaling tayo. Napakalinaw nito sa atin. Kung kayo'y walang gana, may problema kayo. Panahon na upang itanong: "Panginoon, ano bang problema sa akin at walang akong pag-ibig sa katuwiran? May lahat ng uri akong problemang pangkaisipan kapag nakikita ko ang katuwiran."

Marahil, tulad ng asawa ng doktor na ito, tuwing naiisip ninyo ang katuwiran, nakikita ninyo na gumagapang ang mga surot dito, kung kaya nawawalan kayo agad ng gana sa katuwiran. May isa kayong nakondisyonng tugon; tulad ng napakaraming di-Cristiano, natatakot sila sa katuwiran. Nakakapagpaiwas ito sa kanila. May katakatakang pang-akit ang kasalanan, subalit walang pang-akit sa kanila ang katuwiran.. Kailangan ninyong mapagaling. Kailangang mapanumbalik kayo muli sa buhay at kalusugan.

Ang sumunod na bagay sa pagpapanumbalik ng inyong gana't kalusugan ay ang tinatawag sa Biblia na pag-aayuno. Napakagaling magpagana ng pag-aayuno. Hindi kayo naniniwala? Subukan ninyo ito minsan. Kahanga-hanga ang magagawa ng pag-aayuno sa pagbibigay ng gana sa inyo.

Kahit na likas na mahina ang gana ko, kapag nag-aayuno ako, nagiging isang digmaan sa aking isip ang pagkain. Sa una o pangalawang araw, wala kayong ibang maiisip kundi pagkain. Kahit sa inyong pagtulog, napapanaginipan ninyo na kumakain kayo. At paggising ninyo, matutuklasan ninyong wala pala kayong kinaing anuman. Isang panaginip lang pala ang lahat ng iyon. May magagawa ang pag-aayuno.

Sinabi sa atin sa Mateo 4:2 na nag-ayuno ang Panginoong Jesus nang apat-na-pung araw at gutom na gutom siya. Ngayon, paano kayo espiritwal na mag-aayuno? Siyempre, makakapag-ayuno rin kayo nang literal - nakakabuti ito sa kaluluwa - ngunit paano kayo mag-aayuno sa espiritwal?

Ang Pang-Espiritwal na Pag-aayuno - Isang Pagsisiyasat sa Isaias 58:6-7
Ating siyasatin ang Isaias 58:6-7. Sa naunang bahagi ng kabanatang ito, inihahambing ni Isaias ang pang-seremonyang pag-aayuno ng mga Judio sa panlabas na pag-aayuno. Pansinin na pinag-usapan natin na may panlabas na pag-aayuno at may panloob na pag-aayuno, na kailangang isaloob ito. Pinaghahambing niya mismo ang kaibahan ng panlabas at panloob na pag-aayuno. At kaya, nag-ayuno ang mga Judio. Tingnan muna natin ang Isaias 58:3: "Bakit kami nag-ayuno, at hindi mo nakikita? Bakit hindi mo napapansin ang aming pagpapakumbaba?"

Dumaraing ang mga Judio sa Diyos. Napakagaling nila sa pagdaing sa Diyos. Tulad ng maraming Cristiano, dalubhasa sila sa pagdaing. "Nag-aayuno kami at hindi mo ito nakikita. Saan ka ba nakatingin? Nakatingin ka sa maling direksiyon. Hindi mo ba kami nakikita, nakatayo rito't nag-aayuno? Bakit pa kami nagpapakumbaba kung hindi mo naman kami napapansin?"

At heto ang sagot ng Diyos, "Sa araw ng inyong pag-aayuno ay hinahanap ninyo ang inyong sariling kalayawan, at inyong pinahihirapan ang lahat ninyong mga manggagawa." Ibig niyang sabihin, "Masdan ninyo, nag-aayuno lamang kayo upang makipagtalo at makipag-away." Uminit ang ulo nila dahil bumaba ang 'blood sugar" nila. Kapag bumaba ang 'blood sugar' ninyo dahil wala kayong sapat na pagkain, nagiging maiinitin ang ulo ninyo. At ganoon kababaw ang pag-aayuno nila.. Dahil sa pag-aayuno nila, umikli ang pagtitimpi nila, naging mainitin ang ulo nila, at bumaba ang 'blood sugar' nila. "Narito, kayo'y nag-aayuno upang makipag-away at makipagtalo, at upang manakit ng masamang kamao." Nagsusuntukan sila. Anong uri ng pag-aayuno ito?

"Hindi kayo nag-aayuno sa araw na ito, upang maiparinig ang inyong tinig sa itaas. Iyan ba ang ayuno na aking pinili? Isang araw upang magpakumbaba ang tao sa kanyang sarili? Iyon ba'y ang iyuko ang kanyang ulo na parang yantok..."? Ang yantok dito'y isang uri ng halaman na nakayuko. "...at maglatag ng damit-sako at abo sa ilalim niya? Iyo bang tatawagin ito na ayuno, at araw na katanggap-tanggap sa PANGINOON?"

Ginawang panlabas lang ng mga Judio ang buong relihiyon nila. Normal sa kalikasan ng tao na palaging gawing panlabas palagi ang lahat ng bagay, gaya ng ginawa ng mga Fariseo. At sa panahon ngayon, may Cristanismo tayong panlabas lang. Ginagawang panlabas kahit ang grasya o biyaya. Nakakamangha ito! Napakababaw ng tao na puwede niyang gawing panlabas kahit ang kahanga-hangang katotohanan ng biyaya ng Diyos, na ito'y ibinibigay sa inyo pa pawang panlabas na pag-a-apply ng grasya. Insulto ito sa biyaya ng Diyos. At tinatawag itong doktrina ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya!

Hindi naaayon sa Biblia ang doktrinang iyon, kung saan parang pinahiran kayo ng grasya sa labas, tapos lahat ay sa panlabas at kaunti lang sa loob, kung mayroon man. Bakit? Dahil, ayon sa doktrinang ito, hindi mahalaga kung ito'y nasa loob o hindi. Maliligtas kayo sa pamamagitan ng panlabas na biyayang ibinigay sa inyo. Kamangha-mangha! Pansinin ito: hindi kayo maililigtas ng panlabas na relihiyon, kahit na ipinapahayag nito na naliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya.

Sinasabi sa Isaias 58:6: "Hindi ba ito ang ayuno na aking pinili:" - ano bang ayuno ito na pinili ng Diyos? "...na kalagin ang mga tali ng kasamaan", iyon ay, ang alisin ang kasamaang umaalipin sa inyo at sa iba. "...na kalasin ang mga panali ng pamatok," iyon ay, ang pamatok ng pang-aapi. (Makikita natin ang pamatok ng pang-aaping ito muli sa b.9.) "... na palayain ang naaapi, at baliin ang bawat pamatok? Hindi ba ito ay upang ibahagi ang iyong tinapay sa nagugutom".

Iyon ang 'pag-aayuno': dahil ibinahagi ninyo ang inyong tinapay, nabawasan ang makakain ninyo, "...at dalhin sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? Kapag nakakita ka ng hubad, iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong sariling laman?" iyon ay, kapag nangangailangan siya. "Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw".

Pinag-uusapan natin ang tungkol sa kagalingan o 'healing.' Hayaang magsimula ang kagalingan sa pag-aayuno, na isang napakabuting paraan upang gumaling. Sa katunayan, sinasabi sa atin ng maraming dalubhasa na kung hindi mabuti ang pakiramdam ninyo, kung pakiramdam ninyo'y may-sakit kayo, o may problema sa inyong katawan, isa sa pinakamahusay na paraan upang masimulan ang pagpapagaling ay ang mag-ayuno. Magandang simula iyon.

Nabasa ko ang isang aklat na pinamagatang Ang Himala ng Pag-aayuno [The Miracle of Fasting]. Kawili-wiling basahin ito. Inilarawan ng may-akda kung gaano katindi ang sakit niya at kung paano siya gumaling sa pamamagitan ng pag-aayuno. "...at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay magiging iyong bantay sa likod. Kung magkagayo'y tatawag ka, at ang PANGINOON ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako."

Ah, magandang sipi iyan! Kapag isinaloob ninyo ang katuwiran, kung gayon, tuwing tatawag kayo, sasagot ang Diyos. Lilitaw ang inyong katuwiran. Mangunguna sa inyo ang inyong katuwiran. Magliliwanag ang inyong ilaw. Napakahalaga ng siping ito dahil napakalapit nito sa turo ng Panginoon sa Sermon sa Bundok: "Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao". Sinasabi niya sa atin dito kung paano magliliwanag ang ilaw na iyon: sa pamamagitan ng pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran. Paano kayo magugutom at mauuhaw sa katuwiran? Buweno, magsimula kayo sa pag-aayuno.

Ano ang pag-aayuno? Ito'y ang pagsisisi mula sa kasalanan. Ito ay ang pagtalikod upang kalagin ang mga tali ng kawalang-katuwiran at ng kasamaan. At kapag sinimulan ninyong gawin iyon, malapit na kayong magkaroon ng espiritwal na gana. Ngunit, hanggang nagpapatuloy kayo sa pagtatago ng kasalanan at ng di-makatuwirang bagay sa inyong puso, hindi kayo magkakaroon ng anumang gana para sa katuwiran.

Ito ang pangalawang bagay: kapag nag-aayuno kayo para makamtan ang katuwiran, sa pagkalag sa kasalanan at magutom at mauhaw sa katuwiran, sa gayo'y magsisimula na kayong kumain ng katuwiran. Sa sandaling kumain kayo ng katuwiran, mapupunta ito sa bawat bahagi ng inyong pagkatao at lubos kayong mabubusog.

Ngayon, dapat bang maupo na lang kayo't makontento? Hindi! Para ano pa kayo pinapakain ng katuwiran? Para iparada ang katuwiran ninyo sa harap ng tao? Lalong hindi! Upang kayo'y makapagsilbi sa Diyos! Upang kayo'y mabuhay para sa kanya! At narito ang kawili-wiling bagay: paano kayo magkakagana? Sa pamamagitan ng pagtatrabaho, ng pagkikilos, ng paghehersisyo. Kaya, pagkaayuno, pagkatalikod mula sa kasalanan, pagkakalas sa pamatok ng kasalanan, huwag tumigil doon.

Nagbibigay-Lakas ang Pagkain ng Katuwiran
Ngayong kumakain na kayo ng katuwiran, humayo kayo upang maglingkod sa Panginoon. Dahil pinalulusog na kayo ngayon ng pagkaing ito, pakiramdam ninyo'y masigasig kayo. Masigla ang inyong pakiramdam; handa na kayong gumawa ng mga bagay-bagay. Kahanga-hanga iyon! Humahayo kayo't gumagawa ng mga bagay para sa Panginoon! Ganito ang mangyayari: mas marami kayong ginagawa para sa Panginoon, lalo kayong nakakaramdam muli ng pagkagutom. Pagkatapos ninyong kumain ng isang masaganang tanghalian, tapos lumabas kayo at gumawa ng aktibong gawain, o kaya'y nag-ehersisyo, ano ang mangyayari? Nakakaramdam kayong muli ng pagkagutom. Iyon ang malusog na pagkagutom! Umaandar na ngayon ang inyong gana.

Tapos, kakain kayong muli ng katuwiran. Pagkatapos, magtatrabaho kayo muli. Makakaramdam kayong muli ng karagdagang kasiglahan. Nagbibigay ang katuwiran, kapag kinain ninyo ito tulad ng pagkain, ng espiritwal na kasiglahan, espiritwal na lakas, at espiritwal na sigasig.

Masdan ang mahihinang Cristiano ngayon. Hay naku! May iglesya tayong puno ng matatamlay at mahihinang tao na walang-anumang magawa. Wala silang lakas. Parati silang espiritwal na pagod. Wala silang espiritwal na Bitamina B. Kahabag-habag sila. Bakit? Kasi paikot-ikot lang ang nangyayari. Walang pagkagutom, kaya walang lakas. Walang lakas, kaya walang paggalaw. Walang paggalaw, kaya walang pagkagutom. At kaya, patuloy sa ganitong pag-ikot lang ang mga pangyayari.. Ang kailangan natin ngayon ay mga taong may buhay-na-buhay na kapangyarihan dahil nagbibigay ng inspirasyon ang katuwiran. Nakikita ba ninyo ang kagandahan ng turo ng Panginoon?

Ang katuwirang galing sa Diyos ang siyang nagbibigay-lakas sa inyo, na ibinigay niya sa atin. Pansinin na hindi ito ang katuwirang napagtrabahuhan ninyo. Ibinigay ito sa inyo at isinaloob ninyo ito, at kaya, nagbigay inspirasyon ito sa inyo.

Ngayon, naiintindihan ninyo na nang mabuti ang Filipos 2:12. Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng inspirasyon sa inyo, ang gumagawa sa inyo upang naisin at gawin ang katuwiran ng Diyos, na ganap na nakakapagpasigla sa buo ninyong pagkatao. Ah, ito ang tunay na Cristianismo sa Bagong Tipan! Wala yaong masasakiting bagay na madalas na nasa mga iglesya ngayon. Maganda ito!

Hindi ba sinabi ko na napakalalim ng Panginoon? Kahanga-hanga! Isang pangungusap lang ang sinabi niya, ngunit tingnan ang mga yaman na lumalabas dito. Napakahalaga nito sa bawat bahagi. Pansinin ngayon ang mga yugto. Bunga ng pagpapagaling ang pagkagutom na ito, isang pagpapagaling na nagbubunga at nagdadala rin tungo sa mas malalim na pagsisisi. Pagkatapos, bilang resulta nito, may paglago, at nagdadala ang paglagong ito sa 'maturity' o pagkamagulang. "Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin." Busog na busog sila! Kahanga-hanga! Magpatuloy tayo.

Nagpapahayag ang Pagkagutom at Pagkauhaw ng Kasidhian ng Pagsisikap o 'Intensity'
Pansinin ngayon ang nangyayari: Ano ang ipinapahayag ng pagkagutom at pagkauhaw? Kasidhian ng pagsisikap! Intensidad! May napakalaking problema sa mga Cristiano ngayon, tulad ng nasabi ko na: matatamlay sila, walang kasiglahan, walang masidhing pagsisikap, walang init, walang apoy at walang kabuhay-buhay. Hindi nila nauunawaan ang sinasabi ni Pablo sa Roma 12:11: "...huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon." Hindi kayo dapat kailanman sumuko sa pagsisikap ninyo.. Ang pagsisikap ay ang panloob na alab na di-kailanman nagdidilim, di-humihina, kundi "maalab (kasama sa) espiritu".

Hindi kayo mag-aalab kung walang apoy. Nasa loob ninyo ang Espiritu, na siyang nagpapaalab sa inyo. Ito ang tunay na Cristianismo! Kapag walang sigla, o apoy, yaong malalim na espiritwal na pagliliyab, hindi kayo mag-aalab. Hindi ito ang panlabas na pagpapaka-busy (muli, kayang-kaya nating gawing panlabas ang lahat, pati na ang apoy), kundi ang malalim at panloob na pag-aalab, ang apoy ng Diyos na nagniningas mula sa loob, na ipinapakita sa pagkagutom at pagkauhaw na ito. Palaging maalab ang ganoong tao.

Kapag gutom at uhaw ang isang tao, gagawin niya ang lahat upang makuha ang kailangan niya. Maglalakbay siya sa disyerto, sa kung saan-saan, upang maghanap ng pagkain at inumin. Kailangang makuha niya ito! Kapag nakuha na niya ito, muli siyang sisigla't lalakas. Ngunit anong uri ng Cristiano kayo? Isiping mabuti ito. Nag-aalab ba kayo sa loob ninyo? Nararamdaman ba ninyo ang kasidhiang magsumikap, ang apoy? Iyon ba ang uri ng Cristianismo na alam ninyo?

Isang Tuluy-tuloy o Walang-Tigil na Pagkagutom at Pagkauhaw

Pansinin ngayon ang ika-apat na bagay: ang magpatuloy. Magpatuloy sa pagkain. Pansinin ito: "Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw". Sa kasawiang-palad, gaya ng madalas mangyari, ganap na nabigo ang salin sa Ingles na ipakita ang mga panahunan o 'tenses.' Nawala ang panahunan. Maaaring pangkasalukuyan ang panahon sa Ingles ng pagkagutom at pagkauhaw, totoo. Ngunit sa Griyego, napakatiyak nito: 'tuloy-tuloy sa pangkasalukuyan', kung kaya ito'y "isang walang-tigil na pagkagutom at pagkauhaw".

Hindi minsanan lang ang pagkagutom at pagkauhaw na ito. Walang-tigil, tuloy-tuloy ang pagkagutom at pagkauhaw na ito. Nabubusog ba naman ito? Oo, ito'y nabubusog ngunit bumabalik ito muli, iyon ay, nang may panibagong pagkagutom at pagkauhaw. Wow! Natikman ninyo ito at nakita na mabuti ang Diyos. At dahil naranasan ninyo ito at nakitang mabuti siya, bumabalik muli ang inyong gana. Nabusog ito, gayunman, nagnanais nang higit pa.

Ang isang malusog na tao - o, maganda ang gana niya. Ngunit habang humihina ang kalusugan ninyo, nawawala ang inyong gana. Nagiging permanenteng katangian ng Cristiano ang pagkagutom at pagkauhaw na ito, dahil sa isang banda, busog siya dahil naranasan at nakita niya na napakabuti ng Diyos. At kaya, nagnanais siya nang higit pa. At kaya, nagpapatuloy siya.

Gaya ni Pablo na hindi kailanman nabusog-busog! "...nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran", sinasabi ni Pablo sa Filipos 3:13 at 14, "at tinutungo ang mga bagay na hinaharap". Nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran: ang mga natamo ko noon, pati na ang mga natamo ko sa espiritwal. Kinalimutan ko na ang mga ito. Sa ngayon, nagpapatuloy ako! Tuloy-tuloy!" Hindi siya kailanman mabusog-busog. Ito'y upang matamo niya si Cristo. "...hindi ko pa inaaring naabot ko na... ngunit nagpapatuloy ako tungo sa mithiin... upang makamit ko si Cristo." Isang tuloy-tuloy na pagkagutom! Kaya muli, kahanga-hanga ang panahunan o verb tense na ginamit ni Jesus.

"Mapapalad ang mga (palaging) nagugutom at (palaging) nauuhaw sa katuwiran." Nagiging 'complacent' o kontento na ang taong busog pagkaraan ng panahon. Sa panahong ito, sa henerasyong ito, huwag kailanman mabusog! Hindi tayo kailanman dapat makontento sa pagkabusog, hanggang sa araw na iyon na lubos na nating matamo si Cristo.

Ating suriin mismo ang sinabi ng Panginoong Jesus sa Juan 6:56 at 58, "...ang kumakain ng aking laman" - iyon ay, ang tuloy-tuloy na kumakain sa akin, muli, naroroon ang panahunan na walang-tigil na pangkasalukuyan - "ay mabubuhay dahil sa akin." "Ang kumakain ng aking laman... ay nananatili sa akin".

Muli, may Cristianismo tayo ngayon na nagtuturo ng minsanang mga bagay. Minsang nasa inyo na si Cristo, palaging nasa inyo na si Cristo. Minsan nailigtas kayo, palagi na kayong ligtas. Minsang kumain kayo, palagi na kayong busog. Walang ganoong bagay sa turo ng Panginoon. Walang-tigil na proseso ito. Hindi ninyo lamang minsang kakainin si Jesus at tapos na iyon. "Kinain ko si Jesus noong 1953 at ako'y busog na mula noon."

Iyon ang uri ng Cristianismong mayroon tayo ngayon. Ang sabi ng Panginoong Jesus, "Kinakain mo ako; patuloy mo akong kainin. Hindi lamang noong 1953 o noong 1973, kundi magpatuloy: kain nang kain nang kain. At ang siyang tuloy-tuloy na kumakain sa akin ay mananahan sa akin." Iyon ang turo sa Biblia. Patuloy ninyong isinasaloob si Cristo - isang walang-tigil na proseso dahil sa walang-tigil na gana.

Saan Natin Matatagpuan ang Katuwirang Ito?
Dumako tayo sa panglima't huling punto. Saan matatagpuan ang katuwirang ito ng Diyos? Saan matatagpuan ito? Saan pa maaaring matagpuan ito, kundi sa Diyos mismo? Hindi maaaring makamtam ang katuwirang ito saanman. Maaari ninyo bang sabihin sa akin kung saan makukuha ang katuwirang ito kundi sa Diyos? Hindi mahahanap saanman ang katuwirang ito. Ang Panginoon ang siyang katuwiran natin. Narito ito sa Lumang Tipan, halimbawa sa Jeremias 23:6 at 33:16. Sinasabi sa atin sa Jeremias 33:16: "Ang PANGINOON ay ating katuwiran."

Hindi iyon bagong katuruan sa Bagong Tipan. Hindi ang Bagong Tipan ang nakatuklas na hindi natin natatamo ang ating katuwiran, na nagmumula sa Diyos ang katuwirang iyon. Naroroon na sa Lumang Tipan ito: "Ang PANGINOON ay ating katuwiran." Ito ay nasa buong Biblia. Mula sa Panginoon ang katuwiran! Matatagpuan sa Panginoon ang katuwiran ng mga nagugutom at nauuhaw. Hindi ninyo ito matatagpuan kahit saanman maliban sa Panginoon.

Kapag sinisiyasat ko ang Bagong Tipan, nakakatagpo ako ng ilang nakakawiling bagay. Sa Bagong Tipan din, makikita na ang Panginoong Diyos ay katuwiran. Halimbawa, sinabi ni Panginoong Jesus na matuwid ang Panginoon sa Juan 17:25 habang nananalangin siya sa Ama, "O Makatarungang Ama". Nasaan ang katuwiran? Nasa Makatarungang Ama ito. Siya ang ating katuwiran. Natatanto natin kung gayon na ang taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ang siyang nagugutom at nauuhaw sa Diyos, sapagkat alam niya na matatagpuan lamang sa Diyos ang katuwirang ito.

At kaya, nagugutom at nauuhaw siya sa Diyos. Sa magandang siping iyon sa Awit 63:1ss na kababasa ngayun-ngayon lang ng ating kapatid, nakita natin mismo ang pagkagutom at pagkauhaw sa Diyos na ito. Sa Awit 42:1, isa sa napakagandang mga sipi sa Biblia, makikita natin ang parehong bagay. "Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos. Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos, sa buhay na Diyos, kailan ako makakarating at makikita ang mukha ng Diyos?" Sa gayon, ang taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ang siyang nagugutom at nauuhaw sa Diyos.

Pangalawa, nakita natin sa Bagong Tipan na si Jesus ay ang matuwid: "...si Jesu-Cristo ang siyang matuwid." Kung nagugutom tayo sa Diyos, paano natin matatagpuan siya? Nagutom at nauhaw sa Diyos ang mang-aawit, "Kailan ko makikita ang iyong mukha, O Diyos? Nagugutom at nauuhaw ang aking kaluluwa para sa iyo." Pero paano ninyo mahahanap ang Diyos? Sa pamamagitan ni Cristo! "Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko." [Juan 14:6] At si Jesus ay ang matuwid. Kaya ganito ito: ang mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay ang mga taong nagugutom at nauuhaw kay Cristo. Sinasabi ng 1 Juan 2:1 at 29 sa atin na "...si Jesu-Cristo ang siyang matuwid." At may higit pa roon.

Sa Bagong Tipan din, matatagpuan natin na ang mga nagugutom at nauuhaw sa Diyos ang siyang nagugutom at nauuhaw sa kanyang kaharian. Iyon ang pangatlong bagay na makikita natin sa Bagong Tipan. Una, nagugutom siya sa Diyos; pagkatapos, natatagpuan niyang nagugutom siya kay Cristo sapagkat ang Diyos ay na kay Cristo, na siyang nagpakasundo ng sanlibutan sa sarili niya, tulad ng sinabi sa atin ni Pablo. Kung gayon, natatagpuan niyang siya'y nagugutom at nauuhaw sa kaharian ng Diyos dahil kinakailangang nasa ating buhay ang kaharian ni Cristo.

Sa gayong paraan maisasapuso si Cristo: sa pamamagitan ng kaharian niya, iyon ay, sa pamamagitan ng paghahari niya, sa pamamagitan ng pamamahala niya sa ating buhay. Madaling maisasalin ang salitang 'kaharian ng Diyos' bilang ang pamahalaan ng Diyos.

Sinasabi sa atin ni Pablo sa Roma 14:17: "...ang kaharian ng Diyos ay... ang pagiging matuwid". Kaya ang taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ang siyang nagugutom at nauuhaw sa kaharian ng Diyos. "Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa." [Mateo 6:10] Ngayon, walang sinumang nananalangin ng panalanging iyon maliban kung nagugutom at nauuhaw siya sa kaharian ng Diyos. Hindi kayo nagugutom at nauuhaw sa kaharian ng Diyos maliban sa kung nagugutom at nauuhaw kayo sa katuwiran, sapagkat ang kaharian niya ay katuwiran, tulad ng nakikita natin sa sulat sa Mga Taga-Roma.

Ang ika-apat na bagay na nakikita natin ay ito: ang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ang siyang magugutom at mauuhaw rin sa mga matuwid. Tinutukoy ng mga matuwid sa Bagong Tipan, gaya sa Lumang Tipan, ang mga banal ng Diyos. Kapag may nagsabi sa akin na: "Naniniwala ako kay Cristo. Bakit ko pa kailangang pumunta sa pook-sambahan?" alam kong may malaking problema ang taong ito. Bakit ninyo kinakailangang pumunta sa pook-sambahan? Sapagkat nagugutom at nauuhaw kayo sa mga tao ng Diyos!

Alam ng Lumang Tipan ito, kung saan sinabi ng mang-aawit na nalulugod siya sa mga banal ng Diyos. Nalulugod siya sa Jerusalem, sa Zion. "Ang Zion ay ang aking kaluwalhatian at ang aking labis na kasiyahan." Bakit? Kung nagugutom at nauuhaw kayo sa katuwiran, matatagpuan ninyo na nagugutom at nauuhaw kayo na makasama ang mga tao ng Diyos. Mahal ninyo ang kanyang mga tao. Sa lahat ng mga kamalian nila, minamahal ninyo pa rin sila. Bakit? Sapagkat nasa kanila si Cristo at sila ay na kay Cristo. Paano ninyong mamahalin si Cristo nang hindi minamahal ang kanyang mga tao? Hindi ito mangyayari!

Iyon ang sinabi ni Juan sa unang sulat niya. Sabi niya, "Kung sinasabi ng sinuman, 'Iniibig ko ang Diyos,' at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita." [1 Juan 4:20] Wala anumang katotohanan sa inyo. Ang taong nagsasabing iniibig niya si Jesus - mamahalin din niya ang sinumang nagmamahal kay Jesus. Sigurado iyon ang mangyayari.

Minamahal ng sinumang nagmamahal sa Ama ang Anak, sa katuruan ng Biblia, dahil ang Anak ay tulad ng Ama at galing sa Ama. Sa lahat ng lugar sa Luma't Bagong Tipan, tinatawag ang mga disipulo na matutuwid. Isang halimbawa sa Bagong Tipan ay ang turo ng Panginoon sa Mateo 25:46. Muli, sa 1 Pedro 3:12 tinawag ang mga banal o ang mga Cristiano bilang ang matutuwid.

Ang ikalimang punto rito ay: ang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ang siyang nagugutom at nauuhaw sa Salita ng Diyos, sapagkat tinatawag ang Salita ng Diyos bilang 'ang salita ng katuwiran'. Kapag sinabi ninyong nagugutom at nauuhaw kayo sa katuwiran, nagugutom at nauuhaw kayo sa anong bagay? Sa isang hindi mahawakang bagay? Nasaan ang katuwirang kinagugutuman at kinauuhawan ninyo? Paano ninyo kakainin ito kung hindi ninyo man lang alam kung ano ito?

Ngayon, nakikita natin na sa Biblia, ang katuwiran ay (a) ang Diyos mismo, (b) ang Panginoong Jesus, (c) ang kaharian ng Diyos, (d) ang mga disipulo ni Cristo, at (e) ang kanyang Salita, ang Salita ng Diyos, ang salita ng katuwiran. Sinasabi sa atin sa Hebreo 5:13 na ang Biblia, ang Salita ng Diyos ay ang salita ng katuwiran. Kung gusto ninyong kumain ng katuwiran, saan ninyo hahanapin ito? Mismo rito sa kanyang Salita.

Napansin ninyo na ba kung paanong ang mga Cristianong malulusog ang siyang may napakalaking gana sa Salita ng Diyos? Wala silang kabusugan. Kain sila nang kain. Isa ako sa mga taong matatakaw na ito. Matakaw ako. Wala akong kabusugan sa pagkain sa Salita ng Diyos. Kain ako nang kain at nabubusog ako; gayunman, palagi pa rin akong gutom; kaya patuloy ako sa pagkain at may mabuti pa rin akong gana. At tuloy-tuloy ito nang ganito. Di-kapani-paniwala ito!

Kapag tungkol na sa mga espiritwal na bagay, lubhang naiiba ito sa mga pisikal na bagay. Kung may isa kayong masarap na bistek sa hapunan, o may masarap na hapunan sa "Chinatown", nabubusog kayo nang ilang oras. Nakadepende ang inyong gana sa laki ng inyong tiyan. Palaki nang palaki ang inyong tiyan at titigil na kayo sa pagkain dahil hindi ninyo ito kaya. Naroroon pa rin ang inyong gana, pero hanggang takaw-tingin na lang.

Takaw-tingin! Mas malaki ang mata kaysa sa tiyan. Bakit? Dahil nakatingin pa rin ang inyong mata sa pagkain ngunit hindi na mataggap ng inyong tiyan ito. Sobrang puno na ito. Sinusubukan ninyo pa ring kumain ngunit punong-puno na ito. May hangganan ito. Ang kagandahan tungkol sa espiritwal na gana ay ito: walang hangganan ang dami ng puwede ninyong kainin! Puwede kayong kumain nang kumain at walang pader sa tiyan [stomach walls] na maglilimita ng inyong gana. Iyon ang kahanga-hanga!

Sanay akong gumising nang maaga upang mag-aral ng Salita ng Diyos. Pinag-aaralan ko ito hanggang hating-gabi at nag-aatubili pa akong matulog dahil pakiramdam ko'y sayang ang 6, 7 o 8 oras na itutulog ko. Sayang! Maaari akong mag-aral sa magdamag. Ngunit kahit nag-aatubili, dahil gabing-gabi na, kailangang isara ko na ang Biblia, o iwanang bukas ito. Karaniwan, iniiwanan ko itong bukas upang hindi ko na muling hahanapin pa ang pahina sa susunod na araw. At saka ako matutulog. Kinabukasan, agad-agad akong babangon upang muling mag-aral.

Alam na alam ni Helen, ang asawa ko, ang mga araw na iyon kung paanong wala akong tigil sa pag-aaral ng Salita ng Diyos mula umaga hanggang gabi. Dahil, araw-araw, linggu-linggo, buwan-buwan, palagi akong may gana sa Salita ng Diyos. Ah, kahanga-hanga ito! Katakam-takam!

Pagkaminsan, sa sobrang tuwa ko sa sarap nito, napapatakbo ako nang mabilis para sabihin kay Helen na, "O, kahanga-hanga ito! Ang galing!" At sasabihin niyang, "Ano ang kahanga-hanga?" Sobrang linamnam ng Salita ng Diyos! Magkagutom at magka-uhaw sa salita ng katuwiran!

Ang Pagkagutom sa Katuwiran ay ang Mahalin ang Katotohanan
Ang resulta ng pagkagutom at pagkauhaw sa salita ng katuwiran ay ang ibigin ninyo ang katotohanan. Ang taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ang siyang umiibig sa katotohanan. Lubha akong nalulungkot sa isang bagay sa mga araw na ito, lalo na sa mga iglesya. Idinadalangin ko sa Diyos, lalung-lalo na para sa mga nagsasanay, na wala sa inyo ang magiging tulad nito. Iyon ay, may mga taong umiibig sa kani-kanilang uri ng doktrina, o sistema ng teolohiya, o sa mga itinuturo ng ilang sekta o denomination. Higit pa nilang minamahal ang mga ito kaysa mismo sa Salita ng Diyos. Huwag sana nating maging sakit ito kailanman.

Alam ba ninyong maaari kayong maging lubhang sarado (at de-kandado pa) sa inyong paniniwala sa mga doktrina ninyo na hindi na mababago pa ng Salita ng Diyos ang inyong pananaw, sapagkat hindi ninyo na mahal ang katotohanan? Napamahal na kayo sa inyong doktrina, sa inyong sekta. Nakakasuka ito. Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo na tayo, bilang isang iglesya, ay nakatala bilang mga Baptists. Kabilang tayo sa 'Fellowship of Evangelical Baptist Churches of Canada'. Magiging prangka ako sa pagsasabing may napakaraming bagay tungkol sa mga Baptists na hindi ko nais, na nakakasuka sa akin.

Bilang isang pastor, walang-katapusan akong nakakatanggap ng mga babasahin mula sa iba't-ibang seminaryo, kolehiyo o samahan ng mga Baptist at iba pang samahan. Nang binuksan ko ang isang babasahin nang nakaraang araw, nainis ako. Lahat na lang ay tungkol sa Baptist na ito at Baptist na iyon at mga kahanga-hangang doktrina ng Baptist. May nagsabi pa na ang mga Baptist ay naroon na sa mga panahon ng Bagong Tipan; na kahit si Juan Bautista ay isang Baptist din, siyempre! Katawatawa! Nakakasuka iyon para sa akin. Naging mas deboto tayo sa isang sekta kaysa sa mismong Salita ng Diyos, kaya naroon ang Salita para patunayan na 'pinakamahusay tayo'.

At sinasabi sa babasahing iyon na kung ikukumpara sa mga Katoliko Romano at iba pang mga sekta, tanging ang mga Baptist lamang ang makakabakas ng pinagmulan nila mula pa sa Bagong Tipan. Sila lang! Sa sobrang hiya, ninais kong magsulat upang sabihing, "Nagbibitiw na kami mula sa Baptist Union [Kabuuang Samahan ng mga Baptist]." Kalimutan na ito! Sobra ang aking pagkasura rito!

Wala tayong loyalty o katapatan sa isang sekta o sa isang iglesya, kundi kay Cristo at sa kanyang Salita. Ngunit naging napakakitid ng mga kaisipan. Wala nang pag-ibig sa katotohanan. At kayang kumilos ng mga Cristiano nang mas masahol pa kaysa sa mga di-Cristiano, iniinsulto at hinahamak ang isa't isa, nagsisiraan ng puri, nagsisihanap ng matitiwalag, at kung anu-ano pa. Nakakasuka ito! Bakit? Sapagkat wala nang pagmamahal sa katotohanan. Kinakailangan tayong maging mga taong handang pumunta saanman tayo dalhin ng katotohanan, upang humarap sa anumang kalalabasan ng pagsunod sa katotohanan.

Kung may anumang bagay sa Salita ng Diyos na nagpapakita na mali ako o ang aking sekta o ang aking iglesya, papasailalim ako dito nang walang tanong. Kung mapapatunayan ninuman, saanman sa mundong ito, sa anumang sekta, na di-totoo ang anumang sinabi ko batay sa Salita ng Diyos, babawiin ko ang mga ito sa harap ng tao. Aaminin ko ito sa mga tao kahit saanman, dahil mahal ko ang katotohanan, hindi ang reputasyon ko.. Walang halaga ang reputasyon ko ni ang pangalan ko, ngunit ang katotohanan ang pinakamahalaga sa lahat. Walang sinuman ang maaaring maging taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran kung hindi niya hinahanap ang katotohanan.

Ano ba ang katuwiran kung hindi ito katotohanan? May katuwiran bang kasinungalingan? Sa pakahulugan nito, ang katuwiran ay katotohanan. Nagugutom at nauuhaw ako sa katotohanan, saanman ito manggaling. Kung may sinasabi ang isang Katoliko Romano na mas tama kaysa sa sinasabi ko, tatanggapin ko na tama siya. Hindi ko masasabi na Protestante ako, Katoliko Romano siya, at mali ang lahat ng sinasabi ng Katoliko Romano. Kalokohan iyon!

May mga Katoliko Romanong nagsasabi ng mas maraming katotohanan kaysa sa sinasabi ko. Kung may maipapakita siyang anumang bagay sa akin, nang higit sa pagkaunawa ko ng katotohanan, kung gayon, matututo ako sa kanya. Ipakita niya sa akin mula sa Salita ng Diyos at tatanggapin ko ito anumang oras. Hindi tayo dapat maging makadoktrina at makitid ang utak: "Naniniwala ako rito at wala akong pakialam anuman ang sabihin mo." Nakakasuklam ito! Hindi dapat ganito ang pag-uugali natin. Dapat nating maging mga taong umiibig sa katotohanan nang walang mga kundisyon.

Nadismaya ako kay Martin Luther, kahit na isa siyang dakilang "Reformer." Isa siya sa mga taong nagpasimula ng pagbabago sa iglesya. Pero nadismaya ako sa kanya dahil malaki ang pagkakamali niya sa isang punto, tulad ng nabanggit ko na noon, at babanggitin ko muli rito. Hindi ako 'tapat' sa isang doktrina ng Reformation. Tapat ako sa Salita ng Diyos! Kung saan mali ang isang 'Reformer,' sasabihin ko na mali siya, kahit na si Calvin o si Luther o sinupaman siya. Sapagkat, kung maipapakita ko mula sa Salita ng Diyos na mali siya, mali siya. Wala akong pakialam kung si Calvin o si Luther o sinupaman siya.

Gumawa si Luther ng napakalubhang pagkakamali nang iginiit niya ang doktrina ng 'justification by faith alone.' Ang ibig sabihin nito: napapawalang-sala tayo sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Hindi nito isinasaalang-alang ang anupamang bagay. Nasabi ko na noon at sasabihin ko muli, iniligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, oo, ngunit hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Una, dahil sa pananampalataya, tapos, dahil sa gawa. Dapat ito'y pananampalatayang nagbubunga ng mga gawa. Hindi ang mga 'gawa' ang nagliligtas sa atin; hindi ang 'pananampalataya' ang nagliligtas sa atin, kundi ang Diyos ang siyang nagliligtas sa atin, sa pamamagitan ng pananampalataya na dapat may kasamang mga gawa. Pinakamahalaga na maintindihan iyon.

At nang binasa ni Luther ang Sulat ni Santiago, natuklasan niyang ganap na kinontra siya ni Santiago, dahil tahasang sinabi ni Santiago na, "Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang." Sa labis na galit ni Luther, ninais niyang kunin ang Biblia niya at punitin ang mga pahina sa Sulat ni Santiago, dahil ganap nitong sinalungat siya.

Gaya ng nasabi ko na rin noon, siya ang nagsimula sa Alemanya ng tinatawag na 'Modern Day Liberalism' at ng 'literary criticism.' Ibig sabihin ng mga ito, ang pagiging liberal sa kapanahunang ito sa Salita ng Diyos. Ayon dito, puwede nang punahin o i-criticize ang Biblia bilang isang piraso ng panitikan. Pinuna ni Luther ang Sulat ni Santiago at sinabing: "Ang Sulat ni Santiago ay parang dayami na nababagay lamang na sunugin o ipakain sa baboy." Sa gayon, lubhang mali ang nagawa niya. Lagot si Luther! Kailangan nating ibigin ang katotohanan nang higit sa pinahahalagahan nating mga doktrina. At kung salungat sa Salita ng Diyos ang anumang sinasabi ko, kung gayon, balewala ang mga doktrina ko.

Hindi natin maaaring sabihin, "Hindi ko gusto ang aklat ni Santiago" o "Hindi ko gusto ang ibang mga aklat sa Biblia." Nagsabi ng katotohanan si Santiago. Nauunawaan ito ng sinumang bukas ang pag-iisip. Kaya, nagsusumamo ako sa inyo na magkaroon ng ganitong ugali, na umibig sa katotohanan, na tanggapin ang katotohanan maging galing man ito mula sa mga Katoliko Romano, o mula sa mga Presbyterian, o mula kaninuman. Wala akong pakialam kung alinmang sekta sila, basta nagsasalita sila ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Wala akong pakialam kung sino man sila. Iyon ang mahalaga!

Heto pa ang isa bagay: ang umiibig sa katotohanan, muli't muli niyang sinisiyasat kung tama ang dokrina niya batay sa Salita ng Diyos. Hindi niya ipinapalagay na hindi puwedeng maging mali ang mga doktrina niya. Nabasa ko kamakailan lang ang isang aklat tungkol sa pagdidisipulo. Isinulat ito ng isang kilalang-kilalang pinuno ng iglesya sa Hilagang Amerika. Hindi ko na babanggitin ang pangalan niya, sapagkat hindi ko inaatake ang taong iyon kundi ang ganap na mali niyang turo tungkol sa pagdidisipulo. Bakit ganap na maling-mali siya? Sapagkat nagsimula siya sa lahat ng uri ng sarili niyang mga palagay.

Tuwing magtuturo tayo ng isang doktrina, o kahit na sa paggawa natin ng pahayag, magkaroon sana tayo ng pag-uugali na paulit-ulit na sinusuri ang mga ito batay sa Salita ng Diyos. Ano ang kamalian ng kapatid na ito? Itinuturo niya na: Una sa lahat, kapag naging Cristiano kayo, naging isang nagbalik-loob o convert kayo. Ngayon, mula sa pagiging nagbalik-loob o convert, hahantong kayo sa pagiging disipulo. At kapag naging disipulo na kayo, sasanayin o iti-train na kayo upang maging manggagawa, na siyang susunod na yugto. Kaya nagsisimula kayo sa pagiging nagbalik-loob, tapos naging disipulo, pagkatapos naging manggagawa.

Ngayon, ganap itong walang kabuluhan batay sa Salita ng Diyos. Ibig kong sabihin, kung marunong lamang siyang magbuklat ng isang 'concordance' [isang aklat kung saan nakalista lahat ng mga salita sa Biblia] at hanapin ang salitang 'nagbalik-loob' o 'convert,' mabibigo siya sa paghahanap. Wala roon ang ideya ng sunod-sunod na yugto na: (1) nagbalik-loob, (2) disipulo, at (3) manggagawa. Pawang walang kabuluhan ito.

Gayunman, nakabatay ang buong aklat niya sa ideyang ito, na nakalarawan pa, upang sa pamamagitan ng pagpaphayag ng Ebanghelyo o 'evangelism,' may mga nagbalik-loob kayo; tapos, sa pamamagitan ng pagtuturo, may mga disipulo kayo. At hindi niya sinabi sa atin kung ano ang susunod na hakbang upang magkaroon ng mga manggagawa; iyon ay, wala ito sa mga larawang ibinigay niya.

Ngayon, nakikita ninyo na ito ang uri ng kamalian na humahantong sa pagsasabi ng mga tao na, "Samakatwid ba'y ang pagiging disipulo ang ikalawang yugto sa buhay-Cristiano?" Napakakaraniwan ng kamaliang ito sa mga iglesyang Intsik. Ganap na walang batayan ito sa Biblia.

Heto ang isang tanyag na pinuno ng iglesya na nakakagawa ng ganitong uri ng pagkakamali dahil hindi niya siniyasat kung tama ang itinuturo niya batay sa Salita ng Diyos. At pagkatapos, iniligaw niya ang lahat ng mga taong nagbabasa ng aklat niya at sumusunod sa itinuturo niya. May pinakamagandang hangarin man sila sa mundo, ngunit may ganitong mga pagkakamali sila, dahil may kabiguang siyasatin kung tama ang pahayag batay sa Salita ng Diyos.

Kaya, magtapos na tayo sa pamamagitan ng pag-oobserba sa mga puntong ito. Kailangan ng taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran na magutom at mauhaw sa katotohanan nang higit sa lahat ng bagay, hindi para sa sekta o iglesya niya, kundi para sa katotohanan at kay Cristo lang.. Tanging sa paraang ito lamang, na gaya ni Pablo, maipapalagay nating walang halaga na ang lahat ng bagay sa ating paghahanap at pagsunod sa katotohanan.

Makikita ninyo na hindi mahahanap saanman ang katotohanan maliban kay Cristo. Kung matatagpuan ang katotohanan sa ibang lugar maliban kay Cristo, halikayo't sabihin sa akin ang tungkol dito. Pupunta ako saanmang naroon ang katotohanan, dahil wala nang ibang lugar matatagpuan ang katotohanan kundi kay Cristo. Kaya nga, sinabi niyang, "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay". [Juan 14:6] Suriin ito at malalaman ninyong totoo ito. Hindi ninyo makikita ang katotohanan, ang espiritwal na katotohanan, sa mundong ito maliban kay Cristo.

Kaya, ang resulta sa huli ay ito: kung pinag-aaralan ninyo o hindi ang Salita ng Diyos; kung nagugutom at nauuhaw kayo para sa kaharian ng Diyos; kung mahal ninyo ang iglesya, iyon ay, hindi ang iglesyang ito o iyon kundi ang sinumang umiibig sa Panginoong Jesus, maging Katoliko Romano, o disipulong Judio, o Presbyterian, o Baptist, o maging anupaman siya, siya na umiibig kay Cristo, siya ang aking kapatid, anuman ang sekta niya. Kung iniibig ninyo ang mga ito, malalaman ninyong ang kabuuan ng lahat ng ito ay si Cristo, na siyang katotohanan, na siyang kabuuan ng lahat ng katuwiran.

Kaya magtapos na tayo at tandaan ito: "Mapapalad ang nagugutom at nauuhaw" - nang walang tigil na pagkagutom at pagkauhaw - "sa katuwiran, sapagkat siya ay bubusugin." Iyon ay isang pangako. Talagang busog ako kay Cristo. Gayunman, patuloy akong nagugutom at nauuhaw para sa higit pa, hanggang sa araw na matamo ko si Cristo; nang wala akong sariling katuwiran, kundi ang katuwirang mula sa kanya.

Iyon ang nagpapakain sa aking kaluluwa ngayon, ang katuwirang mula sa kanya. Magpapatuloy ako sa pagkain ng katuwiran hanggang sa ako'y maging ganap na tulad niya, hanggang sa pamamagitan nang pagkain sa katuwirang ito, lumago ako hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo, nang may katuwiran sa bawat bahagi ng aking pagkatao. Lumalago pa rin ako tungo sa direksyong iyon. "Hindi sa ito'y aking nakamit na," tulad ng sinabi ni Pablo, "ngunit ako ay nagpapatuloy."

Kaya, inyong makikita, habang pinag-iisipan natin ang mga kahanga-hangang salitang ito ng Panginoong Jesus, ibinubuod nito ang lahat ng bagay. Narito ang buong pagdaraanan ng buhay-espiritwal, simula sa pagsisisi, hanggang sa pagiging ganap na espiritwal. May kinalaman ang lahat ng ito sa pagkain ng katuwiran hanggang sa ganap itong mapasaloob natin at mapalakas ang bawat bahagi ng ating pagkatao.

Katapusan ng mensahe.

Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.