|
ChristianDisciplesChurch A Christian Evangelism and Discipling Ministry |
|||||||
|
|||||||
|
Mapapalad ang mga Nahahapis (Blessed Are Those Who Mourn) Mateo 5:4 - Ikalawa sa Isang Serye ng 10 Mensahe tungkol sa ‘Ang Mapapalad’ Magpapatuloy tayo sa pagpapaliwanag sa turo ng ating Panginoong Jesus sa Mateo 5:4, bilang pagpapatuloy sa may-sistema nating pag-aaral ng kahanga-hangang turo niya. Heto ang ating mababasa sa Mateo 5:4: “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.” Ang kahalintulad na sipi rito ay nasa Lucas 6:21, na nasa ikalawang bahagi ng bersikulo. Mababasa natin dito: “Mapapalad kayong tumatangis ngayon sapagkat kayo’y tatawa.” Para sa mga tumatangis ngayon, pupunuin ng Diyos ang kanilang mga bibig ng galak sa araw na iyon. “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.” Muli, ito’y ganap na kabaliktaran sa pag-iisip ng sanlibutan. Hindi ipinapalagay ng sanlibutan na mapalad o masaya ang nahahapis. Ang Panginoong Jesus ay pumarito upang magdala ng kaaliwan sa mga nahahapis. At kaya, gusto nating masuri ang katanungang ito: Ano ang ibig sabihin nito? Sa pangaral na nagpapaliwanag o ‘expository preaching,’ ang layunin ay ang maipaliwanag kung ano ang kahulugan ng Salita ng Diyos. Ito ang ating tungkulin dito. Isang tanong lang ang sinasagot ng pangaral na nagpapaliwanag: Ano mismo ang kahulugan ng mga salitang ito? Kailangan nating lumayo mula sa uri ng pangaral na nagpapahayag ng isang teksto at pagkatapos ay paikut-ikot lang sa pangangaral tungkol dito, o ginamit lang ang teksto bilang isang dahilan upang masabi ng mangangaral ang anumang gusto niyang sabihin. Kailangan nating maging tapat sa pagpapaliwanag, iyon ay, ang unawain, sabihin at ipaliwanag kung ano talaga ang gusto ng Panginoong Jesus na maintindihan natin.
Ang Kaaliwan ng Kaligtasan Tayo’y dumako agad sa punto. May pangunahing kaugnayan sa Biblia ang kaaliwan sa kaligtasan. Ang aliwin o i-comfort sa Biblia ay hindi ang pagkakaroon ng magandang pakiramdam lamang, o ang makatanggap ng pagpapagaan ng loob o ‘encouragement.’ Ito’y may kinalaman sa kaaliwan ng kaligtasan, ‘the comfort of salvation’.. Ang siping ito sa turo ng Panginoon, gaya ng makikita sa lahat ng turo niya, ay nagmumula sa Lumang Tipan. May kaugnayan ito sa Lumang Tipan. Ganito ang sinasabi sa Jeremias 31:13, sa ikalawang bahagi ng bersikulo, “Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa, aaliwin ko sila at bibigyan ko ng kagalakan sa kanilang kalungkutan.” Kapag sisiyasatin ninyo ang sipi, ito’y may kinalaman sa kaligtasan ng mga Judio, ang kaligtasan ng Israel. “Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa’t kalungkutan.” Halos ganito rin ang sinasabi sa Awit 30:11&12: “Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko; hinubad mo ang aking damit-sako, at binigkisan mo ako ng kagalakan, upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik. O PANGINOON kong Diyos, ako’y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.” Narito ang isang tao, iyon ay, ang mang-aawit, na nagpapatotoo na ang pagtangis niya ay ginawang sayaw at kagalakan ng Diyos. Kapag tinitingnan natin ang lahat ng mga ito, at titingnan din natin ang Bagong Tipan, makikita natin agad na ang pag-aaliw na ito ay may kinalaman sa kaligtasan. Nagsisimula ang Isaias 40:1 sa mga salitang, “Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Diyos.” At ang kaaliwan na ito, gaya ng makikita natin sa Isaias 40:1ss, ay may kinalaman sa pagdating ng Panginoon upang iligtas ang kanyang bayan. Sa Lucas 2:25 ang kasiyahan o kaaliwan ng Israel, sa katunayan, ay nasa kaligtasan ng Israel. O kung titingnan ninyo ang 2 Corinto 1:6, magkasamang binanggit ang kaaliwan at kaligtasan. O muli sa 2 Tesalonica 2:16 ang kaligtasan ay inilalarawan bilang walang-hanggang kaaliwan. Kaya, kapag umpisa ninyong pinag-aralan ang Biblia, huwag pagtangkahang ilagay ang sarili nating kahulugan ng kaaliwan na nangangahulugang, “Pinabubuti ng Diyos ang inyong pakiramdam.” Kasama rin iyon siyempre, subalit higit pang malalim ito kaysa roon. Ang kaaliwan sa Biblia ay isang kaaliwan sa walang-hanggang kaligtasan ng Diyos. Kapag malinaw na sa atin ito, hindi na kailangan ng mahabang panahon para ipaliwanag pa ang bahaging ito. Ang mga nahahapis ang siyang maliligtas. Aaliwin sila ng Diyos ng kanyang walang-hanggang kaaliwan – ng kaligtasan. Kung gayon, napakahalaga para sa atin ang maunawaan kung ano ang kahulugan ng kaaliwang ito.
Paano Natin Makakamtan ang Kaligtasan? Sa panahon ngayon, ipinapangaral natin ang kaligtasan sa pamamagitan ng doktrina [creed]. Basta’t naniniwala kayo sa tamang paniniwala o doktrina at kasapi kayo sa tamang iglesya, maliligtas na kayo. Hindi ganoong kababaw ang turo ng Panginoon. Ating malinaw na intindihin ang puntong ito. Madalas na ipinapangaral ngayon sa mga iglesya, gaya ng nasabi ko na, ang kaligtasan sa pamamagitan ng doktrina. Siyempre, ang doktrina’y mahalaga. Ngunit hindi tayo maliligtas ng pananampalataya lamang, kahit pa buong puso nating pinaniniwalaan ito. Ni hindi rin tayo maliligtas sa pamamagitan ng mga gawa. Ang kaligtasan ay hindi nakakamtan sa paggawa ng mabuti. Ngayon, ang paggawa ng kabutihan ay napakahalaga sa Bagong Tipan, ngunit hindi tayo naliligtas sa pamamagitan ng mabubuting gawa, o paggawa ng kabutihan, kahit na ang mga ito’y lubhang mahalaga. Kaya, hindi tayo naliligtas ng pananampalataya ni ng mga gawa. Kung gayon, sa anong bagay o paraan tayo naliligtas? Naliligtas tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa pagbabago nito sa atin at sa paggawa nito sa atin na maging mga bagong tao. Umaasa ako na ang puntong ito ay ganap na nauunawaan, kahit man lang sa iglesyang ito. Ang pagpapala ng Diyos ay ipinapakita sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang makapagpabago. Naliligtas tayo hindi lamang sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, kundi ng kanyang buhay. Ang kanyang kamatayan ang nagtatamo sa atin ng pagpapatawad sa ating mga nakaraang kasalanan. Ang kanyang buhay, sinasabi sa atin ni Pablo sa sulat niya sa mga taga-Roma, ang siyang paraan ng ating pagpapabago. Pinagkasundo tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay sapagkat tayo’y ginawang mga bagong nilalang, mga bagong tao. Ang buhay na mayroon tayo ngayon, “Ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon,” gaya ng sinasabi ni Pablo, “ay si Cristong nabubuhay sa akin sa pamamagitan ng pananampalataya.” [Galacia 2:20] Ang pananampalataya kung gayon ay ang daluyan kung saan itong muling-pagkabuhay na buhay [resurrection life] ni Cristo ay pumapa-sa-atin at ginagawa tayong mga bagong tao. Kaya, hindi lang natin dapat bigyang-diin ang kamatayan ni Cristo kundi ang buhay ni Cristo; hindi lamang na napatawad ang ating mga nakaraang kasalanan, kundi tayo ngayon ay ginagawang mga bagong tao sa pamamagitan ng muling-pagkabuhay na buhay ni Cristo. Ito ang ganap na kaligtasan. Saanmang dako, binibigyang-diin lamang ng mga iglesya ang kamatayan ni Cristo, na tila ang buhay ni Cristo ay hindi talaga mahalaga. Ngunit sinasabi ni Pablo sa Roma 5:10: “Sapagkat kung tayo’y napatawad sa pamamagitan ng kamatayan niya, napawalang-sala dahil sa kamatayan niya, lalo pa tayong maliligtas sa pamamagitan ng buhay niya.” Iyon ngayon ang turo ayon sa Biblia. Nauunawaang ganap ni Pablo ang turo ng Panginoon. Madalas kong sabihin na lahat ng sinulat ni Pablo ay purong komentaryo. Simpleng ipinapaliwanag lamang niya ang turo ng Panginoon. Hindi ko sinasabi na hindi mahalaga ang mga komentaryo. Higit na mahalaga para sa atin na tamang maintindihan ang turo ng Panginoon. Sa madaling salita, kung sasapit tayo sa isang pang-unawa ng turo ng Panginoon na ibang-iba mula sa paliwanag ni Pablo, sa gayon, malalaman natin na tayo ay mali. Si Pablo ang gagabay sa atin sa tamang pagkaunawa sa turo ng Panginoon. Sinasabi mismo ni Pablo ang katulad na bagay. Hindi tayo naliligtas sa pamamagitan ng paniniwala o doktrina; hindi tayo naliligtas sa pamamagitan ng mga gawa; ngunit naliligtas tayo sa pamamagitan ng pagiging isang bagong nilalang. Naipaliwanag ko na nang ganap ang puntong ito kamakailan lang.
Dumarating ang Kaligtasan sa ‘Bagong Tao’ Ako’y lubhang nabahala nang mabasa ko ang di-katagalang pag-aaral na ginawa ni Propesor Eduard Schweizer ng Zurich, isang kilalang pantas ng Bagong Tipan. Sa pinakabago niyang akda sa Mateo, lubhang sinisimbolo nito ang kabiguang maunawaan ang kahulugan ng pagdadalamhati. Ano ang sinasabi niya? “Tayo ay hindi nagdadalamhati sa kasalanan; simpleng kinamumuhian lamang natin ito.” Tapos, nagbuod siya sa: “Dahil hindi tayo nagdadalamhati sa kasalanan, kung gayon, ano ang ipinagdadalamhati natin? Tayo’y nahahapis kapag tayo’y inaapi’t inuusig.” May katotohanan doon ngunit napakalayo nito sa paksang pinag-uusapan. Ang pangungusap na iyon ay walang katuturan, ni di-makatuwiran. Hindi ganito ang inaasahan natin sa dapat-na-dalubhasa sa pag-aaral sa Bagong Tipan sa mga araw na ito, na napakababaw. Sinasabi ko ito hindi dahil gusto kong punahin o siraan ang isang tao, subalit lubhang inilalarawan nito ang pag-iisip sa panahong ito, iyon ay, ang kakulangan sa pang-unawa ng pagdadalamhati. Bakit ko nasabing ito’y wala sa paksa? Dahil hindi kailanman ang punto’y simpleng ang paghihinagpis sa kasalanan. Hindi gayun-gayon lamang. Ang punto ay: tayo’y nahahapis sapagkat tayo’y nagkasala. Hindi ko ipinagdadalamhati ang isang bagay na tinatawag na ‘kasalanan.’ Ako’y nalulumbay sapagkat ako yaong nasangkot sa kasalanan. Ito ang punto ng pagdadalamhati. Maaari nating kamuhian ang kasalanan, subalit hindi tayo mapipigilan niyon sa paghihinagpis sa ating pagkakasangkot sa kasalanan.
Halimbawa ng Kasalanang Kinamumuhian at Ikinadadalamhati Ngayon, kamuhi-muhi ang ginawa niya. Nakakasuka na may ganoong uri ng kasalanan sa sanlibutang ito. Totoong namumuhi tayo sa kasalanan, ngunit hindi niyon ako napipigilang magdalamhati, maghinagpis – ang tumangis para sa dalawang inosenteng bata na namatay sa pamamagitan ng kamuhi-muhing gawa na ito. Hindi nito mapipigilan akong magdalamhati kapag naiisip ko ang pagdurusang naipataw sa mga magulang sa pagkawala ng mga minamahal nila sa buhay, sa ganoong kasindak-sindak na paraan. Isang ina ang naghintay nang maraming araw sa matinding pag-aalala, naghihintay sa balita tungkol sa kanyang kaisa-isang anak na babae, na bata pa lang, sa pag-asang marahil siya’y babalik pa. Ngunit makalipas ang napakaraming araw ng pag-aalala’t paghihintay, narinig niyang inihulog ang kanyang minamahal na anak sa nagyeyelong tubig ng St. Lawrence. Hindi ba tayo magdadalamhati? Hindi ba tayo tatangis kasama ng mga tumatangis na iyon? Ang sabihing ang kasalanan ay isang kamuhi-muhing bagay at kaya kinamumuhian natin ito, subalit hindi natin ipinagdadalamhati ito, ay wala katuturan. Walang kabuluhan ang pagsabi nito. Ako’y hindi nagdadalamhati sa kasalanan sa ganoong kahulugan. Nagdadalamhati ako sa mga bunga ng kasalanan. Nagdadalamhati ako na nasangkot ako sa kasalanan. Nababahala akong makita na nagsasabi ang isang pantas sa Bagong Tipan ng gayong klaseng walang-kabuluhanan. Sinasabi ko ito hindi para atakihin siya, kundi para sabihing inilalarawan nito ang espiritu o asal ng panahong ito, na hindi natin nauunawaan kung ano ang pagdadalamhati at pinapawalang-saysay ito sa pagsasabi ng, “Hindi tayo nagdadalamhati sa kasalanan; namumuhi tayo sa kasalanan.” Maaari pa rin akong magdalamhati sa mga bagay na kamuhi-muhi. Hindi naman ito pamimili sa isa o sa isa pa. Dapat hindi na magkamali nang gayon ang dapat may sapat na kaalaman sa buhay at sa pangangatwiran.
Taimtim at Tuloy-tuloy na Pagdadalamhati ang Kinakailangan Narito ang sinasabi ng Panginoon at ginagamit niya ang pandiwaring pangkasalukuyan [present participle] sa orihinal: “...siya na palaging nagdadalamhati...” o “siya na patuloy sa pagdadalamhati.” Inilalarawan niya ang isang palagiang asal ng puso. At ito’y lubos na naunawaan ni Lucas: na ang siyang tumatangis ngayon ay tatawa sa hinaharap. Ang ‘ngayon’ ay tumutukoy sa ‘kasalukuyang panahon ng kadiliman at ng kasalanan.’ Ano samakatwid ang tinutukoy ng pagdadalamhating ito? Una, ang salitang Griego ng ‘pagdadalamhati’ (ang salitang ginamit dito) ay inilarawan ni Arsobispo Trench na minsa’y isang guro sa King’s College sa London kung saan ako nag-aral noon. Sinabi ni Propesor Trench, sa kanyang Mga Singkahulugan sa Bagong Tipan, [Synonyms of the New Testament], na itong salitang ‘dalamhati’ ay ang maghinagpis sa isang pagdadalamhating tumatagos sa buong pagkatao, kung kaya’t hindi ito maitatago. Itinuro niya na iyon ang dahilan na ang salitang ito sa Biblia ay madalas na ikinakabit sa salitang ‘tumangis’, ang umiyak. Kaya ang nakikita natin sa Lucas ay ‘tumatangis’ at sa Mateo ay ‘nahahapis’. Ang ‘tumangis’ ay ang panlabas na pagpapahayag ng malalim na pagdadalamhati ng puso. Ipinapaalala kong muli sa inyo na hindi sinasabi ng Panginoong Jesus na yaong mga tumangis noon ay aaliwin; kundi yaong patuloy na tumatangis, gaya ng pagkakalagay ni Lucas dito, “kayong tumatangis ngayon,” “na nahahapis ngayon.” Ito ay isang palagiang asal ng puso. Hindi tayo makakapayag sa isang mababaw na pagtrato ng tekstong ito. Kailangan ninyong maunawaan ang espiritu ng Bagong Tipan.
Ang Limang Yugto ng Pagdadalamhati May mababaw tayong Cristianismo na hindi nauunawaan ang lalim ng pagdadalamhati at ang lalim ng sakit na dulot ng kasalanan. Kaya mayroon tayong Cristianismong mababaw. Turuan tayo nawa ng Diyos na tumangis! Ano kung gayon ang limang yugtong ito?
1) Ang Pagdadalamhati ng Pagsisisi Ang sabihing hindi tayo tumatangis sa ating kasalanan – na kinamumuhian lamang natin ito – anong walang-kabuluhang kababawan! Nakakalungkot! Malinaw na ang taong ito’y hindi tumangis kailanman sa kasalanan! Paano masasabi ng isang tao ito?! Hindi ba kayo kailanman nagdalamhati dahil sa kasalanan? Sa mga nagawa ninyong kasalanan? O sa pagtangis ng ibang tao na kayo ang naging sanhi? Hindi ba kayo kailanman nahapis dahil sa kasalanan? Anong uri ng Cristianismo ito? Anong babaw ng Cristianismo ito! Hayaan ninyong ipakita ko sa inyo na saanman kayo bumaling sa Biblia, makikita ninyo ito. Kapag tumingin kayo sa Lumang Tipan, makikita ninyo ito kung saan-saan. Sa Awit 39:12 (at alam ng mang-aawit ito nang mabuti) mababasa ang: “Pakinggan mo, O PANGINOON, ang aking panalangin, at iyong dinggin ang aking daing; huwag kang manahimik sa aking mga luha! Sapagkat ako’y dayuhan na kasama mo, isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.” “Pakinggan mo ang aking panalangin, O Panginoon. Pakinggan mo ang aking daing mula sa kailaliman ng aking puso. Huwag kang manahimik sa aking mga luha, O Panginoon.” Ito ngayon ang taong nakakaunawa ng pagsisisi. Bakit natin sinasabi na ito’y pagsisisi? Sapagkat sinasabi niya sa b.8, “Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway…”.. Iligtas mo ako sa aking mga kasalanan... huwag kang manahimik sa aking mga luha.” Hindi kataka-taka na ang mang-aawit ay isang tao ng Diyos [a man of God]. Naunawaan niya kung ano ang tumangis sa kasalanan at hindi niya ito winawalang-saysay sa pamamagitan ng teolohiyang pahayag na ang kasalanan ay kinamumuhian lamang. Siyempre tayo ay namumuhi sa kasalanan; ngunit kailangan din nating tangisan ito. Ito’y makikita natin sa buong Lumang Tipan. Hayaan ninyong basahin ko sa inyo ang isa pang sipi sa Isaias 22, kung saan sinasabi na ang mismong pagkakatawag sa atin ay isang pagtawag na magsisi, na lumuha. Ating tingnan ang Isaias 22:12. Ano ang sinasabi ng dakilang propetang Isaias dito? “Nang araw na iyon ay tumawag ang Panginoong DIYOS ng mga hukbo, sa pag-iyak, sa pagtangis, sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng damit-sako.” Ang pagkakalbo: noong mga araw, kapag nahahapis ang mga tao, madalas ay nag-aahit sila ng ulo. Mas malupit pa sa pag-aahit, binubunot nila ang kanilang buhok mula sa ulo. “…sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng damit-sako” – sila’y nagsusuot ng damit-sako kapag sila’y nagluluksa o nagdadalamhati. Ang mga Intsik ay nagsusuot ng puti sa pagluluksa; ang mga taga-Kanluran naman ay naglalagay ng itim na tali sa braso kapag nagluluksa. Pagkatapos, ano ang patuloy na sinasabi nito? Gaya rin sa panahon ngayon na walang anumang nauunawaan tungkol sa pagluluksa (tumawag ang Diyos sa pagtangis at paghinagpis): “Sa halip ay nagkaroon ng kagalakan at kasayahan, pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa, pagkain ng karne, at pag-inom ng alak. ‘Tayo’y kumain at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.’” Tinatawag tayo ng Diyos sa pagluluksa, ngunit ating sinasabi na, “Hindi namin gustong magluksa sa kasalanan. Naku, hindi! Ang aming gagawin ay ang magsaya’t magalak. Kami’y papatay ng mga baka at mga tupa, at kakain ng karne at iinom ng alak. Kami’y kakain at iinom sapagkat bukas tayo’y mamamatay. Kaya’t mas mabuti pang mag-enjoy na lang tayo ngayon. Pansinin ang sinasabi ni Isaias sa b.14: “Ipinahayag ng PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang sarili sa aking mga pandinig: ‘Tunay na ang kasamaang ito ay hindi ipatatawad sa inyo hanggang sa kayo’y mamatay,’ sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo.” Hindi alam ng mga tao kung ano ang kahulugan ng magluksa’t tumangis, at sinasabi nilang, “Magsaya tayo habang mayroon pang ‘ngayon’.” At sinasabi ng Diyos, “Itong mabigat na kasalanan – ang inyong kawalang-kakayahan na tumangis at magluksa sa kasalanan – ay hindi ipapatawad sa inyo kahit hanggang mamatay kayo.” Inyong nakikita na sa Biblia, wala ng ganoong kababawang nabanggit kanina. Ito’y may kalaliman: ang pagtawag sa pagsisisi, ang pagtawag sa pagtangis. Matatagpuan natin ito sa iba pang mga lugar, tulad sa Joel 2:12, kung saan isinama ito sa pag-aayuno sa b.15. Ating makikita ito sa isa pang lugar sa Eclesiastes 7:3&4. Ito ang sinasabi ng pantas sa Eclesiastes, “Mas mabuti ang kalungkutan kaysa tawanan, sapagkat sa kalungkutan ng mukha ang puso ay sumasaya.” Sinasabi sa b.4, “Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng pagluluksa; ngunit ang puso ng mga hangal ay nasa bahay ng kasayahan.” Ikinakatakot ko na sa ngayon, tayo’y higit na nasa bahay ng mga hangal: sa bahay ng kasayahan. Hindi pa natin naunawaan kung ano ang tumangis, kung kaya, hindi natin nauunawaan kung ano ang magalak. Hindi nalalaman ng mga di-tumatangis ang kagalakan. Ito ang sinasabi sa Eclesiastes o ng Mangangaral dito: “Ang kalungkutan ay palaging mas mabuti kaysa sa tawanan, sapagkat sa kalungkutan ng mukha ang puso ay sumasaya.” Walang anumang bagay na makakapaglinis gaya ng luha ng pagsisisi: na pagkatapos ng ulan ay dumarating ang pagsikat ng araw ng kagalakan. Pagkatapos ng mga ulang hindi nagtatagal [showers], dumarating ang init ng kagalakan ng Diyos sa pagsikat ng araw. Hindi rin alam ng mga taong hindi marunong tumangis kung ano ang kagalakan. Iniisip nila na ang kagalakan ay nasa bahay ng kasayahan, sa mga mababaw na paggawa ng kung anu-ano, sa mababaw na kagalakan. Nararamdaman kong ito ang katangiang tumutukoy sa pag-uugali ng panahong ito. Iyon ang dahilan kaya sa Santiago 4:9 sinasabi niyang managhoy, umiyak. Tumatawag siyang muli, gaya ng ginagawa ni Isaias, na umiyak, magluksa, sa pagsisisi. Sa Santiago 4:9, ito ang mababasa: “Kayo’y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan. Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.” Ito’y isang pagtawag na managhoy, magluksa at umiyak sapagkat ito muli ay isang pagtawag sa pagsisisi. Gaya ng makikita nating sa b.8, “Lumapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.” Magluksa kayo, mga may dalawang pag-iisip, mga makasalanan. Kaya ating nakikita na ang pagtangis ay hindi lamang dahil sa pang-aapi. Ito’y may kinalaman sa pagsisisi, sa malalim na pagsisisi sa kasalanan. Ang kaparehong mga bagay ay makikita natin sa 2 Corinto 7:10 at ito’y isang napakahalagang sipi. Ganito ang sinasabi ni Apostol Pablo, “Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam”. Ang kalungkutang naaayon sa Diyos, kanyang sinasabi, ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam; “subalit ang kalungkutang naaayon sa sanlibutan...”. Pansinin na may dalawang uri ng kalungkutan; hindi lahat ng kalungkutan o pagluluksa ay magliligtas. May kalungkutang naaayon sa Diyos at may kalungkutang naaayon sa sanlibutan. Walang ibang ibubunga ang kalungkutang naaayon sa sanlibutan kundi kamatayan, sapagkat ito’y hindi nakabatay sa pananalig kundi sa kawalan ng pananalig.. Sa 1 Tesalonica 4:13 sinasabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, “…kayo’y huwag malungkot (lumuha), na gaya ng iba na walang pag-asa.” Tayo ay maaaring lumuha, ngunit hindi tayo dapat na lumuha gaya ng iba na walang pag-asa, na walang pananalig sa Diyos. Tayo’y lumuluha dahil sa pagsisisi sa kasalanan. Iyan ang unang yugto sa buhay-Cristiano. Nagsisimula tayo sa pagtangis at hindi tayo tumitigil sa pagtangis sa buhay-Cristiano. Sa mundo na ating ginagalawan ngayon – isang mundo ng kasalanan – paano tayo matitigil sa pagtangis hanggang hindi dumarating ang bagong panahon, hanggang hindi naitatatag ang kaharian ng Diyos, hanggang hindi nagaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya ng sa langit? Kaya tayo’y tulad ni Lot, gaya ng sinasabi sa 2 Pedro 2:7&8 kung saan sinabi na si Lot ay lubhang nabagabag sa mga kasalanan ng kanyang henerasyon. Siya’y “lubhang nabagabag…” – ang salitang Griyego ay ‘pinahirapang mabuti’, ‘sinugatan’ – “sa matuwid niyang kaluluwa” dahil sa mga kasalanan ng henerasyon niya. Maging gayon sana ang mga Cristiano sa henerasyong ito: mababagabag sila sa puso. Iligtas nawa tayo ng Diyos mula sa kababawan! Ang pagtangis ang magiging tanging gawain natin sa henerasyong ito hanggang dumating at maitatag ang kaharian ng Diyos sa lupa sa kaganapan at sa kapangyarihan. Pumunta na tayo ngayon sa ikalawang yugto. May malapit na ugnayan ito sa una. Hindi tayo palaging magdadalamhati para sa kasalanan na ating pinagsisihan na sa nakaraan. Iyon ang unang yugto. Kapag pinatawad na ng Diyos ang ating mga kasalanan, hindi na tayo patuloy na magdadalamhati para sa mga kasalanang nakalipas na. Kahit na maalala natin ang mga ito nang may kalungkutan, hindi na tayo patuloy na hihingi ng kapatawaran; pinapatawad tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan. Kaya, pinapalitan niya ang ating kalungkutan ng kagalakan sa kanyang kapatawaran. Ngunit pagkatapos niyon, dumarating ang ikalawang yugto.
2) Pagdadalamhati Para sa mga Bunga ng Kasalanan Sa Apocalipsis 21:4 – ibinibigay ko sa inyo ang mga sangguniang ito upang makita ninyo na hindi lang ito mga opinyon ko. Nais kong suriin ninyo ang pangaral sa lahat ng dako para makita kung ayon sa Biblia. Huwag ninyong tatanggapin na basta-basta lang ang aking mga salita; tanggapin ninyo ang Salita ng Diyos. Kung nakikita ninyong ang sinasabi ko ay hindi ayon sa Biblia, tanggihan ninyo ito. Sa Apocalipsis 21:4, makikita natin dito na: “Papahirin ng Diyos ang lahat ng luha sa araw na iyon.” Hindi pa ngayon! Sa araw na iyon, papahirin niya ang lahat ng mga luha. Hanggang hindi pa dumarating ang araw na iyon, tutulo pa ang mga luha sa atin. Subalit sa araw na iyon, sa araw ng bagong Jerusalem, ng bagong langit at ng bagong lupa, b.4: “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan…”. Ngunit hanggang hindi pa dumarating ang araw na iyon, mayroon pa ring kamatayan. Kapag ang ating mga mahal sa buhay ay nawalay sa atin, o tayo’y nawalay sa kanila, magkakaroon ng kalungkutan, dahil sino ba ang nais magpaalam sa mga mahal natin sa buhay? Wala nang kamatayan sa araw na iyon, ngunit sa ngayon, kasama pa rin natin ang kamatayan. “…hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man…”. Nagdudulot ang makitang naghihirap ang ibang tao ng kirot sa ating mga puso. Nagdudulot ang ating mga paghihirap ng bahagyang lungkot lamang sa atin, subalit nagdudulot ng napakalaking kirot sa ating mga puso ang makitang naghihirap ang mga minamahal natin. Mas gugustuhin pa nating tayo na lang ang magdusa, kaysa makitang nagdurusa ang ating mga minamahal. Ito’y nagdudulot ng kirot sa ating puso. Nagdadalamhati tayo sa mga bunga ng kasalanan. Nalulungkot tayo na mayroon pang ganoong kalungkutan. Sa Juan 11:35 ating nakikita na iniyakan ng Panginoong Jesus ang nakakaawang kalagayan ni Lazarus at ng kanyang pamilya. Sinasabi rito na: “Umiyak si Jesus.” Bakit siya umiyak? Nakita niya ang kahabag-habag na kalagayan ng mga tao. Hindi ba naaantig ang inyong puso sa nakakaawang kalagayan ng mga tao? Ang katotohanang ang sangkatauhan ay nakaalipin sa kapangyarihan ng kasalanan – wala bang sinasabing anuman ito sa inyo? O sa akin? Nakikita kong maraming Cristiano ang di-masyadong nag-aalala. Abala sila sa pagtatangka nilang iligtas ang kanilang sarili, kaya hindi sila makapag-alala na lumulubog na ang iba sa putikan ng kasalanan. Hindi sila masyadong nababagabag na ang iba’y namamatay. Dahil sa huli, ang hinahangad nila’y ang sarili lang nilang kaligtasan. Ang ganitong uri ng Cristianismo – na ganoong kababaw – hindi ba natin ikinalulungkot? Tiningnan ng Panginoong Jesus ang mga tumatangis at nagluluksang mga tao (nagluluksa sila sa pagkamatay ni Lazarus) at siya’y lumuha.. O anong kaawa-awang kalagayan ng sangkatauhan! Gaano kawalang-lunas ang walang pag-asa nilang kalagayan! Ito ang ikalawang yugto, ang hindi lang natin pagtangis para sa sarili nating mga kasalanan, kundi natuto na tayong tumangis, makaramdam ng pagkahabag sa sanlibutan, sa mga di-nananalig na parang mga tupang walang pastol, na pinaggugutay-gutay ng mga lobo, na hindi alam kung sino ang nagsasabi ng totoo’t sinong nagsasabi ng mali, litung-lito, nagugulumihanan, na tumitingin dito’t doon, hindi alam kung saan tutungo. Ang iba ay nahuli sa mga tinik ng mabababang puno, ang iba nama’y nahulog sa mga kanal at hindi makalabas, kahabag-habag na sumisigaw ng tulong subalit walang sinuman ang makakatulong. Napakaraming Cristiano, gaya ng mga Levita, ang nagpapatuloy lamang sa paglalakad kahit na nakikita na nila ang sugatang tao sa daan [na tila sinasabi], “Wala kaming pakialam.” Hindi nila iniiyakan ang mga nasugatan; hindi ito nakakabagabag sa kanila. Wala silang pagkahabag. Ngunit hindi ang Panginoon – siya’y puno ng pagkahabag at awa.
3) Nahahapis sa Pag-uusig Binilinan ni Pablo ang mga Cristiano sa Roma 12:15: “Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.” Sa madaling salita, natututo tayong hindi lang tingnan ang sarili nating dalamhati, kundi natututo tayong makiisa sa ibang tao sa kanilang pangangailangan at kagalakan. Ngunit kung hindi tayo marunong makiisa sa kanila sa pangangailangan nila, kung gayon, paano tayo makikiisa sa kagalakan nila? Kaya kailangan tayong umabot sa ikatlong yugto, kung saan natututo tayong magkaroon ng habag sa matutuwid at kalingain ang sinumang inuusig. Minsan siyempre, tumatangis tayo sapagkat inuusig din tayo. Walang kahiya-hiya roon, dahil ipinapakita nito na may mali sa mga taong umuusig sa atin. Pansinin ngayon na ang turo ng Biblia sa puntong ito’y muling napakalinaw. Sa Awit 6:6 ating matatagpuan na maraming alam ang mang-aawit tungkol sa pananangis dahil sa pag-uusig. Nagdurusa tayo alang-alang sa kanyang pangalan. Datapuwat ibinibilang nating pribilehiyo ang magdusa. Ikinalulungkot pa rin nating may mga taong ganito, na walang-puso, na manhid sa katotohanan. Sinasabi ng mang-aawit sa Awit 6:6: “Sa aking pagdaing ako ay napapagod na, bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan, dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.” B.7: “Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto, ito’y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko”. Sino ba ang gustong maapi? Sino ang nasisiyahang maapi, maliban sa kung tayo’y may kakaibang kabuuan at pag-iisip, na parang naluluwalhati kapag pinag-uusig. Tayo’y tumatangis ngunit hindi nauunawaan ng iba. At tumatangis tayo na hindi nila tayo nauunawaan, at humahantong pa ito sa paninirang-puri at pang-aapi nila sa atin, dahil tayo’y nagsasabi ng o naninindigan sa katotohanan. Naunawaang mabuti ito ng mang-aawit, kung kaya nalulungkot siya rito. Sinabi niya sa b.8, “Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan, sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.” Layuan ninyo ako, kayong mga gumagawa ng kasamaan.” Sa b.9 at b.10: “Narinig ng PANGINOON ang aking pagdaing; tinatanggap ng PANGINOON ang aking panalangin. Lahat ng kaaway ko’y mapapahiya at mababagabag na mainam; sila’y babalik, at kaagad na mapapahiya.” Ngayon, hindi natin mauunawaan ang ganitong malalalim na damdamin ng mang-aawit kung hindi natin naiintindihan kung ano ang manindigan para sa katuwiran at para sa katotohanan. Kung hindi pa kayo nakapanindigan kailanman, siyempre, walang kukontra sa inyo. Kapag naapi kayo, kapag tinalikuran kayo ng inyong mga magulang, kapag tinanggihan kayo ng inyong minamahal, nakakasugat ito ng puso; ito ay masakit. Alam ko ang ganoong pakiramdam. Alam ko sapagkat nang ako’y humayo’t nagsilbi sa Panginoon, ayaw na akong makita ng aking mga magulang. Itinakwil nila ako kahit na ako’y natatangging anak na lalake nila! Kapag ako’y umuwi ng bahay, ipinapaalam ng aking mga magulang na hindi na sila nalulugod sa pagtanggap sa akin sa pamamagitan ng tahasang pagtatanong, “Kailan ka aalis? Gaano ka katagal mananatili? Gaano kaaga ang pag-alis mo?” Ito ay nakakasugat sa puso. Kahit na mga magulang ko’y ayaw na sa akin. Gaya ng sinasabi ng mang-aawit, “Maaaring iwanan ng ama ang kanyang anak, at maaaring kalimutan ng ina ang kanyang sanggol, subalit hindi ako iiwanan ng Diyos.” Alam ninyo ba kung ano ang manindigan sa katotohanan? Hindi ninyo mararating itong pangatlong yugto hanggang hindi kayo naninindigan para sa katotohanan kahit papaano. Hanggang sa puntong iyon, walang mang-aapi sa inyo. Kung hindi kayo gagawa ng anumang paninindigan, sinong gustong mang-api sa inyo? Wala kayong bandilang itinataas, wala kayong anumang ipinaglalaban, sino ang sasalungat sa inyo? Ngunit kapag kayo’y nanindigan para sa katotohanan, kapag narating na ninyo ang yugto na masasabi ninyo gaya ni Luther, “Dito ako’y naninindigan. Wala akong magagawang iba, kaya tulungan mo ako, O Diyos.” Nang hingiin kay Luther na bawiin niya ang ipinahayag niya, sinabi niya, “Naninindigan ako rito. Wala akong magagawang iba pa. Hindi ako papayagan ng aking konsensiya. Kaya tulungan mo ako, O Diyos.” Inapi siya. Palaging nasa panganib ang buhay niya. At tiyak na alam ni Luther kung ano ang tumangis. Makikitang inulit ang punto sa Awit 42. Hayaang basahin ko ito sa inyo upang maunawaan ninyo kung gaano kalalim na ginawang malinaw ng Panginoong Jesus ang buong turo ng Biblia tungkol sa kabanalan sa kahanga-hangang mga salitang ito sa kanyang katuruan. Tanging ang Panginoong Jesus lang at wala nang iba ang makakagawa nito. Hindi katakataka na namangha ang lahat sa kanyang turo. Walang sinumang tao ang nangusap kailanman na gaya ng taong ito. At kaya niyang tipunin ang napakaraming katotohanan sa napakakaunting salita. At para mailabas ang mga ito, para maipaliwanag ang mga yaman nito, kailangan nating suriin ang bawat punto, ang bawat hakbang. Mababasa sa Awit 42:3, “Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi, habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi, ‘Nasaan ang iyong Diyos?’” “Ikaw ay nasa kaguluhan. Ikaw ay nagdurusa. Nasaan ang iyong Diyos? Nakalimutan ka na ng iyong Diyos!” Iyan ang sinasabi nila sa akin. Kinukutya nila ako; pinagtatawanan nila ako. Alam na mabuti ng ating mga kapatid sa Tsina ang tungkol dito. “Nasaan ang iyong Diyos, ha? Nasa gawaing pagpapahirap [hard labor (camp)] ka na ngayon. Nasa bilangguan ka na ngayon. Kaya, hindi ka ba tutulungan ng iyong Diyos? Hindi ba siya magpapadala ng anghel upang tulungan kang makalabas mula sa bilangguan? Nasaan ang iyong Diyos?” “Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi”. Naunawaan ninyo ba ang ganitong uri ng pagdurusa habang naninindigan kayo sa katotohanan? Sa b.9 at b.10 ng parehong Awit, “Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato: ‘Bakit kinalimutan mo ako? Bakit ako’y tumatangis sa paghayo dahil sa kalupitan ng kaaway ko?’ Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto, ang aking mga kaaway, tinutuya ako, habang patuloy nilang sinasabi sa akin, ‘Nasaan ang Diyos mo?’” “Siya ba ay nakatulog? Tingnan, ikaw ay nasa kaguluhan ngayon. May ginagawa bang pagtulong ang iyong Diyos?” Habang nakapako ang Panginoong Jesus sa krus, sinabi nila, “Nasaan ang iyong Diyos? Marahil ibababa ka ng iyong Diyos mula sa krus.” Hindi ganoong uri ng Cristianismo ang mayroon tayo ngayon, kung saan palaging naglalagay ang Diyos ng kendi sa inyong bibig. At tuwing nasa kaguluhan kayo, pipiyansahan niya kayo upang makalabas? Tuwing may problema kayo, tinutulungan niya kayong malagpasan ito. Kaya, ngayon, nasa kaguluhan kayo: “Binibigyan ka namin ng problema – kaya anong gagawin ng iyong Diyos tungkol dito?” “Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi.” Hindi nangako ang Diyos ng sikat ng araw na walang ulan. Hindi siya nangako na habang buhay, mabulaklak ang ating daraanan. Tinawag tayo ng Panginoong Jesus na pasanin ang ating krus at sumunod sa kanya. At ang pagpasan ng ating krus ay nangangahulugang mamamatay tayo. Kapag ipapako na tayo, tutuyain tayo ng ating mga kaaway at sasabihang, “Kung ang Diyos ay totoo, bumaba ka mula sa krus.” Ang hindi nila nakita ay ang muling-pagkabuhay na darating. May higit na kahanga-hangang bagay na gagawin ang Diyos kaysa sa ibaba si Jesus mula sa krus. Bubuhayin niya siya muli mula sa kamatayan. Hindi ililigtas ng Diyos si Jesus upang hindi mamatay, kundi aantayin niyang mamatay muna si Jesus bago siya buhaying-muli. At ganoon din ang gagawin niya sa atin. Kaya ating nakikita ang ikatlong puntong ito: ang pagtangis dahil sa pang-aapi ng kaaway. Maaari rin nating makita ito sa Awit 56:8 at iba pang bahagi ng Mga Awit – ang pagtangis dahil sa pang-aapi.
4) Tumatangis Para sa mga Kasalanan ng Bayan ng Diyos Tingnan natin si Ezra, yaong dakilang alipin ng Diyos. Sa pamamagitan niya, nagkaroon ng panunumbalik sa Israel. Sinabi ni Ezra sa Ezra 10:6: “Pagkatapos ay tumindig si Ezra mula sa harapan ng bahay ng Diyos, at pumasok sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib, na doon ay nagpalipas siya ng magdamag, at hindi kumain ng tinapay ni uminom man ng tubig, kundi siya’y nanangis dahil sa kataksilan ng mga bihag.” Nasaan na ang bayan ng Diyos na tumatangis dahil sa kataksilan ng mga bihag [exiles] ng Diyos sa mundong ito: ang iglesya ng Diyos? Ang mga bihag, siyempre, ay ang mga natira na ipinadala sa pagkakaalipin nang winasak ang Jerusalem. Gayunpaman, sa kabila ng paghuhukom na iyon na dumating sa kanila, wala silang natutunang espiritwal na aral mula rito. Patuloy pa rin sila sa mga kasalanan nila, sa mga kataksilan nila.. Gaano katigas, gaano kamanhid sa kasalanan ang bayan ng Diyos? Sila ay hindi tumatangis para sa kasalanan. Kanilang pinapahayag na ang tanging kailangan lang ay ang kamuhian ito. Ano ngayon ang kahulugan na kamuhian ito? Kung hindi ninyo tinatangisan ito, paano ninyo masasabi na ito’y talagang kamuhi-muhi? Nais kong makita ang pagkapoot sa kasalanan. Subalit hindi ko nakikita ito sa paligid natin, sapagkat ang mga hindi tumatangis sa kasalanan, hindi rin nila maaaring kamuhian ito. Iyon ang katotohanan. Ito’y dahil nakikita natin ang pinsalang idinudulot nito – ang kalungkutang idinudulot nito – na ating natatagpuang talagang kamuhi-muhi ito. Kung ito’y hindi nakakasakit sa atin, ano ang ating matatagpuang kamuhi-muhi rito? Tumangis si Ezra sa mga kasalanan. Siya ay nag-ayuno; hindi siya kumain ng tinapay ni uminom man lang ng tubig. At siya’y nagluksa. Bilang isang resulta niyon, nagdala ang Diyos ng muling pagkabuhay sa Israel. Hindi makakadala ng muling pagkabuhay ang Diyos sa iglesya maliban na lang kung matututo tayong tumangis para sa mga kasalanan ng iglesya. Matatagpuan itong pagtatangis, itong pagdadalamhati para sa kasalanan sa lahat ng lugar sa Lumang Tipan. Si Jeremias ay isa pang halimbawa. Hayaan niyong basahin ko rin ang Jeremias 9:1. Tulad ng sinabi ko, ibinibigay ko sa inyo ang mga sangguniang ito dahil gusto kong maunawaan ninyo na ang sinasabi ko ay simpleng mga salita ng Diyos. Walang galing sa aking sarili. Isa sa pinakamalalim at pinakamakapangyarihang mga taludtod sa Biblia ang Jeremias 9:1, na tunay na nangungusap sa aking puso. Saan kaya tayo makatatagpo ng isang tao ng Diyos na tulad ni Jeremias sa panahong ito? Ano ang sinasabi ni Jeremias? “O, ang ulo ko sana ay mga tubig, at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha, upang ako’y makaiyak araw at gabi dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!” Bakit? Sapagkat nakikini-kinita na ni Jeremias na ang Israel ay mawawasak. Nakikita na niya ito sa pangitaing ipinakita ng Diyos. Nakikita niyang ayaw ng Israel na magsisi. At kaya sinabi niya na: “O ang ulo ko sana ay mga tubig at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha, upang ako’y makaiyak.” Sinabi niyang, “Wala akong sapat na mga luha upang tumangis para sa mga taong ito. Ako’y walang sapat na mga luha.” Mababasa sa b.2, “O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang para sa mga manlalakbay, upang aking maiwan ang aking bayan at sila’y aking layuan! Sapagkat silang lahat ay mapakiapid, isang pangkat ng mga taksil!” ‘Mga taksil’ ‘mga mapakiapid’ – sila’y espiritwal na mapakiapid! Nagpatuloy tayo sa b.3, “Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana, ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain; sapagkat sila’y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan, at hindi nila ako nakikilala, sabi ng PANGINOON.” Ang bayan ng Diyos, ang Israel, isang piniling bayan, ay tumutungo sa ano? Sinasabi ni Jeremias, “mula sa kasamaan tungo sa kasamaan.” Kung kaya sila’y papatayin; sila’y wawasakin. “O ang ulo ko sana ay mga tubig; at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha, upang ako’y makaiyak para rito”, at kanyang ginawa ito. Ang buong aklat ng Mga Panaghoy ay puro pagtatangis. Ang Mga Panaghoy – may isa tayong buong aklat na tungkol sa paghahapis sa Biblia. Ang managhoy ay ang mahapis, ang magluksa – ang iyakan ang mga kasalanan, at sa huli, ang pagkawasak ng Israel. May pakialam ba tayo? Tayo ba’y may pag-aalala rito? Makikita natin na ginagawa ng Panginoong Jesus ang parehong bagay sa Bagong Tipan, sa Lucas 19:41, kung saan iniyakan niya ang Jerusalem. At sinabi niya rito, “O, Jerusalem, Jerusalem, sapagkat hindi mo alam ang mga bagay na tungo sa kapayapaan, ikaw ay wawasakin, iyon ay, lilipulin ka.” Sa Lucas 13:34 ganito ang mababasa: “Makailang ulit kong ninais na tipunin kayo (O Jerusalem, Jerusalem), ... at ayaw ninyo!” Malaking kapinsalaan ang naghihintay sa kanila. Nang iniyakan si Jesus ng mga babae sa Lucas 23 habang pinapasan niya ang kanyang krus, sinabi niya sa kanila, sa Lucas 23:28, “huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili…” dahil sa malaking kapinsalaang darating sa kanila. Nagpapakita siya ng pagkahabag para sa bayan ng Diyos. Matatagpuan nating batid na mabuti ni Pablo itong pagluha sa mga kasalanan ng iglesya. Gaanong batid na batid niya ito! Pinapayuhan niya ang mga Cristiano na iyakan ang mga kasalanan ng iglesya. Sa 1 Corinto 5, sinabi niya sa mga taga-Corinto, “Hindi kayo dapat magsaya at magalak. Dapat kayong matuto kung paano tumangis para sa mga kasalanang nagawa sa inyong kalagitnaan.” At ito ang sinabi niya sa 1 Corinto 5:2, “At kayo ay nagmamalaki pa!” Iniisip ninyong napaka-espiritwal ninyo. Kayong mga taga-Corinto, dahil nakakapagsalita kayo ng mga wika [tongues] at may ilang espiritwal na kaloob kayo sa inyong iglesya, iniisip ninyong may ipagyayabang kayo.” “Hindi ba dapat kayong malumbay?” Dito’y makikita nating muli ang salitang ito. “Hindi ba dapat kayong malumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang (taong) gumagawa nito?” Ang taong gumawa ng kasalanang ito ay kailangang alisin sa iglesya. Iyakan ang mga kasalanan ng iglesya! Ang kasalanan ay hindi dapat ipagmalaki sa iglesyang ito, sa panahong ito, sa henerasyong ito. Matuto tayong magdalamhati. Sa 2 Corinto 12:21 muli nating matatagpuan ang parehong bagay. Ito ang mababasa rito: “Ako’y natatakot na kapag ako’y dumating na muli, ako’y gawing mapagpakumbaba ng Diyos sa harapan ninyo, at ako’y kailangang magdalamhati dahil sa marami na nagkasala noong una at hindi nagsisi sa karumihan, pakikiapid at sa kahalayang ginawa nila.” Hindi pa sila nagsisisi sa mga kasalanang ito. “Hindi pa nagsisisi ang mga Cristianong ito, at kaya, ako ay magdadalamhati. Natatakot ako na kinakailangan kong magdalamhati kapag natuklasan ko na sila’y hindi pa nagsisisi.” Datapuwat sinasabi ng iglesya ngayon, “Hindi iyon mahalaga. Ang kabanalan ay di-gaanong mahalaga.” Hindi puwedeng pahintulutan ng Diyos na maging di-mahalaga ito: ang sabihing, “Hindi tayo nagdadalamhati sa mga kasalanan.” Iniisip natin na di-gaanong mahalaga iyon. Matuto nawa tayong magdalamhati! Sinasabi ni Pablo sa Filipos 3:18: “Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo’y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo.” Hindi lamang niya sinasabi sa kanila. Sinasabi niya ito sa kanila na may pagluha. Binabalaan niya sila sa panganib ng kasalanan sa iglesya. Sila’y nabubuhay bilang kaaway ni Cristo sapagkat, “ang kanilang tiyan ang kanilang diyos. (b.19) “Ang kanilang kahihitnatnan ay kapahamakan,… at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa.” O turuan nawa tayo ng Diyos na magdalamhati para sa iglesya! Ngunit sinabi ni Ezekiel sa mga Israelita, “Kayo’y hindi nagdadalamhati, kaya ‘kayo’y hindi tatangis o iiyak man’.” Sapagkat hindi kayo nagdadalamhati, “kayo’y manlulupaypay sa inyong mga kasamaan”. [Ezekiel 24:23] Nakikita ninyo rito ang pagdadalamhating ayon sa Diyos, na tinukoy ni Pablo sa 2 Corinto 10:7. Ang pagdadalamhating ayon sa Diyos laban sa pagdadalamhati na ayon sa sanlibutan – kung wala kayong pagdadalamhating ayon sa Diyos, magkakaroon kayo ng makasanlibutang dalamhati. Huwag iisipin na makakatakas kayo mula sa pagdadalamhati. Darating ang panahon na kayo ay luluha na may pagtangis at pangangalit ng mga ngipin, at sa araw na iyon, ang pagtatangis at pangangalit na iyon ay lubhang huli na. Aliman sa may pagdadalamhati kayong ayon sa Diyos o magkakaroon kayo ng pagdadalamhating ayon sa sanlibutan. Kailangan ninyong mamili, subalit huwag iisipin na dahil hindi ninyo gustong magdalamhati ngayon, hindi na kayo magdadalamhati. Sa katunayan, gaya ng nababasa natin sa Lucas 6, yaong mga tumatangis ngayon, sila ang tatawa sa hinaharap; at yaong mga tumatawa ngayon, sila’y magluluksa at magsisiiyak. Ang lahat ay magluluksa; lahat ay magsisiiyak. Ang katanungan lamang ay kung ito’y ngayon o sa hinaharap; kung ito’y pagtangis sa maka-Diyos na mga luha ngayon, o pagtangis at pangangalit ng ngipin sa impiyerno. Iyon ang mapagpipilian. Magdudulot ang kasalanan ng kalungkutan sa lahat. Ito’y isang katanungan lamang nang mas maaga o sa huli na.
5) Pagtatangis Dahil sa Pag-ibig kay Jesus at sa Iglesya Niya Naintindihan itong mabuti ni Pablo. Nagluluksa tayo dahil sa pag-ibig kay Cristo at sa kanyang mga tao.. Sinabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 9:15 na habang kasama pa nila rito ang lalaking ikakasal, hindi magluluksa ang mga panauhin. Ngunit darating ang araw na kukunin ang lalaking ikakasal mula sa kanila, at saka sila magluluksa. Sa Marcos 16:10 mababasa natin kung paanong nagluksa’t tumangis ang mga disipulo nang dinakip si Jesus, ang ikakasal na lalake. Bakit sila tumatangis? Tumatangis sila hindi na dahil sa kasalanan. Sila’y tumatangis dahil sa kanilang pag-ibig para kay Cristo. Tumatangis sila dahil sa siya’y dinakip. Subalit ang kanilang kalungkutan ay naging kagalakan nang siya’y nabuhay na muli. Sa parehong paraan, tayo ngayon ay tumatangis hindi dahil sa mga kasalanan ng iglesya – sa yugtong ito, sa ikalimang yugtong pinag-uusapan natin – kundi dahil sa ating pag-ibig sa iglesya bilang katawan ni Cristo, dahil mahal natin si Jesus. Iniibig natin ang ating Panginoon. Tumatangis tayo dahil sa ating pag-aalala para sa iglesya. Naunawaan ni Pablo ang puntong ito nang napakalalim, at ito ang nakikita tungkol kay Pablo sa yugtong ito. Nakikita natin sa Gawa 20:19 ang kalidad ng taong ito. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos sa henerasyong ito ng ilang taong tulad niya! Sa Gawa 20:19, namaalam si Pablo sa iglesya sa Efeso, sa mga ‘elder’ na siyang tinuruan niya sa loob ng tatlong taon. Masakit na pamamaalam ito dahil mahal na mahal niya sila. Mahal na mahal din siya ng iglesya, ngunit panahon na upang mamaalam. May darating na araw sa mundong ito kung kailan kailangan nating mamaalam, kahit na lumaban tayong sama-sama sa parehong pakikibaka. Humugot tayo ng espada nang sama-sama sa pakikibakang espiritwal. Sumugod tayo nang sama-sama. Ngunit darating ang araw na kailangan, sa buhay na ito, na tayo’y mamaalam. Dito, panahon na para magpaalam si Pablo sa iglesyang nasa Efeso, na kanyang minahal, na kanyang pinaglingkuran sa loob ng tatlong taon – pinalalago – at ito ang sinabi niya sa b.19, “na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at mga luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio”. “Paninilbi sa Panginoon na may mga luha!” O ang kalaliman ng taong ito! Gayon ang kanyang pagmamahal sa iglesya. Pinagsilbihan niya ang Panginoon na may kasamang luha. Diniligan niya ang mga binhi ng mga luha niya. Muli, sa parehong kapitulo sa b.31, sa mga huli niyang salita sa mga ‘elder’ ng iglesya sa Efeso, sinabi niya, “Kaya’t kayo’y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.” Ang mga ito’y mga luha ng pag-ibig at pag-aalala para sa iglesya. Saan sa henerasyong ito nakikita ang mga taong ganito, mga taong may kalidad na ganito? Ngayon, hindi ko alam kung nasaang yugto na kayo, kung sa una, kung hindi pa kayo Cristiano, pangalawang yugto, pangatlo, pang-apat, panglima. Diyos nawa’y lumago kayo sa paghantong sa lahat ng mga yugtong ito at maging ang taong tulad ni Pablo na hindi lamang tumatangis para sa mga kasalanan ng iglesya kundi para sa paglago ng iglesya! Sa Ezekiel 22:30 matatagpuan nating sinasabi ni Ezekiel ang ganitong mga salita (nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ni Ezekiel), “At ako’y humanap ng lalaki…”. Sabi ng Diyos, “At ako’y humanap ng lalaki sa gitna nila,” (iyon ay, sa Israel) “na gagawa ng pader, at makakatayo sa sira sa harapan ko para sa lupain, upang huwag kong wasakin; ngunit wala akong natagpuan.” Ako’y humanap ng lalaki [ngunit wala akong natagpuan]. Basahin natin ang b.29 kung saan ito ang sinasabi, “Ang mga tao ng lupain,” ang mga tao ng Diyos, ang mga Israelita, “ay gumawa ng pang-aapi” – ang pang-aapi, siyempre, sa kahulugan nito dito ay ang mangikil ng pera mula sa mga dukha – “at pagnanakaw. Kanilang inapi ang dukha at nangangailangan, at kanilang inapi ang mga dayuhan at ito’y hindi naituwid.” At humanap ako ng isang tao ngunit wala akong natagpuan. Sinasabi sa b.31, “Kaya’t aking ibinuhos ang aking galit sa kanila; aking tinupok sila ng apoy ng aking poot; ang kanilang sariling lakad ay aking siningil sa kanilang mga ulo…”. Ano ang ibig sabihin nito? Humahanap ang Diyos ng isang tao na siyang tatayo kung saan may puwang ang pader at iaayos ito muli. Ano ang puwang? Ang puwang sa pagitan ng mga tao ng Diyos at sa Diyos mismo. Nagkaroon ng puwang sa ngayon sa pagitan ng iglesya at ng Diyos. At humahanap ang Diyos ng isang taong makakatayo sa puwang upang pagbatiin ang dalawang panig. Matatagpuan kaya niya ang taong iyon? Sa Sinaunang Iglesya, natagpuan niya si Pablo. Sino kaya ang matatagpuan niya ngayon? Anong uri ng tao ang matatagpuan niya ngayon? Magtatapos ako ngayon sa pagbasa ng isa pang Awit. Sa Awit 126, mababasa natin itong mahahalagang salita ng mang-aawit sa b.5 at b.6, ang dalawang huling bersikulo ng Awit 126: “Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan, ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan! Siyang lumalabas na umiiyak, na may dalang itatanim na mga binhi, ay uuwi na may sigaw ng kagalakan, na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.” Hindi ba maganda iyon? Naghahanap ang Diyos ng mga taong magsisipaghasik na may kasamang luha at uuwi sila na may sigaw ng kagalakan. Tunay na kahanga-hanga ang turo ng Panginoon. Makikita natin na napakaraming yaman ang malinaw na nakapaloob sa kakaunting mga salitang ito: “Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin.” Lubhang kahanga-hanga ang mga salitang ito! Katapusan ng mensahe. Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001. |
Difficult in reading?
Tagalog Series: - Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw" - Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang" - Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya! - Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos - Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan - Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba - Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran - Mapapalad ang mga May Malinis na Puso - Mapapalad ang mga Mapagpayapa - Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran
|
|||||
|
Copyright 1998-2007. All
Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best
viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution. |
|||||||