CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Ilaw ng Sanlibutan 1 (Light of the World 1)

Mateo 5:14, Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ating sama-samang basahin ang Mateo 5:14-16 bilang pagpapatuloy sa ating pag-aaral ng Salita ng Diyos:

Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago. Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay. Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.¹

Tungkulin ng Iglesia² na Maging Ilaw ng Sanlibutan
Ano ang sinasabi sa atin ng siping ito sa Salita ng Diyos? Ano ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin? Kapag inyong titingnan ang Salita ng Diyos, makikita kaya ninyo ang espirituwal na kayamanan nito? Mayroong lalim sa mga yaman ng Salita ng Diyos na hindi kailanman makikita ng pahapyaw na tingin lamang. Ang mga bulag sa espirituwal na bagay-bagay ay hindi kailanman makakikita ng kahit man lamang isang sinag ng liwanag nito. Ang liwanag na ito ang paksa na ating pag-uusapan ngayon.

Sinasabi ng Panginoong Jesus na mayroon tayong isang lubhang malaking tungkulin bilang mga Cristiano: sa sanlibutang ito, tayo ang ilaw ng sanlibutan. Iniisip ko kung ano kaya ang kahulugan niyon sa inyo? Tingnan ninyo ang iglesia ngayon at itanong sa inyong sarili, "Iyon ba ang ilaw ng sanlibutan?" Ano na ang nangyari sa iglesia? Ano ang natunguhang mali ng iglesia, hindi lamang sa Montreal, Canada³, kundi sa napakarami pang mga lugar.

Sinabi ng Panginoong Jesus na, "Kayo! Kayo!" Iyon ay, "Lahat kayo na mga disipulo, na tumatawag sa inyong sarili na Cristiano, kayo ang ilaw! Hindi lamang ng iglesia, kundi kayo ang ilaw ng sanlibutan! Mayroon Akong ipinagkaloob na tungkulin para gawin ninyo. Mayroon Akong ipinagkaloob sa inyo na pagkalaki-laking misyon para tuparin. Ito ay ang hayaang magliwanag sa sanlibutang ito ang liwanag ng Diyos!" O anong isang maluwalhating misyon ito! Ano itong pananagutan na ipinagkatiwala sa atin!

Hindi sinabi ng Panginoong Jesus na mayroong maraming ilaw sa sanlibutan. Ang sinabi Niya'y, "Kayo ang ilaw." Natatangi – isang ilaw! Kung ang isang ilaw ay hindi nagliliwanag, saan pa kukuha ng kanyang liwanag ang sanlibutan? Kung hindi magmumula sa inyo ang liwanag, sa atin bilang isang iglesia, saan pa manggagaling ang liwanag? Paano pa makikilala ng mga tao ang Diyos?

Magningning Bilang Ilaw o Harapin ang Paghuhukom ng Diyos
Nagkaroon kami sa Inglatera ng napakaraming pagpuputol ng kapangyarihang kuryente na tinatawag na 'power cut' [na sa Pilipinas ay 'brown out']. Ito'y naging isang uri na ng katanyagan sa bahagi naming ito sa Inglatera. Kaya habang nagpapatuloy kayo sa inyong gawain, bigla na lang mawawalan ng ilaw! Kayo ay nasa kadiliman, naghahagilap sa isang kandila. Dito sa Montreal, tila mayroon din paminsan-minsan ng 'power cut,' kaya't hindi lamang iyon nangyayari sa Inglatera. Isipin ang tungkol dito: Papaano ka magkakaroon ng ilaw? 'Power – power cut.' Kapangyarihan – pagputol ng kapangyarihan! Sa aking palagay, kung espirituwal ang pag-uusapan, ang iglesia ay nagdusa na ng isang lubhang malaking pagkaputol ng kapangyarihan. Hindi lumiliwanag ang ilaw, at ang sanlibutan ay nasa kadiliman.

Sinasabi ko ito sa inyo, mga kapatid, pananagutin ng Diyos ang iglesia rito. Sasabihin Niya sa Araw na iyon na, "Isinugo Ko kayo bilang ilaw sa sanlibutan, subali't ang sanlibutan ay nasa kadiliman." Sa palagay ko'y higit na magiging kakila-kilabot para sa iglesia ang oras ng Paghuhukom kaysa para sa mga di-mananampalataya dahil hindi naman sila nagkaroon ng liwanag upang makaunawa. Mayroon pa siguro silang idadahilan kahit papaano. Anong uri ng dahilan ang maipapakita ng iglesia? Kung kayo ay nasa loob ng iglesia ng Diyos at kayo ay hindi nagliliwanag, mas mabuti pang huwag na lang kayong sumipot sa Araw ng Paghuhukom. Subalit hindi ko alam kung anong pandaraya ang inyong magagawa upang hindi makasipot sa Araw ng Paghuhukom. Sapagkat sa inyong mga kamay pananagutin ng Diyos ang kanilang buhay!

Sinabi ng Diyos kay Ezekiel, "Kung hindi mo babalaan ang mga taong ito at mamatay sila, ikaw ang pananagutin ko sa kanilang pagkamatay. Kung babalaan mo sila at mamatay sila, ang iyong pa-nanagutan ay tapos na." [Ezekiel 33:8-9] Subalit ang iglesia ay na-ging kadiliman kaysa ilaw. At ito ang panahon upang tayo'y mana-ngis na nawa'y gawin tayong ilaw ng Diyos. "Sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya." [Lucas 12:48] Marami na ang naipagkaloob sa iglesia!

Ilalantad ng Ilaw ang Kadiliman
Ang kinakailangan ng iglesia sa ngayon ay hindi isang salita na nagbibigay ng kaginhawaan. Ang kailangan natin ay isang salita ng  paghuhukom. Ang iglesia ay naging mahina, nasusuhulan, makasalanan, bulok hanggang kaloob-looban sa napakaraming lugar. At ang mga tao sa loob ng iglesia ay nagsasabing, "Bigyan mo kami ng isang nakagiginhawang salita!" Ako ay hindi isang propeta ng kapayapaan.

Tulad nang nasa Lumang Tipan, sinasabi nito na ang mga [bulaang] propeta ay nagsisidating, "na sinasabi, Kapayapaan, kapa-yapaan; gayon ma'y walang kapayapa-an." [Jeremias 6:14 & 8:11] Subalit ang mga [tunay na] propeta sa Lumang Tipan ay kinagagalitan ang Israel araw at gabi, hanggang sa kamuhian na sila ng mga tao. Sinabi ng mga Israelita sa mga [tunay na] propeta, "Bakit lubhang mabigat ang inyong mga mensahe?" Kinuha nila si Jeremias at siya'y itinapon sa ibaba ng isang hukay at inasahan nila na mamatay siya roon. Ito'y dahil hindi nila nagustuhan ang kanyang mensahe; kinagalitan sila ni Jeremias araw at gabi. Nguni't ang kanyang mga salita ay katotohanan. Sila'y nagtanong, "Bakit hindi mo kami bigyan ng isang salita ng kaginhawaan?" Makipagkasundo muna kayo sa Diyos at ang kaginhawaan ay mapapasa inyo!

Subalit kapag hindi ko kayo babalaan, sa oras na tumayo kayo sa Araw na iyon ng Paghuhukom sa harapan ng Diyos, hindi ko iibigin na naroroon ako, kapag ang matinding galit ng Diyos ay babaling sa mga taong tumatawag sa kanilang sarili na Cristiano. Sasabihin Niya, "Pinangahasan ninyo na katawanin ang Aking pangalan? Pinangahasan ninyo na tawagin ang inyong sarili na Cristiano? Binanggit ninyo ang Aking pangalan sa walang kabuluhan?" Naku, mga kapatid! Ito'y kasindak-sindak sa akin.

Ang Ilaw Ay Ganap
Nang sinasabi sa Aklat ng Pahayag na tatawag ang mga taong ito sa mga bato upang itago sila [6:16], sinasabi ng karamihan sa mga tagapagsaling-wika na tumutukoy iyon sa mga di-Cristiano. Talaga? Pihadong maaari na mayroong mga di-Cristiano. Su-balit sinasabi ko sa inyo, yaong mga tumatawag sa mga bato upang itago sila sa Araw na iyon, karamihan sa kanila'y mga Cristiano – mga Cristiano kuno. Iyon ang dahilan kung bakit araw-araw, linggo-linggo, ako'y nangangaral nang tungkol sa pagiging isang ganap na Cristiano.

Alam ba ninyo na may mga taong hindi pa nakaririnig ng ganoong mensahe? Ako'y nangaral sa isang kapulungan kung ano ang kahulugan ng maging isang ganap na Cristiano. Ang mga tao'y nagtaka! Sila'y namangha! Tinanong nila, "Ano ba ang ganap na Cristiano na ito?" wari baga'y isang bagay itong hindi pa nila naririnig dati. Sinabi ko sa kanila na mayroong isang uri ng Cristiano lamang – iyon ay ang ganap na Cristiano. Hindi kinikilala ng Biblia ang anumang ibang uri ng Cristiano.

Inyong tingnan, ang ilaw ay ganap! Tumingin kayo sa ilaw. Mayroon bang isang tagpi ng kadiliman doon? Ang ilaw ay alinman sa dalawa: ito'y liwanag o ito'y walang liwanag, na kadiliman! Hindi kayo maaaring magkaroon ng kalahating ilaw. Subukan ninyong putulin sa kalahati ang isang liwanag ng kandila at tingnan kung kayo ay makagagawa ng kalahating liwanag ng kandila. O dili kaya'y ikaapat na bahagi ng liwanag ng kandila. Kumuha kayo ng isang bombilya at tingnan kung magagawa ninyo na makapagbigay ng kalahating ilaw ang bombilya. Putulin ang bombilya sa kalahati at tingnan kung ito ay gagana pa. Ang isang ilaw ay buo o ito'y walang halaga. Ito'y magliliwanag o hindi ito magliliwanag. Walang paraan doon na maging kapiranggot dito at kapiranggot doon.

Kailangang tiyak nating maliwanagan ang bagay na ito. Kung ang Diyos ay hindi Panginoon ng lahat, hindi Siya Panginoon sa anumang paraan. [If God is not Lord of all, He is not Lord at all.] Hindi gumagawa ang Diyos sa pamamagitan ng kala-kalahati lamang. Ito'y buo o kaya'y wala. Iyon lang ang paraan. Tingnan ninyo ang inyong Biblia at subukan ninyong ipakita sa akin kung saan may naiiba rito sa aking sinasabi.

Ang Ilaw ay Kailangang Mahayag Sa Ating Buhay
Tayo'y tumingin sa Efeso Kabanata 5. Ano ang mababasa natin doon? Sinasabi ni Pablo sa Efeso 5:8: "Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo'y nasa liwanag." Ito ang sinabi niya sa mga Cristianong taga-Efeso. Hindi niya sinabing, "Kayo'y naging bahagyang mas maliwanag kaysa rati. Kayo'y bahagyang naging mas mabuti ang ugali; bahagyang naging mas moral; kayo'y bahagyang naging mas kalugud-lugod; kayo'y naging mas magalang." Ang kanyang sinabi'y hindi tungkol sa panlabas na kilos na ito; ang sinasabi niya'y tungkol sa kung ano ang nasa loob ng tao: "Dati, sa kaloob-looban ninyo, kayo'y kadiliman! Ang buo ninyong pagkatao ay kadiliman… datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon".

Ating basahin ang kabuuan ng sipi upang ating maunawaan ang nilalaman niyon. Sa Efeso 5:1 sinasabi ito: "Kayo nga'y magsitulad sa Dios". Ito ay labis na may kaugnayan sa ating bersikulo, sapagkat ang Diyos ay ilaw at tayo'y tinawag upang maging ilaw. Sa 1 Juan 1:5 sinasabing: "...ang Diyos ay ilaw, at sa kaniya'y walang anomang kadiliman." At sinabi ni Jesus, "Kayo ang ilaw." Unawain ninyo ito: kapag tayo'y naging bagong nilalang, sa madaling sabi, kapag tayo'y naipanganak na muli, tayo'y naging katulad Niya. Katulad ng Ama ang anak. Sa ganito, tayo'y mangagsisitulad sa Diyos.

Kayo nga'y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal; At magsilakad kayo sa pagibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy.
[Mga Taga Efeso 5:1-2]

Subalit pansinin sa bersikulo 3: "Nguni't ang pakikiapid" – ang pagkaimoral – "at ang lahat ng karumihan, o kasakiman," – pag-ibig sa salapi – "ay huwag man lamang masambit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal". Naririnig kong nasasambit ang mga bagay na ito sa mga Cristiano, na ang mga bagay na ito'y nangyayari rin sa mga Cristiano. Sinasabi ni Pablo na ang ganitong uring mga bagay ay hindi dapat masambit man lamang sa inyo. Hindi kailanman dapat magkaroon ng kahit maliit na posibilidad na mangyari ang mga ito sa inyo. Sinasabi sa bersikulo 4 na, "O ang karumihan man, o mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro,"pagbibiro sa pabalang at walang galang na paraan; ibig sabihin, hindi kaaya-aya, hindi iniisip ang ginagawa"na di nangararapat: kundi kayo'y magpasalamat." Ang bersikulo 5 ay nagsisimula sa, "Sapagka't talastas ninyong lubos…."

Ibig kong bigyang diin itong punto sa mga salita ni Pablo. Kung sinasabi ninyong ang kaligtasan ay hindi sa mga gawa, mabuti naman, subalit maging tiyak na ang inyong mga gawa ay mga gawa ng ilaw, sapagkat ang mga gawang ito ang magpapatunay kung ano kayo. Huwag ninyong iisipin na dahil ang kaligtasan ay hindi sa gawa, hindi na mahalaga kung kayo'y nagkakasala. Kung kayo'y nanga-ngalunya o nakikiapid, kung kayo'y nagnanakaw, nandaraya't nagsisinungaling, huwag ninyong iisipin na kayo'y maliligtas sapagkat kayo'y nananampalataya kay Jesus. Hindi kailanman! Gumawa kayo ng kasalanan at kayo'y hindi na maliligtas, maliban na lamang kung agad-agad ninyong pagsisisihan ito, sisiguruhin na hindi na ito muling mangyayari, at magiging handang tanggapin ang kaparusahan – ang pagkastigo – ng Panginoon sa inyo. Ang Diyos ay magpapatawad, subalit Siya rin ay kakastigo, maniwala kayo sa akin. Huwag ninyong iisipin na ma-ngahas na magkasala ng katiting man lang sa loob ng iglesia! Ang iglesia ay dapat maging ilaw sa sanlibutan.

Kaya basahin natin ito sa Efeso 5:5-6:

Sapagka't talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan, sapagka't dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway.

Huwag hayaang madaya kayo ng sinuman at sabihin sa inyo na: "Hindi bale kung ang Cristiano'y magkasala, sapagkat ang kaligtasan ay hindi sa mga gawa. Tayo'y naligtas sa pamamagitan ng biyaya [grace] at ng pananampalataya [faith]. Kaya balewala kung kayo'y nakikiapid o nangangalunya, o nagnanakaw, o nang-aagaw, o kahit na anupamang bagay. Ito'y hindi mahalaga; tayo'y naligtas sa pamamagitan ng biyaya." Sinasabi ni Pablo na, "Huwag hahayaan ang sinuman na dayain kayo sa pamamagitan ng mali at walang kabuluhang mga salita." Tayo'y nakikitungo sa buhay na Diyos na isang apoy na mamumugnaw. Sinasabi ng manunulat sa mga Hebreo sa atin na huwag magkipaglaro sa buhay na Diyos, na kung ibig nating makipaglaro, tayo'y makipag-laro sa iba, subalit hindi sa Diyos, dahil Siya'y "isang apoy na mamumugnaw." [Hebreo 12:29] Kayo'y hindi maliligtas ng pananampalataya sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos [saved by faith through grace] kung kayo'y magiging imoral. Sinasabi ni Pablo na walang ganoong tao na makatatagpo ng anumang lugar sa kaharian ng Diyos.

Ating mababasa sa Efeso 5:7: "Huwag kayong makibahagi sa kanila". Itong mga tao na mga imoral, marurumi – sinasabi niya na kung tinatawag nilang Cristiano ang mga sarili nila – na huwag makibahagi sa kanila. Tayo'y lumalaban upang maitatag ang ilaw sa sanlibutan, ang karangalan ni Cristo, ang karangalan ng Ebanghelyo. Huwag makibahagi sa mga ganoong tao.

Ngayon, sa ating pagdako sa mga yaman ng siping ito sa Salita ng Diyos (marami-rami akong pahina na naitala rito), ang problema ay kung papaano maibabahagi ang lahat ng ito. Subalit ibig kong ibahagi man lang ang ilan sa mga pangunahing punto. Ating nakita na nabubunyag ang ilaw sa kadiliman. Nakita rin natin na inilalantad ng ilaw ang kadiliman, tulad nang paglantad ng mga propeta sa mga kasalanan ng Israel, at sila'y kinamuhian. Ang mga tunay na Cristiano'y hindi kailanman mapamamahal sa mga tao na kung sinong mga kasalanan ang nailantad nila. Sinabi ko sa inyo nakaraan lang na may ilang mga tao sa mundong ito na magagalak na lasunin ako, barilin ako, patayin ako sa anumang paraan na maiisip nila, sapagkat naibunyag ang kanilang mga kasalanan. Sa simula't sapul pa, sa biyaya ng Diyos, ako'y hindi kumukuha ng mga boto ng tao. Hindi ako lumalabas upang makamit ang boto ninuman. Hindi ako naririto upang magbigay-kasiyahan sa mga tao kundi ang magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ang bunga nito'y lubos akong kinasusuklaman ng mga taong higit na minahal ang kanilang mga kasalanan kaysa ang Diyos. Hindi ko rin hinahangad ang kanilang pakikipag-kaibigan o kaya'y ang pag-ibig nila. Ang hinahangad ko'y ang kanilang kaligtasan.

Nagagapi ng Ilaw ang Kadiliman
Ang pangatlong bagay na kailangan nating bigyang pansin ay ito: na ang kadiliman ay nagagapi ng ilaw. Hindi mananalo ang kadiliman! Sindihan ninyo ang ilaw; naglalaho ang kadiliman. Hindi maaaring labanan ng kadiliman ang ilaw at manalo laban dito. Tumatagos ang ilaw gustuhin man o hindi ng kadiliman; ito'y tumatagos sa kadilim-diliman. Kaya ang ilaw ng Cristiano at patotoo niya ay dapat na tumatagos at nagtatagumpay.

Ang Cristiano'y dapat na malantad tulad ng ilaw sa paraang tunay na mabibigyang pansin ng kadiliman. Aking nabanggit din noong nakaraang linggo na sa kasalukuyan, hindi na kailangang bigyang pansin ng sanlibutan ang iglesya. Walang anumang mapapansin doon. Ang iglesya ay lubhang pangkaraniwan. Ito'y lubhang mahina. Kakatiting lang ang liwanag nito – iyon ay kung mayroon pang anumang liwanag – na hindi na kinakailangan pang bigyan ng anumang pansin ng sanlibutan. Hindi na rin kailangang banggitin na magagapi ng iglesya ang sanlibutan. Kailangan nating malantad sa hene-rasyong ito bilang bukod-tangi. Kung may mga taong kasambahay ninyo, may napapansin kaya sila na kakaiba sa inyo? Kung hindi, samakatuwid, may mali sa akin o sa inyong buhay. Kailangan nilang mapansin ang namumukod-tanging kaibahan ninyo sa ibang tao.

Hindi pamumukod-tangi ang makapagsabi sa isang tao na, "Makinig ka, ikaw ba'y may pananalig kay Jesus?" at ipagpilitan si Jesus sa kanya hanggang sa siya'y umalis. Lahat ay maaaring magsalita. Kapag sinasabi na "Tayo ang ilaw ng sanlibutan", hindi tinutukoy ni Jesus ang tungkol sa pagsasalita. Alam ng lahat kung paano magsalita, kabilang na rito ang mga bulaang pastor, propeta, tagapagturo't Cristianong manggagawa. Alam nilang lahat kung paano magsalita. Sa ganitong paraan nila nakuha ang kanilang posisyon: sa pamamagitan ng pagsasalita.

Ang buhay ang siyang mahalaga. Tayo ang ilaw! Ipinagpatuloy ng Panginoong Jesus ang pagsasabi ng: "upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa" [Mateo 5:16], ibig sabihin, ang katangian ng inyong buhay. Paulit-ulit na pinamamanhikan ni Pablo na ang katangian ng kanyang buhay ang ebidensya na siya'y tunay. Sinabi niya, "Alam ninyo kung paano ako namuhay kasama ninyo. Nandaya ba ako ng anumang salapi o ako ba'y kumuha ng anumang bagay mula sa inyo? Tumayo kayo't sabihin ito sa harapan ng mga tao."

Nang hamunin ni Samuel ang mga tao sa Israel sa katapusan na ng kanyang paglilingkod doon, sinabi niyang, "Kung mayroon akong ginawang kamalian sa sinumang tao, hayaang tumayo siya't sabihin ito ngayon sa harapan ng lahat ng kapulungan ng Israel." Ano ang sinabi ng Israel? Sinabi ng mga tao na, "Wala! Napatunayan mo na ikaw ay banal, isang lingkod ng Diyos." [1 Samuel Capitulo 12]

Ang ating pamumuhay ay dapat mamukod-tangi bilang ilaw, hindi sa pagsasalita. Iniisip ng maraming tao na napatunayan nila ang kanilang pagiging tunay na mga Cristiano sapagkat nakapagpahayag na sila. Nakapunta na sila sa kung saan-saan, dala-dala ang Biblia at nagsabing, "Naniniwala ba kayo kay Jesus?" Mabuti ang magpatotoo, ngunit kung maaari sana'y huwag munang magpatotoo hanggang hindi pa umaayon ang inyong buhay sa inyong mga salita. Kundi, sa susunod na makita nila kayong may ginagawang isang bagay, sasabihin nilang, "Iyon ang taong nagbukas ng Biblia at nagpahayag. Mahusay siyang magsalita, subalit hindi ko alam ang nilalaman ng kanyang puso."

Kinakailangan nating mamukod-tangi! At kapag sinabi natin na ang ating buhay ay makatatayo sa pagsisiyasat, hindi tayo nagyayabang sapagkat hindi tayo maaaring mamuhay ng ganoong uri ng buhay maliban sa pamamagitan ng kapangyarihang pinag-usapan pa lamang natin. Ang ilaw ay hindi nagniningning [sa sarili nitong kapangyarihan]. Ito ay hindi maaring magmalaki: "Masdan kung gaano ako kagaling. Ako'y ilaw!" Putulin ninyo lamang ang kapang-yarihan at ang ilaw ay mawawala. Mayroon tayong ganitong ilaw sapagkat ang kapangyarihan ng Diyos ang gumagawa sa atin. Iyon ang dahilan kung bakit tayo'y dapat na bukod-tangi. Kung ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa inyo, gustuhin man ninyo o hindi, kayo'y magiging kakaiba. Bukod-tangi!

Isng Patotoo Tungkol sa Ilaw na Tumatagos sa Kadiliman
Ako'y nasa isang barkong patungo sa Europa mula sa Hongkong maraming taon na ang nakalipas. Iilan lamang ang mga pasahero rito dahil ito'y isang barkong pangkargamento. Isa sa mga pasahero nito ay isa sa pinakamasamang tao na nakatagpo ko sa aking buhay. Siya na lahat ang mga bagay na ating nakita ngayon-ngayon lang: siya'y isang nakikiapid, nangangalunya, nandaraya't palamura. Hindi siya makapagsalita ng dalawang pangu-ngusap – ni isang pangungusap – nang walang halong pagmumura! Siya'y kasuklam-suklam at marahas at ipinagyabang pa niya ito. Dati'y ipinagyayabang pa niya sa akin ang kanyang mga kasalanan. Tiningnan ko lamang siya, deretso sa kanyang mga mata. Hindi ako nangaral sa kanya; hindi ako nagsermon sa kanya; lubusan akong walang sinabing anuman, maliban na lang kapag nagmura siya sa pangalan ni Jesus at ng Diyos. Sinabi ko, "Kaibigan, pwede bang tumigil ka? Nasasaktan ako kapag nagsasalita ka nang ganito." Magkasama kasi kami sa isang hapag-kainan.

Isa siyang mangagamot, isang pagkalaki-laking tao, matakaw at lasenggero. Ang kabuuan niyang sukat sa baywang, sa palagay ko, ay maaaring pagkasyahin ang anim na tulad ko. Ganyan kalaki ang kanyang sukat. Ang mga salita sa pagitan nila ng kanyang asawa ay sapat na upang pasabugin ang mga salamin sa tainga mo, doon mismo sa hapag-kainan. Sasabihin ng asawa niya na, "Kapag tayo'y dumating sa Vienna, bibilhan mo ako ng isang sports car, 'di ba?" Ang asawa niya'y puwede na niyang maging apo, dahil ito'y mga 19 o 20 taong gulang lamang, samantalang siya nama'y humigit-kumulang na 60. (Ito ang kanyang pinakahuling asawa; hindi ko alam kung ilan ang nauna rito.) Pinakasalan siya ng babae, siyempre, dahil lamang sa kanyang salapi. Pagkarami-rami ng kanyang salapi kaya siya nakapagsasalita ng mga ganitong bagay.

Madalas sinasabi ng misis niya sa kanya sa hapag-kainan, "Masdan mo ang pangit mong mukha." Hindi ko masasabing guwapo siya, subalit ang ibig kong sabihin, hindi ninyo inaasahan na sasabihin ng asawang babae ang ganito sa kanyang asawang lalaki sa hapag-kainan. Parang walang nangyaring lilingon ang lalaki at sasabihin naman, na kasama ang napakaraming mura sa pagitan, "Eh, hindi mo naman ako pinakasalan dahil sa aking mukha. Pinakasalan mo ako dahil sa aking salapi, 'di ba?" At tuloy-tuloy ang ganitong uri ng usapan sa mesa. Lubusang nakayayamot ang mga bagay-bagay na nasasabi sa buong oras ng pagkain.

Gayunma'y may nangyari. Tulad nang nasabi ko, natamaan ng ilaw ang kadiliman at kahit paano'y nagawa kong makapagparamdam sa kanya ng di-kaginhawaan, sa pagiging kasama lamang niya sa hapag-kainan. Hindi ko maiwasan ang pagiging kung ano ako, sapagkat ako, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ay nagliliwanag bilang ilaw. Dumating sa aking buhay ang Banal na Espiritu kung kaya't nagniningning ako. Hindi ko maiwasan ito! Ang kaluwalhatian ay hindi sa akin; ito ay Kanyang kapangyarihan. Ang taong ito'y nasa kadiliman; hindi niya gusto ang ilaw. Sinasaktan siya nito; gayunma'y hinangaan niya ito. Sa isang dako'y lubhang malaki ang paghanga niya sa ilaw.

Naaalala ko isang araw, ako'y nakatayo sa Tulay ng Watawat [Flag Bridge] ng barko, ang pinakamataas na tulay ng barko. Pinapanood ko ang barko na parang nag-aararo sa dagat. Siya'y lumapit at nakipag-usap sa akin. Tinanong niya ako ng maraming katanungan tungkol sa Diyos. At pagkatapos niyon, sinabi niya sa akin, "Eric, hindi ko alam kung anong mayroon ka, subalit mayroong isang bagay sa iyo na kahanga-hanga sa akin."

Sinabi ko, "Talaga?" 

Sinabi niya, "Oo! Ito'y talagang kahanga-hanga sa akin."

Sinabi ko, "Hindi ako iyon; iyo'y ang ginagawa ng Diyos sa akin. Kung gusto mong matuklasan ang sagot, mas mabuting lumapit ka sa Diyos." Siya'y nagsisimulang mabighani sa ilaw. Ang ilaw ay nagsisimula nang talunin ang kadiliman. Dumating siya sa aking kamarote [cabin] isang araw at sinabi na ibig niyang makipag-usap sa akin tungkol sa ilan pang bagay. Inalok ko sa kanya ang ebanghelyo ni Juan. Masayang-masaya niyang tinanggap ang ebanghelyo at sinabing, "Tiyak na babasahin ko ito. Pihado! Pihadong babasahin ko ito."

Tinutularan ang Diyos Bilang Ilaw
Ito'y kung paano tayo kinakailangang mamukod-tangi sa sanlibutan, hindi dahil sa tayo'y mabuti, kundi ang kapangyarihan ng Diyos ay kailangang gumagawa kung ikaw ay isang Cristiano. Huwag magkaroon ng anumang maling pagpapakumbaba! Huminto sa pagiging mapagpakumbaba sa maling paraan! Itinuro ni Pablo ang kanyang buhay at sinabing, "Tumingin sa akin. Tularan ako gaya nang pagtulad ko kay Cristo." Nasaan ang Cristianong nangangahas na magsalita nang tulad nito ngayon? "Tumingin kanino?" Ano sa palagay ninyo? Bakit nangahas si Pablo na magsalita ng tulad nito?

Sapagkat ang kapangyarihan," ang sabi niya, "ay hindi sa akin. Ito'y sa Kanya! Kung nakita ninyo ang ilaw sa akin, sumunod kayo sa akin, katulad ng pagsunod ko kay Cristo." Ano nga ba ang maling pagpapakumbaba na ibig natin sa ngayon? Ang gusto natin ay ang hayaang magningning ang ilaw, [na parang sinabing]: "Naroroon ang ilaw! Tingnan ito! Tumingin dito! Iyon ang kung ano ang nagawa ng Diyos sa aking buhay. Iyon ang kung ano ang maaaring magawa ng Diyos sa inyong buhay." Tayo ay dapat maging ilaw sa sanlibutan, ilaw na humahamon at gumagapi sa kadiliman. Iyon ang kung paano pumaparito ang mga tao kay Cristo.

Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang ilang bagay. Kung kayo'y isang mahinang [wishy-washy] uri ng Cristiano, ang tanging magiging bunga ninyo'y katulad ng inyong sarili. Ang mga ganap na Cristiano'y nagbubunga ng mga ganap na Cristiano. Ito ang kaila-ngan natin sa ngayon. Bakit lubhang puno ang iglesya ng mga mahihinang Cristiano? Sapagkat sila'y dinala ng ibang mga mahihinang Cristiano! Sila'y pare-pareho lang. Kung ang iglesya'y puno ng mga ganap na Cristiano, ang mga ibang papasok sa iglesia'y magiging mga ganap na Cristiano rin. Ilaw ang nagpapaningas ng ilaw. Iyon ang kailangan natin. Ito'y ang magpaningas ng apoy sa ibang tao.

Ilaw – Inihahandog ang Sarili sa Pamamagitan ng Pagkamatay
[Kailangan nating itanong ang isa pang katanungan kung gayon. Paano ginagampanan ng ilaw ang kanyang tungkulin? Bago natin sagutin ito, naaalala ninyo pa ba kung ano ang ipinangaral ko noong nakaraang linggo?] Ito'y tungkol sa asin. Ang tanong ay hindi ang: Ano ang nagagawa ng asin? Iyon ay bahagi ng tanong, subalit hindi ito ang pinakamahalagang bahagi. Paano ginagampanan ng asin ang kanyang tungkulin? Iyon ang bahagi na walang sinuman ang nakaisip na itanong, na kataka-taka. Nakita natin na ginagampanan ng asin ang kanyang tungkulin sa pagkamatay nito, sa pagkatunaw nito, sa pagbibigay nito ng kanyang sarili. Nakita natin na walang magagawang anuman ang asin kung hindi nito ihahandog ang kanyang sarili, kung hindi ito mamamatay. Ngayon paano ginagampanan ng ilaw ang kanyang tungkulin? Isipin ang tungkol dito. Paano ginagampanan ng ilaw ang kanyang tungkulin? Sa kaparehong paraan! Mismong sa kaparehong paraan! Ito ang prinsipyo ng pagbibigay ng sarili sa Salita ng Diyos. Ginagampanan nito ang kanyang tungkulin sa mismong kaparehong paraan.

Isipin ang ilaw. Sa panahong iyon, ang ilaw ay isang lampara na nilalagyan ng langis. Mayroong isang mitsa roon. Karaniwan, ang ginagamit ay langis ng oliba. Sa Biblia, sinasagisag ng langis ng oliba ang Banal na Espiritu. Ang mitsa ay nakasawsaw sa langis ng oliba. Ang lampara, kapag ito'y sinindihan, ano ang nasusunog dito? Ang nasusunog dito ay ang mitsa at ang langis. Hindi sinabi ng Panginoong Jesus na, "Kayo ang lampara ng sanlibutan" hindi ba? Ang lampara ay maaaring hindi magkaroon ng anumang ilaw. Mayroon nga kayong isang lampara ngunit walang anumang magagawa ito – hanggang sa ito'y sindihan. Sinabi niyang, "Kayo'y ilaw ng sanglibutan." Ang ilaw ay dapat na nangangahulugang apoy – ang apoy na nagpapaliyab sa mitsa gamit-gamit ang langis.

Pansinin ang espirituwal na aral dito. Isinusugo tayo ni Jesus upang maging ilaw ng sanlibutan. Sa Kanya ang kapangyarihan. Sa Kanya ang langis. Ang Espiritu Santo'y nagmumula sa Kanya. Subalit mayroong isang hamak na sangkap [element] na kinakailangan sa ilaw. Ang hamak na sangkap na ito'y ang mitsa. Ang mitsa! Ano ang nangyayari sa mitsa upang makapagbigay ito ng ilaw? Nakikita ninyo ba kung ano ang nangyayari sa kanya? Ito ay nasusunog, nauubos, naglalaho. Dahan-dahan, ang mitsa ay nasusunog pababa, pababa, hanggang maglaho siya. Ang mitsa ay namamatay upang makapagbigay ng ilaw. Alam ninyo ba kung bakit lubhang kakaunti ang ilaw sa loob ng iglesya ngayon? Sapagkat lubhang kakaunti ang nagbibigay-ng-sarili at namamatay-sa-sarili na mga Cristiano! Kung ang mitsa ay hindi mamamatay, hindi magkakaroon ng ilaw.

Tingnan ang bombilya. Katulad ng prinsipyo [ng mitsa] rito. Ang bombilya ay hindi sisindi nang walang kapangyarihan. Palitan natin ang langis sa lampara ng kapangyarihan – ang kuryente. Palitan ang mitsa ng sangkap [element] na nasa loob ng bombilya. Alam ba ninyo na ang sangkap na nasa loob ng bombilya ay nasusunog? Ito ay namamatay habang ang ilaw ay nagliliwanag. Ito ay namamatay. Darating ang isang araw na ito'y mapupundi. Isang araw, makikita ninyong ito'y itim na; ito'y napundi na; ito'y basag na; ito'y tapos na. Lahat ng mga ilaw na ito'y idinisenyo upang magliwanag maaaring sa 500 oras, maaaring sa 1,000 oras. May ilang bombilya na maaari ninyong mabili ngayon na tinatawag na mahabang-buhay na mga bombilya [long-life bulbs]. Sila'y mas tumatagal nang kaunti, subalit sila'y napupundi rin sa balang araw. Ang mga sangkap sa loob ang napupundi – ang sangkap at ang anumang laman nito.

Ang Buhay Cristiano'y Mapupundi Para Sa Diyos
Kaya sa katulad na paraan, ang Cristiano, maliban sa siya'y nakahandang mapundi para kay Cristo, ay hindi magiging ilaw. Hindi. Hindi siya magiging ilaw. Ito ang mahalagang sangkap. Bakit ang inyong buhay ay hindi nakapagbibigay ng liwanag? Ito'y dahil hindi kayo nakahandang masunog. Ayaw ninyong masunog ni mapundi. At kung hindi kayo mapupundi, kung hindi kayo handang mamatay – sa inyong pagpapatotoo – hindi kailanman magkakaroon ng liwanag.

Nauunawaan ninyo ba ang prinsipyong ito, mga kapatid? Ito ang napakahalagang prinsipyo, ang kahalagahan sa turo ng Panginoon. Tayo'y nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagkamatay. Habang ang binhi'y namamatay, nagsisilang ito ng buhay. Habang tayo'y namamatay, naglalantad tayo ng liwanag. Ibig sabihin, tayo'y napupundi, nasusunog. May tumawag kay John Sung na "isang liyab para sa Diyos". Tama iyon! Mahusay ang pagkasabi nito! Siya'y napundi! Alam nating lahat na napundi siya dahil sa Diyos. Itong mitsa, itong ako, itong katawan ay napupundi araw-araw. Sa palagay ko'y medyo napundi na ako batay sa aking kasalukuyang kalagayan. Kung nakapaglingkod na kayo sa Panginoon sa sunod-sunod na araw, ang lubos na kapaguran nito'y di-kapani-paniwala. Alam ninyo na ako'y nakapagturo sa paaralan. Ako'y naging isang guro at maaari akong magturo nang ilang oras sa isang araw at ito'y balewala sa akin. Su-balit ang pangangaral ng ebanghelyo ay hindi maikukumpara kailanman sa pagtuturo. Kapag kayo ay nagtuturo, hindi kayo nagliliyab. Kapag ako'y nangangaral ng ebanghelyo, ako'y nagliliyab. Ang lakas na nauubos sa akin ay katakataka. Nararamdaman ninyong kayo'y nagliyab, pagod, hapong-hapo – sa pisikal – sa katapusan nito. Nakahanda ba kayong bayaran ang halaga na mapundi? Sa inyong pananalapi? Pundi sa hinihinging oras sa inyo? Pundi sa kundisyon ng inyong kalusugan? Pundi sa lahat ng bagay na maiaalay ninyo? Kung gayon, kayo'y magiging ilaw! Isinugo tayo ng Panginoong Jesus sa sanlibutan upang masunog, upang maging ilaw ng sanlibutan. Walang apoy, walang liwanag!

Ang Ilaw ay Hindi Sinisindihan Upang Itago
Sa kasunod na bersikulo, sa b15, sinasabi ng Panginoong Jesus na hindi pinaniningasan ang isang ilawan upang ilagay sa ilalim ng isang takalan. Sa halip, inilalagay ito sa isang mesa o sa talagang lalagyan ng ilaw upang matanglawan ng lahat ng nasa bahay. Kung ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay naroroon tulad ng isang lolo sa kalangitan – isang lolo sa langit – na nagbibigay lamang ng materyal na biyaya sa inyo, ang ganoong uri ng isang Diyos ay hindi ko nakikita sa Banal na Kasulatan. Oo't tayo'y binibigyan ng Diyos ng lahat ng espirituwal na biyaya, ngunit hindi para sa ikasisiya ng inyong sarili lamang, kundi para isugo kayo upang magningas sa sanlibutan bilang ilaw. Iyon ang ating tungkulin. Humayo't mag-ningning! Pagkatapos ay pansinin ito, at dito kailangan nating magtapos, dahil ubos na ang ating oras.

Sinabi ng Panginoong Jesus na walang nagsisindi ng isang ilawan at itinatago ito. Sino ang nakarinig na sinisindihan ang ilawan at itinatago ito? Kung ang liwanag ay itinago, sa palagay ba ninyo'y ang Diyos ang nagtago ng liwanag? Hindi nagtatago ng anumang liwanag ang Diyos. Tayo ang siyang nagtatago ng liwanag. Bakit ninyo itinatago ang liwanag, alam ba ninyo? Bakit nanaisin ninyong maitago ang liwanag? Ano ang mangyayari kung inyong itatago ang liwanag? Alam ba ninyo kung ano ang mangyayari rito? Mayroon kayong isang ilawang nilalangisan at itinago ninyo ang liwanag sa paglagay ng isang mangkok sa ibabaw nito. Ano ang mangyayari sa ilawan? Hindi ninyo kailangang maging isang henyo upang malaman iyon. Hindi ninyo kailangang mag-aral ng 'advanced physics' upang malaman iyon. Kapag ang oxygen ay naubos sa ilalim niyon, ano ang mangyayari sa ilawan? Ito ay namamatay. Mamamatay ang liwanag. Iyon ang dahilan kung bakit nagbabala si Pablo sa mga Cristiano: "Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu." [1 Tesalonica 5:19] At huwag babatiin ang inyong sarili na sa ngayo'y kayo'y nagniningning, na parang sinasabing, "Mabuhay! Magaling ako! Ang aking ilaw ay nagniningning!" Oo, subalit magpatuloy sa pagniningning. Huwag hayaan ang anumang kasalanan o pagsuway o kasamaan o tukso, anuman ito, na itago ang ilaw. Itago ninyo ang ilaw at sa takdang panahon, ito'y mawawala at kayo ay mapapasa- kadiliman. Magpaka-ingat-ingat, mga kapatid!

Puso'y Saliksikin: Pagiging Ilaw Ba'y Ginagampanan Natin?
Subalit ubos na ang ating oras. Dinadalangin ko na ipakikita ng Diyos sa inyo ang yaman ng Kanyang Salita at ng Kanyang mensahe. Hayaan ang Kanyang Salita na hamunin kayo sa kailaliman ng inyong puso upang itanong sa inyong sarili, "Ako ba'y isang Cristiano?" Sasabihin ninyong, "Palagi mo na lang pinararamdam sa akin ang di-pagkaginhawa. Hindi ko alam kung bakit pa ako bumabalik. Tuwing maririnig ko ang iyong pangaral, hindi ko alam kung ako ba'y isang Cristiano o hindi." Ayaw kong gawing mahirap ang buhay para sa inyo. Ang aking tungkulin ay ipahayag lamang sa inyo kung ano ang sinasabi sa Banal na Kasulatan, kung ano ang ipinangaral ng Panginoong Jesus. Sa pagkaunawa ng Kanyang turo, ipasya ninyo, una, kung ang aking sinabi ay Salita ng Diyos. Siyasatin ito para sa inyong sarili. Hindi ninyo kailangang basta maniwala sa aking mga salita. Ihambing ang Banal na Kasulatan. Siyasatin ang Salita at magpasya kung, "Ang sinabi niya, ito ba'y Salita ng Diyos?" Iyon ang unang hakbang. Ikalawa, kapag nalaman ninyong ito nga'y Salita ng Diyos, saka ninyo itanong, "Ano ang aking gagawin? Tumutugma ba ako sa turo? Ako ba'y isang tunay na Cristiano? Ang buhay ko ba'y tumutugma rito?"

Ito ay hindi kung ano ang inyong ginagawa; ito ay kung ano kayo. Iyon ang pinag-uusapan. Kaya't huwag tangkaing takasan ang paksa sa pagsasabi ng, "Sige, ako'y hahayo't ipangangaral ang ebanghelyo ngayon." Hindi iyon ang puntong pinatutunguhan natin. Maraming mga tao ang nangangaral ng ebanghelyo sa mga maling dahilan. Sila'y hindi mga ganap na Cristiano. Hindi kung ano ang inyong ginagawa, kundi ang kung ano kayo ang ating pinag-uusapan. Maging ganap na Cristiano muna kayo, at saka ipakikita ng Diyos kung ano ang gusto Niyang ipagawa sa inyo. Iyon ang ating pinag-uusapan. Hayaang mangusap ang Salita ng Diyos sa puso ng bawat isa!

Tapos ng mensahe.

¹Ang mga bersikulo sa isinalin-sa-Tagalog na mensaheng ito ay mula sa: Ang Biblia, Tagalog/English Old Version: Bible Diglot, Philippine Bible Society, 1995.

²Ginamit ang salitang 'iglesia' sa salin-sa-Tagalog na ito dahil mas malapit ito sa orihinal na salita sa Griyego na: "evkklhs,ia" (ekklesia) kaysa sa salitang 'simbahan.' Walang kaugnayan ang paggamit nito sa anumang samahan sa tulad na pangalan.

³Ang mensaheng ito ay ipinahayag sa Montreal, Canada.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.