CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Ilaw ng Sanlibutan 2 (Light of the World 2)

Mateo 5:14-16, Mensahe ni Pastor Eric Chang

Isinalin sa Tagalog ng Gospel Disciples Church, Inc.

Magpapatuloy tayo ngayon sa pagsisiyasat sa turo ng Panginoon sa Kanyang kahanga-hangang mga salita ng buhay sa Mateo Kabanata 5. Noong nakaraang linggo, ating tiningnan ang Mateo 5:14, habang pinag-aaralan natin kung ano ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin sa mga salitang, "Kayo ang ilaw ng sanlibutanΉ." Ating pag-aralan ngayon kung ano ang mababasa natin sa Mateo 5:14b-16:

Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. Hindi nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay. Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.

Mayroong pagkaraming yaman dito. Gusto kong malaman kapag tinitingnan ninyo ang Salita ng Diyos kung nakikita ninyo ang mga yamang iyon. Kung hindi, kung gayon ay manalangin na kapag inyong pinag-aaralan ang Biblia, bibigyan kayo ng Diyos ng mga matang makauunawa. "Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago." Tila sapat nang maliwanag ang pahayag iyon. "Isang lunsod... sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago." Ano pa ang masasabi tungkol doon? Napakarami pa.

Ano ang Lungsod na Nakatayo sa Ibabaw ng Isang Burol?
Una sa lahat, inihahambing ng Panginoong Jesus ang iglesya². Kinakausap Niya ang Kanyang mga alagad – ang Kanyang iglesya – at sinasabi Niya sa kanilang, "Kayo'y tulad ng isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol" – o kayo'y nararapat na maging ganito – "at ang gayong lungsod ay hindi maitatago." Sa pag-uunawa sa mga kahanga-hangang salita ng Diyos, ng kahanga-hangang turo ni Jesus, kailangan ninyong maunawaan kung ano ang lahat ng pinaggagalingang mga kaugnayan nito. Kailangan ninyong tandaan na nagsasalita ang Panginoong Jesus sa mga tao na, mula pa sa pagkabata nila, ay pinalaki sa Lumang Tipan. Lubos nilang alam ang Salita ng Diyos. At kaya, nakikita natin dito ang mga salitang ito: "Kayo'y tulad ng isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol." Ano ang ibig sabihin niyon?

Una sa lahat, napakalinaw na nating nakita, at kitang-kita ito, na ang iglesya'y inihahambing sa isang lungsod. Subalit ano pa higit doon ang masasabi nito sa atin? May alam ba kayong isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol? Anong uri ng lungsod ang nakatayo sa ibabaw ng isang burol? Ano agad ang maiisip ng mga nakikinig sa Kanya? Narinig kong sinabi ng isa sa inyo ang, "Jerusalem." Wastung-wasto! Ang Jerusalem ay isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol. Dito'y nasimulan na nating masundan ang mga himaton [clue].

Kailangan ninyong ilagay ang inyong sarili sa katayuan ng mga tagapakinig, na lumaki sa Lumang Tipan. Noong sila'y bata pa, naituro na sa kanila ang Lumang Tipan. Sila'y pumupunta na sa sinagoga. Sila'y nakikinig na sa Bibliang itinuturo sa kanila at siguradong tinuruan sila ng kanilang ina. Kahit si Timoteo ay nasabing naturuan ng tungkol sa Biblia sa tuhod ng kanyang ina. Sila'y napakabihasa sa Biblia. Ang "...isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol" – sa isipan ng mga Hudyo'y nangangahulugang: "Walang dudang may iisa lamang na lungsod ang nakatayo sa ibabaw ng isang burol na karapat-dapat na pag-usapan, at iyon ay ang Jerusalem."

Mayroon pang higit na mga kahalagahan dito. Kung babaling tayo sa Isaias 2:2-3, makikita ninyo ang tungkol sa lungsod na ito na nakatayo sa ibabaw ng isang burol. Dito'y makikita natin na ang Jerusalem ay itinalagang maging isang lungsod na mas mataas kaysa sa lahat ng mga lungsod, kaysa sa lahat ng mga burol sa mundo. Mababasa sa Isaias 2:2-3 ito:

At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng PANGINOON ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa ibabaw ng mga burol; at lahat ng bansa ay pupunta roon. Maraming tao ang darating at masasabi: "Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng PANGINOON, sa bahay ng Dios ni Jacob; upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan, at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas." Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin, at ang salita ng PANGINOON mula sa Jerusalem.

Iyon sigurado ang bundok na tinutukoy ni Jesus. Ang bundok na ipinahahayag [prophesied] sa Isaias 2:2-3: "Sa mga huling araw, ang bundok ng Panginoon ay magiging mas mataas kaysa sa lahat ng mga bundok, at maraming tao ang magsisipunta sa bundok na ito. Doon ang Salita ng Dios ay maipapahayag sa kanila." Kaya ating nakikita na napakaraming yaman dito.

Alam din natin na sa Awit 121:1, sinasabing: "Ang aking mga mata sa (mga) burol ay aking ititingin, ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?" Anong mga burol? Muli, siyempre sa Jerusalem. "Ititingin ko ang aking mga mata sa Jerusalem." Siya'y hindi tumitingin sa lahat ng mga burol. Siya'y tumitingin sa isang natatanging burol sa gitna ng lahat ng mga burol. Iyon ay kung nasaan ang templo ng Diyos.

Ngayo'y nakikita na natin na ang pinag-uusapan ay tungkol sa isang natatanging lungsod ng Diyos. Marahil, ngayon ay nauunawaan na ninyo ang malaking pagkaunawa [insight] ni San Agustin nang isinulat niya ang The City of God [Ang Lungsod ng Diyos], na isang may-kakapalang aklat. Ang lungsod ng Diyos ay ang iglesya. Ang buong aklat, siyempre, ay tungkol sa iglesya.

Ang Lungsod ng Diyos ay ang Iglesya
Kaya ngayo'y simula na ninyong nakikita na sinasabi ni Jesus na, "Kayo iyong lungsod na nasa ibabaw ng burol na ipinihayag ni Isaias alinsunod sa Espiritu ng Diyos, iyong burol na magiging mataas sa lahat ng mga burol, kung saan magsisipunta ang lahat ng mga bansa para sa kanilang kaligtasan. Malalaman nila na ang Diyos ay nasa ibabaw ng burol sa lungsod na iyon, ang lungsod ng Diyos." Kaya ngayon, simula na nating nakikita kung paanong muli't muling pinag-uusapan sa Biblia ang tungkol sa isang burol at sa isang lungsod. Ang lungsod na iyon ay ang Jerusalem.

Mas tiyakan itong tinatawag na Zion. Iyon ang dahilan kung bakit sa Bagong Tipan, ang iglesya'y tinatawag ding Zion. Kaya, nakikita ninyong sinasabi ng Panginoong Jesus halimbawa ang ganitong mga salita: "...sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya". [Mateo 16:18] Tila hindi iyon masyadong mahalaga hanggang ihambing ninyo ito sa Lumang Tipan sa Awit 102:16. Doo'y sinasabi na, "...itatayo ng PANGINOON ang Zion," ibig sabihin, ang Kanyang iglesya ay ang Zion, ang lungsod ng Diyos.

Kaya sa gayon, ating matatagpuan na kapag tumitingin tayo sa Lumang Tipan, maraming bagay tayong makikita. Halimbawa, sa Hebreo Kabanata 12, sinasabi ng manunulat na, "...kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion" [bs22], iyon ay, sa iglesya. At muli, halimbawa, sa Galacia 6:16 sinasabi ni Pablo na tayo ang Israel ng Diyos, ang tunay na mga tao ng Diyos. At sa iba pang lugar. May napakaraming sanggunian para rito, ngunit wala na tayong oras para tumigil. Subalit sapat na para sa atin ngayon ang mapansin na itong lungsod na nasa ibabaw ng burol ay isang lungsod ng pangako, at tayo yaong ipinangako ng Diyos na gaganap sa tungkulin ng lungsod na ito.

Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Muli sa Isaias 60:1 sinasabi na, "Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating". Tayo'y dapat magsibangon at magsiliwanag, sapagkat ang ating liwanag ay dumating na. At alam ba ninyo kung kanino sinasabi ang mga katagang iyon? Tama! Sa Zion! Sa Jerusalem! Ang Jerusalem ay kailangang bumangon at magliwanag dahil ang kanyang liwanag ay dumating na. Nakikita na ba ninyo ngayon ang ugnayan? Iyon ang dahilan kung bakit nasabi ni Jesus na, "Kayo ang ilaw ng sanlibutan", at sa sumunod na pangungusap ay, "isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol."

Inyong itatanong, "Ano ang kaugnayan nila? Sa isang saglit ay sinabi mong liwanag; sa sumunod na saglit ay nagsabi ka naman ng tungkol sa isang lungsod." Ang kaugnayan ay mismong naririto. Ang Zion ay kailangang bumangon at magliwanag sapagkat, katulad ng sa Isaias 42:6, "Naibigay kita" – [tinutukoy rito ang Israel] – "bilang liwanag sa mga Hentil", iyon ay, sa sanlibutan. Ang mga Hentil ay ang lahat ng mga hindi Hudyo – ang buong sanlibutan. "Naibigay kita bilang liwanag sa sanlibutan." Ngayo'y nakikita na ninyo ang lahat ng mga kaugnayan.

Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito sa atin? Ibig sabihin, ibinigay sa Israel ang dakilang pagtawag bilang mga tao ng Diyos upang magliwanag bilang ilaw sa sanlibutan. Hindi hinirang ang Israel para sa sarili nitong kapakanan. Hinirang ang Israel para maglingkod. Para maglingkod sa paanong paraan? Para maglingkod bilang isang ilaw ng Diyos sa mga Hentil upang malaman ng buong sanlibutan ang katotohanan ng Diyos. Subalit natupad ba ng Israel ang tungkuling ito? Hindi! Sila'y nabigo! Lubha silang nabigo kaya kinakailangan ng Diyos na, tulad ng sinasabi ni Pablo sa Roma Kabanata 11: "baliin sila, at tayo'y isinanib sa puno ng olibo." [bs17] Ang ibig sabihin niyon ay napalitan natin ang Israel sa pagganap ng tungkuling iyon sa sanlibutan ngayon.

Nabigo ang Israel na Maging Ilaw – Sa mga Cristiano Ipinagkatiwala ang Misyon!
Kailangang tanungin natin ang ating sarili kung nauunawaan natin itong misyon, itong pagkadaki-dakilang misyon na ipinagkatiwala sa atin. Na ikaw at ako bilang isang iglesya'y hindi lamang tinawag upang iligtas ang ating mga sarili, kundi ang manungkulan bilang ilaw ng Diyos sa sanlibutan. Ako'y nagtataka na napakakaunti lamang ng mga Cristiano ang nakauunawa nito. Iniisip nilang, "Niligtas ako ng Diyos para lamang sa aking sariling kapakanan. Ano man ang mangyayari sa mga natitira pa sa sanlibutan ay hindi na mahalaga." At kung ganito ang inyong gawi ng pa-iisip, nakagawa kayo ng parehong kamalian tulad ng mga Israelita, na naramdamang, "Kami ang mga tao ng Diyos; wala kaming pakialam sa mga taong iyon. Kung sila'y mamatay, ito'y walang kinalaman sa amin."

Kung ganito ang iniisip ninyo, mag-isip kayong muli. Bakit binali [bilang mga sanga] ang Israel? Sapagkat nabigo silang sumunod sa Diyos at manungkulan bilang liwanag ng Diyos sa sanlibutan! Tandaan ang babala ni Pablo sa mga taga-Roma sa mga Kabanatang 9-11 nang sinasabi niyang, "Huwag kayong magmalaki sa inyong mga sarili, dahil kapag kayo'y nabigo, hindi mag-aatubili ang Diyos na baliin din kayo [bilang mga sanga], kung hindi ninyo tutuparin ang inyong tungkulin." [mismo sa Roma 11:18-20] Iyon ay isang napakaseryosong mensahe. Unang-una, naroon ang dakilang pagtawag na tayo'y tinawag upang maging ilaw ng sanlibutan, at kung tayo'y mabibigo, ang mga bunga'y [consequences] napakabigat.

Samakatuwid, tayo ay tinawag sa tungkuling ito na maging mga tao ng Diyos. Ibig kong maging lubos na malinaw sa inyo ang tungkol dito. Ang Cristianismo, ang maging isang Cristiano, ay hindi upang bumuo ng isang maliit na pangkat ng mga relihiyosong tao, kundi ang maging ilaw ng Diyos sa sanlibutan, ang lumiwanag para sa Kanya. Kaya inyong itanong sa inyong sarli, kayo ba'y nagliliwanag para sa Kanya?

Magliliwanag Lang ang Iglesya Kung Magliliwanag ang mga Kasapi nito
Tayo'y dinadala nito sa ikalawang punto. Ang iglesya ay hindi magliliwanag maliban sa kung magliliwanag ang mga kasapi nito. Ang iglesya ay hindi iisang kapulungan na makatatayo ng hiwalay sa mga kasapi nito. Sa madaling salita, kung ikaw at ako ay hindi magliliwanag, kung gayon ay papaano magliliwanag ang iglesya – sapagkat ikaw at ako ang bumubuo ng iglesya – maliban sa kung lahat tayo'y sama-samang magliliwanag?

Ang iglesya'y hindi lamang isang pastor; walang halaga ang magkaroon ng isang nagliliwanag na pastor doon. Hindi naman sa sinasabing ito'y walang halaga, kundi ito'y hindi sapat. Kung ang iglesya'y binubuo lamang ng isang pastor, kung gayon ay okey lamang na hayaang magliwanag ang pastor lamang. Hindi kailangang mag-alala ang lahat ng ibang tao. Subalit ang iglesya'y hindi lamang isang pastor. Ang isang pastor ay isang maliit na bahagi sa iglesya. Kayo ang bumubuo ng iglesya ni Cristo. Maliban sa magliliwanag kayo, hindi magliliwanag ang iglesya. Kaya huwag magtangkang ipasa ang tungkulin sa ibang tao, sa pagsasabing, "Siya ang iglesya. Hayaan siyang humayo at magliwanag. Hindi pa dumarating ang aking panahon. Isang araw ako ay magliliwanag, subalit hindi pa sa ngayon." Wala akong nakikitang ganito sa ating pinag-uusapan. Tayo'y ilaw mula sa sandaling makilala natin ang Diyos. Tayo'y nagningas sa pamamagitan ng Kanyang espirituwal na liwanag, ng Kanyang banal na apoy. Tayo'y ilaw mula sa sandaling iyon. Hindi natin maiiwasan ang hindi magliwanag. Tungkulin natin ang magliwanag, maliban siyempre, kung hindi gumagana ang liwanag ng Diyos sa atin.

Ang dahilan [kung bakit ang tungkulin ng pagiging ilaw ay nailipat sa atin at kung bakit kailangan natin ding maging maingat] ay nasa sa Israel. Tulad ng sinabi ng mga propeta sa Lumang Tipan, "Dahil sa inyong asal, naging dahilan kayo upang lapastanganin ng mga bansa ang Diyos." Ang mga Hudyo, sa kasamaang palad, ay may isang napakasamang reputasyon. Kapag sinabi ninyong kayo ay 'Hudyo', kadalasang nangangahulugan ito, sa maraming bahagi ng mundo, na kayo ay maramot at marami pang ibang bagay, bukod sa pagiging malupit at pagiging tuso at iba pang gaya nito. Papaanong nangyari na ang salitang 'Hudyo' ay naging katumbas ng lahat ng uri ng mga bagay na ito?

Pinagtatakahan ko kung ano ang ibig sabihin ng 'Cristiano' sa mga isipan ng maraming tao. Alam ko kung ano ang ibig sabihin nito sa mga isipan ng maraming tao sa Tsina. Nangangahulugan ito ng pagiging imperyalistiko. Nangangahulugan ito na ang mga Intsik ay ayaw nang maging Intsik kundi ibig nilang maging mga dayuhan. Nangangahulugan ito ng lahat ng uri ng mga masasamang bagay sa kanilang mga isipan. Halos katumbas sa taksil ang kahulugan nito. Ano ba ang nagawa ng mga Cristiano upang maging lubos na masama ang kanilang reputasyon? Gaano kadalas kayo nakatatagpo ng isang di-Cristiano, na kapag sinabi ninyo sa kanya, "Gusto mo bang pumunta sa iglesya?" sa sandaling banggitin ninyo ang salitang 'iglesya', nakararamdam na siya ng hindi mabuti. Kailangan ninyong maghanap ng ibang salita tulad ng pagpunta sa isang sinehan o kaya'y panonood ng isang pelikula. Sasabihin ninyong, "Isang Cristianong pelikula," at mamaliitin na ang salitang 'Cristiano'. Ang diin ay nasa 'pelikula' habang binabalewala ang 'Cristiano'. "Magandang pelikula," sinasabi ninyo sa isang malakas na tinig. "Ito'y isang Cristianong pelikula, ngunit isang magandang pelikula." Ano na ba ang nangyari sa iglesya ngayon?

Subalit alam ba ninyo na hindi ganito noon? Kung titingnan ninyo sa kasaysayan ng Sinaunang Iglesya, ang pangalang 'Cristiano' ay dahilan ng pagkahanga, kahit mula sa isang emperador na tulad ni Julian, isang napakanakapagtatakang tao na tumalikod sa kanyang relihiyon. Bagama't namumuhi siya sa mga Cristiano, hindi niya maiwasan ang hangaan sila. Ang mga Cristiano ay lubos na kilala sa lahat ng komunidad dahil sa paraan ng pamumuhay nila. Alam ba ninyo na nang nag-aagaw buhay na ang mga Cristiano dahil sa salot, hindi sila iniiwanan ng ibang mga Cristiano at nanatili silang kasama ng mga taong iyon hanggang ang mga ito mismo'y talaban na rin ng salot at namatay?

Hindi lamang nila inaasikaso ang sarili nilang kapatid na may karamdaman, kundi inasikaso rin nila ang mga paganong may-karamdaman. Nang walang sinuman ang may gustong mag-asikaso sa mga paganong may-karamdaman – na kahit na ang sarili nilang pamilya'y itinapon na sila sa mga kalsada upang hayaan silang mamatay roon – ang mga Cristiano ang pumunta't nag-aruga sa kanila, hanggang sa magkasakit at mamatay rin ang mga Cristianong ito. Sinabi ng mga di-Cristiano na, "Hindi pa kami kailanman nakakikita ng ganyang pag-ibig! Hindi namin maunawaan ito. Lahat ng tao'y gustong iligtas ang kanilang mga sarili, subalit inialay ng mga taong ito ang kanilang buhay para sa iba. Hindi namin maunawaan ito."

Sa paglipas ng mga taon, ang iglesya'y mas tumatag at yumaman at mas makapangyarihan, at ito'y naging mas makasalanan. Kaya ngayon, ating makikita na, kahit na dalawang siglo na ang nakalipas, ang mga namumuno sa mga iglesya ay tinatawag na mga 'prinsipe ng iglesia'. Kahit sa ngayon, ang mga Katolikong kardinal ay nakasuot ng mga damit ng mga prinsipe. Iyon ang dahilan kung bakit nagsusuot sila ng ganuong uri ng damit. Ito ang mga damit na sinusuot noon ng mga prinsipe. Matagal na nilang nakalimutan ang mga turo ni Jesus. Lubusan na silang nawala sa tamang landas! Ang mga Protestante ay hindi rin laging mas mabuti, bago nila isipin na matuwid sila sa kanilang pananaw. Kaya, kailangan nating bantayan ang patotoo ng iglesya. At dapat nating tandaan ito: magliliwanag lamang ang iglesya kung magliliwanag ang bawat taong kasapi rito.

Ang Ilaw na Itinago upang Maibunyag
Ating tingnan ang isa pang tanong. Dito'y nais nating tingnan ang ikalawang bahagi [ng siping ating pinag-aaralan], na ito ang sinasabi: "Hindi nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan". Ano ang ibig sabihin niyon? Sasabihin ninyo na, "Malinaw na walang sinuman ang nagpapaningas ng isang ilawan at inilalagay ito sa ilalim ng isang takalan." Kung ang sinasabi ng Panginoong Jesus ay tungkol sa mga halatang bagay, sa gayon ay wala nang halaga pa ang banggitin sila. Siyempre, kahit na sino'y maaaring sabihin na, "Hindi ako kailanman nagpaningas ng isang ilawan at inilagay ito sa ilalim ng isang takalan!" Kaya ang ganitong uri ng pahayag ay walang halagang banggitin! Lubhang mahalagang banggitin ito, lalo na kung ikaw ay isang Hudyo at mayroong kaunting pang-unawa tungkol sa kung ano ang nangyayari.

Subalit bago natin siyasatin ito, ibig kong tumingin kayo sa Marcos 4:22. May napaka-kawili-wiling bagay rito. Ganito ang mababasa natin sa Marcos 4:22: "Sapagka't walang anomang bagay na natatago, kundi upang mahayag; ni nalilihim, kundi yao'y upang mapasa liwanag³." Sa kasawiang palad, sa saling-Intsik ng Biblia, ikinalulungkot ko na kailangan kong sabihin ito sa tuwina, ngunit sa saling-Intsik ng Biblia [Union Version], ang tunay na kahulugan ay halos nawala na dahil sa di-mabuting pagkakasalin nito. Idinadalangin ko lamang sa Diyos na tayo'y bibigyan Niya ng panahon at lakas at ng mga tao upang maiwasto ang saling-Intsik na Biblia. [Tala ng Patnugot: Ang mensaheng ito'y ibinigay ni Pastor Eric Chang na kasabay ang pagsalin sa Intsik, kaya nakasaad dito ang pagpuna niya sa saling-Intsik na Biblia.]

"Walang sinuman," ang sabi ng Panginoong Jesus sa mga tao, ibig sabihin, "Hindi magdadala ang isang tao ng ilaw upang ilagay ito sa ilalim ng isang takalan, o kaya'y sa ilalim ng isang sisidlan, ni sa ilalim ng isang kama, kundi upang ilagay ito sa ibabaw ng patungan ng ilawan." Pansinin ninyo rito na nailabas ng inyong saling-Ingles [sa Revised Standard Version] ang wastong kahulugan na hindi nagawa ng saling-Intsik. Sa Intsik, ito'y "walang bagay na nakatago na hindi ihahayagΉ". [Tala ng Patnugot: Gayon din sa Ang Bagong Ang BibliaΉ. Ang wastong salin ay: "kundi upang mahayag" na matatagpuan sa Diglot Bible³.] Pansinin ang may hangarin at layuning pahayag [purposive statement]: "Walang anumang bagay ang natatago maliban sa – kundi upang – ito'y maihayag." Isang nakalilitong pahayag, 'di ba?

Sinasabi rito na: ang isang bagay ay itinago upang ito'y maihayag. Nakikita ba ninyo ito? Ngunit lubusang nawala sa saling-Intsik ang punto. Simpleng sinasabi nito na, "Walang anumang bagay na natatago na hindi maihahayag." Ito'y simpleng isang pahayag na mangyayari sa hinaharap. Nawala ang sangkap na 'layunin' nito, ang hangaring isinasaad nito. Ang Ingles, siyempre, ay wastung-wasto rito: "Walang anumang naitago maliban sa – kundi upang – maihayag." Nakasaad ang layunin.

Subalit ano ba ang kahulugan ng ganitong uri ng may-layuning pahayag? Na may isang bagay na itinago kundi upang maihayag? Ano iyon? Okey, sabihin na nating may layunin na maihayag ang isang bagay na natatago. Ang mismong bagay na natatago ay ang ilaw, siyempre, dahil kasasabi lamang dito na ang ilaw ay sinindihan upang magbigay ng liwanag. Hindi ninyo ito inilalagay sa ilalim ng isang takalan; hindi ninyo ito inilalagay sa ilalim ng higaan. Ngunit natatago ito upang maihayag! Saan nanggagaling ang 'natatagong' bahagi?

Ang Salita ng Diyos ay tunay na kamangha-mangha. Kailangan ninyong bulay-bulayin ito, nguya-nguyain ito, pag-isip-isipan ang tungkol dito. Ano ang sinasabi nito rito? Ano ang sinasabi ni Jesus? Dito, matatagpuan ninyo ang kahalagahan ng pahayag na ito tungkol sa mga bagay na natatago upang maihayag – ang pagdating ng ilaw upang maibunyag. Ito'y napakahalaga kaya ito ay maraming ulit na nabanggit sa turo ni Jesus. Halimbawa, bukod sa Mateo 5:15 (na ating sinisiyasat) at Marcos 4:21&22 (na ating kakikita lamang), mayroon din sa Lucas 8:16 at Lucas 11:33. Muli't muli sinasabi ng Panginoong Jesus na ang anumang bagay na natatago ay maihahayag. At nangungusap lamang Siya ng tungkol sa ilaw! Ano ang himaton [clue]? Paano natin mauunawaan ito? Bueno, pag-isipan ito.

Balikan ang Lumang Tipan! Kung gusto ninyong maintindihan ang Bago, kailangan ninyong balikan ang Luma. Tingnan ninyo, ang Lumang Tipan ay aklat din natin, tulad nang ito'y aklat ng mga Hudyo, dahil tayo ang bagong Israel. Nagampanan na ng lumang Israel ang mga araw nila. Tayo ngayon ang bagong Israel at ang buhay, ang kahanga-hangang Salita ng Diyos, ay nangungusap sa atin. May napakaraming yaman doon sa Lumang Tipan.

Isipin ang tungkol sa ilang ilaw na natago upang maibunyag. Mayroon na ba kayong naisip? Ano kaya magkaroon tayo ng isang pagsusulit sa Biblia? Mayroon kayang sinuman ang mananalo ng anuman dito? Ang liwanag na itinago upang ibunyag – nakuha ninyo na ba kung ano ito?

Isipin ninyo ang tungkol sa ilaw ni Gideon. Pansinin na hindi nag-iisa si Gideon; may 300-daang taong sundalo ng Diyos upang isagawa ang gawain ng Diyos sa sanlibutan, upang iligtas ang mga tao. Ano ang ginawa ng Diyos? Ginamit niya ang ilaw upang isagawa ang Kanyang pagliligtas. Pansinin ngayon na doo'y mayroon tayong ilaw na itinago kalakip ang tiyak na layuning maibunyag ito. Hindi ba't kapansin-pansin iyon? At sinasabi ni Jesus na, "Sa parehong paraan, 'Kayo ang ilaw' at hindi pinaningas ng Diyos ang ilaw na iyon upang itago ito, kundi upang ito'y maibunyag."

Ang Lumang Sarili'y Kailangang Mawasak Upang Lumabas ang Liwanag
May napakaraming yaman dito ngunit maikli lang ang ating panahon, subalit bibigyan ko na lamang kayo ng butil-butil na palaisipan, para inyong bulay-bulayin. Ang Diyos ang nagpapaningas nitong ilaw. Makikita natin ito halimbawa sa Awit 18:28. Napaningas na ng Diyos ang ilaw! Itinago Niya ito upang ito'y ibunyag. Sinasabi sa atin ng Biblia sa Kawikaan 20:27 na "Ilawan ng PANGINOON ang espiritu ng tao". Pinapaningas Niya tayo! Subalit papaano lalabas ang liwanag mula sa atin? Isipin ito. Tayo'y isang sulo [torch]; ang ilaw ay pinaningas sa loob-looban natin – sa ating puso, sa ating buong pagkatao. Ngunit papaano makalalabas ang liwanag mula sa atin, ang "Ilawan ng PANGINOON"? Sa katulad na paraang ginamit sa ilawan ni Gideon – winasak! At ang ilaw ay lalabas!

Ito'y nakatago upang maibunyag. Iyong panlabas na banga (pitsel na gawa sa lupa), iyong lumang sarili, ang ating lumang makasariling kalikasan ay kailangang wasakin bago makalalabas ang liwanag. Maaari na ninyong maunawaan ngayon ang ugnayan na ating nakita sa dalawang huling mensahe. Ating nakita na iyong asin, upang magawa nito ang kanyang tungkulin, ay kailangang matunaw, kailangang mamatay upang ito'y makapagbigay ng alat. Nakita natin noong nakaraang linggo na ang ilaw, sa katulad na paraan, ay namamatay upang makapagbigay ng liwanag. Nakita natin kung paano nasusunog ang mitsa ng kandila, nagagamit, habang lumalabas ang liwanag. Nakita natin na ang isang Cristiano'y makapagbibigay lamang ng liwanag habang siya'y namamatay. Mas lalo kayong namamatay, mas lalong maliwanag ang inyong ilaw. Ibig sabihin, namamatay ang lumang sarili, ang lumang kaparaanan, ang lumang kalikasan, ang lumang pamamaraan ng pag-iisip, ang sakim na sarili, iyong makasalanang sarili. Kailangang mamatay iyon kung magliliwanag ang ilaw. Bakit hindi nagliliwanag ang iglesya ngayon? Sapagkat puno ang iglesya ng mga Cristianong hindi namatay! Hindi pa sila namatay sa luma nilang kalikasan.

Tayo'y Nawawasak sa Pamamagitan ng Pagkakapako Kasama ni Cristo
May napakagandang bagay tungkol dito sa pagwawasak ng sisidlan. Maaalala ninyo na inilagay nila ang mga sulong ito sa loob ng mga banga. Nang narating nila ang lugar ng kaaway, winasak nila ang mga banga at nagliyab ang liwanag. Sumigaw sila, "Ang tabak para sa PANGINOON at kay Gideon!" [Mga Hukom 7:20] at nagwagi sila sa araw na iyon. Malamang na iyon lamang ang digmaan sa kasaysayan na napagwagian sa pamamagitan ng ilaw. Walang inilabas ni isang espada man lang! Walang sinumang nakipaglaban! Ito'y dahil ang ilaw ay nagliwanag at nakamit nila ang tagumpay sa pamamagitan lamang ng ilaw. Iyon ang dahilan kung bakit ang ugnayan sa siping ito'y napakalapit, sapagkat tulad nang nasabi ko na, ito ang kakaibahan ng okasyong iyon kung saan tanging ang ilaw ang nakapagtamo ng tagumpay.

Ang kagandahan sa turo ng Panginoon ay naririto rin, sa salitang 'nawasak'. Kailangan ninyong wasakin ang banga upang makalabas ang liwanag, tulad sa kaso ni Gideon. Maiisip ba ninyo kung ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? "...ito ang aking katawan" [hal. Mateo 26:26] – na ano? Winasak! Papaanong winasak? Siyempre, ipinako. Paanong winasak ang Kanyang katawan? Ito'y ipinako. Simula na ninyong nakikita ngayon ang mga yaman sa turo ng Panginoon. Tayo'y winasak, hindi dahil kumuha tayo ng isang martilyo at ipinukpok ito sa sarili nating ulo. Pisikal kong mawawasak ang aking ulo subalit hindi ko mawawasak ang 'sarili ko'. Ang aking dating pagkatao [old self –Roma 6:5;7:22] ay hindi mawawasak. Papaano tayo mawawasak? Sa pamamagitan ng pagpapako sa krus kasama ni Cristo!

Ngayo'y nakikita na ninyo. Katulad ng sinasabi ni Pablo, "Ako'y ipinakong kasama ni Cristo" [Galacia 2:20], na sa pamamagitan ng krus, sa pagpasan ng krus – iyon ang paraan ng pagwawasak sa dating pagkatao. O, ang lawak ng mga yaman sa turo ng Panginoon habang sinusunod ninyo ito! Ngayo'y makikita na ninyo kung bakit mahalaga ang krus sa buhay ng bawat Cristiano. Ang krus ay hindi lamang upang paniwalaan; ito'y kailangang maisagawa [sa buhay ninyo]. Hindi kayo maliligtas sa pamamagitan lamang ng paniniwala sa krus. Kayo'y maliligtas kapag ang kapakuan sa krus ay naisagawa sa inyo.

Ang Katibayan ng Pananampalataya – Ang Pagpapako ng Ating Buhay sa Krus
Napakaraming Cristiano ang hindi nakauunawa rin nito. Nagsusumamo ako sa inyo na unawain ito. Halimbawa, kung ilalabas ko ang pinakamainam na gamot sa mundo, na makapagpagagaling sa lahat ng inyong mga sakit – isang panlunas sa lahat [panacea] ng sakit – at sasabihin kong, "Naniniwala ba kayo rito? Ito ang pinakamainam na gamot sa mundo." Pagkatapos ng pag-iisip at pagsusuri, ibig sabihin, inilagay ninyo ito sa inyong laboratoryo, sinuri ninyong mabuti ang nilalaman, at sinabing, "Hmm, ito na iyon! Mukhang mainam na mainam ito at sa palagay ko'y tama ito. Ito na ang makapagpapagaling sa lahat ng mga sakit." Kung kaya't pagkatapos suriin ito, inilagay ninyo ito sa isang gintong kahon sa inyong silid at naglagay kayo ng isang palatandaan doon: 'PANLUNAS SA LAHAT NG SAKIT' at nagsabing, "Buong puso akong naniniwala rito!" Talaga? Mamamatay pa rin kayo! Bakit? Dahil hindi ito makatutulong sa inyo hanggang hindi ninyo ito iinumin! Ang maniwala sa gamot na iyon ng buong puso ninyo ay hindi makapagpapagaling sa inyo. Hindi kayo nito maililigtas kahit sa isang sandali hanggang hindi ninyo ginagamit ito sa inyong buhay, hanggang hindi ninyo iniinom o kinakain ito o kahit na ano pa ang kailangan ninyong gawin dito. Napakalinaw niyon kapag ito'y sabihin.

Gayunman, napakaraming Cristiano ang hindi man lamang nauunawaan ang mga batayan: na hindi kayo maliligtas sa pamamagitan lamang ng paniniwala sa krus. Ang mga demonyo'y naniniwala rin sa krus. Pinagtatangkahan palagi ni Santiago na sabihin sa mga tao sa kanyang sulat na, "Sumasampalataya ka na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa." Ngunit hayaan ninyong sabihin ko ang isang bagay sa inyo: "Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at...". Higit pa sa inyo ang pananampalataya nila dahil, "...nanginginig pa." [Santiago 2:19] Nanginginig pa sila sa kanilang pananampalataya." Hindi man lamang kayo nakaaabot doon. Ha! At iniisip ninyo na maliligtas kayo? Kung ang sinuman ay mananampalatayang tulad nito at manginginig, ang mga demonyo'y may mas mabuting pagkakataon na maligtas kaysa sa inyo.

Ano ang ipinagkaiba ng demonyo sa inyo? Ito iyon: nalalaman niya na ito ang kaligtasan ng sanlibutan – pagagalingin nito ang lahat ng sakit – subalit hindi niya ito iniinom! Kung kayo ay maliligtas, hindi lamang ninyo sasabihin na, "Ako'y naniniwala sa gamot na ito." Iinumin ninyo ito – iyon ang katibayan ng 'paniniwala'. Sa ganoo'y mabibigyang lunas ang inyong sakit. Kaya tandaan ito: ang krus ay hindi nakaliligtas hanggang hindi kayo napapako rito. Sa katulad na paraan, kailangang ipako ang ating buhay sa krus. Sa gayon winawasak nito – winawasak nito ang dating pagkatao at pagkatapos ay lumalabas ang liwanag. "Ako'y ipinakong kasama ni Cristo" – iyon ang sinasabi ni Pablo. Hinahamon ko ang gaano mang karaming Cristiano na sabihin iyon! Mangangahas ba kayong sabihin na tunay nga kayong napako kasama ni Cristo? Na ito'y hindi isang kathang naaalinsunod-sa-batas [legal fiction] lamang kundi isang katotohanan?

Ang Takip na Aalisin
Ito ang mga kaugnayan sa Lumang Tipan ng magandang turong ito, na napakayaman at kamangha-mangha na minsa'y hindi ko na talaga alam kung paanong ipagpatuloy pa. Sasabihin ninyong, "Ano ang kaugnayan nito sa lungsod? Ninais kong puntahan ito ngunit sa palagay ko'y hindi sapat ang ating oras. May isang kahanga-hangang pahayag sa Isaias 25:6-8 tungkol sa isang lungsod, na ilaw ng sanlibutan.

At sa bundok na ito gagawa ang PANGINOON ng  mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na puno ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay. At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat na bansa. Lulunukin niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong DIYOS ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang PANGINOON ang nagsalita.

Dito'y pinag-usapan ang tungkol sa isang takip na wawasakin. Pambihira talaga ito! Ang takip ay wawasakin at ang kamatayan ay lulunukin. Ang buhay na walang hanggan ay darating, siyempre; iyon ang kahulugan niyon. Talagang pambihira ang pag-isip-isipan ang tungkol dito, ang pag-aalis ng takip, kahit na sa kaugnayan nito sa lungsod. Kaya nakikita ninyo ang lahat ng mga kaugnayang ito.

Ngunit kailangan nating magmadaling puntahan ang mga yamang mayroon tayo dahil tayo'y magtatapos na sa ating huling punto. At iyon ay ito: kung inyong titingnan ang mga turo ng Panginoong Jesus, makikita ninyo na, kapag inyong ihahambing ng taludtod sa taludtod, [may mapapansin kayong isang bagay]. Iyon ang dahilan na makabubuting mayroon kayong isang Biblia sa kung saan maikukumpara ninyo ang iba't-ibang magkatutulad na pahayag ng Panginoong Jesus sa mga ebanghelyo.

Maraming tao ang nagtanong na sa akin, "Bakit mayroon tayong apat na ebanghelyo?" O, ako'y nagpapasalamat sa Diyos na mayroon tayong apat na ebanghelyo. Binibigyan nila tayo, sa ating pagtingin sa magkatulad na bagay mula sa apat na iba't-ibang panig, ng isang apat-na-sukat sa pagtanaw [4-dimensional view]. Iyon ay lubhang kamangha-mangha. Mayroon tayo ngayong 3-D [3-dimensional view], ibig sabihin, isang tatlong-sukat sa pagtanaw. Sa Biblia'y mayroon tayong apat-na-sukat sa pagtanaw [4-D view]. May isang karagdagang sukat sa espirituwal na pagtanaw sa mga bagay. Ang tatlong nauna ay pisikal na mga sukat; ang ikaapat ay ang espirituwal na sukat. Samakatuwid tayo'y mayroong ganap na paningin.

Apat na Bagay na Hindi Dapat Magtakip sa Ilaw
Ating ipaghambing ang lahat ng pahayag ng Panginoong Jesus tungkol sa takip. Ano ang sinabi ni Marcos? Sa Marcos 4:21, sinasabi niyang, "Hindi ninyo sinisindihan ang isang ilawan...". Napansin ba ninyo ang mga salitang iyon? Isipin ninyo! Ang Panginoong Jesus ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan at walang kahulugan. Lahat ng sinasabi ni Jesus ay punong-puno ng kahulugan at mga yaman. Pansinin kung ano ang sinasabi Niya roon. Hindi ninyo sinisindihan ang isang ilawan at ilagay ito saan? "...sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan"! Inyong matatagpuan na habang ikinukumpara ninyo ang mga pahayag ng Panginoon na Siya'y bumabanggit ng apat na mga bagay kung saan maaari itong ilagay. Heto ang apat na mga bagay:

1)   Hindi ninyo inilalagay ito sa ilalim ng isang takalan [bushel].
[Mateo 5:15; Marcos 4:21 & Lucas 11:33];

2)   Hindi ninyo inilalagay ito sa ilalim ng isang banga [vessel].
[Lucas 8:16]

3)   Hindi ninyo inilalagay ito sa ilalim ng isang higaan [bed].
[Marcos 4:21 & Lucas 8:16]; at

4)   Hindi ninyo inilalagay sa isang tagong lugarΉ o dakong tago³ [cellar].
[Lucas 11:33]

Bakit Niya binabanggit ang apat na bagay na ito? Ito'y sinambit Niya kahit papaano lang ba [haphazard]? Sinabi lamang ba Niya ito sa isang sandali ng pagkabigla [spur of the moment]? O hindi! Walang anumang sinasabi ang Panginoong Jesus na kahit papaano lamang o sa isang sandali ng pagkabigla lamang. Sa sandaling magsimula tayong mag-isip ng tungkol dito, makikita natin ang isang tunay na pambihirang bagay. Ating malinaw na unawain ang bagay na ito. Kapag nabasag ang banga, magliliwanag ang ilaw, tulad din sa nangyari sa araw ni Gideon. Nagliwanag ang ilaw, naligtas ang Israel – naligtas mula sa kamay ng kaaway. Iyon na ba ang katapusan o ang simula? Simula pa lamang iyon!

Ang kaligtasan ay ang simula lamang. Iniisip ng maraming tao na minsan sila'y naligtas, iyon na ang kahulugan ng buhay-Cristiano, ngunit may mahaba pang daan na patutunguhan. Mayroong hihigit pa sa buhay-Cristiano kaysa sa pagiging ligtas lamang. Ang napakalaking panganib nito ay minsang inisip ninyo na kayo ay ligtas na, at sapat na iyon para sa iyo, makalilimutan ninyo nang tuparin ang inyong tungkulin. Ito ang kung ano ang mangyayari: kahit na nagliliwanag nga ang inyong ilaw, may panganib na tatakpan ninyo muli ito. Tatakpan ninyo ito muli.

May apat na bagay na maaaring ninyong gamitin sa pagtakip nito. Naririto ang apat na bagay. Ano ang ibig sabihin nito? Nakakita na ako ng mga tao na natakpan, na nawala na ang lumiliwanag nilang ilaw, na pinatay na nila ang ningas ng Espiritu sa napakaraming paraan. Lahat ng mga bilang na ito ay mapapailalim sa isa sa apat na pamagat ng mga bagay na ito. Marami akong nakilala na, halimbawa, mga taong gustong maglingkod sa Panginoon, na talagang lumiwanag ang kanilang ilaw, mabubuti silang mga Cristiano, subalit dumilim nang dumilim nang dumilim ang kanilang ilaw hanggang sa mawala na ito. Tandaan sa hinaharap, kung kayo ay isang Cristiano at kayo ay nagliliwanag para sa Panginoon sa ngayon, itigil ang pagbabati ng tagumpay sa inyong sarili! Ginagawa ninyo lamang ang dapat ninyong gawin.

Subalit mag-ingat sa mga bagay na makatatakip sa liwanag na iyon. Sinabi ni Jesus, "Hindi Ko pinaniningas ang ilaw na iyon upang ilagay ito sa ilalim ng isang higaan, upang ilagay ito sa isang dakong tago o tagong lugar, sa ilalim ng isang takalan, o sa ilalim ng isang banga – apat na bagay. Kung gayon, sa pagtatapos, ating tingnan kung ano ang apat na bagay na ito.

Hindi Dapat Gamitin ang Doktrinang Alinsunod-sa-Batas Lang [Legalism] Upang Itago ang Ilaw
Hindi ninyo pinaniningas ang isang ilaw upang itago ito sa isang takalan. Ano ang isang takalan? Ito ay isang basket – isang bilao – na ginagamit para sa butil. At sinabi ng Panginoong Jesus na hindi ninyo pinaniningas ang isang ilawan upang ilagay ito sa ilalim ng isang basket. Sa katunayan, iyon ay ginagawa nila noong panahong iyon. Maaaring hindi ninyo alam iyon, ngunit ito'y ginawa nila. Sa ilalim ng batas ng mga Hudyo, may mga tiyak na panahon na ang isang ilaw ay kailangang matakpan. Kuning halimbawa ang kapag may naghihingalo nang isang tao sa isang sambahayang Hudyo. Sapagkat nagdadala ang kamatayan ng karumihan, kung gayon ang anumang bagay na madaling kapitan ng dumi ay kailangang matakpan sa ilalim ng batas ng mga Hudyo. Ang ilaw ay inaakalang isa rito. Kaya nga kapag may isang taong mamamatay na sa isang sambahayan, tatakpan nila ang ilaw. Ang isang ilaw na nakatakip ay sumasagisag ng kamatayan.

May iba pang mga okasyon kung saan tinatakpan ang ilaw, halimbawa, ang ilaw ng Hanukkah sa panahon ng Hanukkah. Isa itong kapistahan ng mga Hudyo na ginaganap sa halos katulad na araw ng 'Pasko' sa Kanlurang bahagi ng mundo. Ang mga Hudyo ay may kapistahan ng Hanukkah – ang Kapistahan ng mga Ilaw. Ang ilaw na ito'y sinisilaban sa kanilang bahay sa loob ng walong araw. Kailangang patuloy itong sinisilaban sa loob ng walong araw nang hindi namamatay. Subalit iniuutos ng Batas na walang trabahong pangkamay ang gagawin sa ilaw nito. Nagbigay iyon ng isang ganap na suliranin. Dito'y sumisilab ang ilaw ng Hanukkah, ngunit hindi maaaring gumawa ng anumang trabahong pangkamay. Halimbawa, papaano kaya kayo magluluto? Kung magluluto kayo, hindi kayo maaaring magluto sa ilaw nito. Saan ninyo kaya ilalagay ang ilaw na iyon? Kaya kung magluluto kayo't sumisilab ang ilaw, ano ang gagawin ninyo? Kailangang maglagay kayo ng partisyon, batay sa Batas ng mga Hudyo, sa gitna ng ilaw at ninyo.

Nakikita ninyo kung gaano kakumplikado ang batas ng mga Hudyo. Sa pagtuloy natin sa katuruan ng Panginoong Jesus, dahan-dahan ninyong matatanto kung gaano kakumplikado ang Batas ng mga Hudyo. Para sa inyong gustong matikman ito, hanapin ninyo ang isang aklat na pinamagatang The Mishna. Isang malaki at may-kakapalang libro ito. Sinasabi rito ang mga detalye ng Batas ng Mga Hudyo. Ang mga eskriba sa Lumang Tipan at ang mga abogado, bilang katawagan sa kanila, ay mga dalubhasa sa Batas ng mga Hudyo. Sila ay hindi mga abogado sa makabagong pang-unawa, kundi mga abogado sila sa Lumang Tipan. Kailangan din nilang malaman ang buong batas ng mga Fariseo, na lubhang napakakumplikado.

Isa sa mga batas na ito ay nag-uutos na hindi maaaring magtrabaho sa liwanag ng ilawan ng Hanukkah. Kaya maaari ninyong takpan ang ilaw – at asahan na hindi ito mamamatay – o maaari kayong maglagay ng partisyon sa pagitan ninyo at ng ilaw. Sa ganitong paraan, maaari kayong magpatuloy sa inyong pagtatrabaho. Kaya inyong nakita, ang pagtatago ng ilaw ay isang alam na alam na bagay ng mga Hudyong nakikinig kay Jesus.

Subalit tinanggihan ng Panginoong Jesus ang buong bagay na ito. Papaano magiging marumi ang ilaw? Kanyang sinasabi na, "Ang inyong pang-Fariseong turo ay tunay na hindi naunawaan ang punto! Tinatalo ng liwanag ang kadiliman at karumihan. Hindi ninyo maaaring dungisan ang ilaw, kahit na may matagpuan pa kayong naghihingalong tao sa silid." Hindi tinanggap ng Panginoong Jesus ang karamihan sa mga turo ng mga Fariseo. Ito'y hindi rin Niya tinanggap. Ang punto rito na kailangan ninyong maunawaan ay ito: na ang ilaw ay tinakpan, pansinin, ng mga Fariseo, sa mga relihiyosong kadahilanan. Nauunawaan ba ninyo ang kahulugan? Mahirap bang sundan ito? Sa ibang salita, ang paalala ay ito: na minsang nagningas na ang inyong ilaw, mag-ingat sa mga pangrelihiyong dahilan, sapagkat ang mga simpleng dahilan ay pihadong hindi na makaaakit sa isang Cristiano, ngunit ang mga pangrelihiyong dahilan ay makaaakit, at maaari ninyong mapatay ang ilaw sa pangrelihiyong pagka-ipokrita o kaya'y sa pangrelihiyong pagkakamali.

Ang Pag-uuna Natin sa Ating Kabuhayan ay Makamamatay ng Ating Ilaw
Pansinin ang apat na bagay na ito: ang takalan – ang takalan ay para sa butil. Ang butil ay kumakatawan sa anong bagay? Sa pagkain! Sa kabuhayan, siyempre! Ikalawa, sinasabi nito na hindi ninyo itatago ito sa isang 'banga', na isang naiibang salita sa orihinal. Ano ang isang banga? Ang banga ay yari sa putik at ito'y lalagyan ng mga likido [liquids]. Ang takalan ay para sa tuyong butil; ang banga ay para sa mga likido. Ang banga ay kumakatawan sa ano? Muli sa pagkain at inumin! Ngunit ang banga ay ginagamit nang partikular sa pagnenegosyo. Ito'y isang napakahalagang bagay. Kaya ang pagkain at inumin ay tumutukoy sa ating pang-araw-araw na ikabubuhay, at partikular sa negosyo – ang negosyong nakikita't ginagawa natin.

Ikatlo ang higaan, ano ang ibig sabihin ng higaan? Kapag sisiyasatin natin ang kahulugan ng higaan sa Lumang Tipan, sa mga panahon ng Biblia, makikita natin na tinutukoy nito ang kasal – "...huwag dungisan ang higaan". [Heb. 13:4] Kailangang hindi magkaroon ng pagkakasala sa buhay may-asawa. Ibig sabihin, huwag hahayaan ang sinumang ikinasal na magpatuloy sa kasalanan – walang pangangalunya, walang pakikiapid. Kailangang may kabanalan sa buhay-Cristiano.

Ang ikaapat ay ang tagong lugarΉ o dakong tago³. Ano ang ginagawa ng mga tao roon? Doon itinatago ang kanilang mga ari-arian, ang mga mahahalagang bagay. Ito'y katumbas ng bangko natin sa kasalukuyang panahon.

Kaya may apat na bagay rito na maaaring magtakip ng ilaw at patayin ito, masusing pansinin ito. Nakikita natin na tinatalakay ng Panginoon Jesus ang kabuuang magaganap sa buhay ng tao; wala Siyang iniwang hindi tinalakay! Pansinin iyon!

Marami akong nakitang mga tao na gustong maglingkod sa Diyos. Maganda ang mga layunin nila, ngunit ang pag-aalala nila sa pagkain at pananamit, ang pag-aalala nila sa pagpapatuloy ng kanilang negosyo, sa pagkita ng salapi – iyon ang nagwasak sa kanila. Ginawa sila ng mga pag-aalalang ito na hindi makapaglingkod. Napakaraming mga Cristiano ngayon ang hindi lumiliwanag sapagkat nag-aalala sila tungkol sa kung saan tutungo ang kanilang propesyon. Ang propesyon nila ang nakauubos ng kanilang atensiyon, o ng 80% ng kanilang atensiyon,  kaya mga tira-tirang panahon na lamang ang inilalaan nila para sa Diyos. Nag-aalala sila tungkol sa mga bagay na ito dahil nag-aalala sila tungkol sa takalan, sa banga – sa pagkain nila, damit nila, sa pagpapanatili ng pamantanyan ng pamumuhay nila.

Gaano karaming tao na ang nakapagsabing ayaw nilang maglingkod ng buong panahon sa Diyos, hindi dahil sa hindi sila tinawag, kundi dahil ayaw nilang ihandog ang mga sarili nila. Natatakot sila sa higit na mababang pamantayan ng pamumuhay kaysa sa tinatamasa nila ngayon. Tayo'y magpakatotoo tungkol dito: hindi ba totoo iyon? Gaano karami sa inyo ang payag na mabawasan ang pamantayan ninyo sa pamumuhay? Gaano karami sa inyo ang gustong mabawasan sa paglilingkod sa Diyos ang inyong sahod hanggang ikaapat na bahagi na lang ito sa nakukuha ninyo ngayon? Iyon ay hindi lubos na kaakit-akit.

Kaya maaari akong maglingkod sa Diyos habang ginagawa ko ang aking pansariling bagay at ibibigay ko sa Diyos ang sobra kong oras. Iyon ay ganap na tama naman, walang masama roon, kung hindi ninyo gagamitin iyon bilang dahilan upang hindi paglingkuran ang Diyos nang lubos at ganap, kapag alam ninyo na tinatawag Niya kayong paglingkuran Siya. Kaya ito ang mga unang dalawang punto.

Sa ikatlong punto, ating nakita na ang higaan [ang nagtatago sa ilaw] – buhay may-asawa, pamilya, mga anak. Gaano karaming mga tao ang tumigil na sa paglilingkod sa Diyos o tumangging magsimulang maglingkod sa Diyos dahil nag-asawa sila, nagkaanak, at ngayo'y ang pananagutan nila, sa kanilang palagay, ay hindi sa sanlibutan, hindi sa Diyos, kundi una at higit sa lahat, sa kanilang pamilya. Gaano karaming mga tao ang nawala na sa gawain sa ganitong paraan? Sa aking sariling karanasan, maraming tao akong nakilala na maaaring makapaglilingkod sa Diyos ngunit nag-asawa sila at natigil ang kanilang paglilingkod sa Diyos. Nawala! Habang buhay na nawala sa paglilingkod sa Diyos! Hindi sila tumigil sa pagiging Cristiano – hindi sila tumigil sa pagpunta sa iglesya – subalit natakpan na ang kanilang ilaw.

Panghuli, pansinin ang ikaapat: ang tagong lugar o dakong tago – ang mga ari-arian, ang imbakan ng mga ari-arian na hindi nila gustong iwanan. Ang mga ari-arian ay naging napakalaking hadlang sa maraming tao. Naaalala ba ninyo ang mayamang batang pinuno? Nang sabihin ng Panginoong Jesus na, "Ipagbili mo ang lahat ng mayroon ka at sumunod sa Akin," punung-puno ang kanyang tagong lugar. "O, hindi! Hindi!" sabi niya. "Hindi ko magagawa ito. Isipin na lang ang lahat ng bagay na mayroon ako [na aking naimbak]." At sinabi ng Panginoong Jesus, "Bueno, ipamigay mo ito sa mga mahihirap." "Ano?! Lahat ng mga bagay na aking inimbak ay ipamimigay ko sa mga mahihirap?! Masasayang ang lahat ng taong pinagpaguran ko sa pagtratrabaho?! Hindi! Hindi ako!"

Ang mga ito ang apat na bagay na makapapatay sa ilaw. Kapag ang ilaw ay natatakpan, walang bisa na ang pagganap nito bilang ilaw. Ito'y para ring walang ilaw. Tandaan, kapag tinakpan ninyo ang anumang bagay ng banga, malamang na ito'y mamamatay. Kapag itinago ninyo ito sa pamamagitan ng paglalagay sa ilalim ng higaan, hindi ko na alam kung ano ang mangyayari sa higaan. Kaya ngayo'y ating nakikita na kailangan nating siyasatin ang ating puso upang malaman kung ano ang hadlang na pumipigil sa ating ilaw na magliwanag. Isa sa apat na bagay na ito ang tatama sa inyo. Kayo'y napapasailalim sa isa sa apat na kategoryang ito kung ang inyong ilaw ay natatakpan ngayon.

Ubos na ang ating panahon nguni't may napakarami pang yaman dito. Subalit hayaang siyasatin ng Salita ng Diyos ang ating puso upang makita kung lumiliwanag ang ating ilaw o hindi. Bilang pagbubuo, [kailangan nating makita na] tayo'y nabigyan ng isang maringal na misyon – ang misyong maging ilaw sa sanlibutan, upang palitan ang Israel sa katungkulang ipinagkatiwala sa kanya noon. At nabigo ang Israel! Kaya ngayon, ating nauunawaan ang babala ng Panginoon. Bakit nabigo ang Israel? Sa mga kadahilanang ating nakita! Ikalawa, nang tayo'y naligtas, mapapansin natin na ang dati nating pagkatao'y kailangang mawasak! Nawasak na ba ang dating pagkatao sa inyo? Naisagawa na ba ang pagpapako sa krus sa inyong buhay? Kung ganoo'y makikita ito sa inyong ugali. Ikatlo, tulad nang ating nakita, kahit na lumiliwanag ito ngayon, may panganib na sa paglipas ng panahon, sa halip na lalong lumiwanag ang inyong ilaw na nararapat namang mangyari, maaari ninyong takpan ito dahil nasa sanlibutan pa ang inyong puso, tulad ng napakaraming Cristiano.

Ang Maging Ilaw: Paggawa ng Mabubuting Gawa sa Panahon at Kaparaanan ng Diyos
Subalit sa pagtatapos, ang huling punto na hindi ko na bubuuin ngayon ay ito: tulad ng sinasabi ng Panginoong Jesus doon sa Mateo 5:16: "Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit." Ano ang mabubuting gawa? Ang mabubuting gawa ay mga gawa na mabuti sa paningin ng Diyos. Ito'y hindi lamang pagbibigay ng kaunting salapi sa mga mahihirap, pagpapadala ng kaunting salapi para tumulong sa isang kawang-gawa. Ito'y ang uri ng mga gawa na gustong ipagawa sa inyo ng Diyos. Ang mabubuting gawa ay mga gawaing bilang pagsunod sa buhay ng Diyos. Iyon ang dapat nating ginagawa at hindi lamang ang mga gawa na sa palagay natin ay mabubuti – hindi tayo madadala ng mga ito kahit saan.

Ang pagpapagaling sa mga tao, maganda ba ito? Oo! Pananalangin para sa may-karamdaman, maganda ba ito? Oo! Subalit wala isa man sa mga ito'y sapat. Palagi nating naaalala ang mga salita sa Mateo 7:22-23, sa katapusan ng Sermon sa Bundok, "Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba' – namin ginawa ito't iyon 'sa iyong pangalan?' " Sumagot ang Panginoon, "Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan." Gumagawa ng kasamaan – hindi nila ginawa ang mabubuting bagay! Ngunit sasabihin ninyong, "Mabuti naman ang magpagaling sa mga may-karamdaman, 'di ba?" Oo, ito'y mabuti. "Ang paggawa ng mga makapangyarihang gawa sa pangalan ng Diyos, mabuti ba ito?" Oo, ito'y mabuti. "Samakatwid bakit ako manggagawa ng kasamaaan?"

Tingnan ninyo, ito'y ang paggawa ng mga bagay sa kaparaanan ng Diyos, sa takdang panahon ng Diyos. Ito'y ang paggawa ng mga bagay na gusto Niyang gawin ninyo. Hindi sapat na gumawa lamang ng ilang makapangyarihang gawa. Ito'y yaong pagliliwanag ng ating buhay para sa Kanya, na ang ating kabuuang ugali ay tama sa Kanyang paningin. Ang mga taong ito, na ating makikita kapag nandoon na tayo, ay ang uri ng mga tao na hindi naisagawa ang pagpapako sa krus ng kanilang buhay. Ang kanilang buhay ay puno pa rin ng sarili at puno ng hilig-makalupa [materialism]. Kaya ngayon, tingnan natin ito. Tandaan ang napakalaking hamon na ito na ibinigay ng Diyos sa atin, upang tayo ay humayo at magliwanag bilang ilaw ng sanlibutan.

Tapos ng mensahe.

ΉGinamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Manila, 2001, maliban kung isinaad na iba.

²Ginamit ang salitang 'iglesya' sa salin-sa-Tagalog na ito dahil mas malapit ito sa orihinal na salita sa Griyego na "evkklh,sia" (ekklesia) kaysa sa salitang 'simbahan.' Walang kaugnayan ang paggamit nito sa anumang samahan sa tulad na pangalan.

³Ginamit ang: Ang Biblia, Tagalog-English Old Version: Bible Diglot, Philippine Bible Society, 1995.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.