|
|
Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1
-
"Ama
Namin"
(Lord's Prayer - 1 - "Our Father")
Mateo 6:9,
Mensahe ni Pastor Eric Chang
Sa ating mga pansariling pagdarasal, madalas nating gamitin ang
panalanging itinuro ng Panginoon, ngunit kadalasan, hindi natin
nauunawaan ang kahulugan nito. Binubulong-bulong natin ang mga salita
nang hindi natin tunay na nauunawaan ang ating mga sinasabi. Dapat kong
banggitin sa inyo na sa ang "Panalangin ng Panginoon" - tingnan natin
ang mga salitang ito sa Mateo 6:9 - ito ang sinabi ng Panginoon: "Magsidalangin
nga kayo ng ganito."* ["Pray then like this." Revised
Standard Version]. Pansining hindi Niya sinabing kinakailangan ninyong
gamitin ang mga salitang ito sa inyong panalangin, kundi ang: "Magsidalangin...
ng ganito." Sa ibang salita, ito ay isang modelo o huwaran sa
pagdarasal. Hindi ito nangangahulugang uulitin natin ito sa lahat ng
oras. Ngayon, wala namang masama sa pag-uulit-ulit nito. Walang masama
sa paggawa niyon. Ngunit hindi ito nakalaan para sa pag-uulit-ulit lang.
Nakapanghihinayang na marami sa ating mga Katolikong
kapatiran ay seryosong nagkamali sa puntong ito, na ang nakatakda nilang
panalangin ay ang "Ama Namin" at ang "Aba Ginoong Maria" lamang. Maliban
doon, parang wala na silang alam na ibang paraan ng pananalangin dahil
hindi sila naturuan kung paano manalangin. Matatandaan ninyong nabanggit
ko noong isang araw na nang nasa Alemanya ako, hindi pa gaano katagalang
lumipas, nakakilala ako ng isang Katolikong pari na nakakuwentuhan ko.
Sa pagtapos ng kuwentuhan namin, pinakiusapan ko siyang manalangin,
ngunit hindi niya alam kung paano manalangin. Bakit kaya hindi niya alam
kung paano manalangin? Ito'y dahil sa tanang buhay niya, simpleng
binabanggit niya - simpleng inuulit-ulit niya - ang "Ama Namin" at ang "Aba
Ginoong Maria."
Ang "Panalangin ng Panginoon" ay Isang Huwaran Para
sa Panalangin
Mayroon sa atin, kasama na ako, na
naggugol ng maraming taon sa paaralang Katoliko, ay nakaaalaman ng
trahedya nito, dahil hindi kailanman tayo tinuruang manalangin. Hindi
natin alam kung paano manalangin. At kapag kinakailangan nating
manalangin, ang tanging alam lang nating gawin ay sabihing: "Ama
namin na nasa langit ka." [Mateo 6:9] Iyon ang aking ginagawa noong
nasa paaralang Katoliko pa ako. Gabi-gabi, ako'y lumuluhod sa tabi ng
aking kama at nagsasabing: "Ama namin na nasa langit ka, Sambahin
nawa ang pangalan mo...." At parang napakaikli nito na nang matapos
ito, sinabi kong, "O! Hindi sapat ang kahabaan nito!" Kaya't inulit ko
itong muli. Nagmula rito ang buong ideya ng rosaryo.
Maaaring karamihan sa inyo'y nakakita na ng rosaryo. Ito ay binubuo ng
mga butil [beads] sa isang sinulid o sa isang alambre, na sa dulo
nito'y may isang krus na nakasabit. Tuwing magdarasal kayo ng isang
panalangin, hahawakan ninyo ang isang butil, tapos pupunta sa susunod na
butil para sa susunod na panalangin. Ito ang gamit ng rosaryo - upang
tulungan kayong magbilang kung ilang "Ama Namin" o "Aba Ginoong Maria"
na ang naipanalangin ninyo. Ito'y para hindi kayo mawala sa inyong
pagbibilang. Ngunit sa ating nabasa rito, mapapansin natin na ang "Panalangin
ng Panginoon" ay hindi para sa pag-uulit lamang. Ang "Panalangin ng
Panginoon" ay isang huwaran para sa panalangin.
Tingnan nating muli ang panalanging ito. Sa tingin
ko, ang mga salitang ito sa Mateo ay alam na alam na natin:
Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.
Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung
paano sa langit, gayon din naman sa lupa. Ibigay mo sa amin ngayon
ang aming kakanin sa araw-araw. At ipatawad mo sa amin ang aming mga
utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin. At
huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.
(Mateo 6:9-13)
Doon nagtatapos ang panalangin sa orihinal. Ang
huling bahagi ng panalanging iyon - "Sapagka't iyo ang kaharian, at
ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man" -
ay idinugtong pagkaraan ng panahaon, dahil naramdaman na may kakulangan
pa ito. Kahit dito, ipinapakita sa atin na ang panalanging ito ay hindi
nakalaan para ulit-ulitin, kundi ito'y isang huwaran para sa
pananalangin. Ang kahalagahan nito'y ating makikita sa mga darating na
mga mensahe.
Ang Kamalayan ng Presensya ng Diyos ay Mahalaga sa
Pananalangin
Sa ating paglapit sa Diyos sa
pananalangin, may dalawang bagay na higit na mahalaga para sa atin. Una
sa lahat, kapag tayo'y nananalangin, malinaw na ang presensya ng Diyos
ay mahalaga. Ibig sabihin, kailangan nating mamalayan ang presensya ng
Diyos. Walang punto ang makipag-usap sa sinumang malinaw na wala sa
silid.
Nakipag-usap ako sa isang kapatirang babae tungkol sa pagre-record
[ng mga mensahe] kapag walang tao sa kuwarto. Para sa akin, napakahirap
nitong gawin. Hindi ako sanay na magsalita sa isang tape recorder
habang sinusubukang isipin na ang tape recorder na ito'y aking
kaibigan o ilang kapatiran kay Cristo. Kahit na anong pagtitig ko pa sa
tape recorder na ito, hindi niya makakamukha ang aking mga
kapatid kay Cristo. Kaya't ang turing ko sa aking sarili ay lubhang
katawa-tawa nang sinubukan kong magsalita sa makinang ito at aking
ilarawan sa isip na sa kalaunan ay matatanggap ang mensaheng ito ng mga
kapatiran.
Ngayon, maaaring ang imahinasyon ng ilang tao ay mas magaling kaysa sa
akin. Maaaring ang imahinasyon ko ay hindi gaanong magaling, ngunit
napansin kong lubhang mahirap ang makipag-usap sa isang tape recorder.
Paminsan-minsan, nakapagpapadala ako ng isang mensahe sa tape
dahil madalas ito'y higit na mabilis kaysa sa magsulat ng liham at higit
na marami pa akong masasabi. Maaaring sanay na kayo sa mga naka-tape
na mga sulat na ito. Ngunit kapag ako'y nagsasalita sa tape recorder
na ito, napapansin ko na walang pagbabago ang tono ng boses ko at sa
katagalan parang nagmumunimuni lang, dahil sa pakiwari ko, ako'y
nakikipag-usap lamang sa aking sarili. Bakit ito isang problema? Ito'y
isang problema dahil hindi ko namamalayan ang presensya ng mga taong
iyon sa kwarto. At siyempre, wala sila roon! Iyon ang katotohanan. Iyon
ang problem ng karamihang tao tuwing sila'y nananalangin.
Ang problema sa pananalangin, kung gayon, ay ang
problema ng presensya ng Diyos dahil madalas, hindi natin namamalayan
ang presensya ng Diyos. Kung kaya't natatagpuan nating wala tayong
pagnanasang manalangin, sapagkat sino ang may pagnanasang makipag-usap
sa pader? Sino ang nagnanais na makipag-usap sa kama kung nakaluhod sa
tabi ng kama, o makipag-usap sa upuan kung nakaluhod sa tabi ng upuan?
Hindi iyon kawili-wiling karanasan. Ang panalangin, kung kinakailangan
nitong maging makabuluhan, ay hindi lamang pagsasanay sa isip o sa
espiritu. Ito'y pag-uusap sa Diyos, o mas mainam pa, ito'y
pakikipag-usap sa Diyos. Sa madaling sabi, hindi ito pag-uusap sa sarili,
sa kung saan tayo lamang ang nagsasalita sa Diyos at hindi tayo
nakikinig o nagbibigay sa Kanya ng pagkakataong mangusap sa atin.
Ang kakulangang ito ng pang-unawa sa presensya ng
Diyos ang mismong tinatalakay ng Panginoong Jesus dito at makikita ninyo
ang kagandahan ng ayos ng pagtalakay nito sa Sermon sa Bundok. Ang lahat
ay inayos, ayon sa banal na karunungan ng Diyos, sa ganap na sukat at
ganda. Ang dahilan kung bakit hindi natin namamalayan ang presensya ng
Diyos ay dahil sa ating kakulangan ng ‘pananaw ng mga espirituwal na
bagay-bagay' [insight] at pang-unawa. May isang espirituwal na
pagkabulag na nagbibigay-hapis sa mga Cristiano.
1) Ang Presensya ng Diyos ay Matatagpuan sa Lahat
ng Dako
Napakaganda na, ngayun-ngayon lang,
pinabasa ni Bro. Wilson ang Awit 139 sa atin nang sama-sama, kung saan
inaasahan kong mapapansin ninyo na sinabi roon na ang Diyos ay nasa
lahat ng dako. Sa aking palagay, napakaganda ng kaayusan ng pangyayaring
ito dahil walang awit na maaaring mas babagay pa rito. Sinisiguro ko sa
inyong hindi ko pinakiusapang basahin niya ang awit na iyon. Sarili niya
itong pinili at hindi niya alam na tatalakayin o gagamitin ko ito, dahil
walang pagtukoy sa Diyos bilang Ama sa awit na iyon. Kaya't nakita
nating sinasabi ng mang-aawit dito na walang lugar na hindi ninyo
matatagpuan ang presensya ng Diyos. Ang Diyos ay tunay na nasa lahat ng
dako! Siya'y nasa langit, ngunit kapag bumaba kayo sa Hades, ang
kaharian ng mga patay, hindi pa rin ninyo Siya matatakasan.
Maraming tao ang nag-aakalang sila'y makatatakas sa pamamagitan ng
pagpapakamatay. Ang pagpapakamatay ay hindi makalulutas ng anumang
problema. Hindi ka makatatakas sa presensya ng Diyos sa pamamagitan ng
pagpakamatay o iba pang paraan. Walang anumang paraan ang sinuman para
makatakas sa presensya ng Diyos. Matatagpuan ang Diyos sa lahat ng dako!
Alam natin ang bagay na ito, ngunit marami tayong alam na mga
katotohanan na hindi natin malalim na napahahalagahan ang kahulugan ng
kanilang katotohanan. Sinasabi nating, "Oo, ang Diyos ay nasa lahat ng
dako." Ngunit panandaliang isipin kung ano ang kahulugan niyon, na ang
Diyos ay nasa lahat ng dako, na sa lahat ng oras ay alam Niya ang
anumang maaaring malaman tungkol sa inyo, na walang anumang paraan
kayong magagawa upang takasan ang Kanyang presensya. Ito'y hindi isang
katanungan ng paghahanap ng Kanyang presensya, kundi ito'y katanungan
ukol sa pagkawalang kakayahang tumakas sa Kanyang presensya. Isipin
ninyo ang tungkol dito sa susunod ninyong pananalangin.
Alam ninyo, sina Adan at Eba, nang sila'y nagkasala,
sila'y nagtago sa mga kahuyan. Iyon ay hindi katalinuhan, di ba?
Mailalarawan ninyo ba sa inyong isip na subuking magtago sa Diyos sa mga
kahuyan? Hindi kayo makatatago sa Diyos kahit na maghukay pa kayo ng
isang malaking butas at hanapin ang inyong daan pababa tungo sa gitna ng
mundo. Hindi kayo makatatago sa Diyos kahit na maghanap pa kayo ng
kuweba sa isang liblib na disyerto. Nasa lahat ng dako ang Diyos! At
tayo ang nagtatago ng ating sarili sa Diyos sa ating pagtatwa [shut
out] ng Kanyang presensya. Maaaring sinusubukan natin ito, ngunit
ang lahat ay sa walang kabuluhan mapupunta. Tandaan kung gayon ang unang
punto: Ang presensya ng Diyos ay hindi matatakasan. Hindi ninyo
kailangang hanapin pa ito. Hindi Siya matatakasan. Iyon ang turo ng
Kasulatan.
2) Ang Diyos ay Nasa Atin
Ang pangalawang punto ay ito: Nang tayo'y naging Cristiano, lalong
naging walang kabuluhan ang katanungang kung mayroon o walang presensya
ng Diyos. At dapat na walang kabuluhan ito dahil si Kristo ay nasa sa
atin. Ang Banal na Espiritu ay pumasaatin upang manahan sa atin.
Sinasabi sa atin ng buong Bagong Tipan ang tungkol dito, na ang Banal na
Espiritu ay nananahan na ngayon sa atin at tayo'y naging templo na ng
Diyos. Ngayon, ano ba ang templo ng Diyos? Kung hindi nananahan ang
Banal na Espiritu sa atin, tayo'y hindi templo ng Diyos. Ngunit sinabi
sa atin ni Pablo sa 1 Corinto - sa Capitulo 6 at Capitulo 3 - na ang
katawan ay ang templo ng Banal na Espiritu. Ang Diyos ay nananahan sa
loob natin! Napakadali ang makipag-usap sa Diyos kapag ating natanto
iyon, kapag malalim nating binulay-bulay ang katotohanang nananahan ang
Diyos sa hamak na katawan nating ito. Taglay natin ang kayamanang ito,
sabi ni Pablo, sa sisidlang-lupa [2 Cor. 4:7]; ibig sabihin, nananahan
ang Diyos sa loob ko. Iyon ay isang bagay na kamangha-mangha!
Masasabi kong ito ay isang kaisipan at isang
katotohanan na para sa akin ay isang sandigan ng kalakasan, na tuwing
lalabas ako araw-araw, alam kong ang Diyos ay nananahan sa akin. Sa
sisidlang-lupang ito, sa bahay-putik na ito, nananahan ang Diyos sa
akin. Bulay-bulayin ito minsan-minsan. Huwag nating tanggapin ang mga
espirituwal na katotohanan at basta na lang sabihing, "Oo! Oo!" kundi
pag-isip-isipan ang mga ito. Dito nagkakaroon ng mga malalim at mga
mababaw na Cristiano. Ang mga mababaw na Cristiano ang nagsasabing ‘oo'
sa lahat ng bagay. Ang mga malalim na Cristiano palalim nang palalim pa
nilang iniisip at iniintindi kung ano ang kahulugan nito. Isinasagawa
nila kung ano'ng dapat mangyayari dahil dito: na ang Diyos ay nananahan
sa akin. Ang pangalawang punto, kung gayun, ay maaari ninyong sabihing
naglalarawan ng pang-Kasulatang turo ng presensya ng Diyos na nasa atin.
3) Ang Presensya ng Diyos ay Espesyal na Nasa Kanyang Simbahan
Tinatalakay ng pangatlong punto na ating matatagpuan sa Kasulatan
ang espesyal na presensya ng Diyos, halimbawa, sa mga pagtitipong tulad
nito. Dito mayroong espesyal na presensya ng Diyos. Alam ninyo ba iyon?
Sinabi ng Panginoong Jesus, "...kung saan nagkakatipon ang dalawa o
tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila." (Mateo
18:20) Ngayon, totoong Siya'y nananahan sa ating lahat, ngunit lalo
Siyang nananahan sa kalagitnaan ng Kanyang kongregasyon. Iyan ang
espesyal na presensya ng Diyos. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako, oo,
ngunit Siya'y espesyal na nasa atin at Siya rin ay espesyal na nasa
Kanyang simbahan. Tulad ng nakita natin sa Israel, ang Diyos ay nasa
lahat ng dako - pati na rin sa Israel! - ngunit mayroon Siyang espesyal
na presensya sa templo. Doon pumupunta ang mga Israelita upang hanapin
ang mukha ng Diyos. Walang puntong sabihin na, "Ang Diyos ay nasa lahat
ng dako, kaya bakit pa ako mag-aabalang pumunta sa templo?" Ang punto ng
pag-aabalang pumunta sa templo ay dahil ang espesyal na presensya ng
Diyos ay nasa templo. Maaari sabihin ng isa o ilan sa atin: "Ang Diyos
ay nasa lahat ng dako, kaya't bakit pa ako mag-aabalang pumunta sa
simbahan upang manalangin? Ang presensya ng Diyos ay nasa lahat ng dako,
kaya Siya'y nasa aking tahanan din." Oo, naroon nga Siya! Ngunit ang
Kanyang espesyal na presensya ay matatagpuan sa simbahan. At hindi ninyo
makakamtan ang biyaya ng presensyang iyon kung hindi kayo
nagtitipun-tipon kahit na dalawa o tatlo lang kayo. "...kung saan
nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan," hindi lang
nagkakatipon kundi "nagkakatipon... sa aking pangalan," na
ibig-sabihin: nagtitipon para magbigay-kasiyahan sa Kanya at
magpasailalim sa Kanyang kapangyarihan, kung kaya ang presensya Niya ay
naroon sa isang napaka-espesyal na paraan.
Kaya madalas, matatagpuan ninyong napakabuti ang
magkaroon ng kasama sa pananalangin. Ang manalanging mag-isa'y mabuti,
ngunit sa pagkakaroon ng kasama sa pananalangin, nagiging mas mabisa ang
panalangin, dahil sa espesyal na biyaya, espesyal na presensya ng Diyos.
Sabi ng Panginoong Jesus: "...kung pagkasunduan ng dalawa o tatlo sa
inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihilingin,
gagawin sa inyo." [Mateo 18:19] At sa tamang panahon, makikita natin ang
yaman ng kahulugan ng kasabihang iyon.
Ngunit nakita natin na may isang espesyal na
presensya. Makikita ninyo na kung saan nagtitipon ang mga tao ng Diyos,
doon ay napakadaling manalangin. Napansin ninyo na ba ito sa sarili
ninyo kung gaano kadali ito? Ito'y hindi lamang sa anumang pakiramdam na
namamalayan ninyo ang kanilang presensya, ngunit natatagpuan ninyong
dahil sa kanilang presensya, ang pananalangin ay may kapangyarihang
nagpapalapit sa inyo sa Diyos. Nakita ninyo ba iyon? Kapag nanalangin
kang kasama ang mga taong tunay na nagmamahal sa Panginoon, mayroong
isang espesyal na presensya ang Diyos. Hindi nakapagtataka na kadalasan,
sa isang pagtitipon ng mga tao ng Panginoon, may di-pangkaraniwang
pagbuhos ng Espiritu, tulad nang naibahagi kong karanasan namin sa inyo.
Tunay yoong isang kakaibang karanasan para sa akin sa kung saan sa isang
kumperensya noong Pagdiriwang ng Muling-Pagkabuhay ni Jesus, bumuhos at
bumaba sa amin ang Banal na Espiritu na may nakamamanghang kapangyarihan.
Ang ganitong karanasan ay isang bagay na muli't muling makikita lang sa
pagtitipon ng mga tao ng Diyos, kung saan hinahanap nila ang Kanyang
presensya, ang makita ang Kanyang mukha.
Kaya nakita natin na sa pananalangin, kinakailangang
alam natin na ang presensya ng Diyos ay nasa atin. Kapag alam natin ang
tatlong bagay na ito, alam natin na ang presensya ng Diyos ay nasa atin.
Kahit na tayo'y nag-iisa, sa dalawang punto: na ang Diyos ay nasa lahat
ng dako at ang Diyos ay nananahan sa atin, ito ay sapat na. Kapag
nananalangin kayo, alam ninyo na ang Diyos ay naroroon, at maaari kayong
makipag-usap sa Kanya. Higit sa lahat, kapag nahihirapan kayong
manalangin, humanap kayo ng ilang kapatiran na tunay na nagmamahal sa
Panginoon, at sabihing, "Maaari ba akong manalanging kasama mo o ninyo?
Maaari ba tayong magkaroon ng oras na nagbabahaginan at nananalanging
sama-sama?" Makikita ninyo na iyon ay isang oras ng napakalaking biyaya
at tulong.
Ang Pananaw Natin sa Diyos ay Nakakaepekto sa Ating
Panalangin
Ngunit mayroon pang ikalawang problema sa
pananalangin, at ito ay ang ating pananaw sa Diyos. Ito'y isang tanong
ng pag-unawa, hindi lamang na ang Diyos ay nariyan, kundi kung paano
nakikipag-ugnay ang Diyos sa akin? Napakahirap kausapin ang hindi ninyo
kakilalang tao. Napakahirap buksan ang inyong puso sa isang di-kilalang
tao. Kung nariyan ang di-kakilala, nariyan siya, ngunit siya'y
di-kakilala. Maraming mga bagay ang hindi ninyo masasabi sa kanya.
Masasabi ninyo ang mga iyon sa mga kapatiran ngunit hindi sa isang
di-kakilalang tao. Sa isang di-kakilalang tao, ang asal ninyo ay nasa
espesyal na pamamaraan; kayo ay nasa inyong pinakamagandang asal.
Ngumingiti kayo ng inyong pinakamagandang ngiti at nakikipag-usap kayo
sa di-kakilalang taong ito sa kakaibang pamamaraan. Ngunit kapag umuwi
kayo, kayo ay magre-relax at kalilimutan ang lahat ng panglabas
na pag-uugali. Kalilimutan ninyo ang maganda ninyong ngiti dahil sa ang
kasambahay ninyo naman ay inyong mga kapatid. Nabubuhay kayong kasama
sila. Nakikita ninyo sila araw-araw. Maaari kayong nasa totoo ninyong
sarili. Ito ang isang interesanteng bagay na mapupuna: kapag lumapit ang
maraming Cristiano sa Diyos, hindi na sila nasa tunay nilang sarili;
sila'y nasa pinakamabuti nilang pag-uugali. Kung kaya't sila'y may
magandang ngiti na nakareserba para sa Diyos.
May tono pa ang ilan (tulad ng mga Obispong Anglikan) ng pananalitang
para sa Diyos sa kung saan ang tenga ng Diyos ay sanay sa mataas na tono
ng boses - isa o dalawang nota kaysa normal. Kailangan nilang gumamit ng
mataas na tonong boses upang marinig ng Diyos. Ipinapakita nito sa atin
kung paano lubhang katawa-tawa ang ganitong situwasyon kapag tayo'y
walang tunay na pagkakilala sa Diyos, at tunay na nakapapagod ang
makinig sa ganitong paraan ng pananalita at makita ang espesyal na klase
ng pag-uugali at galaw at iba pa. Kapag tayo'y nananalangin sa Diyos,
sino ba ang kinakausap natin? Ngayon, kapag ang turing ninyo sa Diyos ay
tulad sa isang Arsobispo o isang Papa o kung anuman ito, maaaring
mag-asal kayo sa ganitong pamamaraan. O kung ang isip ninyo sa Kanya ay
tila baga isang diktador, o isang pinunong malupit, o hari, o presidente
o anupaman, kinakailangan ninyong mag-asal sa ganitong paraan.
Kaya't dumating tayo sa puso ng mensaheng
ipinagkaloob ng Panginoong Jesus sa atin dito sa ang "Panalangin ng
Panginoon". Ang itinuturo Niya sa atin sa mga salitang "Ama Namin" ay
isang buo at bagong pananaw o pagkakilala sa Diyos. Ito ang sinasabi
Niya: Kapag ikaw ay naging disipulo, kapag ikaw ay naging isang anak ng
Diyos, mayroon kang buo at bagong pagkakilala sa Panginoon. Nakita
nating tinatalakay ng buong Sermon sa Bundok ang isang bagong tao at
dito ay sinasabi Niya na kapag ikaw ay naging isang disipulo, ang buo
mong pagkakilala sa Diyos ay magiging bago. Nakita natin na ang maging
isang bagong nilalang ay ang pagkakaroon ng isang bagong pamamaraan ng
pag-iisip, at dito'y sinasabi Niya kung ano ang bago nating paraan ng
pag-iisip tungkol sa Diyos. Ang mga lumang pag-iisip tungkol sa Diyos ay
dapat mawala na.
Ang Ating Lumang Pagkakilala sa Diyos ay Dapat na
Mawala!
Maaaring ang pag-iisip ninyo
tungkol sa Diyos ay tulad ng isang matapang na guro sa paaralan, o isang
malupit na lolo, o anuman ang naiisip ninyo sa Kanya, at kayo ay natakot.
Tulad ng naibabahagi ko sa inyo minsan, na sa Katolikong paaralan kami'y
binibigyan ng mga larawan, at ang Diyos ay inilalarawan doon na nasa mga
ulap bilang isang matandang lalaking may napakahabang balbas na nawala
mismo sa ibaba ng mga ulap. Lagi ninyong iniisip: Gaano pa kaya ito
kahaba roon? Kung ganito ninyo inilalarawan ang Diyos - gaya ng mga
larawan sa Katolikong paaralan ibinigay sa amin noon - malinaw na
iisipin ninyo na ang Diyos na nasa langit ay may mahaba at puting balbas,
at tatanungin ninyo, "Mabait ba Siya? Mahigpit ba Siya? Mapagpasensya ba
Siya? Siya ba'y...". Sa pangkalahatang pakiramdam natin, Siya ay may
pagkamahigpit at hindi tayo masyadong makalalapit sa Kanya.
Kaya kailangan ninyong magpaikot-ikot sa mga sulok-sulok. Kailangan
ninyong pumunta kay Maria dahil siya'y napakabait at napakaamo. Kapag
tumingin kayo sa istatuwa niya, makikita ninyong siya'y napakabait at
napakaamo. Ang kanyang mga kamay ay laging magkadikit na parang
nananalangin. Ang mukha niya ay parang dalagang nasa 24 or 25 taon.
Hindi ko alam kung ilang taon na siya sa larawang iyon, ngunit walang
istatuwa ni Maria pa akong nakikita na siya ay hihigit pa sa 30 taon.
Kaya't siya'y bata at mahabagin at mapagpasensiya at matulungin. Ngunit
itong mukhang matapang na tao - isalarawan ninyo noong ako'y 6 or 7 taon
na tumitingin sa matapang na taong ito na nakaunat ang Kanyang mga bisig,
na may mahabang balbas - isang nakatatakot na larawan! Kaya't pupunta
tayo kay Maria at sasabihing: "Gusto mo bang makipag-usap kay lolo?"
Iyon ang tingin ko sa Kanya at maaaring sa tingin ay higit pa Siya kaysa
sa lolo! Ang lolo ko ay walang balbas na tulad niyon, kung kaya't mas
makabagbag-puso pa Siya kaysa sa isang lolo.
Ngunit sinasabi ni Jesus na: "Kapag naging isang
Cristiano ka, kapag naging isang disipulo ka, ang buong pananaw mo sa
Diyos ay dapat na lubusang magbago." Dapat lubusang magbago ang mga
ganitong pag-unawa sa Diyos, kung saan wala tayong lakas ng loob na
lapitan Siya at kinakailangan pang hanapin si Maria upang umikot pa sa
likod at bumulong ng mga ilang salita sa kanyang tenga. Ano pa nga bang
dahilan ng pananalangin kay Maria? Ito ang katuruan. Ang tanging dahilan
kung bakit nananalangin kay Maria ay dahil sa kawalan ng lakas ng loob
na lumapit sa Diyos. Masyadong nakatatakot ang Diyos para lapitan! At
kapag maraming trabaho si Maria at di-malapitan, nariyan ang mga santo.
Mas mabuting may mga santo kaysa sa wala. Maaaring mas may oras sila
dahil sa napakaraming tao ang nananalangin kay Maria, kaya't sa mga
santo na lang pupunta. Anong uri ng pag-unawa ito? Hindi ba nakita ng
mga minamahal nating mga taong ito ang katuruan ni Jesus? Anong uri ng
paglalapastangan sa katuruan ng Salita ng Diyos ito?
Hindi natin nais na maging malupit sa mga Katoliko nating kapatiran
dahil ang Bibliya, kung ating matatandaan, ay isang saradong aklat para
sa kanila sa loob ng mahabang panahon, at sila'y lubusang nagsusumikap
ngayon upang makahabol. Kaya hindi tayo dapat na maging malupit sa
kanila. Ngunit kailangan din nating alalahanin na ang ganitong pananaw
sa Diyos ay hindi tanging sa mga Katoliko lamang. Sigurado ako na kung
susuriin ninyo ang maraming Protestante, matatagpuan ninyong iyon din
ang pananaw nila sa Diyos, kahit na hindi nila gagamitin ang mismong mga
salitang ito. Kaya't ating nakita na kailangan natin ng bagong pananaw,
bagong pag-unawa sa Diyos.
Kaya tinuturuan tayo ni Jesus na ang ating pananaw sa Diyos ay dapat
magbago, at hindi natin dapat ituring ang Diyos, sa isang banda, na
isang diktador na kinatatakutan, o sa kabilang banda, bilang isang lolo
na sinasamantala. Tulad ng nasabi ko, noong ako'y maliit pa, iniisip ko
na ang ating mga lolo at lola ay napakapasensiyoso at mapagmahal na mga
tao. Parang walang katapusan ang pagpapasensiya nila sa kanilang mga apo,
samantalang sa atin ay iba ang kanilang pakikitungo.
Tulad ng nanay ko, siya'y isang taong maselan; siya'y laging napakalinis.
O, ang bahay ay napakalinis! Makintab ang sahig! Makintab ang mesa!
Lahat ng bagay ay dapat malinis! Kapag nangahas kailanman akong ilagay
ang bakas ng aking kamay sa anumang bahagi ng mesang salamin, naku,
lagot na ako dahil mapagagalitan ako. Ngunit kapag ang anak kong babae
ang naglagay ng bakas sa kung saan-saan, at itinumba ito o itinapon iyun,
mayroong walang-katapusang pasensiya ang nanay ko! Ang sabi niya, "Hindi
bale! Hindi ito mahalaga!" Kung kaya't inaakala nating baka ang Diyos,
dahil Siya'y may mahabang balbas, maaaring mas mabait pa Siya kaysa sa
isang lolo, dahil mas matagal na Siyang narito kaysa sa lolo. Dahil ang
mga lolo't lola'y mababait, kung gayon, ang Diyos ay maaaring katulad ng
mga "sugar daddies" na maaari nating hingan ng mga matatamis, ng
pop corn at ice cream at kung anu-ano pa. Kaya't kailangan
nating iwasan ang dalawang lumalabis na maling pag-iisip tungkol sa
Diyos.
Itinuro ni Jesus ang Diyos Bilang Ama
Ngayon, itinuro ni Jesus ang Diyos bilang
Ama. Pansinin natin: hindi lolo, kundi Ama. Nabanggit ko ngayun-ngayon
lang na ang mga ama ay maaaring maging mahigpit. Ating tandaan ito bago
tayo mag-umpisang maging labis na pamilyar sa pakikitungo sa Kanya. Ang
mga ama't ina ay maaaring maging mahigpit. Ang aking ama ay napakahigpit
noon sa akin. Ako'y napapalo halos araw-araw. Nagpapasalamat ako na ang
Diyos ay di-katulad ng ama ko. Napapalo ako noon halos araw-araw dahil
sa ako'y nag-iisang anak na lalaki at nais makasiguro ng ama ko na ang
kanyang nag-iisang anak ay hindi magiging ‘spoiled' o laki sa
layaw. Sa kagustuhan niyang makasiguro, siya'y lumabis. Ako'y napapalo
sa bawat maliit na pagkakamali ko. Iyon ay hanggang sa 5 o 6 taon ako.
Masasabi kong nagkaroon ako ng masamang pag-iisip sa mga ama dahil sa
aking naging palagay, ang tanging gawain nila sa pamilya ay ang paluin
ang kanilang anak na lalaki. Ako'y nagpapasalamat na pagkatapos ng
digmaan, noong ang ama ko'y bumalik mula sa digmaan, nagbago ang buo
niyang pag-uugali. Siya'y nagawi sa panibagong kalabisan: hindi na niya
ako muling pinalo kahit minsan man. Siya'y naging isang matalik na
kaibigan sa akin at naging labis siyang mabait at mapagmahal at
pasensiyoso. Ang tao'y ganito.
Muli, ang mga lolo ay kakaiba; sila'y mahigpit sa
kanilang mga anak, ngunit napakabait sa kanilang mga apo, tulad ng ama
ni Helen, ang asawa ko. Ganoon siyang uri ng tao: hindi nakikipag-usap
ni nakikipaglaro ang ama niya sa kanya. Nang dumating sa eksena ang
aming anak na babae, nagulat na lang si Helen nang makita niya ang ama
niya na nakaupo sa sahig at nakikipaglaro kay Evelyn! Wala pang
nakikitang katulad nito si Helen. Napakurap na lang ang kanyang mga mata
sa pagkamangha. Kaya't tandaan na ang sinabi ng Panginoong Jesus ay "Ama",
hindi "lolo." May malaking pagkakaiba rito.
Ngunit una, pansinin nating wala sa katuruan ng
Panginoon ang tungkol sa maaaring malabong pag-unawa sa Pangkalahatang
pagka-Ama ng Diyos. Alisin natin agad-agad ang malabong pag-unawa na ito.
Walang katuruan sa Kasulatan tungkol sa Pangkalahatang pagka-Ama ng
Diyos, kung saan ang Diyos ay Ama ng lahat. Walang ganoong katuruan. May
ilang panig, halimbawa ang mga "Unitarians," isang relihiyong
sumibol mula sa Cristianismo, na may ganitong maling katuruan: na ang
Diyos ay Ama sa lahat. Maliwanag na itinuro ni Jesus na ang Diyos ay
hindi Pangkalahatang Ama, ngunit maaari Siyang maging "Ama natin." Ang
Mabuting Balita ay tungkol mismo rito. Ito ang Mabuting Balita: na ikaw
at ako, mga pangkaraniwang tao, ay tunay na maaaring maging mga anak ng
Diyos. Iyon ay isang bagay na tunay na kamangha-mangha na kailangan
nating pag-isipan.
Ang Isang Anak ay Makalalapit sa Ama
Ano kung gayon ang ibig-sabihin kapag
tayo'y naging mga anak ng Diyos? Ito'y isang bagay na tunay na mahalaga.
Noong nakaraang Biyernes, sa ating pag-aaral ng Bibliya, nakita natin na
ang maging isang Cristiano ay hindi lang ang pagtakas sa impiyerno.
Hindi iyon ang paksa ng pagiging isang Cristiano. Ang paksa ng Magandang
Balita ay hindi lamang upang tayo'y makatakas sa impiyerno, kundi upang
tayo'y maging mga anak ng Diyos. Nakita natin na sa pamunuan [hierarchy]
sa langit, maraming iba't ibang mga ranggo. May mga espirituwal na
nilalang. May mga anghel. May mga arkanghel. May apat na misteryosong
nilalang na wala man lang pangalan; walang anumang pangalang
makapaglalarawan sa kanila, tulad ng nababasa natin sa Pahayag at
Ezekiel. Ang mga misteryosong nilalang na ito ay parang mas mataas pa
kaysa ilan sa mga anghel, kaysa sa mga arkanghel, dahil sila ang
pinakamalapit sa Diyos. Ngunit ang nakamamanghang bagay tungkol sa
Magandang Balita ay ito: na tayo ay itinataas ng Diyos mula sa
pinakamababang bahagi ng sangnilikha patungo sa pinakamataas, at
inilalagay tayo na mataas pa sa buong pamunuan ng mga nilikha ng Diyos,
at ginagawa Niya tayong maging Kanyang mga anak.
Madalas ninyong naririnig na tayo'y mga anak ng
Diyos, ngunit alam ninyo ba kung ano'ng kahulugan niyon? Tayo'y
itinataas, mismong katabi ng Diyos. Tulad ng sabi ni Pablo, tayo'y
nakaupo sa sangkalangitan kay Cristo Jesus, mismo sa kanang kamay ng
Diyos. [Efeso 2:6] Ang mga anak ay mismong katabi ng Diyos. Doon Niya
nais kung saan sila: malapit sa Kanyang sarili. O, ang pribilehiyo, ang
kagandahan niyon! Subukan ninyo lang na imuni-muni ito! Huwag ninyong
tanggapin ang espirituwal na katotohanan, tulad ng nasabi ko kanina lang,
sa isang mababaw na paraan, ngunit muni-munihing malalim ito hanggang sa
umapaw sa puso ninyo ang pasasalamat, na tayo'y itinataas ng Diyos sa
ganoong lugar.
Tunay na napakaganda na tayo'y maaaring maupo sa
sangkalangitan, ngunit ito'y hindi dahil sa anupaman tayo. Huwag isipin
ng sinumang Cristiano na mas magaling siya kaysa sinuman sa mundo.
Karamihan sa atin ay higit na masama, higit na mababa kaysa sa ibang mga
tao sa mundo, ngunit hinirang ng Diyos ang mahihina sa mundo upang
lituhin ang mga malalakas. Ang mga mabababa ay itinataas ng mataas upang
makita na ito'y sa Kanyang grasya.
Nabanggit ko na noon na ang aking ama ay isang opisyal na may kataasan
ang ranggo sa China. Bilang resulta nito, ako'y naupo sa matataas na
pook katabi ng mga ministro ng pamahalaan, katabi ng mga heneral, katabi
ng mga punong ministro. Sino ba naman ako? Isang taong bale-wala! Isa
lamang akong bata na walang sinuman ang titingin ng pangalawang beses,
siguro, sa mga kalsada ng Shanghai o Nanjing o saanpaman. Ngunit dahil
sa aking ama, natatamasa ko ang mga bagay na ito: na maupo sa kanang
kamay ng Kataas-taasang Ministro. Natatandaan ko na ako'y naupo sa
kanang kamay ni Wang Yang Wu, na noong panahong iyon ay Pangalawa sa
Kataas-taasang Ministro. Siya'y nasa kaliwa ko at ang kanyang asawa ay
nasa aking kanan. Ako'y naipit sa pagitan nila at sa pamamagitan nilang
dalawa, nagawa nilang wasakin akong mabuti! Ang ibig kong sabihin ay sa
pamamagitan ng pagtambak ng pagkain sa aking mangkok. Isang chopstick
dito, isang chopstick doon, at ako'y nahirapang ubusin ang
anumang nasa mangkok ko.
Hindi ko alam kung narinig ninyo na kung sino si
Wang Yang Wu. Siya ang sumulat ng "Da Zidian," isang diksyunaryong
Intsik, na isang malaking kontribusyon [sa China]. Ito'y isang
diksyunaryong ang sistema ay gamitin ang apat na sulok [sa sulat-Intsik].
Siya'y isang taong nagmula sa pinakamababa, ngunit sa pamamagitan ng
pagsisikap at malaking katalinuhan, narating niya ang isang napakataas
na katungkulan. Kahit ngayon, nauunawaan kong siya'y maaaring buhay pa
at nasa mataas na katungkulan sa Taiwan.
Ngunit heto, nasa tabi ko siya, at habang siya'y
nagsasalita, tinatambak niya itong pagkain sa aking mangkok nang hindi
namamalayan na ang kanyang asawa, sa kabilang dako, ay gumagawa rin ng
ganoon. Ako'y nakikipaglaban ng isang matatalong labanan sa mga pagkaing
ito na nasa aking mangkok. Ngunit naroon sa bilog na mesang ito, kung
saan walang masyadong maraming tao, mga 15 o 16 katao, naroon itong
taong bale-wala: ako. Ano'ng karapatang mayroon ako upang maupo sa
mesang ito kasama ng lahat ng mga matataas na pinuno? Walang anumang
karapatan, maliban sa kung sino ang ama ko.
Kaya, sa kaharian ng Diyos din, tayo'y mga taong bale-wala. Ngunit tayo
nga'y tayo dahil sa habag ng Diyos, ang ating Ama, na tayo'y itinaas
Niya upang maupo, saan? Sa sangkalangitan, saan? Kasama nina Abraham at
Isaac, kasama ni Michael at Gabriel na mga arkangel, kasama ng apat na
misteryosong nilalang, sinuman sila, na nababasa natin sa Pahayag, mga
makapangyarihang mga nilalang sa sangkalangitan. Pag-isipan ninyo ito.
Isang maliit na ikaw at isang maliit na ako ay nakaupo kasama ng mga
taong ito, itong mga espirituwal na mga nilalang, na [kapag itinabi sa
kanila] magmumukhang mga mani ang mga matataas na pinuno ng mundo.
Isipin ninyo ito paminsan-minsan: ang pribilehiyong ipinagkaloob sa atin
ng Diyos na tawaging mga anak ng Diyos! Kung ihahambing natin ang
pribilehiyong ito, ang mga kaluwalhatian ng mundong ito'y simpleng lubos
na walang saysay. Itinaas Niya tayong tulad nito.
Alam ninyo ba ang kahulugan ng matawag na isang anak? Kapag lumakad kayo
sa kaharian ng Diyos - mga anak ng Diyos! Ah! Hayaang tumingin ang lahat
ng mga anghel at mga sangkalangitang nilalang. Wow! Iyan ang anak ng
Diyos! Iyan siya! Anong habag! Tulad ng sabi ni Pablo, tayo'y binayayaan
Niya ng lahat ng espirituwal na biyaya sa sangkalangitan. [Efeso 1:3]
Walang ipinagkait ang Diyos sa atin. Anong uri ng pagtanaw ng utang ng
loob dapat mayroon tayo upang mamuhay ng isang buhay sa mundong ito na
kalugod-lugod sa Kanya!
Alam ninyo, mga kapatid, kung minsan ako'y nasusuka,
ako'y nakararamdam ng panghihina sa aking puso kapag may magsabing, "Ah,
hindi ko magagawa iyan para sa Panginoon. Masyado akong maraming gawain.
Busy ako." Iniisip kong: "Ano ba ang hindi nagawa ng Diyos para
sa iyo?" Ano nga ba ang hindi nagawa ng Diyos para sa inyo? Mayroon bang
habag siyang ipinagkait sa inyo at kayo naman ay masyadong abala para
magkapanahon para sa Diyos? Kapag ang Diyos ang masyadong abala para
magkapanahon sa inyo, mga kapatid, kayo ay tapos na. Sa oras na iyon,
may problema ka na. Wala Siyang ipinagkait at nais nating ipagkait ito.
Ang pakiramdam natin ay marami na tayong naibigay sa Diyos. Marahil ang
ating asal ay nagpapatunay na tayo'y hindi pa nga mga anak ng Diyos, o
kung tayo'y mga anak, hindi natin alam kung ano ang ibig-sabihin nito.
Hindi rin natin alam kung ano'ng uring mga biyaya ang ibinigay Niya sa
atin. Kaya't dapat nating makita na ang pagiging isang anak ng Diyos ay
may pinakamataas na pribilehiyo. At sinasabi ng Panginoong Jesus na: "Kapag
ikaw ay naging disipulo Ko, ikaw ay naging isang anak." Alam ninyo ba
ang kahulugan niyon? At kapag kayo'y nanalangin, sabihing ‘Ama' - "Ama
namin na nasa langit."
Pag-aralan kung gayon ano'ng uri ng paglapit mayroon
tayo bilang isang anak. Anong daan, anong karapatan mayroon ako para
lumakad lampas sa lahat ng mga guwardiya, lahat ng mga sundalo, lahat ng
mga tao at ang kanilang mga opisina. Deretso akong lumakad papunta sa
opisina ng aking ama. Ang ibang mga tao'y hindi makapasok. Hindi! Walang
sinuman ang makaparoon. Tanging kung may espesyal na tipanan lamang sila
makapaparoon. Ngunit ako - isang taong bale-wala - walang sinumang
tututol, walang sinumang magtatanong. Maaari akong pumasok sa opisina ng
aking ama nang 20 beses isang araw, anumang oras na gusto ko. Bakit?
Ito'y dahil sa ako'y isang anak! Iyon ang dahilan. Hindi ako mataas na
pinuno. Noong mga panahong iyon, wala akong edukasyon. Ako'y isang
batang lalaki lamang. Hindi pa ako nakatutuntong sa unibersidad. Wala
akong mga kakayahang maipapakita. Ngunit maaari akong makapasok sa
opisinang iyon kahit na ilang beses, at walang sinuman - kahit gaanong
karami ang mga guwardiyang naroroon, kahit gaanong karaming** mga
komander o opisyales ang naroroon - walang makapipigil sa akin. Sa
ganoong paraan, tayo'y mayroong daanan. Ito ang punto.
Iyon ang dahilan kung bakit ko sinabing iyon ang
kagandahan ng pagkakaayos ng "Panalangin ng Panginoon." Kapag kayo ay
nananalangin, paano kayo nananalangin? Nananalangin kayong tulad ng
isang bata! Mayroon kayong paraang lumapit. Hindi kayo mapipigilan kahit
pa ng lahat ng mga espirituwal na nilalang sa mundo, at sabihin sa
inyong: "Hindi ka maaaring pumasok sa presensya ng Diyos." Sino'ng may
sabi? Ako'y isang anak! Ito'y sa pamamagitan ng grasya ng Diyos. Hindi
ko ito pinagtrabahuhan. Sino ang pinagtrabahuhan ang pagiging anak?
Ano'ng maaaring ipagyabang? Ngunit sa pamamagitan ng awa ng Diyos, ako'y
isang anak! Walang sinumang makapipigil sa akin; ako'y papasa-Kanyang
presensya. Ano ang problema ninyo sa pananalangin? Nasaan ang problema?
Maaari kayong makapasok sa pinakaloob-loobang presensya. Tulad ng sinabi
sa sulat sa mga Hebreo: "Maaari na tayong makapasok sa pinakabanal, sa
pinakaloob na lugar." [Hebreo 10:19]
Ating Pag-uugali: Ebidensya ng Ating Pagiging Mga
Anak ng Diyos
Ngayon, ang tanging paraan upang tayo'y
maging isang anak ay ang ipanganak muli. Paano tayo magiging isang anak?
Sa pamamagitan ng kapanganakan - iyon ang kung papaano! Na tayo'y ‘naipanganak'
ay nangangahulugang ang Banal na Espiritu ang Siyang gumagawa upang
tayo'y maging isang anak. Hindi ito isang bagay na maaaring
pagtrabahuhan. Ngunit narito pa ang isang bagay na kailangan nating
bigyang pansin tungkol sa isang anak. Ang katuruan sa Kasulatan ay ito:
kinakailangang patunayan ng isang anak na siya'y karapat-dapat sa
kanyang buhay at pag-uugali. Ang ating pag-uugali ang ebidensiya ng
ating pagiging anak.
Paano malalaman ng ibang tao na tayo'y mga anak ng Diyos? Sa katunayan,
paano malalaman ninuman na tayo'y mga anak ng Diyos? Naipagkaloob sa
atin ng Panginoong Jesus, ng Diyos mismo, sa karunungan ng Kasulatan,
ang isang paraan kung paano natin malalaman na tayo'y Kanyang mga anak.
Wala tayong papeles ng kapanganakan na maipapakita. Wala tayong
pinanghahawakang anupamang ebidensiya na tayo'y mga anak ng Diyos, sa
karunungan ng turo ng Diyos, maliban sa ating pag-uugali: na tayo'y
mukhang mga anak ng Diyos.
Kaya nga, tuwing ako'y pupunta para makita ang aking
ama, alam ng mga tao na: "Ito ang anak." Ngunit paano nila nalaman?
Kailangang may mga paraan upang malaman ito. Hindi ko maaaring
basta-basta sabihing, "Ako'y isang anak." Hindi ako maaaring pumasok sa
opisina ni Mr. Trudeau [si Mr. Trudeau ang Punong Ministro ng Canada ng
panahong iyon] at sabihing, "Nais kong makita si Mr. Trudeau dahil ako'y
anak niya." Sasabihin nilang, "Ano? Hindi ka mukhang anak niya!" Ano ang
gagawin ko? Dapat mayroong paraan upang mapatunayan ito: maaaring
patunayan ng aking ama na ako'y anak niya, ngunit dapat sapat na may
ebidensiya. At sa buhay na ito, ang tanging ebidensiyang mayroon tayo,
na ipinagkaloob sa atin, ay ang ebidensiya ng ating buhay at pag-uugali
- ang pagiging katulad ng Diyos.
Nakita natin ito sa ating pag-aaral, nang makita natin ang katuruan ng
Panginoon sa Mateo 5:44-45. Binasa natin mula sa v44, "Ibigin ninyo
ang inyong mga kaaway at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig;"
V45: "Upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit...".
Ngayon, hindi ibig sabihin ng Panginoong Jesus na sa pamamagitan ng
paggawa nito, na tayo'y magiging anak, kundi tanging sa pamamagitan nito
tayo mayroong ebidensiya ng pagiging anak. Wala tayong maaaring gawin
upang maging anak. Wala tayong maaaring gawin upang makamtan ang buhay
na walang hanggan, ngunit ang kinakailangan nating magkaroon ay ang
ebidensiya ng pagiging anak sa ating buhay. Iyon ang lubos na
kinakailangan. At kapag mayroong ebidensiya ng pagiging anak, makikita
mo na walang hindi mo mapupuntahan.
Ngayo'y subukan ito at pagmasdan ang mangyayari. Subukan ninyong
magkasala at tapos ay subukan ninyong manalangin, kung hindi kayo
naniniwala sa aking sinabi. Makikita ninyong maaari ninyong ariin buong
araw na kayo ay anak ng Diyos at tingnan kung makauugnay kayo sa Diyos
sa inyong panalangin. Tingnan ninyo kung sasagutin ng Diyos ang inyong
panalangin. Tingnan kung walang sagabal sa panalanging iyon. Hindi ito
mangyayari. Iyon ang hindi totoo sa ating paghahalintulad. Kahit na
nasaktan ko ang aking ama, makikita pa rin ng ibang tao na ako'y kanyang
anak. Maaari pa rin ako makapasok. Ngunit malalaman ninyo na kapag
nagkasala kayo, hindi lamang na nagkaroon kayo ng kasalanan, kundi
malalaman ninyo na kahit papaano may hadlang sa inyong pananalangin.
Marami sa mga nagkasala ang nagsabi na: "Ang langit
ay naging tanso at ang lupa ay naging bakal." Nakapagtataka! Anong ibig
sabihin niyon? Ibig sabihin ba nito na ayaw tayo makita ng Diyos? Sabi
Niya, "Kung ikaw ay magsisisi sa iyong mga kasalanan, makapupunta ka sa
Akin kahit na anong oras." Hindi Niya sinabing ayaw na Niya tayong
makita. Ngunit kahit papaano, biglang-bigla, may mga kapangyarihang
hahadlang. Ang mga kapangyarihan ng kaaway ay maaaring humadlang.
Binigyan mo sila ng paraan upang makahadlang. Ang ebidensiya ng pagiging
anak ang dapat nating taglay kung gusto nating makipag-ugnayan sa Diyos.
Hindi ito nangangahulugan na kung tayo ay nagkasala, hindi na tayo
makapagsisisi. Tiyak na makapagsisisi tayo sa ating mga kasalanan.
Maaari pa rin tayong manumbalik sa Diyos. Maaari pa rin nating hilingin
sa Diyos na alisin ang mga balakid, ngunit ang mga balakid ay talagang
darating. At ang mga balakid na iyon ay hindi lamang pangkaisipan.
Makikita ninyo na ang mga iyon ay napakatotoong mga balakid.
Naibahagi ko na dati sa ilan sa inyo kung paano nang
ang isang kapatiran natin ay nagkasala, natagpuan niyang hindi siya
makapanalangin. Kahit na gustong-gusto niyang makapasok, ang pintuan ay
sarado; hindi siya makapasok. Walang anumang paraan upang makapasok siya.
Hindi naman sa hindi niya gustong manalangin. Hindi naman sa hindi niya
gustong tumawag sa Diyos, pero ang daan ay sarado, na kahit paano may
mga panlabas na kapangyarihan na nagsara ng pintuan. Sa ibang salita,
binigyan niya ng pagkakataon si Satanas. Hindi ang Diyos ang nagsasara
ng pintuan. Hindi ang mga anghel ang nagsasara ng pintuan, kundi si
Satanas na ngayon ang humahadlang at nagsasara ng pintuan. At bigla na
lang natin natagpuan na mayroon pala siyang awtoridad na gawin iyon,
kahit na nakapagtataka. Binigyan siya ng isang pagkakataon. Buo natin
itong tatalakayin kapag pinag-aralan natin ang panalanging: "Huwag mo
kaming ihatid sa tukso".
Kinakailangan ninyong siguraduhin na walang
kasalanan sa buhay ninyo kung nais ninyong manalangin, kung nais ninyong
lumapit sa Diyos bilang anak. Ipinakikita nito ang punto na ang pagiging
anak sa katuruan ng Panginoon ay isang bagay na hindi natin maaaring
abusuhin. Hindi ito maaaring isantabi lang. Iyon ang isa pang punto na
kailangan nating malinaw na maintindihan. Kung ito'y inabuso o
isinantabi ninyo - hindi ito katanungang pangdoktrina o pagtatalo; ito'y
ukol sa karanasan - mapapansin ninyong hindi kayo makalalapit sa
presensya ng Diyos. Datapuwat ang tanging magagawa ninyo lang ay ang
tumawag sa Diyos mula sa malayo at hilingin sa Panginoong alisin ang
inyong kasalanan. Ang aking sinasabi siyempre ay ang tungkol sa mga mas
seryosong kasalanan - mga seryosong kasalanang maaaring makasara ng
pintong patungo sa Diyos.
Kaya't nakita natin ang pagkakaiba ng isang anak ng Diyos na nasa mundo
at ng isang anak ng Diyos na nasa kaharian ng Diyos. Sa sanlibutan,
dahil sa kayo ay anak, ang akala ninyo'y magagawa ninyo na ang lahat ng
gusto ninyo at walang sinuman ang maaaring magtanong kung ano ang
ginagawa ninyo o pagsabihan kayo. Nakalulungkot mang sabihin, ito ang
aming naging karanasan sa China. Ang pagiging anak ng isang mataas na
opisyal ay nangangahulugang maaari ninyong gawin ang kahit na anumang
gusto ninyo at walang sinuman ang maaaring tumutol sa inyo. May mga anak
ng matataas na opisyal na gumawa ng anumang gusto nila at gumawa sila ng
lahat ng uri ng kasamaan. Maaari silang pumatay, maaari silang
lumapastangan ng mga babae, at walang magagawa ang sinuman. Maaari
silang pumasok sa isang tindahan, kumain at lumabas nang hindi
nagbabayad. Walang nangahas na gumawa ng anuman tungkol dito dahil takot
sila sa mga pamilya ng mga taong ito.
Ang mga pamilya ng mga matataas na opisyal na ito ay
nabigyan ng isang espesyal na tsapa, na kung alin kakaunting tao lang
ang mayroon. Kailangan lang nilang ilagay ang tsapang iyon sa likod ng
sulapa [lapel] ng kanilang kuwelyo. Sa pagtihaya nito, walang
sinuman ang mangangahas na pigilan silang pumasok saanmang lugar. Maaari
silang kumain, pumasok sa isang restauran, sumakay sa isang eroplano o
sa isang tren, o maupo sa trambiya na hindi nagbabayad ng anupaman dahil
walang sinuman ang mangangahas na maningil sa kanila ng kahit na isang
kusing. Ang gagawin lang nila ay ipakikita ang kanilang tsapa. Kakaunti
lang ang naipamigay na espesyal na tsapang iyon.
Kaya't makikita ninyo na sa mundo, kayo ay anak pa
rin at maaari ninyong gamitin sa maling paraan ang pribilehiyo ninyo
bilang anak - maaari kayong magkasala - at walang mangangahas na pigilin
kayo. Ngunit doon nagtatapos ang paghahalintulad dahil, sa kaharian ng
Diyos, ang inyong pagiging anak ay kaagad na may kaugnayan sa ebidensya
ng inyong pag-uugali. Sa sandaling hindi na magkatugma ang pag-uugali
ninyo sa inyong pagiging anak - hindi nangangahulugang hindi na kayo
isang anak kundi - nawala na ang pribilehiyo ninyo bilang anak. Sa
katunayan, maaaring anak pa rin kayo, o tanging sa pangalan lamang,
kahit alin sa dalawa, ngunit lahat ng pribilehiyo ng anak ay mawawala na
sa inyo. Hanggang hindi pa kayo nakapagsisisi, hindi kayo mayabang na
makalalakad tulad ng anak. Hindi kayo maaaring magpatuloy sa pag-iisip
na: "Maaari akong magkasala at gawin ang anumang gusto ko." Hindi ninyo
ito maaaring gawin.
Tunay na ibig kong bigyang-diin ang puntong ito
dahil napakaraming mga Cristiano ang hindi nakikita ang kaugnayan ng
pag-uugali at ng panalangin. Ang panalangin at ang pag-uugali ay may
mahalagang kaugnayan - nagmamakaawa akong malinaw ninyong unawain ito -
na kapag kayo ay nabubuhay sa kasalanan, hindi-hindi puwedeng makapasok
ang inyong panalangin. At maaari ninyong sambitin ang "Ama Namin"
hanggang gusto ninyo, ngunit wala, tunay na walang mangyayari sa inyo
hanggang magsisi kayo sa inyong kasalanan. Kaya't masusing pansinin
itong mahalagang bagay na ito sa katuruan ng Panginoon.
Tayo'y Naging Anak ng Diyos sa Buong Pagbukas ng
Ating Buhay sa Espiritu
Ngayon, kapag ating naunawaan ang mga
bagay na ito, makikita ninyo na tanging sa pamamagitan ng pagkapanganak
muli, tulad nang nasabi natin kanina, at sa pamamagitan ng Espiritu ng
Diyos, na maaari nating tawaging "Ama" ang Diyos. Hindi ito
nangangahulugang maaari na kayong tumawag ng "Ama" dahil sa gusto ninyo
lang tawaging "Ama" ang Diyos o dahil iniisip ninyo na: "Sinabi ni Jesus
na sabihing ‘Ama Namin', kung kaya't sinabi ko ‘Ama Namin'!" Ang
kinakausap ni Jesus dito ay ang Kanyang mga disipulo. Ako, tinawag ko
ang Diyos ng "Ama" dahil lamang tinuruan ako ng "Panalangin ng Panginoon"
noong ako'y nasa isang Katolikong paaralan, nang wala pa ako talagang
karapatang sabihing "Ama namin"! Hindi Niya ako anak. May karapatan
lamang tayong tawagin ang Diyos na "Ama namin" kapag pumasaating buhay
na ang Espiritu ng Diyos. Ibig sabihin, tayo'y nagiging mga anak ng
Diyos lamang kapag buong-buo nating ibukas ang ating mga buhay sa Banal
na Espiritu. Binuksan ninyo na bang buong-buo ang inyong buhay sa Banal
na Espiritu? At ang ibig kong sabihin ay buong-buo! Hindi gumagawa ang
Diyos ng bahagi-bahagi lamang. Dalawa lang ang pinagpipilian: Nasa Kanya
ang inyong buong buhay o wala talaga sa Kanya ang buhay ninyo.
Ito ay isang katotohanan na sinusubukan kong linawin sa mga tao saanman
ako pumunta: Hindi gumagawa ang Diyos ng bahagi-bahagi lamang. Hindi
Siya tumatanggap ng bahaging handog. Walang bahaging handog na
kailanpama'y Kanyang tatanggapin. Kung nais ninyong maging isang anak ng
Diyos at maranasan ang mga benepisyo at pribilehiyo at responsibilidad
ng isang anak, kailangan ninyong buksan ang inyong buhay buong-buo sa
Diyos. Ang dahilan kung bakit nahihirapan ang maraming mga Cristiano na
magsabing "Ama Namin" sa panalangin at tunay na maunawaan na ito'y
nanggagaling mismo mula sa puso ay dahil sa hindi nila buong-buong
binuksan ang kanilang buhay sa Diyos. May mga Cristianong [nagbukas ng
kanilang puso ng] 50%, 80%, at hindi nila nararanasan ang kagalakan ng
pagiging anak. Kung nais ninyong malaman ang kagalakan ng pagiging anak,
siguraduhin ninyo na tinatanong ninyo ang inyong sarili ngayon din, "Nakabukas
ba ng buong-buo ang aking puso? Panginoon, ang aking puso ba'y tunay at
buong-buong nakabukas sa Iyo?" Kung hindi, maaari ninyong sabihin ang "Ama
namin"; walang pipigil sa inyo. Lahat ng tao'y maaaring magsabi kay Mr.
Trudeau, "Kumusta, ama." Walang batas na magpipigil sa inyo at
magsasabing hindi ninyo puwedeng sabihin iyon. Ang tanging problema ay
titingnan niya kayo at sasabihing, "Hindi kita nakikita pa kailanman.
Sino ka?"
Kaya't ang punto rito ay ito: kailangan ninyong
buong-buong buksan ang inyong puso sa Kanya. Iyon ang sabi ni Pablo sa
Roma 8:15: "...tinanggap ninyo ang espiritu ng pagkukupkop, na dahil
dito'y sumisigaw tayo, Abba, Ama." May pagkakaiba sa pagtawag ng "Ama"
mula sa inyong bibig at pagtawag mula sa inyong puso - iyon ang punto.
Nang sabihin ng Panginoong Jesus sa "Panalangin ng Panginoon" na "Kapag
kayo ay nananalangin, sabihin ninyong ‘Ama Namin'," hindi Niya ibig
sabihin na "Sabihin ninyo lang ito sa iyong bibig." Ang tanong ay:
Maaari ninyo bang sabihin ito mula sa inyong puso? Isipin ninyo ito
ngayon din. Masasabi ba ninyo, habang nakaupo kayo riyang nakikinig sa
Salita ng Panginoon, masasabi ba ninyo mula sa kaibuturan ng inyong puso
ang "Ama", at mula talaga sa kaibuturan ng inyong puso? Kung masasabi
ninyo ito mula sa inyong puso, ito'y dahil ang Banal na Espiritu ay
gumagawa sa inyong puso, nagbibigay sa inyo ng pahintulot na sabihin ito.
Sinabi ni Pablo ito sa dalawang okasyon upang siguraduhing makuha natin
ang punto. Iyon ay sa Roma 8:16: "Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo
kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos" at sa Galacia
4:6: "At sapagka't kayo'y mga anak, ay sinugo ng Dios ang Espiritu ng
kaniyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, Abba, Ama." Doon
nanggaling ang tunay na katiyakan. Ang tunay na katiyakan - ang
katiyakan mula sa Bibliya, tulad ng makikita kapag tayo'y nakarating na
sa Roma Capitulo 8 - ay ang katiyakang pinatutunayan ng Diyos sa atin,
pinatutunayan ng Banal na Espiritu sa atin, na nagsasabing: "Oo, ikaw ay
isang anak ng Diyos." Mayroon akong katiyakang ako'y isang anak ng Diyos;
hindi ako nanghuhula lamang. Ako'y may katiyakang ako'y isang anak ng
Diyos dahil pinatutunayan ito sa akin ng Espiritu. Hindi ito nakabatay
sa sinasabing mga pangako na panglabas lang, dahil ang tanong ay kung
kayo'y may karapatang angkinin ang mga pangakong iyon. Paano ninyo alam
na kayo ay may karapatang angkinin ang mga pangakong iyon? Alam ninyo
lamang ito kapag pinatutunayan ng Espiritu sa inyong espiritu na kayo ay
anak ng Diyos at maaari ninyong angkinin ang mga pangakong iyon.
Naaalala ko ilang taon na ang nakalipas nang ako'y
nasa Hong Kong, may isang pagtitipon kung saan nangangaral si Andrew See
at inilarawan ang katotohanang ito sa kanyang mga salita. Sinabi niya na
may isang tao na dumating at sinabi sa kanya na hindi siya sigurado na
siya ay isang anak ng Diyos kahit na naipagkatiwala na niya ang kanyang
buhay sa Panginoon ilang araw na ang nakaraan. Kaya't sinabi ni Andrew
See, "Ano ang ipinalangin mo nang ikaw ay lumapit sa Panginoon?"
Ang sagot, "Ako'y nanalangin nang ganito: sinabi ko,
‘Ama'."
Sabi naman ni Andrew See: "Tigil! Sapat na iyan.
Hindi ko na nais marinig pa ang natitira pa sa iyong panalangin."
Pagkatapos, itinanong nito kay Andrew See: "Bakit
ninyo itinanong kung ano ang ipinalangin ko?"
"Ito'y dahil nais ko lang marinig ang unang salita.
Nang sabihin mong ‘Ama,' sinabi mo ba ito mula sa iyong puso?"
"Oo! Sinabi ko ito mula sa aking puso."
Pagkatapos, sinabi ni Andrew See: "Purihin ang
Panginoon! Ikaw ay isang anak ng Diyos."
Bakit niya sinabi ito? Nauunawaan niya ang
katotohanang nakita natin dito mismo sa Roma Capitulo 8 at Galacia 4:6
na ang Espiritu ng Diyos ang nagbigay ng karapatan sa atin na sabihin
mula sa ating puso ang "Ama". Nangangahulugan iyon na tayo ay tunay na
naging anak ng Diyos. Buong-puso nating binuksan ang ating buhay sa
Kanya. Iyon ang lihim ng panalangin.
Bukod-Tangi ang Pagturo ni Jesus na Tumawag Gamit ang "Ama",
Ngayon, kinakailangan nating mapansin na ang katuruan ng Panginoon
ay bukud-tangi rito. Ang Panginoong Jesus lamang ang tanging tao na
nakapagturo sa sinuman na manalangin sa Diyos bilang Ama. Alam ninyo ba
iyon? Wala saanman, wala sa mga relihiyon dito sa mundo, wala maski sa
Lumang Tipan, na makikita ninyo na tinatawag ang Diyos bilang "Ama" sa
panalangin. Wala kahit saan! Walang sinupamang nakatatawag sa Diyos na "Ama".
Alam ninyo ba iyon? Kung kaya't tayo na lumaki sa mga Cristianong
paaralan, sa mga Katolikong paaralan, tulad sa ilan sa atin dito, ay
nalaktawan matuntunan ito: ang bukud-tanging katuruang ito! Ang katuruan
ng Panginoon ay walang kapareho. Wala pang naririnig na ganitong bagay
sa kanilang buhay ang mga Hudyo, na kahit sino'y maaaring tumawag sa
Diyos bilang "Ama."
Marami tayong mga panalangin ng mga Hudyo sa ngayon kung saan Siya'y
tinatawag na Dakilang Hari at patong-patong ang mga titulong iniuukol sa
Kanya, ngunit wala kahit saanman sa mga panalangin ng mga Hudyo, o sa
Lumang Tipan, na ang Diyos ay tinawag bilang "Ama." Walang sinuman ang
nagkaroon ng ganoong katawagan sa Diyos. Walang sinuman ang mayroon ng
pribilehiyo na tawaging "Ama" ang Diyos. Isipin ninyo ngayon iyon. Iyo'y
kung kaya't nang tayo'y naging mga bagong tao, ang buong kaisipan natin
sa Diyos ay nabago sa ganitong kakaibang paraan: na tayo lamang ang
tanging tao sa lupa, sa paglipas ng lahat ng henerasyon sa kasaysayan ng
tao, na tumatawag sa Diyos na "Ama." At mayroon tayong karapatang
tawagin Siyang ganoon sapagkat tayo, sa awa ng Diyos, ay naging Kanyang
mga anak. Tanging kay Cristo tayo may ganitong pribilehiyong tawagin ang
Diyos na "Ama namin," at higit pa rito, ang tawagin Siya bilang "Abba!
Ama!"
Ano ang Kahulugan ng Pagtawag sa Diyos na "Abba!
Ama!"
Ngayon, ang salitang "Abba" ay
kapansin-pansin. Ang "Abba" ay ang bigkas sa Aramaic ng salitang "Ama."
Makikita natin na ang salitang ito ay ginamit sa Bibliya mismo sa mga
lugar na nabanggit ko sa Roma Capitulo 8 at Galacia 4:6. Sinabi ni Pablo
na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ating sasabihing, "Abba! Ama!"
Ano'ng ibig sabihin niyon? O, ang kayamanan nito ay tunay na
kamangha-mangha! Una sa lahat, ibig sabihin nito na sa pamamagitan ng
grasya ng Diyos, tayo'y nakapasok sa isang pakikipag-ugnayan sa Diyos na
pantay - isipin ninyo ito - sa Panginoong Jesus mismo. Hindi ba ito'y
isang bagay na sapat na upang mamangha ang isang tao? Pantay sa Tanging
Anak mismo! Ang Panginoong Jesus ang tanging tumatawag sa Diyos bilang
"Abba! Ama!" Makikita ninyo ito sa Marcos Capitulo 14. Doon sa
panalangin sa Hardin ng Getsemane, sinabi Niya, "Abba, Ama, may
pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong
ito: gayon ma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo."
[v36] "Abba!"
Ang "Abba" ay ang uri ng salita na ginagamit ng mga
Aramaic na tao sa ugnayan nila sa kanilang mga sariling ama. Ito'y isang
pamilyar na bigkas na pagtawag, tulad ng mga Aleman na tumatawag ng
"Papa," o ng mga Ingles na tumatawag ng "Daddy," o sa mga Intsik, ang
tawag ay "Baba!" na malapit na malapit sa "Abba." Ang salita sa Shanghai
ay mas mainam pa. Baka ang salitang Shanghai ay pag-aari ng kaharian ng
Diyos dahil sa salitang Shanghai, eksaktong ang tawag namin ay "Ah Ba!
Ah Ba!" kapag tinatawag namin ang aming ama sa pamilyar na bigkas. Ito'y
kaparehong-kapareho ng sa Aramaic - isipin ninyo iyon. Alam mabuti ng
lahat ng tao sa Shanghai ang salitang "Ah Ba!" "Abba, Ama!" Sa tamang
tono pa, kaparehong-kapareho ng sa Aramaic: "Ah Ba," na kung saan ang
diin ay nasa ikalawang pantig.
Isipin ito. Hindi sinasabi ng Diyos na tawagin natin
Siyang "Ama," sa isang opisyal na tono kundi tawagin Siya bilang
"Daddy." Wow! Ang mga Hudyo ay pinagpapawisan na sa ngayon [at
nagsasabing]: "Tinatawag mo ang Dakilang Hari ng ‘Daddy'? Aba! Paano mo
nagawa ito?" Bakit naman hindi? Tayo'y mga anak Niya! Paano ninyo ba
tawagin ang inyong ama? Hindi ko alam kung paano ninyo tatawagin ang
inyong ama; tinatawag ko ang aking ama na "Dad." Sa paglapit ko sa Kanya,
hindi ko sinasabing: "Ama, sir, narito ako." Ngayon, sa lumang kaugalian
ng mga Intsik, may ilang tao ang gumawa niyon sa pamamagitan ng mga
salitang "fu qin da ren." Ito ay nangangahulugang "ang malaking taong
ama," isang literal na salin na isang may pagpipitagang katawagan,
ngunit napapalayo ang ugnayan.
Ito'y dahil sa mga pamilyang Intsik, madalas ay
malayo ang ugnayan ng ama at anak. Ang ugnayan nila ay napakapormal at
walang damdamin. Ngunit hindi ganoon ang gawi ng mga taong Aramaic, at
lalo na sa mga Hudyo, na may napakalapit na ugnayan ang ama at anak.
Sinumang nakapiling na ang isang pamilyang Hudyo ay nakaaalam iyon. Ang
ugnayan ng mga ama at mga anak at ng buong pamilya ay magkakalapit.
Kaya't ang ama'y tinatawag na "Abba, Ama."
Kaya't nakita natin na sinasabi ng Panginoong Jesus,
"Ngayon kayo'y mga anak. Pumunta kayo sa presensya ng Diyos, at sabihing,
‘Daddy, Ama, nandito ako' at kausapin mo Siya." O, anong isang
pribilehiyo! At iyon ay hindi lamang ginagamit ng mga bata. Sa madali't
sinabi, nang tayo'y tumanda na, sinasabi pa rin nating Dad, di ba? Ang
ibig kong sabihin, nang bata pa ako, tinatawag ko siyang "Dad." Nang
tumanda na ako, tinatawag ko pa rin siyang "Dad." Hindi ko binago sa
ibang katawagan. Ang salitang "Dad" ay hindi naman nangangahulugang
walang pagpipitagan. Nais kong pansinin ninyo ito. Ito'y nagpapahayag ng
malapit na kalooban - ang malapit na kalooban ng ama at anak - at
pag-ibig na may pagkalinga at pagpipitagan. Pinagpipitagan ko ang aking
ama kahit na "Dad" ang tawag ko sa kanya. Hindi ko siya inaabuso. Lagi
kong pinagpipitagan ang aking ama at siguradong ganoon din kayo. Kaya't
di-bale kung tawagin ninyo siyang "Dad". Hindi ito nangangahulugang
hindi ninyo siya nirerespeto. Ang dahilan kung bakit ko idinidiin ang
puntong ito ay dahil gusto kong tumungo sa isang may kinalamang
katanungan dito.
Hindi ‘Walang Respeto' ang Pagtawag sa Diyos sa
Pamilyar na "Ikaw"
Alam ninyo, sa Ingles, may kaugaliang
tawagin ang Diyos bilang ‘Thou.' Ang salitang ‘thou' ay
mula sa King James English [isang pagsalin ng Bibliya noong 1611
na tinatawag ding ‘Authorized Version']. Maraming taon na ang
nakalipas, napansin ko na tinatawag ang Diyos bilang ‘Thou.' Ang
aking laging tawag sa Diyos naman ay ‘You.' Ganoon ang aking
pagtawag sa aking ama, ina at sa lahat na: ‘you.' Hindi ko
kailanmang tinawag ang sinuman ng ‘Thou.' May nagsabi sa akin, "Alam
mo, kawalang-galang iyan. Kailangan mong tawagin ang Diyos ng ‘Thou'."
Ang sabi ko, "Kailan pa naging isang magalang na katawagan ang ‘Thou'?
Ito'y simpleng isang katawagang nakaugalian na at bagay na walang
kaugnayan sa paggalang. Mailalarawan ninyo ba ang sinumang
taga-Inglatera na lalapit sa Reyna at magsasabing, "How art thou
today?" Sasabihin ng Reyna sa kanya, "Ano ba'ng sinasabi mo?" Ang
sagot: "Ipagpaumanhin ninyo. Ang salitang ‘thou' ay isang
magalang na katawagan."
Ngayon, ang salitang ‘thou' ay hindi naging
isang magalang na katawagan sa Ingles kailanman sa kasaysayan ng wikang
ito. Walang makapaglilinlang sa akin tungkol dito. Ito'y isang piraso ng
Pinahintulutang Ingles [Authorized English], at wala nang iba pa.
Ngayon, kung may nagnanais na magsabi ng ‘thou', ipagpatuloy
ninyo. Huwag ninyo ako hayaang maging sagabal! Kung iyon ang nakagawian
ninyong sabihin, hindi ko ito ipagbabawal gamitin. Ang sinasabi ko lang
ay: huwag hayaang magtalo tayo na ang salitang ‘thou' ay may
kinalaman sa paggalang. Ito'y purong kaugalian lamang. Kailangan
maintindihan natin na maaari nitong gawin ang pakikipag-usap sa Diyos
nang di-natural. Ngunit kung hindi naman nakasasagabal sa inyo, mainam
naman. Ngunit huwag ninyong sasabihin sa ibang tao, pahintuin ang ibang
tao, tulad ng mga taong nagsubok na pahintuin ako, sa pagsabi ng ‘You.'
Taon-taon na ang nakalipas, ang sinasabi ko ay ‘You.' At
nakapagtataka pa nga, ginagamit kahit na ng Simbahan ng Inglatera [Church
of England] ang ‘You' sa Inglatera. Inalis na rin nila ang ‘Thou'
at tinatawag na rin nila ang Diyos ng ‘You.' Bakit? Ito'y dahil
walang batang tumatawag sa kanilang ama sa ganitong kataka-takang ugali
na gamit ang mga di-pamilyar na mga salita. Nakikipag-usap kayo tulad
nang pakikipag-usap sa isang taong malapit sa inyo. Ito ang dahilan kung
bakit nag-umpisang maunawaan ito ng mga tao at binabago na ito.
Katulad halimbawa nang isinalin ni Martin Luther ang
Bibliya sa Aleman, hindi niya ginamit ang magalang na katawagan sa
pagtawag sa Diyos, kundi ang pamilyar na pagtawag. Mali ba siya?
Siyempre hindi! Bakit niya ginamit ang pamilyar na pagtawag? Ito'y dahil
sa Alemanya, walang tumatawag sa kanilang ama sa magalang na pagtawag.
Sa Aleman, alam ninyo na mayroong salitang ‘sie' at mayroong
salitang ‘du'. Ang salitang ‘sie' ay ang magalang na
pagtawang; ang ‘du' ang pamilyar na pagtawag. Ngunit walang anak
ang tumatawag sa kaniyang ama ng ‘sie.' Hindi ninyo tinatawag ang
inyong mga kaibigan ng ‘sie.' Wala kayong tinatawag sinuman sa
miyembro ng inyong pamilya bilang ‘sie.' Ang laging ginagamit
ninyo ay ‘du'. Iyon ang pamilyar na katawagan sa ‘ikaw'. Kaya,
kung ang katuwiran tungkol sa ‘thou' bilang isang kagalang-galang
na katawagan ay tama, kung ganoon ay mali si Luther, ngunit hindi naman
siya mali. Makikita ninyo rin sa salitang Pranses, kapag nananalangin
ang mga Cristiano, ang tawag ba nila sa Diyos ay ‘vous' o ‘tu'?
Sigurado akong hindi nila tinatawag ang Diyos bilang ‘vous', ang
magalang na katawagan, kundi gaya ng pagtawag ng bawat bata sa kanyang
ama, bilang ‘tu.' Sa pamamagitan ng pagtawag nila sa kanilang ama
sa pamilyar na katawagang ‘tu', siyempre hindi naman nila
nilalapastangan ang kanilang ama kundi pinapakita na, "Ito ay aking ama;
hindi isang di-kilalang tao o sinumang kinakailangan kong pasikatan o
pakitaan ng panglabas na pitagan."
Kung kaya't tulad sa Intsik, kapag tinatawag namin ang Diyos, hindi
namin sinasabing ‘nin' sa magalang na katawagan. Ang tawag namin
ay ‘ni'. Hindi ko alam kung sa salitang Cantonese [salitang
Intsik sa timog na parte ng Tsina at sa Hong Kong] ay mayroong ‘nin',
pero sa Mandarin [salitang Intsik sa hilagang parte ng Tsina at
pambangsang wika nito at ng Taiwan] ay mayroon. May ‘nin' ba sa
Cantonese? Wala? Kung ganoon, walang problem ang mga Cantonese!
Pero sa Mandarin, mayroon kaming ‘nin', ang magalang na
katawagan, at tanging mga taong nagmumula sa matatandang pamilya ang
maaaring tumawag pa sa kanilang ama bilang ‘nin'. Wala akong
kilala ni isa sa kanila. Maaaring sila'y malayo sa aking henerasyon.
Ngunit lagi naming tinatawag ang Diyos bilang ‘ni' at iyon ay
tunay na nagpapahiwatig ng respeto, isang pag-uugali na may respeto.
Ang Mahalaga: Ang Pagkakilala sa Diyos at
Pakikipag-ugnayan sa Kanya
Makikita natin na ang lahat ng
ito'y mahalaga sa panalangin. At sa pang-apat na puntong ito'y
kinakailangan nating magtapos. Ang kahalagahan nito sa panalangin ay ito.
Nasabi na natin sa ikalawang punto na sa ating pakikipag-usap sa tao,
kailangan nating malaman kung sino ang taong iyon at kung ano ang
kaugnayan Niya sa atin. Sa pakikipag-usap sa isang di-kilalang tao,
nakararamdam tayo ng pagkasarado o pagpipigil. Ngunit kapag ang kausap
natin ay kilala natin, bukas ang ating puso sa kanya. Ngayon, sa
pananalangin sa Diyos, hindi natin alam siyempre ang Kanyang itsura.
Maaaring kapag nananalangin ang ilan sa inyo, sinusubukan ninyong
tingnan Siya bilang isang malaking liwanag na nagliliwanag sa malayo, o
sinusubukan ninyong ilarawan Siya. Ang problema sa ating mga isip ay
kinakailangan pa nating subukang ilarawan ang hindi pa natin nakikita.
Ito'y tulad sa isang pakikipag-usap sa telepono.
Nakasagot na ba kayo ng tawag sa telepono na sinubukan ninyong ilarawan
ang itsura ng may-ari ng boses na nasa kabila ng linya? Narinig ninyo
ang boses at sinubukan ninyong ilarawan ang taong may ari ng boses na
iyon: ang taong ito ba'y mataba, payat, bilugan, malaki o pandak, o
olandes [blond] ang kulay ng buhok. Ang ganitong paggamit ng
imahinasyon ay madalas lubhang walang patutunguhan. Nakarinig kayo sa
telepono ng isang mayaman at mataginting na tinig at isinalarawan ninyo
sa inyong isip ang isang malaking tao, mataas at maitim ang buhok, may
40-pulgadang dibdib. Ano'ng pagkagulat ninyo nang makita ninyo siya at
siya'y isang maliit na tao na napakaliit ang dibdib, ngunit nagtataglay
ng isang napakalakas na boses. Kaya't kadalasan, nagkakamali ang inyong
imahinasyon. O sa inyong pakikinig sa isang tinig sa radyo, sinusubukan
ninyong ilarawan kung ano ang itsura ng taong ito, at makakasiguro kayo
na palaging mali ang paglalarawan ninyo. Sinusubukan nating maisalarawan.
Ang punto rito ay: Sa panalangin, sinusubukan nating
ilarawan ang Diyos, di ba? Sinusubukan nating makita Siya. Sinasabi
nating, "Hindi ko kayang makipag-usap sa isang taong hindi ko mailarawan,"
kung kaya't sinusubukan nating ilarawan Siya. Pero tila nakararaos naman
tayo sa pang-araw-araw na buhay. Sa inyong mga nagtatrabaho sa opisina,
sa inyong pagsasagot sa telepono at pakikipag-usap sa di-kakilalang
taong hindi ninyo pa nakikita sa tanang buhay ninyo, nakararaos naman
kayo. Nagagawa ninyo ang inyong trabaho na hindi ninyo kinailangang
isalarawan ang mukha ng kausap ninyo. Ang punto ay ito: hindi
pinakamahalagang bagay ang itsura ng isang tao, kung ang espirituwal na
mga bagay ang pinag-uusapan. Ngunit lahat tayo'y nabagabag na ng
katanungang ito, di ba? Tayo'y nakaupo roon o nakaluhod doon at
nagmumuni-muni, "Ngayon, ano ba ang itsura ng Diyos? Kung mailalarawan
ko lamang Siya, makapapanalangin ako nang mas maganda."
Kung nais ninyong isipin si Panginoong Jesus, sa aking palagay, madali
lang iyon. Mayroon Siyang katawang tao nang Siya'y pumarito sa
sanlibutan. Nag-itsurang tao Siya. Ngunit hindi ako sigurado kung
makatutulong na malaman kung olandesa o itim ang kulay ng buhok Niya,
kung kulay asul o itim o anupamang kulay ang Kanyang mga mata. Subalit
tingnan ninyo, ang isipan natin ay nakatuon sa mga mabababaw na mga
bagay at nagiging isang malaking balakid ito sa pananalangin. Sinabi ng
Panginoong Jesus, "Sabihin mong, ‘Ama Namin'," ngunit hindi naman nito
itinataguyod kung ano ang itsura Niya. Hindi na mahalaga kung ano ang
Kanyang itsura; ang mahalaga ay sino Siya at kung sino Siya sa aking
kaugnayan sa Kanya. Yoon ang mahalaga.
Mayroon tayong isang kapatirang babae sa Liverpool,
England na hindi nakita ang kanyang kapatid na lalaki sa loob ng 17 taon.
Maliit na bata pa ito nang nilisan ang kanilang bahay. Paglipas ng 17
taon, hindi na niya alam kung ano ang itsura nito. Gaano kaya siya
katangkad at ano kaya ang itsura ng mukha niya? Hindi niya alam! Hindi
pa niya ito nakikita nang harapan. Ngunit isang araw, tumawag ito sa
telepono at nakausap niya. Hindi niya alam kung ano'ng itsura ng kapatid
niya, subalit ano'ng halaga nito? Ang alam niya ay, "Siya'y aking
kapatid!" at iyon ang mahalaga. Alam niya kung sino siya sa kanilang
ugnayan sa isa't isa.
Ngayon, hindi natin alam at walang magagawa ang magkunwari na alam natin
ang itsura ng Diyos. Isang araw, makikita rin natin Siya. Tulad nang
nakita natin sa Sermon sa Bundok, "Mapapalad ang mga may malinis na
puso: sapagka't makikita nila ang Diyos." (Mateo 5:8) Makikita rin
natin ang Diyos, ngunit sa kasalukuyan, nabubuhay tayo sa pamamagitan ng
pananampalataya, na nangangahulugang hindi natin Siya nakikita sa
pamamagitan ng ating mga mata, ngunit nabubuhay tayo sa kasiguraduhan ng
ating kaugnayan sa Kanya. Tayo'y Kanyang mga anak! Tulad nitong
kapatirang babae, ang taong iyon ay kanyang kapatid na lalake. Hindi
nabawasan ang kanilang pagiging magkapatid dahil lang sa hindi niya alam
kung ano ang itsura nito. Hindi na ba niya kapatid ito dahil sa hindi
niya alam ang itsura nito?
Hindi ko nakita ang aking ama sa loob ng maraming
taon noong panahon ng giyera. Sa digmaan laban sa mga Hapon, umalis ang
ama ko, iniwan ang Shanghai, dumeretso sa hanay ng kaaway at nakibaka sa
Chungking, ang kapital [ng China] noong panahon ng digmaan. Hindi ko
nakita ang aking ama sa higit na 5 taon. Hindi ko na alam kung ano ang
itsura niya. At alam ninyo, magkaiba ang makikita ninyo sa isang larawan
at sa totoong buhay. Ito'y magkaibang-kaiba. Napansin ninyo ba iyon?
Ako'y may mga larawan ng aking ama noong 5 taong nakalipas, bago siya
umalis. Ang nakatatawang pangyayari ay nang tumayo siya sa harapan ko,
hindi ko sigurado na siya'y aking ama. Kung itinabi ko sa kanya ang
isang larawan niya, maaaring makita ko ang pagkakahawig. Ngunit nang
makita ko siya, ito'y isang buong-ibang pagkakilala. Pero hindi ko na ba
siya ama dahil hindi ko na maalala at hindi ko na alam kung ano ang
itsura niya? Siya pa rin ang ama ko at lahat ay pareho pa rin. Kung
kaya't sa katulad na paraan, hindi natin alam sa ngayon kung ano ang
itsura Niya sa pisikal Niyang anyo, pero alam natin kung Sino siya.
Siya'y ‘Ating Ama.' At sa pananalangin, kailangan nating matatag na
maunawaan ang puntong ito. Kung hindi, ang pananalangin ninyo'y
mapupunta sa mga bato dahil sa mga problemang hindi pag-intindi ng
tamang pananaw.
Sa araw na ito, ibinuod natin mula sa katuruan ng Panginoon ang
mahalagang bagay tungkol sa panalangin: na kung ating uunawain at
panghahawakan ang katotohanang ito, ang buhay-panalangin natin ay
hahantong sa isang bagong yugto [phase] dahil ang buong pag-iisip
natin sa Diyos ay nagbago. Mahal natin Siya at ginagalang natin Siya.
Makalalapit tayo sa Kanya tulad nang paglapit natin sa isang mahal na
ama. Maaari nating kausapin Siya dahil alam nating Siya'y naririto.
Tapos ng
mensahe.
*Ang mga bersikulo sinambit sa pagsaling ito sa
Tagalog ay mula sa:
Ang Banal na Kasulatan, (based on) The Holy
Bible, Authorized King James Version, Philippine Bible Society, Manila,
1994.
Isinalin ng Gospel Disciples Church, Philippines,
2004. |
[Get
it!]
Difficult in reading?
Change the font size here:
Tagalog
Series:
-
Ang Tatlong
Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan
-
Ang Panalanging Itinuro ng
Panginoon 1 - "Ama Namin"
-
Ang Panalanging Itinuro ng
Panginoon 2 - "Langit"
-
Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang
Pangalan Mo"
-
Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang
Kaharian Mo"
-
Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon
5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"
-
Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon
6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"
-
Ang
Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa
Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"
-
Ilaw ng Sanlibutan
1
-
Ilaw ng Sanlibutan
2
-
Minsa'y
Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!
-
Ang
Pagsunod sa Kordero ng Diyos
-
Ang
Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim
ng Kamatayan
-
Mapapalad ang mga Dukha
-
Mapapalad ang mga Nahahapis
-
Mapapalad ang mga
Mapagpakumbaba
-
Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran
-
Mapapalad ang mga
Mahabagin
-
Mapapalad ang mga
May Malinis na Puso
-
Mapapalad ang mga
Mapagpayapa
-
Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran
|