CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"
(The Lord's Prayer - 4 - "Thy Kingdom Come")

Mateo 6:10, Mensahe ni Pastor Eric Chang

Sa araw na ito'y magpapatuloy tayo sa Salita ng Diyos sa pag-aaral sa Sermon sa Bundok. Titingnan natin ang mga salita sa Mateo 6:10: "Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.¹" Pero titingnan natin ang bersikulong ito kasama ng b.8 na nagsasabing: "Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.¹" Titingnan natin ang dalawang bersikulong ito nang sabay.

Ano ang kalooban ng Diyos sa panalangin? Sapagkat kung alam na ng Diyos kung ano ang mga pangangailangan natin, bakit kinakailangan pa nating manalangin? Bakit kailangan ng Diyos ang ating mga panalangin?

Una, tungkol sa katanungan kung kailangan ba ng Diyos ang ating panalangin, ano ang palagay ninyo? Palagay ninyo ba ay kailangan ng Diyos ang ating mga panalangin? Sa anong paraan kaya Niya kailangan ang ating mga panalangin; ito ay kung kailangan nga Niya ang mga ito?

'Di pa katagalan ay may nabasa akong isang aklat tungkol sa panalangin, at doon ay inulit ang pahayag ng isang teologo, na nagsabi nito: "Hindi sa kinakailangan ng Diyos ang ating mga panalangin, kundi ninanais ng Diyos ang ating mga panalangin." Ano talaga ang sinasabi roon? Habang lalo kong binubulay-bulay ang pahayag na iyon, lalo kong naisip na di-gaanong malalim at makahulugan ang pahayag na iyon. Ano ba dapat ang maunawaan natin sa pagsabing: "Hindi kailangan ng Diyos ang ating mga panalangin, pero ninanais Niya ang ating mga panalangin"?

Uunawain ba natin ito na tulad nito: "Kailangan natin ng pagkain, pero hindi naman natin talaga kailangang isama ang gulay sa pagkain"? Ang ibig kong sabihin, hindi natin kailangan ang toyo, asin, asukal, suka, atbp. - para pasarapin ang pagkain - pero kailangan ninyo ba ang mga bagay na iyon? Hindi ba kayo mabubuhay at makararaos nang mabuti kung wala ang lahat ng mga bagay na iyon, ibig sabihin, ang mga panlasa o flavoring?

Kapag sinabi ninyo na hindi natin kailangan ang isang bagay, pero gusto natin ito, para sa akin, para itong 'icing' na nasa 'cake', na maaari nating kainin ang cake pero hindi natin talagang kailangan ang icing. Ang ganitong uri ng pahayag ay natatagpuan kong lubhang hindi kasiya-siya. Ang sabihin na gusto ng Diyos ang ating mga panalangin pero hindi Niya kailangan ito, ay tulad ng pagsasabing: "Hindi Niya kailangan ang icing sa cake. Maaaring gusto Niya ang cake, pero pwede na sa Kanya kahit wala ang iba pang narito," kung kaya't manalangin man tayo o hindi ay parang walang halaga sa Diyos. Maganda kung meron nito pero hindi talaga mahalaga kung manalangin tayo o hindi. Hindi lubhang mahalaga ito.

Ngayon, ang ganitong uri ng pahayag ay maaaring tutulan dahil hindi ito naaayon sa Kasulatan, at sa aking palagay ay hindi na katakataka sa inyo sa ngayon, na ang mga teologo ay napakagaling sa paggawa ng mga wala-sa-Kasulatang pahayag. At hindi ko ipinagpapalagay na siguro ang ibig sabihin ng teologo ay ganito o ganoon, dahil anuman ang ibig niyang sabihin, iyon lang lahat ang naroroon sa kanyang pahayag ang meron tayo.

Kailangan Ba ng Diyos ang Ating Mga Panalangin? Kung Oo, Bakit?
Kapag ating tiningnan at pinag-aralan ang katuruang ito, ang pahayag na ito, sa palagay ko'y kinakatawan nito ang kaisipan ng napakaraming mga Cristiano, at iyon ang dahilan kung bakit ko ito inuulit [quote]. Palagay ko'y ang tunay na nararamdaman ng napakaraming mga Cristiano ay ang panalangin ay hindi mahalaga sa Diyos, na kung hindi tayo nanalangin, hindi naman mapapansin ng Diyos ang kawalan ng anumang bagay. Ibig sabihin, wala namang anumang mahalaga rito. Ito'y parang karagdagang matamis na kung meron kayo ay mabuti; kung wala naman kayo nito ay hindi mahalaga. Ganito ba natin isinasaalang-alang ang panalangin?

Nakita ko na hindi kinakatawan ang sinabi sa Biblia nitong sinasabi ng teologo, pero maaaring kinakatawan nito kung ano ang kaisipan ng mga Cristiano. Ito'y dahil kung naramdaman natin na talagang gusto ng Diyos ang ating mga panalangin - sa pang-unawa ng talaga o espesyal na pangangailangan - sa gayon ay sisiguraduhin nating nakukuha Niya ang mga panalangin na kinakailangan Niya mula sa atin. Pero sa pagkita nating hindi talaga kailangan ng Diyos ang ating mga panalangin, sa gayon, nararamdaman natin na hindi naman napapansin ng Diyos ang kawalan ng anumang bagay kung hindi tayo manalangin. Hindi ba ito ang nararamdaman ninyo?

Walang alinlangan na kapag hindi kayo nanalangin, walang anumang kakulangang mapapansin ang Diyos. Hindi ito mahalaga. Hindi Niya mapapansin ang kakulangan ng panalangin ninyo. Ang panalangin ko'y napakahina at hindi maganda ang pagkaduktong-duktong ng mga ideya, at kulang sa katumpakang panggramatika. Ang ibig kong sabihin, ito'y hindi tulad ng sanaysay ni Milton o sinumang tulad niya. Kaya, kung hindi ni Milton inialay ang panalangin niya, sa magagandang mga pahayag na ginawa niya, mapapansin siguro ng Diyos iyon. Pero ang aking mga panalangin - ano ang kaibahang magagawa nito sa Diyos?

Ngayon, kapag ganito ang inisip ninyo, malinaw na wala kayong talagang makikitang dahilan para manalangin. Kaya nga gusto kong marating ang ugat ng katanungang ito. Kung hindi hahanap-hanapin ng Diyos ang aking panalangin, balewala kung ako'y manalangin o hindi. Hindi ba iyon ang inyong iniisip? At hindi ba iyon ang sinabi ng teologo?

Bueno, gustong kong ipakita na kapwa mali itong pahayag ng teologo at itong iniisip natin. Lubhang mahalaga sa Diyos kung tayo'y nananalangin o hindi. At nais kong matanim nang malalim sa ating isipan ang pagkaunawang iyon. Mahalaga ito sa Diyos! Napapansin Niya ang ating panalangin. Ito'y hindi lamang isang katanungan ng pagkakaroon ng karagdagang matamis, na mas marami o mas konti ng isa, hindi ito mahalaga. Lubhang mahalaga sa Diyos kung tayo'y nananalangin. Ito ang puntong nais kong malalim ninyong tatandaan sa isipan ninyo.

Ngayon, kapag tiningnan natin ang kasabihang ito, gusto kong ipakita na ito'y mali base sa katuruan sa Kasulatan. Ipakikita kong mali ito. Una, ano ang ibig sabihin natin ng 'kailangan'? Kapag sinabi nating hindi ito 'kailangan' ng Diyos, ano mismo ang tinutukoy natin ng 'kailangan'? Kung ang ibig nating sabihin ay nakasalalay ang pagiging-buhay [existence] ng Diyos sa ating panalangin, malinaw na hindi Niya kailangan ang ating mga panalangin sa ganoong pakahulugan. Pero hindi lang naman iyon ang tanging kahulugan ng salitang 'kailangan.' Mayroon pang kahulugan ito, higit sa maaaring nakikita para sa pisikal o sa pananatiling-buhay [survival] na pakahulugan nito.

Tanungin natin: Kailangan ba ni mister ang pag-ibig ng kanyang misis? Kailangan ba ni misis ang pag-ibig ni mister? Ngayon, kung ang kahulugan ninyo ay kung pisikal na mabubuhay ang isa kung wala ang pag-ibig na iyon, malinaw na hindi kailangan ang pag-ibig na iyon. Ang ibig kong sabihin, kung nahinto nang ibigin si misis ni mister, o kung si mister ay namatay at sa gayo'y hindi na maiibig ni mister si misis, hindi naman mamamatay si misis bukas. Sa kabaligtarang larawan, kung si misis ang namatay, o nahinto na ang pag-ibig niya kay mister dahil sa kamatayan o anupamang dahilan, hindi rin mamatay si mister bukas. Sa pisikal ay patuloy pa ring mabubuhay ang naiwan, o kadalasa'y ganito ang nangyayari.

Kaya sa kahulugang iyon ng pisikal na pananatiling-buhay, hindi ninyo kailangan ang kanilang pag-ibig. Kailangan ba ng mga magulang ang pag-ibig ng mga anak? Kailangan ba ng mga anak ang pag-ibig ng mga magulang? May mga magulang na inaalagaan ang kanilang mga anak nang hindi sila iniibig. Kailangan ba ng mga magulang ang pag-ibig na iyon? Maraming mga anak na pinalaki sa tahanang walang pag-ibig. Kailangan ba ng mga anak ang pag-ibig na iyon? Hindi nila kailangan ang pag-ibig na iyon kung ang pinag-uusapan natin ay ukol sa pisikal na pananatiling-buhay. Basta't may pagkain lamang sila ay mabubuhay na sila. Pero ang buhay ba ay ang manatiling-buhay lamang?

Kaya, ang pag-usapan ang tungkol sa 'pangangailangan,' dapat muna nating ipaliwanag kung ano ang kahulugan natin ng 'pangangailangan' [need]. Pagkakamali ng kahit na sinong teologo o ninuman na sabihing hindi kailangan ng Diyos ang ating mga panalangin, dahil ang ganoong uri ng pahayag ay walang kabuluhan, hangga't hindi naipaliliwanag ang kahulugan ng 'kailangan.' Mali para sinumang teologo o ninuman na sabihin na hindi kailangan ng Diyos ang ating mga panalangin, dahil walang kabuluhan ang pahayag na iyon, maliban na lang kung sasabihin muna ang pakahulugan ng 'pangangailangan.'

Ang punto rito ay ito: Tulad ng lubha kong pangangailangan sa pag-ibig ng iba, hindi dahil hindi ako pisikal na mabubuhay nang wala ito, kundi ang buhay ay hindi buhay [ito'y hindi makabuluhan] kung wala ang ganoong uri ng pag-ibig. Sa gayon, tunay kong kailangan ang pag-ibig. Kailangan ko ang pag-ibig! Nangangailangan ang lahat ng pag-ibig. Nangangailangan ang lahat ng pag-ibig hindi lamang upang pisikal na mabuhay, kundi upang maging masagana at makabuluhan at may-layunin ang buhay. Ang buhay ay hindi lamang ang kumain at matulog. Ang taong nakakulong na mag-isa sa isang kulungan ay nakakukuha rin ng takdang dami ng pagkain upang manatiling buhay. Pero ang pagkakulong ba nang nag-iisa ay buhay? Siyempre'y hindi! Ang buhay ay hindi lamang ang pagkakaroon ng tinapay at tubig.

Sa ganoong kahulugan, ang tao'y nangangailangan ng higit pa kaysa pagkain at pananamit. "Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao¹," ang sabi sa atin ng Kasulatan sa Mateo 4:4. Kailangan natin ng higit pa roon. Ngayon, kung gayon, hindi ba nililinaw sa atin ng Kasulatan na iniibig tayo ng Diyos at ninanais Niya ang ating pag-ibig? Pero kapag sinabi nating 'ninanais' ang ating pag-ibig, bakit Niya nananais ito kung wala naman Siyang pangangailangan rito? Bakit ako magnanais ng pag-ibig mula kaninuman kung hindi ko talagang kailangan ito? Hindi ba kailangan ring ipaliwanag ang 'pagnanais' [want]?

May mga bagay na nais natin dahil kailangan natin ang mga ito. Anumang hindi natin desperadong kailangan, hindi natin masyado gusto, ibig sabihin, pakiramdam nati'y hindi kailangang magkaroon tayo nito. Hindi ko kailangan ang karagdagang matamis. Kaya hindi ko talaga nais ito. Kapag binigyan ako nito, kukunin ko. Kapag hindi ako binigyan nito, balewala sa akin, dahil hindi ko naman talagang gusto ito. Bakit hindi ko talaga gusto ito? Ito'y dahil sa hindi ko talaga nakikita ang pangangailangan para rito. Wala akong tiyak na pangangailangan sa matamis na iyon.

Ang Diyos ay Nangangailangan at Nagnanais ng Ating Pag-ibig
Nakikita na ninyo ngayon na kapag pinag-uusapan natin ang mga espirituwal na bagay, kailangan nating maging maingat sa ating sinasabi, na malinaw at lubos na ipaliwanag ang ating mga salita. Sa isang napakatunay na paraan, sinasabi sa atin ng Kasulatan na ninanais ng Diyos ang ating pag-ibig at kailangan Niya ang ating panalangin, hindi dahil nakasalalay ang pagiging-buhay [existence] Niya rito, gaya ng hindi pagsalalay ng buhay ko sa pag-ibig ng asawa ko sa akin. Pero hindi iyon nangangahulungan na dahil mabubuhay pa rin ako kahit na wala ang pag-ibig na iyon, na hindi ko talaga kailangan ang pag-ibig na iyon. Hindi iyon tama. Maski pa sabihin na ang isang bata'y mabubuhay sa tinapay at tubig, kaya hindi niya kailangang mahalin siya ng mga magulang niya upang pisikal na mabuhay; pero tunay na tunay niyang kailangan ang pag-ibig na iyon. Kailangan niya ito. Maunawaan man natin o hindi, sinasabi sa atin ng Kasulatan na ninanais at kinakailangan ng Diyos ang ating pag-ibig sa kahulugang aking naipaliwanag na, sa katulad na kahulugan ng pangangailangan ng anak sa pag-ibig ng ama at ng pangangailangan ng ama sa pag-ibig ng anak.

Iyon ay maaaring isang makabagong kaisipan para sa atin, na may pangangailangan pa ang Diyos ng anupaman. Pero kung hindi, nakatuwaan lang ba Niya tayong likhain? Ito ba'y dahil iniisip lang Niyang nakatutuwang naririto tayo? Ngayon, ang hinala ko, iyon ang nasa isipan ng maraming Cristiano. Iyon mismo ang iniisip nila. Hindi tayo kailangan ng Diyos; bakit Niya tayo ninanais? Pero nilikha Niya tayo dahil maaaring nakatutuwang lumikha ng ilang mga nilikha. Nakaaaliw kasi, eh. Kung gayon ang iniisip ninyo sa Diyos, malinaw na hindi ninyo nakikita ang punto kung bakit Niya nilikha ang anumang bagay. Siya'y ganap na sapat na sa Kanyang sarili; bakit pa lilikha ng anupamang bagay? Dahil katuwaan lang? Dahil lang ba sa gusto Niyang lumikha? Kung ganito, hindi mahalaga kung naririto tayo o hindi. Nangyari lamang na nakatuwaan ng Diyos na likhain tayo. Ngayon, kung iyon lang ang dahilan, hindi ko nakikita iyon sa katuruan ng Kasulatan. Sa ating pagpapatuloy, makikita natin kung mahalaga sa Diyos na naririto tayo o hindi, kung mahal natin Siya o hindi, kung nananalangin tayo o hindi. Iyon ang katanungan.

Mahalaga ang Panalangin Natin sa Diyos Dahil Mahal Niya Tayo
Kaya, ang tanong ay ito: Mahalaga ba ang ating panalangin sa Diyos? Mahalaga ba sa Diyos kung mahal natin Siya o hindi? Tayo ba'y nilikha lamang dahil ipinasya ng Diyos na nakaiinip ang maupo lamang sa langit nang walang ginagawa, kaya ipinasya Niyang lumikha ng mga tao at aliwin ang Kanyang sarili? Ito'y para may kaunting katuwaan lang dahil hindi naman Niya tayo kailangan? Tulad sa kung may aso tayo sa bahay; hindi naman natin kailangan ang asong iyon pero may aso tayo para may makatuwaan naman. Ito ba ang pagkaunawa ng tao (na dapat mayroon tayo batay sa Salita ng Diyos) na, pagkatapos ng lahat, hindi mahalaga kung tayo man ay naririto o wala, lalo na kung tayo'y nananalangin o hindi?

Nais kong isantabi ang lahat ng mga relihiyosong pahayag. Hindi ako interesado sa anumang uri ng mga relihiyosong pahayag, na nagsasabing ang Diyos ay ganap [perfect] na sa Kanyang sarili, kaya hindi na Niya kailangan ang sinuman. Siyempre, hindi rin natin kailangan ang sinuman. Mabubuhay ako na wala ang sinuman. Maaari akong pumunta roon at mabuhay sa tinapay at tubig. Sa ganoong pagkaunawa, hindi rin natin kailangan ang sinuman. Bakit ninyo ako kailangan? Bakit natin kailangan ang isa't isa? Ang mag-isip sa ganitong paraan ay hindi pagkaunawa ng buong punto. Hindi natin naluluwalhati ang Diyos sa pagsasabi ng anumang bagay na tulad nito. Sa katunayan, napasama lang natin ang Diyos. Hindi gaano kaluwal-luwalhati ang sabihing hindi talagang nangangailangan ang Diyos ng anuman o ng sinuman, at kaya, ang tanging dahilan na maiisip natin kung bakit Niya tayo nilikha ay dahil sa katuwaan lang, sapagkat hindi naman Niya tayo talagang kailangan.

May tiyak na kahulugan kung bakit kailangan tayo ng Diyos, at hindi ako natatakot na sabihin ito batay sa Salita ng Diyos, dahil sinasabi sa atin ng Biblia na mahalaga ito sa Diyos. Kung hindi Niya tayo kailangan, hindi mahalaga sa Kanya kung tayo'y nananalangin o hindi, 'di ba? Kung hindi Niya tayo kailangan, bakit mahalaga kung tayo'y nananalangin o hindi? Anong halaga sa Kanya kung mahal natin Siya o hindi? Hindi naman Niya tayo kailangan. Walang mawawala sa Kanya. Kung hindi ako nananalangin, walang mawawala sa Kanya. Kung hindi ko Siya mahal, walang mawawala sa Kanya. Kaya, anong halaga nito sa Kanya kung nanalangin tayo o hindi?

Sinasabi sa atin ng Biblia na napakahalaga nito sa Kanya. Hindi ito para sa Kanyang pananatiling-buhay [survival] ni pagiging-buhay [existence], kundi mahalaga ito sa Kanya dahil ang Diyos, sa Kanyang kalikasan, ay pag-ibig. Ang Diyos ay pag-ibig. At hindi pinagkatutuwaan ng pag-ibig ang ibang tao. Hindi nito niloloko ang ibang tao. Hindi sinasabi ng pag-ibig sa iba na, "Hindi naman kita talagang kailangan. Walang halaga ka sa akin." Ang pag-ibig ay nagmamalasakit sa iba, kaya ang pagmamalasakit na iyon ay nangangahulugang may halaga tayo sa Diyos. Nasa kalikasan ng Diyos na may halaga tayo sa Kanya.

Ngayon iyon ay isang bagay na dapat nating pag-isipan. Kapag malalim nating naunawaan na may halaga tayo sa Diyos, may pagkakaiba ito sa atin. Tulad nang sinabi ng Diyos sa Israel, "...ang humihipo sa inyo, ay humihipo sa itim ng (Aking) mata²". Sa loob ng ating mata ay ang tinatawag na itim na mata. "...ang humihipo sa inyo, ay humihipo sa itim ng (Aking) mata". [Zacarias 2:8] Alam ninyo kung gaano kasensitibo ang itim ng mata. Nangangahulugan iyon na, "Sobra kayong mahalaga sa Akin na kung may sinumang mananakit sa inyo kahit na gaano kaliit, ito'y parang hinihipo ang loob ng Aking mata. Ako'y may malasakit sa inyo." Nakita ninyo, hindi tayo mga laruan lamang na nais ng Diyos na paglaruan. Napakahalaga natin sa Diyos. Tayo'y kasing-halaga sa Kanya tulad nang kahalagan ng itim ng ating mata sa atin.

Iyon ang katuruan sa Biblia. Maintindihan man natin ito o hindi ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay iyong ibinunyag sa atin ng Diyos kung gaano Niya tayo pinagmamalasakitan, kung gaano tayo kahalaga sa Kanya. Ngayon, kung ang Israel, halimbawa, kung ang mga tao ay hindi mahalaga sa Diyos, bakit magagalit ang Diyos kung hindi nakikinig ang Israel sa Kanya? Sasabihin dapat Niyang, "Okey lang, sinong nabahala? Wawalisin ko kayong lahat sa dagat. Tapusin na ito! Tapusin! Lipulin silang lahat! Lipulin na!"

Ngayon, magagawa iyon ng mga tao, oo. Hindi ako masosorpresa kung magagawa iyon ng mga tao [na para bang sinabing], "Kung lahat kayo'y istorbo sa akin, kasing-problema kayo sa akin ng mga patay na surot. Bubuhusan ko lang kayo ng kumukulong tubig at tapos na ito! Tapusin na! Lipulin silang lahat!" Iyon ay kaisipang pantao.

Iyon ang naging kaisipan ng mga Nazis. Ang mga Hudyo ay isang salot sa mundo, kaya't ilagay natin silang lahat sa mga silid na pinapausukan ng gas [gas chambers]. Ganoon kung papaano mag-isip ang mga tao: "Wala kayong halaga sa akin. Isa kayong istorbo sa akin, kaya lilipulin ko kayong lahat." Kung minsan, iniisip natin kung bakit hindi na lang lipulin ng Diyos ang lahat ng tao. Sa katunayan, madalas natatanong sa akin: Nang nagkasala ang mga tao, bakit hindi na lang sila nilipol ng Diyos? Ang sabi ko, "Hindi ba karaniwang-isip iyon [ng tao]? Gayon mag-isip ang mga tao." Sinugatan nila ang inyong damdamin, niyamot nila kayo, kaya't lipulin na lang ninyo sila. Salamat sa Diyos at hindi ganoon ang Diyos!

Naaalala ninyo ba kung ano ang sinabi natin noong nakaraang linggo? "...sambahin nawa ang pangalan mo". Ang Diyos ay banal; naiiba Siya sa sinumang tao. Hindi Siya nag-iisip nang tulad natin. Tulad nang sinasabi ni Isaias: "Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip.... Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking... mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.¹" [Isaias 55:8-9] Sila'y ganap na magkaiba.

Huwag ninyong subukang magdahilan, tulad nang pagsabi't pagbabala ko sa inyo noong nakaraang linggo, mula sa kaisipang pantao patungo sa pag-iisip ng Diyos, dahil mapupunta kayo sa maling kongklusyon. Iyon mismo ang ginawa ng teologong ito. Iniisip niyang, "Hindi kailangan ng Diyos ang tao, kaya manalangin man tayo o hindi, [hindi mahalaga]. Ninanais Niya ito. Hindi ko alam kung bakit ninanais Niya ito, dahil kahit papano'y hindi naman Niya ito kailangan." Ito'y tulad ng karagdagang matamis na iyon. Pinagiginhawa nito ang bibig.

Hindi! Hindi! Ang katuruan sa Kasulatan ay hindi ganito, mga kapatid. Malalim na itanim sa isipan ang puntong ito mula sa araw na ito: Mahalaga sa Diyos kung nananalangin tayo o hindi, dahil mahalaga tayo sa Kanya! At mahalaga tayo sa Kanya sapagkat mahal Niya tayo. Bakit Niya tayo mahal, hindi ko nauunawaan, pero sinasabi sa atin ng Biblia na ito'y nasa kalikasan ng Diyos. "Ang Diyos sa Kanyang kalikasan ay pag-ibig." [1 Juan 4:8,16] Hindi ko nauunawaan ito sapagkat ang aking kalikasan ay hindi pag-ibig, ngunit ang Kanyang kalikasan ay pag-ibig. At alam ko na balang araw, kapag nabago na Niya nang buo ang aking kalikasan na maging tulad ng Kanyang kalikasan, mauunawaan ko rin ito.

Naibahagi ko kamakailan lang ang katunayan na ang kalikasan ng tao ay iyong ayaw nilang talaga - ayaw nating talaga - na magmalasakit sa ibang tao. Sa pakikipag-usap ko sa aking mabuting kaibigang dalubhasa sa 'physics' na dati'y nabanggit ko na sa ilan sa inyo, naibahagi niya minsan sa akin na, "Ang problema ko sa buhay-Cristiano ay hindi ako nakararamdam ng anumang pagmamalasakit sa ibang tao." Ngunit salamat sa Diyos na binabago na siya ng Diyos! Itong huling sulat na natanggap ko mula sa kanya ay nagpakita ng isang buong pagkakaiba ng pag-uugali. Ang pagkakaroon ng pagmamalasakit niya sa iba ay tunay na nakamamangha sa akin. Ito rin ang taong nagsabi sa akin ilang taon na ang nakalipas, "Hindi ako nakararamdam ng anumang pagmamalasakit sa ibang tao." Pero binabago siya ng Diyos. At ngayo'y nag-uumpisa na siyang magkaroon ng malasakit sa ibang tao, na tunay na nakamamangha sa akin.

Tingnan ninyo, binabago tayo ng Diyos! Isang araw, lubos nating mauunawaan kung bakit mahal tayo ng Diyos. Sa ngayon, hindi pa natin lubos na nauunawaan dahil hindi pa tayo nakakikita ng anumang kaakit-akit [lovely] sa mga tao, kasama na roon ang ating mga sarili. Bakit ako dapat ibigin ninuman? Iyon ay isang misteryo! Ito'y isang misteryo; hindi ninyo ito maunawaan. Wala akong nakikitang anumang kaakit-akit sa akin; wala akong nakikitang anumang kaakit-akit sa iba. Ngunit mahal tayo ng Diyos! At isang araw, kapag tayo'y nabago na, mauunawaan na natin. Kaya, hayaan nating maging lubhang malinaw ang katotohanan ng pagmamalasakit ng Diyos sa atin, na tayo'y may halaga sa Kanya. At dahil may halaga tayo sa Diyos, mahalaga sa Kanya kung tayo'y nananalangin o hindi.

Kung mahal ninyo ang isang tao, gusto ninyong makarinig ng balita mula sa taong iyon. Inaasam-asam ninyo ang pagdating ng isang sulat. Gusto ninyong may dumating na isang tawag mula sa kanya. Habang hindi ninyo pa nakukuha ang sulat na iyon, nginangatngat-ngatngat ninyo ang lahat ng kuko ninyo, at nag-iisip, "Bakit? Bakit? Ano na ba ang nangyayari? Bumagsak na ba ang 'post office'? Nasaktan ba niya ang kanyang kamay? Nasaktan ba niya ang kanyang sarili?" At kaya, kayo ay nag-aalala. May halaga ito sa inyo. At kaya, sa katulad na paraan, mahalaga sa Diyos kung tayo'y nananalangin o hindi. Subukang ilagay ito sa inyong utak, kahit na gaano kahirap ang unawain ito, dahil ang pag-uugali ninyo't pag-uugali ko ay hindi pa katulad ng sa Diyos. Ngunit tulungan nawa tayo ng Diyos na makaunawa! May halaga ito sa Kanya dahil mahal Niya tayo.

At minahal Niya tayo hanggang sa nakahanda Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa atin. Kung gusto ninyo ng katibayan ng pagmamalasakit Niya sa atin, isipin ninyo na lang iyon: Inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin! Nahihirapan ba kayong unawain iyon? Siyempre! Sinasabi ni Pablo na, "Sinong makauunawa sa pag-ibig ng Diyos na magagawa Niya ang isang bagay na tulad niyon para sa atin? Ni hindi tayo handang mamatay para sa isang taong matuwid, sa isang taong makasalanan pa kaya?" [Roma 5:7&8] Ngunit iyon nga ang kalikasan ng Diyos. Kailangang magkaroon tayo ng isang buong pagkakaiba ng kaisipan ukol sa kalikasan ng Diyos. Iyon ang kung ano ang tinutulungan tayo ng Sermon sa Bundok na magkaroon.

Alam ba Natin ang Ating Pangangailangan?
Ngunit magpatuloy tayo sa iba pang katanungan. Kakikita lang natin na nalalaman na ng Diyos ang ating mga pangangailangan, sa Mateo 6:8. "Okey," ang sabi ninyo, "ipagpalagay na lang na mahalaga tayo sa Diyos. Ipagpalagay na nais Niya tayong ibigin at iniibig nga Niya tayo, at napakahalaga nga natin sa Kanya. Pero dahil sa Diyos Siya, alam na Niya kung ano ang kailangan natin. Kaya, bakit pa ako mananalangin? Okey, tinatanggap ko ang sinabi mo na mahalaga ako sa Diyos. Namamangha ako rito. Nagpapasalamat ako rito. Tunay na pinasasalamatan ko ang Diyos na ako'y mahalaga sa Kanya. Ngunit sa pagkitang alam na Niya kung ano ang aking kailangan, ano pa ang halaga kung ako'y mananalangin o hindi? Alam na Niya bago ko pa buksan ang aking bibig. Ang sabi ng Biblia, 'Bago pa man nabuo sa inyong mga labi ang mga salita, alam na Niya kung ano ang pangangailangan ninyo.' Kinakailangan ko pa bang magsalita?"

Ngayon, dito'y kailangan nating sumagot sa dalawang paraan. Una, ang tanong ay hindi kung nalalaman Niya, kundi kung alam ba natin kung ano ang kailangan natin. Ang punto ay hindi sa kung alam ng Diyos kung ano ang kailangan natin; ang tanong ay kung alam ba natin kung ano ang kailangan natin. Kadalasa'y hindi natin alam ito, at napakahalagang malaman natin kung ano ang kailangan natin.

Ang tanong kung gayo'y ito: Kapag ang isang tao'y nalulunod, ang punto ay hindi kung ito'y mahalaga para sa mga taong nasa dalampasigan na marinig siyang tumatawag. Ang tanong ay kung ito'y mahalaga para sa sarili niya kung tumawag siya o hindi. Ngayon kung hindi siya sumigaw ng, "Saklolo! Nalulunod ako!" at hindi narinig ng mga taong sumisigaw siya, ngayon, mahalaga ba sa mga taong nasa dalampasigan kung narinig siya o hindi? Walang halaga ito, dahil, ang ibig kong sabihin, wala namang koneksyon ito sa kanila; hindi naman sila ang nalulunod. Kaya, sumigaw ka man o hindi, walang anumang mawawala sa mga taong nasa dalampasigan. Ngayon, kung isa sa inyo ay nalulunod, hindi yaong mga taong nasa dalampasigan ang nangangailangang marinig ang iyong sigaw, kundi ikaw ang nangangailangang marinig nila ang sigaw mo. Nakita ba ninyo ang punto? Iyon ang mahalagang bagay roon.

Una, kinakailangan ninyong malaman ang sarili ninyong pangangailangan. Kapag tayo'y naliligaw, ang punto'y hindi sa kung alam ng Diyos na tayo'y naliligaw. Ang punto'y kung alam ba natin na tayo'y naliligaw. Ito'y napakahalaga. Ngunit ngayon, tunay na para sa pantaong pananaw, doon nagtatapos ang pagsasalarawan. Ang pagsasalarawan ay nangangahulugang ang mga taong nasa dalampasigan ay nangangailangang malaman kung ikaw ba'y nawawala, upang sa gayo'y makalapit sa iyo at matulungan ka. Alam na ng Diyos iyon! Ngunit ang katanungan ay ito: Alam ninyo ba kung ano ang inyong pangangailangan? Ngayon, hangga't hindi pa kayo tunay na nalulunod, hindi ninyo malalaman na, "Ah, ako'y nangangailangan ng kaligtasan. Nangangailangan ako ng taong tutulong sa akin."

Kaya, ang unang puntong tatandaan ay ito: Bagama't maaaring alam na ng Diyos, kinakailangan Niyang maghintay hanggang sa alam ninyo na kailangan ninyo ang isang bagay o hindi, na kailangan ninyo ang kaligtasan o hindi. Makikita natin kung bakit ganito ito. Kung alam nating nangangailangan tayo ng isang bagay, mahalaga ito sa atin. Umaasa akong malinaw at simple kong naipaliwanag ito sa inyo, upang masundan ng lahat.

Una sa lahat, hanggang hindi natin alam ang sarili nating pangangailangan, hindi tayo nakahandang gumawa ng anumang hakbang tungkol dito, tulad nang pagtawag ng saklolo na kababanggit ko lang. Kailangan muna ninyong malaman ang sarili ninyong pangangailangan; kung hindi, wala kayong gagawing anuman tungkol dito. Ngunit ang ikalawang punto ay ito: Kahit na alam ninyo ang inyong pangangailangan at ninanais ninyong gumawa ng hakbang tungkol dito, hindi ito agad na nangangahulugang tatawag kayo sa Diyos upang tulungan kayo. Maaari ninyong subukan, halimbawa, na kahit na lumulubog na kayo sa tubig, na paluin ang tubig ng inyong mga kamay, hampas-hampasin ang tubig, at umasa kahit papaano na may mangyari; hindi man lang kayo sumisigaw ng saklolo.

Naibahagi ko sa ilan sa inyo na ito'y nangyari sa akin. Maraming taon na ang nakalilipas, nang una akong pumunta sa Switzerland bilang isang batang lalaki. Nang pumunta ang ama ko sa United Nations sa Geneva, pumunta ako sa Switzerland at nanirahan doon ng mga isang taon. Isang araw, nasa isang hotel ako. Dumungaw ako sa labas ng bintana at nakita ko itong magandang 'swimming pool.' Ang sabi ko, "O, napakaganda!" Nakita ko na may ilang matatanda at ilang batang lalaking kasing-edad ko na lumalangoy roon. Kaya't sinabi ko sa aking ina, "Gusto kong pumunta sa 'swimming pool.' Ang sabi niya, "Ngunit hindi ka marunong lumangoy!" Ang sabi ko naman, "Hindi mahalaga iyon. Maaari pa rin akong pumunta at maglaro sa tubig." Sinabi niya na, "Okey. Okey, kung gusto mong pumunta sa 'swimming pool,' pumunta ka." Kung kaya't pumunta ako sa 'swimming pool.'

Naroo't nakatayo ako sa 'swimming pool', tumitingin sa paligid-ligid. Tapos, nakita ko ang isang batang lalaki roon, halos kasing-edad ko, kasing-laki ko - isang batang taga-Switzerland - at 'whish', tumalon siya sa tubig at nagtampisaw siya roon. Sinabi kong, "Napakadali niyon! Sinong 'di makagagawa niyon? Nakatatawa! Ang gagawin ninyo lang ay ang tumalon sa tubig at igalaw ang dalawa ninyong kamay." Ang ibig kong sabihin, alam ko kung paano pagalawin ang aking mga kamay. Alam ko rin kung paano tumalon. Napakasimple nito. Kung kaya't ako'y tumalon - nag-'dive' - sa tubig. Ngunit nag-umpisa akong lumubog. "Ay! May mali rito." At ang dapat na maging isang maganda at madaling kampay ng kamay tulad ng sa batang lalaking iyon ay naging isang walang-kaayusang pagkampay.

At ang lalo pang masama rito, dahil hindi pa ako nakararating sa isang 'swimming pool', hindi ko alam na may malalim at may mababaw na dulo. At sa lahat ng bagay na maaari kong gawin, siyempre, nag-'dive' ako sa malalim na dulo! Kung kaya't ngayon ay nailalarawan na ninyo na may isang kalakasang pagtitilamsik at pagpapalo at pagkakampay sa tubig. Walang dumating upang tulungan ako dahil, siyempre, tumalon ako sa malalim na dulo, at nag-isip ang lahat na maaaring manlalangoy ako na lumundag sa malalim na dulo at itong pagkakampay sa tubig ay tulad ng ginagawa ng karamihang mga batang lalaki. Ginagawa kasi nila ang mga kamangmangang bagay. Nag-e-'enjoy' lang sila ng kanilang mga sarili sa pagkampay sa tubig. Kung kaya't ang nangyari lamang ay tinitingnan ako ng lahat nang may kaaliwan, habang ako'y nagkakampay, sinusubukang iligtas ang sarili kong buhay sa tubig.

Kaya, ang punto ay ito: hanggang sa puntong iyon, hindi ko alam na may pangangailangan pala akong matutong lumangoy. Inisip kong, "Sinong nangangailangang mag-aral na lumangoy? Alam ng sinuman kung papaano lumundag doon at igalaw ang kanyang mga kamay. Ito'y simple lang. Hindi ninyo kailangang magsayang ng panahon upang mag-aral na lumangoy kung iyon lang ang lahat sa paglalangoy. Napakadali niyon. Hanggang hindi ako nag-umpisang lumubog, hindi pumasok sa aking isipan na may pangangailangan ako - kailangan kong matutong lumangoy - at hindi ito ganoong kasimple gaya nang sa tingin.

Hindi ko alam ang aking pangangailangan. Kinailangan kong maranasan ito upang malaman ko ang aking pangangailangan. Kung hindi ako nag-'dive' ng araw na iyon, kung may nagsabing, "Alam mo bang lumangoy?" maaari kong sabihin na, "Sigurado! Ito'y simple. Nakita kong lumundag ang batang iyon sa 'swimming pool.' Nag-'dive' lang siya roon at ginalaw niya ang dalawa niyang kamay. Magagawa ko iyon! Tiyak, alam ko kung papaano lumangoy!" Ngunit nang aking subukan ito, doon ko nadiskubre ang tunay kong pangangailangan.

Ang katanungan kung gayon ay hindi kung alam ng Diyos ang aking pangangailangan. Alam ng ina ko ang aking pangangailangan, pero hindi ko alam ang aking pangangailangan. Sinabi niya sa aking, "Hindi mo alam kung paano lumangoy," ngunit hindi ko ito pinaniwalaan. Ang sabi ko'y, "Sigurado! Ito'y simple lang." Kaya, alam niya ang aking pangangailangan, pero hindi ko alam ang aking pangangailangan.

Narito ang unang punto kung gayon: na bago matulungan ang isang tao, kailangan niya munang malaman ang sarili niyang pangangailangan, kung matutulungan siya nang tama. Kailangang maunawaan niya ang kanyang pangangailangan. Ngunit kapag nalaman ko na ang sarili kong pangangailangan, maaaring hindi ako tumawag sa Diyos upang tumulong, tulad nang hindi ko pagtawag ng saklolo kaninuman. Sa katunayan, hindi ko kayang tumawag ng saklolo dahil pumapasok ang tubig sa aking bibig. Ngunit walang sinuman ang tumulong sa akin, at hindi ako lumundag o sumubok na sumigaw ng saklolo. Patuloy akong nakibaka hanggang sa wakas, nasunggaban ko - na pagod na pagod - ang tabi ng 'pool' at kumapit doon. Nakayanan ko kahit papaano na makarating sa tabi ng 'pool.'

Babaling Ba Tayo sa Diyos Para Tulungan Tayo sa Ating Pangangailangan?
Ngayon, sa ganoong mga kaso, kahit papaano ay kaya pa rin nating sagipin ang ating mga sarili. Ngunit, inyong tingnan, heto ang sitwasyon: kapag nalaman ko ang aking pangangailangan, maaaring hindi ako bumaling sa Diyos para tulungan ako. At ang Diyos ay maghihintay. Ito'y dahil kapag inisip nating may magagawa tayo para sa ating sarili, hindi na natin kakailanganin ang Diyos upang gawin ito para sa atin. Kaya may dalawang bagay na kinakailangan nating malaman ukol dito: Una, kung alam ba natin ang ating pangangailangan, at pangalawa, kung tayo ba ay babaling sa Diyos para katagpuin ang pangangailangang iyon, o babaling ba tayo sa ating sarili upang subukang lutasin ang problema.

Ngayon, sa maraming bagay, kaya nating lutasin ang problema sa ating sariling kakayahan, ngunit kung magkagayon, hindi na natin siyempre kailangan ang Diyos. Kaya, ang tanong ay kung kailangan ba natin ang Diyos at alam natin ang pangangailangan natin sa Diyos. Iyon ay mahalaga sa panalangin. Kung mayroon akong magagawa para sa aking sarili, ano pa ang punto ng pagtawag ko sa Diyos na gawin ito para sa akin? Iyon ay malinaw.

Kung kaya, nakikita natin dito itong napakahalagang katotohanan: Kung bakit nais ng Diyos na tayo'y manalangin. Ito'y hindi sa kung alam Niya ang ating mga pangangailangan, kundi kung alam ba natin ang ating pangangailangan, at kapag nalaman na natin ang ating mga pangangailangan, kung tatawag ba tayo sa Kanya upang tulungan tayo? Kitang-kitang may praktikal itong kaugnayan sa panalangin. Kung hindi ko nararamdaman ang aking pangangailangan, siyempre hindi ko tatanungin ang Diyos para sa partikular na bagay na iyon, dahil hindi ko nakikita bakit kailangan ito. Iyon ay napakalinaw rin.

Ngunit may ilang taong maaaring magtanong, "Bakit aantayin pa ng Diyos hanggang sa malaman ninyo ang inyong pangangailangan? Bakit hindi na lang Niya tugunin ang inyong pangangailangan bago pa kayo tumawag sa Kanya? Naitanong na rin sa akin iyon. Ilang tao ang nakapagsabi, "Bakit pa ako magdarasal? Alam na ng Diyos ang aking pangangailangan, at bakit hindi na lang Niya tugunin ang aking pangangailangan nang hindi inaantay na malaman ko para sa sarili ko kung ano ang kailangan ko? Maaari pa rin Niyang tugunin ito." Ngayon, ano sa palagay ninyo ang posibilidad niyon? Halimbawa, sa tuwing may pangangailangan kayo, tahimik na lang na tutugunin ng Diyos ang inyong pangangailangan, nang hindi ninyo man lang alam na may pangangailangan kayong ganoon, at dahil natugunan na Niya ito, wala kayo kailanmang pangangailangan.

Ngayon, hindi ninyo ba nakikita na ang mahalagang bagay ay: Kung ginawa ng Diyos ang mga bagay sa ganitong paraan, hindi na tayo kailanman may-malay na babaling sa Diyos, dahil hindi tayo kailanman nagkaroon ng pangangailangan. Hindi natin kailanman mamalayan ang anumang pangangailangan. Hindi ba natin nakikita na ginagamit ng Diyos ang pangangailangan upang palapitin tayo sa Kanyang sarili, upang matagpuan natin ang sagot ng ating pangangailangan sa Kanya? Nakikita natin ang pangangailangang iyon bilang isang kabigatan, ngunit sa katunayan, ito'y isang espirituwal na pagkakataon.

Huwag ninyong ipanalangin na aalisin ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo; sa halip ay ipanalangin na tutugunin ng Diyos ang inyong pangangailangan. Huwag ninyong ipanalangin na hindi kayo kailanman magkakaroon ng anumang pangangailangan, ngunit sa halip ay ipanalangin na sa bawa't pangangailangan, makikita ninyo ang pag-ibig at kabutihan ng Diyos.

Halimbawa'y may isa kayong kaibigan, ngunit hindi kailanman ninyo nakikita kung bakit tunay ninyong kinakailangan ang kaibigang iyon. "Ang kaibigan sa pangangailangan ay isang tunay na kaibigan," [ang sabi sa isang tanyag na kawikaan]. "A friend in need is a friend indeed." Ngunit kung hindi kayo kailanman nagkaroon ng pangangailangan, papaano ninyo malalaman na ang kaibigang iyon ay isang tunay na kaibigan?

Sa katulad na paraan, hindi ba totoo rin ito sa espirituwal na buhay? Hindi ba totoo na kung tahimik na tutugunin na lamang ng Diyos ang lahat ng ating mga pangangailangan, sa katunayan, tayo ay espirituwal na mapipinsala dahil hindi natin kailanman makikita ang pangangailangang makilala ang Diyos? Dahil natugunan na Niya ang lahat ng ating pangangailangan, bakit pa natin kailangang makilala ang Diyos? At sa ganitong paraan, mawawala natin ang buhay na walang-hanggan, dahil ang buhay na walang-hanggan ay nakasalalay sa ating pagkakilala sa Diyos.

Ngunit kung wala tayong pangangailangan, hindi tayo kailanman lalapit sa Diyos. Kung hindi tayo kailanman lalapit sa Diyos, nasaan ang pakakataon nating makilala Siya? Kailangan nating lumapit sa Diyos kung nais nating makilala ang Diyos. Ngunit hindi tayo lalapit sa Kanya kung wala tayong pangangailangan? Hindi ba napakalinaw niyon? Kaya papaano natin masasabi na, "Bakit hindi na lang tugunin ng Diyos ang ating pangangailangan sa ganitong paraan?" Mapipinsala Niya tayo kapag ginawa Niya iyon.

Ang mga tao ay napakagaling, kung minsan mula sa mga mabubuting intensyon, sa pagsira sa ibang tao. May mga mabubuti silang intensyon, tulad ng mabubuting mga magulang na labis na minamahal ang kanilang mga anak, hanggang sa mapalaki sa layaw nila ang mga anak at sirain ang kanilang mga anak. Kinakailangang maging marunong ang pag-ibig.

At sa pagtanong ng: "Bakit hindi na lang tugunin ng Diyos ang ating mga pangangailangan bago pa man lumitaw ang ating pangangailangan?" ay nagpapakita ng kakulangan ng karunungan, na isa pang katangian ng tao. Iyon ang dahilan kung bakit may mga batang lumalaki na hindi kailanman inibig ang kanilang mga magulang. At hindi maunawaan ito ng kanilang mga magulang, "Minahal namin siya ng buong buhay namin. At ngayo'y lumaki siyang hindi man lang kami minamahal."

Huwag ninyong sisihin ang mga bata; sisihin ninyo ang inyong kahangalan at kakulangan ng karunungan. Kapag lagi ninyong ibinibigay sa inyong mga anak ang gusto nila bago pa man nila hilingin ito, gumagawa kayo ng isang malaking kahangalan, dahil hindi kailanman mapapansin ng mga bata na kailangan nila kayo. Bakit nila kayo kailangan? At dahil hindi nila napapansin ang pangangailangan sa inyo, hindi nila makikita kailanman ang pangangailangang lumapit sa inyo.

At dahil hindi nila kayo kailangan, ang resulta ay hindi nila kailanman kayo kilala, at iyon ay nauuwi sa tinatawag na 'generation gap', ang di-pagkakaintindihan ng nakatatanda at ng nakababata. Ang 'generation gap' ay maaaring magmula sa kakulangan ng pag-ibig o sa sobrang pantaong pag-ibig. Isa sa dalawang dahilang ito ang kadalasang ugat nito. Ang isang batang pinalaki sa layaw ay nagiging isang batang hindi nagmamahal sa kanyang mga magulang.

Maaaring sabihin ninyo: "Ibinigay ko sa batang iyan ang lahat ng kagustuhan niya." Kayo'y hangal, mga kaibigan. Matuto kayo mula sa Diyos! Kailangang ipakita ninyo sa bata na kailangan niya kayo. Doon ninyo lang maipamamalay sa kanya ang kanyang pangangailangan. Kung hindi, hindi niya mamamalayan ang anupamang pangangailangan. Maaari siyang makapag-isa, maging mapagmataas at hambog - tulad parati nang mga batang laki sa layaw. Masasama ang ugali nila at mga hambog. Hindi nila nararamdam na may anuman silang pangangailangan. Ipinagmamayabang nila ang mali nilang sariling kahalagahan. Kaya nakikita na napakarunong ng Diyos, 'di ba?

Maaaring alam ninyo ang pangagailangan ng batang iyon. Hindi nangangahulugan iyon na uunahan na ninyo silang punuin ang lahat ng pangangailangan nila. Hayaan ninyo munang mamalayan ng bata ang kanyang pangangailangan. Hayaan ninyo munang malaman ng bata ang kanyang pangangailangan. Ito'y upang tulungan ang batang iyon. At lalaki sila na kumikilala ng utang na loob sa inyo, nagmamahal sa inyo, at pinasasalamatan kayo sa lahat ng inyong kabutihang loob sa kanila. Turuan ninyo silang tumanaw ng utang na loob. Turuan ninyo silang malaman ang kanilang pangangailangan. Ngunit hindi sila kailanman matututong magpasalamat at tumanaw ng utang na loob kung hindi nila alam ang kanilang pangangailangan, at hindi nila alam na kayo ang tumugon sa kanilang pangangailangan. Nakita ninyo kung gaano karunong ng Diyos at gaano kamangmang ng mga tao.

Kaya't alalahanin ito: Mawawasak ninyo ang isang tao alinman sa dalawang paraan: sa hindi pag-ibig sa taong iyon o sa pag-ibig sa taong iyon sa mangmang at di-marunong na paraan, sa pamamagitan ng pagbibigay sa taong iyon ng lahat ng maibigan niya bago pa man niya ito hilingin. Kung kaya't wala silang maramdamang pangangailangan. Sa halip, ang pakiramdam nila'y may sarili silang kakayahan, na hindi totoo. O, na matuto tayo sa karunungan ng Diyos upang ipamuhay! Ang mga kaparaanan ng Diyos ay napakatama, at ang tanging dahilan kung kaya't hindi natin nauunawaan ang Kanyang mga paraan ay dahil sa napakamangmang natin.

Kaya, kapag ang isang bata ay may pangangailangan, huwag ninyo agad ito ibigay sa bata. Halimbawa, maaaring gutom siya ngayon. Agad-agad, bubusugin ninyo siya. Itinanong ninyo: "Gusto mo ba ng saging? Sigurado ka bang hindi ka nagugutom? Hindi? Heto, kumain ka ng saging! Kung hindi, magugutom ka!" Ano ba ang nakatatakot para sa bata na makaranas ng gutom at magsabing, "Mummy" o "Daddy, may konti ba akong makakain?" Pagbigay ninyo ito sa kanya, ang laki ng kanyang pasasalamat. Ang saging na ito'y napakalinamnam dahil siya ay gutom na gutom. Ngunit kapag siksik kayo nang siksik ng pagkain sa lalamunan niya, siya'y magsasawa rito: "Bakit mo ba lagi akong tinatanong kung gusto ko ng saging?"

Hindi natin nauunawaan ang kaparaanan ng Diyos dahil wala tayo ng Kanyang karunungan. Mag-antay hanggang sa mangailangan ang bata at hanggang humiling siya nang maayos at kalugod-lugod, na sasabihing, "Tunay na kailangan ko ang bagay na ito." Doon ninyo ibigay ito sa kanila. O, pasasalamatan nila kayo nang lubos: "O, napakabuti nito. Ang Daddy at Mummy ko ay napakabuti sa akin!" At doon nila mauunawaan. Ngayon ay nauunawaan na nila.

Iyon ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa atin bilang mga anak, bilang pakikitungo ng isang ama sa kanyang anak sa marunong na paraan. Inaantay muna Niyang humiling tayo, at kapag nakahiling na tayo, sa pag-alam natin ng ating pangangailangan, at sa pag-alam na tanging Siya lamang ang makatutugon ng ating pangangailangan, doon tayo mapupuno ng pasasalamat. "O, napakabuti ng Diyos sa akin. Napakabait Niya sa akin." Ngunit papaano natin mauunawaan ito kung pinapakain ng sapilitan tayo lagi ng Diyos ng saging o ng cake? Hindi natin Siya kailangan. Sasabihin nating, "Huwag Mo akong pakainin ng sapilitan. Mukha na akong 'Peking duck' [o relyenong manok sa Pilipinas!] sa pagsisiksik Mo ng pagkain sa akin."

Dahilan ito kung bakit may ilang batang laki sa layaw. Halos may hinanakit sila sa kanilang mga magulang. Suyang-suya na sila sa kanilang mga magulang. [Sinasabi nilang,] "Lagi na lang akong bine-baby at pinapansin at pinapaalalahanan! Masisira na ang ulo ko sa inyo." Ngunit hindi sa ganitong paraan tayo pinakikitunguhan ng Diyos. O, napakarunong ng Diyos sa Kanyang pakikitungo sa atin. Napakatama ng Kanyang karunungan. Ginagawa nitong ako'y mamangha at magpuri at magsamba sa Kanya.

Ang Panalangin ay Pagsasanay ng Kalooban [Prayer Is an Exercise of the Will]
Isa pang punto ang kinakailangan nating talakayin ngayon bilang pangwakas na punto dahil patapos na ang ating oras. Nakita na natin kung gaano importanteng malinaw na maunawaan ang kahalagahan ng panalangin. Ang isa pang punto ay ito: ang tungkol sa kalooban [the will]. Ano tungkol sa kalooban? Hanggang hindi tayo humihiling sa Diyos sa panalangin, lumapit sa Kanya't humingi para sa ating sarili, hindi natin sinasanay ang ating kalooban sa paghihiling ng anumang bagay. Kaya, una, kinakailangan nating maunawaan ang ating pangangailangan. Tapos, sa pag-unawa natin ng ating pangangailangan, gamitin natin ang ating kalooban sa isang direksyon.

Ngayon, ang pangangailangan ay isang bagay na nagsasanay ng kalooban sa isang tunay na paraan. Ganito iyon. Kung wala kayong kailangan, hindi ninyo kailangang gumawa ng desisyon. Walang paraan para magsanay ng kalooban, sa pagsabing, "Ano ang gagawin ko tungkol sa pangangailangang ito?" Wala kayong partikular na pangangailangan para sanayin ang inyong isipan at kalooban. At napakahalaga nito, na nais ng Diyos na sanayin natin ang ating kalooban. Masdan: kapag ako'y may pangangailangan, ako ang hihiling para rito. Ako ang nagdedesisyon na humiling. Kasali ang aking pagdedesisyon.

Kaya kasasabi lang natin, kung patuloy na ibinibigay ng mga magulang sa mga anak ang mga bagay na hindi naman nila hiniling, hindi sila nakagagawa ng desisyon. Nanakawan sila ng pagkakataon na makapagdesisyon para sa kanilang mga sarili, na masanay ang kanilang kalooban sa pagnanais ng partikular na bagay na ito. Binigyan ninyo sila ng bagay na hindi nila ginusto, dahil hindi naman nila ito hiniling. Antayin hanggang gusto nila ito, kung gayon ay gugustuhin nila ang bagay na iyon, at sa gayon ay sasanayin nila ang kanilang kalooban. Sasabihin nilang, "Gusto ko nito. Kailangan ko ang bagay na ito. Pakibigay ito sa akin." Kung gayon, iyon ang kanilang desisyon. Ito'y isang desisyon na kanilang ginawa kaugnay sa isang partikular na bagay.

Ngayon, bakit ito mahalaga? Ito'y tiyakang mahalaga sa paraang ito, dahil hindi tayo tinatrato bilang mga robot o 'tape recorder' ng Diyos, pero bilang mga tao na may kakayahang gumawa ng sarili nilang pagpipili. At ang pangangailangan ay ang naghaharap sa atin ng pangangailangang gumawa ng pagpipili. Tanggalin ninyo ang pangangailangan at ang pangangailangang pumili ay mawawala. Ang pamimili ay laging ginagawa sa gitna ng pangangailangan, sa paghaharap sa isang desisyon at sa paggawa nito. Kung kaya, kung inalis ninyo bilang magulang ang pagkakataon ng inyong mga anak na gumawa ng mga desisyon, sa paggawa ng desisyon para sa kanila bago pa man sila magkaroon ng pagkakataong gumawa ng desisyon, kayo ay magpapalaki ng mga anak na hindi kayang harapin ang buhay.

Iyon ang dahilan kung bakit hindi kayang harapin ang buhay ng maraming mga bata na nagmula sa mga may-kayang tahanan at mga tahanang nagbibigay ng kanilang mga layaw. Hindi nila kayang harapin ang buhay. Hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na pagsikapan o makibakang makuha ang kanilang pangangailangan. Makikita ninyo na ang mga anak na mula sa mga dukhang tahanan ay kadalasang mas mahusay, dahil sa buong buhay nila, pinagsumikapan nilang makuha ang kanilang pangangailangang malutas ang kanilang mga problema at kahirapan. Naging malakas at matatag sila sa pagharap ng mga pangangailangan.

Ngunit ang mga batang mula sa may-kayang tahanan ay madalas na parang 'jelly fish.' Hindi nila kayang tumayo sa sarili nilang mga paa. Mayroon silang nagmamayabang na pakiramdam ng sarili nilang kahalagahan, ngunit sa gitna ng pagsubok, sila'y bumabagsak sa tuwina dahil hindi sila kailanman nabigyan ng pagkakataon na lumaban at makipagtunggali sa mga kahirapan at sa mga pangangailangan.

Responsibilidad ng mga magulang na ibigay sa mga anak ang mga pangangailangang pinagtunggalia't pinagbunuan ng mga anak na makuha, sa kung saan sila'y magiging malakas at magkakaroon ng kakayahang gumawa ng sarili nilang mga desisyon. Kung kaya, sa katulad na paraan, nais ng Diyos na gumawa tayo ng mga desisyon, na malaman natin ang pangangailangan natin at makipagbuno para sa mga pangangailangang iyon, hanggang sabihin nating, "Diyos, narito ang aking pangangailangan. Maaari bang tugunin Mo ang aking pangangailangan?" Nakapagdesisyon tayong humiling sa Kanya. Napag-alaman natin [ang ating pangangailangan].

Sa una, siyempre, hinahayaan Niya muna tayong makipagbuno ng ilang panahon. Wala tayong makitang ibang paraan. Kadalasan, nais Niyang makumbinse tayo na wala nang iba pang makatutugon sa pangangailangang iyon kundi Siya lamang. Ito ang dahilan kung bakit, kadalasan, sa panalangin, makatatagpo kayo ng isang antala. Hindi Niya agad-agad sinasagot, at sasabihin ninyong, "Bakit hindi? Bakit hindi?"

Bakit? Ito'y dahil sa nais Niya kayong makipagbuno sa pangangailangang iyon hanggang malaman ninyo na wala nang iba pa ang makatutugon sa pangangailangan ninyong iyon maliban sa Diyos. Kung tutugunin na Niya ang inyong pangangailangan bago ninyo malaman na Siya lang ang makatutugon ng pangangailangang iyon, una, hindi nakapagsanay ang inyong kalooban, hindi kayo nakipagbuno sa bagay na iyon.

Pansinin, hindi Niya agad binasbasan si Jacob nang hiniling nito na, "Basbasan Mo ako." Hindi! Hindi Niya siya binasbasan. Hinayaan Niyang makipagbuno ng buong gabi si Jacob, hanggang magbukang liwayway bago Niya siya binasbasan, nang si Jacob ay nanghina na at pagod-na-pagod na sa pakikipagbuno sa buong magdamag.

Tingnan, hinahayaan tayo ng Diyos na makipagbuno. Hindi Niya tayo pinapalaki sa layaw. Hinahayaan Niya tayong makipagbuno hanggang maunawaan natin, "Nasubukan ko na ito; nasubukan ko na iyon; nasubukan ko na ang lahat; at ako'y lubhang pagod na pagod na. Panginoon, hindi ako makahanap ng kasagutan dito."

Pagkatapos niyon, tinugon ng Diyos ang inyong pangangailangan. At sasabihin ninyong, "O Diyos, tunay Kang kamangha-mangha." Doon ninyo lang pasasalamatan ang karunungan at ang kapangyarihan ng Diyos. Bakit Niya gagawin para sa inyo ang kaya ninyong gawin para sa sarili ninyo? Bakit Niya gagawin para sa inyo ang kayang gawin para sa inyo ng ibang tao? Hindi Niya ito gagawin. Ngunit kapag alam ninyong wala na kahit saanmang makalalapit, na naubos ninyo na ang lahat ng mga posibilidad, na nagawa na ang lahat ng maaaring gawin, ngayon, tanging ang Diyos lamang ang makatutugon.

Iyon ang paraan ng pagpapalakas Niya sa atin. Pinalalakas Niya tayo sa espirituwal. Hindi ninyo kailanman kailangang matakot. Hindi tayo pinalalaki sa layaw ng Diyos. Hindi Niya tayo gagawing mga robot. Hindi Niya tayo aalisan ng pagkakataong sanayin ang ating kalooban, at sanayin ito hanggang sa sukdulan.

Kaya, unawain ito, mga kapatid: Ang pagiging isang Cristiano ay hindi nangangahulungang aalisin na ang inyong pagkatao. Hindi! Hindi kailanman! Nais ng Diyos na sanayin ninyo ang inyong kalooban, at sanayin ito hanggang sa sukdulan. Mag-aantay Siya hanggang mula sa sarili ninyong kalooban ay sasabihin ninyong, "Gawin nawa ang Iyong kalooban ...sa lupa" - at sa aking buhay - "kung paano sa langit.²" Aantayin Niya kayong sabihin iyon. Hindi Niya ipagpipilitan ang Kanyang kalooban sa inyo. O hindi! Sobrang buti ng Kanyang kalooban upang gawin ito.

Aantayin Niya hanggang maunawaan ninyo na wala nang ibang paraan upang matugunan ang inyong pangangailangan maliban sa kalooban ng Diyos, na wala nang iba pang solusyon sa inyong problema, maliban sa kalooban ng Diyos. Hanggang may iba pa kayong naiisip na solusyon sa problema ninyo, hindi Siya gagalaw. Walang mangyayari, hanggang sa araw na iyon na sabihin ninyong, "Panginoon, gawin nawa ang iyong kalooban." "Gawin nawa ang Iyong kalooban dito sa lupa! Gawin nawa ang Iyong kalooban sa aking buhay, tulad ng sa langit."

Bago iyon, hindi Siya gagalaw hanggang sa nakahanda na ang inyong kalooban na maunawaan na tanging ang kalooban lang Niya ang makasasagot sa inyong problema. Hanggang sa araw na iyon, makikita ninyo na hindi ipagpipilitan ng Diyos ang Kanyang kalooban sa inyo. Hindi Niya kayo gagawing robot. Hindi Niya sasabihing, "Hindi na ninyo kailangang sanayin ang inyong kalooban; Ako na ang gagawa nito para sa iyo." Hindi kailanman!

Ang Kasalanan ay Paglabag sa Kalooban ng Kapwa
Ito'y nagdadala sa atin sa isa pang punto na sobrang nakawiwili. Ito ay: na ang kasalanan ay isang bagay na lumalabag sa kalooban na iba pang tao. Nakita ninyo ba iyon? Ang kasalanan ay ang paglabag o ang pag-aalis o pagwawalang-bisa ng kalooban ng isang tao - ng kalooban ng iba pang tao - at hindi kailanman gagawin ng Diyos sa atin iyon. Isipin ninyo ang tungkol dito.

Ano ba ang pagnanakaw? Ang pagnanakaw ay ang pag-alis mula sa inyo ng isang bagay na ayaw ninyong ipamigay. Dumating ang isang magnanakaw sa inyo, tinutukan kayo ng baril, at sinabing, "Ibigay ang pera ninyo." Gusto ninyo man o hindi, hindi mahalaga sa kanya. Gumagana man ang inyong kalooban o hindi, gusto niya itong kunin nang labag sa kalooban ninyo. Lulupigin niya ang inyong kalooban sa pagtutok ng kanyang baril sa inyo. Iyon ang dahilan ng pagtutok ng baril sa inyo, upang hindi ninyo magamit ang inyong kalooban. Nais niya kayong gawing isang robot na maaari niyang pakinabangan. Aalisin niya ang kalooban ninyo.

Umisip ng kahit na anong kasalanan at makikita ninyo na ang kasalanan ay laging ang pagtatangkang wasakin ang kalooban ng iba pang tao o ang pagkilos na kontra sa kalooban nitong taong ito. Katulad din ito ng krimeng pagpatay, kung saan talagang pagwawasak ito ng iba pang tao. Tinanggal nito ang posibilidad na gamitin ng taong iyon ang kanyang kalooban. Sa paggamit ng mas masarap na pakinggang salita: pinawalang-bisa ang taong iyon.

O kahit na anong kasalanan. Ganito rin sa panghahalay ng kababaihan. Kapag ang isang babae ay inabuso laban sa kanyang kalooban, siya ay nalapastangan laban sa kanyang kalooban. Hindi siya tinrato bilang isang 'tao'; tinrato siya bilang isang 'bagay'. Palaging tinatrato ng kasalanan ang ibang tao bilang isang 'bagay', hindi bilang isang 'tao.' Sa pagtrato sa ibang tao bilang isang bagay, naalisan siya ng kanyang kalooban, o hindi siya naigalang, o nalabag ang kalooban niya. Naisip ninyo ba kung gayon na ang kasalanan ay palaging salungat sa kalooban ng taong iyon, at salungat din sa kalooban ng Diyos?

Ngayon, kapag naunawaan ninyo na hindi kailanman tinatrato ng kasalanan ang ibang tao bilang 'tao', nangangahulugan kung gayon, kapag binaligtad ninyo ito, na laging tinatrato ng kabanalan ang ibang tao bilang 'tao.' Laging binibigyang galang nito ang ibang tao bilang 'tao.' Hindi nito kailanman nilalapastangan ang kalooban ng ibang tao. Hindi nito kailanman tinatapakan ang ibang tao. Hindi nito kailanman ginagawang isang bagay ang isang tao. Nangangahulugan din ito na hindi kumikilos ang Diyos kailanman sa ganoong paraan. Hindi Niya tayo kailanman tinatapakan. Hindi Niya tayo tinatratong isang 'bagay', ngunit lagi Niya tayong tinatratong bilang 'tao.' Maaari tayong tratuhin ng mga tao bilang isang 'bagay', pero ng Diyos? Hindi kailanman!

Kapag pumupunta kayo sa panggobyernong opisina, parang hindi kayo tao. Naging isang numero lang kayo. "Numero 523!" Sasabihin ninyong, "O, ako iyong 523." At lalapit kayo sa unahan. Hindi na kayo isang tao; isa na lamang kayong numero sa isang papel. Pinasok na lang ang pangalan ninyo sa kompyuter at lalabas na lang kayo bilang numero gayon at ganito, Kaso #53. Kung kaya't kayo ay lagi na lang binabanggit bilang 'bagay', bilang Kaso #53, para sa kapakanan ng pagmamadali o para sa iba pang kapakanan; hindi ito mahalaga. Kayo ay isang bagay lamang. Nakawiwili kung papaanong laging sinusubukan ng tao na ibaba ang ibang tao bilang isang bagay lamang.

Napansin ninyo na ba na halos bawat pulis ay kamukha ng ibang pulis? Nakatatawa! Magkakamukha sila. Bakit? Dahil sadyang lahat sila ay inalisan na ng sarili nilang pagkatao. Kung ang isang pulis sa Inglatera ay sumubok na magpatubo ng bigote, makakabangga niya ang mga nakatataas sa kanya dahil sinubukan niyang ipadama ang sarili niyang pagkatao muli. Hindi sila dapat magpatubo ng anumang bigote. Kailangang maging magkakamukha sila.

Kaya, bawat lalaki ay malinis ang pagkaahit sa ganitong paraan, ang gupit ng buhok nila ay ganito kaiksi, ang posisyon ng sumbrero nila ay pare-pareho, at pareho ang uniporme ng lahat. Ang tanging pagkakaiba nila ay sa numero - para makita ang kaibahan ng isa sa kapwa niya. At sa gayon, nais ng sanlibutan na alisin ang pagkatao ninyo.

Kapag pumasok kayo sa hukbo, tinatrato nila kayong isang bagay. Sinisigawan kayo at sinasabihan na, "Pumila! Pumarito! Pumaroon!" Hindi kayo pinagsasalita; hindi kayo pinasasagot; sasabihin ninyo lang na, "Oo." Hindi pinapahalagahan ang kalooban ninyo - tanging ang kalooban ng opisyal na nag-uutos [commanding officer] lamang ang masusunod. Sa huli'y balewala rin ang kanyang kalooban; tanging sa pinakamataas na opisyal lang [supreme commander] ang mahalaga.

Kaya ang layunin ng lahat ng ito ay ang alisin ang pagkatao ninyo. Hindi ba nakaaaliw? Nakapagtataka. Sa gayong paraan umaandar ang mundo. Pero hindi kailanman ginagawa ito ng Diyos. Gusto Niyang ikaw ay maging ikaw.

Sinasanay ng Puspos-ng-Espiritung Cristiano ang Kalooban Niya Kaugnay sa Espiritu
May napakaseryosong kaugnayan sa buong katanungan ukol sa pagpapatnubay, gayon din sa bawat departamento ng buhay-Cristiano, na wala na tayong oras na talakayin ngayon, na aking iiwan sa inyo upang pag-isipang mabuti. Tingnan ninyo, lubha na tayong napalitan ng kaisipan, na-brainwash, sa pag-iisip na nawawala ang ating sariling pagkatao, na ito'y natural lamang, at iniisip na ang pinakamagaling na Cristiano ay ang walang-sariling-pagkataong Cristiano, na kumikilos na parang robot, o parang 'tape recorder'; iyon ang pinakamahusay na Cristiano. Tinatawag siyang "ang Cristianong kontrolado ng Espiritu." Hinding-hindi niya kailanman ginagamit ang sariling kaisipan sa paggawa ng anumang bagay; nag-aantay na lamang siyang ang Diyos ang gagawa ng lahat ng bagay. Hindi siya kailanman nagsasabi ng 'oo' hangga't hindi nagsasabi ng 'oo' ang Diyos. Ang katanungan ay: Kailan nagsasabi ng 'oo' ang Diyos?

May isa akong mabuting kaibigan. Kapag inimbitahan ko siyang pumunta sa aking lugar, sasabihin niyang "Oo. Oo. Sigurado kapag pinayagan akong pumariyan ng Panginoon." Ang problema ay ito: Hindi niya kailanman sasabihin sa inyo kung darating siya o hindi. Sasabihin ninyong, "Bakit?" Ito'y dahil inaantay niya ang pangunguna, ang leading, ng Panginoon. At ang pangunguna ng Panginoon sa kanyang kaso, sa aking napansin, ay nalalaman lamang niya 5 minuto bago siya pupunta.

Ginagawa nitong halos imposible ang pag-aayos ng lahat upang mangaral siya. Kinakailangan kong maghanda ng isang mensahe, para sa anumang oras na imbitahin ko ang mahal kong kapatid na ito upang mangaral, dahil, bakasakaling 5 minuto bago ang pagtitipon, maaaring hindi siya darating. Bakit? Ito'y dahil, sa abot ng kanyang nalalaman, hindi siya pinayagan ng Diyos na pumunta, at ano pa ang maaari ninyong gawin? Lubhang nakayayamot ito. Pero kadalasan, siyempre, dumarating siya. Pero kailangang lagi ninyong ilalaan na may 10% pagkakataon na siya ay hindi darating. Kaya't kailangan ninyong siguraduhin na may iba pang nakahanda.

Ngayon, isipin ninyo na nag-imbita kayo ng isang tulad niya na dumalo sa isang komperensiya. Hindi niya sasabihin sa inyo kung darating siya sa komperensiya o hindi. Kapag inimbita ninyo siya 8 buwan bago ang takdang panahon, sasabihin niyang, "O, hindi, hindi. 'Di ko malalaman hanggang 5 minuto bago ang komperensiya."

Iniisip ng maraming tao na iyon ang ideya ng isang Cristiano: Hindi siya kailanman nagdedesisyon para sa sarili niya; hindi niya alam kung dadalo siya sa isang kainan o hindi; kung dadalo siya sa isang pagtitipon o hindi. Ay naku! Kung tinatawag ninyo siyang isang Cristianong ginagabayan ng Espiritu Santo, hindi ninyo nakuha ang punto. Minsan, sinusubukan ninyong tulungan ang taong tulad nito, ngunit pakiramdam nila na sila'y higit-na-espirituwal sa inyo, na sila'y kontrolado ng Espiritu Santo nang buong-buo, na huminto na sila sa pagsasanay ng sarili nilang kalooban.

Ngayon, may mabuti naman silang hangarin, pero sila'y ignorante sa Salita ng Diyos. Hindi sinasabi ng Salita ng Diyos sa atin na ang mga nakahihigit na Cristiano ay mga Cristianong tumigil na sa paggamit ng kanilang kalooban, na ang pagkamatay sa sarili ay hindi nangangahulugang wala ka nang sariling kalooban. Ito'y nangangahulugang namatay na sa mga kasalanan, sa lumang paraan ng buhay. Ang buo ninyong isip, ang buo ninyong kalooban ay nabago na, naipanganak na muli.

O, napakaraming mga bagay na uunawain sa buhay-Cristiano! At ang bawat maling pag-unawa ay parang pagtapak sa isang mina. Espirituwal na wawasakin kayo nito. Kaya naririto, kailangan nating maunawaan ang kahalagahan ng lahat ng ito na kaugnay sa panalangin, na nais ng Diyos na gamitin natin ang ating kalooban sa panalangin.

Kinakailangang may paghahangad kayo para sa isang partikular na bagay, at hindi dahil 'napaka-espirituwal' ninyo na, na ngayon ay wala na kayong kahit na anong hangarin. Sa kasong ito siyempre, hindi ninyo na kailangang manalangin pa para sa anuman; napaka-espirituwal ninyo na ngayon na kahit na anupaman ang gustong ibigay ng Diyos sa inyo ay mabuti. Hindi ninyo na kailangan pang manalangin para sa anupaman. Ang ibig sabihin niyon ay naging napakapuspos na kayo ng Espiritu Santo na hindi ninyo na kailangan pang manalangin, dahil wala na kayong pangangailangan, o hindi ninyo na inaalala kung may anumang pangangailangan kayo o wala, at iyon na iyon. Balewala sa inyo kung kayo'y mamatay na sa gutom o kung mamatay na sa gutom ang inyong pamilya't mga anak. Hindi na mahalaga ito dahil alam ng Diyos ang inyong pangangailangan; tutugunin Niya ang inyong pangangailangan. Kung hindi Niya tinutugon ang inyong pangangailangan, kung gayon, kalooban Niyang mamatay na kayo sa gutom. Kaawa-awa ito, pero minsa'y napakatotoo nito sa buhay-Cristiano kapag nakikita ang mga maling palagay ng mga tao.

Sa Biblia, hindi ko nababasa ang tungkol sa pagkontrol ng Espiritu Santo. Hinihiling ko na ipakita ninyo sa akin kahit isang bersikulo lang na nagsasabing tayo ay kontrolado ng Espiritu ng Diyos sa kahulugang tumigil na tayong gamitin ang ating kalooban. Pakipakita lang sa akin ng isang bersikulo - kahit saan maaaring banggiting sinabi ito. Pero aking nababasa sa Biblia ang tungkol sa pakikisama [fellowship] ng Espiritu Santo. Oo! Marami akong nababasa tungkol sa pakikisama ng Espiritu Santo. "Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat.¹" [II Mga Taga-Corinto 13:14] - ano ang kahulugan nito? Magkakaroon lang ng pakikisama kung ang dalawang tao ay mayroong komunyon at pakikisama o pakikibahaginan ng kalooban. Kung tumigil na ako maging isang tao, hindi na kayo makakikisama sa akin.Wala na akong kalooban. Wala na akong anumang iisipin upang makatutugon pa. Anumang sabihin ninyo, [ang sagot] ay: "Oo." "Okey." "Mabuti."

Paano kayo makikisama sa isang taong tulad niyon? Tatanungin ninyo siya, "Gusto mo bang lumabas?" Okey lang." "Gusto mo nang kumain ngayon?" "Pwede." Pagkaroon ng ilang ulit nito, magsasawa na kayo. Paano kayo magkakaroon ng samahan o pakikibahaginan? [Sasabihin ninyong:] "Ibig kong sabihin, sabihin mo sa akin. Tinatanong kita dahil gusto kong malaman. Gusto kong malaman kung gusto mo bang maglakad-lakad?" "O," ang sabi niya, "kahit ano." Kaya sa susunod, ang gagawin na lang ninyo ay kunin ang kanyang kamay at masayang lumabas. Itutulak ninyo siya sa upuan upang kumain at kakain siya. Hindi kayo maaaring magkaroon ng pakikisama sa isang taong tulad nito.

Ang pakikisama o pakikibahaginan ay nangangahulugang iyon ay isang tao. Hindi kayo nakikisama sa isang bagay. Wala akong pakikisama sa isang kotse. Ang ibig kong sabihin, pumupunta ito kahit saan ko gusto; hindi ito nagtatanong ng kahit ano. Mayroon lamang akong pakikisama sa isang tao kung ginagamit niya ang kanyang kalooban. Sasabihin kong, "Gusto mo bang kumain?" "O, gusto ko iyon!" Ah! Iyon ay isang sagot; hindi iyong "Okey lang." "Pwedeng oo, puwedeng hindi. Kahit ano." [Pero kapag sinabi niyang:] "Gusto ko iyon!" "Enjoy ako diyan." "O sige!" Sa gayon ay magkakaroon kami ng masayang pagsasama.

Pero bakit natin iniisip na gusto ng Diyos ang mga robot? Kapag sinabi ng Diyos, "Gusto mo bang lumabas ngayon at pumunta sa lugar na iyon?" [sasabihin ninyo bang,] "Puwedeng oo, puwedeng hindi. Okey lang"? [O sasabihin ninyo bang,] "O, ikinasisiya ko ito, Panginoon! Sige! Gusto Mo akong pumunta? Amen! Heto na ako! Magaling iyon! Gusto ko talagang gawin ito." Naiiba iyon sa pagsabing, "Okey lang", 'di ba? Dahil nagamit ng isa ang kanyang kalooban, samantalang ang isa naman ay hindi. Iyon ang malaking kaibahan. Naubos na ang oras natin at may marami pang kayamanan dito, pero kailangan na nating tumigil dito sa araw na ito.

Tapos ng mensehe.

¹Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Manila, 2001.

² Ginamit ang: Ang Banal na Kasulatan, (based on) The Holy Bible, Authorized King James Version, Tagalog-English Diglot Bible, Philippine Bible Society, Manila, 1994.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.