CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 -
"Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"
(The Lord's Prayer - 6 - "Forgive Us Our Debts")

Mateo 6:12, 14-15, Mensahe ni Pastor Eric Chang

Mababasa natin sa Mateo 6:12 ang mga salitang ito: "At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.¹" Dito'y may lubha tayong mahahalagang katotohanan, na ang kahalagaha'y hindi malalabisan. Ano ang kahulugan sa pagsabi ng, "patawarin... aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin"? Ano ang kahulugan nitong salitang 'gaya'? May kundisyon ba ang pagpapatawad? Tingnan para sa inyong sarili ang kundisyong ito. Magpatawad! Kapag lumalapit tayo sa Diyos, ipinapanalangin natin: "O Diyos, patawarin Mo ako sa aking mga kasalanan." Kadalasa'y tumitigil na tayo roon. Ngunit sinasabi ni Jesus na, "Hindi kayo maaaring manalangin nang ganito. Hindi tama ang inyong pananalangin. Dapat ninyong  ipana-langin, "Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan gaya ng aking pagpapatawad sa iba."

Higit pang tingnan ang siping ito. Napakahalaga ng mga salitang ito, na pagkatapos na pagkatapos ng turo sa "Ang Panalangin ng Panginoon," gaya ng karaniwang tawag dito, agad-agad Siyang bumalik muli sa mga salitang ito sa bs.14&15, at sinabi ito:

"Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan."

Sa madaling sabi, wala tayong karapatang humingi ng tawad hanggang hindi tayo mismo nagpapatawad. Hindi ba iyon ang malinaw na sinasabi ni Jesus? Hindi kayo maaaring humiling sa Diyos ng a-numang uri ng kapatawaran hanggang hindi ninyo napapatawad ang anumang ginawa ng sinuman laban sa inyo, kung kaya ang kapata-waran ay may isang naunang kundisyon na nakakabit sa kanya, na kung natanggap natin ang kapatawaran ng Diyos - ang kapatawaran Niya'y nauuna - kinakailangang handa rin tayong magpatawad. At kung tayo nama'y hindi magpapatawad, hindi rin tayo makatatanggap ng kapatawaran. Ating titingnan nang mas malalim pa itong mahalagang turo tungkol sa pagpapatawad.

Upang Maunawaan Natin ang 'Pagpapatawad', Ikinuwento ni Jesus ang: "Talinghaga ng Lingkod na Di-Nagpatawad"
Napakahalaga ng turong ito kung kaya naglaan ang Panginoong Jesus ng isang buong talinghaga upang tulungan tayong maunawaan ito. Ito'y matatagpuan sa Mateo 18:21-35. At upang maunawaan ang turong ito sa Panalangin ng Panginoon, gagamitin ko ang talinghaga ng Panginoong Jesus, na Kanyang ginamit para ipaliwanag kung ano ang ibig Niyang sabihin.

Sa siping ito'y makikita natin na nagkukuwento si Jesus ng isang talinghaga tungkol sa isang hari na may isang ministro. Ang 'isang lingkod ng hari' ay isang katawagan para sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan. Ito ay isang napaka-karaniwang katawagan. Ang lingkod dito'y hindi isang alipin; ito'y isang mataas na opisyal ng pamahalaan. Ito'y isang lingkod ng hari. At sa ating makikita sa talinghagang ito, itong lingkod ng hari, sa katunayan, ay isang uri ng gobernador, maaaring isang 'satrap' o gobernador sa isa sa mga probinsya sa Persia.

Ngunit ang anumang uri ng gobernador ay may pananagutan sa hari para sa pamamahala ng kanyang probinsya, na nangangahulugan, siyempre, na may malaking halaga ng nalilikom na buwis ang dumadaan sa kanyang mga kamay. Bawat gobernador ay may pana-nagutan, kahit na sa panahong ito, para sa milyun-milyong dolyares.  Siyempre, kung may anumang pagkakamali na nagawa, ang Ministro sa Pananalapi at ang Punong Ministro sa alinmang lugar ay masesesante sa trabaho bilang resulta nito.

Ganito ang sitwasyon dito. Heto ang isang opisyal ng pamahalaan, isang lingkod ng hari, na hindi pinangasiwaan nang mabuti ang kanyang pananalapi at siya'y nasa malaking pagkabagabag. Gusto ng hari na magbigay siya ng pagpapaliwanag kung ano na ang nang-yayari sa kanyang probinsya, kung ano ang kanyang ginagawa. At siyempre, may parusa sa maling asal. Hindi natin alam kung paano nawala ang pera, kung ito'y dahil ba sa hindi niya mabuting pamamahala, na pinakaposibleng nangyari, o sa pamamagitan ng katiwalian, o anupaman. Ngunit sa kasong ito, ang pinaka-maaaring nangyari ay ang di-mabuting pamamahala. Subalit, may pananagutan pa rin siya sa hari para sa lahat ng nawala.

Kung kaya, pinatawag siya ng hari na magpaliwanag. Dumating ang lalaking ito at siya'y may utang na sampung libong talento - isang napakalaking halaga! Sa Instik, ito'y isinalin bilang 100,000,000 onsa [ounce] ng pilak! Iyon ay di-nalalayo sa nakasulat sa RSV (sa gilid ng aking bersyon na 1957 pa), na ang talento ay inilagay sa halagang £300 (300 'pounds') sa pera sa Inglatera. Kaya, ang 10,000 talento ay katumbas ng £3,000,000. Sa taong 1957, ang 'pound' ay nagkakahalaga ng mga US$4, na magbibigay sa atin ng mga $12,000,000 sa pera ng mga Amerikano.

Kailangang magbigay ng paliwanag sa hari ang abang gobernador na ito sa pagkawala ng $12,000,000. Kaya, may malaking bagabag siya. Siyempre, wala siyang paraan na makakuha ng $12,000,000 mula saanman. At kaya, sinabi sa atin ng talinghaga kung ano ang nangyari pagkatapos. Ginawa ng hari ang nakagawiang gawin sa mga bansa sa Silangan nang panahong iyon, lalo na sa Persia, at iyon ay ang ipagbili siya at ang buong pamilya niya sa pagkaalipin. Hindi naman nito ibig sabihin na mababayaran nito ang utang, ngunit iyon ay isang parusa. Mula ngayon, siya'y magiging isang alipin, na sinisipa-sipa, magiging alipin ng bayan. Hindi niya mapamahalaan ang kanyang sariling buhay, kaya ibang tao na ang mamamahala nito mula ngayon. Iyon ang nakaugalian, ang parusa, ng mga panahong iyon. Siyempre, kapag ipinagbili ninyo ang buong pamilya niya, ang makukuha ninyo lang dito ay mga ilang daang dolyares, o maaaring mga ilang libong dolyares. Ngunit iyo'y ginawa bilang parusa.

Kung kaya, itong abang taong ito, sa kanyang pagkadesperado, ay lumuhod sa harap ng hari at nagmakaawa na patawarin siya. Sinabi niyang gagawin niyang lahat ng nararapat para kitain muli itong pera. Paano niya kaya kikitaing muli ang $12,000,000? Ngunit naawa sa kanya ang hari nang makita ang kanyang desperadong kalagayan at pinatawad siya. Sinabi niyang, "Okey, pinatatawad na kita. Wala ka nang utang." Anong saya! Anong laking pagbabago ng mga pangyayari! Napawalang-sala na siya sa pagkakautang niya.

Pagkatapos, siya'y lumabas na. Nang sumunod na araw, ano ang ginawa niya? Nakita niya ang isang kapwa niya lingkod, isang kapwa opisyal ng pamahalaan, na malinaw na mas mababa ang ranggo kaysa sa kanya, marahil dahil mas kaunti ang utang nito. Ang taong ito ay may utang sa kanya ng ilang dinaryo. Sa Intsik, ito'y isinalin na 10 onsa. 10 kumpara sa 100,000,000 - iyon ang kaibahan ng mga utang nila! Napakaliit lang ng utang ng taong ito sa kanya. Sa pera ng Inglatera, ito'y £7. Sa perang Amerikano ng panahong iyon, ito'y mga US$28. Pinatawad siya sa kan-yang $12,000,000 na utang at ang taong ito'y may utang sa kanya ng $28 lamang. At sinabi ng taong iyon, "Patawarin mo ako sa aking utang. Pangako! Babayaran kong lahat ng utang ko."

Higit na posibleng mabayaran ang $28. Ang ibig kong sabihin, hindi ito isang utang na hindi na mababayaran. Ngunit sinunggaban niya ang taong ito sa leeg, na parang sinasakal niya ang leeg nito. Hindi pa siya nakontento sa pagsasakal, ipinatapon pa niya ito sa piitan. Ganito niya pinakitunguhan ang kapwa alipin niya, hanggang sa mabayaran nito ang kan-yang utang sa kanya. Ngunit napakahirap mabayaran ang utang kung ang taong ito'y nasa bilangguan. Pero makikita natin na ito'y dahil sa galit at paghihiganti kaya gusto niyang makuhang muli ang kanyang $28.

Ang pangyayari ay nakarating sa hari, "Yung lingkod, yung opisyal ng pamahalaan mo, na may utang na $12,000,000 at iyong pinatawad, ay ayaw patawarin ang kapwa niya lingkod na may utang sa kanya ng $28." Ngayo'y tingnan kung paano nagpatuloy ang kuwento, ang talinghagang ikinukuwento ng Panginoong Jesus sa atin. Ipinatawag muli ng hari ang lingkod na ito, itong ministro, at sinabi sa kanya, "Bakit nang hilingin mong patawarin kita sa iyong utang ay malaya kitang pinatawad. Hindi ba't dapat mo ring gawin iyon?" At pansinin ang mga salitang ito: "...na gaya ko namang nahabag sa iyo?²" [Mateo 18:33] "Hindi ba dapat mo rin siyang patawarin? Ngunit dahil hindi mo siya pinatawad, kaya...". Ano ang nangyari? Pansinin ang sinasabi ni Jesus: siya ay "nagalit²." [bs.34]

Ang galit ng hari ay laban sa ministrong ito! Hinawakan niya ang taong ito't ibinigay sa mga bantay-bilangguan, sa mga tagapagpahirap. At doo'y ikinulong ang taong ito hanggang makabayad siya sa buong $12,000,000. Sa ibang salita, hindi niya kailanman mababayaran ito. Ang parusa'y walang hanggan. Sa buong buhay niya, hindi niya mababayaran ang $12,000,000. At tinapos ng Panginoong Jesus ang talinghagang ito sa mga salitang ito: "Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid." [bs.35] Namamangha ako kung bakit madalang na ipangaral ang talinghagang ito.

Ang Kasalanan ay Tinutukoy Bilang Isang Pagkakautang
Kaya pansinin kung gaano kapuna-puna't kayaman ang talinghagang ito. Ngunit upang maunawaan ang lahat ng nakikita natin sa siping ito, pansinin muna natin ang kalikasan ng kasalanan. Ang kasalanan ay paulit-ulit na tinutukoy bilang isang utang. Ito'y isang utang na inutang - at anong uri ng isang pagkakautang! - lalo na sa relasyon natin sa Diyos. Ang kasalana'y isang pagkakautang - sa anong paraan? Hindi ba sa paraang ito: na ang kasalanan, sa tuwing kayo'y nagkakasala, hindi lamang na ipinahamak ninyo ang ibang tao, kundi ang inyong sarili na rin. Dahil sa may ipinahamak kayong iba, kailangang pagbayaran ninyo rin ito sa kalaunan? Ang kasalanan ay negatibo sa kalikasan nito. Kung kaya, ito'y laging nagbabawas mula sa kung anong mayroon na. Ito'y tungo sa lalong malalim na pagkakautang. May nakasisirang katangian ito, kung kaya ang kasalanan ay laging may malaking kapinsalaan.

Pinag-usapan namin noong isang araw sa Bible study ang tanong na ito: Bakit hindi mapatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan nang hindi pupunta si Jesus sa krus? Napansin ko sa okasyong iyon kung gaano karaming tao ang nabigong sagutin ang tanong na iyon. Ito'y dahil sa hindi nila naunawaan ang kalikasan ng kasalanan bilang pagkakautang. Kung naging sanhi kayo ng pagkapahamak ng ibang tao, may utang kayo sa taong iyon. Hindi lamang ito isang simpleng bagay ng pagpapatawad; may isang utang na dapat bayaran, isang halagang dapat tubusin. Dahil ang pinag-uusapan ay mismo sa kadahilanang ito: na ang sinumang magpapatawad sa inyong utang ay siya mismong aako ng halagang iyon.

Kung binasag ninyo ang bintana ng ibang tao, ipinaako ninyo sa taong iyon ang halaga ng bintanang iyon. Hindi sapat na sabihin sa taong iyon na, "Patawad." Maaari niya kayong patawarin, ngunit ang salamin ng bintanang iyon ay hindi maibabalik sa dati sa pagsabi lamang ng, "Pinatatawad ko na kayo." Kailangan niyang bayaran ang salaming iyon Isang konkretong pinsala ang nagawa, at ating nakita sa Bible study na iyon, na ang pinsala ay kasing-konkreto. Kung hindi ito pisikal, lubos ko pa ring mapipinsala ang isang tao sa kanyang damdamin. Maaari kong mapinsala ang isang tao sa kan-yang pag-iisip at maaari rin sa kanyang espiritu. At ang ganoong uri ng pinsala'y higit na masama pa kaysa sa materyal na pinsala.

Ang isang pirasong salamin ay mapapalitan ng walang kaproble-problema. Maaari akong manakit sa pisikal; ang sugat ay maaaring gumaling bagama't may pilat na mananatili magpakailanman. Ngunit ang sugat sa espiritu ng isang tao'y mag-iiwan ng pilat hanggang sa walang hanggan. Kaya, napakaliit ng sugat sa mga materyal na bagay; mas higit ang sugat sa katawan; ngunit hindi matatanto ang laki ng sugat na idinulot sa espiritu.

Iyon ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus na, "Kung naging sanhi kayo ng pagkatisod ninuman, kung sinaktan ninyo siya't pininsala sa espiritu, ang kabayarang darating sa inyo'y hindi makakalkula." Kaya una, ating pansinin kung gayon na ang kasalanan ay hindi isang magaang bagay na maaari nating balewalain sa pamamagitan ng paghihingi ng paumanhin sa Diyos, sa pagsabing, "O Diyos, nagsisisi na ako." Hindi iyon ganoong kasimple. Nakapinsala kayo sa baha-ging espirituwal, at mayroong dapat na managot sa pinsalang iyon.

Kapapansin lang natin na kung anuman ang bagay na iyon, mas mataas ang halaga nito, mas malaki ang halagang ibabayad dito. Ang mga espirituwal na bagay ay higit na mahalaga kaysa sa mga materyal na bagay; kung kaya, higit na mahal ang halaga nito. Kung mabasag ko ang tasang ito, maaaring magkahalaga lamang ito ng mga isa o dalawang dolyares. Kung gawa sa ginto ang tasang ito at ito'y aking nabasag, iba na ang usapan. Kung gawa naman sa kristal ang tasang ito at ito'y nabasag ko, maaari akong magkautang ng $20,000 at hindi $2. Depende ito kung ano ang napinsala ninyo.

Sa Espirituwal, Hindi Natin Mababayaran ang Utang na Sanhi ng Kasalanan
Ngayon, kapag may nabasag akong bagay, hindi ko matatawag na 'kasalanan' iyon dahil iyon ay simpleng isang materyal na pagkakasira. Kung nakabasag ako ng isang bagay, maaaring kasalanan iyon, ngunit napakagaan ang pagsabi niyon. Ngunit ang pinsala ng kasalanan, sa pangunahing espirituwal na pagka-unawa, ay hindi makakalkula. Ito'y walang hangganan. Ito ang dahilan kung bakit sa larawang naririto, ang halaga'y inilagay sa sukdulang bilang. May hangganan pa rin ang $12,000,000. Maaaring hindi natin makakaya-nang bayaran ito magpakailanman, subalit ito'y nakalaan lamang upang ipakita na ang anumang kasalanang ginawa sa espirituwal ay magbubunga sa isang utang na may walang-hanggang bunga, kung kaya, hindi ninyo mababayaran ito dahil wala kayong kakayahang itama ang mga espirituwal na bagay.

Maaari ninyong ibalik ang isang pirasong salamin; hindi ninyo maitatama ang espirituwal na pinsala. Wala sa inyong kapangyarihan na gawin ito. Maaari kayong magsisi, ngunit hindi ninyo ito muling maitatama pa. Kaya, kailangan nating maunawaan ang kalikasan ng kasalanan, at sa gayon, mauunawaan natin kung bakit namatay si Jesus, bakit hindi ito isang kaso na simpleng masasabi ng Diyos na, "Pinatatawad Ko na kayo sa inyong mga kasalanan." Ito'y dahil may halagang dapat bayaran, o utang na dapat bayaran. Ipinakikita ng lahat ng ito ang katotohanan na hindi natin mapalalaya mula sa kasalanan ang ating mga sarili magpakailanman. Ito'y isang utang! Ibig sabihin, ang kasalanan natin sa Diyos ay isang utang na hindi natin kailanman mababayaran. Kung gayon, ipinakikita lamang ng relihiyosong tao na sumusubok na makamit ang sarili niyang kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting gawa na hindi niya nauunawaan ang kalikasan ng kasalanan.

Hindi natin maililigtas ang ating mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting bagay. Kung nauunawaan ninyo ang kalikasan ng kasalanan, alam ninyo na walang paraan upang mabayaran ninyo ang inyong mga kasalanan gaanuman karaming mabubuting gawa ang inyong gawin. Ang pagpunta sa simbahan araw-araw ay hindi paraan upang maligtas ninyo ang inyong sarili. Ang magmagandang loob sa mga tao ay mabuti, subalit hindi ninyo maililigtas ang inyong sarili sa ganoong paraan. Ito'y dahil sa napakalaki pa rin ng ating utang. Kahit gumawa pa kayo ng mabubuting gawa, gaanuman karami, hindi pa rin mababayaran ng mga iyon ang pagkalaki-laking utang ng kasalanan na inyong naipon. Ito'y dahil ang isang kasalanan laban sa Diyos ay maglalagay sa inyo sa pagkakautang sa halagang 100,000,000 onsa ng pilak sa Intsik na pagsalin [o $12,000,000 sa Ingles].

Gaano Man Kalaki ang Ating Kasalanan, Laging Handang  Magpatawad ang Diyos
Kung aking insultuhin ang isang bata, napakasama niyon. Kung ininsulto ko ang isang may-edad na, masama rin iyon. Ngunit kung ininsulto ninyo ang gobernador ng probinsya, maaaring mas marami ang mawawala sa inyo. Kung insultuhin ninyo ang hari, lagot kayo! Masdan: ang magkasala laban sa isang tao ay masama na. Ang magkasala laban sa Diyos - paano natin kakalkulahin iyon? Ngunit bigyang-pansin ito sa ating talinghaga: sinasabi ni Jesus na, "Ang Diyos ay laging handang magpatawad." Kapag tayo'y tapat na nagsisisi, tiyak na magpapatawad Siya. Gaanuman kalaki ang inyong utang, tiyak na Siya'y magpapatawad. Kaya pag-aralan ang isa pang prinsipyong ito, hindi kailanman panghahawakan ng Diyos ang anumang kasalanan laban sa inyo, kung kayo'y nakahandang magsisi.

Madalas kong sabihin dati, na kahit si Judas na nagkanulo o nagtaksil kay Jesus, kung siya'y lumapit kay Jesus sa huling sandali at lumuhod sa harap ni Jesus, at nagsabing, "Panginoong Jesus, tingnan ang aking nagawa! Ipinagkanulo kita. Ipinagkanulo ko ang inosenteng dugo. Nagmamakaawa ako sa Iyo, patawarin Mo ako." Sa palagay ninyo ba'y mapapatawad siya ni Jesus o hindi? Kilala kong mabuti si Jesus para sabihing tiyak na mapapatawad ni Jesus si Judas. Sasabihin Niyang, "Buo kitang pinatatawad." Subalit humingi ba si Judas ng kapatawaran? Hindi! Kaya pansinin ito: kung hihingi kayo ng kapatawaran, gaanuman kalaki ang kasalanan ninyo, tiyak na patatawarin kayo ng Diyos. Walang kasalanan na hindi Niya mapapatawad, kung may tunay at tapat na pagsisisi mula sa puso.

Subalit kailangang may kababaang-loob, may kapagkumbabaan kayong magsisi. At laging tandaan ito: gaanuman kalaki ang inyong kasalanan, Siya'y magpapatawad. Halos di-kapani-paniwala nito para sa atin, ngunit iyon ang turo Niya. At kahit na paano pa man kayo nagkasala laban sa Diyos, palagi pa rin Niya kayong patatawarin. Laging tandaan iyon. Ngunit pansinin ito: Si Judas ay hindi bumalik kay Jesus; hindi siya humingi ng kapatawaran. Ang hindi niya hiningi, hindi niya nakamtan. Kaya, kung tayo'y lalapit sa Diyos at hihingi ng Kanyang kapatawaran, tiyak na magpapatawad Siya. Ngunit sa kaso ng isang Cristiano, kailangan ko kayong bigyan ng babala rin, maaaring magbigay Siya ng ilang pagdidisiplina sa inyo. Subalit tiyak pa ring patatawarin Niya ang inyong mga kasalanan.

Maaaring Mapawalang-Bisa ang Kapatawaran Kung Tayo'y  Naging Kampante't Nakasiguro na Rito
Dito'y kailangan nating patuloy na hanapin ang kasagutan sa tanong na ito. Sinasabi rito na, "...patawarin ... gaya" - 'gaya', sa katulad na paraan ng -"pagpapatawad ko." Hayaan ninyong itanong ko sa inyo ito. Ang lingkod na ito - siya ba'y pinatawad? Hindi ba sa una'y pinatawad na siya sa kanyang kasalanan? Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ito. Tandaan ninyo ito. Wala akong pakialam kung kayo'y Cristiano o di-Cristiano, ang Diyos ay Diyos na sobrang mahabagin.

Sa sanlibutan, kung may sinumang opisyal ng pamahalaan na pumunta sa isang hari at humingi ng kapatawaran sa kanyang $12,000,000 utang, makasisiguro kayo na wala siyang pag-asang makuha ito. Walang hari ang magpapatawad sa kanya. Subalit ang talinghagang ito'y siyempre'y hindi totoo sa buhay, dahil walang sinumang hari ang magpapatawad sa $12,000,000 na utang. Posibleng may ganoong tao, hindi ko alam. Ngunit medyo kakaiba siya. Ito'y nakalaan upang ipakita sa atin na nakahandang gawin ng Diyos ito. Ngunit ngayo'y pansinin ito, pagkatapos na mapatawad, maaari na ba siyang maging kampante't sigurado sa sarili niya?

Alam ninyo, maraming tao ang nagsasabi nito. Pansinin muli ito. Palaging may ganitong doktrina na "minsang naligtas, palagi nang ligtas", "minsang napatawad, palagi nang napatawad." Ganoon ba iyon? Tingnan ang turo sa Kasulatan para sa inyong sarili. Huwag basta-basta na lang maniwala sa akin. Siyasatin ninyo ang turo sa Kasulatan.

Naririto ang isang tao na, tulad ng sinumang Cristiano, ay lumapit sa Diyos at nagsisi sa kanyang kasalanan. Siya ba'y tapat? Gaanuman siya katapat, pinatawad siya ng Diyos, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos nang kayo'y nagsisi sa inyong kasalanan. Siya ba'y tunay na napatawad? Oo, tunay na napatawad siya! Pinawalang-sala na siya sa pagkakautang niya. Sinabi ng hari na, "Bale-wala na ang $12,000,000 na utang mo. Malaya ka na ngayon. Makaaaalis ka na." Iyon mismo ang ating karanasan nang tayo'y lumapit sa Diyos at ating sinabi, "Panginoon, patawarin Mo ako. Ako'y isang makasalanan. Lumalapit ako sa Iyo nang walang [maidadahilan]. Ako'y nasa ilalim ng Iyong habag. Maaari Mong gawin sa akin ang anumang nais Mo. Alam kong maaari Mo akong ipagbili. Maaari Mo akong ibigay sa mga taong lubos na magpapahirap sa akin. Ngunit kahabagan Mo ako!" At pinatatawad tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan.

Pagkatapos, anong nangyari? Siya'y lumabas, at ano ang kanyang ginawa? Sinunggaban niya ang kapwa alipin niya't siningil ang $28 niya. Pansinin muli: kahit na napatawad na siya, at tunay na pinatawad, ngunit dahil sa pagtrato niya sa kapwa alipin niya sa ganitong paraan, ano ang nangyari sa kanya? Ang utang niyang napatawad na ay ibinalik; ang kapatawaran niya'y napawalang-bisa. Kung kayo, mga kapatid, ay mabubuhay na kampante na sa inyong sarili dahil sa isang doktrina na "minsang naligtas, palagi nang ligtas," mabuti sigurong maghanap-hanap kayo ng ilang basehan sa Kasulatan para rito. Kailangang siguraduhin ninyong alam ninyo kung ano ang sinasabi sa Biblia, hindi ang kung ano ang sinasabi ng ilang mga pastor. Alamin kung ano ang sinasabi ng Biblia.

Kailangang Patunayan Nating Nararapat Tayo sa Kapatawarang Natamo Natin
Maaaring napatawad na nga kayo sa lahat ng inyong mga utang, oo, at tunay nga ito. Ngunit sa paglabas ninyo, inyong tinrato ang kapwa Cristiano sa isang walang galang, walang kabaitang, walang pagpapatawad na ugali. Kapag humarap kayo sa Diyos, inyong matatagpuan na ang $12,000,000 utang ninyo'y bumalik na sa inyo. May napakahalagang prinsipyo rito na kailangan nating lubos at malinaw na maunawaan. Ito'y ang prinsipyo ng turo ng Panginoon tungkol sa pagiging karapat-dapat.

Ang nangyari rito'y ito: na pinatunayan ng lingkod na napatawad na na hindi siya karapat-dapat sa kapatawarang iyon. Ngayon, kung mayroon kayong concordance, hinihiling kong hanapin ninyo ang salitang 'karapat-dapat' [worthy] sa inyong concordance. Sa di-katagalan, aking ipaliliwanag ang turo ng Panginoon sa pagiging karapat-dapat. Maaaring napatawad kayo, ngunit maaaring hindi kayo karapat-dapat sa kapatawarang iyon. At makikita ninyo na: kapag hindi kayo karapat-dapat, hindi rin pala kayo mapapatawad.

Iyon ang dahilan na sinasabi ni Apostol Pablo na, halimbawa, sa Efeso 4:1, Colosas 1:10, 1 Tesalonica 2:12, muli't muli niyang binigyang babala ang mga Cristiano na lumakad nang nararapat sa Panginoon. Ano ang kahulugan niyon? Sinasabi niyang, "Lumakad nang nararapat sa Panginoon. Binabalaan ko kayo! Nagsusumamo ako sa inyo, dahil kung hindi, posibleng matagpuan ninyo ang inyong sarili na itinapon; kayo'y itinakuwil." Ito'y isa pang bahagi sa turo ni Pablo, "...upang pagkatapos na makapangaral sa iba, ako mismo ay hindi itakuwil." [1 Corinto 9:27] Ano ang ibig niyang sabihin sa 'itakuwil'? Isipin ninyo ito. [Ito'y] ang mapatunayan na ako'y hindi karapat-dapat!

Ang pagiging Cristiano, sinasabi ko sa inyo, kahit na hindi kayo Cristiano, ay hindi isang madaling bagay. Hindi lamang ito simpleng pagsabi na, "Ako'y naniniwala sa Diyos", "Ako'y naniniwala kay Jesus", [na para bagang] napakasimple lamang nito. Nangangahulugan ito na hanggang walang isang tunay na pagbabago sa inyong pakikitungo sa ibang tao, bilang bunga ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos, maliban sa magbago ang buong pakikitungo ninyo sa ibang tao, maaaring tawagin ninyo ang inyong sarili na Cristiano hanggang sa mga huling araw ninyo, subalit hindi kayo kilala ng Diyos. Isipin ito. Ito'y isang katanungan ng pagiging karapat-dapat. Ang mga naanyayahan sa handaan ay di-karapat-dapat. Sila'y inanyayahan, oo, subalit hindi sila karapat-dapat. Kaya hindi nila natikman ang handa.

Ang buong turo ni Jesus tungkol sa pagiging karapat-dapat ay ito: minsang naging Cristiano na kayo, huwag na huwag na lamang mauupo't magiging kampante, at sabihing, "Okey na ko ngayon. Ako'y okey na. Tanggap na ako sa langit." Ako'y nagpapasalamat sa Diyos na sa Kanyang katalinuhan, hindi Niya tayo kailanman pina-yagang tawagin ito na 'katiyakan.' Tinatawag ba ninyo ito na 'katiyakan'? Sasabihin ko sa inyo kung ano iyon. Hindi iyon katiyakan. Iyon ay panlilinlang sa sarili! Iyon ay pagiging kampante nang mali [complacency].

Ang 'katiyakan' sa Biblia ay buong naiiba. Ang 'katiyakan' sa Biblia'y nangangahulugang kapag kayo ay lumalakad sa liwanag, sa pakiki-ugnayan sa Diyos, sa pagsunod sa Kanyang utos, ang Banal na Espiritu ay nagpapatotoo mismo sa inyong espiritu na kayo ay anak ng Diyos. Iyon ang 'katiyakan' ayon sa Biblia. Kung wala kayo ng panloob na patotoo ng Banal na Espiritu na kayo ay anak ng Diyos, kung gayon, ang anumang tinatawag ninyong 'katiyakan' ay pawang panlilinlang lamang sa sarili. Mayroon ba kayong patotoo ng Espiritu?

Ating pag-aaralan iyon sa Roma Kapitulo 8 sa loob ng 2 o 3 linggo pa, ang 'katiyakan' na nalalaman kong ako'y anak ng Diyos. Hindi ako nabubuhay sa hula-hula lamang. Alam kong ako'y isang anak ng Diyos. Ngunit ang katiyakang iyon ay hindi nagbibigay sa akin ng anumang dahilan para maging kampante sa aking sarili na mag-asal at sabihin sa aking sarili na, "O, okey na ko. Ako'y Cristiano na ngayon." Walang higit na nakamamatay para sa mga Cristiano nakampante na sa sarili at binabati na ang mga sarili nila, at para sa iglesia sa mga panahong ito, kaysa sa pagsasabi ng, "Okey na ako't ligtas na!" Huwag kayong sumali sa kaawa-awang grupong ito ng mga Cristianong kuno. Kaila-ngang patunayan ninyo na kayo'y karapat-dapat sa Ebanghelyo. Gaya ng sinasabi ni Pedro sa mga taong kanyang sinulatan, "lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo". [2 Pedro 1:10] Iyon ay, patunayan na karapat-dapat kayo sa inyong mataas na pagkatawag. Kapag hindi ninyo ginawa iyon, maaari ninyong matagpuan na sa Araw na iyon, hindi man lang kayo kilala ng Diyos. Hindi pala kayo Cristiano.

Pinakikitunguhan Tayo ng Diyos sa Katulad na Paraan ng Pakikitungo Natin sa Iba
Dito'y gusto kong pansinin ninyo muli ang kahalagahan ng bagay na ito. Hindi ko alam kung maipararating ko ito nang malinaw sa inyo. Dinadalangin ko na sa biyaya ng Diyos, tutulungan Niya akong gawin ito, na inyong mauunawaan ang prisipyong naririto: Pakikitunguhan kayo ng Diyos sa katulad na paraan ng pakikitungo ninyo sa ibang tao. Inaasahan Niya na pakikitunguhan ninyo ang ibang tao gaya ng pakikitungo Niya sa inyo. Ngunit kung hindi ninyo ginagawa iyon, pakikitunguhan Niya kayo sa katulad na paraan ng pakikitungo ninyo sa iba.

Iyon ang punto ng 'gaya' - ang mahalagang maliit na salitang 'gaya.' "...patawarin mo kami sa aming mga utang gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin." Pansinin ang salitang 'gaya.' O, may mga maiikling salita sa Biblia, ngunit anong laking halaga ng mga ito! Sa buong bukabularyo sa Ingles, ang salitang 'I' (ako) ay iisang letra lamang. Ngunit hindi ko alam kung may mas mahalaga pang salita sa buong bukabularyo. Kailangang alam ninyo ang 'I.' Isang guhit lamang ito. Hindi na mapapasimple pa ito nang higit doon. Kahit ang bilog ay mas kumplikado. Kaya ang kahalagahan ng isang salita'y wala sa haba nito. Ang ilang mga guro'y gustong gumamit ng malalaki't mahahabang salita. Iniisip nila na kung mas malalaki't mas mahahabang salita ang gagamitin nila, may nasabi na silang mas mahalagang bagay. Sa katunayan, siyempre, ang ilan sa pinakamahalagang bagay ay sinasabi sa pinakasimpleng pananalita.

"Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan gaya ng pagpapatawad namin" - pansinin ang mahalagang maliit na salitang iyon. At ang ibig-sabihin nito ay: Kung hindi kayo nagpatawad, hindi rin kayo patatawarin. Kung nagpatawad kayo, kayo rin ay patatawarin. Kung paano kayo nagpatawad, ganoon rin ang sukat na mapapatawad kayo. O, tunay itong di-kapani-paniwala!

Ngayon, inilalagay ng Biblia ang katotohanang ito sa napakaraming paraan. Ang kahulugan ay ito: kung malupit kayo sa inyong kapatid na lalake o babae, sa ina ninyo, sa asawa ninyo, sino man kayo, magiging malupit din sa inyo ang Diyos. At sa panukat na gaya ng pagiging mabait ninyo sa kanila, iyon din ang panukat na mapapatunayan ninyong kayo'y karapat-dapat sa biyayang iyon. Subukang unawain ito. Kung ako'y bastos at salbahe sa isang tao, hindi ko kailangang isipin na magiging mabait ang Diyos sa akin. Ngunit kung ako'y mabait sa isang tao, kahit kakaunti lamang, maaari akong makatanggap din ng kaunting kabaitan mula sa Diyos. Nauunawaan ninyo kaya ang prinsipyong binabasehan nito? Subukang unawain ito. Sa umpisa'y maaaring mahirap ninyong maintindihan, ngunit habang nagpapatuloy kayo, magiging palinaw nang palinaw ito sa inyo.

Ang karunungan ng Diyos ay ito: Ginawa Niya kayong tagapaghusga nang kung paano kayo huhusgahan. Sa ibang salita, sa wakas, kayo ang sarili ninyong hukom. Iyon mismo ang sinabi ni Jesus, "...sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka." [Mateo 12:37] Sa ibang salita, kayo ang maggagawad ng inyong sariling sentensya. Alam ninyo ba iyon? O, ang karunungan ng Diyos ay di-kapani-paniwala! Tunay na di-kapani-paniwala! Habang mas binabasa ko ang Biblia, mas lalo akong namamangha sa turo nito. Alam ninyo, sa Araw ng Paghuhusga, may madidiskubre kayong isang bagay. Madidiskubre ninyo na kayo pala ang sarili mismo ninyong hukom; na kayo ang hahatol sa inyong sarili. Paano? Sa kung paano ninyo hinatulan ang ibang tao, hinatulan ninyo na ang inyong sarili.

Iyon ang punto ng "Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sa-rili." Nakita ninyo ba iyon? Kumusta na siya? Siya ang inyong sarili, na kung anuman ang ginawa ninyo sa kanya, ginawa ninyo rin iyon sa sarili ninyo. Kaya, mas mabuti na mahalin ninyo siya gaya ng sarili ninyo dahil kung hinatulan ninyo siya, hinatulan ninyo na rin ang inyong sarili. Mahirap bang unawain iyon? Tingnan, sa kung anumang paraan ninyo pinakitunguhan ang ibang tao, ipinakikita nito kung ano ang palagay ninyo sa dapat na pakikitungo sa isang tao. Kung sa palagay ninyo'y kailangang pakitunguhan ang ibang tao na tulad nito, bakit kailangang maiba ang pakikitungo sa inyo? Iyon ang punto. Nauunawaan ninyo ba ito?

Kung ako'y bastos at malupit sa taong ito, bakit ako aasa ng mas mabuting trato kaysa sa taong iyon? Ipinapalagay ko ba na mas mabuti ako kaysa sa kanya? Kung ganoon nga, niloloko ko lamang ang aking sarili.

Ilagay natin ito sa ibang pananalita. Maraming iba't ibang larawan ang ginamit sa Biblia upang ipahayag ang iisang katotohanang ito. Halimbawa, sa Galacia 6:7, sinasabi ni Pablo ang katotohanang ito sa ibang paraan. Sinasabi niya ito: "ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin." Naiintindihan ninyo ba iyon? Kapag naghasik kayo ng kalupitan, aani kayo ng kalupitan. Ibabalik ninyo iyon sa inyong sarili. Kapag naghasik kayo ng kabutihan sa ibang tao, makakukuha rin kayo ng kabutihan sa inyong sarili. Iyon ang prinsipyo. Ginagamit ni Pablo ang parehong salita, ang parehong ideya, na inilagay sa ibang larawan upang tulungan kayong maunawaan ito.

Ginagamit muli ng Panginoong Jesus ang katulad na larawan sa Mateo 7:2. Sinasabi Niyang, "...sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo." Nauunawaan ninyo ba iyon? Iyon ang dahilan kaya Niya sinabi na, "Huwag humatol", sapagkat sa panukat na isusukat ninyo, kayo [ay huhusgahan]. Kung malupit kong huhusgahan ang isang tao, ako'y malupit ding huhusgahan. Sa panukat na isinukat ko, ako'y susukatin. Kung mabait kong hinusgahan ang isang tao, mabait din akong mahuhusgahan. Kung hindi ako maghuhusga, hindi rin ako mahuhusgahan. Nauunawaan ninyo ba? O, ang karunungan ng Diyos ay di-kapani-paniwala. Ang tanging problema - gaya ng problema ng isang guro - ay sinusubukan kong maunawaan ito ng mga tagapa-kinig. Kaya, para mapatawad ako, kailangan ko ring magpatawad.

Ngayon, nauunawaan na ba ninyo ang 'gaya' sa: "Patawarin ako gaya ng pagpapatawad ko"? Kapag hindi ako nagpatawad, hindi rin ako mapapatawad. Sinasabi mismo iyon ng bs.14&15, "Kung magpapatawad kayo, kayo ay patatawarin. Kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin." Ito'y isang di-kapani-paniwalang katotohanan. Ito'y maaaring ibuod sa mga salitang ito: Pakikitunguhan kayo ng Diyos sa kung paano ninyo pinakikitunguhan ang ibang tao.

Kaya, sa susunod ninyong pakikitungo sa ibang tao, isipin ito. Pakikitunguhan kayo ng Diyos sa kung paano ninyo pinakikitutu-nguhan ang ibang tao. Sinumang ibang tao - hindi ito mahalaga! Pakitunguhan ninyo ang isang bata o isang matanda o ang sinuman nang tulad niyon - kung paano ninyo sila pinakitunguhan, iyon ang panukat kung paano din kayo pakikitunguhan.

Ipinakikita niyon kung paano kinakailangang maingat na lumakad ang isang Cristiano at matutong lumakad nang karapat-dapat sa Pa-nginoon. Sa palagay ninyo ba'y hindi mahalaga ang buhay, iyon ay, kung anong uri ng buhay ang ipinamumuhay ninyo? O, lubhang mahalaga ito. Nangangahulugan din iyon na kapag iniibig ko ang isang tao ng lahat ng meron ako, iibigin din ako ng Diyos ng lahat ng meron Siya. Sulit iyon!

Iyon ang prinsipyo ng buhay-Cristiano. Pag-aralan ninyo ang sekretong iyon at matututunan ninyo na ang lahat ng bagay na mahalagang matutunan sa buhay-Cristiano. Mag-iwan kayo ng ilang bagay para sa inyong sarili at may itatago ring ilang bagay ang Diyos sa inyo. Kaya, pag-isipan ninyo ang tungkol dito. Kapag ayaw ninyong mabuhay para sa Diyos, kapag may gusto kayong itagong ilang bagay para sa sarili ninyo, isipin ninyo iyon, kung gaano ang mawa-wala sa inyo. Kapag nabuhay kayo para sa Diyos, nabubuhay Siya para sa inyo. Mabuhay kayo para sa inyong sarili't iyon na ang katapusan. Hindi Siya mabubuhay para sa inyo. Iyon ang mahalagang prinsipyo sa buhay-Cristiano na sinasabi ni Jesus sa atin dito. Uulitin ko ito minsan pa, dahil hindi ito maulit nang sapat na beses: Pakikitunguhan kayo ng Diyos sa kung paano ninyo pinakitunguhan ang ibang tao. Iyon ang prinsipyong dapat ninyong maunawaan.

Kapag naunawaan na natin ito, maaapektuhan ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao! Sa susunod na beses na mawawalan na ako ng pasensya sa ibang tao, iisipin ko munang, "Teka sandali! Kapag nawalan ng pasensya ang Diyos sa akin, lagot ako! Hindi! Hindi ko papayagang mangyari ito. Tatandaan kong tuwing huhusgahan ko ang isang tao, hinuhusgahan ko na ang aking sarili. Hindi! Hinding-hindi ko susubukan ito. "Huwag humatol"! Kaya sinasabi rito, "Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan." [Mateo 7:1] Kung gusto ninyong sanayin ang luho ng paghuhusga, sumige kayo, ngunit kayo ay mahuhusgahan ayon sa katulad na prinsipyong ginamit ninyo sa paghuhusga ng iba. At kung mauunawaan iyon ng malalakas magsalita na nasa napakaraming iglesia, na nagsasalita ng masasama sa likod ng ibang tao, sinisiraan ang puri ng ibang tao at nagsasabi ng mga di-mabubuting salita, naku! Hindi ko gustong tumayo sa katayuan nila kapag nagkalkula ang Diyos [ng mga utang].

Ang Tungkulin Nati'y  Magpatawad: Sa Makapitumpung Pito
Ngunit ngayo'y ating tingnan ang puntong ito rin. Maaari nating sabihin na, "Kung gayon nga ito, ating matatagpuan na tayo'y laging may tungkuling magpatawad." Dito sa umpisa ng Mateo 18:21&22, sinabi ni Pedro, "Makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?" Sinabi ni Jesus sa kanya, "Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito." [Iyon ay] pito sa kapangyarihan ng pitumpo. Kung ang ibig sabihin Niya'y 7x70, maaari Niyang sabihin ito. Ngunit ang 70x7 ay paglalagay sa salungat na paraan. Iniisip ng maraming tao na maaa-ring ito'y 7 na may maliit na 70 sa sulok. 7 sa kapangyarihang 70. Iyon ay napakalaking bilang, parang iyong nabanggit na nating 100,000,000 onsa ng pilak, isang napakala-king numero. Tuloy-tuloy ninyong imini-multiply ang pito sa sarili niya - 7x7x7x7x7 - at iyon ay makararating sa isang napakalaking bilang. Ibig sabihin, ito'y isa lamang larawan ng pagsasabing, "Patawarin ninyo sila sa anumang ulit ng pagpapatawad na kakailanganin nila. Ibigay sa kanila ang lahat ng kapatawaran na kailangan nila. Huwag ninyong lilimitahan kailanman ang pagpapatawad."

Ang isang bagay na dapat unawain ay ito: Kung sinabi sa atin ng Diyos na gawin iyon, ginagawa rin Niya iyon. Hindi Siya kailanman nabibigong gawin ang anumang sinasabi Niyang gawin natin. Iyon ang kung bakit ko sinabi sa simula pa lang na palagi Niya tayong patatawarin, gaanuman kalaki ang halaga ng utang - kasalanan - natin sa Kanya. Ngunit ibig-sabihin ba niyon na sasamantalahin natin ang kagandahang-loob Niya? O, kung gayon, hindi ba tayo nasa posisyong samantalahin [ang kabutihan ng] isang Cristiano? Siguro'y maaari kong samantalahin [ang kabutihan ni] Alex rito; alam kong isa siyang mabuting Cristiano. Kaya parati kong sasamantalahin [ang kabutihan] niya. Sasabihin ko sa aking sarili, "Isa siyang mabuting Cristiano. Palagi niya akong mapapatawad." Sasabihin ko sa kanya, "O, binabasa mo ba ang Biblia? Sinasabi rito na kaila-ngang patawarin mo ako." Pinatawad niya ako, kaya inulit kong gawin ito. Ikalawang ulit na ito. Hindi bale, ang ikalawang ulit ay hindi pa naman 70x7. Kaya't patuloy ko siyang iniinis at pinapagdusa, at kailangang patuloy niya akong patawarin. Ha, ha! Ang ga-ling! Paulit-ulit kong magagawa ang bagay na ito! Anong palagay ninyo tungkol doon?

Kataka-taka, may mga Cristiano ang gumagawa mismo niyon. Alam ninyo, minsan nang ako'y nasa London - hindi ko kailanman makalilimutan ang pangyayaring iyon - ako'y lilipat sa isang 'flat' kasama ng dalawang kapatirang lalake. Dito [sa Canada] tinatawag nila itong isang 'apartment'; sa London, ito'y isang 'flat.' Ako'y lilipat sa apartment na ito kasama ng dalawang kapatirang lalake at sila'y dapat dumating sa isang nakatakdang oras, na palagay ko'y mga 9:00 ng umaga. Kaya ako'y nakahanda na't naghihintay. Walang sinuman ang dumating! Mula 9:00, naging 10:00, pagkatapos ay 11:00. May telepono kami pero walang sinuman ang tumawag. Hindi ko alam kung ano na ang nang-yayari.

Makalipas ang 2½ oras, dumating silang nakangiti, at sinabing, "Sori, na-late kami. Hindi ka nagdamdam, 'di ba?" Sinabi kong, "Hindi, okey lang iyon." Bumaling ang isa sa pangalawa - at ito ang hinding-hindi ko makalilimutan - at sinabing, "Sabi ko na sa 'yo, eh! Sabi ko na sa 'yo, si Eric ay isang mabait na tao na parati kang patatawarin." Dagdag pa niya, "Kapag ginawa mo ito sa iba, mamumula na ang kanyang mukha sa galit sa oras na ito. Pero tingnan mo si Eric, napakatahimik niya. Hindi man lang siya nagalit. Lagi ka niyang patatawarin."

Sa isip-isip ko, "Hay naku, ganoon pala ang maging isang Cristiano." Kilalang-kilala niya akong mabuti kaya bale-walang pag-antayin niya ako ng 2½ oras at alam niya na sa huli'y sasabihin kong, "Okey lang iyon. Huwag ninyong alalahanin iyon." Kaya, [sa isip niya'y sinabi niyang,] "Pag-antayin siya ng 2½ oras. Anong kwenta nito?" Kaya, ating nakikita na ang Cristiano'y nagiging lubhang nakalantad sa pagsasamantala ng iba. Nangangahulugan iyon na maaari ninyong samantalahin ang kanyang kabaitan ng ilanmang beses; palagi niya kayong patatawarin. Masarap magkaroon ng mabubuting Cristiano sa inyong paligid. Maaari ninyo silang tapak-tapakan, subalit lagi nila kayong patatawarin.

Ang Kasalanan ay Laging Pagkakasala Laban sa Diyos
Ngayo'y hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang isang bagay. Kung may sinumang nag-iisip ng ganito, siya'y nag-iisip sa napakamangmang na paraan dahil ipinakikita nito na hindi pa niya nauunawaan ang kalikasan ng kasalanan. Ang kasalanan, kung tutuusin ang lahat, ay pagkakasala laban sa Diyos. Hindi ito isang katanungan kung pinatawad na kayo ng taong iyon o hindi; ito'y kung pinatawad na kayo ng Diyos o hindi. Iyon ang tanong. Ang tanong ay hindi: Pinatatawad ko na ba siya sa pagpapaantay sa akin ng dalawa't kalahating oras? Ang tanong ay: Patatawarin kaya siya ng Diyos?

Kaya, kung iniisip ninyo na maaari ninyong samantalahin ang kabaitan ng isang Cristiano - at parati niya kayong patatawarin; tunay na patatawarin niya kayo - tandaan ito: na ang kasalanan ay palaging pagkakasala laban sa Diyos. Ang tanong ay: Patatawarin kaya kayo ng Diyos kapag nagkasala kayo sa ibang tao nang hindi kayo nagsisisi? Ito'y dahil kung ganoon ang pag-uugali ninyo ukol sa kasalanan, malinaw na lubhang pinawawalang-halaga ninyo ito. Walang anumang tunay na pagsisisi roon. Kung bale-wala sa inyo na magkasala sa inyong kapatiran ng ilanmang beses, ipinakikita na winawalang-halaga ninyo ang kasalanan. Pakiramdam ninyo'y, "Okey naman siya. Napakabuti niya. Napakabait niya. Hindi siya magagalit."

Kaya, tandaan ito, ang turo sa Kasulatan ay ito: na sa panalanging "Patawarin Mo kami!" Hinihiling natin sa Diyos na patawarin tayo. Ang panalanging iyon ay hindi sa tao hinihiling; ito'y hinihiling sa Diyos. Bakit? Ito'y dahil sinasabi sa atin ng Biblia na sa kahuli-hulihan, ang anumang kasalanang ginawa ninyo laban sa sinumang tao ay kasalanan laban sa Diyos. Iyon ang punto ng kasalanan. Nagkasala kayo sa ibang tao; nasuway ninyo ang utos ng Diyos. Ito ang dahilan na sinasabi ni David sa Awit 51 na, "Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala". [Sasabihin ninyong:] "Hindi! Hindi, David! Hindi ka lamang nagkasala laban sa Diyos; nagkasala ka laban kay Uriah!" Ngunit bakit sinabi ni David na, "...sa iyo lamang ako nagkasala"? Ito'y dahil alam niya na sa kahuli-hulihan, ang lahat ng kasalanan ay laban sa Diyos. Iyon ang punto, na sa katapusan, Sa Kanya lamang tayo mananagot.

Maaari kitang patawarin, ngunit ang tanong ay, "Magpapatawad ba ang Diyos?" Iyon ang mas mahalagang tanong. Ibig sabihin nito,kapag pinatawad ko ang isang tao, ano ang ginawa ko? Sinasabi kong, "Hindi kita hahatulan. Hindi ako karapat-dapat na hatulan ka." Ngunit ngayo'y naipasa ko na ang paghahatol sa Diyos. Ito ngayo'y nasa pagitan na ng Diyos at ng taong ito. Hindi na ako kasali sa usapan. Kaya tandaan: na sa tuwing magkakasala tayo laban sa isang kapatid kay Cristo, huwag ninyong iisipin na, "Sinabi niyang pinatatawad na niya ako, kaya okey na iyon. Tapos na iyon." Hindi pa ito tapos!

Kaya tandaan, kung gayon, ang mga mahahalagang bagay na nakikita natin sa siping ito, na ang pagiging Cristiano'y nakaaapekto nang malaki sa relasyon natin sa ibang tao. Nangangahulugan ito na ang buong pagkikitungo natin sa ibang tao'y kailangang maging kakaiba. Kung hindi, tayo kung gayon ay hahatulan ayon sa ating pakikitungo sa ibang tao. Isipin ito. Sa susunod, gaya ng aking sinasabi, kung mawawalan kayo ng pasensya o magiging malupit o magiging kasuklam-suklam, at sinabi ninyong, "Ako'y isang Cristiano, okey lang ito. Nakareserba na ang upuan ko sa langit," hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, "Tigilan ninyo na ang panloloko sa sarili ninyo" dahil hahatulan kayo ng Diyos ayon sa panukat na ginamit ninyo sa pag-hatol sa iba.

Kaya nakita natin sa pagtatapos na sa kung paano natin pinakitu-nguhan ang ibang tao, sa ganoon din tayo pakikitunguhan ng Diyos. Ang pagiging isang Cristiano'y hindi lamang ang relasyon ko sa Diyos, na isang personal, pribadong bagay na walang kinalaman sa iba pang tao. Kapag naging isang Cristiano kayo, sa kabaligtaran, kayo ay nagkaroon ng kinalaman sa lahat ng iba pa. Iyon ang dahilan na sa anumang oras na kayo ay naging walang-galang, malupit, bastos, hindi nagpapatawad, nakasasakit o masungit sa ibang tao, sinasabi ko sa inyo na mas mabuti pang magmadali kayong pumaroon sa trono ng biyaya, at sabihing, "Panginoon, patawarin Mo ako. Nagmamaka-awa ako sa Iyo", dahil, kung hindi, pakikitunguhan kayo ng Diyos mismo sa ganoong paraan.

Parusa Para sa mga Di-nagpapatawad; Pagiging Anak sa mga Karapat-dapat sa Kapatawaran
Ngayon, sa pagtatapos, pansinin din ito: ano ang nangyari sa di-nagpapatawad na lingkod na ito? Ang sinasabi sa atin dito sa Mateo 18:34 ay ito, "At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tapapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang." Ano ang nang-yari sa taong ito na minsa'y pinatawad? Napansin natin ang kakila-kilabot niyang katapusan. Siya'y ibinigay sa mga tagapagparusa, sa mga tagakulong.

Siniyasat ko kung paano ginamit ang salitang ito sa ibang lugar sa Bagong Tipan. Lumilitaw ang isang kaugnay na salita sa orihinal, halimbawa sa Lucas 16:23&28. Doon, makikita natin na ito'y nanga-ngahulugang "dako... ng pagdurusa" sa pagkagamit sa bs.28. Sa kanyang pagdurusa, ang mayamang lalaki, na namatay nang hindi nakapagsisi sa hindi niya patulong kay Lazarus nang siya'y nanga-ngailangan - ang nangyari ngayo'y nabaligtad ang kanilang posis-yon. Si Lazarus ay nasa kandungan ni Abraham at siya nama'y nasa dako ng pagdurusa. Ngayon, ang salitang ito, "dako... ng pagdurusa", ang salitang 'pagdurusa' roon ay mismong katulad na klase ng salitang ginamit dito, na isinalin bilang 'tagapagparusa' o 'tagakulong' o anupamang pagsaling nais ninyo.

Sa madaling sabi, ang taong napatawad ay nagwakas sa impiyerno. Minsang naligtas ay palagi nang ligtas? Sinumang nabubuhay sa ganoong katayuan, pag-aralang mabuti ang Biblia, upang hindi magkaroon ng kayabangan, ng pagiging kampante sa sarili niya, hindi maging mapag-walang-bahalang Cristiano, hindi maging mababaw na Cristiano, hindi mga Cristiano-sa-pangalan lamang sa iglesia. Hayaan ninyong bigyan ko ng babala ang sinuman na nag-iisip na maaari siyang maging isang maligamgam na Cristiano, [na di-mainit ni malamig gaya ng tinukoy sa Apocalipsis 3:16], na nakareserba na sa kanya ang langit. Ang taong ito'y nagwakas sa "dako... ng pagdurusa", at alam ninyo kung saan iyon.

Kaya tandaan ito, mga kapatid - ang turo ni Jesus, hindi ba napakatalas nito't tumatagos at nagbabala sa atin sa lahat ng oras? - laging maging alerto sa mga espirituwal na bagay-bagay! Mamuhay ng ayon sa mataas na pagkatawag sa inyo, kung hindi'y hindi ninyo mapapatunayan na karapat-dapat kayo sa pagkatawag na iyon. Kayo'y hindi magiging karapat-dapat. Kayo'y hindi matatagpuan bilang anak ng Diyos.

Pansining muli na nang pinag-aralan natin sa nakalipas sa Mateo 5:45, nang sabihin nitong, "upang kayo'y maging...". Alalahaning binigyang-diin ko sa inyo ito: "upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit", na kayo'y maging karapat-dapat na mga anak Niya. Kung hindi, maaari ninyong matagpuan na hindi pala Niya kayo kilala bilang mga anak Niya.

O, ang kahalagahan ng turong ito! Umaasa ako na bawat isa sa atin ay tunay na pahahalagahan at isasa-puso ito. Kaya, sinasabi ko kung gayon sa inyo, mga kapatid, tandaan ito, may mataas tayong pagkatawag at mahalaga kung anong uri ng buhay ang ating ipinamumuhay. Ang Diyos sa kahuli-huliha'y inaalala ang pagkadalisay ng Kanyang iglesia, sa katangian ng ating buhay. Hindi maatim ng Diyos ang mga Cristiano na hindi mainit ni malamig, na walang pakialam sa ibang tao, na nag-aasal sa di-maintindihang paraan.

Tandaan ito: Kung pinakikitunguhan tayo ng Diyos sa paraan ng pakikitungo natin sa Kanya at sa ibang tao, itanong ninyo sa inyong sarili sa buhay na ipinamumuhay ninyo ngayon, kayo ba'y tunay na maliligtas? Mapatutunayan ba ninyo na karapat-dapat kayo sa Kan-yang kapatawaran? Mahal natin Siya sapagkat una Niya tayong minahal. Una Niya tayong minahal, at kaya, minamahal natin Siya, ngunit siguraduhin na minamahal nga natin Siya. At ang paraan na maipapakitang mahal natin Siya, sinasabi ni Juan sa atin, ay nakikita sa kung paano natin mahalin ang ibang tao. Sinasabi ni Juan, "...ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita." [1 Juan 4:20]

Kailangang makita ito sa ating buhay! Iyon ay ganap na mahalaga, upang magkaroon ng isang iglesia na tunay na nagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos. Iyon ang itinatawag na gawin natin. Kaya, tandaang muli ang mahahalagang salitang ito: "...patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya ng pagpapatawad namin sa mga may utang sa amin." Kung hindi tayo magpapatawad, hindi rin tayo mapapatawad. Sa anong panukat na sinukat natin, ganoon din tayo susukatin.

Tapos ng mensahe.

¹Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001 sa lahat ng bersikulong sinambit, maliban kung sinabing galing sa ².

²Ang Biblia: Tagalog-English Diglot Bible, Philippine Bible Society, 1995.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.