CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"
(The Lord's Prayer - 7 - "Lead Us Not Into Temptation, But Deliver Us From Evil")

Mateo 6:13, Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ang panalangin sa Mateo 6:13, sa katunayan, ay isa sa lubhang madalas ninyong binibigkas: "At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.š" Ano ang kahulugan niyon? Atin ngayong titingnan kung gayon sa ika-anim at ika-pitong linya ng 'Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon', at tatanungin natin: Ano nga kaya ang kahulugan nito?

Tungkol sa Katapusan ng 'Ang Panalangin ng Panginoon'
Kailangan ko ngayong banggitin bago ako magpatuloy na 'Ang Panalangin ng Panginoon,' sa pagtuturo ng Panginoong Jesus nito, ay nagtatapos dito. Ngunit [ang iba'y] sanay na marinig na ito'y may pagtatapos na: "Sapagkat iyo ang kaharian, ang kapangyarihan at ang kaluwalhatian". [Mateo 6:13 sa 'talababâ'š] Mapapansin ninyo na walang ganoong pagtatapos sa Bagong Tipan, at marahil ay nagtataka kayo kung bakit ito ganito. Ang dahilan ay ito: na sa pana-langin ng mga Hudyo, may dalawang paraan ng pagtatapos sa isang panalangin. Isa rito ay ang bukás na pagtatapos, at ang isa pa'y ang saradong pagtatapos. Dito sa Bagong Tipan, sa turo ng Panginoon, narito ang isang panalangin na naiwang bukas; wala roong pagtatapos. Kailangan ninyong maglagay ng inyong sariling pagtatapos dito, na tinatawag ng mga Hudyo na 'hatima' - ang 'pagtatapos.' At kaya, ito'y isang bukás na panalangin, iyon ay, ito'y hindi nagtapos sa puntong iyon. Kailangan ninyong magpatuloy. Maaari kayong magpatuloy at tapusin ang panalangin ayon sa paggabay sa inyo ng Banal na Espiritu. Kaya, tunay na nailagay na sa panalangin ang lahat ng pinakapangunahing sangkap doon, subalit ang pagtatapos ay ayon sa paggabay na ng Banal na Espiritu sa inyo.

Sinabi ko rin mula pa sa simula na 'Ang Panalangin ng Panginoon' ay hindi nakalaan para ulit-ulitin lamang nang hindi iniisip, kundi ito'y upang sabihin sa atin ang mga pinakaimportanteng mga bagay na kinakailangan nating ipanalangin. At sa pagtatapos nito, tatapusin ninyo ito sa paggabay ng Banal na Espiritu, dahil ang lahat ng panalangin ay kinakailangang ipanalangin sa Espiritu kung ito'y magiging tunay na panalangin. Kaya, inyong tinatapos ang panalangin batay sa inyong sariling mga salita.

Ang tanong samakatwid ay: Paano nangyari na sa ngayon, karaniwang nagtatapos ang panalanging ito sa mga salitang: "Sapagkat iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian"? Paano nangyari iyon? Ito'y dahil sa huling bahagi ng unang siglo, ang iglesia ay nagdagdag na ng sarili nitong pagtatapos, sapagkat naramdaman ng iglesia na ang isang panalangin ay hindi dapat na magtapos sa salitang 'masama', iyon ay, "...iligtas mo kami sa masama". Tila hindi magandang pagtatapos iyon sa isang panalangin. At kaya, sila'y nagpatuloy at idinagdag ang mga salitang: "Sapagkat iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian".

Siyempre, sa una, ito'y hindi talaga ganito. Sa Didache - ang turo sa isang sinaunang aklat ng Cristiano na mayroon pa rin tayo hanggang ngayon na isinulat noong dulo ng unang siglo, o sa kasalukuyan nitong anyó, sa ikalawang siglo, ang mga salita ay nagtatapos sa: "Sapagkat Iyo ang kapangyarihan at ang kaluwalhatian"; wala roong "Iyo ang kaharian". Ngunit, pagkaraan ng panahon, ang mga salitang "Iyo ang kaharian" ay idinagdag na rin. Ang lahat ng mga salitang ito, sa katunayan, ay nanggaling sa isang buod ng 1 Mga Cronica 29:11-13. Kung inyong titingnan ang panalangin doon, makikita ninyong doon nagmula ang kabuuang ideya ng "Iyo ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian". Kaya, ginamit ng iglesia sa gayon ang ideya ng panalanging iyon bilang pagtatapos [sa Panalangin ng Panginoon] at ibinuod ito sa ganitong paraan.

Iwasang Maging Nakatali sa mga Seremonya at mga Pormalidad
Binabanggit ko ito dahil naririto ang isang mahalagang aral. Ipinakikita nito na sa buhay-Cristiano, may ugali't panganib na gawing pormal ang mga bagay-bagay. Ako'y nababahala sa 'pagpapapormal' ng buhay-Cristiano. Ang buhay-Cristiano'y dapat na laging manatiling naibabagay sa mga pangyayari [flexible] at malaya. Hindi ito dapat na nakapako sa mga seremonya at mga pormalidad. Ang buhay-Cristiano'y dapat na laging manatiling malaya't 'flexible.'

Iyon ang dahilan na ako'y nababahala kapag ang mga bagay-bagay ay umpisa nang sumusunod sa isang nakatakdang gawí [pattern], kapag tayo'y umpisa nang dumako sa isang nakagawiang paraan, at namalagi sa kinaugaliang pamamaraan na iyon. Halimbawa, mapapansin ninyo agad na sa bawat Komunyon, palagi na lang na binabasa ang parehong sipi ng Kasulatan, ang parehong gawí ay inuulit nang walang anumang uri ng pagbabago. Ito'y nagiging nakagawiang pamamaraan.

Ngayon, saan nanggaling ang nakagawiang pamamaraan? Tiyak na hindi nanggaling sa Biblia ito. Hindi ibinibigay ng Biblia sa atin ang ganitong uri ng nakaugaliang pamamaraan. Subalit may taong nagpasimula nito at sumunod na lang ang iba pang tao, na ipinakikita sa inyo ang panganib na ang lahat ng buhay-Cristiano'y nasa panganib na manatili sa nakaugaliang pamamaraan at mawala ang orihinal na pakikibagay sa mga pangyayari o flexibility. Sa katunayan, sa Liverpool, England, nasorpresa ko ang mga tao sa paghahain ng alak muna bago ang tinapay. Pumunta sila sa akin at sinabing, "Akala namin ay nauuna ang tinapay!" Bakit ninyo iniisip na nauuna ang tinapay? Sino ang nagsabi sa inyo na kailangang mauna ang tinapay? Sa katunayan, kapag tiningnan ninyo sa Lucas, ang ayos ay nabaligtad. Kaya, natatagpuan nating may panganib sa buhay-Cristiano na mamalagi sa isang nakatakdang gawí.

Kapag tayo'y nananalangin, mapapansin ninyo na madalas manala-ngin ang ilang mga tao ayon sa isang nakatakdang gawí. Halos mahuhulaan na ninyo ang ipananalangin nila. Ito'y magi-ging ganito. Ganito ang kalalabasan nito. Kahit ang mga mangangaral ay nahuhulog sa ganitong nakaugali-ang pamamaraan. Sa tuwina, mahuhulaan ninyo mismo kung anong uri ng mensahe ang mangyayari sa susunod na linggo. Ito'y isa sa limang paksâ sa isang 'set' ng 5 mensahe; ito'y maaaring ang #1 o #2 o #3. Kaya, kung nag-umpisa na niyang basahin ang teksto niya, [alam ninyo na].

May kilala akong mangangaral na kaya kong hulaan kung ano mismo ang kanyang ipapangaral sa Linggong iyon sa sandaling basahin na niya ang teksto niya, dahil alam ko na ang tekstong iyo'y tutugma sa 1 sa 5 paksang ito. Siya'y buong nakatali sa nakagawiang paraang iyon, na nakaugaliang pare-pareho na lang ang uri ng porma ng mga mensahe niya.

Mahalaga sa buhay-Cristiano na palaging manatiling naibabagay ang sarili sa mga pangyayari [flexible]. Sa sandaling simula ninyong maramdaman na kayo'y nananatili na sa nakaugaliang pamamaraan, simula na ninyong inuulit ang isang patay na gawí, baguhin ito! Anuman ang ginagawa ninyo, baguhin ito. Baguhin ang 'pattern'. Sadyaing baguhin ito upang matuto na maibagay ang inyong sarili sa pangyayari. Kung kayo'y palaging sanay na manalangin sa isang posisyon, baguhin din ito. Manalangin sa iba namang posisyon. Kung kayo'y sanay na sa pagsunod sa isang patay at mahigpit na 'nakagawian,' baguhin din ito, kahit na ito'y napakabuti sa panahon na iyon, baguhin ito sa isa o dalawang araw, upang kayo'y hindi maging nakapako sa gawíng iyon.

Kung gayon, kailangan nating makita ang karunungan ng Diyos sa pagliligtas sa atin mula sa pagkahulog sa isang bagay na matatawag nating isang kinaugalian, tradisyunal, panseremonyang panalangin. Isang halimbawa ay ang makikita ninyo sa kung ano ang nangyayari sa Iglesiang Katoliko. Anumang iglesia na may mahabang tradisyon kahit papaano'y nahuhulog sa nakaugaliang pamamaraan. Ganap na paulit-ulit na lamang nilang ginagawa ang mga bagay-bagay linggu-linggo. Ito'y talagang ganap na nakasasawŕ.

Makikita rin natin ang panganib na ito sa Iglesia ng Inglatera. Inyong napapansin, at nakakita na ako ng mga taong nakagawa na nito sa Iglesia ng Inglatera, na hindi na nila kailangan pang tumi-ngin sa aklat ng panalangin. Nakatayo sila roon at binubulong-bulong na lamang ang anumang susunod na sasabihin. Ganap na nilang alam kung ano ang susunod na gagawin. Nasabi na nila ito ng makalibong beses mula pa sa pagkabata nila. Hindi na ninyo kaila-ngang gamitin ang inyong puso, hindi na ninyo kailangang gamitin ng inyong pag-iisip; tumayo na lamang kayo roon at kumilos na gaya ng isang relihiyosong robot.

Kaya, nakikita natin na gusto ni Jesus na iwasan natin mismo ang panganib na iyon; gusto Niya tayong makibagay sa mga pangyayari [flexible], maging ibá. Sa aking palagay, ito'y tunay na mabuti, na sa mga iglesia, tayo'y may iba't-ibang uri ng mga iglesia. Natatagpuan ko kung minsan na nakapagpapapresko ang pumunta sa isang pagpupulong ng mga Brethren. Ito'y talagang ibá. Ang lahat ng mga bagay ay ibang-ibá. Sila'y may napakalaking mga kahinaan; bawat sistema ay may lubhang napakalaking mga kahinaan. Ang sistema ng mga Brethren ay may isang napakalaking kahinaan - ang kakulangan sa katuruan - gaya ng napakaraming mga iglesia, sapagkat walang sinuman ang sinanay para magturo. Walang sinuman ang talagang nakaaalam kung ano ang ituturo o kung paano magturo. At kaya, sila'y nahuhulog sa nakaugaliang pamamaraan pagkaraan ng panahon.

Ngunit kailangan nating makita na may kahalagahan sa lahat ng iba't-ibang uri ng pagsamba. Pinatutunayan sa atin ng iba't-ibang uri ng pagsamba na may-kalayaan sa buhay-Cristiano. Ito mismo ang ebidensya na hindi iisang uri lamang ang maaaring tamŕ roon. Ang lahat ng uri ng pagsamba'y mabuti. Kung minsan ay matatagpuan ninyong nakatutulong ang pagsamba ng mga Anglikano. Kung ito'y nakatutulong sa inyo, magpatuloy lang kayo sa isang Anglikanong pagsamba. Sa katunayan, maaaring makatulong ito sa inyo, basta't hindi kayo simulang mahulog sa nakaugaliang gawí mulí. Ito ngayon ang isang punto.

Manalangin sa Espiritu - Matutong Maging Bukás sa Patnubay ng Espiritu Santo
Ngayo'y dumako tayo sa tanong na ito: Sa pagkakita na hindi tayo binigyan ng Panginoon ng isang permanenteng pagtatapos, tandaan kung gayon na palaging manalangin mula sa puso, manalangin sa espiritu. Walang tunay na panalangin na hindi ipinalangin sa espiritu. Ano ang kahulugan ng 'manalangin sa espiritu'? Ito'y ang manalangin kung saan ang Banal na Espiritu ang Siyang gumagabay sa inyo sa pananalangin. Makikita natin iyon sa Roma 8, kung saan kahit si Apostol Pablo ay nagsasabing: "sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat". [b.26] Hindi natin alam kung paano manalangin para sa anupaman, gaya nang nararapat nating ipanalangin, kaya ang Banal na Espiritu ang tumutulong sa atin. Siya ang pumapatnubay sa atin.

Ito'y isang bagay na napakahalaga sa panalangin na gusto kong ibahagi, na kaugnay sa pag-iiwang bukás ng Panginoon sa panalangin. Iyon ay ang pagsasabi na kapag kayo'y nananalangin, matutong maging bukás ang inyong puso. At nangangahulugan iyon na hayaang pakilusin kayo ng Banal na Espiritu sa inyong panalangin. Iyon ay pagsasabi na ang panalangin ay isang buháy na gawain, isang pakikibahaginan [fellowship], isang buháy na pagpapalakad [operation], isang pagkikipagtulungan sa Banal na Espiritu, kung saan kayo ang gumagawa o gumagalaw sa panalangin at ang Banal na Espiritu ay nananalanging kasama ninyo. Iyon ang sinasabi sa atin ng Roma 8: "ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan na may mga daing na hindi maipahayag." [b.26] Siya'y nananalanging kasama natin.

Kaya, ang ating panalangin ay kailangang palaging maging bukás. Iyon ay pagsasabi na: huwag mananatili [sa isang gawí lamang]. Iyon ay: huwag maging sarado sa nakaugalian na. Ito ay dapat na palaging maging: "Panginoon, ano ang gusto Mong ipanalangin ko?" At saka ninyo malalaman na ang Banal na Espiritu ang magpapatnubay sa inyo na ipanalangin ang isang natatanging tao na sa inyong sarili'y hindi ninyo man lang maiisip na ipanalangin. Big-laan na lang sasabihin ng Panginoon, "Ipanalangin mo ang taong ito," at kayo'y mananalangin para sa taong ito. Maaaring sabihin ng Panginoon na, "Ipanalangin ang taong iyon," at mananalangin kayo para sa taong iyon. Kayo ay sumusunod sa kung ano ang iniuutos sa inyo. Kayo ay handang kumilos. Hindi ninyo alam kung sinu-sinong tao ang nangangailangan sa anumang natatanging panahon.

Kung sumusunod lamang kayo sa isang permanenteng gawí, hindi kayo kailanman makapapanalangin para sa isang tao sa tamang panahon. Kahit na maaaring ipanalangin ninyo siya, subalit ito'y hindi sa tamang panahon. Ngunit kung kayo ay pinapatnubayan ng Espiritu, kayo'y palaging bukás sa panalangin. Dagli ninyong matatagpuan na, "Hindi ko alam kung bakit ako nananalangin para sa taong ito," pero bigla ninyong natagpuan na ang Espiritu ang nagpapatnubay sa inyo na manalangin. At ang dahilan na pinapatnubayan Niya kayong manalangin ay sapagkat bukás ang inyong espiritu.  Biglaan ninyo na lang matatagpuan na gusto ninyong sambahin ang Diyos; gusto ninyo Siyang pasalamatan; gusto ninyong magpuri sa Kanya. Ito'y nangangahulugan na ang panalangin ay bahagi ng buhay-Cristiano: ang 'bukás-na-pusong' buhay-Cristiano. Gaya ng pag-iwan ng Panginoong Jesus na bukás ang panalangin, kaya ang ating buong buhay-Cristiano ay dapat maging bukás sa Diyos.

"Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tuksó" - Isang Paksâ ng Pagpapanatiling-Buháy [Survival] ng Buhay-Cristiano
Ngayo'y dumako tayo sa katanungang ito sa 'Ang Panalangin ng Panginoon', sa "...huwag mo kaming dalhin sa tukso". Ang tanong ay: Ano ang ganap na kahulugan nito? Ano ang kahulugan ng pagsasabing, "...huwag mo kaming dalhin sa tukso"? Ano ang ipinapanalangin natin? Gaya ng nasabi ko na, napakaraming beses na aking tinanong sa mga Cristiano, "Ano ang ipinapanalangin ninyo kapag kayo'y humihiling ng mga ganitong bagay?" Hindi nila alam kung ano ang ipinapanalangin nila. Ano ang kabuluhan ng pag-uulit-ulit sa 'Ang Panalangin ng Panginoon' kung hindi man lamang ninyo alam kung ano ang kahulugan niyon? Isipin ninyo ngayon kung gaano karaming beses sa nakalipas na buwan o nakalipas na mga taon na kayo'y nananalangin ng 'Ang Panalangin ng Panginoon.' Para ano? Nananalangin kayo ng isang panalangin na hindi man lamang ninyo alam ang kahulugan niyon!

Ano ang kahulugan kung gayon sa sinasabi rin dito na, "...huwag mo kaming dalhin sa tukso"? Sinasabi ko agad ngayon sa inyo, sa simula pa lang, na ang tinatalakay natin sa panalanging ito ay isang bagay na labis na mahalaga, na mabubuod natin sa isang salita, at ito'y: ang mapanatiling-buháy ang buhay-Cristiano. Walang paksâ na mas mahalaga pa kaysa rito, sa 'survival' ng isang Cristiano sa sanlibutan. Muli akong nagtataka kung bakit ito'y napakadalang na maipa-ngaral. Ang katotohanan ay walang sinumang may-katagalang nasa sa iglesia na hindi nauunawaan na maraming Cristiano ang hindi nanatiling-buháy. Minsa'y naging Cristiano sila. Sila'y talagang nabautismuhan na. Sila'y gumawa ng isang pahayag ng pananampalataya at walang sinuman ang mag-aalinlangan na ito ay di-totoo sa panahong ginawa ito. Subalit sila'y hindi nananatiling-buháy!

Ako'y nasa gawain ng Panginoon sa mahaba-haba na ring panahon at ang bilang ng mga namatay o nasugatan [casualty rate] na aking nakita sa ilang iglesia'y tunay na nakagugulat. Dose-dosena sila at daan-daan silang bumabagsak; hindi lamang isa-isa o dala-dalawa. At pagkatapos, sa loob ng humigit-kumulang ng sampung taon, makikita ninyo na ang mga datihang tao sa iglesia na minsa'y mga aktibong Cristiano, mga pinuno sa pangkat ng pag-aaral sa Biblia, at anupaman sila, ay nagsihulog sa daan; sila'y espiritwal na bumagsak. Nawala na sila. Sila'y winasak ng kapang-yarihan at kakayahan ng Kaaway.

Ngunit walang sinuman, siyempre, ang nakaisip agad na bigyan sila ng babalâ sa mga panganib na ito sapagkat may mga turo na nagsasabing walang sinuman ang mahuhulog kailanman. Sa harap ng matibay na mga katotohanan [solid facts], sinasabihan tayo na walang nangyayaring ganoong bagay. Minsan ay hindi ko talaga maunawaan kung ano na ang nangyayari sa iglesia. Hindi ko maintindihan kapag ating tinitingnan ang mga matitibay na katotohanan, at sinasabi sa ating, "Hindi! Hindi ito nangyayari" o "Ang mga taong ito ay hindi naman talagang naging mga Cristiano." Su-balit sila ay tunay na naging mga Cristiano, sapagkat ako ay naroon sa ilang mga kaso; nakita ko iyon. Sasabihin ninyong, "Hindi mo nakikita kung ano ang nasa loob ng kanilang mga puso." Wala akong dahilan upang pagdudahan ang katapatan nila; wala akong dahilan na pagdudahan ang katapatan ng sinupamang Cristiano. Bakit kailangan nating isipin na sila'y nagsisinungaling kung itinalaga nila ang kani-kanilang mga buhay kay Cristo sa una pa lang?

Kaya, ating tinatalakay ang paksang ito tungkol sa pananatiling-buháy, tungkol sa tuksó at tungkol sa kasamaan. Huwag hayaan ang sinuman na dayain kayo, mga kapatid. Ang aking panalangin ay sana, sa iglesiang ito, ang mga tao'y hindi babagsak. Sapagkat tayo ay bahagyang may-kaalaman na sa panganib na ito - at nababalaan ko na ang mga kapatiran sa Liverpool - ang bilang ng mga nalugmok o bumagsak ay talagang napakababa sa Liverpool, salamat sa Diyos, kung ihahambing natin sa bilang ng mga nalugmok o namatay o sugatán sa ibang mga iglesia, na talagang nakatatakot sa dami. Maraming tao na nabautismuhan na sa kilala kong iglesia sa London, England [ay bumagsak na]. Iyon ay, ang bilang ng namatay o bumagsak ay talagang napakataas, kaya aking pinagtatakahan kung may kahit man lamang 20% sa mga iyon na nakakilala sa Pangi-noon ay mga Cristiano pa rin ngayon.

Ang higit na mapanganib na mangyari ay ang mga taong ito'y lalabas at magsasabi na, "Minsa'y naging isang Cristiano ako." Gaano pa malalagay sa mas higit na kahihiyan ang pangalan ng Diyos kapag may mga taong nagsasabing, "Dati akong Cristiano, ngunit hindi na ako isang Cristiano ngayon!" Ang ganitong uri ng tao ang nakagagawa ng higit na kasiraan sa iglesia. At ang kamalian ay nasa iglesia. Sila'y hindi nabigyan ng babalâ, tulad ng sinasabi ko.

Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na sa [iglesia natin sa] Liverpool, ang bilang ng mga nalugmok ay lubhang mababa. Palagay ko'y tama lang na sabihing ito'y halos wala. Palagay ko'y mula sa 30 tao na nabautismuhan, ang bilang na narating nang ako'y naroon sa loob ng ilang panahon, iisa lang ang alam naming parang nanumbalik sa dating kasamaan, at dalawa o tatlong iba pa ang nasa binggit ng panunumbalik sa dating buhay nila. Ngunit hindi ako sigurado na mayroon tayong isang ganap na pagkabagsak, at sana'y hindi ito mang-yari. Ito'y dahil tayo ay nakahandá! Alam natin ang panganib at   ating binibigyang babalâ ang mga tao sa panganib, sapagkat binibigyan tayo ng babalâ ng Salita ng Diyos.

Huwag kayong sumandal sa isang huwad na turo na walang batayan sa Biblia, sapagkat babayaran ninyo ito ng inyong kaluluwa, at ang ganoong halaga ay napakamahal na kabayaran. Kailangang may 'kasiguruhan' tayo, ngunit isang 'kasiguruhan' na sinasabi sa atin sa Roma 8 na nanggaling sa Banal na Espiritu, hindi mula sa sinasabi ng ilang katuruan, kundi ito'y isang 'kasiguruhan' mula sa patotoo ng Banal na Espiritu sa inyong espiritu. Iyon lamang ang tanging kasiguruhan na pinahihintulutan ng Biblia na magkaroon tayo.

Ang Tuksó ay Karaniwan na sa Tao - Paano Tayo Makapapanalangin na Huwag Matukso?
Sa pagbabalik kung gayon sa tamang pagpapaliwanag ng paksang ito, ano mismo ang kahulugan nito kung gayon kapag tayo'y nana-nalangin ng, "Huwag mo kaming dalhin sa tuksó"? Ano mismo ang sinasabi ng Panginoon sa atin? Sa 1 Corinto 10:13, isang kilalang-kilalang taludtod, sinasabi ni Apostol Pablo ito: "Walang tuksong dumating sa inyo na hindi karaniwan sa tao, subalit tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayang tiisin." Kung ganito nga ito, ang hili-ngin na "Huwag mo akong dalhin sa tuksó" ay talagang lubos na imposible sapagkat malinaw na sinasabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 10:13 na ang tuksó ay karaniwan na sa tao; ito ay mismong kalikasan na ng sanlibutang ito. Ito ay dahil sa ang mga kapangyarihan ng kasamaan ay nasa sanlibutang ito, kaya kayo'y tiyak na tutuksuhin sa lahat ng oras.

Isa itong katotohanan ng buhay. Hindi ninyo malalagpasan ang nakaraang linggo nang hindi natutukso ng maraming beses. Ako'y natukso. Tiyak, maging kayo'y natukso rin, maliban na lang kung ako'y nakatira sa isang kakaibang mundo sa inyo. Ang Kaaway ay nasa lahat ng dako. Sinasabi ni Apostol Pablo sa Efeso 6, "ang ating pakikipaglaban ay... laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan..." [b.12] - mga kapangyarihang espiritwal na ang layunin ay ang sirain kayo. Ang kanilang layunin ay ang sirain kayo. Naroroon sila na gumagawa nang may balak at pagnanasa na sirain kayo!

Kung kaya, tayo ay tinutukso sa lahat ng oras. Iyon ang sinasabi ni Pablo. At alam nating tunay ang sinasabi niya, na ang tuksó'y karaniwan sa mga tao, batay sa ating karanasan. Kayo'y hindi nakaranas ng anumang tuksó na hindi naranasan ng ibang tao; silang lahat ay nakaranas ng parehong mga bagay na naranasan ninyo. Inyong tinitiis ang parehong mga bagay na tinitiis nila. Ito'y karaniwan na sa tao. Ito ay isang karaniwang karanasan ng tao.

Kung kaya, patuloy siya sa pagsasabi, "Subalit ang Diyos ay gagawa ng paraan para sa inyo...". Sapagkat kayo'y Kanyang anak, Kanya kayong kakalingain. Siya'y gagawa ng paraan para sa inyo, sa kundisyon, siyempre, na gagawin ninyo ang inyong bahagi ng pagsunod sa Kanya. Siya ang gumagawa ng paraan, kayo'y sumusunod sa Kanya; kung hindi'y mananatili na lang kayo sa kung nasaan kayo! Ngunit kung ganoon nga iyon, papaano natin mabibigyan ng anumang kabuluhan ang pananalangin ng, "Huwag mo akong dalhin sa tuksó", kapag ang tuksó ay nasa buong paligid ko? Ako'y nasa tuksó na. Ako'y nasa isang mundo na punô ng tuksó. Kaya, ano sa palagay ninyo? Paano ninyo uunawain ito?

Hindi Natin Dapat Hilingin na Dumating ang mga Tuksó
Ang unang bagay na mapapansin natin agad ay kung ano ang kahulugan ng huwag madala sa tuksó. Isipin ninyo kung anong uri ng tuksó ang binabanggit ng Panginoon. Ang unang konklusyong masasabi natin ay ito: Hindi tayo dapat kailanman humiling ng problema. Hindi natin dapat hilingin kailanman na dumating ang mga tuksó o mga pagsubok. Sa puntong ito, sa palagay ko'y nabigyang babalâ ko na ang ilan sa inyo noon. Kapag nananalangin kayo, tandaan ito: kayo'y nakikipag-usap sa buháy na Diyos. Kung may hiningi kayo, matatanggap ninyo ito. Kaya, mag-ingat sa kung ano ang hinihingi ninyo. Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo.

May ilang mga Cristiano na, sapagkat iniisip nila na tunay na maginhawa ang kanilang buhay, ay humihingi ng kabalisahan. Sila ay humihingi ng mga pagsubok at ng mga tuksó. Iniisip nila na sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa tuksó, sila'y magiging mas malakas. Hayaan ninyong sabihin ko ito sa inyo: huwag humingi ng higit pang kabalisahan kaysa sa mayroon na kayo. Sapat na ang tuksong palagi ninyong pagkakaabalahan. Hindi ko maunawaan ang mga taong hindi maisip-isip na sila'y mayroon nang sapat na suliranin na kakayanin, kaya sinasabi pa nilang, "Panginoon, bigyan Mo pa ako ng higit pang mga suliranin. Ako'y lubhang maginhawa sa ngayon. Bigyan Mo ako ng kahirapan. Wasakin Mo ako! Hampasin Mo ako! Durugin Mo ako! Hubugin Mo ako!"

Hay naku! Tuwing iniisip ko ang mga panalanging iyon, nangi-nginig ako sa takot. Iyon ang isang dasal na hindi ko tinangkang ipanalanagin kailanpaman. At iniisip ng ilang tao na ito'y isang ganoong karelihiyosong dasal: "Panginoon, wasakin Mo nga ako." Ha! Kapag hiningi ninyo iyon, kung gayo'y huwag dumaing kapag ito'y dumating. Ang kataka-takang bagay ay kapag nagsimula nang wasakin sila ng Panginoon, sasabihin nilang, "Panginoon, ano ang ginagawa Mo?" Maliwanag na hindi sila naniniwala na totoong naririnig ng Diyos ang panalangin at sinasagot ang mga ito. Bakit kayo humihingi ng mga bagay na hindi ninyo pinaniniwalaan?

Hindi lamang ito ang problema sa mga Cristiano ngayon. Alam ko na ang mga sinaunang Cristiano'y may ganito ring problema. Hindi natin dapat na inuuliran sila masyado; sila'y mayroon ding kani-kanilang mga kamalian. Mapapansin ninyo ang kasong iyon sa Gawa - hindi ko malilimutan iyon - sila'y nanalangin na palalayain ng Panginoon si Pedro mula sa kulungan. Sinabi nila, "Panginoon, palayain Mo siya mula sa kulungan. Sa pamamagitan ng Iyong dakilang kapangyarihan at kalakasan, ilabas Mo siya!"

At ginawa nga ito ng Panginoon! Si Pedro ay nakatayo sa harapan ng pintuan; binuksan ng babae ang pintuan; bahagyang tumingin at sinarado agad ito; at sinabing, "Hindi maaaring siya iyon!" Alam ba ninyo kung ano ang sinabi ng babae sa iba pagkatapos niyang buksan ang pintuan? Sinabi niya, "Kakikita ko pa lang kay Pedro, o marahil, nakita ko ang kanyang anghel. Palagay ko'y nakita ko ang kanyang multo ngayun-ngayon lang." Tinanong nila, "Saan?" Sinabi niya, "Sa labas ng pintuan." Sinabi nila, "Maaaring nababaliw ka na." Ang mga taong nananalangin na mapalaya si Pedro mula sa kulu-ngan, nang siya'y napalaya na, ay ayaw paniwalaan ito!

Kaya, nakikita ninyo, mga kapatid, madalas na sinasagot tayo ng Diyos sa kabila ng ating maliit na pananampalataya, ng ating maliit na paniniwala. Kung palaging sinasagot tayo ng Diyos kung mayroon lamang tayong napakalaking pananampalataya, malamang na hindi tayo kailanman magkakaroon ng kahit isang sagot sa panalangin. Ang mga Cristianong ito'y nanalangin na mapalaya si Pedro, at nakuha nila ito! At hindi nila mapaniwalaan ito nang nakuha nila ito, na ipinakikita lamang na sila'y hindi talagang naniniwala sa kung ano ang magagawa ng Diyos, 'di ba?

Kung gayon sinasabi ko sa inyo ito. Masasabi ninyong, "Panginoon, durugin Niyo ako, hubugin Niyo ako, sirain Niyo ako" at isipin, "Ah, hindi kailanman gumagawa ng ganoong mga bagay ang Diyos." Kung gayon, bakit ninyo hiningi iyon sa Kanya? At nang ginawa na Niya ito, sinasabi ninyong, "A, e, Panginoon, hindi, hindi ako humingi nito. Hindi ganito ang ibig kong sabihin." Ano nga ba ang ibig ninyong sabihin sa salitang 'durugin'? Sa pagkakaintindi ko sa kahulugan ng salitang 'durugin,' ito'y nangangahulugan ng pagkuha ng isang martilyo at pagdurog [sa isang bagay]! Hiningi ninyo ito. Ito'y tulad ng pagdurog sa isang manî, gaya ng pilě. Kung matigas ito at hindi ninyo kayang durugin, kumuha kayo ng martilyo at pukpukin ito hanggang madurog. May iba pa bang kahulugan ang 'durugin'? Kaya, mag-ingat kung ano ang ipinapanalangin ninyo.

Ang unang bagay na nakikita natin sa 'Ang Panalangin ng Panginoon' ay ito. Itinuturo sa atin ng Panginoon na: "Huwag mana-nalangin ng, 'Dalhin mo ako sa tuksó" [na tila sinasabi na], "Tingnan, ako ay makapangyarihan at malakas. Kaya kong talunin ang Kaaway [si Satanas]. Paparituhin lang siya't pipilipitin ko ang leeg ng Diyablo." Hindi, hindi! Sinasabi ng Panginoon na, "Huwag maging hangal! Manalangin lamang ng, 'Panginoon, huwag Mo akong dalhin sa tuksó. Ako'y mahina, Panginoon.'" Kilalanin na ang Kaaway ay malakas at kayo'y mahina. Ang Panginoon ay malakas din. Sigurado iyon! Ngunit ang problema'y hindi sa kung ang Diyos ay malakas, kundi ito'y kung kayo'y malakas. Aminin na kayo'y mahina.

Ang Layunin ng Tuksó ay Espiritwal na Sirain Tayo
Ang ikalawang bagay na kinakailangan nating matutunan, at matutunang mabuti (lubhang napakaraming mga Cristiano ang hindi sapat ang pagkaunawa nito), ay ang mapanganib na kalikasan ng tuk-só. Pag-aralang mabuti ang katotohanan na ang dahilan kaya natin hinihiling sa Panginoon na huwag tayong dalhin sa tuksó ay sapagkat ang tuksó ay lubos na lubos na mapanganib. Ito'y hindi isang bagay na pinaglalaruan. Hindi ito isang pagsasanay lang. Ang layunin ng tuksó'y sirain kayo. Ang Manunukso, kapag kayo'y tinutukso niya, ay hindi naroroon upang bigyan kayo ng espiritwal na pagsasanay; siya ay naroroon upang watak-watakin kayo, gaya ng isang leong umuungal. At kaya, sinasabi ni Pedro [sa 1 Pedro 5:8], magbantay kayo, dahil ang inyong Kaaway, ang Di-yablo, ay gumagala na tulad ng isang leong umuungal. Ang isang umuungal na leon ay hindi lalapit upang magbigay sa inyo ng isang palabás [gaya ng sa sirko]; ito'y lalapit sa inyo upang watak-watakin kayo. Iyon ang layunin nito.

Kaya, kung humihingi kayo ng tuksó, gusto ninyong pumasok sa  tuksó, iyon ay paglalagay ng inyong ulo sa bibig ng leon; kayo'y nag-hahanap ng guló. Unawain ang lubhang napakalaking panganib ng tuksó. Ang tuksó ay naroroon upang manirŕ. Ang layunin nito ay ang tiyakin, hanggang sa makakayang gawin ng Diyablo, na hindi kayo kailanman makapapasok sa Lupang Pangako. Doon mismo kung saan nabigo at namatay ang mga Israelitang nasa ilang. Sila'y hindi kailanman nakarating sa Lupang Pangako. Sila'y nahulog sa tuksó. Sila'y naroon na! Sila'y tunay na ginabayan patungo sa Lupang Pangako, subalit dahil sa kanilang pagkasuwail, pumasok sila sa tuksó, sa halip na sa Lupang Pangako. Sila'y namatay sa ilang.

Kaya, mag-iingat. Unawain ang napakalaking panganib ng tuksó. Tulad ng sinasabi ni Pablo sa 1 Corinto 10:11, "Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at nasulat bilang pa-ngaral sa atin". Tulad ng pagkamatay nila sa ilang, sa palagay ba ninyo'y hindi kayo mamamatay sa ilang? Ang Kaaway ay lubhang bihasa at mapanganib.

Nakita natin sa pagpupulong sa Camp Trent, na pinag-usapan natin ang tungkol doon sa isang okasyon. Binanggit natin, sa katunayan, na sinabi ni Pablo, "Kilala natin ang Kaaway. Tayo'y hindi mangmang sa mga pakana ng Diyablo." Isa siyang dalubhasa, matalino, at tusong kaaway. Subalit sa mga pagkilos ng mga Cristiano, nakikita ko na wala man lamang silang kaalam-alam sa kung gaano kabihasŕ ang Diyablong kalaban nila. Minsa'y nagsulat ako ng talaan at sinubukang hulaan kung ano ang gagawin ni Satanas sa anumang sitwasyon, at ako'y namangha kung gaano katama ang aking mga hulŕ.

Sa espiritwal na pakikipaglaban, bahagi ng kabuuang layunin ng digmaan ay ang hulaan kung ano ang susunod na gagawin ng Kaaway, upang malabanan ninyo siya. Iyon ang buhay-Cristiano. Kailangan ninyong malaman at pag-aralan kung ano ang maaaring susunod na gagawin ng Kaaway, upang malabanan ninyo siya. Ito'y tulad ng isang mahusay na manlalaro ng chess. Hindi ninyo aanta-ying kumilos ang kalaban, at saka ninyo sasabihing, "A, e, hindi ko alam na gagawin mo ito!" At sasabihin niyang, "Checkmate!" "Talo ka na!" Tapos na kayo! Naroroon kayo para subukang isipin ang mga maaaring susunod na mga hakbang ninyo't ng kalaban ninyo. Mas mahusay na manlalaro ng chess, mas maraming sunod-sunod na mga hakbang ang mauuna ninyong maisip, sa kung ano ang gagawin ninyo at kung paano ninyo siya mako-control. Ngayon, kung ito'y totoo sa isang laro ng chess, gaano pa kahigit sa buhay, kapag ito'y isang pagpipili na sa kamatayan at sa buhay, kung ang buong espiritwal na kaligtasan ninyo na ang nakataya!

Palagi Tayong Inaatake ng Kaaway sa Ating Pinakamahinang Kalagayan
Madalas kong nahuhulaan, tulad nang nasabi ko, kung ano ang susunod na gagawin ni Satanas, kung siya'y aatake. Siya'y aatake sa dakong iyon, kaya pinakikilos ko ang ating espiritwal na mga kapang-yarihan bilang paghahanda, at tunay nga, siya'y pumaroo't umatake. Ang dahilan kung bakit ko alam na siya'y aatake ay isang napakadaling panuntunan [principle]. Siya'y palaging umaatake sa inyong pinakamahinang kalagayan. Isa itong pangunahing panuntunan sa agham-militar: na hindi ninyo aatakihin ang kaaway sa kung saan siya malakas; aatakihin ninyo siya sa kung saan siya mahina.

Iyon ay totoo sa lahat ng labanan, maging ito'y sa boksing o sa judo o sa lahat ng mga labanan. Hindi ninyo siya aatakihin sa kung saan siya malakas; aatakihin ninyo siya sa kung saan siya mahina. Si Satanas ay palaging tumitingin sa kahinaan. Kung kayo ay may isang iglesia, pag-aralan ninyo ito at malalaman ninyo na si ganito't si ganoon ay magkakaproblema, sapagkat sila ang mga may kahinaan sa iglesia. Si Satanas ay aatake sa pamamagitan nila. Muli at muli pa, siyempre, hindi ninyo kailangang maging dalubhasa, hindi ninyo kailangang maging henyo, upang malaman na tama iyon. Siya ay umaatake sa mismong kahinaang iyon. At iyon ang dahilan na tulad ng isang mahusay na boksingero, tulad ng isang mahusay na heneral, nababatid ninyo kung nasaan ang inyong mga kahinaan at gumagawa kayo ng sadyang paghahanda para rito.

Kaya, kailangan ninyong maintindihan ang panganib ng Kaaway. Ang taong nananalangin ng, "Huwag mo akong dalhin sa tuksó" ay ang siya ring naghahanda't nananalangin na hindi siya mahuhulog sa tuksó. Iyon ang isang boksingero; siya'y naghahanda. Siya'y hindi lamang nananalangin. Kaila-ngan ninyong manalangin at maghanda. Maghanda't manalangin! Iyon ay pagsasabing: kayo ay may tungkulin, at iyon ay ang maghanda, at gagawin ng Diyos ang Kanyang bahagi kapag kayo ay nanalangin.

Iyon ay pagsasabi na ang panalangin ay hindi dahilan para sa kapabayaan. Ang panalangin ay hindi isang dahilan upang maging pabayâ at sabihing, "Lahat iyon ay trabaho ng Diyos, ako ay maaaring maglibut-libot na lang. Nakapanalangin na ako, kaya ako'y naging 'bulletproof'; hindi na ako tatablan ng bala. Kapag binaril ako ng kaaway, walang-anumang mangyayari." Nasubukan na iyon ng mga boksingero at nalaman nilang hindi ito totoo. Kaya, malinaw na malinaw na nakikita na hindi gumagana ang pagka-bulletproof niya. Ang punto rito'y ito: kailangan ninyong maging handa, at gagawin ng Diyos ang Kanyang bahagi, makatitiyak kayo rito.

Muli, tulad nang nakita natin kani-kanina lang, ipinakikita ng lahat ng ito sa atin na ang katanungan ng espiritwal na pananatiling-buháy ay lubos na totoong bagay. Muli, sinasabi ko sa inyo, huwag hahayaang akayin kayo ng maling mga turo, na patahimikin kayo hanggang sa makatulog kayo't makaramdam ng katiwasayan; na minsang iniligtas, kayo'y palaging ligtas na. Ang ganoong uri ng doktrina ay di-naitatag sa Biblia ni naitatag batay sa karanasan. Walang anumang bagay ang nakagawa sa iglesia ng napakalaking kapinsalaan kaysa sa turong ito na ang layunin ay magbigay ng kasiguruhan sa mga Cristiano, ngunit sa halip ay pinatunayang naging espiritwal nilang kapahamakan. Ang kasiguruhan, aking muling inuulit, ay tanging nagmumula lamang sa panloob na patotoo ng Banal na Espiritu sa inyong espiritu na kayo'y mga anak ng Diyos. At iyon ay mangyayari lamang kapag lumalakad kayong kasama ang Panginoon. Hindi kayo kailanman makasisigurong ligtas kung hindi kayo lumalakad na kasama ng Diyos.

Ang Dalawang Uri Ng Tuksó
Tayo ngayo'y kailangang magpatuloy sa katanungan. Sasabihin ninyong, "Hindi pa ba natin nasasagot ang iyong orihinal na tanong?" Nakita natin ang ilang mga kahulugan na maaaring makuha mula rito. Nasabi na natin na hindi tayo dapat humingi ng tuksó. Nakita natin na ang tuksó ay mapanganib. Ang lahat ng ito ay totoo. Ngunit may agad kayong tinutulan sa simula pa lamang sa pagsasabing, "Kami'y nasa tuksó na; kung gayon ay paano kami mana-nalangin na huwag madadala rito?" Dito'y sumapit tayo sa sumunod na paksang ito at iyon ay ang maunawaan ang kalikasan ng tuksó, ang uri ng tuksó na sinasabi ni Jesus dito. May dalawang magkaibang uri ng tuksó. At iyon ang dahilan, na sa pag-unawa ng Salita ng Diyos, dapat nating maunawaan ang isang salita sa lahat ng aspeto nito. Kung iisang aspeto lamang ang naunawaan ninyo, kayo ay magugulumihanan.

Ang tuksó ay may dalawang natatanging kahulugan na parehong nasa turo ng Panginoong Jesus at sa turo ni Apostol Pablo, o sa katunayan, sa buong Bagong Tipan. Kailangan nating malinaw na makita ang kaibahan ng dalawang naiibang aspeto ng tuksó. Ang isang uri ng tuksó ay iyong binasa ko mula sa 1 Corinto 10:13. Ipinakikita niyon sa inyo na kapag hindi mabuti ang pagkakaintindi ng isang tao sa Biblia, iniisip niyang nakakita siya ng isang kasalungatan dito. Ang kasalungatan ay mula sa inyong kamangmangan. Walang kasalungatan sa Biblia; ang kasalungatan ay dahil sa inyong kakula-ngan ng pang-unawa.

Gustong atakihin ng napakaraming tao ang iglesia at sabihing ang Biblia'y puno ng mga kasalungatan. May nakilala akong isang tao sa London. Lagi kong naaalala na siya iyong matindi ang pagsabi nito sa akin. Dati siyang isang heneral sa 'Nationalist Army' at naging kaibigan ko siya. Sa isa sa aming mga pag-uusap - siya nga pala, sinabi niya ito sa palakaibigang paraan at hindi sa pakikipag-away sa akin o anupaman, mahinahon niyang sinabi ito - sinabi niya sa akin, "Paanong ang isang taong tulad mo, isang taong itinuturing kong matalino, ay naniniwala sa Biblia na puno ng mga kasalungatan?" Sinabi ko sa kanya, "General, saan mo nakikita ang kasalungatan? Sabihin mo nga sa akin ang isang halimbawa ng kasalungatan. Isa lang! Hindi ako hihingi ng ilan sa iyo kahit na sinabi mo na ito'y puno ng kasalungatan, na isang di-maaaring totoong pahayag, pero okey, tinatanggap ko ang isang halimbawa. Bigyan mo lang ako ng isang halimbawa." Hindi siya makaisip ng isang halimbawa.

Kaya, ating makikita na may ganitong uri ng pahayag, na [ang Biblia] ay puno ng mga kasalungatan. Ang katotohanan ay: minsan ay nakatatagpo tayo ng, sa itsura nito, tila isang kasalungatan. Ang mga kasalungatang ito'y mas mahusay kong mahahanap kaysa sa kanya sapagkat alam ko ang Biblia; at siya'y hindi. Sapagkat hindi siya nagbabasa ng Biblia, kaya nga hindi siya makaisip ng kahit isa man lang na halimbawa. May ganito ngang uri ng kasalungatan, ngunit kaya kong ilagay ang mga Cristiano sa anumang kasalungatan sapagkat, siyempre, hindi pa nila ito napag-iisipan nang mabuti. Ngunit ang punto rito'y ito: may kasalungatan [na] makikita ninyo paminsan-minsan kapag pinag-aaralan ninyo ang Biblia dahil hindi ninyo ito nauunawaang mabuti.

Kung gayo'y may dalawang uri ng tuksó sa Biblia. Sila'y lubos na magkaiba, at napakahalagang malaman ang kaibahan nila. Sila'y may kaugnayan sa isa't-isa. Iyon ang dahilan kaya maaaring pareho silang tawaging 'tuksó'. Ngunit ang isa ay ang tuloy-tuloy na proseso ng tuksó: tuksó na nasa pangmaramihan. Ito'y pangkalahatan sa pang-unawang iyon; ito'y palaging ginagamit sa pangmaramihan. Iyon ang paraan kung paano ninyo sila mapag-iiba. Ang isa nama'y tuksó na ginagamit pang-isahan. At kaya palagi ninyong makikita ang kaibahan ng dalawang ito sa pamamagitan ng pag-oobserba kung ang salitang 'tuksó' ay nasa pangmaramihan o nasa pang-isahan.

Kapag nasa pangmaramihan, tinutukoy nito ang pangkalahatang  tuksó, ang mga uri ng mga bagay na natatagpuan natin sa karanasan. At [sa 1 Corinto 10:13, sinasabi ni Pablo na] walang tuksó - napakaraming tuksó, subalit walang isa na dumarating sa inyo - na hindi pangkaraniwan sa tao. Kaya, ang pinag-uusapan ni Pablo rito ay tungkol sa pangkahalatang tuksó, ang uri ng mga tuksong kinakaharap natin sa pang-araw-araw na buhay. Ginagamit ng Panginoong Jesus ang ganitong uri ng tuksó sa Lucas 22:28, kapag sinasabi Niya sa Kanyang mga disipulo, "kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin.˛"

Ang Panginoong Jesus ay nakaranas din ng mga pagtuksó sa lahat ng oras; tinutukso Siya ng Kaaway sa lahat ng oras. Sa katunayan, kapag tumingin kayo sa mga ebanghelyo, matatagpuan ninyong tiyakang sinasabi ito: "At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya'y tuksuhin.˛" [Mateo 22:35] Si Jesus ay tinuksó sa lahat ng oras, gaya rin natin na tinutuk-só. Kaya sinasabi sa mga taga-Hebreo, Siya'y "tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin". [Hebreo 4:15] Iyon ang dahilan kaya Siya'y isang mahabaging Pinakapunong Pari - isang Pinakapunong Pari! - sapagkat Siya'y tinuksó gaya rin naman natin. Ang mga ito'y tumutukoy sa pangkalahatang mga tuksó ng buhay.

Ngunit may isa pang pang-unawa kung saan dumarating ang mga tuksó, at iyon ay kapag ang salitang 'tuksó' ay ginamit sa pang-isahan, gaya rito sa 'Ang Panalangin ng Panginoon', "huwag mo kaming dalhin sa tukso" - hindi "sa mga tuksó." Tayo ay hindi makadarasal ng, "huwag mo kaming dalhin sa maraming mga tuksó," ngunit tayo'y makadarasal na hindi dalhin sa 'tuksó'. Aling tuksó?

Ngayon, bakit ginamit ito nang walang pantukoy ay dahil ito'y tumutukoy sa tiyakang uri ng tuksó. Ito'y lubhang pangkaraniwan na gamitin sa ganoong paraan, upang tukuyin ang isang natatanging bagay. Gaya rin ng pagsasabi ninyo ng, "ang tuksó" sa Ingles, sa Griyego'y hindi na kailangang gumamit ng pantukoy. Ngunit ipinakikita nito, kapag ginamit sa pang-isa-han, ang isang natatanging uri ng bagay. Anong uri ng tuksó kung gayon ang pinag-uusapan natin dito? Ang pinag-uusapan nati'y ang tungkol sa tuksong espiritwal na hahatak pababa sa inyo, na espiritwal na sisira sa inyo.

Ngayon, ang 'tuksó' sa kahulugang tinukso si Jesus, inyong matatandaan, ay nasa Mateo 4 at Lucas 4: "Ang Tuksó". Ang tuksong iyon ay hindi ang uri ng tuksó kung saan, halimbawa, ang eskriba'y dumating at tinukso Siya sa pamamagitan ng pagtatanong ng isang mahirap na tanong, sinusubukan kung magkakamali Siya. Ngunit sa "Ang Tuksó" kay Jesus, ito'y nakalaang espiritwal na sirain Siya, na permanenteng patumbahin Siya sa pamamagitan ng isang espiritwal na torpedo. Ito ay tuksó sa sukdulang kahulugan nito, hindi mga pagsubok sa pang-araw-araw na buhay, na mga tuksong masasabi ninyong magiging sanhi na magkasala kayo, ngunit hindi sa isang paraan na lilisanin ninyo ang Diyos. Hindi sila nagiging sanhi ng pagkakasala ninyo sa paraang lubusan ninyong tatalikuran ang Diyos. Hindi sila ang magiging sanhi ng pagkakasala ninyo sa paraang guguho ang inyong pananampalataya. Ito'y dahil kayo'y palaging nagsisisi mula sa mga ganoong kasalanan; muli kayong nanunumbalik sa Panginoon. Lahat tayo'y nakararanas ng ganitong uri ng tuksó araw-araw. Ngunit ang tuksong ito - ang 'tuksó,' kung saan kayo'y nasa isang tiyakang kalagayan na ang layunin ay hindi na kayo makalalabas dito ng buháy, kung mapipigilan ito ni Satanas - kinakailangang ilabas kayo ng Diyos, o tiyakin na hindi kayo kailanman mapapasok dito.

Ang ganitong uri ng tuksó, samakatwid, ay makikita rin natin kay Pablo. Sa katunayan, makikita ninyo ito sa ilang mga lugar. Hayaan ninyong ibigay ko sa inyo ang isang halimbawa. Sa 1 Timoteo 6:9, makikita ninyo na itinatala ni Pablo ang tuksó sa isang napakatiyak na kahulugan - ang tiyak na espiritwal na kapahamakan. Ganito ang mababasa ninyo rito: "Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso," - pansinin na pang-isahan ito - "at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan."

Pansinin dito na ang layunin ng tuksó rito ay ang ilubog kayo sa pagkawasak at kapahamakan, kung saan doo'y wala nang balikan. Ito ay isang nakatatakot na bagay na tinutukoy sa Hebreo 6, na kapag kayo ay nahulog na roon, tunay na imposible pang espiritwal na mapanumbalik kayong muli. Iyon ang tuksó, ang sukdulang tuksó, ang tuksó kung saan wala nang balikan pa.

Iyon, siyempre, ang sinubukang makamtam ni Satanas sa pagtukso kay Jesus, ang permanenteng sirain Siya. Itong tunay na kahulugang ito, na napakatiyak na sinasabi ni Pablo, ay tumutukoy sa "pagka-wasak at kapahamakan". Ito'y hindi lamang ang mahulog sa kasalanan kung saan wala roong pagkawasak at kapahamakan, na magsisi lamang kayo, maaaring bahagya kayong masasaktan, subalit makalalabas kayong muli mula rito.

Hayaan ninyong basahin ko ang isa pang halimbawa sa inyo sa 1 Tesalonica 3:5. Dito muli ginamit ang tuksó sa sukdulang kahulugan nito: "Dahil dito, nang hindi ko na matiis pa, ako'y nagsugo upang mabatid ko ang inyong pananampalataya, sa takot na baka sa anumang paraan kayo'y natukso na ng manunukso, at ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan."

Pansinin: Si Pablo ay hindi natatakot na sila ay matutukso sa pangkalahatang kahulugan. Nasabi na niya na lahat ay matutukso; wala roong kataliwasan. Ngunit siya'y takot sa isang tiyak na uri ng tuksó, na "kayo'y natukso na ng manunukso, " iyon ay, ng Diyablo, na kayo'y espiritwal na masisira, kaya "ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan." Nangangahulugan iyon na ang aming paggawa at pagpagal na dalhin kayo kay Cristo ay nauwi sa walang-kabuluhanan, sapagkat lumisan na kayo mula sa Panginoon. Kayo'y espiritwal na na-torpedo. Kayo'y espiritwal na winasak.

Pansinin samakatwid na ginagamit din ni Pablo ang salitang 'tuksó' sa dalawang magkaibang kahulugan na ito. Sila'y magkaugnay dahil ang dalawang gawaing ito ay pangunahing isinasagawa ni Satanas. Ngunit ang kaibaha'y nasa kapangyarihan ng sandatang ginagamit.

May kaibahan sa mga panlabang-kilos. Sa karate, may 'chop' na kaya kayong patumbahin, na maaari kayong sindakin sa isang mahaba-habang panahon, subalit may isa pa na ang layunin ay ang hindi na kayo kailanman makababangon muli. Ito'y inilalagay sa isang tiyak na lugar sa likod ng leeg. Ang ganoong uri ng 'chop' ay maaaring mangahulugan na tapós na kayo magpakailanman. Hindi na kayo muling makatatayo. Kaya, may iba't-ibang uri ng 'chops.' Ang isa ay maaaring pabagalin kayo nang husto. Ang isa naman sa lalamunan, siyempre, ay maaaring epektibong mapawalang-malay kayo ng 10 minuto, basta't mahusay ang pagka-karate-chop nito sa inyo. Ang isa pang pag-atake ay maaaring magpabaldado sa inyong mga braso, kung kinakailangan. Ito'y depende sa kung anong uri ng sandata ang inyong ginagamit At gumagamit si Satanas ng isang tiyak na uri ng sandata kung bibigyan ninyo siya ng pagkakataong gawin iyon. Kaya, halimbawa, ang 'kayamanan,' na kakikita lamang natin sa 1 Timoteo, ay isang sandata na magagamit ni Satanas nang napaka-epektibo upang mabaldado niya kayo upang hindi na kayo muling makatatayo. At talagang nagawa niya ito sa maraming tao. Ginawa niya ito kay Judas; ginawa niya ito kay Demas. Dalawa ang kilala nating mga tao na napabagsak at tinapos, hindi na kailanman muling makatatayo. Si Judas ay tunay na hindi na muling nakatayo, at si Demas, sinabi sa atin sa 2 Timoteo [4:10], ay espiritwal na pininsala at winasak. Siya'y nahulog sa pag-ibig sa sanlibutan at kanyang iniwanan ang Panginoon. Ginamitan siya ng malaking sandata. Siya'y nahulog sa tuksó.

Samakatwid, pansinin ito. May isang panganib, isang malubhang panganib, na ating kinakaharap sa ganitong uri ng tuksó kapag nabigyan ng pagkakataon si Satanas. Magbukas kayo ng puwang at siya'y papasok kasama ng kanyang buong kapangyarihan upang pira-pirasuhin kayo. Iyon ang sinubukan niyang gawin din kay Pedro. Sinabi ng Panginoon kay Pedro, "Simon, Simon, narito, hini-ngi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:ł" - "upang watak-watakin ka; gaya ng pag-wawatak ng butil ng trigo mula sa balat nito, wawatak-watakin ka niya sa maliliit na piraso" - "subalit ako ay nana-langin para sa iyo..." - "upang ikaw ay di-magkawatak-watak." [Lucas 22:31-32] Alam ninyo, ito ang uri ng bagay na gustong gawin ni Satanas, kung bibigyan ninyo siya ng kahit na bahagyang pagkakataon. At si Pedro'y muntik nang mawala, 'di ba? Siya'y muntik nang mahulog sa sukdulang tuksong iyon. Ipinagkaila niya ang Pa-nginoon, ngunit siya'y nanumbalik. Muntik na siyang mawala, su-balit siya'y nanumbalik. Nabigyang lakas siya minsan pa ng Panginoon. Ang puso niya'y hindi niya lubusang isinara sa Panginoon.

Kung gayo'y pansinin na ating natatagpuan ang 'tuksó' sa dalawang lubhang naiibang kahulugan na ito. Ngayo'y nakikita na natin kung ano ang sinasabi ni Jesus. Nang sinabi Niyang, "Huwag mo akong dalhin sa tuksó...", hindi natin pinag-uusapan ang tungkol sa mga tuksong nakapaligid sa atin, kundi iyong tuksó kung saan wala na mula roong balikan. Kapag napunta kayo roon ay hindi na kayo muling makababalik. Kaya, iyon ang panalangin na kailangan nating idasal: "Panginoon, kung maaari sana'y huwag Mo akong dalhin doon. Tiyakin sana na ako'y hindi mahuhulog dito, na ako'y hindi madadala sa kalagayang iyon" at gaano natin kinakailangang manalangin para sa pagliligtas.

Makakaya Ba Nating Mapagtiisan ang Tuksong nasa Anyo ng Pag-uusig?
Alam ninyo, kapag tayo'y tumitingin sa hinaharap ng buhay-Cristiano, palagay ko'y lahat tayong nagmamahal sa Panginoon ay magkakaroon ng takot sa ating mga puso - gaya ng sinasabi ni Pablo, "na may takot at panginginig" [Filipos 2:12] - sa pagkakaalam na tayo'y mahihina at maaaring madala sa isang kalagayan kung saan iisipin natin kung tayo kaya'y makatatayo.

Isipin ito: yaong mga kapatiran sa China. Kung balang araw, kayo'y dalhin sa isang sitwasyon ng pag-uusig, makatatagal ba kayo? Makatatayo ba kayo? Kung kayo'y ipailalim sa pisikal at pangkaisipang pagpapahirap, makatatagal ba kayo? Ipanalangin, "Panginoon, huwag Mo akong dalhin sa ganoong sitwasyon, sapagkat ako'y mahina" at doon ninyo malalaman na kapag sumapit kayo sa kalaga-yang iyon, pinayagan lamang kayo ng Diyos na makapasok sa kalagayang iyon sapagkat alam Niyang makararaos kayo doon dahil dadalhi't ililigtas Niya kayo roon.

Ang mga Cristiano sa China ay labis na pinahihirapan, hindi higit na mula sa pisikal na pananakit kundi mula sa mabigat na trabaho o 'hard labor'. At gusto ko munang sabihin ito: kapag sinasabi ko ang mga bagay na ito, ayaw kong isipin ninuman na ako'y laban sa pamahalaan, o kaya'y laban sa Komunismo. Ayaw kong mag-isip ang sinuman ng ganito. Mahal ko ang mga Komunista sapagkat kailangan nila si Cristo. Gusto kong napakalinaw na sabihin ito. Sa tuwing may masasabi akong anuman na tila laban sa Komunista, nais kong maunawaan ninyo: Hindi ko kinamumuhian ang mga Komu-nista. Walang karapatan ang isang Cristiano na kamuhian ang mga Komunista. Hindi niya kailanman dapat gawin iyon. Mahal ko sila sapagkat kailangan nila si Cristo katulad din ninuman. Ngunit kailangan nating pag-usapan ang tungkol sa mga katotohanan.

Ang minamahal kong mga kaibigan sa China, sa ngayon, lahat sila'y nakulong na. Karamihan sa kanila ay napasok sa kulungan sa iba't ibang panahon. Kung ako'y nanatili sa China ng mahaba-habang panahon, maaaring nasa kulungan na rin ako. Ngunit sila'y napailalim sa katakut-takot na paghihirap. Salamat sa Diyos na ako'y wala pang naririnig na ni isa man sa kanila ang bumagsak sa ilalim ng mga pagpapahirap na iyon! At ako'y tunay na nanalangin na hindi ako kailanman babagsak sa ilalim ng mga ganoong pagpapahirap.

Isipin iyon. Kung kayo'y nasa ganoong kalagayan, makaliligtas ba kayo? Makakaya ba ninyong manatili sa pananampalataya? Iyon ang dahilan kaya palagi kong sinasabi sa mga tao: Walang kabuluhan na sabihin sa mga tao na maging Cristiano sa isang madaliang paraan; kapag sila'y malagay sa ilalim ng pagpapahirap, sila'y hindi makatatagal.

Isipin ninyo ang ganitong uri ng labis na pagpapahirap [torture] sa China na naikuwento sa akin. Ikinukulong ang Cristiano at ang pagkain ay inilalagay sa isang halos-ngunit-hindi-maabot na lugar. Siya ay hindi pisikal na pinahihirapan ng labis, subalit ang pagkain ay [hindi niya maabot] - iuunat ninyo ang inyong braso sa mga rehas at halos bahagya ninyo nang mahahawakan ang mangkok, ngunit ito'y inilagay sa hindi ninyo maaabot na lugar; hindi ninyo makuha-kuha ito. Kayo ay ginugutom. Sa pagdaan ng bawat araw, higit kayong gutom na gutom. At sasabihin nila sa inyo, "Itatwa mo lamang si Jesus. Sabihin mo lamang na, 'Ako ay hindi na isang Cristiano. Ako'y hindi naniniwala kay Jesus' at aming ibibigay sa iyo ang mangkok. Bakit mo pa pinahihirapan ang iyong sarili? Isang simpleng salita lang: 'Ako'y hindi naniniwala kay Jesus' at makukuha mo na ang mangkok!"

Hayaan ninyong tanungin ko kayo: Makatitiis ba kayo? Makakaya ninyo bang tumingin sa pagkaing iyon, na ang tiyan ninyo'y umuu-ngal sa loob ninyo? Hindi ninyo kaya iisiping, "Sasabihin ko lamang na 'hindi ako naniniwala kay Jesus' at maaari na akong magkaroon ng pagkaing iyon"? Makatitiis ba kayo? Isipin ang tungkol dito. Sa palagay ko'y pag-iisipan ko rin ito. Iisipin kong: "Panginoon, ano ang gagawin ko kung ako'y nasa ganoong kalagayan? Ano ang gagawin ko?" Kayo ay unti-unting pinapatay sa gutom sa pagtingin sa pagkaing iyon. Sasabihin ninyo bang, "Ako'y hindi naniniwala" at magkakaroon na kayo ng pagkain? Puwede ninyong sabihin na, "Maaari kong dayain sila. Ako'y naniniwala sa aking puso. Tunay na ako'y naniniwala. Ngunit sasabihin ko na lamang sa kanila na 'hindi ako naniniwala,' at makakakain na ako." Mapalalaya na ako sa pagpapahirap na ito.

Iyon ang ginawa ni Pedro. Sinabi niya, "Tingnan, ako ay tunay na naniniwala sa aking puso, ngunit kung ilalagay ninyo ako sa kulu-ngan, [sasabihin kong] 'Hindi ko Siya kilala. Hindi ko kilala kung sino si Jesus.' Binobola ko lamang kayo, ha, ha! Tingnan, ako'y naniniwala." Ano kaya kung tayo'y maging tulad nito? Sa kasong ito, hindi na ninyo kailangang mapunta pa sa kulungan. Kapag dinakma nila kayo, sabihin ninyo lang na, "Ay, hindi ako isang Cristiano. Maling tao ang dinadakma ninyo!" [Ang iniisip ninyo ay:] "Kung ako ay mananatiling malaya, makagagawa ako ng mas maraming gawain para sa Panginoon. Kinakailangan ko lang na dayain ang mga Komunista; iyon lang ang kailangan kong gawin." Sa palagay ninyo ba'y maaari ninyong gawin ang ganito?

Walang sinuman na napag-aralan ang kasaysayan ng iglesia ang mabibigong makita kung gaano karaming hirap ang dinanas ng mga sinaunang Cristiano sa ilalim ng pag-uusig. Nang binasa ko ang mga aklat tungkol sa kasaysayan ng sinaunang iglesia, halimbawa, ng mga pagsubok at labis na pagpapahirap sa mga Cristiano sa Lyons, France, sa Ikalawang Siglo, sinasabi ko sa inyo na pagpapawisan kayo sa pagbabasa lamang ng salaysay, hindi na bale ang isipin pa na naroroon kayo. Basahin ninyo lamang ang salaysay at magsisimula na kayong pagpawisan.

May isang babae na labis na pinahirapan sa loob ng buong pitong araw - labis na pinahirapan araw-araw sa loob ng pitong araw upang wasakin siya - ngunit hindi siya nawasak. Siya'y buong nalumpo sa pisikal. Ang kanyang mga buto ay wasak-wasak; siya'y nalumpo. At siya'y naghihingalo na, ngunit hindi pa rin siya patay. Sa loob ng pitong araw, siya'y labis na pinahirapan nila. Sinaktan pa nila ang mga sugat na kanilang naratay na sa kanya, hanggang wala nang matirang balat sa kanyang katawan. Ngunit hindi niya maitatwa ang Panginoon. Nang mabasa ko ang tungkol dito, sinabi ko, "Makaliligtas kaya ako rito? Makakaya ko bang mapagtiisan ang ganitong uri ng pagtrato sa akin?"

Sa katunayan ay dalawa sila. Ang isa nama'y buntis. Siya'y malapit nang manganak, nang nagsimula ang pag-uusig. Siya'y kanilang dinakma't dinala sa tabing dagat. Unti-unting tumataas ang alon. Sinabi nila, "Buweno, kung itatatwa mo ang Panginoon, palalayain ka namin. Kung sa anumang oras ay iyong itatatwa ang Panginoon, palalayain ka namin." Ang tao ay dalubhasa sa paglikha ng kalupitan, 'di ba? Ang kaisipan ng tao ay lubhang magaling sa paglikha ng ganitong uri ng bagay.

Unti-unti ang pagtaas ng tubig. At alam ba ninyo kung gaano kabagal ang paglaki ng tubig? Unti-unti itong nakarating sa kanyang babŕ, pataas nang pataas at parami pa. Isipin ang tungkol dito. Maaari niyang sabihin sa kanyang sarili na, "Alang-alang sa sanggol ko, itatatwa ko ang Panginoon. Alang-alang sa asawa ko, itatatwa ko ang Panginoon" Dinanas niya ito hanggang tabunan siya ng papataas na tubig. Hindi niya kailanman hiningi ang mapalaya. Siya'y nalunod sa pamamagitan ng dahan-dahang pagpapalunod. At hindi na kailangan pang sabihin na ang kanyang anak ay hindi na kailanman naipanganak. Ngunit sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, libu-libong mga tao ang bumaling sa Panginoon. Sinabi nila, "Kung ganoon minahal ng isang tao ang Panginoon at ang Panginoon ay lubos na karapat-dapat na mahalin, samakatwid siya'y karapat-dapat na paniwalaan." Sa madaling salita, nagkaroon siya ng higit na maraming espiritwal na mga anak. Maaaring magkaroon siya ng isang pisikal na anak o mas marami pa, subalit sa halip ay nagkaroon siya ng espiritwal na mga anak.

Datapuwa't iyon ang tuksó! Ang layunin nito'y ilagay kayo sa ilalim ng ganoong paghihirap upang espiritwal na wasakin kayo, maliban kung bawat isa sa atin ay [mananalangin na], "Panginoon, huwag mo akong dalhin sa tuksó. Ako'y mahina. Huwag mo akong dalhin sa ganitong uri ng kalagayan. Ngunit kung balang araw ay dinala Mo nga ako sa ganitong kalagayan, kung isang araw ay ipinapalagay Mo na ako'y may sapat nang lakas upang mapagdaanan ito, kung gayo'y panatilihin Mo ako hanggang sa wakas. Aleluya!"

Ang Digmaan Para sa Ating Kaluluwa'y Masigasig na Pinaglalabanan
Ang ating oras ay mabilis nang nauubos at kailangan ko pang sabihin ang isang bagay. Ang digmaan para sa ating mga kaluluwa ay masigasig na pinaglalabanan. Umaasa ako na ang bawat isa sa inyo, mga kapatid, ay nalalaman na ang Kaaway ng ating kaluluwa ay masigasig na lumalaban para rito. Seryoso siya. Kung hindi kayo seryoso, kung gayo'y hindi ito mabuti para sa inyo. Seryoso siya. Kaya kung seryoso siya't kayo'y hindi, makukuha niya kayo.

Iyon ang dahilan kaya sinasabi ni Pablo sa mga taga-Efeso sa Efeso 6: "Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos," [b.11] at "kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag." [b.13] Isinusuot natin ang kasuotang pandigma ng Diyos hindi upang lusubin at durugin ang Kaaway. Wala saanman sinasabi ni Pablo ang ganoon. Nalalaman niya na ang Kaaway ay lubhang makapangyarihan at tayo ay mahina. Sinabi niya, "At kung magawa na ninyo ang lahat, siguraduhin na nakatayo kayo bilang Cristiano." Tingnan, nangungusap si Pablo para sa espiritwal na pananatiling-buháy. Siya'y hindi nangungusap ng tungkol sa pagsulong [advancement] sa mga taga-Efeso. Isa sa pinakamahusay na iglesia na mayroon si Pablo ang iglesia sa Efeso. Ito'y isang kahanga-hangang iglesia. Magkagayunman, siya'y nag-aalala na sila'y makatatayo.

Ano ang kabaligtaran ng 'nakatayô'? Buweno, makikita ninyo kung ano ang kahulugan nito. Ang kabaligtaran ng nakatayô ay ang bumagsak. Ang bumagsak sa digmaan ay nangangahulugang mapatay, mawasak. Iyon ang dahilan kaya nag-aalala si Pablo na gawin nila ang lahat upang makatayo: "Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos." Dito muli, may palihim na panirang turo na nagsasabi sa inyo na kayo'y palaging tiyak na ligtas sa anumang paraan. Ipagpaumanhin kung itanong ko sa inyo: Para saan pa natin kinakailangan ang kasuotang pandigma? Walang turo sa Biblia na sinasabi sa atin na palagi kayong ligtas. Sinasabi ni Pablo, "Isuot ninyo ang kasuotang pandigma" sapagkat nakasalalay ang buhay ninyo rito. Gawin ang lahat upang kayo'y makatayô." Hawakan ang tabak sa inyong mga kamay sapagkat lulusubin kayo ng Kaaway. Ang tabak na iyon ay hindi pang-display lang; kailangan ninyong gamitin ito. Kaya, kailangan ninyong pag-aralan kung paano gamitin ito at gamitin ito nang mahusay. Ang Salita ng Diyos ay ang tabak ng Espiritu.

Dapat Nating Ipanalangin ang "Iligtas Mo Kami Sa Masama"
Kung gayo'y pansinin na ang digmaan para sa kaluluwa ay masigasig na pinaglalabanan. Kaya, kailangan nating ipanalangin ang,    "...iligtas mo kami sa masama". Ano ang kahulugan nito? Ang salitang 'iligtas' ay nangangahulugan na 'sagipin', 'pangalagaan', 'iligtas mula sa' masama. Pansinin ngayon na kaagad na ipinapalagay rito na pinalilibutan na tayo ng masama. Nakikita ba ninyo ang dalawang aspetong ito ng masama: ang isa, ang tuksó na nag-lalayong manira, at [pangalawa], ang tuloy-tuloy na kasamaan na nasa paligid natin? Pareho silang ipinalalagay rito sa ganap na turo ni Jesus. Walang nalaktawang anuman. Tingnan, dito'y ipinalagay na ang kasamaan ay nasa buong paligid natin, at kinakailangan nating maligtas mula sa masama. Tayo'y kailangang mailigtas sa gitna ng kasamaan.

Ano ang mas ganap na kahulugan nito? Noong tiningnan ko sa Mga Awit, natagpuan ko ang parehong salita sa Lumang Tipan sa Griyego na ginamit ng 62 beses, iyon ay, ang salitang 'iligtas' [deliver]. At nang siyasatin ko ang gamit nito, natagpuan ko na sa Lumang Tipan, ito'y pinakamadalas na gamitin sa Mga Awit. Ang Mga Awit, siyempre, ay mga panalangin ng mga banal, at 62 beses sa Mga Awit ninyo makikita ang salitang ito, "iligtas mo ako", o isang panalangin ng pasasalamat para sa pagliligtas.

Kaya makikita natin ang ugnayan ng salitang ito sa 'Ang Panalangin ng Panginoon' at sa panalagin sa Mga Awit. Sinasabi Niya sa atin, "Manalangin gaya ng ginawang pananalangin ng tao ng Diyos sa Mga Awit. Manalangin para sa pagliligtas mula sa masama, mula sa lahat ng uri ng kasamaan, sa kahirapang nasa paligid ninyo. Siyasatin ang lahat ng 62 halimbawa na ito sa Mga Awit at kayo'y magkakaroon ng isang ganap na ideya. Siyempre, wala tayong oras na tingnan ang bawat halimbawa. Naroon ang pagliligtas mula sa kamatayan, "Iligtas mo ako mula sa kamatayan" - ang kamatayan dito ay hindi lamang tumutukoy sa pisikal na kamatayan, kundi sa espiritwal na kapahamakan. O sinasabi ng [Mang-aawit]: "ang kalupitan ng masasamang tao ay nakapaligid sa akin, sinusubukang espiritwal na wasakin ako." Kung gayon, tayo'y nasa gitna ng kasamaan. Sinasabi sa atin ng Biblia na ang buong sanlibutan ay nasa kamay ng Kaaway. Kaya tayo'y kinakailangang mailigtas sa lahat ng oras mula sa palagiang bantâ sa ating espiritwal na buhay.

Habang Tayo'y Nananalangin para sa Pagliligtas, Dapat Nating Bantayan ang Ating mga Kahinaan
Ang salitang 'iligtas', 'palayain' o 'sagipin' mula sa masama - itong salitang Griyego - ay ginamit sa Lumang Tipan upang isalin sa 10 iba't-ibang mga salitang Hebreo. Ang kahulugan ng lahat ng ito ay ganito lamang: na ang salitang ito ay ginamit sa pinakamalawak na kahulugan ng 'iligtas'. "Iligtas mo ako", sa madaling salita, ay sa bawat kahulugan ng kung saan kinakailangan kong maligtas - mula sa masama, mula sa kapangyarihan ng masama, ang pagwasak ng kasamaan. At kaya, inyong nakikita rito ang larawang ipinakikita sa atin ng Panginoong Jesus. Kayo'y isang disipulo; kayo'y kinatawan ng Diyos sa sanlibutan; kayo ang ilaw sa gitna ng kadiliman, at sinusubukan ng kadiliman na lamunin kayo.

Mababasa natin sa Juan, "at ito'y hindi nagapi ng kadiliman." [Juan 1:5], ngunit sinubukan nito. Ang kadiliman ngayon ay sinusubukan ding gapiin tayo. At kaya ating ipanalangin ang, "Iligtas Mo ako sa gitna ng kasamaang ito." Tayo'y nakikipaglaban para sa ating espiritwal na kaligtasan. Kinakailangan nating manalo! Kung hindi tayo mananalo, tayo'y tapos na. Kung kaya, sinabi ko kanina, inaatake tayo ng Diyablo sa ating pinakamahinang kalagayan. Iyon ang kung bakit idinidiin ng masama ang pinakamahina ninyong ugat [nerve]. Pag-aralan at alamin kung ano ito. Siguruhin na iniingatan ninyo ito nang mabuti mula sa pag-atake ng Kaaway.

Palagay ko'y alam nating lahat na ang brilyante ay ang pinakamatigas na bato, ang pinakamatigas na materyal na mayroon tayo. Napakatigas nito na kaya nitong hiwain ang salamin, na lubhang matigas. Marami kayong maaaring gawin na mga bagay sa mga brilyante. Ito'y maaaring makahiwa ng pinakamatigas na mga materyal. Datapuwa't ako'y nasabihan din nito: na ang bril-yante, kahit na ito'y napakatigas, ay may isang mahinang bahagi. Kung alam ninyo saan ito at hinampas ninyo ang  brilyante mula sa tamang anggulo, mababasag ninyo ang brilyante. At mababasag ninyo ito sa pamamagitan ng isang bagay ng lubhang malambot. Halimbawa, maaari ninyo itong pukpukin gamit ang isang martilyo na tingga [lead]. Maaaring alam ninyo na ang tingga ay isang lubhang malambot na bakal. Maaari kayong kumuha ng isang martilyong yari sa tingga at kung pinukpok ninyo ito mula sa tamang anggulo, mababasag ninyo ang brilyante. Maaaring wasakin ng malambot na materyal na iyon ang pinakamatigas sa lahat ng mga materyal, kung ito'y pupukpukin mula sa tamang direksyon at kung makukuha nito ang mahina nitong bahagi. Sa katulad na paraan, ang bawat Cristiano ay mayroong isang mahinang bahagi, isang kahinaan sa kanilang sistema. Alam ng Diyablo na hindi niya kinakailangang maging napakalakas upang wasakin kayo, kung tatamaan niya kayo sa tamang bahaging iyon.

Kung titingin kayo sa Biblia, makikita ninyo ito mismo, na bawat makapangyarihang tao ng Diyos ay may isang kahinaan. Walang palyang susubukang tirahin ni Satanas siya sa kanyang kahinaan. Halimbawa'y si David. Si David ay isang makapangyarihang tao ng Diyos, isang taong sumusunod sa puso't kalooban ng Diyos. Ngunit siya'y may isang napakalaking kahinaan, isang kahinaan na pangkaraniwan na sa maraming tao: ang kahinaan para sa magagandang babae. At alam ninyo kung paano ito naging malaking kapahamakan. Ito'y dahil mismo sa kahinaang iyon, kung saan tumi-ngin siya sa labas ng bintana at nakita niya itong magandang babae roon, at ang kanyang puso ay nagnasa sa babaeng ito. Ginamit iyon ni Satanas! Sinabi niya, "Tama iyon, David" at bang! Tinamaan niya siya sa isang putok at si David ay nawasak na. Ang matigas na mala-bakal na materyal na iyon - ang brilyanteng iyon - ay nabasag.

Pansinin ito, ang brilyante ay isang magandang larawan ng isang Cristiano, 'di ba? Ang Cristiano'y kinakailangang maging tulad ng isang brilyante, na naaaninag ang kaluwalhatian ng Diyos. Siya'y kinakailangang maging tulad ng brilyante, na maliwanag, na napag-lalagusan ng liwanag. Ang pinakamainam na Cristiano ay isang maliwanag na Cristiano; makikita ninyo agad kung sino siya. Hinahayaan niyang tumagos ang liwanag; hindi niya hinaharang ang liwanag. Kaya, makikita natin dito na ang Cristiano, kahit na masyado siyang hawig ng isang brilyante sa maraming paraan, isang hiyas sa korona ng Diyos, ngunit kung siya'y tinamaan at hindi siya nag-ingat, siya'y maaaring mabasag.

Makikita natin ang ganoon ding suliranin kay Augustine. May ganoon ding kahinaan si Augustine, ang paghahangad sa mga babae. Halos dalhin nito siya sa desperadong kalagayan. Alam ni Augustine na iyon ang kanyang kahinaan, at talagang tumakbo siya nang matulin hanggang sa makakaya niya, upang hindi siya maabot ng Di-yablo. Sa katunayan, ikinulong niya ang kanyang sarili sa monasteryo upang tiyakin na hindi siya maabot ni Satanas doon. Hindi ako sigurado kung ito'y isang napakabuting paraan, ngunit ito'y isang paraan ng paggawa nito.

At may mga iba pa. Halimbawa'y si Pedro. Si Pedro ay isang tao na malaki ang tiwala sa sarili. Iyon ay isang mapanganib na kaloob na maaari tayong magkaroon. May mga tao na lubos ang tiwala sa sarili at sila'y madaling mapabagsak. Hindi sila mahirap pabagsakin - gaya ng pagbagsak ni Pedro, at gaano kasamâ ang kanyang pagbagsak. O matatagpuan ninyo ito sa ibang mga tao.

Si Solomon ay may isang kahinaan din. Ang kahinaan ni Solomon ay ang kanyang karunungan. Siya'y isang napakarunong na tao, kaya ginawa niyang isang hangal ang sarili niya. Ito'y kataka-taka, 'di ba? Nakayanan niyang maging napakarunong na ito'y naging dahilan ng kanyang pagbagsak. Natagpuan niyang siya'y naging lubhang marunong, napakatalino, at punô ng karunungan ng sanlibutan, na maaari siyang matamaan sa anggulong iyon at sa kahuli-huliha'y hindi niya alam kung nasaan na siya. Sa espiritwal na wakas, si Solomon ay isang espiritwal na kawalan.

Sa katunayan, sa katapusan, hindi man lang ninyo alam kung si Solomon ba'y ligtas o hindi. Kung tatanungin ninyo ako ng, "Ligtas ba si Solomon o hindi?" hindi ko masasabi sa inyo ang sagot. Ang masasabi ko lamang sa inyo na malalaman natin sa Araw na iyon.Ating matutuklasan iyon sa Araw ng Paghuhukom. Ang taong ito na nagbigay sa atin ng aklat ng mga Kawikaan (o kahit papaano, ang ilang bahagi nito) at ang aklat ng Eclesiastes [o Ang Mangangaral] na punô ng turo para sa iba, siya mismo ay bumagsak!

Ngayo'y nauunawaan na ninyo kung bakit sinabi ni Pablo, "Baka sakaling ako mismo, pagkaturo't pagkapangaral ko sa iba, ako man ay itakuwil at ako'y mapawalang karapatan." [1 Corinto 9:27] Ang mangangaral ay maaari ring atakihin ng Kaaway gaya ninuman, at higit siyang walang maidadahilan.

Sa gayo'y nakikita natin na bawat tao ay may isang kahinaan na magagamit ni Satanas, kung hindi tayo maingat. At saka mayroon pang iba. Nabanggit natin ngayun-ngayon lang sina Judas at Demas, mga taong umibig sa salapi. Ang pag-ibig sa mga bagay sa sanlibutang ito: ang magarang sasakyan, ang magagandang bahay - gaano karaming tao ang walang kahinaan sa mga iyon? At bibigyan lang kayo ni Satanas ng $1,000,000, at boom! Mahuhulog na kayo sa ba-ngin! Tulad ni Demas, na isang buong-panahong manggagawang Cristiano, ay nawasak. Si Judas ay isa sa 12 alagad at siya ay bumagsak din. Kapag nakakita kayo ng mga taong nasa ganoong kalibre, mga taong talagang malayo na ang narating sa buhay-Cristiano, na espiritwal na bumagsak, masasabi ninyo na lamang na, "Panginoon, huwag Mo akong dalhin sa tuksó, kundi iligtas Mo ako mula sa masama, sapagkat nalalaman ko na ang kasamaan ay nasa buong paligid, na sinusubukang sirain ako. Ilabas Mo ako rito!"

Tapos ng mensahe.

šAng Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001.

˛Ang Biblia, Philippine Bible Society, 1982.

łAng Biblia - King James Version, (Tagalog-English Diglot Bible, Philippine Bible Society, 1995.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.