CDC Home | Feedback  | updated on 28 May 2008

A Christian Evangelism and Discipling Ministry

CDC Home

| Where We Meet

 | About Us

 | Hotlinks

 | Bookstore

 | Write to Us

Oasis

Sermons - Text

Sermons - Audio


Higher Ground

Devotionals

Missions

Testimonies


Trainings

Commitment

Basic

Intermediate

Doctrinal & Exegetical

Full-Time Ministry


Draw Near

Worship in Songs


Others

Audio Cassettes

Books Ministry

- Chinese

- English

Music & Film Ministry


Languages


Tagalog

 


Subcribe to CDC Feed subscribe feed

Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan
(The Three Spiritual Principles of Peace)

Buod ng Sermon ni Pastor Eric Chang

"At biglang nakisama sa anghel isang karamihang hukbo ng langit, na nagpupuri sa Diyos, at nangagsabi:

'Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.'" (Lucas 2:13-14)

Sa grasya ng Panginoon, matututunan natin ang mahalagang aral mula sa mensahe ng mga anghel. Isang gabi, may mga pastol na nagbabantay sa kanilang mga tupa nang biglang magpakita sa kanila ang anghel ng Panginoon. Ang salitang "anghel" ay galing sa salitang Griyego na nangangahulugang "mensahero." Ito ang mensaheng dala ng anghel:

Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malalaking kagalakan... Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban." (Lucas 2:10-12)

Ito'y isang tunay na mapagkakatiwalaang tanda dahil hindi pangkaraniwang ipanganak ang isang sanggol sa isang sabsaban. (Ang sabsaban ay isang lugar na kung saan kumakain ng mais, trigo or dayami ang mga hayop.)

Biglang lumitaw ang malaking pangkalangitang hukbo na nagpupuri sa Diyos, at nagsasabing "Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya." Sa mardyin o talababa (footnote), ito'y mababasang: "kapayapaan, mabuting pakikipagkapwatao sa sanlibutan." Mukhang may kaibahan ang dalawang pagsalin [dahil mukhang mas katangi-tangi ang itinutukoy ng una kaysa pangalawang sambit], ngunit makikita natin na alin man sa dalawa, hahantong din sa iisang bagay at walang idudulot na pagbabago sa diwa ng mensahe.

Ang Unang Prinsipyo ng Kapayapaan:
Ang kapayapaan ay hindi maaaring maihiwalay sa pagkamatuwid o kabanalan.

Ang dalawang bagay na ito ang laging magkasama: kapayapaan at pagkamatuwid. Kung walang pagkamatuwid ay hindi magkakaroon ng kapayapaan.

Ang dalawang posibleng pagbasa: "kapayapaan, mabuting pakikipagkapwa-tao sa sanlibutan" at "sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya" ay kaugma ng unang Prinsipyo ng Kapayapaan. Nagagalak lamang ang Diyos sa mga taong matuwid. Hindi Siya natutuwa sa mga masama. Hindi ibig-sabihin nito na hindi Niya minamahal ang mga taong makasalanan - kahit ang mga makasalanan ay minamahal Niya - ngunit hindi Siya nasisiyahan sa kanilang pagiging makasalanan.

Sa Griyego, ang salita para sa kagalakan o kasiyahan ay "eudokia" at ito'y karaniwang ginagamit lamang patungkol sa Panginoong Jesus. Sa bautismo ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay nagwikang: "Ikaw ang sinisinta kong Anak; sa iyo ako lubos na nalulugod." (Lucas 3:22) Nagalak ang Diyos sa Panginoong Jesus sapagkat Siya ay matuwid. Sinabi ng Panginoong Jesus sa Juan 8:29: "...sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod." Ang mabuhay na banal ay ang mabuhay na nakalulugod sa Diyos.

Mayroon ba tayong kapayapaang tinatamasa - kapayapaang espirituwal sa lubos nitong kalaliman at kayamanan? Ito ay hindi natin makakamit hanggang hindi natin lubusang itinatalaga ang ating buhay kay Cristo. Maraming mga Cristiano ang napapaisip, "Ako ay Cristiano, ngunit wala akong kapayapaan." Ang kapayapaan ay hindi basta-basta lamang ibinibigay, na ang kailangan lang nating gawin ay magpabautismo at mapapasaatin na ito. Gawin nating hangarin ang magsabing, "Mamumuhay akong nakalulugod sa Kanya." Kung tayo ay magiging totoo sa hangaring ito, anong saya at payapa ang nasa atin!

Mayroon ding negatibong banda itong unang prinsipiyo ng kapayapaan. Kung hindi ko tinatamasa ang malalim at pangloob na kapayapaan, maaaring may itinatago akong kasalanan sa aking puso. Ang kapayapaan ay ipinagkakaloob lamang sa mga kinalulugdan ng Diyos. Maaaring bilhin ang lahat ng gamot na pampakalma or lunurin ang sarili sa alak, ngunit kinabukasan ay kinakailangan mo ring bumalik sa bote (ng alak or pampakalma). Ang tunay na kapayapaang pangloob ay darating lamang sa iyo sa pamamagitan ng kabanalan. Pagkatapos noon, "At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay mag-iingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pag-iisip kay Cristo Jesus." (Filipos 4:7)

Sa 2 Timoteo 2:22, nagwika si Apostol Pablo, "Datapuwa't layuan mo ang masasamang pita [lust] ng kabinataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis." Ang kapayapaan na tinutukoy ni Apostol Pablo ay ang pagkamatuwid ng pusong wagas.

Sinabi rin ni Apostol Pablo sa 1 Tesalonica 5:23: "At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo." Ang Diyos ay "Diyos ng Kapayapaan" dahil Siya ay "Diyos ng Pagkamatuwid."

Kahit na ikaw ay Cristiano, isang taong hinirang ng Diyos, hindi ka maaaring kalugdan ng Diyos kung ang hangad mo ay kasamaan at kung mahal mo ang kasalanan. Ito ang babala sa 1 Corinto 10:5 na tumatalakay sa kung paano tinrato ng Diyos ang mga Israelita sa ilang [wilderness], "Bagaman ang karamihan sa kanila ay hindi nakalugod sa Diyos; sapagka't sila'y ibinuwal sa ilang." Ang mga taong hinirang [chosen] ng Diyos ay himalang nailigtas at nailabas mula sa Egipto, ngunit hindi sila kinalugdan ng Diyos. Hindi rin Niya kinalulugdan ang mga Cristiano ngayon na hindi sumusunod sa Kanyang tawag na magpakabanal gaya ng sinabi sa 1 Tesalonica 4:7 na: "Sapagka't tayo'y tinawag ng Dios hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal." Hinangad ng mga Israelita ang kasamaan kung kaya't hindi sila nabigyan ng kapayapaan; sa halip ay pagkawasak. (Tingnan ang 1 Corinto 10:8-10)

Nangusap si Apostol Pablo sa mga Cristiano, "Ang mga bagay na ito nga'y pawang naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong magsipagnasa ng mga bagay na masama na gaya naman nila na nagnanasa." (1 Corinto 10:6) Higit sa lahat, maaaring matuwid tayo ngayon, ngunit kapag sa kalaunan tayo ay muling tumalikod, hindi malulugod ang Diyos. "Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa." (Hebreo 10:38)

Ang kapayapaan ay laging kasama ng kagalakan: "Sapagka't ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo." (Roma 14:17) Muli, sa 1 Tesalonica 4:7 tayo ay tinatawag sa kabanalan at sa Colosas 3:15 tayo ay tinawag sa kapayapaan.

Ikalawang Prinsipiyo ng Kapayapaan
Ang mensahe ng kapayaan ng Diyos ay ipinahayag ng mga mensahero ng kalangitan noong kapanganakan ni Cristo:

Ang kapayapaan ay matatagpuan lamang kay Cristo.
Ang unang prinsipiyo ay aktibo rin sa ikalawa. Si Cristo ay ang ating kapayapaan sapagkat Siya rin ay ang ating pagkamatuwid. Sa Efeso 2:14 sinasabing si Cristo ay "ang ating kapayapaan" at sa 1 Corinto 1:30 Siya ay tinatawag na ating "katuwiran at kabanalan."

Paano naging si Cristo ang ating kapayapaan at kabanalan? Siya ay pinarusahan upang matamo Niya ang ating kapayapaan:

Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsa-langsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. (Isaias 53:5)

Dumating si Cristo upang itatag ang kapayapaan para sa atin, upang maging posible para sa isang makasalanan ang maging matuwid at magkaroon ng kapayapaan. Hindi mo maaaring bigyan ng kapayapaan ang isang makasalanan kung hindi mo rin siya bibigyan ng pagkamakatuwid.

Sa Bibliya, ang kapayapaan ay kaugnay ng buhay. "Sapagka't ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa't ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan." (Roma 8:6) Sa pamamagitan ng Kanyang krus, naitatag ni Cristo ang kapayapaan para sa atin. Higit pa rito, hindi lamang Niya kinakansela ang ating utang. Dahil kung ganoon, ang pagkamakatuwid ay panglabas lang. Ayon sa unang espirituwal na prinsipyo, ang kapayapaan at ang pagkamatuwid ay di-mapaghihiwalay, kaya kung ang pagkamatuwid ay panglabas lang, gayun din ang kapayapaan; ito ay panglabas lang. Magaling sana para sa ating mga makasalanan kung tayo ay mapawalang-sala at maideklarang inocente, ngunit kung tayo'y muling magkasala, mahahatak tayo pabalik sa korte. Hindi lubos na kaligtasan ang kaligtasang walang pagbabago!

Bago na ba tayo? Sinabi ni Apostol Apostol Pablo: "Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago." (2 Corinto 5:17) Ito ang kagandahan ng kaligtasan; hindi lamang tayo naideklarang walang sala [justified], ginawa rin tayo ng Diyos na matuwid [sanctified]. Sinabi ni Apostol Juan: "Ang sinomang ipinanganak ng Dios ay hindi nagkakasala...." (1 Juan 3:9) Ganito ba ang ating katayuan?

Ngunit ang pagbabago ay unti-unti. Hindi tayo magiging perpekto sa isang araw. Bilang mga Cristiano, alam natin ang pakikipaglaban sa kasalanan. Sa Filipos 3:12 nagsabi si Apostol Pablo, "Hindi sa ako'y nagtamo na, o ako'y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus." Gaya ba ni Apostol Apostol Pablo ang ating pananaw?

Minsan sa ating pakikipaglaban sa kasalanan, mapapapansin nating nababagabag ang ating kapayapaan. Kung hindi natin mapagtagumpayan ang kasalanang unti-unting pumapasa-atin, mawawala ang ating kapayapaan. Pinakamasamang bagay na para sa isang Cristiano ang hindi magdesisyon laban sa kasalanan. Halimbawa, maaari nating paglaruan sa isip ang isang kasalanan at masiyahan dito ng ilang sandali, tapos mapansin na lang na wala na pala ang kapayapaan sa atin. Dapat tuloy-tuloy tayong umasa sa Banal na Espiritu upang maibalik ang kapayapaan at kabanalan.

May matinding suliranin sa simbahan ngayon: ang kaligtasan ay ipinahahayag nang walang pagsaalang-alang sa kabanalan. Laging binabanggit ang Roma 6:23: "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin." Sa hindi pagsama sa napakahalagang elemento ng kabanalan, maraming mga Cristiano ang walang kapayapaan. Tinuruan sila na ang kabanalan ay mga mabubuting gawa. Itinuro sa kanila na binibigyan tayo nang buhay na walang hanggan kay Cristo kahit na magpapatuloy sila o hindi sa kasalanan. Kapag binabanggit natin ang Roma 6:23, nasasailalim tayo sa obligasyon na banggitin din ang Roma 6:22:"Datapuwa't ngayong mga laya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Dios, kayo ay mayroong inyong bunga sa ikababanal, at ang wakas ay ang buhay na walang hanggan." Ito ba ang ating karanasan?

Ang Ikatlong Prinsipiyo ng Kapayapaan:

Ang kabanalan ay tiyak na lalabanan ng kasamaan.
Pansinin mo ang pagkapoot kay Jesus sa pagdating pa lamang Niya sa mundo. (Mateo 2:3ss, Juan 1:11) Ang kasamaan at kabutihan ay hindi mapagkakasundo dahil sila'y magkasalungat. Hindi mo sila maaaring pagsamahin, maging sa isang tao o sa isang mundo. Palagi silang magkalaban; kinakailangang ang isa sa kanila ay matalo. Walang kasing-miserableng tao kundi ang siyang nagtalaga ng bahagi lamang ng kanyang sarili sa Diyos [partially committed]. Bahagi niya ay nasa liwanag; bahagi ay wala sa liwanag. Sinabi ni Josue sa mga Israelita, "Mamili kayo ngayon kung sino ang inyong pagsisilbihan." Kung pera ang inyong Diyos, paglingkuran ninyo ang pera. Ngunit kung ang inyong Diyos ay ang buhay na Diyos, paglingkuran ninyo Siya. Kung susubukin mong paglingkuran ang dalawa, ang buhay mo ay magiging isang sugatang pook-labanan na kung saan si Satanas at ang Banal na Espiritu ay laging naglalaban.

Sa mundong ito, hinding-hindi magkakaroon ng kapayapaan. Kung mauunawaan natin ang pangatlong prinsipyo ng kapayapaan, malalaman natin kung bakit. Ang kasamaan ay laging maglalaban sa kabutihan hanggang sa maitatag na ng Diyos ang Kaniyang paghahari sa mundong ito. Alam ng isang realistikong Cristiano na hindi magkakaroon ng kapayapaan sa pamamagitan ng kapangyarihang ekonomiya or militar sa mundo. Alam ni Jesus na ang mga matuwid ay laging sasalakayin ng masama. Sinabi Niya sa Mateo 10:34, "Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak."

Hindi nito sinasalungat ang mensahe ng mga anghel, dahil hindi sinabi ng mga anghel na "kapayapaan sa mundo" kundi"kapayapaan sa mundo sa mga taong kinalulugdan ng Diyos". Hanggang hindi naitatatag ang kaharian ng Diyos, hindi magkakaroon ng kapayapaan. Kaya nga tayo ay nana-nalangin, "Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa." (Mateo 6:10)

Kung naiintindihan natin ang ikatlong prinsipyo, hindi tayo maguguluhan kapag dumating na ang pag-uusig. Habang patuloy tayong tumatayo para kay Cristo, mas nagiging malakas ang pagtutuligsa sa atin. Sinabi ni Jesus, "...at kinapootan sila (mga disipulo Niya) ng sanglibutan, sapagka't hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan." (Juan 17:14) Masasabi ba nating tunay nating tinatamasa ang kapayapaan na ito? Kung gayon, unawain natin at isabuhay ang mga prinsipyong ito. Kung walang kabanalan, hinding-hindi magkakaroon ng kapayapaan. Maging tama tayo sa Diyos. Linisin ang bawat kasalanan, ikumpisal ang bawat kasalanan at sabihing, "Panginoon! Baguhin mo ang aking pag-uugali! Bakit ninanais ko ang mga bagay na makasalanan? Gawin Mong mahalin ko ang makatuwiran!" Ang kapayapaan ay matatagpuan lamang kay Cristo; kaya lumapit ka sa Kaniya.

At sa huli, unawain mo na ang kapayapaan ay dumarating lamang sa ating mga puso. Mayroon mang mga kaguluhan o awayan sa paligid natin, ikaw ay magdiwang dahil kapag ika'y nahaharap sa pakikibaka, alam mong ikaw ay nasa panig ng kabutihan. Ngayong Pasko, "Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong JesuCristo." (Rom 1:7a)

***

Ginamit ang: Ang Banal na Kasulatan (Tagalog), The Holy Bible, Authorized King James Version (English), Philippine Bible Society, 1995.

Ibinuod at isinalin sa Tagalog ng Gospel Disciples Church, Philippines,  Enero, 2004.

[Get it!]


Difficult in reading?
Change the font size here:

Standard
Large
Largest

Tagalog Series:

- Ang Tatlong Espirituwal na Prinsipyo ng Kapayapaan

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 1 - "Ama Namin"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 2 - "Langit"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 3 - "Sambahin Nawa ang Pangalan Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 4 - "Dumating Nawa ang Kaharian Mo"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 5 - "Bigyan Mo Kami Ngayon ng Aming Pagkain sa Araw-araw"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 6 - "Patawarin Mo Kami sa Aming mga Utang"

- Ang Panalanging Itinuro ng Panginoon 7 - "At Huwag Mo Kaming Dalhin sa Tukso, Kundi Iligtas Mo Kami sa Masama"

- Ilaw ng Sanlibutan 1

- Ilaw ng Sanlibutan 2

- Minsa'y Ako'y Ligaw, Ngayo'y Natagpuan Na - Anong Grasya!

- Ang Pagsunod sa Kordero ng Diyos

- Ang Kahalagahan ng Pagdurusa - Masasayang Kasaysayan Mula sa Libis ng Lilim ng Kamatayan

- Mapapalad ang mga Dukha

- Mapapalad ang mga Nahahapis

- Mapapalad ang mga Mapagpakumbaba

- Mapapalad ang mga Nagugutom at Nauuhaw sa Katuwiran

- Mapapalad ang mga Mahabagin

- Mapapalad ang mga May Malinis na Puso

- Mapapalad ang mga Mapagpayapa

- Mapapalad ang mga Inuusig Dahil sa Katuwiran


 

 Copyright 1998-2007. All Materials in this site are copyrighted unless otherwise stated. Best viewed with IE6.0 and 1024 by 768 resolution.