You are here

2. Parable of the Lost Sheep

Talinghaga ng Nawawalang Tupa

(Parable of the Lost Sheep)
Lucas 15:1-10
Mensahe ni Pastor Eric Chang

 

 

Magpatuloy tayo sa pag-aaral ng mga salita ng Panginoong Jesus sa Lucas 15:1-7. Dito ay matatagpuan ang kilalang-kilalang talinghaga, Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa. Ang kahanay na sipi o ‘parallel passage’ nito ay nasa Mateo 18:10-14. Ito ang mababasa sa Lucas 15:

Noon, ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig. Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.” Kaya’t isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: “Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito’y kanyang matagpuan? At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak. Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu’t siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.

Mga Nangungulekta ng Buwis at Mga Makasalanan sa Panahon ni Jesus

Una sa lahat, nais kong banggitin ang puntong ito sa simula pa lang. “ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit...”. Sino ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan? Ang mga maniningil ng buwis ay ang mga taong nangungulekta ng buwis para sa mga Romano. Ang ‘tax collectors’ ay ang mga taong naninilbihan sa gobyerno ng Romano sa pamamagitan ng pagkolekta ng buwis mula sa mga Judio na, sa panahong iyon, ay nasa ilalim ng kapangyarihang Romano. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga maniningil ng buwis ay itinuturing na mga traydor. Kinapopootan sila ng populasyong Judio. At kaya, sila’y isinasantabi; hindi sila isinasali sa mga pagtitipon ng komunidad, bilang mga nakahiwalay.

At ano naman ang ‘mga makasalanan’? Napakahalagang maunawaan na ang katagang ‘sinners’ o ‘mga makasalanan’ sa Biblia ay hindi lamang itinutukoy sa mga mangangalunya o mamamatay-tao o anumang tulad nito. Sa katotohanan, ang ‘mga makasalanan’ sa Biblia ay isang mas malawak na katawagan. Halimbawa, itinuturing na mga makasalanan ang mga pastol, pati na rin ang ‘donkey-drivers’ o mga nag-aangkat ng mga ibinebentang kagamitan gamit ang mga asno. Sa mga araw na iyon, siyempre, walang mga trak o dyip upang ikarga ang mga produkto ninyo, kaya ano ang mayroon kayo? Mayroon kayong mga asno. Itinuturing ang mga ‘donkey drivers’ bilang mga makasalanan. Ang ‘tanners’ din – yaong mga naglilinis ng balat ng hayop – ay tinatawag ding mga makasalanan. Itinuturing silang mga taong marurumi. At kaya, importanteng intindihin na ang katawagang ‘makasalanan’ sa Biblia ay mas malawak sa kung paanong paraan natin ginagamit ito.

Bakit tinawag na ‘mga makasalanan’ ang mga taong ito? Sila’y tinawag na ‘mga makasalanan’ dahil itinuring silang nagsitrabaho sa mga ‘trade’ o mga propesyon kung saan may sobrang di-katapatan. Itinuring ang mga pastol na mga makasalanan dahil minsan-minsan dadalhin nila ang kanilang mga tupa upang ipastol sa mga pribadong lupa nang hindi na humihingi ng permiso. Nasabing gumagawa sila ng iba’t ibang di-tapat na mga bagay – siyempre hindi lang naman sila ang gumagawa ng mga di-tapat na bagay – at kaya, bilang isang ‘class’ o grupo sa lipunan, ay itinuring na mga makasalanan.

Mayroon ding mga tao na itinuturing bilang mga makasalanan dahil madalas silang nakikisalamuha sa mga di-Judio, iyon ay, sa mga Hentil. Halimbawa, kung ikaw ay isang negosyante na maraming pagkakataong makisalamuha sa mga Hentil, sa mga di-Judio – dahil may istriktong paghihiwalay sa mga Judio at mga Hentil, at kung tatawirin ninyo ang linyang iyon at papasok kayo sa pakikipagnegosyo sa mga dayuhan – ituturing kayo bilang mga makasalanan, bilang marurumi.

Ngayon importanteng maunawaan ang puntong ito dahil nangungusap ang Panginoong Jesus tungkol sa isang pastol sa talinghagang ito. Ayon sa Mishnah, ang Batas-Judio, itinuturing bilang mga makasalanan ang mga pastol. At kaya, ang mga Fariseo, na itinuturing ang mga sarili bilang mga sobrang-banal na mga tao, ay kinamumuhian ang lahat ng mga taong tulad ng: mga pastol, mga nambabalat, mga drayber ng mga asno, mga nagbebenta sa kalye at mga maliliit na negosyante. Sila’y itinuturing ng marurumi, mga makasalanan; sila’y tinuturing ng lipunan bilang ‘low-class’ at sila’y mga ‘outcast’ o mga nasa labas ng lipunan. Iyon ang punto kaya piniling gamitin ng Panginoong Jesus ang larawan ng pastol dito sa talinghagang ito.

Ang isang pastol ay napakaimportante dahil, sa Lumang Tipan, mismong ang Diyos ay inilarawan bilang isang pastol. “Ang PANGINOON ay aking pastol”, gaya ng alam ninyong lahat sa Awit 23. Pero, sa paglipas ng panahon, ang mga Fariseo at mga eskriba, ang mga tinatawag na mga iskolar sa Biblia, ay nagsimulang gumawa ng pantaong mga tradisyon, mga utos at mga regulasyon, at sa kalaunan ay sinimulan nilang ikumpol ang iba’t ibang grupo ng mga tao bilang mga makasalanan – at kasama rito siyempre ang mga nangugulekta ng buwis, dahil nakikisalamuha sila sa mga Romano at dahil sila’y itinuturing na mga traydor.

Hindi Takót si Jesus na Marumihan

Ngayon, mapapansin ninyo sa ikalawang bersikulo na ang mga Fariseo ay nagbubulung-bulungan. Nagrereklamo sila ukol sa bagay na ito. Si Jesus ay dapat na isang rabbi, isang guro ng Salita ng Diyos, ngunit siya’y nakikihalubilo sa grupong ito ng mga taong itinatatwa ng lipunan, itong mabababang-uri ng tao, itong mga di-malilinis na tao! Dapat ay wala siyang kaugnayan tungo sa kanila, kung siya’y isang guro ng Biblia na nirerespeto ang sarili. At kaya, ang implikasyon nito ay: si Jesus ay hindi isang guro ng Biblia na nirerespeto ang sarili; wala siyang pakialam sa mga tradisyon ng mga Fariseo at mga eskriba.

Ngayon, bakit ganito ang kaso? Kasi, ang pakiramdam ng mga Judio, upang panatilihin ang sarili nila bilang dalisay, ay hindi dapat nakikisalamuha sa ganitong klase ng mga tao, sa uring ito ng mga makasalanan. Dapat ay humiwalay sa kanila, umiwas sa kanila, upang hindi sila makontamina ng mga ito. Pero hindi takót ang Panginoong Jesus na makontamina. Di siya takót. Bakit? Dahil ang kanyang pagkabanal ay yaong uri na hindi makokontamina.

Matatagpuan ninyo, sa pagbabasa ninyo ng mga Gospel, na isang napaka-approachable na tao ang Panginoong Jesus. Madali siyang lapitan. Hindi siya ‘snob’. Hindi lang siya nakisalamuha sa mga ‘high-class’ na mga tao. Sa totoo lang, mapapansin ninyong inirereserba niya ang kaniyang pantutuya sa mga nakakaangat sa buhay. Sa katotohanan, isa siyang ideyal na makahalubilo ng mga tinatawag sa araw na ito bilang ‘proletarian’, ang mga manggagawa, ang mabababang klase; mahal ni Jesus ang mga ganitong uri ng tao at mahal niya sila sa isang paraan na inaabot niya sila. Pinupuntahan niya sila. Sa kabaligtaran, sa tuwing pakikitunguhan niya ang mga may-pinag-aralan, ang mga ‘high-class’ na mga tao, mapapansin sa kanyang pakikitungo sa kanila ang pagkamabigat, ang pagkamarahas, ang pagkamatigas.

Halimbawa, nang dumating si Nicodemus – yaong dakilang lider ng mga Judio, isang mataas na opisyal sa gobyerno, upang kausapin si Jesus, tinanggap niya siya nang walang paliguy-ligoy; hindi siya nag-atubiling ipahiya ito. Tungo sa mga taong gaya ni Nicodemus, mga lider sa gobyerno na kasama sa mga Fariseo, sa kanila’y nagsalita siya nang may kabigatan. “Isa kang guro ng mga Judio at hindi mo alam ang mga bagay na ito?” (Juan 3:10) Napakatigas niya, napakabigat ng kanyang pananalita tungo sa kanila. Ngunit tungo sa mga taong itinakwil ng lipunan, sa mga nasusugatan, napakaamo niya. Hindi niya babaliin ang tambong nasugatan. Ang nagbabagang mitsa – ito’y nauubusan na ng langis; ito’y mahina; ito’y naubusan na ng pagkukunan ng lakas – hindi niya papatayin. [Mateo 12:20] Napaka-gentle niya sa mga taong lupaypay at nanghihina. Dapat ganito ang mga Cristiano. Iniisip ko kung mayroon tayong ganitong puso na gaya ng kay Jesus. Hindi siya kailanman nakahiwalay, hindi siya takót na makihalubilo sa mga tao sa mundo dahil hindi siya takót makontamina.

Anong Uri ng Kabanalan Mayroon Tayo?

Sa England, minsa’y pumunta ako sa isang ‘pub’. Masasabi kong hinugot ko ang lahat ng aking tapang upang pumasok sa isang ‘pub’. Ang ‘pub’ sa England ay isang pampublikong lugar, iyon ay, kung saan pumapasok ang mga tao upang uminom ng beer o alak, at kung saan nagtitipon ang lahat ng mga ‘makasalanan’ bilang kanilang ‘social center’. Pumasok ako roon upang uminom, hindi ng beer o ng alak. Sa katotohanan, pumasok ako upang mag-softdrink, at makakabili rin kayo nito roon. Pero natatandaan ko na nag-isip din ako kung makokontamina ako sa pagpasok sa isang ‘pub’! Imagine-nin ninyo, kung ang isang Cristiano ay nakita sa isang ‘pub’, sa isang lugar ng inuman, anong makikita sa sitwasyong iyon? Pagkatapos ay nagkaroon ako ng matalas na pagtutuwid sa aking puso dahil sa aking ‘attitude’. Naisip ko sa aking sarili na naging gaya na ng mga Fariseo at eskriba ang mga Cristiano. Napasyahan na natin na ang mga taong pumupunta sa mga ‘pub’ – kung moralidad ang pinag-uusapan – ay mga makasalanan at mababang-uri ng tao. At kaya, hindi tayo dapat nakikisalamuha sa mga ganitong uri ng tao; dahil, kung gayon, makokontamina tayo. Anong uri ng kabanalan mayroon tayo? Isang uri ng kabanalan na napakadaling makontamina, napakabilis marumihan?

Altar ng Sakripisyo – Kung Saan ang Di-Banal ay Ginagawang Banal

Ang nakikita ko ukol sa kabanalan ng Panginoong Jesus ay isang kabanalan na hindi narurumihan, ngunit sa totoo lang ay ginagawa nito ang lahat ng humihipo sa kanya bilang banal. Iminumuni ko ang tungkol sa kabanalang ito na nagwawagi; isang kabanalan na nakakadaig. Nabasa ko na mayroong isang bagay lang sa Lumang Tipan na nakapagpapabanal sa anuman at sinumang humihipo rito. Alam ba ninyo kung ano ito? Ito ang altar ng sakripisyo – ang sinumang hihipo rito ay magiging banal. Sa madaling salita, hindi ninyo marurumihan ang altar ng sakripisyo! Hindi ninyo ito kayang gawing di-banal sa pamamagitan ng paghipo rito. Gagawin kayong banal nito kahit na kayo’y di-banal.

Mababasa natin ang tungkol sa altar ng sakripisyong ito sa Exodo 29:37, halimbawa. Doon mababasa na ang sinumang humihipo sa altar ng sakripisyo, kung saan iniaalay ang mga sinunog na alay sa Diyos, ay nagiging banal. Sa katotohanan, sa Exodo 30:27-29, lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa altar – ang mga kagamitan sa altar, ang mga instrumento na ginagamit sa altar, halimbawa – ay magpapabanal sa inyo kung hihipuin ninyo ang mga ito. Tunay nga na kahit ang handog na nasa altar ay magpapabanal sa inyo kung mahipo ninyo ito. Lahat ng may kinalaman sa altar ay magpapabanal sa taong hihipo sa mga ito.

Kapag pumunta ako sa Bagong Tipan, natatagpuan ko na ganitong ganito ang Panginoong Jesus. Siya ang altar at siya ang sakripisyo! Sinumang hihipo sa kanya ay magiging banal! Hindi ninyo marurumihan si Jesus sa paghipo sa kanya; bagkus ay gagawin niya kayong banal. Ito ang dahilan kung bakit sa kanyang pakikisalamuha sa mga makasalanan, nabago niya ang mga makasalanan tungo sa mga banal. “Sinners into saints”, ika nga! Hindi nila siya magawang maging isang makasalanan; sa halip, ginawa niya silang mga banal dahil siya mismo ang sakripisyo.

Ang Cristiano ay Buháy na Sakripisyo na Nagpapabanal sa Iba

Ngayon, kung kayo, bilang Cristiano, ay naging sakripisyo sa Diyos, isang buháy na alay na nababasa natin sa Roma 12:1-2, kung gayon ay hindi kayo marurumihan ng mga kasalanan ng ibang tao kapag kayo’y nakisalamuha sa kanila. Dapat ay mapabanal ninyo sila sa pamamagitan ng lakas ng Diyos na gumagawa sa inyo. Hindi kailangang itago ng mga Cristiano ang mga sarili nila. Ang uri ng mga Cristiano na napakahina, napaka-‘defensive’ at napakamatatakutin ay ang uri ng mga Cristiano na hindi kailanman naging sakripisyo na ibinuhos na para sa Diyos! Hindi dapat kailanman ‘defensive’ ang isang Cristiano, hindi niya dapat parating ipinagtatanggol ang sarili – hindi siya dapat takót makisalamuha sa mga tao sa mundo sa takot na mawala ang kanyang pananalig, na baka makontamina siya, na baka marumihan siya.

Anong uri ng kabanalan mayroon kayo? Kung ito’y kabanalan ng nasa altar dahil kayo’y naging sakripisyo na at naiugnay na sa altar, kung gayo’y mapapabanal na ninyo ang mga iba. Nawa’y sa Diyos na tayo, bilang isang ‘church’, ay maging mga Cristiano na ang uri’y yaong nagpapabanal sa iba, na hindi natatakot makisalamuha sa mga makasalanan, sa mga di-Cristiano. Bakit kayo takót sa mga di-Cristiano? Sa isip ninyo ba’y ang kapangyarihang nasa kanila ay mas higit kaysa sa kapangyarihang nasa inyo? Anong uri ng Cristianismo mayroon tayo? Kung ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa sa atin, ang Banal na Espiritu ay nasa sa atin, at tayo ay buháy na sakripisyo, paano tayo marurumihan sa pakikisalamuha sa di-Cristiano? Sila ang mababago. Sila ang may buhay na maaapektuhan. Sila ang mata-transform, maliban na lang kung naniniwala kayong ang kapangyarihan nila ay higit kaysa sa nasa inyo.

Ang Kabanalang Nagpapabago sa Di-Kabanalan

Sinasabi sa Biblia na: sinumang di-malinis, sa paghipo niya ng ibang tao, ay nagpaparumi sa taong iyon. Halimbawa, sa ilalim ng Batas-Judio, ang babaeng dinudugo ay maituturing na marumi at sinumang hipuin niya ay magiging marumi; kung uupo siya sa silya, ang silyang iyon ay magiging marumi, at sinumang umupo sa silyang iyon pagkatapos niya itong lisanin ay magiging marumi. Maaari pa bang maging mas kumplikado ito? Napakalakas naman ng karumihang iyon; ginagawa nito ang lahat na maging marumi! At paano na kung hihipuin niya ang Panginoong Jesus? Sa ilalim ng Batas-Judio, gagawin niyang marumi ang Panginoong Jesus. Pero hindi! Hindi niya ito magagawa! Mismong ang kabaligtaran ang nangyari! Nang hinipo niya ang Panginoong Jesus, naging malinis siya dahil ang kapangyarihang nasa Panginoong Jesus ay lumabas tungo sa kanya at pinalinis siya.

Naaalala ba ninyo kung paano sinabi ng Panginoong Jesus na, “Lumabas sa akin ang kapangyarihan. Sinong humipo sa akin?” At sinabi ng mga disipulo na nakapaligid sa kanya, “Anong ibig mong sabihing sinong humipo sa iyo? Ang bawat isa ay humihipo sa iyo. Ang lahat ay nagsisikuhán.” Sinabi ni Jesus, “Hindi. Hindi iyon ang tinutukoy ko. May humugot mula sa akin ng lakas.” At umamin ang babae, “Ako ang humipo sa iyo at ako’y napagaling.” Ang kabanalan niya’y napakalakas na kabanalan: ito’y isang kabanalan na ginagawang banal ang iba! Ito’y isang nagpapabagong kabanalan! Gayon din ba ang inyong kabanalan?

Natatagpuan kong napakaraming Cristiano ang napakatakót. Kung magtatrabaho kayo sa isang ospital at inimbitahan nila kayo sa isang miting, isang ‘sherry party’, kung saan may inuman ng ‘sherry’, mararamdaman ba ninyong, “Oh, kung papasok ako roon, magiging makasalanan ako. Marurumihan ako. Hindi ako pwedeng pumunta sa lugar na ito at iyon.” Anong uri ba ng kabanalan mayroon kayo? Dapat ay mayroon kayo ng uri ng kabanalan na pumapasok doon at binabago ang lahat ng nakakasalamuha ninyo! Ang nakakahalubilo ninyo ay dapat nagsasabing, “Ay, ang taong ito – may kakaiba sa kanya!” Ipinagdarasal ko na gagawa ang Diyos sa atin upang malaman natin kung paano ang maging isang buháy na sakripisyo. Iyon ang dahilan kung bakit ako parating nagpapahayag ng ‘total commitment’, dahil iyon ang ibig sabihin ng sakripisyo: kapag naialay na ninyo ang buong buhay ninyo sa Diyos, naging buháy na sakripisyo na kayo, isang ‘living sacrifice’. At sa gayon, magkakaroon kayo ng kabanalang nagwawagi laban sa karumihan.

Hindi ako takót pumasok sa isang ‘pub’. Hindi ako takót pumunta saanman. Ito’y dahil alam ko na ang kapangyarihang nasa akin, ang kapangyarihan ng Diyos na nasa akin, ang Banal na Espiritu, ay mapagwawagian ang anumang di-kabanalan sa lugar na iyon. Dapat nating isaisip ang kabanalang ito na hindi takót abutin ang mga makasalanan, na hindi minamaliit ang mga tao dahil hindi pa sila nananalig. Nakakahiya iyon. Nakalimutan na ba natin na mga makasalanan tayo noon? Nakalimutan na ba natin na hindi tayo mas magaling kaysa kanila?

May isang bagay na hindi ko ma-tolerate sa mga Plymouth Brethren. Iyon ay ang kanilang pag-iisip na lubos na silang napaka-espiritwal, na hindi sila dapat humipo kaninuman dahil marurumihan sila ng mga tao. Lahat ng tao’y marurumi; sila lang ang malilinis. Kung gayon, kung marumi sila, gawin silang malinis! Iyon ang trabaho natin dahil noon ay marurumi rin tayo, at tayo’y nilinis. Ngayon na ang oras upang ipasa sa iba ang nakapanlilinis na kabanalang iyon. Oh, iyan ang buhay-Cristiano, ang buhay-Cristiano na hindi parating nagtatago sa panlabas nitong ‘shell’, na kailangang ikubli ang sarili, ngunit isa itong umáabot sa iba at nagwawagi. Binabago nito ang lahat ng nakakasalamuha nito.

At kaya, matatagpuan natin dito na ang mga Fariseo’y gaya ng maraming Cristiano ngayon. Inihihiwalay nila ang mga grupo ng tao na hindi raw dapat natin pakisalamuhan, ito at iyong uri ng mga makasalanan. Ang uri na naninigarilyo, huwag silang kausapin; sila’y mga makasalanan. Ang uri na umiinom, sila’y mga makasalanan. Ang uri na nanonood ng sine, makasalanan sila. Ang mga taong nagbabasa ng diyaryo sa araw ng Linggo ay mga makasalanan. Ang buong mundo’y puno ng mga makasalanan, kaya anong gagawin natin? Kapag ganito ang pinag-uusapan, iniisip ko na dapat mag-apply na tayo para ipadala sa buwan at magsimula na tayo ng colony roon! Tayo’y inilagay rito sa mundo upang mag-reach out na may nakapagpapabagong kabanalan, upang pumaroon sa mga makasalanan, akayin sila sa paghawak ng kanilang kamay, at i-lead sila sa katotohanan ni Cristo Jesus. Iyon ang buhay-Cristiano.

Humahayo si Jesus na Hinahanap ang mga Nawawala

Salamat sa Diyos na hindi tayo minaliit ng Panginoong Jesus at sinabing, “Oh, ang mga ito’y mga makasalanan, ako’y banal. Hindi ko hihipuin ang ganitong uri ng tao.” Nasaan na kaya tayo ngayon kung gayon ang attitude ni Jesus? Kung pareho ang pakikitungo ni Jesus gaya ng sa mga Fariseo, wala ni isa sa atin ang may pagkakataon. Wala man lang tayong pag-asa. Pumarito siya para sa mga katulad ninyo at katulad ko, kawawang mga makasalanan, mga walang pag-asa. Pinulot niya tayo mula sa mga marurumi’t mababang katayuan.

Nang ako’y pinulot ng Panginoon, ako’y literal na nasa kanal. Gayon ang kanyang grasya. Nasa kakila-kilabot na kundisyon na ako sa panahong iyon. Bumaba ako mula sa tukatok hanggang sa marumi’t mababang lugar ng kasalatan, namumuhay sa panahong iyon sa ilalim ng mga Comunista, nawala na ang lahat ng bagay. Alam ko kung ano ang damdamin na mapasa-mababang lugar. Kailanma’y hindi ko hahamakin ang mahihirap dahil alam ko kung anong pakiramdam niyon. Iyon ang panahon na ako’y natutulog sa kalagitnaan ng mga bisikleta sa silid-taguan ng mga bagay, kung saan iniabot ng Panginoong Jesus ang kanyang kamay sa akin at kinuha ako at dinala ako sa kanyang sarili. Hindi ako napakarumi at napakababa para sa kanya kahit noon pa man. At kaya, nagpapasalamat tayo sa Panginoong Jesus na ito ang tinutukoy ng talinghagang ito: ang pastol na humahayo at hinahanap ang tupang iyon na nawawala.

Isang Pastol na May Katamtamang-Laking Kawan

Ngayon, hayaang ilarawan ko sa inyo ng kaunti ang tungkol sa talinghagang ito upang magkasama nating makuha ang larawang ito. Dito sinasabi sa atin ng Panginoon Jesus sa b.4ss ang tungkol sa isang pastol na may 100 na tupa. Minsan natutulungan tayo ng impormasyong may kinalaman sa pinag-aaralan natin upang mailarawan ang sitwasyon; ibinabalik tayo nito sa larawan ng mga araw na iyon.

Ang isang kawan na may 100 na tupa ay isang medium-sized na kawan sa pamatayan ng Israel. Ang mas mahihirap na tao ay may mga 20 o 30 na tupa sa kawan nila. Ang mayayaman naman ay may mga hanggang 200-300 na tupa sa kawan nila. Ayon sa Batas-Judio sa Talmud, ang isang taong mayroong mga 300 na tupa ay itinuturing na kakaibang mayaman; siya’y isang napakayamang tao.

Kaya, ang larawan ng isang taong may 100 na tupa rito ay idinisenyo upang ipakita sa atin na isa siyang pastol na may katamtaman o medium-sized na kawan. Ang mga taong may ganitong kalaking kawan ay kaya pa ring bigyang atensiyon ang bawat tupa niya sa kawan. Ipinapahiwatig din ng talinghagang ito na wala siyang bayaráng tauhan; siya mismo ang nag-aalaga ng 100 na tupa. Kapag mayroon na kayong 200-300 na tupa, hindi na ninyo kayang alagaan pa ang napakarami kung mag-isa lamang kayo. Kakailanganin na ninyo – sa bawat 100 na tupa – ng isa pang manggagawa, isang pang bayaráng tauhan. Kailangan na ninyong upahan ang ibang tao upang tulungan kayong alagaan ang mga tupa, dahil masyado nang marami. Ngunit sa 100 na tupa, makakaya pa rin ninyong mag-isang alagaan ang mga ito.

Ang Ilang – Lupang Hindi Binubungkal

Ang ginagawa ng mga pastol sa mga panahong iyon ay parati nilang binibilang ang kanilang mga tupa. Siyempre, kailangang gawin iyon dahil ang mga tupa ay nanginginain sa mga burol. Dito matatagpuan ninyo ang salitang isinalin bilang ‘ilang’ (b.4) [sa Ingles isinalin ito bilang ‘wilderness’] at ikukumpara ninyo ito sa nasa sipi sa Mateo kung saan ang naroon ay ‘mga bundok’ [sa Ingles ay ‘mountains’]. Ang ‘ilang’ dito ay hindi ang disyerto. Hindi ipinapastol ang mga tupa sa disyerto. Ibig sabihin ng ‘ilang’ dito ay isang lugar kung saan hindi tinitirhan ng mga tao; ito’y nasa mga parang. Doon naroon ang mga lupang pinagpapastulan. Ang ‘ilang’ ay simpleng mga lupang hindi pa nabubungkal; hindi pa ‘cultivated’. Hindi ito tinatamnan o binubungkal dahil ang lupa’y masyadong mabato para tamnan. Maaari ninyong bungkalin ang mga patag na lupa, ngunit hindi ninyo kayang bungkalin ang ganitong uri ng mabatong lupa. Dito tumutubo ang mga damo at pwede ninyong dalhin ang mga tupa dito para manginain – pwede ninyo silang ipastol dito – ngunit hindi ninyo mabubungkal ang lupa. Kaya, ang lupang ito’y tinatawag na ‘ilang’; wala itong kinalaman sa disyerto.

Bilang isang batang Cristiano noon, walang nagsabi sa akin nito, kaya parati akong nagtataka kung anong ginagawa ng mga tupa sa disyerto. Paano ninyo papakainin ang mga tupa sa disyerto? Hindi ko alam na walang kinalaman ang ‘ilang’ sa disyerto. Ito’y simpleng di-binubungkal na lupa dahil ito’y mabato at hindi angkop na bungkalin. Sa totoo lang, ang magagaspang na damo na tumutubo roon ay napakabagay na pastulan ng mga kawan. Ito’y kadalasa’y nasa maburol na lugar ng Judea, iyon ay, sa lugar palibot ng Jerusalem, palibot ng Betlehem. Kung nabisita na ninyo ang lugar, o natingnan na sa mapa, malalaman ninyo na iyon ay isang maburol na lugar. Lubos na maburol at mabato roon. Hindi ninyo mabubungkal ang gayong uri ng lupa. Napakahirap nitong bungkalin; di-sapat ang lupa sa ibabaw nito. At kaya, ang ating pinag-uusapan ay ang mabuburol na lupain ng Judea at hindi ang anumang disyerto.

Pagbibilang ng Tupa

Dahil ipinapastol ang mga tupa sa palibot na mga burol at mga batuhan at gumagala sila sa mga burol, napakadaling mawala ang isang tupa. At kaya kailangan ng pastol na bilangin ang kanyang mga tupa araw-araw upang siguraduhin na ang bawat isa ay naroon. Ngayon, ang 100 na tupa ay napakarami, ngunit gaya ng nakita na rin natin, hindi rin ito ganoong karami. Subalit hindi ninyo kayang makita lahat ng mga ito sa isang iglap, kung may isang nawawala. Kailangan ninyong bilangin isa-isa upang makita kung naroon nga ang 100. Kadalasan, ang pagbibilang ay ginagawa sa gabi kapag ipinapasok na ang kanyang mga tupa sa ‘fold’, na isang kural.

Ngayon, ano ang isang ‘fold’? Ang ‘fold’ ay simpleng isang kural, isang lugar kung saan maglalagay kayo ng maraming bato na patong-patong, upang gumawa ng isang uri ng pader doon. Sa lugar na ito na sarado, na naiporma gamit ang mga batong ito, inilalagay ng pastol ang kanyang mga tupa. Napakarami ng mga bato sa Judea. Maglakad lang kayo roon at makakapulot na kayo ng mga ito, at ipapatong-patong ninyo ito sa isa’t isa. Sa di-kalaunan ay magkakaroon na kayo ng isang pader na bato, na lumulukob ng isang buong lugar, upang habang kayo’y natutulog, hindi gagala ang mga tupa ninyo. Kung wala ang saradong lugar na ito, magigising kayo kinabukasan at matatagpuang wala na kayong tupa ni isa! Ang isa pang magandang bagay rito ay, siyempre, sa kasong may gumagalang lobo na umaaligid, hindi niya mapupuslit ang isa sa inyong mga tupa. Hindi gaanong marami ang mga lobo sa Judea, pero minsan-minsan ay may isa na dumarating, kaya kailangang magmatyag din para sa isa rito.

Kaya, nakikita ninyo na habang ipinapasok ng pastol ang mga tupa niya sa ‘fold,’ tungo sa batong kural na ito, bibilangin niya ang kanyang mga tupa – “1, 2, 3 ...” upang malaman kung mayroon pa rin siyang 100 na tupa roon. Ngayon, sa gabing iyon, nang nagbibilang ang pastol ng mga tupa niya, bumilang siya hanggang sa 99. Nasaan ang ika-100? Natuklasan niyang kulang ng isa! Kaya, anong gagawin niya? Kailangan niyang hanapin ang nawawalang tupa. At kaya, iiwanan niya ang 99 na tupa, at maaaring maglalagay pa siya ng karagdagang mga bato upang isara nang tuluyan ang kural upang hindi makalabas ang mga tupa. Hahayo siya’t hahanapin ang kanyang isang nawawalang tupa. Lubos na nakakaaliw na ito’y totoo sa buhay. Isa itong karaniwang karanasan. Isa itong bagay na alam ng bawat Judio dahil napakarami ng mga tupa at napakarami ng mga pastol doon sa mga parang. Alam ng lahat ang ganitong uri ng gawain.

Ang Pagkakadiskubre ng Dead Sea Scrolls

Sa palagay ko’y marami sa inyo ang nakarinig na ng tungkol sa mga dokumentong Qumran, sa tinatawag na Dead Sea Scrolls [mga kasulatan sa Patay na Dagat], na nadiskubre noong 1947. Nakakamangha na nadiskubre ang Dead Sea Scrolls sa pamamagitan ng isang batang pastol na humayo’t hinanap ang isa sa kanyang mga kambing dahil ito’y nawawala.

Sa mga araw na ito, mas nais ng mga Arabo na mag-alaga ng mga kambing kaysa tupa. Mas matitibay ang mga kambing at kaya nilang kumain sa mas mababang klase ng lupain. Ang lupain na madalas ay malapit sa dulo ng disyerto, sa pagitan ng ilang at ng disyerto, ay mababang uri at mahirap na pagpastulan. Mas matitibay ang mga kambing kaysa sa mga tupa; mas maseselan ang mga tupa. Kaya, sa mga araw na ito, mas ginugusto ng maraming Arabo – ng mga Palestino – ang mag-alaga ng mga kambing kaysa mga tupa. Kaya lang, ang mga kambing ay masama para sa lupang pastulan, gaya ng maaaring alam na ninyo, dahil kapag kumain ang mga kambing ng damo, binabatak nila ang damo kasama ang mga ugat nito. At kaya, kung mag-aalaga kayo ng mga kambing nang matagal-tagal na panahon, matatagpuan ninyo na mayroon kayong literal na disyerto sa inyong mga kamay dahil binabatak ng mga ito ang lahat ng mga ugat. Ito rin ang paliwanag kung bakit parating kailangang ilipat sa ibang lugar ng mga Palestinong pastol ang kanilang mga kawan. Kung napakarami ninyong kambing, sa di-kalaunan, ang buong lugar ay magiging disyerto na.

Noong 1947, itong pastol ng mga kambing, itong kabataan na nangangalaga ng mga kambing, ay may kawan ng 55 na kambing. Nang binilang niya ang mga kambing niya, nadiskubre niya na ang isa ay nawawala, at ito ang mismong ginawa ng pastol na ito. Inilagay niya ang nalalabi niyang mga kambing sa pangangalaga ng isa niyang kaibigan at humayo’t hinanap ang kambing na nawawala. Sa kanyang pagtitingin sa mga bato, malapit sa Dead Sea, may nakita siya roon. Naisip niya, “Baka umakyat doon ang kambing ko.” Magagaling ang mga kambing sa pag-akyat. Kaya umakyat siya roon upang hanapin ang kanyang kambing, at iyon ang paraan kung paano niya natuklasan ang kweba, na tinatawag ngayon bilang “Qumran Cave 1”.

Mula noon, nakadiskubre na ng maraming iba pang mga kweba ang mga arkeologo na nagtataglay ng mas marami pang mga ganitong mahahalagang dokumento. At dahil dito – lahat dahil sa pagkawala ng isang kambing – sa ngayon ay mayroon na tayong tinatawag na “Dead Sea Scrolls”! Ang isang pangunahing kahalagahan ng Dead Sea Scrolls ay ikinumpirma nito kung gaano katumpak at gaano katiyak ang manuskritong Lumang Tipan na taglay na natin ngayon sa ating mga kamay. Ang mga manuskritong Qumran ay ang mga pinakamatatandang mga manuskrito ng Lumang Tipan na mayroon tayo at ang mga ito’y maaaring lagyan ng petsa ngayon ayon sa panahon ng Panginoong Jesus at maaaring 200 na taon bago pa sa panahon ng Panginoong Jesus! Kaya, napruwebang napakahalaga ng mga ito at ikinukumpirma ng mga ito na ang mga manuskrito ng Biblia na taglay natin sa ating mga kamay ngayon ay napakatiyak.

Siyempre, ang pastol na di-sinasadyang nakatuklas sa kweba at nakahanap sa mga piraso ng mga manuskritong ito ay walang kamuang-muang kung anong ibig sabihin ng mga ito. Dahil hindi siya isang iskolar, hindi niya kaya, siyempre, na maintindihan kung anong nasa mga scroll. At kaya, inisip niyang maaari niyang ibenta ang mga ito bilang mga antigong mga bagay sa Jerusalem. Maaaring may mangangalakal ng mga antigo na may alam kung anong gagawin sa mga ito.

May ilan sa mga pirasong ito ng mga scroll ang napasakamay ng isang iskolar sa Jerusalem. Namukhaan niya ang mga ito bilang mga antigong dokumento, kaya tinanong niya, “Saan nanggaling ito?” At kaya, nasundan niyang pabalik ito sa isang dealer tungo sa isa pa, hanggang sa natutunan niya na galing ito mula sa isang kweba. At kaya, humayo ang arkeologong ito upang hanapin ang mga kwebang ito. Bilang resulta nito, mayroon na tayo ngayon nitong mga Qumran documents.

Kaya, natatagpuan natin na hanggang sa siglong ito, ang larawan ng paghahanap sa isang nawawalang tupa o kambing sa ganitong paraan ay pareho rin sa kung paano ito ginagawa noong panahon ng Panginoong Jesus.

Naghahanap ang Pastol Hanggang Matagpuan Niya

Ngayon, ang susunod na bagay ay – pansinin ang magagandang salitang ito sa dulo ng b.4: naghahanap siya “hanggang sa ito’y kanyang matagpuan”. Hindi siya sumusuko. Tumitingin siya sa bawat kweba, sa bawat butas sa lupa, nagbabaka-sakaling nahulog doon ang tupa, tumitingin sa likod ng bawat makapal na halaman. Sa lahat ng lugar naghahanap siya. Hindi siya tumitigil hanggang hindi niya ito nahahanap.

Iniisip ko ang magagandang salita ukol sa Panginoong Jesus, ukol sa pagmamahal niya sa kanyang mga disipulo, sa Juan na “Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.” (Juan 13:1) Hindi siya sumusuko. Patuloy siya sa paghahanap. Hindi siya bumibitiw. Iyan ang naghahabol na pag-ibig!

Sa pagkahanap ng nawalang tupa niya, binuhat niya ito at inilagay sa kanyang mga balikat. Nasabi sa akin na kapag nawawala ang isang tupa, nagiging matatakutin ito at nanlulupaypay, kaya hihiga na lamang ito sa lupa, na walang magawa. Hindi nito alam kung anong gagawin. Hindi ito pumupunta kahit saanman. Humihiga na lamang ito sa likod ng makapal na halaman saanman, na walang magawa para sa sarili. Ito ang dahilan kung bakit kailangan itong buhatin ng pastol at kargahin pauwi.

Ngayon ang susunod na magandang bagay sa sipi – pansinin na hindi kinakarga ng pastol ang tupa pabalik sa kural; kinakarga niya ito pauwi (b.6). At kaya sa b.5, “At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak.” At sa b.6, “Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay...”. Ang larawang ito ng pagkarga niya sa nawalang tupa sa kanyang mga balikat ay maaaring nakita na ninyo sa Cristianong art. Gustong-gustong ipintura o iguhit ng mga sinaunang mga Cristiano ang larawang ito. Ang paraan ng pagkarga sa tupa ay ilalagay ito sa palibot ng leeg ng pastol. Ang mga harapang binti ay nasa isang banda ng kanyang mga balikat, at ang mga likurang binti naman ay nasa kabila. Hahawakan niyang magkasama ang mga binti ng tupa sa harapan, na nakapalibot ang tupa sa kanyang batok, at kinakarga ito pauwi. At kaya, makikita natin na uuwi siya. Ito’y mahalagang maintindihan para sa talinghagang ito.

Ang Nawawalang Tupa – Mga Tao ng Diyos na Nalihis

Ngayon pumunta na tayo sa espiritwal na kahalagahan nito. Mayroon tayong isang larawan ng isang tupa sa Lucas Capitulo 15. Sa Biblia, ang ‘tupa’ ay itinutukoy sa mga Cristiano sa unang pagkakataon. “Ang PANGINOON ay aking pastol.” Sa tuwing matatagpuan ninyo ang salitang ‘sheep’ o ‘tupa’ sa Biblia, sa Lumang Tipan, ito’y itinutukoy sa mga tao ng Israel – hindi sa ibang mga tao sa mundo, kundi sa mga tao ng Diyos lamang, sa mga tao ng Israel. Makikita ninyo iyan halimbawa sa Ezekiel Capitulo 34 kung saan nagsasalita ang Diyos ukol sa Israel bilang kanyang mga tupa. Saanman sa Lumang Tipan, itinutukoy sa mga tao ng Diyos ang ‘sheep’ o ‘tupa’.

Sa konteksto sa Mateo, kailangan lang ninyong tumingin sa Mateo upang makita kung anong nangyari sa nauna rito, iyon ay, sa sipi bago ang Mateo 18:10, at anong nangyari pagkatapos ng Mateo 18:14. Tingnan ang konteksto bago at pagkatapos, at makikita ninyo na ang buong konteksto ay ukol sa mga Cristiano. Isang Cristiano ang nalihis – iyan ang punto ng buong Mateo 18. Ito ang dahilan kung bakit bago sa siping ito, pinag-uusapan ang tungkol sa pagkahulog sa tukso. Bakit nalilihis ang isang tupa? Maaaring ito’y gumagala roon at may nakita, “Oh, ang masarap na luntiang damong ito!”

At kaya, hahayo ito roon at ngunguyain itong luntiang damo. Matapos nitong kainin ang bahaging ito, titingin ito roon at makakakita ng isa pang lugar na may magandang luntiang damo sa mas malayo. At kaya, ito’y tutungo roon at kakainin ang iba namang magandang luntiang damo roon sa mas malayo pa. Tapos, makakakita ito ng isa pa at isa pa at papalayo na ito ng papalayo. Ito’y natatangay papalayo, nahihila sa pamamagitan ng mga mata nito, sa tuksong ito. Kaya, nakikita natin sa Mateo 18 na ang tupang pinag-uusapan natin, sa totoo lang, ay isang naliligaw na Cristiano, isang naliligaw na mananampalataya. Wala itong kinalaman sa isang di-Cristiano.

Kapag napunta na tayo sa sipi sa Lucas, matatagpuan natin ang halos parehong bagay, ngunit dito mas malawak ang aplikasyon. Kunin, halimbawa, ang naunang mga bersikulo bago mismo sa talinghagang ito, sa dulo ng Capitulo 14. Sinasabi nito, “Mabuti ang asin, subalit kung ang asin ay mawalan ng kanyang lasa, paano maibabalik ang alat nito?” (Lucas 14:34-35) Alam natin mula sa Mateo Capitulo 5 na itinutukoy ang asin sa mga Cristiano, “Kayo ang asin ng lupa...” at “...ngunit kung ang asin ay tumabang ...” (Mateo 5:13). Ito mismo ang eksaktong parallel sa Lucas 14:34-35. At kaya, dito rin, ito’y itinutukoy sa mga Cristiano. Kapag tumingin pa tayo sa Lucas, matatagpuan natin, halimbawa, ang Talinghaga ng Nawawalang Anak. Isipin, kung hindi siya anak, paano siya tatawaging anak ng ama?

Kaya, napakahalaga na obserbahan ang buong larawan ng tupa, na sa unang pagkakataon ay tinatalakay ang mga Cristianong nalihis. Sa kasamaang palad, bawat church ay hindi nagkukulang sa mga Cristianong nalihis, na natukso sa kasalanan sa paggawa ng mga bagay na hindi dapat nila ginawa, sa paggawa ng mga bagay na di-legal ngunit nagawa dahil sa pangangailangan. Natukso sila at nahulog sila sa kasalanan. Natangay sila. Ngunit gaya ng nakikita natin sa siping ito, hindi natin sila dapat ikondena, kundi dapat ay magkaroon ng habag tungo sa kanila. Dapat ay hanapan natin ng paraan na sila’y pabalikin. Dapat ay mithiin natin sila. Hindi natin dapat ikondena sila bilang hindi na karapat-dapat sa anumang pagmamahal. Dapat natin silang puntahan, hanapin, at dalhin pabalik sa ‘fold’.

Napakatotoo na ang prinsipyong ito – itong nang-aabot na pag-ibig ng Diyos – ay maaari ring i-apply sa di-Cristiano. Napakatotoo niyon. Ang sinasabi ko lamang ay: importanteng obserbahan na sa konteksto ng siping ito, ang unang aplikasyon ay sa mga Cristiano, at pagkatapos, bilang paglawak, ang parehong pag-ibig ng Diyos ay umaabot palabas tungo sa mga di-Cristiano rin na hindi pa nagiging kanya. Hindi ninyo mawawala ang isang bagay na hindi naman ninyo pag-aari sa una pa lang. Kung sasabihing kong, “Nawala ko ang relo ko”, ipinapahiwatig nito na mayroon akong relo dati bago ko ito nawala. Kung hindi man ako nagkarelo dati, hindi ko masasabing, “Nahanap ko na ang aking relo.” Napakahalagang makuha ito. Sa b.6 sinasabi, “‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’” Sa kanya ito sa una pa lang.

Bakit Nalilihis ang mga Cristiano?

Ang susunod na bagay na lumalabas mula sa sipi ay: Bakit nalilihis ang isang tao? Bakit nalilihis ang sinuman? Nakita na natin na may kinalaman ito sa tukso; ngunit lumalalim pa rito. Sa Marcos 12:24, sinasabi ng Panginoong Jesus na, “Hindi ba’t ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali,” – kayo’y nalilihis; sa Griyego ito’y halos parehong salita – dahil “hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos?” Ang salita sa Marcos 12:24 ay parehong salita na nasa Mateo 18:12; parehong may kinalaman sa paglilihis. Kayo’y nalilihis – bakit? Bakit nalilihis ang mga tao? Dahil hindi nila alam ang Salita ng Diyos at hindi nila nararanasan o hindi pa nila nararanasan ang kapangyarihan niya. Kung alam ninyo ang dalawang bagay na ito, kung gayon, sa grasya ng Diyos, hindi kayo malilihis.

Maraming Cristiano ang nalilihis dahil hindi sila ‘rooted’ o nakaugat sa Salita ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit napaka-concerned ko sa church na ito na sana ay parati tayong maiugat sa Salita ng Diyos. Magtrabaho tayo palalim sa Salita ng Diyos upang malaman natin ang Salita niya. Hindi ito dahil nais ko kayong maging mga iskolar sa Biblia o maging mga intelektuwal. Ito’y dahil sa pagkaalam ng Salita ng Diyos kayo maiiwas sa pagkalihis, dahil alam ninyo kung ano ang Salita ng Diyos sa anumang sitwasyon. Gumagawa ng mali ang maraming mga Cristiano dahil hindi pa nila naa-absorb ang Salita niya paloob sa kanilang buhay upang ito’y magpabago sa kanila.

Ang ikalawang bagay ay dahil hindi pa nila nararanasan ang kanyang kapangyarihan. Naranasan na ba ninyo ang kapangyarihan ng Diyos? Parati kong ninanais na malaman ng mga Cristiano ang kanyang kapangyarihan. “Hindi ninyo alam ang kanyang Salita ni ang kanyang kapangyarihan.” May makikita kayo sa Salita ng Diyos, gagawin ninyo ito at mararanasan ninyo ang kanyang kapangyarihan. At kaya, ito ay konektado pa rin sa kanyang Salita. Sa pagkaalam ng Salita niya at sa paggawa ng Salita niya natin malalaman ang kanyang kapangyarihan.

Halimbawa, nabasa ko sa Mateo Capitulo 6 na pinapakain ng Diyos ang mga ibon sa himpapawid, na dinadamitan niya ang mga liryo sa bukid. Naisagawa ko na ang katuruang ito sa aking buhay; hindi ako nagsasalita mula sa teoriya. Itinataya ko ang aking buhay rito. Sinabi ko, “Panginoon, narito ako, magtitiwala ako sa iyo na pupunan mo ang aking mga pisikal na pangangailangan, ang aking pagkain at ang aking pananamit.” At ano ang aking nadiskubre? Nadiskubre ko ang kanyang kapangyarihan kapag ginagawa ko ang kanyang Salita. Ngayon ito ang paraan na matutunan ang kanyang kapangyarihan.

Ngunit napakaraming mga Cristiano ang hindi gumagawa ng ganitong mga bagay – hindi nila pinag-aaralan ang kanyang Salita at kaya hindi nila ito inia-apply sa kanilang buhay. At kaya, sa kalaunan, nalilihis sila at nawawala. Madalas ay napakahirap silang hanapin at ibalik muli.

Ang Kagandahang-Loob ng Diyos – Siya’y Maluwag na Nagpapatawad

Ang kagandahan ng talinghagang ito ay ito’y nangungusap sa atin ukol sa kagandahang-loob ng Diyos, na kahit tayo’y nawawala, kahit tayo’y nalilihis, hinahangad pa rin tayo ng Diyos na manumbalik. Humahayo pa rin tungo sa atin ang kanyang puso. Nagmamalasakit pa rin siya para sa atin. Marahil ang ibang mga tao ay nawalan na ng pag-asa tungo sa atin, pero hindi ang Diyos. Hahanapin at hahanapin niya tayo hanggang wala ng paraang natitira pa. Ito’y napakagandang bagay ukol sa Diyos na nasa Biblia na aking binabasa.

Sa Micah 7:18-19 mayroong sipi na gustong gusto ko. Maraming beses kong namunimuni ang siping ito. Ito ang sinasabi ng dakilang propeta ng Diyos na si Micah sa kanyang dasal, “Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan, at pinalalampas ang pagsuway ng nalabi sa kanyang mana? Hindi niya pinananatili ang kanyang galit magpakailanman, sapagkat siya’y nalulugod sa tapat na pag-ibig. Siya’y muling mahahabag sa atin; kanyang tatapakan ang ating kasamaan. Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan sa mga kalaliman ng dagat.” Nananabik ng Diyos sa atin. Patatawarin niya tayo. Siya’y mapagpatawad na Diyos.

Walang kasing-sama kaysa sa pagtakbo papaalis mula sa Diyos kapag tayo’y nagkasala. Iyon nga ang mismong oras na kailangang-kailangan natin siya! Ngunit, sa bawat pagkakataon na tayo’y nagkakasala, nade-develop ang isang guilt complex at hindi tayo nagtatangkang manumbalik sa Diyos. Naramdaman na ba ninyo ito? Nakagawa kayo ng pagkakamali at ayaw ninyo nang tangkaing makita ang Diyos muli. Sasabihin ninyong, “Ayokong mangahas magdasal. Hindi makikinig ang Diyos sa akin.” Tandaan ang mga bersikulo sa Micah, “Sino ang mapagpatawad na Diyos gaya Mo?” Ihahagis niya ang ating mga kasalanan sa kalaliman ng dagat. Manumbalik lamang tayo sa kanya at siya’y saganang magpapatawad.

Dinadala ako nito sa Isaias 55:7. Ito’y isa pang napakagandang bersikulo at dito nakikita ang “saganang magpapatawad”. Hindi lang siya magpapatawad, siya’y saganang magpapatawad! Alam ba ninyo na may isang uri ng attitude o pakikitungo na nagpapatawad ngunit nagpaparusa sa pagpapatawad nito – “Sige, patatawarin kita, pero huwag na huwag mo nang tatangkaing gawin ito muli.” Ngunit ang nababasa natin dito ukol sa Diyos ay siya’y sagang nagpapatawad! “Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa PANGINOON, at kanyang kaaawaan siya; at sa aming Diyos, sapagkat siya’y magpapatawad ng sagana.” Magpapatawad ng sagana ang Diyos kung lilisanin na natin ang ating masamang pamamalakad at ang ating masasamang pag-iisip.

Dinadala ako nito sa isa pang larawan ukol sa Diyos na parating nagta-touch sa aking puso. Ito’y nasa Isaias 65:2 at ito’y binanggit sa Roma 10:21, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.” Subukang ilarawan iyan sa inyong isipan! Iniuunat ng Diyos ang kanyang mga kamay. Nakikita ba ninyo ang Diyos na nakatayo roon at iniuunat ang kanyang mga kamay? Sa anong klaseng tao? Sa isang suwail at mapagsalungat na bayan! Nata-touch talaga ako nito sa puso. Hinding-hindi ko naisip ang Diyos nang ganito.

Dati’y iniisip ko ang Diyos bilang istrikto at mabagsik, na nakatingin paibaba sa makasalanan mula sa kanyang trono at pinapagpapawis kayo sa inyong mga sapatos. Ngunit ipinapakita ng larawang ito ang Diyos bilang nag-uunat ng kanyang mga kamay tungo sa isang suwail na tao na maaaring may aroganteng tingin sa kanyang mukha. Ngunit naroon ang Diyos na nakaunat ang mga kamay na may kaamuan! Kaya ba ninyong ilarawan iyan sa inyong isip? Masasabi kong maraming beses ko nang tiningnan ang bersikulong iyan at inisip, “Hinding-hindi ko naisip na ganyan ang Diyos.” At pagkatapos ay naiisip ko rin ang mga salita ng Panginoong Jesus, “Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw....” (Mateo 23:37)

Nagpapatawad ang Diyos Kung Magsisisi at Tatalikod Tayo sa Masama

Ang mga nakaunat na kamay ng Diyos – nata-touch talaga ako sa puso. Ang kanyang kagandahang-loob, oh napakadakila! Ngunit hindi siya nagpapatawad ng walang kundisyon; hindi niya sinasabi, “Magbubulag-bulagan ako sa iyong kasalanan.” Patatawarin niya tayo kung tatalikod tayo sa masasamang gawi natin. Dinadala ako nito, sa wakas, sa punto ng talinghaga ukol sa pagsisisi. Ang susing ideya rito ay pagsisisi. Hindi natin dapat ma-miss ang punto ng talinghaga! Ito ang mahalagang kaibahan sa pagitan ng tupa at tao; maaaring humayo na kayo at binuhat ang tupang nawawala at hindi magpupumiglas ang tupa. Wala itong gagawing anuman; sa totoo lang, hindi nito kayang magpumiglas at kaya ninyo itong pulutin at kargahin pauwi.

Ngunit hindi ninyo dapat isipin na ang larawang ito ay may kinalaman sa ‘irresistible grace’ o di-matatanggihang grasya. Kung gayon ay mami-miss ninyo ang buong larawan. Hinding-hindi! Kung titingnan ninyo ang susing mga salita sa huling bersikulo sa talinghagang ito, makikita ninyo kung anong ibig sabihin nito. Sa b.7, “Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu’t siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.

Ngayon ipinapasok ang susing ideya rito ng pagsisisi. Hindi kayang magsisi ng isang tupa, ngunit dapat tayong magsisi bago niya tayo makakarga pauwi. At kargahin tayo pauwi – tungo saan? Nasaan ang tahanan ni Jesus? Ang kanyang tahanan ay nasa kalangitan. Upang dalhin tayo pabalik sa langit! Kakargahin niya tayo patungo roon. Ngunit, gaya ng nakikita natin, hindi makapagsisisi ang tupa, ang mga tao ang kailangang magsisi. Nakikita agad ng Panginoong Jesus na baka ma-miss natin ang punto, na baka isipin natin na ililigtas niya tayo, magsisi man tayo o hindi. Pero hindi iyon posible. Dito sinasabi sa atin, “dahil sa isang makasalanang nagsisisi.” Sa bersikulong ito, parehong narito ang pandiwa ‘magsisi’ at ang pangngalan ‘pagsisisi’.

Ang Kahulugan ng Pagsisisi sa Biblia

Napakahalaga para sa ating mga Cristiano na maintindihan ang kahulugan ng pagsisisi. Alam ba ninyo kung anong kahulugan ng pagsisisi? Maraming tao ay nag-iisip na ang pagsisisi ay simpleng pagiging ‘sorry’ sa sariling mga kasalanan. Ang pagiging ‘sorry’ sa sariling kasalanan ay hindi ang pangunahing kahulugan ng pagsisisi sa Biblia. Mayroong kalungkutan, pero hindi iyon ang tinutukoy nito. Ang ibig sabihin ng salitang pagsisisi sa Griyego ay “isang pagbabago ng isip.” Metanoia: ‘meta’, magbago; ‘noia’, ang pag-iisip. Ito’y ang pagbabago ng pag-iisip, ang pagbabago ng ating paraan ng pag-iisip. Ito’y mas malalim kaysa sa isang pagbabago ng nararamdaman.

Ito’y napakahalagang maintindihan natin, kung tayo’y magiging Cristiano, sa malalim na ibig-sabihin ng salita. Napakaraming tao ang naging Cristiano na hindi naman talaga nagsisi. Hayaang sabihin ko sa inyo na ang pinakaunang salita ni Jesus sa kanyang pamamahayag ay ang ‘magsisi’! Iyon ang susing salita sa kanyang pamamahayag; sa Mateo 4:17 at sa Marcos 1:15, halimbawa, kung saan sinimulan ng Panginoong Jesus ang kanyang ministeryo sa mga salitang, “Magsisi dahil ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” At ang sipi sa Lucas 5:32 ay napakalapit sa sipi rito sa Lucas 15, “Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”

Idiniin ng apostolikong pamamahayag ang pagsisisi sa parehong paraan. Sa Mga Gawa 2:38 at 3:19, ipinahayag ng mga apostol ang pagsisisi sa bawat kaso. Muli sa Mga Gawa 17:30, sinasabi ni apostol Pablo sa atin na iniuutos ng Diyos sa lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi. At iniuutos niya sa atin na magsisi dahil ayaw niya tayong mamatay. Kung hindi kayo magsisisi, kayo ay mamamatay. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi sa atin ng 2Pedro 3:9 mismo ito: “...hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.” Ninanais niya na ang lahat ng tao’y magkaroon ng pagkakataong magsisi. Napakabuti ng Diyos at napakapasensyoso, na binibigyan tayo ng panahon upang magsisi.

Dagdag pa rito, ang pagsisisi ay hindi lamang para sa mga di-Cristiano. Maraming Cristiano ang nag-iisip na, “Ang mga di-Cristiano ang dapat magsisi; hindi tayo ang kailangang magsisi.” Ang salitang ‘pagsisisi’ ay nag-a-apply sa mga Cristiano at sa mga di-Cristiano. Iyan ang dahilan kung bakit sa mga sulat sa pitong churches, makikita ninyo ang salitang ‘magsisi’ na paulit-ulit na ginamit, halimbawa sa Pahayag 2:5, 16, 21, 22 at 3:3, 19, na tumatawag sa mga Cristiano na magsisi mula sa bawat indibidwal na kasalanan. Dapat tayong magsisi sa pangkalahatan, ngunit dapat din tayong magsisi sa partikular na mga bagay. Natatanto ko na dapat akong magsisi mula sa iba’t ibang mga bagay mula sa isang linggo tungo sa isa pang linggo, mula sa mga bagay kung saan dapat mabago ng buo ang aking ‘attitude’.

Ang Pagsisisi – Isang Pundamental na Pagbabago ng Isip

Dinadala tayo nito ngayon sa pangunahing ideya ng pagsisisi: ini-involve ng pagsisisi ang isang pundamental na pagbabago o ‘renewing’ ng pag-iisip, isang pagbabago ng ‘attitude’, isang pagbabago ng ating ugali. Ibig sabihin niyon, sa paglipas ng panahon, magkakaroon ng pagbabago sa ating personalidad! Kung mababago ang inyong attitude, mababago ang inyong pag-iisip, mababago ang inyong ugali, kung gayon ang buong personalidad ninyo’y mababago! Iyan ang paraan kung paano kayo mapupunta sa 2Corinto 5:17, “...kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya’y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, ...ang lahat ay naging bago.” Naging bagong tao na kayo. Pundamental na nabago na kayo.

Ibang-iba ito sa pagpapahayag ng isang ‘gospel’ kung saan maliligtas kayo sa paniniwala lamang na si Jesus ay namatay para sa inyong mga kasalanan. Ang magpahayag ng ganyan ay ang hindi man lang nagpapahayag ng pagsisisi. Hindi iyan ang mensahe ni Jesus ni ng mga apostol; sila’y nagpahayag ng pagsisisi, ipinahayag nila na kailangang pundamental na mabago ang inyong attitude.

Hindi lang ito pagtanggap na ang ilang mga bagay ay totoo. Walang naliligtas nang basta lang maniwala sa mga bagay na ito. Una at pinakamahalaga – ako’y nagmamakaawa na intindihin ninyo ito – kailangan na magkaroon ng pundamental na pagbabago sa inyong puso, sa inyong buong attitude tungo sa buhay, sa paraan ng inyong pagtingin sa mga bagay-bagay, sa paraan ng inyong pag-iisip, sa paraan ng inyong pag-uugali.

Kung walang pagbabago sa ugali o sa attitude ng isang tao, pwede niyang sabihin sa akin na Cristiano siya o ligtas na siya dahil naniniwala siya na: si Jesus ay namatay para sa mga kasalanan niya, pero hindi ako maniniwala sa ni isang salitang sinasabi niya. Hindi iyan Cristianismo. Pero kapag tinitingnan ko ang isang tao na nabago na sa kanyang attitude at sa kanyang ugali, doon ko malalaman na ang taong ito’y isang Cristiano.

Nagba-Backslide ang mga Cristiano Dahil Di Pa Nagsisisi

Ngayon, para sa inyo na itinuturing ang inyong sarili bilang Cristiano, isipin ito: Mula noong naging Cristiano kayo, nagkaroon na ba ng pundamental na pagbabago sa iyong paraan ng pag-iisip? Sa inyong pakikitungo sa mga tao, sa paraan ng paggawa ng mga bagay? Kung hindi, hindi pa ninyo naiintindihan ang pagsisisi. Hindi pa kayo nagiging Cristiano sa diwa nito ayon sa Biblia. Napaka-concerned ko ukol dito. Dahan-dahang naanod paalis ang mga Cristiano mula sa Panginoon dahil hindi pa sila nagsisisi; bumabalik sila sa kanilang mga kasalanan na dati nilang ginagawa, gaya ng pagbabalik ng isang baboy sa paglublob sa putik. (2Pedro 2:22) Ito’y maaaring mangyari sa inyo!

Maaaring naging Cristiano nga kayo, at sa konting panahon, ihiniwalay ninyo ang inyong sarili sa ilang kasalanan; hindi na ninyo ginagawa ang mga ito. Kaya lang, ang hindi paggawa ng mga bagay na iyon ay hindi nangangahulugan ng pagsisisi kung ang inyong pakikitungo o ‘attitude’ sa mga bagay na iyon ay hindi nabago! Halimbawa, may mga tao na, bilang mga di-Cristiano, ay nag-enjoy na magbasa ng pornograpiya, tumitingin sa mga magasin na may hubad na mga babae sa cover ng mga ito, at mga ganitong bagay. Na-enjoy nila ito; may naranasan silang kasiyahan – para itong isang droga sa kanila.

Tapos, nang naging mga Cristiano sila, tumigil sila sa pagtingin sa mga bagay na iyon. Bilang mga Cristiano, tumigil naman talaga sila, ngunit ang pundamental na pakikitungo nila sa mga bagay na iyon ay hindi nabago; sa kanilang mga isip, nae-enjoy pa rin nila ang mga iyon. May panahong naisantabi na nila ang mga ito kasi nararamdaman nilang, “Hmm, ‘di ito maganda. Dinudumihan nito ang isipan ko. Siguro ititigil ko na ito.” Ngunit ang kanilang ‘attitude’ sa mga bagay na iyon ay hindi pa pundamental na nababago; mayroon pa ring pagmamahal sa kasalanan at ang pagmamahal sa kasalanan ay hindi pa pundamental na nababago.

Kung ang inyong ‘attitude’ ay hindi pa nababago, kung gayon, hindi pa kayo pundamental na nagsisisi. Wala pang pagbabago ng isipan! Maaaring nag-‘sorry’ kayo sa paggawa ng mga iyon, pero maaari kayong naging ‘sorry’ na hindi nagbabago ng isipan. Ang mangyayari ay maaari pa rin kayong bumalik at gawin ang mga iyon paulit-ulit-ulit.

Tunay na Pagsisisi – Pagharap nang Tama sa Kasalanan

Nakikita ba ninyo kung gaano kahalaga ang pag-ibahin ang pagiging ‘sorry’ lang at ang tunay na pagbabago ng inyong isipan? Kapag mayroon na ng pagbabago ng isip, sasabihin ninyong, “Hindi! Tapos na ako rito. Hindi na ako nag-e-enjoy na maisip man lang ang mga bagay na ito. Hindi ako nag-e-enjoy sa kasalanan kasi nabago na ang ‘attitude’ ko tungo sa lahat ng mga bagay na ito. Hindi ko lang idinidistansya ang sarili ko dahil madaling ilapit muli ang sarili ko sa mga ito at balikan ang mga ito.”

Kapag naging Cristiano na kayo, nabago na ang inyong pag-iisip, at alam ninyo kung bakit nabago ang inyong pag-iisip. Sa madaling salita, ang pagiging Cristiano ay mas higit pa sa pagiging emosyonal; kailangang maupo’t isipin, “Kailangan kong baguhin ang aking kaisipan ukol sa bagay na ito at kailangan kong maintindihin kung bakit ako magbabago.”

Nagawa na ba ninyo ito nang masinsinan? Humarap na ba kayo nang tama sa kasalanan? Huwag lang sabihin na, “Oh, dapat ‘di ko isipin ‘yon.” Balewala iyon, dahil magpapatuloy pa rin kayong mag-iisip ukol doon. Sa halip, dapat ay tingnan itong mabuti, seryosohin at isaisip nang mahinahon sa inyong sarili, “Ngayon, talaga bang na-e-enjoy ko ang isipin ito?” “Bakit ko pa rin na-e-enjoy ang pag-iisip nito? Bakit hindi ko pa nararating ang makita ang ‘sinfulness of sin’ o ang pagkamakasalanan ng kasalanan?” Kailangan ninyo itong harapin sa pundamental na antas. Harapin na ito!

Ihiwalay ang makasalanan sa di-makasalanan at tanggihan ang bahagi na makasalanan. Halimbawa, hindi lahat ng ‘sex’ ay makasalanan. Walang makasalanan sa ‘sex’, ngunit may aspeto ito na kung iniisip ninyo ang pakikiapid o pangangalunya, o mga bagay na hindi ayon sa natural na layunin ng mga bagay-bagay, kung gayon, nag-iisip kayo ng makasalanang pag-iisip. At doon kailangan ninyong i-deal ito.

Sinumang hindi pa nag-iisip ng tungkol sa ‘sex’ ay di-normal. Kinailangan kong mag-counsel ng mga kabataan na naguguluhan sa kanilang pagkakaroon ng mga pag-iisip ukol sa ‘sex’; nararamdaman nilang napakamakasalanan nila dahil may pag-iisip sila ukol sa ‘sex.’ Anong makasalanan doon? Walang makasalanan sa ‘sex’ habang kayo’y may kontrol dito. Tayo’y nilikha na magkakaroon ng pag-iisip ukol sa ‘sex’; hindi kailangang magkunwari na hindi natin ito naiisip.

Ngunit kapag hindi natin hinahayaan ang ating mga pag-iisip na maging makasalanan – ang isipin ang pakikiapid, pangangalunya, ang pagpunta sa isang babaeng bayarán, o ang makakuha ng anumang pagnanasang nakakaaliw mula sa kasalanan – kung gayon, ito’y isang sitwasyon na ibang-iba! Maaaring ang ating pag-iisip ay ukol sa ‘sex’ at ito’y napakabanal pa rin, at wala man lang makasalanan dito.

Kailangang may pagbabago ng kaisipan, kung hindi na tayo babalik muli sa kasalanan. Nagsusumamo akong maunawaan ninyo ito. Kailangang may pagbabago o ‘transformation’ sa ‘inner attitude’, sa panloob na pakikitungo. Kailangan ninyong harapin ng tama ang kasalanan. Kailangan ninyong hawakan ito at talunin. Ito’y kailangang-kailangan.

Tunay na Pagsisisi – Kasuklaman ang Masama at Ibigin ang Matuwid

Kailangan nating marating ang ‘attitude’ na nababasa natin sa Awit 45:7 na “...iniibig ang katuwiran at kinasusuklman ang kasamaan.” Dati-rati, gaya ng nasa Juan 3:20, minahal natin ang kasamaan at kinasuklaman ang katuwiran, ngunit ngayon ang ating ‘attitude’ ay dapat mabago na tungo doon sa nasa Awit 45:7 kung saan kinapopootan natin ang kasamaan at alam natin kung bakit natin ito kinapopootan. Alam natin kung anong gagawin sa atin ng bagay na ito.

Ito’y gaya ng isang durugista na natututong kasuklaman ang droga. Hindi ito madali dahil hanggang sa puntong iyon na-enjoy niya ang droga. Kailangan niyang maintindihan bakit niya kinapopootan ang droga. Balewala ang sabihing mali ang magdroga. Kailangan niyang malaman bakit ito mali. Kailangan niyang maunawaan upang masabi niyang, “Ngayon ako’y tapos na sa droga dahil nakikita ko ang pinsala na ginagawa nito; in-enjoy ko ito pero nakita ko na kung anong pinsalang ginagawa nito, kung gaano ito kasama sa akin at sa iba.” At sa gayon, mababago ang kanyang kaisipan; alam niya sa kalaliman ng kanyang kaisipan kung bakit niya tinahak ang ganitong ‘attitude.’ Iyan ang tunay na pagsisisi. Buo siyang tumatalikod mula sa kasalanan – pareho sa kanyang isipan at sa kanyang ugali.

Ipinagdarasal ko na gumawa ang Diyos sa bawat isa sa atin upang magampanan ang kanyang kalooban sa atin, na tayo’y matututong magsisi at i-deal ang bawat kasalanan sa parehong paraan. Huwag lang itong itulak papalayo. Huwag lang itong itago sa ilalim ng pantakip, dahil babalik muli ito; balewalang gawin iyan. Kailangan ninyo itong i-deal nang may katinuan, determinasyon, at sa pamamagitan ng grasya at lakas ng Diyos.

At kaya, sa talinghagang ito, sa isang kamay ay nakikita natin ang kagandahan ng pagmamalasakit ng Diyos, at sa kabilang kamay ay nakikita natin ang kahalagahan ng pagsisisi. Sa totoo lang, ang buong talinghaga ay maaaring ibuod sa isang pangungusap, sa mga salita ng Roma 2:4: “...hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

 

Katapusan ng mensahe.
Ito’y isang ‘edited transcription’ ng mensahe.

Tinatanggap ng mga ‘editor’ ang buong
responsibilidad para sa pagkaka-ayos at
pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.

 

Lahat ng mga nasambit na bersikulo ay mula sa
Ang Bagong Ang Biblia, Edisyong 2001.

 

(c) 2021 Christian Disciples Church