You are here

3. Parable of the Lost Coin

Ang Talinghaga ng
Nawawalang Pilak

(Parable of the Lost Coin)
Lucas 15:8-10
Mensahe ni Pastor Eric Chang

 

Sa araw na ito magpapatuloy tayo sa ating sistematikong pag-aaral ng katuruan ng Panginoong Jesus sa Lucas 15:8-10. Ako’y sistematikong nagpapaliwanag kung anong itinuro ng Panginoong Jesus upang walang bahagi ng kanyang itinuro ang malalaktawan. Sa kalaunan, matatalakay na natin ang lahat ng itinuro ng ating Panginoon sa atin dahil walang bahagi ng kanyang katuruan ang di-mahalaga; lahat ay mahalaga. Ang kanyang mga salita – ang mga ito’y espiritu at buhay!

Pumunta na tayo kung ganoon sa magandang talinghagang ito sa katuruan ng Panginoon sa Lucas 15:8-10, na madalas na tinatawag bilang Ang Talinghaga ng Nawawalang Pilak. Mas lalo kong tingnan ang talinghagang ito, lalo ko namang napapahalagahan ang kagandahan nito. Madali kong masasabing isa ito sa aking mga paboritong talinghaga. Lubos na napakaganda nito! Ngunit, ito’y inilahad nang napakaigsi. Napakaikli nito, sa tatlong bersikulong ito, sa bb.8-10. Sinasabi ng Panginoong Jesus,

“O sinong babae na may sampung pirasong pilak, na kung mawalan siya ng isang piraso, ay hindi ba magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti hanggang ito’y matagpuan niya? At kapag matagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang pilak na nawala sa akin.’ Gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”

Kung sa araw na ito, tayo ang “isang makasalanang nagsisisi”, sa gayon ay may kagalakan sa langit! Ang langit ay isang lugar ng galak, ngunit ang galak na iyon ay nadaragdagan pa sa pamamagitan ng isang makasalanang nagsisisi. Ganyan ang pag-ibig sa kalangitan! Kung wala kayong pakialam kung ligtas ang tao o hindi, siyempre, hindi kayo magagalak. Ngunit dahil sobrang nagmamalasakit ang Diyos at sobrang nagmamalasakit ang mga anghel ng Diyos para sa tao, kapag nagsisi na siya, magagalak sila. Ang mga taong nagagalak ukol sa kapakanan ng mga iba ay ang mga tao na tunay na nagmamalasakit. Dahil nagmamalasakit ang Diyos at nagmamalasakit ang mga anghel – iyan ay isang bagong pag-iisip, ‘di ba? Alam ba ninyo na nagmamalasakit ang mga anghel? – sila’y nagbubunyi!

Isang Talinghagang Punô ng Kagandahan ay Yaman

Nakikita ng maraming modernong komentador ang talinghagang ito bilang walang sinasabing kaibahan mula sa nauna rito. Iniisip nilang inuulit lamang nito ang naunang talinghaga, Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa. Sa katunayan, para sa Alemanyang commentator na si Rienecker, ang masasabi lang niya ukol sa talinghagang ito ay simpleng walang nasa talinghagang ito ang hindi nasabi sa naunang talinghaga, maliban sa isang bagay. Ang tanging naiibang punto raw ay: sa naunang talinghaga, may isang tupa ang nawawala mula sa 100, samantalang dito, may isang pilak o ‘coin’ ang nawawala mula sa 10, at kaya, ang halaga ng makasalanan ay tumaas, ika nga. Ikaw ay isa mula sa 100, ngayon ikaw ay isa mula sa 10. Kaya, medyo tumaas ang iyong halaga. Dati-rati ika’y 1% lamang; ngayon ika’y 10% na. Iyon ang nakikita niyang tanging kaibahan. Oh, lubos siyang nagkakamali! Patutunayan ko sa inyo na napakalaki ng pagkakaiba. Taglay ng talinghagang ito ang mas marami pang mga bagay at mas marami pang yaman na hindi pa nasasabi sa nauna rito.

Ang kagandahan ng talinghagang ito ay kapansin-pansin; walang bahagi nito na walang kahulugan. Taglay nito ang malalalim na kayamanan; kung magkaroon lamang tayo ng espirituwal na mga mata, sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, upang makita ang mga ito! Parati kong binibigyang-diin na ang kaisa-isang bagay na kailangan ninyo kapag tumutungo kayo sa Salita ng Diyos ay ang espirituwal na pagkita, ang ‘spiritual insight’. Hindi lamang kaalamang akademiko, na tiyak na taglay ng mga iskolar na ito at taglay rin ng karamihan sa atin hanggang sa ilang lawak at ilang antas. Kailangan ninyo ng espirituwal na pagkita upang makita ang kagandahan at mga yaman na naroon. Walang sinuman sa atin ang makakakita dahil lamang sa mas matalino tayo. Hindi tayo mas matalino. Maraming mga tao ang malayong mas matatalino kaysa sa atin. Ang grasya ng Diyos ang nagbibigay-kakayahan sa atin upang magkaroon ng ‘insight’ upang makita kung anong sinasabi ng Panginoong Jesus. Wala itong kinalaman sa ating pagiging matalino; simple lamang na grasya ng Diyos ito na bigyan tayo ng pagkita, ng ‘insight’.

Ngayon, tingnan na natin ang magandang talinghagang ito. Hayaang ilarawan ko muna sa inyo ang talinghaga. Ang talinghaga mismo – ang larawan – ay napakasimple. Mayroong babae rito at mayroon siyang 10 na pilak. Sampung ‘coin’ na pilak! Ibig sabihin nito’y hindi siya masyadong mayaman. Mayroon siyang 10 silver coins. Ang bawat pilak niya ay ang tinatawag bilang isang denarius. Ang isang denarius ay ang sahod ng isang trabahador sa isang araw. At kaya, kung anong mayroon siya ay matatamo sa pagtatrabaho ng isang tao sa 10 na araw. Hindi ito ganoong kalaking halagang pera.

Iniisip ng ilang mga iskolar na ang mga pilak na ito’y ang ginagamit niya sa kanyang ‘headdress’ o palamuti sa ulo. Kadalasa’y may ‘headdress’ ang mga babae sa Middle-East na napapalamutian ng mga ‘coins’; ginagamit pa rin ito sa ngayon ng ilan sa mga Bedouin [mga tao sa Middle-East na palipat-lipat ng tirahan]. Mayroon silang ‘coins’ – ang ilan ay ginto, ang ilan ay pilak – na binubutasan nila at inilalagay sa kanilang ‘headdress’ bilang dekorasyon. Napakagandang tingnan ang mga babae kapag suot ito. Kadalasa’y ibinibigay ito sa mga babaeng ikakasal bilang ‘dowry’ o dote nila. Iyon ay, kapag nag-asawa na sila, ito’y magiging sarili nilang pag-aari. Hindi ito magiging pag-aari ng kani-kanilang asawang lalaki; at, kung sa anumang dahilan na kinakailangan nilang mawalay sa kani-kanilang asawang lalaki, hindi ito pwedeng angkinin ng lalaki. Parating sa babae ito upang mapangalagaan ang kanyang kabuhayan, halimbawa mang mamatay ang asawang-lalaki o sa kaso ng isang diborsyo o anumang paghihiwalay.

Hindi sinabi sa talinghagang ito na ito’y bahagi ng palamuti sa ulo; kaya isang haka-haka lamang ito. Hindi naman masyadong mahalaga kung isang palamuti ito sa ulo o hindi. Ngunit, kung ito nga’y ang palamuti sa ulo, lalo pa nitong ipinapakita ang kanyang kasalatan. Sa mga araw na ito, ang mga babaeng Bedouin ay mayroong hanggang 50 o kahit na 100 na pilak na nagpapalamuti sa kanilang headdress, at kaya, ipinapahiwatig ang malaking kasalatan sa kanyang pagakakaroon lamang ng 10, kung iyon lamang ang mayroon siya.

At kaya, nawala ng babaeng ito ang isa sa kanyang ‘coins’ na pilak. Anong gagawin ng babaeng ito? Magsisindi siya ng isang lampara, magwawalis siya at maghahanap siya sa bahay para sa pilak na ito. Karamihan sa mga bahay sa mga araw na iyon sa Palestina ay madalas na isang-kwarto na gawa sa luad o putik (‘mud’) o mga luad na ladrilyo (‘mud bricks’). Walang mga bintana. Walang pumapasok na liwanag maliban mula sa pinto. Kaya, kailangan nating maintindihan kung bakit niya kailangang magsindi ng lampara, hindi lamang sa gabi kundi sa araw rin. Bukod pa riyan, lupa rin ang sahig, at sadyang nagkakaalikabok. Ibig sabihin nito, kung may nahulog na isang pilak sa sahig, madali itong gugulong doon at matatago sa kadiliman at sa alikabok ng sahig, at kaya, kailangang magwalis.

Sa pagwawalis o pagtutulak ng mga bagay-bagay, baka marinig ninyo ang tunog ng pilak; sa pamamagitan ng pagwawalis, matatanggal ang alikabok upang masinagan ng liwanag ito at magkaroon ng kinang mula rito. At kaya, nagsisindi siya ng ilaw, nagwawalis, at naghahanap sa buong bahay para sa pilak na ito. Kapag nahanap na niya ang pilak, mapupuno siya ng galak dahil napakahalaga nito para sa kanya!

Isang Napakahalagang Pilak

Para sa mayayaman, ang mawalan ng isang pilak ay hindi ganoong kalaking kawalan. Sa Canada, parati akong nakakakita ng ‘coins’ kung saan-saan. Siguro, punong-puno ng ‘coins’ ang mga bulsa ng mga tao kaya parating may nahuhulog sa mga ito. Sigurado ako na nakakita na kayo ng mga ‘coins’ paminsan-minsan. Sa England, napakadalang kong makakita ng ‘coins.’ Marahil ang mga tao sa England ay di-masyadong mayayaman at kaya iniingatan nila ng mas maigi ang kanilang ‘coins’. Wala akong matandaang pagkakataon na nakahanap ng ‘coins’ sa England sa lahat ng taon na naroon kami. Ngunit sa maikukumparang maigsing panahon ko na 2-3 na taon dito sa Canada, nakahanap na ako ng maraming ‘coins.’ Parang hindi napapansin ng mga tao na nawalan sila ng 25¢ o 10¢.

Para sa babaeng ito, napakahalaga ng ‘coin’ na ito; may 10 lang siya, ang mawalan ng isa mula sa 10 ay ang mawalan na ng malaking bahagi niyon. Kung mayroon kayong daan-daang ‘coins,’ marahil ay hindi ninyo mapapansin na nawala ang isa. Pero kung may 10 lang kayo, mapapansin ninyo na may nawala kayo. Talagang napansin ng babaeng ito ang kanyang kawalan. Nang mahanap niya, siya’y nagalak dahil napakasaya niya na nahanap na niya ang ‘coin’ na ito! Para sa mahihirap, ang mawalan ng isang ‘coin’ ay malaking bagay; para sa mayayaman, hindi ito masyadong mahalaga.

At kaya, ang kasalatan ng babaeng ito ay nagpapakita ng katotohanan na tinitingnan ng Diyos ang bawat kaluluwa bilang napakahalaga sa kanya. Para sa Diyos, hindi lang kayo isa sa isang milyon, na parang hindi masyadong mahalaga sa kanya kung nabubuhay man kayo o hindi. Hindi! Kung kayo ay nawawala, kung kayo ay hindi pa kasama sa kaharian ng Diyos, kung hindi pa kayo naliligtas, siguradong mapapansin ng Diyos na nawawala kayo, dahil kayo ay mahalaga sa kanya. Ito’y karagdagan pang idiniin ng katototahanang ang ‘coin’ na ito ay pilak na ‘coin.’ Hindi ito ang pinakamurang uri ng ‘coin.’ Hindi ito basta tanso o ‘bronze.’ Ito’y pilak, at ang pilak ay may taglay na malaking halaga sa sarili nito.

Insight’ sa Karakter at Pakikitungo ng Diyos sa Makasalanan

Dagdag pa rito, ang lahat ng mga anghel sa langit ay nagbubunyi para sa isang makasalanan – isang makasalanan! – na nagsisisi. Hindi nakasalalay sa istatistika ang Diyos. Hindi siya sumasaya dahil may 5,000 na tao na pumirma sa decision cards. Para sa kanya, hindi ito tanong kung ito’y 5,000. Para sa kanya, ang isa ay mahalaga. Parati tayong nagbibilang ng istatistika at nagbubunyi kapag malaki ang bilang; ang Diyos ay nagagalak para sa isa! Iyan ay lubos na kaaya-ayang makita: kung paanong ang pakikitungo o ‘attitude’ ng Diyos ay iba sa pakikitungo ng tao. Nakikita natin na ang talinghagang ito’y nagbibigay sa atin ng ‘insight’ sa karakter ng Diyos. Paano? Sa paraan ng pagtingin niya sa tao, sa paraan ng pagtingin niya hindi lamang sa isang tao, kundi sa isang ‘nawawalang’ tao, sa isang makasalanan, upang matuto tayo na magkaroon ng parehong ‘attitude’ tungo sa mga makasalanan.

Napakaraming beses, pinagmamataasan ng mga Cristiano ang mga di-Cristiano. Pero hindi ganyan tumingin ang Diyos. Humahayo ang puso ng Diyos tungo sa nawawalang tao. Wala siyang panahon na mag-isip gaya ng kung paano nag-iisip ang maraming Cristiano – “Hmm, ako’y ligtas na, ikaw – ano?” Kapag ganito kayo mag-isip, ang buong atensyon ninyo ay nasa inyong sarili. Ngunit kapag inisip ninyo ang pangangailangan ng ibang tao, malilimutan ninyo ang inyong sarili; iisipin ninyo ang ukol sa kanya at kung gaano kahalaga ang taong ito, kung maaari lamang siyang maibabalik sa Diyos.

Kaya, sinasabi ng talinghagang ito sa atin ang paraan kung paano tinitingnan ng Diyos ang makasalanan, kung gaano ito kaiba sa paraan ng pagtingin natin kung minsan sa mga makasalanan. Tapos, hindi lamang sa pagtingin ng Diyos sa makasalanan, kundi kung anong ginagawa niya ukol dito. Hindi lang siya mayroong mabubuting intensyon, kundi siya ay may ginagawa ukol dito. Kaya dito, nakikita ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga mata ng Diyos. Ang talinghagang ito’y isang maka-Diyos na talinghaga dahil ipinapakita nito ang kaligtasan hindi kung paano nakikita ng tao ang kaligtasan. Tinitingnan nito ang makasalanan hindi kung paano tinitingnan ng tao ang mga makasalanan, kundi kung paano tinitingnan ng Diyos ang mga makasalanan. Halimbawa, tingnan na lamang ang nagkokondenang pakikitungo ng mga Fariseo sa mga makasalanan – parati nilang kinokondena ang mga lumalagabog, ngunit ang Diyos ay may awa at pagmamalasakit na attitude.

Isinisimbolo ng Babaeng Ito ang Church

Tingnan na natin ngayon ang espirituwal na kahulugan ng talinghagang ito. Iba ang talinghagang ito sa nauna rito dahil sinasabi rito ang ukol sa isang babae na nawalan ng isang ‘coin’. Maaari rin namang makawala ng isang ‘coin’ ang isang lalaki, ngunit hindi nangungusap ang Panginoong Jesus ukol sa isang lalaki rito, kundi sa isang babae. Kung mawalan ang isang lalaki ng isang ‘coin’ mula sa 10, maghahanap din naman siya. Ang larawan dito ay hindi ukol sa isang lalaki, kundi sa isang babae na hinahanap ang isang ‘coin.’ Bakit mayroong reperensya rito ukol sa isang babae? Karamihan sa ‘modern commentators’ ay hindi nakikita ang kahalagahan nito. Bakit hindi? Bakit kaya hindi sinabi ng Panginoong Jesus, “Ngayon may isang lalaki na nawalan ng pilak. May 10 siya nito.” Kung mawalan siya ng pera mula sa ‘money belt’ niya, bakit hindi niya ito hahanapin? Hindi sasabihing ‘babae’ ang nawalan dito kung wala namang dahilan.

Habang tinitingnan ko ito, nagiging malinaw na ang babae ay representasyon ng church. Napakadalas sa katuruan ng Panginoon, nagsasalita siya ukol sa isang handaan sa kasalan, ang kasalan ng bride at bridegroom, at iba pa, kung saan nirerepresenta ng babae ang church. Sa pagbubunyag ng nasa Biblia, kailangan ko kayong balaan na hindi ibig sabihin nito na sa tuwing nagsasalita ang Panginoong Jesus ukol sa isang babae ay itinutukoy niya ito sa church. Ngunit dito sa kontekstong ito, sa pagtingin kung anong nauna at kung anong sumunod, malinaw na siya’y nagsasalita ukol sa church.

Sa unang talinghaga, ang Panginoong Jesus, bilang sinugo ng Diyos, ay nagsasalita ukol sa sarili niya bilang ang pastol na naghahanap sa nawawalang tupa. Ngunit paano siya naghahanap para sa mga nawawala, dito at ngayon, sa mismong segundong ito? Sa pamamagitan ng talinghagang ito, sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus na hinahanap tayo ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang church. Paano kayo natagpuan? Paano ako naligtas, kung hindi nagtrabaho ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang church upang hanapin ang mga nawawala? Paano naghahanap ang Panginoon sa mga napapahamak? Hindi ba’t sa pamamagitan ninyo at sa pamamagitan ko? Nagiging malinaw, kung gayon, gaya ng sinasabi ni Pablo, na ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa atin (2Corinto 5:14) na hanapin ang mga nawawala.

Nakikita natin ang isang pag-uusad ng pag-iisip dito. Ang unang talinghaga’y nagsasabi sa atin, una at pinakamahalaga sa lahat, na hinahanap ni Jesus ang makasalanan, at pagkatapos niyon ay hinihikayat niya tayo, ang church, na hanapin ang makasalanan. Hindi ba kayo napunta sa Panginoon sa pamamagitan ng tulong ng ilang tao sa church? Hindi ba nila kayo inimbita na pumunta sa church at pagkatapos ay nahalina kayo sa Panginoon sa pamamagitan nila? Kung gayon ay salamat sa Diyos para sa kanila! Huwag na huwag nating maliitin ang tulong ng tao. Hinding-hindi natin dapat sabihin na, “Hindi mahalaga ang tao.” Mahalaga siya sa Diyos! Kahit hindi mahalaga ang tao sa atin, mahalaga siya sa Diyos. At kumikilos ang Diyos sa pamamagitan natin.

Sa mga araw na ito, ang church ay ang ilaw ng mundo, o dapat ay ang ilaw ng mundo. Kaya, matatagpuan natin ang parehong pag-usad: si Jesus ang ilaw ng mundo, gaya ng nababasa natin sa Juan 8:12, pero pagkatapos niyon ay sinasabi rin niya, “Kayo’y ilaw ng mundo.” [Mateo 5:14]. Ibig sabihin niyon, siya’y nagliliwanag sa mundo sa pamamagitan natin, iyon ay, sa pamamagitan ng church. Sa parehong paraan, sa Talinghaga ng Nawawalang Tupa, sa unang pagkakataon, siya ang pastol na naghahanap at siya ang nagliligtas sa nawawala. At ngayon, sa Talinghaga ng Nawawalang Pilak, matatagpuan natin sa ikalawang pagkakataon, ang church, na nirerepresenta ng babae rito, na sa pamamagitan niya ay nagtatrabaho ang Diyos upang iligtas ang nawawala. Nakikita ko ang isang magandang pag-usad dito.

Sa katotohanan, mayroon ding pag-usad sa bilang sa tatlong talinghagang ito. Sa unang talinghaga, ang bilang ay 1 sa 100; may 1 nawawalang tupa mula sa 100. Sa talinghagang ito, may 1 mula sa 10. Sa susunod na talinghaga, ito’y 1 mula sa 2; may 2 anak at isa sa kanila ay nawawala. Walang ‘kahit papaano’ sa katuruan ng Panginoon. Lahat ay isang magandang pag-usad, na gumagalaw sa pagfo-focus tungo sa partikular na makasalanan na iyon. Una, ang ideya ay isang malaking grupo ng mga tao, tapos ito’y liliit at liliit, hanggang ito’y magfo-focus sa iyo, ang isang hinahanap ni Jesus. At kaya, natatagpuan natin na maliban na lamang na ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa atin, hindi natin hahanapin ang nawawalang makasalanan. Maliban na lamang na ang ilaw ni Cristo ang nagliliwanag sa pamamagitan natin, hindi tayo magniningning man lang.

Ang babae sa talinghaga ay nagrerepresenta sa church sa kabuuan, hindi alinmang indibidwal na church – nirerepresenta niya ang ‘church universal’ o pangkalawakang church, sa ideyal sa pag-iisip. (Ngunit, gaya ng nasabi ko na, at kailangan ko kayong babalaang muli, hindi nito ibig sabihin na sa tuwing masasambit ang isang babae na ito’y parating nagrerepresenta sa church. Sa ating mga nag-aaral ng Apocalipsis, alam natin na may 2 babae. Ang isa’y nagrerepresenta ng church; ngunit ang isa naman ay ang patutot, yaong hindi tapat. Ang isa’y ang bulaang church na hindi tapat sa Panginoon. Sa Kasulatan, kailangang masusing pag-ibahin ang dalawa.)

Siya ay Nagsisindi ng Ilaw – Ang Church ay ang Ilaw ng Mundo

Dito, sa pamamagitan nitong Talinghaga ng Nawawalang Pilak, nakikita natin na ang church ay inuudyukan ng pag-ibig, ang pag-ibig ni Cristo, na maghanap para sa nawawala, kung paanong naghahanap ang babae para sa pilak na iyon na nawawala. Anong ginagawa ng babae? Gumagawa siya ng tatlong bagay at lahat ng ginagawa niya ay mahalaga! Una, siya’y nagsindi ng isang ilawan. Ito ang unang bagay na dapat gawin ng church: magsindi ng ilawan. Hayaang magningning ang ilaw, parehong sa pamamagitan ng paraan ng inyong pamumuhay at ng mensaheng inyong ipinapahayag. Tayo ang ilaw ng mundo. Sindihan ang ilawan! Hayaang magliyab ito! Oh, napakaganda niyan. Iyan mismo ang sinabi ng Panginoong Jesus sa mas nauna sa Lucas Capitulo 8 na ang isang tao’y nagsisindi ng isang ilawan at inilalagay ito kung saan ito’y magliliwanag sa buong bahay at sa gayon “walang nakatago na hindi mahahayag” (Lucas 8:16&17). Iyan ang kagandahan nito. Nagliliwanag ang ilaw upang dalhin sa liwanag kung ano ang nakatago, upang ang nawawala ay matagpuan. Iyan ang dahilan kung bakit nagliliwanag ang ilaw.

Ang Ebanghelyo ay ang ilaw na iyon, parehong sa paraan na ipinapamuhay natin ang Ebanghelyo at sa paraan na ipinapahayag natin ng Ebanghelyo. Ang Ebanghelyo, ang salita ng Diyos, ay ang ilawan sa ating mga paa (Awit 119:105). Ngunit ang Ebanghelyo’y ilaw, hindi dahil mayroong magical power sa Ebanghelyo mismo. Hindi! Ito’y dahil nagliliwanag ang ilaw ng Diyos sa pamamagitan ng Ebanghelyo. Sa kasukdulan, ito muli’y ilaw ng Diyos dahil ang Diyos ay ilaw. “Ang PANGINOON ay ang aking liwanag at aking kaligtasan”. (Awit 27:1) Kuning halimbawa ang 2Samuel 22:29: “Oo, ikaw ang aking ilawan, O PANGINOON: at tinatanglawan ng aking Diyos ang aking kadiliman.” Napakaganda nito. Ang Diyos ay ilaw. Hayaan siyang magliwanag at huwag hayaang itago ng anuman ang ilaw na iyon.

Nagwawalis Siya – Babaligtarin ng Church ang Buong Mundo

Ang pangalawang bagay na ginagawa niya, pagkatapos niyang sindihan ang ilawan, ay ang magwalis. Ngayon, ano ang ibig sabihin ng pagwawalis? Ang pagwawalis, siyempre, ay napakadaling maintindihan. Isa itong proseso ng paglilinis. Kailan ba kayo nagwawalis sa lugar? Kapag kailangan ninyong linisin ang lugar. Sa katunayan, sinasabi ng Panginoong Jesus ang tungkol sa pagwawalis sa Lucas 11:25 din, ukol sa bahay na nawalis hanggang malinis, pagkatapos mataboy ang demonyo, natatandaan ba ninyo? Ang lugar ay nawalis hanggang malinis. May kaugnayan ito sa paglilinis sa loob.

Nagliliwanag ang ilaw sa inyo upang magkaroon ng paglilinis, upang maging posible ang paglilinis. Kung gayon nililinis ng Diyos ang dumi at ang alikabok na kumukubli sa atin at sa gayon ay dinadala tayo sa ilaw. Maganda iyan! May kinalaman ito, kung gayon, hindi lamang sa pagsasalita at sa pagpapahayag – nagliliwanag kasama ang ilaw – kundi sa paggawa ng pag-aabot, pagwawalis, pagbabaligtad sa mga bagay, upang mahanap kung anong nawawala. Tandaan na naakusahan ang mga apostol na binabaligtad ang mundo. [Mga Gawa 17:6] Tingnan kung anong mangyayari kapag nagsimula kayong magwalis, ang kaguluhan na magagawa nito! Kaya nga minsan ay hindi napakapopular ng mga Cristiano – nakakapagbigay sila ng masyadong maraming pang-i-istorbo, masyadong maraming gulo. Para naman ito sa isang mabuting bagay – ito’y hahantong sa kaligtasan ng isang nawawala sa alabok!

Naghahanap Siya – Ang Tungkulin ng Church sa Paghahanap ng Nawawala

Ang pangatlong bagay na ginagawa niya ay ang maghanap. Ang punto ng pagwawalis ay hindi upang gumawa ng maraming ingay at galugadin ang alikabok – ang buong layunin ng paggawa nito ay upang mahanap ang nawawala! Hindi nagliliwanag ang ilaw para lang magliwanag. Hindi lang nagwawalis para lang makapagwalis – ito’y may layunin ng paghahanap – pagtitingin at paghahanap ng nawawala.

Nawala sa Alikabok – Napapalabo ng Pisikal

Mayroon pang karagdagang kagandahan sa siping ito. Ang pilak na ito ay nawala sa alikabok sa sahig na luad o ‘mud’ sa mga bahay-Palestino sa mga araw na iyon. Binibigyan tayo ng Biblia ng maraming kahulugan ng alabok. Walang bahagi nito ang walang kahulugan at yaman. Kapag nag-aaral ako ng Lumang Tipan, may nakikita akong tatlong-tuping yaman sa kahulugan ng ‘alabok’.

Una sa lahat, tayo’y ginawa mula sa alabok. Nakikita natin ito sa Genesis 2:7, 3:19 at Awit 103:14; kaunti lang ang mga ito sa marami pang ibang mga reperensya. Kung pag-uusapan ang pisikal nating aspeto, ang katawang ito – kasama ang iba’t ibang mineral at ibang mga elemento sa kemikal na kabuuan nito – ay simpleng alabok. Kailangan ninyo lang makita kung anong nangyayari sa isang cremation, kung saan sinusunog ang bangkay – itong katawan ay nauuwi sa alabok at abo. Ano ba ang abo kundi alabok? Kung pisikal ang pag-uusapan, ang pisikal na katawang ito ay inilalarawan bilang alabok.

Kawili-wili ito. Ang pilak na ‘coin’ na ito, na nahulog sa alikabok, ay nakukubli ng alikabok na iyon. Ito’y isang napakahalagang dahilan kung bakit lumalagabog ang tao. Ito’y dahil hinahayaan niyang mangibabaw ang kanyang pisikal na kalikasan. Binabalutan siya ng kanyang karnal na kalikasan, at kaya ang espirituwal na aspeto ng tao ay nawawala sa kalagitnaan ng alabok ng karnal na kalikasan niya, ng makalaman na kalikasan niya, ng pisikal na kalikasan niya. Ang taong nawawala dahil sa kasalanan ay parating pinamumunuan ng pisikal na aspeto ng buhay.

Ang tanging naiisip niya ay tungkol sa mga bahay, at tungkol sa mga sasakyan, at tungkol sa pera, at tungkol sa sahod niya. Ang buong pakikipag-usap niya, ang pakikipagdiskusyon niya, ang pag-iisip niya, ay ukol lamang sa mga materyal na bagay. Binabalutan siya ng alabok, ang alabok ng pisikal na buhay na ito, hanggang hindi na niya nakikita ang liwanag. Napapalabo ang mga mata niya ng alabok na ito. Nababalot na lamang siya sa loob ng pisikal na buhay na ito – ganoon na lang.

Kausapin lang ninyo ang di-Cristiano. Ano nga ba ang parati niyang iniisip, kundi ang karera niya, ang propesyon niya, ang pera niya, ang bahay niya? Ano pa ba ang ibang iniisip niya? Iyon na ang buong buhay niya. Iyon ang buhay para sa kanya. Hindi niya kayang makita ang mga bagay na walang hanggan, ang mga bagay na mananatili lagpas sa mga bagay na pansamantala lang na gawa sa alabok. Hindi niya makita iyon; para sa kanya, ang alabok lang ang mahalaga. Alabok – iyon lang ang mayroon doon. Pero ang lahat ng ito’y napakahalaga sa kanya; hindi niya makita-kita na ang lahat ng kanyang inaasam-asam sa buhay, ang pinagtatrabahuhan niya, masisira’t mauuwi lamang sa alabok ang lahat ng ito.

Oh, napakaganda nito – itong mga gusaling magaganda ang pagkadisenyo – isipin ang trabaho na naigugol sa lahat ng mga ito. Ngunit makalipas ang ilang daang taon, o mas maigsi pa roon, ang lahat ng mga ito’y mauuwi sa alabok! Kung hindi sa pamamagitan ng apoy, kung gayon ay sa pamamagitan ng bomba. Kung hindi man sa pamamagitan ng bomba, kung gayon babagsak na lang ito sa mga natural na kadahilanan. Magiging alabok lang ang lahat! Iyon lang iyon. Ang lahat ng kaluwalhatian ng tao ay mauuwi sa alabok. Binabalutan ng pisikal na aspeto ng buhay ang pilak na ‘coin’ na ito, na nagrerepresenta sa atin, na mga nawawalang makasalanan.

Noong hindi ko pa kilala ang Panginoon, ang buong pag-iisip ko’y nasa materyal na mundo. At kaya, mapapansin natin ang unang puntong ito ukol sa alabok. Inirerepresenta ng alabok ang pisikal aspeto ng tao. Mula sa alabok tayo ginawa, iyon ay, sa pisikal. At tungo sa pisikal na alabok na ito, kung saan tayo ginawa at nilikha, hiningahan ng Diyos ang hininga ng buhay niya, upang tayo’y maging buháy na espiritu, isang buháy na kaluluwa.

Ngunit sa lumalagabog na tao, sa taong nawawala, simpleng ang pisikal ang namumuno, ang nangingibabaw; hindi na siya nagpa-function o gumagana bilang isang espirituwal na nilalang. Para sa kanya, hindi na reyalidad ang espirituwal. Para sa kanya, ang pisikal na lang ang mahalaga. Kung ano lamang ang nakikita niya – iyon lamang ang mahalaga. Hindi na niya natatanto na hindi man lang siya mabubuhay ni isang minuto kundi dahil sa mismong hanging hinihinga niya, kahit na hindi niya ito nakikita ni nahihipo.

Nawawala sa Alabok – Patay sa mga Kasalanan

Ang pangalawang bagay na maaari nating matutunan ay mula sa isang kasabihan sa Lumang Tipan ukol sa “nasa alabok” – ito’y parating itinutukoy sa kamatayan! Ang maging nasa alabok ay ang maging patay! Ngayon, nahulog ang ‘coin’ na ito sa alabok. Doon mismo ito naroon. Ito’y ang mahulog sa kamatayan. Maraming lugar sa Lumang Tipan ang nagsasalita ukol sa pagiging “nasa alabok” bilang isang kasabihan ng pagiging patay. Matatagpuan ito, halimbawa, sa Awit 22:15 at 29, “sa alabok ng kamatayan”. At kaya, mayroon tayo ng kasabihan ni Pablo sa Bagong Tipan: “Kayo noo’y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan” (Efeso 2:1). Simpleng napakaraming mga reperensya; kung nais ninyong maghanap pa ng iba, tumingin lang kayo sa isang concordance at makikita ninyong marami ang mga ito.

Dahil sa pagiging abala ng tao sa mga pisikal na bagay sa buhay, para sa kanya, tumitigil nang maging mahalaga ang espiritwal. Para sa kanya, ang pisikal ay ang tanging reyalidad. Lubhang nawawala siya sa alabok, na hindi aktibo sa espiritwal; kung gayon, patay siya sa espiritwal. Gaano kayaman ang talinghagang ito! Inisip ba ninyong walang anumang nasa talinghagang ito? Paano nasabi ng mga commentator na walang anumang narito? Pag-aralan lamang ang Kasulatan! Ito’y puno ng yaman para sa may mga matang nakakakita.

Nawawala sa Alabok – Ibinaba at Ipinahiya

Ang pangatlong bagay ukol sa alabok ay nangangahulugan ito ng kahihiyan sa Biblia. “Ang dilaan o himuran ang alabok” ay ang tanda ng lubos na pagpapahiya, ng ibinababa; kuning halimbawa ang Awit 72:9. Ang maging “nasa alabok” ay ang mapahiya, ang bumaba sa kung gaano kababa na maaaring puntahan ng tao, upang ibagsak, upang iuwi sa kawalan. Hayaang basahin ko sa inyo ang Awit 113:7-9 dahil ito mismo ang punto na ating pinag-uusapan sa magandang talinghagang ito:

Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,

at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,

upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,

mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.

Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,

isang masayang ina ng mga anak.

Purihin ang PANGINOON.

Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok”. Ah, napakaganda niyan! Ang mga dukha ay ang mga kinamumuhian o hinahamak, ang mga itinatakwil, ang mga binabalewala. Naaalala ba ninyo kung anong sinabi ng Panginoong Jesus sa Sermon sa Bundok, “Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit”? (Mateo 5:3) “Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok” – mula sa kahihiyan, mula sa pagpapababa ng kasalanan, at itinataas niya sila upang maupo kasama ang mga pinuno [*MBB2 mga ‘prinsipe’]. Ginagawa niya tayo na maging mga anak ng Diyos! Ngayon, kung hindi iyan ‘mga prinsipe’ – mga anak na lalaki ng Hari ng mga hari – kung gayon sino ang mga prinsipe? Pinapaupo niya tayo kasama ng mga prinsipe bilang mga anak ng Diyos, tayo na mga pulubi, na nadurog sa alabok, na nauwi sa kahihiyan ng kasalanan.

Lubhang nakakahiya ang kasalanan, ‘di ba? Pagkatapos ninyong matapos sa kasalanan, natatagpuan ninyong wala itong ginawa sa inyo kundi ibaba kayo, ipahiya kayo. Kung babasahin ninyo ang mga diyaryo, malalaman ninyo na ang dakilang lider ng Liberal Party sa England ay sinusundan ng iskandalo ng pagkakaroon ng isang affair sa kapwa niya lalaki – nasaan na siya ngayon? Siya’y ibinaba, nasa alabok, dahil sa kasalanan. Minsa’y muntikan na siyang maging kandidato bilang Prime Minister ng England, pero dahil sa isang akto ng kasalanan, siya ngayo’y lubos na hinahamak, wala ng dangal. Tinitingnan siya ng lahat bilang kasura-sura. Lubos na nagpapababa ang kasalanan. Ito’y nakakasura.

Ngunit kung tayo’y magsisisi, kung hahayaan natin ang Diyos na baguhin tayo at i-transform tayo, kung gayo’y itataas niya tayo mula sa alabok at gagawin niya tayong maupo kasama ang mga prinsipe bilang mga anak ng Diyos. Pansinin sa Awit, ang parehong larawan ng galak na ito na nakikita natin sa Talinghaga, na nauuwi ito sa kagalakan. At sa bb.5-6 din ng Awit 113, pansinin ang kahalintulad sa ating talinghaga, kung saan naghahanap ang Diyos; siya’y tumitingin pababa. Sinasabi rito,

“Sino ang gaya ng PANGINOON nating Diyos, na nakaupo sa itaas, na nagpapakababang tumitingin sa kalangitan at sa lupa?”

At hindi lamang siya tumitingin; siya’y naghahanap upang itaas ang dukha mula sa alabok. Kaya, sa ating pagtingin sa siping ito, lahat ng mga yaman ay lumalabas. Tingnan ang kamangha-manghang gawain ng kaligtasan na isinasakatuparan ng Panginoon, sa pamamagitan ng ilaw na nagliliwanag, sa pamamagitan ng pagwawalis! Napakaganda ng katuruan ng Panginoon!

Pagtanggal ng Alabok – Itinataas Tayo ng Ebanghelyo Mula sa Putik!

Pansinin kung anong ginagawa ng pagwawalis sa pilak. Ang pilak na ‘coin,’ sa pagkakaroon nito ng ugnayan sa gawain ng Ebanghelyo, ay nawalis hanggang matanggal ang alabok. Naalis ang alabok mula rito, siyempre. Napakaganda rin niyon, na kapag nagkaroon na ng ‘contact’ ang Ebanghelyo sa inyo, tinatanggal nito ang alabok – ang pagiging abala sa mga pisikal na mga bagay, sa mga materyal na bagay, sa mga panlabas na bagay. Inililigtas kayo nito mula sa alabok. Pinapalaya kayo nito, kung gayon, mula sa tatlong bagay na ito:

Una, pinapalaya kayo ng Ebanghelyo mula sa pisikal na materyalismo na sobra nating pinagkaabalahan. Kung hindi pa kayo napapalaya mula riyan, kung gayon, dapat ninyong tanungin ang inyong sarili kung talagang alam ninyo kung ano ang pagiging Cristiano. Kapag kayo’y tunay na naging Cristiano, ang buong pag-iisip ninyo’y nabago na. Ang mga bagay na inyong pinahalagahan noon sa pisikal na buhay ay hindi na masyadong mahalaga sa inyo ngayon. Ang mahalaga sa inyo ay ang mga bagay na pangwalang-hanggan, na may kahalagahang nananatili.

Pangalawa, kayo’y napalaya mula sa kamatayan. Ang maalis mula sa alabok ay ang mapalaya mula sa alabok ng kamatayan.

At pangatlo, kayo’y napalaya mula sa kahihiyan ng kasalanan. Itinataas kayo ng Diyos! Sinasabi sa Efeso 1:18-20, “...pinaupo niya tayo kasama si Cristo sa sangkalangitan.” Ngayon, hindi kayo makakaakyat higit pa roon! Kapag kayo’y itinaas, pauupuin kayo kasama ni Cristo sa sangkalangitan! Itinataas kay Cristo! Iniluluwalhati! Sinasabi roon sa Roma Capitulo 8 na, “ang mga nakilala niya nang una pa... ay niluwalhati din naman niya.” (bb.29-30) Hindi gaano pinag-uusapan ang aspeto ng Ebanghelyo na iyan: niluluwalhati tayo ng Diyos! Itinataas niya tayo! Ginagawa niya tayong kaluwa-luwalhati; ginagawa niya tayong magningning sa kanyang kagandahan. Wala nang kapangitan at kawalang-dangal na dulot ng kasalanan!

Ang ‘Coin Pilak Ngunit Hindi na Makintab

May isa pang bagay. Siyempre, alam ninyo na kapag naiwan ang pilak sa sahig, lalo na sa mga basa o maputik na sahig, nagsisimula itong mangitim; nagkakaroon ito ng ‘dross’ o dumi. Sigurado akong nakakita na kayo ng pilak na nangitim. Tapos ang inyong gagawin ay kukuha ng ‘metal polish’ at iis-isin ang itim roon upang ang orihinal na kintab nito ay makita muli. Parating may ganitong problema ang pilak. Muli, makikita ninyo ang perpektong pagpipili ng Diyos sa ‘metal’ para sa talinghagang ito. Sinasabi ng Panginoong Jesus – hindi isang tansong ‘coin’ o gintong ‘coin,’ kundi isang pilak na ‘coin.’ Madalang na magkaroon ng ‘dross’ ang gintong ‘coin.’ Parating may ganitong problema ang pilak: ito’y nangingitim! Sigurado akong may mga kutsara kayong pilak. Parating nangingitim ang mga ito at kailangan ninyong pakintabin ang mga ito. Sa parehong paraan, ang taong nawawala sa alabok ng kasalanan, ay magsisimula ring mangitim. Ang kulay itim ay tumpak na tumpak na pagsasalarawan ng epekto ng kasalanan sa tao.

Kaya, nakikita natin na kailangang magwalis! Hindi sapat na maghanap lamang sa paligid-ligid dahil kung nangitim na’t nagkulay-abo na ang ‘coin,’ pahirap na ng pahirap itong makita sa lupa. Ang kilansing nito sa lupa – winawalis ng walis ang alikabok, at mapapakilansing din nito ito sa lupa – nakakatulong iyang mahanap ito ng babae. Muli, nakikita natin ang kagandahan ng talinghagang ito: Ang kilansing ng ‘coin’ ay nagrerepresenta, kung gayon, ng pagtugon ng tao sa pagwawalis ng Ebangelyo. Hindi lamang na hinahanap tayo ng Diyos, kundi dapat ding may pagtugon. Ito’y lubos na binanggit sa huling salita ng talinghagang ito: ang “pagsisisi.” Ang pagtugong iyan sa Ebangelyo ay kung ano ang pagsisisi. Hindi natin kayang linisan ang ating sarili, ngunit makakatugon tayo sa pagwawalis ng Ebangelyo, sa pagbibigay ng kilansing. Iyan din ang kagandahan ng talinghaga.

Ang ‘Coin’ – Bawat ‘Coin’ ay Nagdadala ng Isang Imahe

Bawat ‘coin’ ay isang pirasong ‘metal’ lamang kung walang tatak ito. Tingnan lamang ang anumang ‘coin’ na nasa inyong bulsa at makikita ninyo ang imahe ng isang tao rito. Sa mga British at Canadian coins,’ makikita ninyo ang tatak ng Reyna roon. Sa mas lumang ‘coins’ ng England, ang magiging tatak doon ay tatak ng Hari, kung sinuman ang Hari sa panahong iyon.

Sa mga araw na ito, hindi ninyo malalaman kung sa aling bansa ang isang ‘coin’ maliban sa pamamagitan ng tatak na taglay nito. Sa parehong paraan, ang mga ‘coin’ na Romano ay nagtataglay ng tatak ng imahe ng Emperador. Sa katunayan, pag-aari ng Emperador ang bawat ‘coin’ sa sinasakupan niya. Tinataglay nito ang imahe niya, at kaya, sa kanya ito. Maalala ninyo noong sinabi ng mga tao sa Panginoong Jesus, “Matuwid bang magbuwis kay Cesar, o hindi?” [Mateo 22:17] Sinabi ng Panginoon, “Ilabas ninyo ang isang ‘coin’, ang salaping pambuwis. Tingnan ninyo ito! Kaninong larawan ang nakikita ninyo sa ‘coin’?” Sinabi nila, “Kay Cesar.” Sinabi ni Jesus, “Kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar.” [b.21] Hindi ba larawan ni Cesar ang naroon? Ibig sabihin nito ay pag-aari niya ito. Tinagtaglay ng ‘coin’ ang tatak niya. (Mateo 22:20-21) Kung tutuusin, pag-aari ng Emperador ang lahat.

Ngayon, ito ang kagandahan ng imahe. Nagtataglay rin tayo ng tatak. Anong tatak ang taglay natin? Nasabi sa atin sa Genesis [1:27], “nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan”. Naroon ang pareho ring salitang ‘imahe’, at makikita natin iyan sa Mateo 22:20-21, ang “larawan... at ang nakasulat”. Kaya sa pareho ring paraan, bawat tao – kahit pa nawawala siya sa alabok, kahit pa nabalutan siya ng ‘dross’ o dumi – ay nagtataglay pa rin ng tatak ng pagkakalikha ng Diyos sa kanya. Pag-aari pa rin siya ng Diyos!

Huwag ninyong isipin na hindi kayo pag-aari ng Diyos dahil hindi pa kayo naniniwala sa kanya. Siya ang gumawa sa inyo. Nilikha niya kayo, kaya pag-aari niya kayo ayon sa karapatan ng paglikha. Mayroon pa rin siyang karapatan sa inyo, dahil nilikha kayo mismo sa kanyang imahe. Tinataglay ninyo ang kanyang tatak. Ngunit malayong mas maganda ito kung naiahon na tayo mula sa alabok at tayo’y nalinis na upang ang buong kaluwalhatian ng imaheng iyon ay makakapagningning muli. Dati’y nakatago ito sa kasalanan, ngunit ngayon ay makakapagningning na ito sa kagandahan ng imahe niya. Nakikita na ba ninyo kung gaano kayaman ang talinghgang ito? Sinong nagsasabing walang anumang bagay ang nasa talinghagang ito? Napakaraming nilalamang kayamanan nito. Napakaganda nito!

Ang ‘Coin’ – Mahalagang Pilak Ngunit Balewala Kung Nawawala!

Isa pang bagay tungkol sa ‘coin’ na ito: ito’y pilak at tinataglay nito ang tatak ng tagapaglikha at nagmamay-ari nito, ngunit anong silbi kaninuman ng anumang ‘coin’ kapag nawawala ito sa alabok? Wala itong magagawa! Wala itong magagampanan. Ang ‘coin’ na nawawala ay simpleng walang silbi kaninuman. Kapag nasa alikabok ito, wala itong magagawa. Wala itong anumang silbi. Hanggang hindi ninyo ito nahahanap, hindi ito magagamit sa anumang paraan. Sa pareho ring paraan, maaaring may halaga kayo sa ibang tao at may halaga sa Diyos, ngunit habang kayo’y nawawala sa alabok ng kasalanan, wala kayong silbi kaninuman; kahit pa mismo sa inyong sarili ay wala kayong silbi. Kahit na may halaga itong taglay sa loob nito dahil ito’y pilak at taglay ang tatak, kung nawawala ito, wala itong halaga kaninuman. Magagamit lamang ang halaga nito – magkakaroon ng panlabas na halaga ito – kapag nahanap na ito. Oh, kamangha-mangha ito, napakagandang maintindihan. Iyan ang dahilan kung bakit gusto ng Diyos na mahanap kayo. Ito’y dahil mahalaga kayo sa kanya.

At sa gayunding paraan kayo magkakaroon ng silbi sa ibang tao, ng silbi sa Diyos, ng silbi upang maging pagpapala sa buong lipunan. Doon lamang magagamit ng sinuman ang ‘coin’ na ito upang bilhin ang pirasong tinapay na kailangan niya upang mapakain ang pamilya niya, ang mga anak niya at mismong sarili niya. Doon lamang magagalak ang dukhang tao dahil matatangap niya ang pagkain. Doon lamang makakatulong ang ‘coin’ na ito sa sanlibutan, sa lipunan. Tingnan ninyo, kahit pa maraming beses na itong ginamit, hindi nawawala ang halaga ng isang ‘coin’, ‘di ba? Ah, hindi! Hindi nawawala. Nadaragdagan ang halaga nito. Nagdadala ito ng mas maraming pagpapala habang lalo itong pagpasa-pasahan ng mga kamay. Kung hindi gaanong ipinapasa ito, mas kaunti naman ang ginagawa nito. Lalo itong pagpasa-pasahan ng mga kamay, mas lalo naman itong may nagagawa.

Ito ang kagandahan ukol sa buhay-Cristiano. Mas lalo kayong makakapagsilbi – hindi ibig sabihin niyan na mas kakaunti ang halaga ninyo dahil mas naninilbihan kayo, hindi ganoon! Mas lalo kayong manilbihan, mas malaki naman ang inyong halaga. Mas lalo kayong mag-‘function’ at gampanan ang mga dapat na gawin, mas malaki ang inyong halaga at pagpapala. Hindi ibig sabihin na tumataas ang halaga ninyo, iyon ay, na kahit papaano, kayo mismo’y mas mahalaga; simpleng mas marami lamang kayong ginagawa. Mas lalong napapasa-pasa ang ‘coin’ na ito, mas lalo itong nakakapagbigay ng tinapay sa mga gutóm na pamilya, mas lalo itong nakakapagbigay ng galak sa maraming puso.

Kapag naligtas na tayo, hindi lang tayo uupo roon na nararamdamang masaya dahil ligtas na tayo! Nakakabahala na napakaraming mga Cristiano ang nag-iisip na ang kaligtasan ay ang simpleng maligtas lamang upang maaari na silang umupo nang nakarelaks at maghintay na lang na makarating sa langit. Ang sinumang ganito mag-isip ay hindi pa nag-uumpisang maintindihan kung ano ang pagiging Cristiano.

Ang maligtas ay nangangahulugang naroon na kayo upang mag-‘function,’ upang mapaikot gaya ng isang ‘coin’, upang gumawa ng mga bagay-bagay para sa iba, upang pakanin ang gutom, upang pasayahin ang puso ng mga nangangailangan, upang damitan ang mga nanginginig sa lamig. Iyan ang layunin at gawain ng ‘coins’ na pilak. Hindi upang maupo at magsabing, “Tingnan ninyo kung gaano ako kaganda. Napakinang na ako ngayon. Napakaganda ko na ngayon. Napakalinis ko na ngayon.” Ah, hindi! Nariyan ito upang gumawa ng tungkulin. Dapat maintindihan ng bawat Cristiano ito dahil ito ang gusto ng Panginoon na malaman natin.

Naaapektuhan ng Konsepto Natin sa Diyos ang Ating Attitude Tungo sa Kanya

Sa pagbubuod, nawa’y makuha natin ang tamang pag-intidi sa ‘attitude’ o pakikitungo sa Diyos. Ang ‘prayer life’ natin, ang pamumuhay Cristiano natin ay kadalasang lubhang nahahadlangan dahil mayroon tayong maling pakikitungo sa Diyos. Madalas nating isinasalarawan ang Diyos bilang nakaupo sa trono na mayroong mabagsik na mukha, na kagayang-kagaya ni Guan Gong, ang diyus-diyusan ng digmaan ng mga Intsik: mapula ang mukha, mahaba ang balbas, nakatayo roong nanlilisik ang mga mata, na halos tumatagos ang tingin sa inyo. Kung mayroon kayong ganyang uri ng konsepto sa Diyos, tunay na nakakatakot ito. Sinong may gustong sumamba sa isang diyos na ganito, kundi mula sa takot? Ngunit tingnan ang napakagandang larawan ng Diyos na narito. Hindi gayon ang Diyos, kaya dapat nating baguhin ang imahe natin ukol sa Diyos!

Ano ang katangian ng Diyos? Ang puso ng Diyos ay yaong inaabot tayo sa lahat ng sandali. Ang pusong ito’y nag-uudyok at tumitibok ng pag-ibig. Ito’y isang pusong hindi mapakali hangga’t hindi tayo nahahanap. Hindi siya umuupong nakarelaks na nagsasabing, “Ah, narito ako sa aking trono. Nawawala ba kayo? Kawawa naman kayo. Problema ninyo na ‘yan, hindi akin.” Hindi! Hindi makakapagpahinga ang kanyang puso hanggang hindi niya tayo nahahanap dahil inaabot tayo ng puso niya at nananabik sa atin.

Napakahirap para sa atin na maintindihan ito, ‘di ba? Dahil hindi ganyan ang ating pag-iisip. Ang karaniwang pag-iisip-Cristiano ay, “Okey ako. Anuman ang mangyari sa iyo – wala na ako riyan. Kung mayroon akong libreng oras, baka-sakaling pumunta ako’t tulungan ka, pero kung wala, sori ka na lang.” Hindi humahayo ang ating mga puso sa ibang tao sa ganitong paraan. Kaya, huwag ninyong gawin ang Diyos ayon sa inyong sariling imahe!

Parating nililikha ng tao ang Diyos ayon sa kanilang sariling imahe. Iniisip nila ang Diyos bilang isang diktador na bumubulyaw ng mga utos habang ang lahat ng mga anghel ay nagmamadaling gawin ang kanyang mga ipinag-uutos. Kailangan lamang niyang umubo at lahat ng mga anghel ay magpapataripang nanginginig. Kailangan lamang niyang ipadyak ang paa niya at magkakaroon na tayo ng lindol. Ang buong ideya ng Diyos na taglay natin ay nakakatakot siya, marilag at kasindak-sindak. Hindi iyan ang katuruan ng Panginoong Jesus tungkol sa Diyos.

Ang Diyos ay banal, ang Diyos ay makapangyarihan; iyan ang ating konsepto sa Diyos. Ngunit may isa pang aspeto ukol sa Diyos na gustong palaging bigyang-diin ng Panginoong Jesus sa ating mga isip sa pamamagitan ng mga talinghaga, at iyon ay ang pagiging maalalahanin ng Diyos tungo sa atin. Subukang isipin ang Diyos bilang simpleng di-mapakali hanggang mahanap niya tayo dahil nagmamalasakit siya. Minsan sinasabi ko sa ilang tao ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos, at sinasabi nilang, “Bakit ako iibigin ng Diyos?” Hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyan. Bakit ka niya mamahalin, hindi ko alam. Siguro dahil napakahirap para sa atin na intindihin dahil hindi natin iniibig ang ibang tao. Bakit tayo mamahalin ng sinuman? Napakahirap nitong unawain. Isipin kung gayon ang isang Diyos na nananabik sa inyo at pagkatapos ay aabutin din naman ng inyong puso ang Diyos.

Paglalarawan – Di-Mapakali ang Diyos Hanggang Di Tayo Nahahanap

Noong bata pa ako, sa aking karakter ay matigas ang ulo ko. Napakamaloko at pilyo! Isang araw, labis akong pinagalitan ng aking nanay sa paggawa ko ng isang masamang bagay at naging napakalungkot ko dahil dito. Palaging nararamdaman ng mga bata na hindi makatarungan ang pagdi-deal sa kanila. Napansin na ba ninyo iyan sa mga bata? Naipasya kong tama na ang paninirahan ko sa tahanan namin, tama na ang palaging pagsaway sa akin ng aking nanay. Kaya humayo akong mag-isa sa mundo sa edad kong 6 na taon. “Siyempre kaya ko nang sustentuhan ang sarili ko! Bakit pa ako mananatili sa bahay para lang pagalitan buong araw? Tama na ito!”

Pumunta ako sa aking silid at kinuha ang aking maleta, na napakaliit. Inilagay ko ang mga paborito kong laruan. Hindi kailanman iisipin ng mga bata ang kanilang mga damit at mga gayong bagay, siyempre. Hinding-hindi sumasagi ang mga ito sa kanilang isipan. Ilalagay nila ang kanilang mga laruan; iyon ang mga pinakamahahalagang bagay sa kanila. Isinarado ko ang maleta ko at nagpaalam sa nanay ko. Tiningnan lamang niya ako at inisip siguro na, “Katawa-tawa! Saan kaya pupunta ang paslit na batang ito?” at kaya, hindi man lamang niya ako pinansin.

Kaya dinala ko ang aking maliit na maleta at pumanaog sa hagdan, at lumabas sa mga kalsada ng dakilang siyudad ng Shanghai at gumala na. Humayo ako roon, upang hanapin ang tatay ko. Pumunta sa Chongqing ang tatay ko upang labanan ang mga Hapon sa mga panahong iyon. Dahil sa pagiging lubos na makabayan, nanatili siya sa pakikipaglaban hanggang sa pinakahuling minuto. Tapos pumuslit siya sa mga teritoryo ng Hapon at kaya naiwan kami ng nanay ko sa Shanghai. Nakita ko siyang humayo at alam kong umalis siya mula sa port ng Shanghai, na tinatawag na ‘The Bund.’

At kaya, dahil medyo alam ko kung nasaan ang direksiyong tungo sa “port,’ humayo ako’t sinundan ang mga linya ng tram cars, at naglakad ng naglakad ng naglakad. Para bang walang katapusan ito. Mga 2 na oras ang ginugol ko sa paglalakad upang makarating doon. At kaya, sa wakas, nakarating ako roon na dala-dala ang aking maleta.

Pagkatapos, tumingin akong paitaas at paibaba para sa bapor na maaaring magdala sa akin sa aking tatay. Siyempre, hindi ko alam na wala palang bapor na bumibiyahe papunta sa Chongqing, ang kapital noong panahon ng digmaan; nasakop at kontrolado na ng mga Hapon ang buong lugar. Tumingala ako sa isang lalaki at nagtanong, “Nasaan po ang bapor papunta sa Chongqing?” Tumingin siya sa akin at sinabing, “Bapor na papunta sa Chongqing? Walang mga bapor papunta sa Chongqing.” Sinabi ko, “Oo, pero sumakay po sa bapor ang tatay ko mismo rito patungong Chongqing, kaya siguradong may bapor na pupunta sa Chongqing.” Sinabi niyang, “Wala nang bapor papunta sa Chongqing.” Kaya, naglakad akong pabalik-balik na bigo, na nagtataka, “Nasaan ang bapor na iyon?” upang makapunta ako sa tatay ko, na sa isip ko’y tatratuhin akong mas rasonable kaysa sa nanay ko. Iyan ang paraan ng pag-iisip ng mga bata, siyempre.

Sa mga oras ding iyon, natuklasan ng nanay ko na wala na ako. Naglayas! Aligaga siyang umakyat at nanaog sa buong bahay para hanapin ako, at hindi ako mahanap. Naghanap siya sa hardin, wala ako roon. Hinanap niya ako pabalik-balik sa kalsada at hindi ako makita. At ngayon, talagang nag-umpisa na siyang mataranta! Samantala, naroon ako na masayang naglalakad-lakad na naghahanap pa rin ng paraan upang makapunta sa tatay ko, na hindi alam siyempre na libu-libong milya ang layo ng Chongqing mula sa kinaroroonan ko. Wala man lang ako kahit ni isang sentimo sa bulsa, ngunit hindi ko man lang alam na wala pala akong mapupuntahang lugar. Hindi kailanman natatanto ng mga bata na kailangang magbayad para sa anumang bagay. Ngunit ang pinatutunguhan ng pagsasalarawang ito ay kung paano naging balisa at di-mapakali ng nanay ko.

Sinusuway Tayo ng Diyos ukol sa Kasalanan Dahil Mahal Niya Tayo

Palagi nating iniisip na mahigpit ang Diyos sa atin o malupit siya sa atin. Palagi nating iniisip na hinahatulan tayo ng Diyos ng di-makatarungan. Pero hindi totoo iyan! Kahit na kung minsan ay para bang mabagsik siya sa atin dahil sa ating mga kasalanan, ngunit mayroon pa rin siyang pag-ibig sa atin. At ang karanasang ito ay nagbukas sa aking mga mata dahil hindi ko noon alam na mahal na mahal pala ako ng nanay ko. Hindi ko alam na lubos palang nag-aalala ang nanay ko sa akin sa ganitong paraan. Akala ko, dahil palagi niya akong pinagsasabihan ng malulupit na bagay at pinapagalitan ako at kung anu-ano pa, na tunay na hindi niya ako gaano kamahal.

Hindi ba’t iyan ang dahilan kung bakit iniisip natin kung minsan na hindi tayo tunay na inaalala ng Diyos? Parati siyang nakikipag-usap sa atin tungkol sa ating mga kasalanan at palagi tayong pinapagalitan dahil sa ating mga kasalanan. “Bakit palagi akong pinapagalitan ng Diyos, palaging pinag-uusapan ang mga kasalanan? Siguradong hindi ako mahal ng Diyos.” Sa katunayan, dahil minamahal niya tayo kaya niya sinasabi sa atin ang mga kasalanan natin. Ngunit, hindi kailanman pumasok sa isipan ko na dahil iniibig ako ng nanay ko, kaya sinusubukan niyang matanggal ang kapilyuhan ko upang gawin akong mas mabuting tao. Isa itong aral na malalim na leksiyon na tumarak sa akin. Natanto kong mahal na mahal ako ng nanay ko.

Pagkatapos ng maraming oras na pagala-gala ako sa mga kalsada, nagsimula ng dumilim at nagsimula na rin akong labis na magutom. Wala akong pera sa aking bulsa at nagsimula akong magtaka kung paano kaya ako makakakuha ng pagkain? Kung pupunta ako sa isang counter upang humingi ng pagkain, siguradong hihingan nila ako ng pera. Bakit kaya gusto ng lahat ng tao sa mundong ito ang pera? Sa bahay namin, uupo lang ako sa hapag at kakain. Sa paglipas ng oras, natanto ko na iisang lugar na lamang ang natitira para sa akin at iyon ay sa aming tahanan. Kaya, kagaya ng alibughang anak [prodigal son], kinaladkad ko ang pagod na pagod kong mga paa pabalik sa dakilang siyudad ng Shanghai. At sa wakas, gabing-gabi na, nakabalik ako kahit papaano na pasuray-suray papasok sa pintuan ng aming tahanan.

Muntik nang mahimatay ang nanay ko pagkakita sa akin. Labis siyang nagalak pagkakita sa akin, kung kaya hindi man lamang siya nakahagilap ng kahit isang salita upang pagalitan ako. Matagal na oras akong nawala kaya ito’y kamangha-mangha na hindi siya naatake sa puso. Nasa kalagayan siya ng labis na pag-aalala! Nang tiningnan ko ang nanay ko, lubos na tumarak ito sa aking puso. Hindi ko noon alam na mahal na mahal pala ako ng nanay ko. Hindi ko naintindihan. Nang tiningnan niya ako, ang tanging nagawa na lamang niya ay ang lumuha ng lumuha. Iyon lamang ang nagawa niya sa lubos na kaginhawaan na nakita akong bumalik muli sa bahay matapos ang maraming oras. Ang Shanghai ay isang siyudad ng 10 milyong tao. May mga pulis na naghahanap sa akin sa lahat ng dako, ngunit paano ninyo hahanapin ang isang batang lalaki sa gitna ng 10 milyong tao?

Nakikita ko na ito ang kaparehong bagay na sinasabi sa akin dito sa talinghaga. Hindi ko alam na mahal na mahal pala ako ng Diyos. Hindi ko alam na lubos akong mahalaga sa Diyos. Gumagala lamang tayo papaalis at nag-iisip na, “Ah, palaging nangungusap ang Diyos ng tungkol sa kasalanan. Palagi niyang sinasabing, ‘Huwag gawin ito’ at ‘Huwag gawin iyan.’ Gaya rin ng nanay ko! Sa tuwing gusto kong gumawa ng isang bagay, sinasabi ng nanay ko, ‘Huwag mong gawin iyan!’ Kapag gusto kong gawin ang isa pang bagay, sinasabi naman niya, ‘Huwag mong gawin iyan!’ “Ha! Kailan kaya ako magkakaroon ng kalayaan?” At palaging sinasabi ng Diyos sa Sampung Utos, “Huwag kangHuwag kang.” Kaya sabi natin, “Ah, gusto ko ng kalayaan! Gusto kong magawa ang lahat ng gusto kong gawin.” At humahayo tayo roon sa mundo at papalayo sa Diyos, at magugutom gaya ng nangyari sa akin.

Sinasabi nga ng Diyos na, “Huwag mong gawin ito at iyan,” upang hindi natin saktan ang ating sarili. Kapag sinasabi ko sa aking anak na babae, “Huwag mong ilagay sa apoy ang iyong kamay,” hindi ito dahil gusto kong pahirapan ang kanyang buhay. Gusto kong sabihin sa kanya na, “Kung hihipuin mo ang apoy na iyan, masusunog mo ang sarili mo. Masasaktan ka.” Ang mga ‘huwag’ ay upang protektahan siya.

At hindi ko naintindihan ito noong bata ako, hanggang nakita ko ang aking nanay nang gabing iyon, na tuloy-tuloy na umagos ang mga luha sa kanyang mukha, na hindi makayanan pang pagalitan ako. Hindi na nga rin niya maisip na paluin pa ako. Hindi niya kayang isipin ang gawin anupaman. Binigyan na lamang niya ako ng makakain at pinatulog. Pagod na pagod ako sa paglalakad ng napakaraming oras kaya napakabuting makabalik-muli sa higaan ko. Nahandusay na lamang ako sa higaan at nakatulog agad.

Isang Magandang Larawan Kung Paano Tayo Mahal ng Diyos

Palagay ko napakagandang larawan ng Diyos ito. Umaasa akong matatanto ninyo iyan, na kapag tinatalakay ng mamamahayag, sa ngalan ng Diyos, ang tungkol sa kasalanan, ang kilabot ng kasalanan at tinatawag kayong huwag magkasala, huwag isipin, “Bakit palaging pinapahiraan ng Diyos ang buhay ko?” Ah, hindi iyan ang ginagawa niya! Ito’y dahil gusto niya kayong alagaan at protektahan. Narito ang magandang larawan: kung paano tayo minamahal ng Diyos! Tingnan sa mga salitang ito kung paano siya nagagalak, gaya ng galak ng babae sa pagkakahanap ng pilak na ‘coin’ niya, na “tinawag niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay.” Gaano kasaya ng nanay ko na makita ako muli, na may luhang umaagos sa kanyang mukha! Umaasa akong makukuha nating lahat ang bagong larawang ito ng Diyos. Ganyan talaga ang Diyos. Kapag naaalala ko ang nanay ko na nagagalak na may mga luhang umaagos sa kanyang mukha, sinasabi ko, “Ngayon alam ko na kung ano ang attitude ng Diyos.” Ganyan ako kahalaga sa kanya.

Napakahirap manalangin sa Diyos na iniisip ninyong nakaupo sa trono na nakahalukipkip, na nakatitig paibaba sa inyo. Sino ang may gustong lumapit sa Diyos na ganito? Ngunit kapag alam na ninyong hindi ganito ang Diyos – na naipakita sa akin sa saya ng aking nanay na makita akong muli – kung gayon, napakagandang manumbalik sa kanya, at araw-araw na magsamba at magpuri, na magkaroon ng matamis na ‘fellowship’ kasama siya. Subuking makakuha ng bagong larawan ng Diyos. Ganyan talaga siya. Siya’y banal, ngunit lubos na mapagmahal. Maawain siya. Ang kanyang kabutihang-loob ay magpakailanmang dumadaloy, inaabot tayo kahit pa nasa alabok tayo, handang itaas tayo, upang iupo tayo na makasama ang mga prinsipe.

Tapos na ang mensahe.
Ito’y isang ‘edited transcription’ ng mensahe.
Tinatanggap ng mga ‘editor’ ang buong responsibilidad para sa pagkaka-ayos at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.
Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, maliban sa isang lugar kung saan makikita ang * at dito ang ginamit ay ang Magandang Balita Biblia, Ikalawang Edisyon.

 

 

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church