You are here

7. Parable of the Rich Man & Lazarus

Ang Talinghaga ng Mayamang Tao at ni Lazarus

(The Parable of the Rich Man and Lazarus)
Lucas 16:19-31
Mensahe ni Pastor Eric Chang

 

Pag-aaralan natin ang talinghaga sa Lucas 16:19-31. Ito’y madalas na tinatawag na: Ang Talinghaga ng Mayamang Tao at ni Lazarus. Ang mayamang tao ay paminsan-minsang tinatawag na ‘dives’, na Latin para sa mayamang tao. At kaya, ang talinghaga ay tinatawag ding “Dives at Lazarus”. Ang talinghagang ito ay napakayaman. Sa palagay ko’y hindi mahirap na magpahayag ng apat o limang mensahe mula sa talinghagang ito lamang, na hindi man lang nag-uulit ng isang mensahe. Ngunit itutuon natin ang pag-aaal sa iisang elemento sa kasaganahan ng talinghagang ito. Basahin natin ang Lucas 16:19-31:

Mayroong isang taong mayaman na nagsusuot ng kulay ube at pinong lino at nagpipista araw-araw sa maraming pagkain. At sa kanyang pintuan ay nakahandusay ang isang pulubi na ang pangala’y Lazaro, na puno ng mga sugat, na naghahangad na makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Maging ang mga aso ay lumalapit at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At nangyari, namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay din naman ang mayaman at inilibing. At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan. Siya’y sumigaw at sinabi, “Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.”

Subalit sinabi ni Abraham, “Anak, alalahanin mo na sa iyong buhay ay tinanggap mo ang iyong mabubuting bagay, at si Lazaro naman ay ang masasamang bagay. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito at ikaw ay nagdurusa. Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.”

At sinabi niya, “Kung gayo’y ipinapakiusap ko sa iyo, ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki, upang magpatotoo sa kanila nang hindi rin sila mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.”

Subalit sinabi ni Abraham, “Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, hayaan mo silang makinig sa kanila.”

Sinabi niya, “Hindi, amang Abraham, subalit kung ang isang mula sa mga patay ay pumunta sa kanila, sila’y magsisisi.”

At sinabi niya sa kanya, “Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat, kahit may isang bumangon mula sa mga patay.”

Ano ang Sentrong Tema ng Katuruan ng Panginoong Jesus?

Magsimula tayo sa tanong na ito: Ano ang layunin ng talinghagang ito na ibinigay ng Panginoong Jesus? Ano mismo ang nais niyang sabihin sa atin? Binibigyan ba tayo ng Panginoong Jesus ng katuruan sa pagiging moral ukol sa pagiging mabait sa mga pulubi? Sinasabi ba niyang, “Humayo’t maging mabuti sa mga pulubi”? Sinasabi ba niyang maging mabait sa mga mahihirap? Ano ang pinupunto niya? Ngayon, sa pag-uunawa ng turo ng Panginoon, kailangan nating malaman ang punto na nais gawin ng Panginoong Jesus para di malihis, at isiping sinasabi lamang niya sa ating maging mapagbigay at tumulong sa mahihirap, na siyempre’y importante, ngunit hindi man lamang malapit sa sentrong punto ng kanyang itinuturo. Kailangang maintindihan ang sentrong tema ng kanyang katuruan. Pawang sa gayong tamang konteksto lamang maisasaayos nang sama-sama ang lahat ng kanyang katuruan!

Ano ang sentrong elemento ng katuruan ng Panginoong Jesus? Ano ang kanyang layunin sa lahat ng kanyang itinuturo? Ine-eksamin natin ang marami sa mga talinghaga ng Panginoon. Kung iisipin ninyo ang bawat isa sa kanyang mga talinghaga bilang isang perlas, kung gayon, ano ang sinulid na nag-uugnay sa mga ito? Ang nasa atin ay isang dakot lang ba na perlas na hindi pa natutuhog? Sinasabi niya sa isang talinghaga, “Maging mabait sa mga mahirap”; sa isa pa, sinasabi niyang, “Subukang maging tapat”; at sa isa pa rin, sinasabi niyang, “Ah, kung mawawala ka, hahanapin kang muli ng Diyos.” Gayon ba ang paraan upang maintindihan ang kanyang katuruan? Ano ang kaugnayan ng isa sa iba? Siyempre, mayroon talagang isang sentrong tema – ang tali na nag-uugnay sa lahat ng mga perlas na ito sa isang kwintas ng kanyang mga talinghaga. At, hindi lamang ito sa mga talinghaga niya, nasa lahat ng kanyang katuruan din ito.

Ang Kaharian ng Diyos: Ang Paghahari o Pamamahala ng Diyos

Kung kailangan nating ilagay ito sa isang salita – ano ang susi sa katuruan ni Jesus? Ang kanyang katuruan ay maaaring ibuod sa isang parirala: “ang kaharian ng Diyos”, o sa isang salita, ang ‘kaharian’. Sa totoo lang, alam ng bawat iskolar ng Bagong Tipan na ang ‘kaharian’ ang pinakasentro ng katuruan ng Panginoon. Ang tanong ay: Anong ibig sabihin ng ‘kaharian’? Ano ang kaharian ng Diyos? Ang mismong kamangmangan sa puntong ito ang siyang pinakaproblema sa church sa mga araw na ito. At ito ang magiging problema sa inyong buhay, maliban na lang kung mauunawan ninyo ang puntong ito: Ano ang kaharian ng Diyos?

Hayaang bigyan ko kayo ng kaunting istatistika dito, upang malaman ninyo ang kahalagahan nito. Ang salitang, ‘kaharian’ ay matatagpuan ng 55 na beses sa Mateo. Sa Marcos, 20 na beses. Sa Lucas, 46 na beses. Sa kabuuan, ito’y natatagpuan ng 121 na beses sa mga ‘Synoptic Gospels’ [magkaparehong pananaw na mga ‘gospel’] kung saan pinag-uusapan ng Panginoong Jesus ang kaharian ng Diyos.

Paano ninyo maiintindihan ang katuruan ni Jesus kung hindi ninyo nauunawaan ang kaharian ng Diyos, dahil ito mismo ang pinaka-tema? Naaalala ba ninyo kung paano ninyo sinimulan ang kanyang ministeryo? Ano ang una niyang sinabi nang nagsimula siyang magpahayag ng Mabuting Balita sa Galilea? “Magsisi kayo, dahil narito na ang kaharian ng Diyos.” Iyon ang una niyang sinabi. Binibigyan tayo ng ‘clue’ nito sa lahat ng susunod niyang mga mensahe: “Ang kaharian ng Diyos ay narito na.” Bakit natin kailangang magsisi? Ang kaharian ng Diyos – iyan ang dahilan!

Ano kung gayon ang ibig sabihin ng ‘kaharian ng Diyos’? Sa madaling sabi, ang kahulugan ng salitang isinalin bilang ‘kaharian’ ay ‘paghahari’: ang paghahari ng Diyos, ang pamamahala ng Diyos, ang pamumuno ng Diyos, ang Diyos bilang Hari. Sa ibang salita, kung gayon, ang buong pagdidiin ng katuruan ng Panginoon ay: ang Diyos ay Hari! Siya ay Hari at ang kanyang paghahari ay dumarating na ngayon. Kaya, kayo ay magsisisi dahil tatayô kayo sa harapan ng dakilang Hari.

Napakaimportante ang paghahari ng Diyos! Kung tutuusin, sa ating naipakitang istatistika, tiningnan lang natin ang salitang ‘paghahari’; hindi pa natin ibinibilang kung ilang beses matatagpuan ang salitang ‘hari’. Halimbawa, nangungusap si Jesus tungkol sa Jerusalem bilang ang ‘lunsod ng dakilang Hari” (Mateo 5:35), na siyempre’y ang Diyos. Ang paghahari ng Diyos ay sentro sa buong katuruan ng Panginoong Jesus.

Ibang Salita Para sa Parehong Bagay

Pero, kapag dumating na tayo sa Mabuting Balita ayon kay Juan at sa mga sinulat ni Pablo, mapapansin ninyong ang salitang ‘paghahari’ o ‘kaharian’ ay biglang nagiging madalang. Sigurado akong napansin ninyo iyan. Sa lahat ng sinulat ni Pablo, halimbawa, ang salitang ‘kaharian’ ay matatagpuan ng 14 na beses lang. Bakit? “Bakit ang ‘kaharian’ ay sentro sa katuruan ng Panginoong Jesus ngunit hindi sentro sa katuruan ni Pablo?” Kung nag-isiip kayo nang ganito, mali kayo. Ito’y dahil simpleng gumamit si Pablo ng ibang salita para sa ‘paghahari.’

Kadalasan, kapag ipinapahayag natin ang Mabuting Balita, napaka-importanteng maging epektibo ang nagpapahayag, at kadalasan, kailangang gumamit ang tagapahayag ng ibang salita dahil ang isang partikular na salita ay di na ganoong makahulugan. Halimbawa, ang salitang ‘paghahari’ ay hindi na masyadong makahulugan sa inyo dahil hindi na tayo nabubuhay sa panahon kung saan mayroon pang mga hari; nabubuhay tayo sa panahon ng demokrasya. At kaya, dapat kayong makahanap ng ibang salita para rito na magsasaad ng parehong kahulugan. Iyon mismo ang ginagawa ni Pablo.

Bilang tagapahayag, madalas ko ring kailangang gawin ito. Halimbawa, sa halip na gamitin ang salitang ‘faith’ o ‘pananampalataya’, na nagiging walang-halaga na at walang-kahulugan na, o masyadong di-mawari at di-tiyak sa maraming tao, gumagamit ako ng ibang salita. Ginagamit ko ang salitang ‘total commitment’ o ‘buong pagkakatiwala’ na nagsasaad ng eksaktong bagay. Gayundin, ginagamit ni A.W. Tozer ang salitang ‘total commitment to Christ’ [buong pagkakatiwala kay Cristo]. Nakikita rin niya na ito ang pinakamabuting paraan upang maisaad ang katuruan sa Bagong Tipan. Napakadaling ipakita na ang ‘total commitment’ ay ang siyang nasa sentro ng kabuuan ng katuruan ayon sa Banal na Kasulatan.

Ano kaya, sa halip ng ‘kaharian’, ang salitang ginagamit ni Pablo noong isinusulat niya ang kanyang mga liham? Ginagamit niya ang ‘panginoon’. Kahit na ginagamit niya ang salitang ‘kaharian’ nang 14 na beses lang, ginagamit niya ang ‘panginoon’ ng 275 na beses. Sa ‘[Synoptic] Gospels’, mayroon kayong palagiang reperensya ng ‘kaharian’ sa katuruan ng Panginoong Jesus. Lagpas 100 na beses, ang pagdidiin ay nasa ‘kaharian’. Pagdating kay Pablo, natatanto niyang ang salitang ‘hari’ ay may ibang kahulugan sa pandinig ng kanyang tagapakinig. Marahil iniisip nila si Cesar, at kaya, ayaw niyang gamitin ang katagang ‘hari’, kaya ginagamit niya ang ‘panginoon’. Ang salitang ‘panginoon’ ay napakadalas din sa ‘[Synopitic] Gospels’, pero di kasing-dalas kaysa kay Pablo.

Ang parehong bagay ay nangyayari sa Mabuting Balita Ayon kay Juan. Hindi masyadong ginagamit ni Juan ang salitang ‘kaharian’; sa totoo lang, ginamit niya ito ng 5 na beses lamang. Sa halip, ginagamit niya ang salitang ‘panginoon’, 52 na beses. Gaya ni apostol Pablo, nakahanap siya ng ibang salita. Sa halip na mangusap gamit ang ‘kaharian ng Diyos’, nangungusap siya ukol sa ‘pagka-Panginoon ni Cristo.’ Si Jesus ay Panginoon dahil inatasan siya ng Diyos bilang Cristong Mesias para sa kaharian ng Diyos. Kung nais ninyong taglayin ang Diyos bilang Hari, kailangan ninyong taglayin si Jesus bilang Panginoon. At kaya, nai-apply ni Pablo ang katuruan ng Panginoong Jesus.

Ang parehong bagay ay nangyayari sa Gawa. Sa Aklat ng mga Gawa, halimbawa, ang salitang ‘kaharian’ ay matatagpuan ng 8 na beses lang, ngunit ang salitang ‘panginoon’ ay matatagpuan ng 107 na beses. Makikita ninyo na ang nangyayari, sa pagtingin ninyo rito sa paraan ng istatistika, kung saan malimit na ginagamit ang salitang ‘kaharian’, ang salitang ‘panginoon’ ay ginagamit ng madalas, at kaya, naitatama ang pagbabalanse ng mga ito.

Ang Pagka-Panginoon ni Cristo

Sa sandaling maintindihan natin ito, hindi lang natin natunton ang sentrong tema ng katuruan ng Panginoon, naiintindihan na rin natin ang sentrong tema ng buong Bagong Tipan. Ito’y ang pagka-Panginoon ni Cristo. Si Cristo ay Panginoon! At ngayon, mauunawaan na ninyo kung bakit pinag-uusapan natin ang tungkol sa ‘total commitment’ o ‘buong pagkakatiwala’. Naiintindihan na ninyo ngayon kung bakit, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pananampalataya, pinag-uusapan natin ang pananampalataya kay Jesus bilang Panginoon ng inyong buhay. Ano ba iyan kung hindi ‘total commitment’? Ano ba iyan kung hindi ninyo buong ipinagkakatiwala ang inyong buhay kay Cristo?

Ang kahinaan ng ‘church’ sa mga araw na ito ay ang paglilihis sa pagdidiing ito. Ang pagdidiin ay na-shift o nalihis mula sa kung anong idinidiin ng Magandang Balita. Sa ngayon, maririnig ninyo ang mga tagapahayag na palaging nangungusap tungkol kay Jesus bilang Tagapagligtas. Hinahamon ko kayong tumingin sa isang ‘concordance’ [talaan ng lahat ng salitang Griyego sa Bagong Tipan at ang salin ng mga ito sa isa pang lengguwahe] at pansinin kung ilang beses ginagamit ang ‘savior’ o tagapagligtas sa Bagong Tipan; kayo’y magugulat. Heto ang istatistika para sa salitang ‘savior’ o tagapaglitas.

Ang ‘savior’ sa Mateo, wala; sa Marcos, wala rin. Nagugulat ba kayo? Ang salitang ‘savior’ ay simpleng di ginagamit. Sa Lucas, 2 na beses; sa Juan, 1 na beses; sa Gawa, 2 na beses; sa mga sinulat ni Pablo, 6 na beses. Nangungusap si Pablo tungkol kay Jesus bilang ‘Savior’ 6 na beses lang sa lahat ng kanyang mga sulat, ngunit bilang ‘Lord’ mga 90 na beses. Hindi ninyo kailangang maging isang ‘statistician’ upang makuha ang punto. Ang nangyari ay ibinaba ng mga tagapahayag ngayon ang ‘standard’ o batayan ng kaharian; pinadali nila ang ‘Gospel’ o Mabuting Balita. Parati nilang ipinangangaral ang tungkol sa isang tagapagligtas. Para kay Pablo, ang Panginoong Jesus ay hindi Tagapagligtas kung hindi rin lamang siya Panginoon.

Madalas na sinasabi sa katuruan sa mga ‘church’ ngayon: Una, tanggapin ninyo si Jesus bilang Tagapaglitas. Tapos, sa kalaunan, kapag naisipan ninyo, o kaya’y may nangyari – na marahil ay isang masamang pangyayari – sa inyo, magdedesisyon kayo na, dapat ngang maging Panginoon din si Jesus. Kumbaga, mas magandang may ‘double insurance policy’, may dalawang polisa ng seguro, na di lang sapat ang Tagapagligtas, kailangan ding Panginoon si Jesus. Kung bakit uusad ang isang tao mula sa Tagapagligtas tungo sa Panginoon, di ko alam. Pero hindi iyan ang katuruan ni Pablo. Hindi iyan katuruan ayon sa Biblia.

Kung nais ninyong mag-imbento ng inyong sariling magandang balita, kung ganito kayo magpahayag, hindi ninyo nauunawaan ang Biblia. Hindi ninyo taglay si Jesus bilang Tagapagligtas kung hindi muna ninyo siya taglay bilang Panginoon! Mga bulag siguro tayo kung hindi natin naiintindihan kung anong binabasa natin sa Biblia. Nagiging Tagapaglitas ninyo lamang si Jesus kapag naging Panginoon ninyo siya. Ngayon, kapag nagpapahayag ako nito sa mga araw na ito sa mga ‘church’ na Chinese, iniisip nila na nakakagulat ang sinasabi ko, napaka-kakaiba. Panahon na upang basahin natin ang Biblia – basahin ang mensaheng naroroon.

Hindi man lang ginamit ng Panginoong Jesus ang salita. Sa Mateo, wala; sa Marcos, wala. Hindi man lang niya ginamit ang salitang ‘savior’, ang ‘tagapaglitas’! Ginagamit niya ang salitang ‘hari’ – ang paghahari ng Diyos! Dalawa lang ang pagpipilian – ang Diyos ay Hari sa inyong buhay o balewala siya sa inyong buhay. Ganoong kaderetsahan ang katuruan ayon sa Biblia. Hindi ko ito katuruan – ito’y Biblikal na katuruan! Balewala ang aking katuruan. Ang mahalaga’y kung anong sinasabi ng Banal na Kasulatan.

Ano naman ang tungkol sa salitang ‘salvation’ o kaligtasan, kung gayon? Maaaring sabihin ninyong, “Binanggit mo lang ang salitang ‘savior’ o ‘tagapagligtas’. Baka naman ang salitang ‘salvation’ o ‘kaligtasan’ ay umaabot sa daan-daang beses.” Sige, hayaang ibigay ko sa inyo ang istatistika sa salitang ‘salvation’ o ‘kaligtasan’: sa Mateo, wala; sa Marcos, wala; sa Lucas, 4 na beses; sa Juan, 1 na beses. Sa Gawa, may 6 na beses; at kay Pablo, may 18 na beses. Nakakagulat ito dahil ang buong sulat sa mga taga-Roma ay isang liham tungkol sa kaligtasan. Pero, ang matatagpuan ninyo lamang ay 18 na reperensya sa kaligtasan sa lahat ng sulat ni Pablo.

Nagulat ba kayo? Sa mga ‘church’, parati nating pinag-uusapan ang tungkol sa kaligtasan, na parang wala nang ibang mapag-uusapan pa kundi kaligtasan. Napakagaling ng kaligtasan, pero dapat ninyong maintindihan na kung wala ang paghahari ng Diyos sa inyong buhay, wala kayong kaligtasan. Iyan ang ‘total commitment’. Iyan ang dahilan. Ngayon, nauunawaan na ninyo kung bakit ginagamit natin ang katagang ‘total commitment’.

Tandaan muli, “si Jesus ay Panginoon” ay natatagpuan ng mga 90 na beses sa mga sinulat ni Pablo lamang. Hindi pa ibinibilang dito ang buong Bagong Tipan; hindi rin ako nangungusap tungkol sa mga sulat ni Pablo [Pauline epistles]. Nawa’y nakukuha na ninyo ang sentrong tema ng katuruan ng Panginoon. Kapag naging malinaw na sa inyo ang puntong ito, handa na nating maunawaan ang talinghagang ito.

Anong Humahadlang sa Atin sa Pagtanggap ng Paghahari ng Diyos?

Tungkol saan ang talinghagang ito? Tinatalakay nito ang isang partikular na isyu: Ano ang hadlang sa inyo at sa akin sa pagtanggap ng paghahari ng Diyos sa ating buhay? Takot ba kayong maging Panginoon si Jesus ng inyong buhay? Bakit takot na takot kayo sa katagang ‘total commitment’? Ang “pananampalataya sa pagka-Panginoon ni Cristo”, sa pakahulugan nito, sa kahulugang ayon sa Banal na Kasulatan, ay ‘total commitment’. Ano ang nagpapahirap sa pananampalataya o sa ‘buong pagkakatiwala’? Ito ang tinatalakay ng talinghagang ito.

Bakit ninyo iniisip na napakahirap na taglayin si Jesus – ang napaka-aya-ayang Tagapagligtas na ito – bilang Panginoon ng inyong buhay? Ito’y dahil umiibig kayo sa mundo. Iyan ang ‘diagnosis’ o ‘pagsusuri’ na ibinibigay ng Panginoong Jesus. Bakit ninyo mahal ang mundo at kumakapit kayo sa mundo? Ito’y dahil nais ninyong pasayahin ang inyong sarili at iniisip ninyong higit na pinasasaya kayo ng mundo. Iya ang dahilan kung bakit kayo kumakapit sa mundo.

Ngayon, kung makikita ninyo kung gaano kadaling-lilipas ang mundong ito, kung makikita ninyo kung gaano kawalang-halaga ang pagkakaroon ng kayamanan, gaano kahangal ang paglalagay ng inyong puso’t kaluluwa sa mga bagay na ito, makikita ninyo agad kung ano ang alternatibo (bago pa kayo mahulí gaya ng hangal na mayamang taong ito na bumagsak sa Hades). Ano ang alternatibo sa mga kayamanan ng mundong ito at kung anong maihahandog ng mundong ito sa inyo? Walang ibang alternatibo kundi ang taglayin si Jesus! Pero hindi ninyo matataglay si Jesus maliban sa taglayin ninyo siya bilang Panginoon. Hindi siya darating sa inyong buhay upang maging inyong alipin.

Dalawa lang ang mangyayari: siya’y mapapasa-inyo bilang Panginoon o bilang walang anuman. Sa puntong maintindihan natin ito, ang buong talinghaga ay nabubuksan na sa atin. Ang kahulugan ay nagiging napakalinaw na. Inilalabas ng talinghaga ang buong katotohanang ito na ang mundo ay ang hadlang sa ating pagpasok sa kaharian ng Diyos o sa pagtanggap ng paghahari ng Diyos.

Isang ‘Hyperbole’ ng Napakayaman at Napakahirap

Ang mundo ay ang hadlang at ang larawan ay ipinalilitaw sa pamamagitan ng sukdulang pagkakaiba ng napakayamang taong ito at ng napakahirap na taong ito. Paminsan-minsan ginagamit ng Panginoong Jesus ang ‘technique’ na ito sa pagtuturo, na tinatawag na ‘hyperbole’ o ‘paglalabis’ upang mailabas nang mas mabuti ang dalawang pangkat, upang ang mga isyu ay mapalinaw sa pamamagitan ng ‘contrast’ o pagkakasalungat na ito. Ang Panginoong Jesus ay isang ‘Master Teacher’, isang Gurong Bihasâ. Napakagaling niya; sakdal siya sa kanyang kadalubhasaan sa pagtuturo. Kung nais ninumang malaman ang tungkol sa pagtuturo, pag-aralan lamang ninyo ang katuruan ng Panginoon. Kaya niyang gawing napakaklaro ang isang isyu sa pamamagitan ng napakagaling na pagkakasalungat na ito.

Narito itong napakayamang tao na nakasuot ‘purple’ o kulay-ube. Sinasabi sa atin ng mga eksperto na ang mga kasuotan na ‘purple’ na ito ay napakamamahalin, na kailangang gugulin ng isang ordinaryong manggagawa ang dalawang taong sweldo upang mabili ang ganitong uri ng kasuotan. Kung inyong isasalin ito sa mga modernong panahon, kung ang isang karaniwang manggagawa ay kumikita ng $10,000 sa isang taon, kung gayon, sa dalawang taon ay kikita siya ng $20,000. Di-mawaring napaka-mamahalin ang kanyang mga isinusuot.

Sa England, sasabihin nating kasali siya sa ‘Jaguar class’ o sa ‘Rolls Royce class’ ng mga tao. Nagmamaneho sila ng kanilang mga Cadillac tungo sa kanilang ‘air-conditioned’ na mga mansyon. At naroon, natatagpuan nating nagpipista ng lubos ang mayamang taong ito araw-araw. Pinagsisilbihan siya ng mga utusan niya, kumakain at nagpipista sa pinaka-‘best’ na mga pagkain. Marahil may nakasilbi pang karne ng karnero o tupa roon. Sa mga araw na iyon, kahit ang mga may-kayang tao ay madalang kumain ng karne, pero ang taong ito’y nagpipista sa pagkain araw-araw, na nagpapakita sa inyo kung gaano siya kayaman. Ito ang sitwasyon na inilalarawan ng Panginoong Jesus para sa atin.

Ang pagkakasalungat ay inilalabas sa pamamagitan ng napakadukhang tao na ito na nakaupo sa ‘gate’ – napaka-kawawa, miserable. Ang mayaman ay nakabihis ng telang ‘purple’; ang mahirap ay nakabihis ng mga sugat. Punong-puno siya ng mga sugat mula ulo hanggang talampakan. Nadamtan siya ng mga sugat, na dinidilaan ng mga aso kapag lumabas ang mga ito. Sa gutom niya, hinahangad niyang makakuha ng ilan sa mga piraso ng tinapay na nahuhulog mula sa mesa ng mayaman. At ang mga aso ng mayamang taong iyon, siyempre, ang siyang nakakakuha ng mga piraso ng tinapay sa ilalim ng mesa. Pero siya, hindi siya makapunta roon.

Kaya mula sa malayo, tumitingin siya mula sa ‘gate’ ng magarang mansyon na ito at nakikita niya ang mga tao roon na tumatawa, nakaupong komportable’t nag-uusap ukol sa kalakaran at sa klima. Nagpipista sila roon samantalang nakaupo siya rito, tumitingin mula sa ‘gate’ at nakikita ang lahat ng ito mula sa malayo. Ngunit ang mayaman, na nakatuon sa sarili lamang, ay walang panahon upang tingnan ang napaka-kawawang kondisyon ng pulubing ito na nasa kanyang ‘gate’.

Isaisip na ang isang namamalimos sa mga araw na iyon ay kadalasang hindi naging gayon dahil siya’y tamad, kundi may-sakit siya. Ngayon, kaawaan ang taong may-sakit at naging pilay o lumpo sa mga araw na iyon. Kawalan! Tanging iisang propesyon na lang ang bukás sa inyo kapag kayo’y nagkasakit – iyon ay, kung hindi kayo napakalubha na di man lang kayo makapanlimos – at iyon ay ang manlimos. Huwag na huwag kamuhian ang namamalimos! Maaaring sa araw at panahon niya, naging isang dakilang tao siya noon.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang larawan sa aking isipan, sa Shanghai, noong Giyera laban sa mga Hapon nang ako’y maliit na bata pa lang. Naglakad ako sa punong kalye ng Shanghai na tinatawag na “Nanjing lu”, para sa inyong nakakaalam sa Shanghai. Nakita ko ang isang tao na nakaupo sa tabing-kalsada na nanlilimos. Nakakaawang kondisyon! May napansin ako sa kanya; hindi siya mukhang pulubi. May dignidad sa kanyang kilos. Mayroong – kahit sa gitna ng kanyang pagiging kawawa’t miserable – makikita sa kanyang pagdadala ng sarili, sa paraan ng pag-upo niya at paraan ng pagkilos niya – ng isang indikasyon na naranasan niya noon ang magagandang araw. Pero ngayon, nahantong siya sa pagiging manlilimos. Dahil, sa mga araw ng giyera sa Shanghai, sino ang magbibigay sa kanya ng trabaho? Paano niya matutustusan ang sarili?

Sa mga araw na iyon, nakakakita kami ng maraming bangkay na lumulutang sa Ilog Huang Pu, nanigas hanggang mamatay o nahantong sa pagpapakamatay, dahil sobra-sobra na ang paghihirap. Huwag na huwag hamakin ang taong namamalimos. Gaya ng sinabi ko, maaaring mga bihasa sila dati-rati, pero dahil sa sakit, o dahil naging mga lumpo, dahil sa karamdaman nila, walang nais magbigay sa kanila ng trabaho, at nauwi sila sa pamamalimos.

Ang Diyos ay ang Aking Tulong

Ngayon, isang bagay ang gusto kong pansinin ninyo ukol kay Lazarus: tumitingin siya roon, na nanginginig sa pinto at nakikita ang taong mayaman doon na nagpipista. Kung kayo ang nasa posisyon niya, anong gagawin ninyo? Hindi ako masosorpresa na maraming tao ang magsisimulang magmura, “Kayong nakakasurang mayayamang tao. Mga walang-pusong kriminal!” O mas masahol pa, sisimulan ninyong murahin ang Diyos, “Oh Diyos, bakit mo ako dinala sa ganitong estado? Ano bang nagawa ko at kailangan kong dumanas ng lahat ng ganitong paghihirap? May katuwiran ba sa langit at lupa?”

Nakakita na ako ng mga taong naghirap ng kaunti lang kumpara kay Lazarus pero pinagbintangan sinisi nila ang Diyos ng ganito’t ganoon. “Bakit nangyayari ang lahat ng ito sa akin? Bakit ako ang pinaka-kawawang tao sa lupa?” Sa totoo lang, kung titingnan ko ang kanilang kondisyon, para bang kapag ikinumpara kay Lazarus, nasa paraiso pa sila. Pero hindi! Punong-puno sila ng ‘self-pity’, naaawa sa sarili, punô ng paninisi sa ibang tao, paninisi sa Diyos.

Pero napansin ba ninyo na ni isang salita ng pagrereklamo ay di lumabas sa mga labi ni Lazarus? Napansin ba ninyo iyon? Napapa-antig nito ang puso ko. Walang pagnguyngoy, walang bulung-bulungan, walang tanda ng samâ ng loob mula kay Lazarus. Kahit na siya ang pinakahamak sa lahat ng tao – may karamdaman sa katawan, walang pera – sa kalagayang kinaroroonan niya, walang tahanang mauuwian, walang makain at aso lamang ang kanyang mga kasama (at mas mabuti pa ang mga aso kaysa kanya kasi mayroon silang mga piraso ng tinapay na makakain, ngunit siya’y di makakain ng mga pirasong iyon) – walang nguyngoy na lumalabas mula sa kanyang mga labi.

Mayroong ‘clue’ rito na ibinigay tungkol kay Lazarus, na nasa pangalan niya: “Ang Diyos ay ang aking tulong.” Iyon ang ibig-sabihin ng ‘Lazarus’. Iyon ang kahulugan ng pangalan niya: “Ang Diyos, aking tulong.” Ipinapakita ng Panginoong Jesus na si Lazarus ay isang maka-Diyos na tao sa pahiwatig ng kanyang pangalan, dahil sa normal na pamamaraan, hindi siya nagbibigay ng pangalan sa kanyang mga talinghaga, pero ngayon ang isang pangalan ay naibigay.

Saan natin nakikita ang pagiging maka-Diyos ng dukhang taong ito? Saan natin makikita ang paghahari ng Diyos? Heto ang talinghaga ng kaharian. Ang isang tao na nasa masaklap na kalagayan na ito, sa karukhaang ito, sa gitna ng sobra-sobrang paghihirap, ay di man lang nagbigkas ni isang salita ng reklamo mula sa kanyang mga labi. “Ang Diyos ang aking tulong. Siya ang aking Hari at aking Diyos. Itatama niya ang lahat ng bagay. Sa kanya ako magtitiwala.” “Ipagkakatiwala ko sa kanya ang aking pinagdaraanan.” Gaya ng sinabi ng Mang-aawit, “Hindi ko gagawin ang aking reklamo sa mapait na paraan.” O “...ako’y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.” [Awit 17:3]

Ang Paghahari ng Diyos sa Pagsasagawa

Pinag-uusapan natin ang tungkol sa paghahari ng Diyos. Nakikita ko ang paghahari ng Diyos sa buhay ng isang Cristiano kapag nakikita ko kung paano siya umaasal sa gitna ng paghihirap at pagdurusa. Ang paghahari ng Diyos ay ang paraan ng inyong pamumuhay at ang kalidad ng inyong buhay. Iyan ang pinag-uusapan natin. Hindi lang ito tungkol sa pagsabing, “Ang Diyos ang Hari ng aking buhay”; ang lahat ay makakapagsabi niyan. Pero kapag nagsimula nang lumiyab ang apoy sa paligid ninyo ay doon lang makikita kung ano talaga ang kahulugan ng paghahari ng Diyos sa inyo. Ano ang ibig-sabihin sa inyo ng paghahari ng Diyos kapag nawala na ang inyong kalusugan, kapag bumalik-tanaw kayo sa inyong kabataan: ang sigla’t lakas na mayroon kayo noon – na pwede kayong magtrabaho buong araw?

Madalas ko itong iniisip, sasabihin ko sa inyo ang totoo. Nakahiga ako sa kama na may sakit dito’t may nararamdaman doon, at iniisip ko ang mga araw na lumipas noong nasa ‘sports field’ ako, tumatakbo nang walang kapaguran, nang napakalusog ko’t napakalakas. At heto ako, nakaupo sa kama, inaalagaan ang sakit na ito at iyon, ang ubong ito at iba pang bagay. Oo, makikita ninyo ang paghahari ng Diyos kapag kaya ninyong sabihin, “Salamat sa Diyos!”

Ngayon, may isang bagay na kapansin-pansin sa akin, na sinasadya ng Panginoon na ikompara si Lazarus kay Job. Ang tanging ibang tao na binanggit sa Biblia na punô ng mga sugat sa buong katawan ay si Job. Nakaupo siya sa alikabok. Natatandaan ninyong siya’y dating isang mayamang tao, may-kaya, pero napatay ang kanyang mga anak na lalaki; napatay ang kanyang mga anak na babae; nawala ang kanyang mga ari-arian – lahat ay naglaho! At pati ang kanyang kalusugan ay nawala.

Ngunit dito ninyo makikita ang paghahari ng Diyos sa buhay ng isang tao. Ano ang sinabi ni Job? Sinabi ng asawa niya sa kanya, “Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na.” (Job 2:9-ABAB) “Sumpain mo na ang Diyos, kung ganyan ka niya tinatrato.” Alam ninyo, maaaring sabihin ni Lazarus ang mismong gayong bagay. Pero hindi si Job. Ah hindi! Sinabi niya, “Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!” (Job 1:21b-MBB21) Iyan ang paghahari ng Diyos sa pagsasagawa.

Diyan nakikita ninyo ang paghahalintulad ni Job sa taong ito, na si Lazarus. Nawala niya ang lahat. Wala siyang asawa. Wala siyang mga anak. Anong nangyari sa kanya? Siya ay walang-wala. Nakaupo siya roon bilang namamalimos gaya ng pag-upo ni Job doon – puno ng sugat, nasa alikabok. At nag-ayaw siyang magreklamo. “Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!” Nais kong pansinin ninyo ang kalidad ng buhay. At ngayon, hindi lang natin nakikita ang pagkasalungat ng mayaman at ng mahirap, pero nakikita rin natin ang pagkasalungat ng kalidad ng buhay.

Pansinin din ang paraan ng pagsasalita ni Abraham sa talinghagang ito. Napansin ba ninyo kung gaano kabuti magsalita ni Abraham? At, ikumpara kung gaano kawalang-pagsasa-alang-alang ang mayamang tao sa pananalita kay Abraham, na sinasabihan si Lazarus na may gawing bagay para sa kanya at sa kanyang pamilya? Ano ang sinabing niyang gawin ni Lazarus? “Pwede mo bang ipadala si Lazarus” – ah, para bagang si Lazarus ay utusan ni Abraham – “upang babalaan ang aking pamilya? Gumawa ng isang bagay para sa pamilya ko!” Ngayon, heto ang kaibahan ng kalidad ng karakter. Hindi siya nahihiyang mag-isip ng ganito. Wala man lang siyang ibinigay kay Lazarus, pero ngayon gusto niyang lagyan siya ng tubig ni Lazarus sa kanyang dila. Nakikita ba ninyo ang kaibahan ng kalidad, ang kaibahan ng karakter sa gitna ng dalawang taong ito?

Permanente ang Malaking Bangin – Saang Panig Kayo Mapupunta?

At nakaupo siya roon sa Hades – sa impiyerno – tinatawag si Abraham na “Ama.” Pansinin na kinilala naman ni Abraham ang katawagan (sa b.25) at kahit na nasa impiyerno na siya, tinawag siya ni Abraham bilang ‘anak.’ Ngayon, narinig ninyo nang lahat ang kasabihang, “Minsang anak, palagiang anak.” Tama! Minsang anak, palagiang anak – kahit sa impiyerno anak pa rin siya! Ang tanging problema’y ang pagiging anak ay di nakagarantiya sa kanya ng lugar sa langit! Kahit sa impiyerno, sinasabi ni Abraham, “Oo. Oo, anak. Pero hindi ako makakapunta riyan upang tulungan ka. Hindi ka makakapunta rito. Ang bangin ay permanente.”

Alam ninyo, nagawa ng mga Judio ang pagkakamaling ito. Gaya ng maraming Cristiano, binasehan nila ang pagiging anak nila ni Abraham para sa kanilang kaligtasan. Makikita ninyo iyan sa buong pag-uusap sa Juan 8:39ss: “Taglay namin si Abraham bilang aming ama, kaya okey kami.” Iyon ang implikasyon: “Minsang anak, palagiang anak.” Pansinin na ang taong ito’y wala na sa laman, namatay na siya, pero anak pa rin siya. Pinag-uusapan natin ang isang pag-uusap sa kabilang mundo. Hindi itinanggi ni Abraham na siya’y isang anak, pero hindi nakakatulong sa kanya ang pagiging anak kahit katiting.

Pansinin ang napaka-‘gracious’ o mapag-intinding karakter ni Abraham dito. Hindi niya sinabi sa taong ito, “Huwag mo kong kausapin! Wala kang karapatang kumausap sa akin. Isa kang masahol na makasalanang tao sa iyong panahon. Ayoko nang makakitang muli ng mga tulad mo. Ngayo’y natanggap mo na kung anong dapat sa iyo.” Hindi nagsalita si Abraham ng gayon. Nakakagulat kung gaanong ka-‘gracious’ o kabuti ng mga nakakakilala sa Diyos bilang Hari! Napaka-‘gracious’ niya. Sinasabi niya, “Oo, anak ko. Pero hindi kita mapupuntahan upang tulungan, dahil, sa nakikita mo, ang bangin ay permanente; nakapirmi na ito.”

Ngayon, intindihing mabuti ang puntong ito tungkol sa pagiging permanente ng bangin kapag tinutukoy ang kaharian ng Diyos; unawain itong mabuti. Binababalaan tayo ng Panginoon na kung gusto ninyong tumawid, ngayon na kayo tumawid. Ito’y ngayon na o hindi na! Sa araw na iyon, hindi na kayo pwedeng tumawid sa kabilang panig dahil nakapermanente na ang bangin. Wala nang makakatawid pa! Walang paraang makatawid. Ito’y ngayon na – sa buhay na ito – o hindi na kailanman.

Nagsusumamo akong intindihin ninyo ang puntong ito nang mabuti. Wala nang ‘second chance’ o pangalawang pagkakataon; wala nang pagtawid ng bangin, at walang purgatoryo. Gaya ng sinabi ng dakilang iskolar na si Jeremias, “Sa mga talinghaga, ginawang napakaliwanag ni Jesus sa talinghagang ito. Walang alam si Jesus ng anumang purgatoryo.” Ang bangin ay nakapirmi. Hindi ka makakaalis mula sa mga apoy ng purgatoryo o impiyerno o anuman, at pumunta sa langit. Ikaw ay tatawid ngayon o hindi ka na makakatawid pa kailanman. Ang bangin ay minsanan at palagiang nakapirmi. Iyan ang katuruan ayon sa Banal na Kasulatan. Iyan ay napakaimportanteng maintindihan.

Subukang makita kung gayon: Ano ang hadlang sa paghahari ng Diyos? Sa mundong ito, ang mayamang tao ay yaong hahangaan natin. Hindi ba ninyo hinahangaan ang taong may Cadillac? Mayroon siyang 3-garaheng bahay, maaaring 4 na garahe. Dito nakikita ang pagtaas ng estado: mas maraming garahe, mas mataas ang estado. Wala man lang akong garahe; mayroon lang akong lugar kung saan pwedeng iparada ang kotse. Pero may makikita kayong ilang bahay na may garahe at may ilang may dalawang garahe. Noong nagpunta ako sa Western Canada nang nakaraang taon para magpahayag, nakakita ako ng mga bahay na mayroong tatlong garahe. Ha! Nagtaka ako – anong mas malaki, ang garahe o ang bahay? Ang buong lugar ay puro garahe. Tatlong garahe! Ang mayamang tao naman, marahil ay may apat na garahe. Tumataas ang estado.

Ito ang mga taong hinahangaan ng mundo. Nagnanasa tayong maging ganito: nakadamit ng ‘purple’ o kulay-ube. Hindi ko alam kung ano ang katulad na halaga ng ‘purple’ sa ngayon. Hindi ko alam kung ano ang pinaka-mataas na klase ng pananamit ngayon. Baka ang ‘mink coat’ o balabal na yari sa balat ng hayop na ‘mink’? Kahit mga lalaki ay nagsusuot ng ‘fur coats’ sa ngayon. Kapag tinitingnan ko ang mga presyo sa diyaryo: $2,000, $3,000! Wah! Ang karamihan ng mga tao’y di makakakita ng $2,000 sa kanilang talambuhay sa ‘bank account’ nila, at lalo na ang bumili ng ‘overcoat’ ng ganitong halaga.

Heto ang taong ito, ang larawan na hinahangaan ng mga tao na nasa mundo. Pero sinasabi ng Panginoong Jesus, “Kung ganyan kayo mag-isip, hindi kayo karapat-dapat sa kaharian ng Diyos. Hindi ninyo nauunawaan ang kaharian ng Diyos.” Iyan ang naghahadlang sa atin sa pagtanggap ng Pagka-Panginoon ni Cristo. Pero sinong nagnanais na maging gaya ng pulubing ito? Oo, iyan ang tanong.

Ano ang humahadlang sa inyo sa pagtanggap ng kaharian ng Diyos? Iyan ang tanong na inilalagay ng Panginoon sa harap ninyo. Ano ang humahadlang sa inyong tanggapin si Jesus bilang Panginoon ng inyong buhay? Anong nakakahadlang sa ‘total commitment’ sa inyo? Iyan ang tanong. Ito’y ang pagmamahal ninyo sa mundo, sa kayamanan. Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na makita kung paano ka-walang-kapermanentehan ang mga yaman, at di maging tulad ng mayamang taong ito na, sa katapusan, napunta siya sa maling lugar, na bigla siyang natauhan ay sinabing, “Ay, natamo ko ang pinakagrabeng kalagayan sa lahat! Tingnan si Lazarus na nasa kandungan ni Abraham.”

Alam ba ninyo kung anong ibig-sabihin ng “maging sa kandungan ni Abraham”? Ang “maging sa kandungan” ninuman ay isang Judiong kataga na ang ibig-sabihin ay ang umupo katabi ng taong iyon. Sa mga araw na iyon, kapag naupo sila sa hapag, humihilig o nagli-‘lean’ sila sa isang kamay. Ang taong nasa pinakamalapit sa ‘guest of honor’ o pinaka-importanteng bisita ay masasabing “nasa kanyang kandungan”. Ibig sabihin, nasa kanya ang ‘seat of honor’, ang upuan ng pagpupugay. Isa lang itong pangmasang kasabihan para sa pag-upo sa tinatamasang ‘seat of honor’. Sa kaharian ng Diyos, nakay Lazarus ang ‘seat of honor’.

Walang Paumanhin para sa Di-Paniniwala

Isang huling bagay: pansinin kung paanong sumusubok na magpalusot ang mayamang taong ito. Ang pinatutunguhan ng sinabi niya ay, “Kung may taong mabubuhay-muli mula sa patay, naniwala na sana ako. Pero hindi ako nagkaroon ng ganitong pagkakataon, kaya pwede mo bang himukin ang aking mga kapatid sa pamamagitan ng pagpapakita ng taong nabuhay mula sa patay? Sa gayo’y maniniwala sila.” Ang problema’y hindi kung nakakita na kayo ng himala o hindi; ang problema’y ang inyong ugnayan sa mundo. Ito ang punto na dapat ninyong maunawaan.

Ngayon, bilang pagprupruweba ng kanyang punto mismo, may ginawa si Jesus na napakagaling. Alam ninyong talagang may binuhay siya mula sa patay na tinawag na Lazarus, upang mapruweba na kahit mayroong kayong nabuhay-na-muli na Lazarus mula sa mga patay, hindi pa rin sila maniniwala. Ginawa ni Jesus iyon mismo. Binuhay niya si Lazarus mula sa patay sa Juan 11 – isang tao na nagngangalan ding Lazarus, na para bang, upang ipakita sa halimbawa ang mismong puntong ito.

Nang binuhay si Lazarus mula sa patay, naniwala ba ang mga Judio? Ah hindi, hindi sila naniwala, at kaya’y napatunayan ang puntong ito. Kung di ito ginawa ni Jesus, may makapagsasabing, “Hmm, hindi mo naman kayang bumuhay ninuman mula sa patay, at kaya, bakit kami maniniwala?” At kaya, sa pagpapabuhay-muli kay Lazarus mula sa mga patay, napruweba niya ang puntong ito. Binuhay-muli ng Panginoong Jesus si Lazarus mula sa patay. Napaka-‘gracious’ ng Diyos sa atin, na talagang ginagawang posible para sa atin, sa lahat ng paraan, upang tanggapin si Jesus bilang Hari ng ating buhay. Sa Araw na iyon, wala nang palusot na magagawa ang sinuman.

Katapusan ng mensahe.
Ito’y isang in-edit na pagsasapapel na mensahe.

Tinatanggap ng mga editor ang buong responsibilidad sa pagkakaayos at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.

Lahat ng bersikulong ginamit ay hango sa Ang Bagong Ang Biblia, Edisyong 2001, malibang kung isinaad na iba.

1 Ang tinutukoy bilang MBB2 ay ang Magandang Biblia Bible, (2nd Edition), Tagalog, Philippine Bible Society, 2005

 

 

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church