Ang Talinghaga ng mga Talento
(Parable of the Talents)
Mateo 25:14-30
Mensahe ni Pastor Eric Chang
Ipagpatuloy natin ngayon ang ating pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos at tutungo tayo sa Talinghaga ng mga Talento sa Mateo 25:14-30. Ganito ang mababasa rito:
Sapagkat tulad ng isang tao na maglalakbay, tinawag niya ang kanyang sariling mga alipin, at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Ang isa ay binigyan niya ng limang talento, ang isa ay dalawa, at ang isa ay isa; sa bawat isa’y ayon sa kanyang kakayahan. Pagkatapos ay humayo na siya sa paglalakbay. Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ipinangalakal niya ang mga iyon, at nakinabang siya ng lima pang talento. Gayundin, ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang pa ng dalawa. Subalit ang tumanggap ng isa ay umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon. Pagkalipas ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at nakipag-ayos sa kanila.
Karaniwang isinasalarawan ang pagkukuwentahan sa Paghahatol sa Biblia. Mababasa sa b.20:
Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako’y nakinabang ng lima pang talento.’
Gusto kong palagi ninyong punahin ang madalas na pagkakagamit ng salitang ‘pa’ [more]. Nagpapatuloy ang b.21 sa:
Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’ At lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Heto, ako’y nakinabang ng dalawa pang talento.’ Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’
At lumapit din ang tumanggap ng isang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, alam kong ikaw ay taong malupit, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nagtitipon ka roon sa hindi mo kinalatan ng binhi. Kaya ako’y natakot at ako’y umalis at itinago ko sa lupa ang talento mo. Heto, iyo na ang sa iyo.’
Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masama at tamad na alipin! Alam mo palang ako’y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagtitipon sa hindi ko kinalatan ng binhi. Dapat sana’y inilagak mo ang aking salapi sa mga mangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay matanggap ko kung ano ang akin pati na ang pakinabang. Kaya’t kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa kanya na may sampung talento. Sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya’y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya’y kukunin. At ang aliping walang pakinabang ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’
Ang Church sa Bagong Tipan at Mga Naninilbihan sa Diyos
Isa itong talinghaga na napakayaman ng kahulugan at makapangyarihan ang nilalaman. Narito ang larawan ng isang sambahayan ng isang panginoon at kanyang mga alipin. Napakakaraniwan na itong larawan ng sambahayan sa Biblia. Sa naunang bahagi, sa huling seksiyon ng Mateo Capitulo 24, mapapansin ninyo sa b.45ss na mayroong kaparehong larawan ng isang panginoon at isang buong grupo ng mga alipin, at may isang naatasang tagapangasiwa sa mga aliping iyon, ngunit nagmamalabis siya sa kanyang awtoridad para bugbugin ang mga kasamahang alipin, nagpapakalasing at nagpapakasaya sa kanyang sarili, na walang anumang malasakit para sa mga kapwa niyang mga alipin.
Lubos na karaniwan na rin sa Bagong Tipan ang larawan ng church bilang isang sambahayan. Kailangan nating malinaw na maunawaan ang konseptong ito dahil lubos na pundamental na katuruan ito sa Kasulatan. Sinasabi ni Pablo ang tungkol sa “sambahayan ng pananampalataya”, halimbawa, sa Galacia 6:10 at “sambahayan ng Diyos” sa Efeso 2:19. Kaya, hinahango ni Pablo mula sa katuruan ng Panginoon ang tungkol sa sambahayang ito, na kung saan Panginoon si Jesus at ang mga iba sa sambahayan, iyon ay, kayo’t ako, tayo’y kanyang mga alagad (servants).
Ngayon, sa diwang ito, makikita ninyo na sa katuruan ng Panginoon, lahat ay mga alagad. Walang eksepsiyon. Sa loob ng sambahayang ito, ang lahat ay alagad, naninilbihan sa iisang Panginoon. Pansinin ang salitang ‘alagad’ – literal ito na ‘alipin’ (slave), na sa Griyego ay ‘doulos’, isang salitang alam na alam para sa ‘alipin’. Mayroon bang sinumang ‘part-time slaves’ o bahagyang panahon na alipin? Wala, walang pang-bahaging panahong alipin. Ang alipin ay palaging buo at ganap na pag-aari ng panginoon niya.
Ngayon, gusto kong sulyapan ninyo ang konsepto tungkol sa church sa Bagong Tipan. Ang sabi ko, “sulyapan” dahil maaaring hindi pa natin naaabot, sa espiritwal na diwa, ang baitang kung saan kaya na nating gampanan ito. Ngunit kahit paanoman, panahon na para sulyapan natin kung ano ang konsepto ng church sa Bagong Tipan.
Tingnan muling mabuti ang larawang ito. Siyempre, inirerepresenta ng panginoong ito ang Panginoong Jesus, na aalis at babalik muli. Pumunta na ang Panginoong Jesus sa kanang kamay ng kanyang Ama, at babalik siyang muli para sa atin. Iyan ang buong punto ng talinghaga. Pansinin ang posisyon nito na sumunod sa Mateo Capitulo 24, na sinasabi ang tungkol sa mga huling bagay at sa pagdating niyang muli. At ngayon, ibinabaling niya sa atin ang kanyang atensyon, at itinuturo tayo bilang kanyang sambahayan at tayo bilang mga alipin niya.
Palagi nating gustong-gustong bigyan-diin ang ating pagiging anak, na lubos namang nagpapabaya sa ating responsibilidad na isinasaad sa ideya ng pagkaalipin. Ngunit natutuwang lubos si Pablo sa titulo bilang “isang alipin ni Jesu-Cristo”. Hindi niya binabanggit ang kanyang sarili bilang isang “anak ng Diyos”, ngunit inuumpisahan niya ang bawat sulat sa mga salitang, “Si Pablo, alipin ni Jesu-Cristo”. Kapareho ng salitang ‘alipin’ na ito ang nasa ating passage. Para kay Pablo, pinakamataas na kadakilaan ang titulong ito. Para sa kanya, mas lalo pang mahalaga ito kaysa sa kanyang pagkupkop bilang anak. Kahanga-hanga ito. Inaasahan natin na uumpisahan niya ang sulat sa “Si Pablo, isang anak ng Diyos,” ngunit di niya ginamit ang titulong ito kundi mas tinukoy ang sarili bilang “ang alipin ni Jesu-Cristo.” Tapos, tinitingnan niya ang bawat isa sa church bilang alipin ni Jesu-Cristo, na namumuhay ng buong-buo para sa kanya, gaya ng nararapat, na ang bawat alipin ay buong pag-aari ng kanyang panginoon, na namumuhay na buong-buo para sa kanya.
Kung pwede nga lang mahawakan natin nang mahigpit ang konsepto ng ‘pattern’ sa Bagong Tipan ukol sa church bilang sambahayan ng Diyos, kung saan tayong lahat ay mga kapwa-alipin, makakalimutan na natin ang kaibahan na ang ilan ay mga ‘full-time’ nang manggagawa at ang mga iba naman ay hindi pa ‘full-time’ na manggagawa, dahil lahat tayo’y mamumuhay para sa kanya. Magkakaroon ng responsibilidad ang bawat isa bilang ‘full-time’ na alagad ng Diyos at alipin ni Jesu-Cristo.
Sa pakiramdam ko’y ang ating mga church ay punong-puno ng mga part-time na empleyado ni Jesu-Cristo, hindi mga alagad, hindi mga alipin ni Jesu-Cristo. May panahon lamang tayo para sa kanya sa ating ekstrang oras. Dumadalo lamang tayo sa sambayanan ng Diyos sa ekstrang oras lamang natin. Hindi man lang ito ang lawaran sa Bagong Tipan. Kung ang bawat isa sa church ay buong-panahong manggagawa ng Diyos at tunay na alipin ni Jesu-Cristo, ang bawat isa’y maaaring i-train bilang isang “full-time worker”. Ngayon, isipin ang buong church kung saan ang lahat ay buong na-train, buong-na-equip1 – hindi lang nasa proseso ng pagiging “equipped1” – ngunit ang bawat isa ay “fully-equipped1”. [Ftnt: 1 – naisanay sa paggamit ng mga aklat sa pagsisiyasat sa Biblia, hal. sa pag-aaral ng mga salita mula sa orihinal na Griyego.]
Tunay na Cristiano – Buhay na Ipinapamuhay ng Buo para kay Cristo
Pinag-uusapan natin ang tungkol sa ideya sa Bagong Tipan kung saan walang Cristianong namumuhay para sa kanyang sarili, kundi para kay Cristo lamang. Hayaang ipakita ko sa inyo mula sa sinulat ni Pablo ang kanyang konsepto sa Cristiano, para hindi ninyo isiping iniimbento ko ang lahat ng mga ito. Halimbawa, sa Roma 14:7-9, hindi niya tinutukoy ang tungkol sa isang mataas na antas ng espesyalistang mga manggagawang Cristiano kundi ang pangkalahatang mga Cristiano. Sa mga nauna, sa konteksto nito, tinutukoy niya ang tungkol sa mga ugnayan sa loob ng church, tapos nagpatuloy siya sa pagsasabing:
Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili. Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo’y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo’y namamatay. Kaya’t mabuhay man tayo o mamatay, tayo’y sa Panginoon. Sapagkat dahil dito (para sa mismong layuning ito) si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya’y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buhay.
Panginoon ba ninyo si Jesus sa inyong buhay? Kung ganoon, mamuhay kayo sa kanya; huwag na kayong mamuhay pa para sa inyong sarili. Mananagot lamang kayo sa kanya. Ang buong buhay ninyo ay ibinubuhay kasama niya bilang direksiyon nito. Mamumuhay kayo sa kanya! Kung inaako ninyong tunay kayong Cristiano, kaya ba ninyong matapat na sabihin na iyan ang direksiyon ng inyong buhay: na namumuhay kayo para sa kanya?
Kung hindi pa rin sapat na maliwanag ito, tumungo tayo sa 2Corinto 5:15 upang masiguradong naiintindihan natin nang lubos ang bagay na ito. Dito, isinulat ni Pablo, “Siya’y (si Jesus) namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.” Namatay siya para sa atin! Namatay siya para sa inyo upang hindi na kayo mamumuhay pa para sa inyong sarili, kundi para na sa kanya. Namatay siya para sa akin, upang hindi na ako mamumuhay pa para sa aking sarili, kundi para na sa kanya. Kaya ba ninyong matapat na sabihin na kung sinasabi ninyo na Cristiano kayo at namatay si Cristo para sa inyo, na mula ngayon ay mamumuhay na kayo para sa kanya?
Isipin ngayon ito, mga kapatid. Kung sa church, tayong lahat ay namumuhay para kay Jesus, kung gayon, nasaan ang kaibahan ng ‘full-time’ na manggagawa at ng hindi ‘full-time’ na manggagawa? Nasaan ang kaibahan? Ibig ba ninyong sabihin na mas higit na namumuhay ang isang ‘full-time’ na manggagawa para kay Jesus? Sa kalagayan ngayon ng mga pinagkakaabalahan sa church, parang gayon na nga, na ang ‘full-time’ na manggagawa ang mas namumuhay para kay Jesus. Ngunit dapat bang gayon?
Anong sinasabi sa Kasulatan? Sinasabi nito na kung namatay si Jesus para sa inyo, kung tunay siyang namatay para sa inyo, hindi na kayo dapat namumuhay para sa inyong sarili. Tatanungin ko kayo: kaya ba ninyo o tapat ba ninyong masasabi na tunay iyan sa inyong buhay? Ngayon, kung namumuhay kayo para sa kanya araw-araw, sa bawat sandali, kung gayon, iyan ang ‘full-time’ na manggagawa. Paano pa ninyo kaya maipapakahulugan ang ‘full-time’ na manggagawa?
Hindi ibig sabihin na hindi na magiging abala pa sa anumang uri ng trabaho ang ‘full-time’ na manggagawa. Hindi iyan ang ibig sabihin ng pang-Kasulatang diwa ng ‘full-time’ na manggagawa. Kilalang-kilala na si Pablo, sa tuwing nagkakaroon ng mga pinansiyal na pangangailangan, palaging abala ang kanyang mga kamay sa paggawa, nagtatrabaho upang kumita para sa kanyang sariling ikabubuhay. Sa parehong paraan, ang First Full-Time Training Team na naninilbihan sa church sa Hong Kong, ay abala rin sa mga trabaho: ang ilan sa pagtuturo, ilan sa laboratoryo, sa chemical research, at ang mga iba ay gumagawa ng iba’t ibang trabaho. Ang mga ito’y trabaho para sa kanila. Pwede nilang maisagawa ang kanilang natutunan upang kumita ng kanilang ikabubuhay. Ngunit para sa kanila, namumuhay sila para kay Jesus. Sa sandaling mayroong pangangailangan sa gawain ng Panginoon, iiwanan nila ang trabaho! Agad-agad!
Halimbawa, nang isa sa kanila’y natuklasan na nakakaubos ng napakaraming oras ang trabaho niya na hindi na niya makayanang tumutok pa nang buong-buo sa gawain ng Panginoon, agaran siyang nagbitiw mula sa kanyang trabaho. Naipasya niyang maghanap ng ibang trabaho na mas kakaunti ang nagugugol na oras upang maibigay niya ang mas maraming panahon sa Panginoon, upang kahit abala man siya sa trabahong iyon, ginagawa naman niya ito para sa Panginoon. Ang direksiyon ng kanyang buhay ay para kay Jesus. Kaya, ano ang kaibahan niya sa sinumang nasa Team? Wala! Wala man lang kaibahan!
Kapag babalik na ang mga nasa kasalukuyang (Second) Training Team, ayon sa pangangailangan ng sitwasyon, sila ay kukuha ng kanya-kanyang trabaho pansamantala. Para sa kanila, ito’y isang simpleng paraan ng pagsusustento ng kanilang ikabubuhay. Ang direksiyon ng buhay ay ang pamumuhay para kay Jesus. Sa sandaling kakailanganin sila sa gawain ng Panginoon, agad-agad silang magbibitiw na lahat sa kanilang mga trabaho. Hindi sa kanilang trabaho ang kanilang ‘commitment’, kundi sa Panginoon. Ngayon, kung totoo ito sa kanila, ano kaya ang kaibahan nila sa sinumang Cristiano?
Kung abala kayo sa isang trabaho, iyon ba ang inyong priyoridad? Kung iyon ang inyong priyoridad, paano kayo namumuhay para kay Jesus? Ngayon, subukang isipin ang konsepto ng isang church kung saan namumuhay ang lahat para kay Jesus. Ganyan ang dapat na mangyari, di ba? Hindi ba’t napakalinaw ng Kasulatan tungkol sa bagay na iyon? Ganyan ang dapat na mangyari. Hayaan na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, na ang katuruang ito ayon sa Kasulatan ay maging katotohanan sa ating kalagitnaan, kung saan hindi lamang ang Full-Time Training Team ang nakakapamuhay nito, kundi ang lahat ng mga nasa church din ay makapamuhay nang ganito. Sa katotohanan, alam ba ninyo na ang Full-Time Training Team ay sadyang modelo lamang, isang tutularan ng buong church? Ito’y para ipakita, kumbaga, na mga pioneer sila, kung anong tatahakin, dahil iyon ang paraan kung paano kumikilos ang church ayon sa Bagong Tipan.
Maaaring nasa inyong trabaho kayo; mabuti iyon. Ngunit nakahanda na ba kayo kung kakailanganin ito ng Panginoon, kung kakailanganin ito para sa espiritwal na estratiheya sa labanan, na pupunta kayo sa iba pang lugar at gagawa ng ibang trabaho? “Sige, pupunta ako! Maipapadala ako ng Panginoon kahit anumang oras. Handa ako para sa kanyang serbisyo.” Masasabi ba ninyo ito? Iyan ba ang pangunahing pakikitungo o ‘attitude’ sa inyong buhay? Kailangang-kailangang mapag-isipan ninyo iyan.
Ngayon, kung iyan ang inyong pag-iisip, kung gayon, wala kayong ipinagkaiba mula sa mga nasa Full-Time Training Team dahil iyan ang kanilang ‘attitude’. At kung iyan ang inyong kaisipan, nasa daan na tayo tungo sa pagtatatag ng isang church ayon sa Bagong Tipan, kung saan ang bawat tao ay tunay na namumuhay na buong-buo para kay Jesus. Ang sabi ko’y ‘tunay’ dahil alam kong karamihan sa mga Cristiano ay handa lamang na magpaliguy-ligoy kapag sinasabing, “Ah, oo, mabubuhay ako para kay Jesus.” Nagdududa ako kung mapapanindigan sa buhay ng maraming Cristiano ang ganyang uri ng salita kapag masinsinan nang suriin. Alam ninyong lubos akong deretsahang magsalita kapag pinag-uusapan ang mga salita ng Ebanghelyo.
Kaya, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, subukan nating makuha ang pangitaing ito ng church ayon sa Bagong Tipan. Hindi nakapagtataka na kaya ng church ayon sa Bagong Tipan na baligtarin ang mundo! Nakikita ng lahat ang kanilang debosyon sa Diyos. Kapag tinitingnan ng mga tao ang inyong buhay, nahahalina ba sila sa inyong debosyon? O ibinubuhos lamang ninyo ang mga nakaka-impress na espiritwal-kunong lengguwahe? Ginagawa ba ninyo iyan maging sa lugar na pinagtatrabahuhan ninyo o sa inyong eskuwelahan? Kapag nasa eskuwelahan na kayo, napakaduwag na ninyo at nahihiya kayong lubos sa pagiging isang Cristiano kung kaya napakahirap ninyong buksan ang inyong mga bibig; ang inyong pagiging Cristiano ay para sa church lamang. Kapag pupunta kayo sa church, doon lamang ninyo isusuot ang inyong damit pang-church. Kapag pupunta kayo sa eskuwelahan, isusuot ninyo ang inyong damit pang-eskuwelahan, at wala iyong kinalaman sa church.
Ang pamumuhay ba para kay Jesus (2Corinto 5:15) ay isang katotohanan sa inyong buhay? Kapag tinitingnan kayo ng pamilya ninyo, ng mga kaibigan ninyo, anong nakikita nila? “Wow! Tunay na namumuhay ang taong ito para kay Jesus. Para sa kanya, wala nang iba pang mahalaga! Buong-buo ang kanyang debosyon! Ginagawa niya ang kanyang trabaho, at ginagawa niyang mabuti ito, ngunit para kay Jesus lamang ang direksiyon niya. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng ganyang church sa panahong ito, dahil hanggang hindi ito nangyayari, hindi man lang papansinin ng sanlibutan ang lahat ng ating sinasabi tungkol sa Cristianismo!
Ang Bawat Alagad ay Pinagkatiwalaan ng mga ‘Talento’
Ano ang susunod na bagay na makikita natin sa talinghagang ito? Sa sambayanang ito, ang bawat isa ay pare-parehong committed. Mayroong trabaho at responsibilidad ang bawat isa sa loob ng sambahayang ito. Hindi nagbigay ang Panginoon ng mga talento sa ilan lang at wala sa iba. Napagkatiwalaan ang bawat isa sa sambahayan ng may-katiyakang responsibilidad.
Kailangan ko kayong paalalahanan na ang salitang ‘talento’ rito’y simpleng isang katawagan lamang para sa isang partikular na halaga ng pera. Sa katunayan, nag-umpisa ang salitang ‘talento’ bilang isang timbang ng pilak o ng ginto. Kaya, mababasa ninyo sa Lumang Tipan ang tungkol sa isang talento ng ginto o isang talento ng pilak o isang talento ng tanso. Wala itong kinalaman sa salitang Ingles na ‘talents’, na nangangahulugang ang pagkakaroon ng mga kakayahan o mga kaloob. Simpleng masasabi na ang talento ay isang timbang, at ito’y naging katawagan para sa isang halaga ng pera.
Sa katotohanan, napakalaking halagang pera ang isang talento. Kung mayroon kayong Revised Standard Version, makikita ninyo sa talababa nito na ang isang talento ay mahigit na 15 taon na sahod ng isang manggagawa! Labing limang taong sahod! Kung magtatrabaho kayo ng 15 taon, kung gayon ang lahat ng naipon ninyong pera sa loob ng 15 taon ay katumbas ng isang talento. Isang malaking halaga ng pera iyan! Ipalagay na kumikita ang karaniwang manggagawa ng mga $20,000 sa Canada at kung pinag-uusapan ang tungkol sa 15 taon, kung gayon, pinag-uusapan natin ang malapit na sa $300,000. Napakalaki ng halaga ang ika-apat na kabahagi ng isang milyong dolyar! Lubos na napakalaking halaga ang isang talento! Noong unang panahon, ang transaksiyon ng mga estado, sa pagitan ng isang nasyon sa isa pang nasyon, ay pinag-uusapan gamit ang katawagan nitong isang malaking halaga ng yamang monetaryo, na tinatawag na ‘talento’. Kaya, inilalahad sa talinghagang ito na ipinagkakatiwala sa atin ang isang bagay na may napakalaking halaga. Ang isa’y pinagkakatiwalaan ng 5 talento. Wow! Kung pag-uusapan natin ito sa kasalukuyang panahon, nasa milyon-milyon na!
Kung kaya, makikita natin na ipinagkatiwala ng Panginoon sa atin ang isang bagay. Ngunit mapapansin sa talinghagang ito na hindi lahat ay pinagkatiwalaan ng pare-parehong halaga. Pinagkatiwalaan ang isa ng lima, dalawa naman sa isa, at iisa lamang na talento sa isa. Ano ang basehan? Ano ang pasya sa bagay na ito? Sa totoo lang, ang basehan ng pasya sa sinasabi ng talinghaga ay ayon sa kakayanan ng bawat tao. Ibinigay ng Panginoon ang lima sa isa, dalawa sa isa pa, “sa bawat isa’y ayon sa kanyang kakayahan.” (v.15)
Maaaring Maging Hadlang ang Natural na Abilidad sa Gawain para sa Diyos
Ang ‘abilidad’, gaya ng nasa Bagong Tipan, ay di dapat unawain bilang natural na abilidad lamang. Napakalaking pagkakamali ang mag-isip sa ganitong paraan. Hindi pinagkakatiwalaan ng Panginoon ang isang tao ng mas marami dahil lamang sa likas siyang mas may kakayahan. Hindi parating ‘asset’ o sa ikabubuti o ikauusad ang natural na makamundong kakayahan sa gawain para sa Diyos. Sa totoo lang, maaari pa nga itong maging sagabal. Maaaring makapagtanim ito ng napakaraming kayabangan sa isang tao. Alam na alam ng mga taong may abilidad na may kakayahan sila. Alam ninyo ang inyong sariling kapasidad dahil mayroon kayong maraming pagkakataon na ikumpara ang inyong sarili at ang inyong mga nagagawa sa ibang tao. Lubos kayong may kamalayan sa inyong kakayahan. Kahit gaanuman ninyo subukang maging magpakumbaba, napakahirap maging mapagkumbaba dahil alam ninyong mas magaling kayo. Alam ninyong magaling kayo.
Ibig kong sabihin, kahit papaano, hindi sinubukan ni Muhammad Ali na maging labis na mapagpakumbaba noong sinabi niyang siya ang pinakamagaling; na siya ang ‘numero uno’. Nakasanayan na niyang magmalaki. Mayabang siya. Ngunit alam niyang magaling siya. Alam ng ilan na magaling sila at sinasabi nilang, “Wala talaga akong kakayahan.” Ngunit sinasabi naman nila sa kanilang puso na, “Ako ang pinakamagaling, ngunit siyempre, hindi ko sasabihin iyan.” Nangyayari ang tunay na pagpapakumbaba kapag hindi ninyo ipagkakaila na magaling kayo. Kung magaling kayo, magaling kayo; hindi na ninyo kailangan pang magkunwaring hindi kayo magaling.
Ngunit mayroon tayong tunay na dahilan na maging mapagpakumbaba. Ang tunay na dahilan ay hindi sa kabiguang makilala ang katotohanan ng inyong kakayahan, ngunit makilala na sa lugar ng espiritwal na reyalidad, ang mga natural o likas na kakayahan ninyo ay hindi basta-basta nakakaabante ng gawain para sa Diyos; hindi masasabing parating kapaki-pakinabang ito. Sa katunayan, maaari pa ngang maging kabaligtaran ang maibubunga nito dahil ginugusto nating gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nating pamamaraan, na umaasa sa ating mga sariling kakayahan, kaysa sa paggawa ng mga bagay-bagay sa pamamaraan ng Diyos. Kapag lubos tayong nagtitiwala sa ating sariling kapasidad, nakakasanayan nating maramdaman na hindi na natin kailangan pang magtiwala sa Diyos.
Samantalang ang taong mahina at kinikilala ang kanyang kahinaan at walang kakayahan ay natatantong kailangan niyang magtiwala sa Diyos. Kaya, napakahalaga para sa mga may kakayahan na matutunan ang aral na, sa espiritwal na lugar, sa kalagayan ng digmaang espiritwal, hindi ang inyong kakayahan ang maituturing na mahalaga. Ang kapangyarihan ng Diyos ang naihahayag sa inyo bilang mahalaga.
Lubos na may kakayahan si Pablo. Kailangan lamang ninyong basahin ang kanyang mga sulat at matatanto ninyo kung gaano siya katalino at may kakayahan, kapwa sa pamamahala at sa kanyang napakalalim na pang-unawa sa mga Kasulatan at sa espiritwal na katotohanan. Ngunit, dahil mismo sa kakayahang iyan, kinailangan siyang pahinain ng Diyos dahil masyado siyang may kakayanan at napakatalino. Kaya mababasa natin sa 2Corinto 12:7 na kumbaga kinailangang bigyan ng Diyos si Pablo ng isang tinik sa laman. Ginawa siyang napaka-di-kumportable nito. Pinahina siya nito nang husto. Nang nagmakaawa siya sa Panginoon na tanggalin ang bagay na ito, ayaw ng Panginoon. Ang sinabi ng Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” At naunawaan ito ni Pablo at sinabi niya, “Alam ko. Ito’y dahil mapagmataas ako at kailangan kong mapanatiling mapagpakumbaba. Kaya mula ngayon, gugustuhin ko pang magalak sa aking kahinaan upang maihayag sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.”
Tingnan ninyo, lubos na may kakayahan si Pablo, ngunit nag-umpisa itong maging isang hadlang sa kanya, kaya inilagay ang tinik na ito sa kanyang laman. Ang ilan sa atin ay kailangang maging mapababa sa ganitong paraan dahil nakakapagpalaki ng ulo ang kakayahan at nag-uumpisang makaapekto ito sa pamamaraan ng ating pagtatrabaho, at nagiging isang sagabal sa pag-usad ng gawain para sa Diyos.
Ang Espiritwal na Kapasidad ay Lumalago sa Pananampalataya
Kaya, ngayo’y naiintindihan na natin na kapag ipinamahagi ng Panginoon ang mga talentong ito sa mga iba’t-ibang alipin, hindi ito nakabase ayon sa likas na kakayahan. Naisaling-wika ang salitang ‘kakayahan’ [ability] mula sa salitang Griyego para sa ‘kapangyarihan’ [power]: ang bawat tao ayon sa kapangyarihan niya, ang kanyang espiritwal na kapasidad. Ngayon, ang espiritwal na kapasidad ay ang susing ideya rito. Malinaw na ibibigay o ipagkakatiwala ninyo ang isang responsibilidad sa isang tao ayon sa kanyang kapasidad (kakayahan). Tulad ng pagsalarawan ko na nito noon, hindi ninyo ilalagay ang kapangyarihan sa mga kamay ng isang taong tunay na walang kakayahang gumamit sa kapangyarihang iyon.
Halimbawa, hindi ninyo ipapahawak sa isang batang 12 o 5 taong gulang ang isang aktibong granada. Maaaring mas may-isip na ang 12 taong gulang, ngunit hindi pa rin ninyo maipagkakatiwala ito sa kanya. Maaaring isang araw, siya’y mapagalit ng labis – naroon ang tukso – na tanggalin niya ang pin ng granada, dahil sa inis. Doon naman sa 5 taong gulang na bata – lalong hindi! Wala siyang kaalam-alam tungkol sa bagay na ito na nasa kanyang kamay. Maaari niyang isipin na sa paghatak ng pin nito’y magkakaroon ng kaaya-ayang epekto. Hindi pa naaabot ng batang may edad na 5 taon ang moral na kapasidad upang makayanan ang responsibilidad para sa paputok na hawak niya. Hindi ito isang bagay na dapat paglaruan. Sa parehong paraan, kapag ipinagkakatiwala ng Panginoon sa atin ang mga bagay, kailangan niyang tingnan kung naabot na natin ang kapasidad kung saan kaya na nating pasyahan ang sitwasyon.
Napakahalaga rin para sa atin na maunawaan na ang kapasidad na ito ay hindi isang nakatakdang bagay sa Biblia. Parating inilalahad ng ebidensiyang ayon sa Kasulatan na maaari ninyong maragdagan ang kapasidad. Iyon ay, maaari kayong mag-umpisa bilang isang taong may 1 talento sa espiritwal na usapin, at magpatuloy sa pagiging isang taong may 2 talento at tungo pa sa isang taong may 5 talento. Ngayon, ang salita rito ay: “sa bawat isa’y ayon sa kanyang kakayahan” – mismo ang kanyang sariling kakayahan o kapangyarihan – ang ‘sariling’ dito’y di nangangahulugang mayroon tayong kapangyarihan sa katutubong-likas na kahulugan, kung saan tayo naipanganak na may ganito o naitakdang may ganito na.
Sinasabi sa Lucas 1:17 ang tungkol sa “sa espiritu at kapangyarihan ni Elias” – ang kapangyarihan ni Elias – kaparehong salita ito na nasa Griyego gaya ng naisaling-wika dito bilang ‘kakayahan’. Ano ang kapangyarihan ni Elias? Nalikha ba niya mismo ang kapangyarihang ito? Hindi! Kapag pinag-uusapan natin ang kapangyarihan ni Elias, ibig nating sabihin ang kapangyarihan ng Diyos na nakay Elias. Ibinigay ito ng Diyos sa kanya. Kaya, sa diwang ito ito’y kanya.
Ngayon ang abilidad o kapangyarihan na ito ay hindi isang bagay na naitakda, na sa paanomang paraan, naitakda ng Diyos ang ilang mga tao upang magkaroon ng 5 talento at ang mga iba ng 2 talento. Hindi man lang iyan katuruan sa Kasulatan. Ang tunay na katuruan sa Kasulatan ay ito: tunay na maaaring maitaas ang bawat tao sa antas ni Elias at magkaroon mismo siya ng kapangyarihan ni Elias. Ano ang magbibigay sa kanya nito? Upang masagot ito, tingnan natin sandali ang Roma 4:20, “Gayunman, hindi siya (si Abraham) nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos.”
Pansinin na ang salitang “pinalakas siya” ay ‘endunamoō’ sa orihinal na Griyego; ibig sabihin ay ‘pagdagdag ng kapangyarihan’. Ito’y may parehong kaugnay na salita na isinalin bilang ‘abilidad’, na kaparehong salitang isinalin bilang ‘kapangyarihan’ ni Elias. Ang mga ito’y magkakaparehong salita. Tumayo si Abraham sa harapan ng hamon ng reyalidad ng pagkabaog ni Sarah, na para bang magpapa-imposible sa pangako ng Diyos, na magiging napakarami ang kanyang mga inapo na di mabibilang na gaya ng buhangin sa dagat. Pero, taglay ang pangako ng Diyos, hindi nag-alinlangan si Abraham ukol sa pangako ng Diyos, kundi lumakas pa siya sa pamamagitan ng pananampalataya. Magkapareho sa Griyego ang salitang ‘sa pananampalataya’ at ‘sa pamamagitan ng pananampalataya’. Walang anumang kaibahan ang mga ito rito. Ang ginagamit rito’y ang ‘instrumental dative’ na ‘in’ sa Ingles, na ‘sa’ sa Tagalog. Napalakas siya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngayon, nagmumula ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ginawang malinaw ang puntong ito.
Eksakto rin ang nasa Gawa 9:22. (Ang Roma 4:20 ay naiugnay kay Abraham; samantalang ang Gawa 9:22 ay naiugnay naman kay Pablo). Nang naging Cristiano si Pablo, (ngunit dito hindi pa nababago ang kanyang pangalan mula sa Saulo tungo sa Pablo), nakatagpo niya ang malakas na pagsalungat mula sa mga Judio. Mababasa sa Gawa 9:22 ang ganito: “Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.” Ngayon, naisaling-wika rito ang isang salita bilang “lalo pang naging makapangyarihan,” na kaparehong salitang kakikita lamang natin sa Roma 4:20, na ‘endunamoō’ na mula sa ‘dunamis’, iyon ay, “naging makapangyarihan”. Lumalakas si Saulo. Hindi siya nag-umpisang malakas gaya niyon, ngunit ngayon ay nadagdagan siya ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pananampalataya.
Nagpatuloy ang puntong ito sa buong Bagong Tipan. Makikita ninyo iyan, halimbawa sa Efeso 6:10, [“Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas”] at sa Filipos 4:13 kung saan sinabi ni Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.” Makikita rin ninyo ang kaparehong salita sa orihinal. Sinasabi ni Pablo, “Dinaragdagan ng Diyos ang aking lakas upang magawa ko ang lahat ang mga bagay.” [Fil 4:19, 2Cor 12:11]
Hindi limitado ang pagtitiwala ni Pablo sa Diyos. Buong-buo na nagtitiwala si Pablo na magagawa ng Diyos ang anumang bagay sa pamamagitan niya. Kaya, magagawa niya ang anumang bagay sa pamamagitan ng Diyos. Iyan ang uri ng Cristianismo na kailangan natin sa church. Kung ganyan ang uri ng inyong pananampalataya, kung saan ang inyong pananampalataya ay lumalaki sa pamamagitan ng pananampalataya, kung gayon, ipagkakatiwala ng Diyos sa inyo ang mas maraming talento. Napakadaling maintindihan ito.
Talinghaga ng Sampung Birhen Kumpara sa Talinghaga ng mga Talento
Pumunta na tayo sa sentrong bahagi ng talinghagang ito. Noong nakaraan, nakita natin sa Talinghaga ng Sampung Birhen na nakasalalay ang buong bagay sa ekstrang langis. Ang ekstrang langis ang nagbigay ng kaibahan sa kanila. May mga ilaw na nakasindi ang 5 matatalino at ang 5 hangal na birhen. Walang kaibahan sa puntong iyon. Ngunit ang buong kaibahan ay ang 5 sa kanila’y nakahanda para sa darating na panahon. Hindi magagamit ang ekstrang langis sa kasalukuyang panahon. Gagamitin lamang ang ekstrang langis sa darating na panahon. Ang ekstrang langis – iyan ang buong ipinagkaiba. Paano man natin subuking ipaliwanag ang buong larawan o kalagan ng mga simbolo ay hindi masyadong mahalaga. Ang susing ideya ay nakasalalay sa salitang ‘pa’ – ang ‘ekstra’, ang ‘dagdag! Kung ano ang ibig sabihin nito ang siyang ating titingnan nang mas detalyado pa.
Nagdala ng ilawan ang lahat ng mga birhen, gaya ng nakita natin noong nakaraan: ang ilawan ng buhay, ang ilaw ng buhay. Isinisimbolo ng nakasinding ilawan sa Lumang Tipan ang buhay, halimbawa sa Kawikaan. Kapag nakasindi ang ilawan, isinisimbolo nito na buhay kayo. Kapag mamamatay ang ilaw, patay na ang tao! Patay na siya! Namatay na ang ilaw ng buhay. Ngayon, kung susundan natin ang larawang ito, siyempre, inirerepresenta kung gayon ng sisidlan ng langis ang katawan. Inirerepresenta ng apoy, ng sindi ang aktibidad ng isang taong buhay. Kapag patay na siya, wala nang aktibidad. Namatay na ang ilawan; ang ilaw, ang apoy ay tumigil na sa pagliyab.
Ang langis, kung gayon, na kailangang-kailangan para nakasindi ang ilaw, ay nagrerepresenta ng buhay. At kaya, ang larawan ay: habang nauubos ang langis, nauubos din ang buhay, namamatay ang apoy. Humihinto ang pagiging nakasindi nito. Kung ito ang larawang naiintindihan sa Talinghaga ng Sampung Birhen, kung gayon, itinutukoy ng ekstrang langis ang buhay – ang ekstrang supply sa buhay. Ngayon, hindi nito ibig sabihin ang buhay na nasa kanila mismo. Napakahalagang maintindihan iyan dahil wala sa mga birhen ang langis na ito, gaya ng nakita natin. Ito’y ang langis na dala-dala nila. Anong ibig sabihin ng lahat ng ito? Sa mga talinghaga ng Panginoon, may paraang ipaliwanag ng isa ang ibang talinghaga. Sa halip na gamitin ang larawan ng ekstrang supply na langis, binago naman ngayon ng Panginoon ang larawan sa mga talento. Subukan nating tingnan kung ano ang ibig sabihin nito.
Tunay na kapareho ang pangunahing ideya ng larawan dito sa Talinghaga ng mga Talento sa Talinghaga ng Sampung Birhen. Ang nangyayari ay ito: nag-umpisa silang lahat sa pagiging pinagkatiwalaan ng mga talento. Ngunit ang kaibahan ay hindi sa kasalukuyang panahon. Ito’y sa panahon ng kwentahan – sa panahon ng paghuhusga, sa panahon ng paghuhukom – kung makakapagdala ng mas marami ‘pa’. Kaparehong-kapareho ito ng ekstrang langis, kung may karagdagan ‘pa’.
Ngayon, kung mayroon kayong 5 talento, kailangang makapagdala ng kahit na 5 talento pa. Kung mayroon kayong 2 talento, kailangang makapagdala ng 2 pang talento. At kung may 1 talento, kailangang makapagdala ng 1 pang talento. Dahil walang nadalang ekstra ang huling alipin, walang karagdagan o ‘pa’, lagot siya. Naitapon siya sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin. Tapos na siya! Tapos na ang aliping iyon! Kailangang makapagdala ‘pa’ ang bawat isa. Nakikita ninyo ang kaparehong ideya, ngunit ngayo’y naipaliwanag na mas detalyado pa.
Talinghaga ng mga Mina Kumpara sa Talinghaga ng mga Talento
Ano ang mga ekstrang talentong ito? Paano natin iintindihin ang larawan? Upang maintindihan ang larawan, paghambingin natin ang Talinghaga ng mga Mina [Lucas 19:12-27] at ang Talinghaga ng mga Talento. Naipaliwanag ko na ang Talinghaga ng mga Mina dati, kaya hindi ko na uulitin pa ito, kundi tingnan na lamang ang kaibahan upang mailabas ang kahulugan.
Ngayon, sa Talinghaga ng mga Mina, binibigyang-diin ang isang aspeto ng espiritwal na buhay, isang aspeto na kaugnay ang ‘empirical observation’ at nakikita nating lahat, at iyon ay: nag-uumpisa tayong lahat na pare-pareho. Ang bawat tao ay nag-uumpisa sa isang mina. Ang bawat isa’y may isang mina upang makapagsimula.
Saan ikinumpara ang isang mina? Ibinunyag ito sa Kasulatan, halimbawa, sa Gawa 11:17, na lahat tayo’y may parehong kaloob ng buhay. Ang lahat ay pantay-pantay sa simula; lahat ay pare-parehong may isang mina sa umpisa. Nakakamtan natin ang parehong buhay espiritwal. Nakakamtan natin ang parehong Banal na Espiritu. Ang salitang isinalin sa Ingles bilang ‘pareho’, sa katunayan, ay ang Griyegong salita para sa ‘pantay’. May iba’t ibang salita para sa ‘pareho’ sa Griyego, ngunit ang salitang ito ay ang salita para sa pagkakapantay-pantay, parehong halaga – ang buhay na parehong halaga. May buhay na ang mga Hentil at mga Judio. Hindi ibig sabihin nito na ikaw at ako ay may parehong buhay sa pagkakapareho nito, kundi sa pagkakapantay. Tinrato ng Diyos ang bawat isa nang pantay-pantay sa pagbibigay sa kanya ng parehong Banal na Espiritu, ang parehong buhay, ang pantay na bahagi ng buhay.
Sa 2Pedro 1:1, makikita muli ang parehong salita para sa ‘pantay’. Mayroon tayong parehong pananalig, parehong ebanghelyo. Doon isinasalin ng Revised Standard Version nang tama ang “faith of equal standing” – ang pananampalatayang pantay-pantay sa estado. At kaya, mayroon tayo, upang magsimula – ikaw at ako, tayong lahat ay mayroong – isang mina. Nang kayo’y napasa-Panginoon, nakamtan ninyo ang parehong mina gaya nang nakamtan ko nang ako’y napasa-Panginoon. Nakuha ninyo ang parehong buhay sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Natanggap ninyo ang parehong magandang balita. Natanggap ninyo ang parehong Banal na Espiritu. Pantay sa akin! Ako sa inyo! Walang ipinagkaiba! Lahat tayo’y nagsimula nang pantay-pantay.
Ang nakakagulat muli’t-muli sa akin ay naririnig ng bawat isa ang parehong mensahe, ang parehong salita, ang parehong katuruan ng Panginoong Jesus, tuwing Linggo, ngunit may nagiging espiritwal na higante at ang isa naman ay nagiging espiritwal na duwende, at ang isa’y tuluyang mawawala sa larawan! Bakit? At iyan ang Talinghaga ng mga Mina. Nakakuha ang isang tao ng isang mina gaya rin ng lahat, at tumubo siya ng 10 mina sa araw ng pagkukuwenta. Nag-umpisa ang isa pa sa 1 mina at tumubo ng 5 mina pa sa araw ng pagkukuwenta. At ang isa naman ay nagsimula rin sa 1 mina, ngunit nauwi sa kawalan! Nawala pa nga niya ang 1 minang nasa kanya! Lubos na totoo niyan sa buhay espiritwal, ‘di ba?
Pansinin ang mga napasa-Panginoon nang hindi pa katagalan o ang mga kababautismo pa lamang. Mukha silang pare-pareho sa ngayon. Ngunit pagkaraan ng 5 taon, maaaring napakalaki na ng kaibahan nila sa isa’t isa – napakalayo na ng isa sa harapan; napakalayo naman ng isa sa likuran; at ang ilan ay saanman sa gitna. Ngunit nag-umpisa silang lahat sa pare-parehong bagay.
Narinig ko ba ang ibang ebanghelyo kaysa sa inyo? Hindi! Natanggap ko ang eksaktong parehong mensahe. Mayroon bang ibang ebanghelyo o ibang mensahe ang mga nasa Full-Time Training Team? Nakuha nila ang parehong mensahe. Ang mahalagang kaibahan ay ang kaibahan ng pagtugon! At ito ang tinatawag nating ‘pananampalataya’. Ang pagtugon! Ang pananampalataya ay ang pagtugon sa Diyos. Ang pagtugong iyan ang nagpapatunay sa kapangyarihan o kakayahan. Nag-uumpisa nang magkaiba ang kapangyarihan at lumalawak nang lumalawak ang kaibahan sa paglipas ng panahon.
Isinilarawan ni Pablo ito sa isang takbuhan. Mag-uumpisa kayo sa parehong pinag-uumpisahang punto, di ba? Narinig ninyong lahat, “On your marks, get set go!” Bang! Pumutok ang baril! Mula sa parehong linya kayong lahat. Sa paglipas ng oras, malayo na ang isa, nasa gitna naman ang isa, at ang isa naman ay malayo sa likuran, naghihikahos ang hininga. Isalarawan natin ang sitwasyon, kung saan sa may gitna mula sa simulang linya at sa katapusang linya, naroon na ang Talinghaga ng mga Talento bilang reyalidad ngayon. Dahil, sa puntong iyon, may isang may 5; and isa’y may 2; at ang isa’y wala. Nariyan ang eksaktong sitwasyon. Ang taong mayroong 10 talento, agad-agad ba siya, sa huling araw, na nakakuha ng 10 talento? O nagdagdag ba siya ng talento o mina unti-unti, dagdag nang dagdag, kumbaga, nag-umpisa siya sa 1 mina sa simulaing araw, nadagdagan nang ikalawang araw, 2 mina sa katapusan ng isang linggo, 5 mina sa susunod na linggo, at tuloy-tuloy na ganoon? (Wala nang kaibahan ang mina at talento. Magkaiba lamang na larawan ang mga ito, na nagsasaad ng parehong ideya.)
Ang Lahat ay Mula sa Biyaya sa Pamamagitang ng Pananampalataya
Ngayo’y maaari ninyong tanungin, “Sa kasong ito, hindi ba’t 10 talento ang ibinigay sa kaniya?” “O kikita ba siya ng 5 talento?” “Ang lahat ng ekstrang talento ba ay ibinigay ng amo o itinubo ng alipin?” Kung ganito ang iniisip ninyo, hindi pa rin ninyo naiintindihan ang prinsipyo ayon sa Kasulatan. Sa espiritwal na buhay, ang lahat ng bagay ay mula sa biyaya. Walang bagay sa espiritwal na buhay na hindi mula sa biyaya. Sinabi ni Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.” Kaya, sa pundamental na batayan, ang lahat ng bagay na ginagawa niya ay mula sa biyaya: “sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.”
Kung mayroon kayong 5 talento o mina, ginawa ba ninyo ito mismo sa inyong sariling kalakasan? Hindi, ito’y mula sa biyaya rin. Sa lahat ng oras, binibigyan niya kayo ng kakayahan. O gaya ng sinabi ni Pablo sa Filipos 2:13: “Sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa”, ito’y may kooperasyon mula sa atin. Ang inyong pananalig ang basehan kung gaano niya nanaisin at kung gaano siya gagawa sa inyo. Tingnan ninyo, napakahalaga niyan! Ang inyong pananampalataya ang siyang nagpapasyang bagay rito.
Nakikita natin na ipinapakita ng Talinghaga ng mga Mina kung ano ang buhay Cristiano sa simula. May kinalaman naman ang Talinghaga ng mga Talento sa paglipas ng panahon sa buhay Cristiano, kung saan mayroong patuloy na paglago ng kapangyarihan at ang mga bagay-bagay ay nagbabago na. Patuloy na ipinagkakatiwala ng Diyos sa inyo ang mas marami pa. Ipinagkatiwala ba ng Diyos lahat iyan sa inyo noong kauumpisa pa lamang ninyo? Sa isang diwa, sa paninging panghinaharap, “Oo.” Marahil sa simula pa, mas buo ang pagtugon ninyo sa Diyos. Ngunit sa ilang mga kaso, mahina ang pagtugon ng mga tao sa umpisa, ngunit nabago nang buo kalaunan at nagkaroon ng napakabuong pagtugon. Kaya, tunay na isinasalarawan ng Talinghaga ng mga Talento ang mga bagay sa paglipas ng panahon ng buhay Cristiano kaysa sa Talinghaga ng mga Mina. Ngunit, anumang itinubo natin, lahat ng mga ito ay mula sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ngayon, ibig sabihin din nito na sa loob ng church, siyempre, lumuluwang ang puwang. Ang pagluwang ng puwang ang nagdudulot ng kaibahan sa buhay Cristiano. Nag-uumpisa ang pagkakaiba ng mga baitang [o stratification]: ang ilan ay lilitaw bilang mga espiritwal na pinuno dahil sa kanilang lumagong espiritwal na kapasidad sa pamamagitan ng pananampalataya; ang mga iba’y napakalayo sa likuran at ang mga iba naman ay di gumagana [non-functional] sa church.
Marami ang di-gumaganang mga Cristiano sa church, nakakalungkot mang sabihin. Bakit? Dahil ba sa mas kakaunti ang kabaitan ng Diyos sa kanila? Hindi, kundi dahil hindi sapat o wala silang pagtugon sa Diyos. Kung itatapon ng mga taong ito ang hadlang nila sa grasya ng Diyos, at buong iko-commit nila sa Diyos ang kanilang mga sarili at walang irereserba-para sa sarili, magkakaroon sila ng mismong kapangyarihan gaya ng nasa kasalukuyang mga espiritwal na pinuno o nagiging mga espiritwal na pinuno. Ipagkakatiwala pa ng Diyos ang mas maraming talento, mas marami pang mga responsibilidad, mas marami pang kaloob sa kanila.
Nakakita na ako ng mga taong nag-umpisa nang walang kakayahang magpahayag. Ngunit nagpapatuloy ang Diyos at binabago sila at pinapahiran ang kanilang mga labi at gumagawa ng isang mamamahayag, isang makapangyarihang alipin mula sa isang taong hindi man lang kandidato para rito sa isip na pantao. Kaya ng Diyos na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay sa bawat isa, kung naroon lamang ang pagtugon ng pananampalataya sa kanya na walang reserbasyon.
Kung hindi kayo naniniwala sa sinasabi ko, subukan lamang ito. Subukan ninyo ang sinasabi ko. Subukan ninyo ang Kasulatan at tingnan kung anong kayang magawa ng Diyos sa inyo! Walang sinuman dito na hindi kayang baguhin ng Diyos na maging isang makapangyarihang lalaki o babae ng Diyos. Tunay na magagawa Niya ang mga kahanga-hangang bagay!
Kailangang May Paglago ng mga Talento
Naiintindihan na natin na kailangang mayroong pagdaragdag ng mga talento, ang pagdaragdag ng buhay. Napakahalagang mapansin ito sa talinghagang ito. Kung may ipinagkatiwala sa inyo ang Diyos sa pamamagitan ni Cristo, maging mina man ito o talento, kapag ipinagkatiwala na niya ang buhay niya sa inyo, [kung] sa araw ng paghuhukom ay tatayo kayo roon at sasabihing, “Panginoong Jesus, salamat sa iyo sa pagbigay sa akin ng buhay na walang hanggan. Narito ang buhay na ibinigay mo sa akin, buong-buo. Tingnan mo, heto na. Itinago kong maigi ito para sa iyo,” [kung gayon] malalagot kayo, kaibigan! Sinumang nag-iisip na maliligtas siya dahil lamang taglay niya ang kaloob na buhay – na maitatago niya ito para sa kanyang sarili at maayos na siya – ay manganganib. Hindi pa rin ninyo naintindihan ang mensahe ng Panginoon.
Ibinigay sa atin ang buhay kay Cristo na ito hindi lamang upang iligtas natin ang sarili nating espiritwal na leeg, o upang iligtas ko ang sarili kong espiritwal na leeg. Ibinibigay niya sa akin ang buhay na ito bilang isang pagtitiwala na ako ay kanyang alipin at kayo ay kanyang mga alipin. Kung magkakaroon kayo ng buhay na iyan, may pananagutan kayo sa kanya kung anong gagawin ninyo sa buhay na iyan. Kailangang mayroon kayong gawin sa buhay. Ang buhay ay hindi lamang para itago. Ang buhay ay ipinapamuhay, isinasanay. Kailangan ninyong may gawin dito. Ngunit kung di ninyo gagawin iyan, malalagot kayo.
Para sa napakaraming mga Cristiano sa mga araw na ito, hindi ako maglalakas-loob na isipin kung ano ang mangyayari sa kanila sa araw ng paghuhukom. Darating sila sa Panginoon at sasabihing, “Salamat, Panginoon, sa pagbibigay mo sa akin ng buhay. Ngayon, itinago ko itong lubos na may pag-iingat sa loob ng mga taong ito. Wala akong ginawa para rito; itinago ko ito nang maigi. Natakot akong mawala ito, at kaya, itinago kong maigi ito. Heto, tingnan mo. Nasa akin pa rin ito!” At sasabihin ng Panginoon, “Lumayo ka sa akin, ikaw na walang pakinabang, walang silbing alipin!” (Ang naisalin bilang ‘walang pakinabang’ dito ay ‘walang silbi’ – walang silbing alipin.)
Sasabihin ninyong, “Panginoon, huwag kang magalit. Ibinabalik ko na sa iyo kung ano ang ibinigay mo sa akin. Alam kong malupit ka, mabagsik ka, kaya itinago kong maigi ito. Kasi, natakot akong ito mismo ang mangyayari. Ngayo’y ibinabalik ko na sa iyo ito.” Hindi kayo makakalusot dito dahil kung bibigyan kayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan, ibig niyang maging daluyan kayo ng buhay na iyan, upang ipasa ito sa iba, upang mamuhay kayo para sa iba at para sa kanya.
Umpisa na ninyong nakikita kung bakit binanggit natin ang mga salitang ito sa simula. Kung namatay si Cristo para sa inyo, namatay siya upang hindi na kayo mamumuhay para sa inyong sarili at mamumuhay na lamang kayo para sa kanya. Ang ibig sabihin ng “Mamuhay para sa kanya” ay magiging daluyan kayo ng buhay na ibinigay niya sa inyo tungo sa ibang tao. Isipin ito. Paano kayo magiging daluyan ng buhay? Paano kayo magkakaroon ng isa pang mina o talento? Napakadali! Kung aakayin ninyo ang isang tao kay Cristo at gagawin ninyo ang isa pang tao na alagad ni Cristo sa pamamagitan ng grasya niya, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, mababawasan ba ang buhay na nasa inyo? Magiging mas kaunti ba ang buhay na nasa inyo? Siyempre hindi! Narito ang nakakamanghang nangyayari! Mayroon pa rin kayong buhay at nagkaroon din ng buhay ang isa pa sa pamamagitan ninyo. Ngayon ang isang mina, ang isang buhay na nasa inyo, ay naging dalawang buhay dahil dinala ninyo ang isa pa sa buhay. Binigyan ninyo siya ng buhay; naging daluyan kayo ng buhay sa kanya. Dalawa nang buhay ngayon!
Kaya, kung magdadala kayo ng isa pang tao sa Panginoon at magiging alagad siya ng Panginoon, ang buhay na naumpisahan bilang iisa sa inyo ay magiging 2 na, at ngayon ay magiging 3 na, at pagkatapos ay maaaring 4, 5, 6, 7, 10! Nakikita na ba ninyo ang ibig sabihin nito? Ekstrang langis! Ekstrang talento! Ekstrang mina! Ganyan nga ito! Iyan ang ekstra. Mayroon pa rin ang isang nasa inyo, di ba? Nasa inyo pa rin ang buhay. Ngayon mayroon pang isang buhay, mayroon pang isang buhay sa susunod, at isa pa – na nag-umpisang lahat mula sa inyo sa pamamagitan ng pagpapasa ng buhay sa iba. Napakadaling intindihin ang Talinghaga ng mga Mina at ng mga Talento.
Sa Araw na iyon kapag kayo’y tatayo sa harapan ng Panginoon, hindi lamang ninyo masasabing, “Panginoon, ibinigay mo sa akin ang buhay. Tingnan mo, narito ako. Itinago kong maigi ito sa akin.” Ah, lagot kayo kung gagawin ninyo iyan! Huwag ninyong sabihin, “Tingnan ang isang ito. Tingnan ang isang iyon. Masdan ang isang ito!” Sasabihin ni Pablo, “Sino ang kagalakan ko at korona ko?” Sasabihin niya, “Kayo ang kagalakan ko at korona ko. Kayo ang ebidensiya ng buhay na nasa akin dahil mayroon kayong buhay na kapareho ng nasa akin at nasa sa akin pa rin.” Oh, ang buong church ng Corinto! Ang buong church ng Efeso! Ang buong church ng Filipos! Gaanong karaming minang mayroon si Pablo! Naging espiritwal na milyunaryo siya! Nauunawaan ba ninyo ang mensahe? Unawain ninyong mabuti ito sa inyong isipan. Nariyan ang mensahe para sa inyo.
Ang Babala ng Panginoon
“Sinumang mag-iisip na maililigtas niya ang kanyang buhay,” sabi ng Panginoon, “ay mawawalan siya nito; ngunit ang sinumang mawawalan ng kanyang buhay para sa kapakanan ko at ng ebanghelyo, ay makakamtan ito hanggang sa buhay na walang hanggan.” Kapag ibinibigay ninyo ang inyong buhay sa isa pang tao, kapag sinanay ninyo siya bilang isang disipulo, ibinigay ninyo ang inyong enerhiya, ang inyong oras, ang inyong walang-tulog na mga gabi – ibinigay ninyo ang inyong sariling buhay. Nawawalan kayo ng buhay, ngunit makakamtan naman ninyo ito sa pagbabahagi ninyo nito. Ngunit, kung itatago ninyo ang inyong buhay para sa inyong sarili, mawawalan kayo kahit na mismo ang nasa sa inyo ngayon. Iyan ang Ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Iyan ang sinasabi niya.
Ang isa pa, hindi lamang sa mawawala ang nasa inyo, malalagot pa kayo. Tingnan ang katapusan ng talinghagang ito. Sinasabi rito ng Panginoon sa Mateo 25:28, “Kaya’t kunin ninyo sa kanya ang talento.” Ngayon kung ang inirerepresenta ng talento ay ang buhay na ibinigay sa inyo (o ang mina, dahil pareho lamang na bagay ang totoo sa Talinghaga ng mga Mina; binawi rin ang mina mula sa tamad na alipin), kung babawiin ito mula sa inyo, mawawalan kayo nito. Mapapahamak na kayo! Mawawala ninyo ang buhay na ibinigay sa inyo.
Ano pa ang ibig sabihin nito? Ganap at lantarang naitatag ang puntong ito sa b.30: “At ang aliping walang pakinabang” – walang silbi – “ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas”! Hindi dapat na lampasan ang kahulugan niyan. Lubos na malinaw ito. Sa Biblia, laging kaugnay ng buhay ang ilaw. Iyan ang dahilan kung bakit kayang ituring ng Panginoong Jesus ang sarili bilang ilaw ng buhay. (Juan 8:12; 14:6) Palaging magkaugnay ang ilaw at ang buhay. Kung saan mayroong ilaw, mayroon ding buhay; kung saan may buhay, mayroon ding ilaw. Magkasama lagi ang dalawa! Ibig ding sabihin nito sa Biblia, palaging may kinalaman ang kadiliman sa kamatayan. Palaging magkasama ang kamatayan at kadiliman sa Biblia. “Sa kadiliman sa labas” ay ang lugar ng kamatayan. Sa kahulugang espiritwal, lugar ito ng walang hanggang kamatayan, bilang kabaligtaran ng buhay na walang hanggan.
Ito ang sinasabi ni Pedro sa 2Pedro 2:17, na inilaan sa kadiliman ang mga napakasamang makasalanan: ang “kadiliman ng kamatayan.” Ang “pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin” ang siyang gagawin nila sa lugar na iyon na “kadiliman sa labas”. Ito ang lugar na pupuntahan ng mga mapagkunwari. Nasabi sa atin sa Mateo 24:51 na maisasama sa mga mapagkunwari ang di-tapat na alipin: “kung saan ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.” Ngayon saan mapupunta ang mga mapagkunwari na kung saan mayroong pagtangis at pagngangalit ng kanilang mga ngipin? Dalawang beses na sinabi sa atin sa Mateo Capitulo 23, sa Mateo 23:15 at 33, na ang lugar kung saan mapupunta ang mga mapagkunwari ay sa Gehenna, sa impiyerno. At doon pupunta ang di-tapat na alipin.
Dalawang beses din sa Mateo 13:42 at 50, na sinabi sa atin ng Panginoon na ang lugar, kung saan mayroong pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin, ay ang pugon ng apoy. Iyan ang dahilan kung bakit palaging isinasalarawan ang impiyerno bilang isang lugar ng apoy, isang pugon ng apoy. Sa katunayan, nanggagaling ang ideya nito mula sa mga sangang naputol. Anong gagawin ninyo sa mga ito? Ihahagis ninyo ang mga ito sa pugon ng apoy, susunugin sa ganoong lugar. Ibig sabihin nito na ang larawan ng kadiliman at ng apoy, sa katunayan, ay iisa. Isinisimbolo ng apoy ang kapahamakan sa impiyerno at gayundin ang isinisimbolo ng kadiliman. Ang kapahamakan ay kabaligtaran ng buhay. Ito’y ang maputol mula sa buhay ng Diyos, mula sa ilaw Niya at sa buhay Niya. Buong kadiliman at buong kamatayan ito. Ang pugong nag-aalab na apoy! Ang lugar ng espiritwal na kadiliman! Hindi iyan ang lugar na gustong puntahan ng sinuman.
Ang Paglago ng Buhay ay Ayon sa Pananampalataya at ‘Commitment’
Ngunit hayaang sabihin ko muli ito, dahil iyon ang sinasabi ng Panginoong Jesus. Kung natanggap ninyo ang kaloob na buhay mula sa Panginoong Jesus – ang kaloob na buhay na walang hanggan, ang mina o talentong ito, anuman sa mga ito, pangunahing iyon pa rin ang buhay na gumagana sa atin – maliban na paramihin ninyo ito, maliban na madagdagan ‘pa’ ito, malalagot kayo. Sa araw na iyon sa harapan ng Panginoong Jesus, maaaring kagaya kayo ng mga matatalinong birhen na may ekstrang langis, ang buhay na naibahagi sa iba, at pagkatapos, ang buhay na iyon ang kagalakan at korona ninyo. Tunay na may kinalaman din ito sa inyo, ngunit gayundin ang buhay na inirerepresenta ng karagdagang ito ng mga mina o mga talento. Tingnan ninyo, ang taong may 2 talento, kailangan niyang magdala ng kahit dalawa pa. Ang taong may 1 talento, kailangan ding magdala ng kahit isa pa, at hindi man lang niya nagawa iyon, na siyang nagpapakita na mayroong ‘direct proportion’ o maliwanag na ugnayan sa pagitan ng ‘commitment’ at ng huling resulta.
Balikan muling isipin sa ating pagsasara: Sa anong basehan ibinigay ang mga ekstrang talento? Sa batayan ng pagtugon na pananampalataya! Kung iyan ang kaso, malinaw kung gayon na ang taong may 5 talento ay siyang may mas malaking tugon ng pananampalataya. At kaya sa paglago niya sa espiritwal na buhay, pinagkatiwalaan siya ng mas malalaking responsibilidad, mas maraming kaloob upang isakatuparan ang gawain niya sa serbisyo sa Panginoon. Ang isang may 2 talento ay mayroon ding buong pagtugon, ngunit hindi kapareho ng laki gaya ng isa. Hindi nakakagulat, kung gayon, na ang taong may 1 talento/mina sa parehong talinghaga ay nabigo. Pareho silang dumating upang kumuha ng 1 mina o talento; wala silang naibigay bilang resulta. Wala! Walang mas marami ‘pa’! Tingnan ninyo, ang kanilang ‘commitment’ ay naihayag sa katotohanang naipagkatiwala sa kanila sa Talinghaga ng mga Talento ang isa lamang na talento. Mag-ingat kung gayon!
Bilang pantapos, hayaang balikan ko ang puntong ito. Hindi ko lubos na mabigyang-diin ito! Suriing maigi ang inyong ‘commitment’ sa Panginoon. Anong uri ng ‘commitment’ mayroon kayo? Masasabi ba ninyong totohanan na namumuhay kayo para sa Panginoon? Kung hindi, mag-ingat, dahil kung wala ang mas marami ‘pa’, malalagot kayo. Kung sa araw na iyon masasabi ninyong, “Masdan, narito ang resulta: sumaiyo ang mga anak ko. Dinala ko sila sa iyo. At tingnan ang aking kaibigan, at ang mga taong iyon sa church, ito at iyon. Dumami ang buhay. Ang buhay na nasa akin ay dumami sa kanila at sa iba pang tao.” Sa araw na iyon, sila ang magpapatunay bilang inyong kagalakan at korona, dahil sila ang magiging ebidensiya ng nagliligtas na grasya ng Diyos at ng kapangyarihan sa inyong buhay sa paraang kaaya-aya sa kanya.
Ipinagdarasal ko na sa paghayo ng Full-Time Training Team, isasaisip nila ang mensaheng ito. Maaaring maglingkod sila nang umiiyak minsan, na lumuluha sa pagbibigay nila ng mga sarili nila. Ngunit alalahanin ito, na sa pagkakawala ninyo ng buhay, makakamtan naman ninyo ito. Sa pagbibigay ng inyong sarili ninyo madaragdagan ang buhay para sa iba. Hindi ito madaling daan; ito’y mahirap na daan. Ngunit sulit ito! Makikita ninyo kung gaano ito kahalaga, kapag sa araw na iyon tatayo tayo sa kanyang presensiya at sa pamamagitan ng kanyang biyaya ay magagalak tayo sa di-maipaliwanag na kagalakan.
Katapusan ng mensahe.
Ito’y isang na-edit na transcription ng mensahe.
Tinatanggap ng mga ‘editor’ ang buong responsibilidad para
sa pagkaka-ayos at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.
Lahat ng mga nasambit na bersikulo ay mula sa
Ang Bagong Ang Biblia, Edisyong 2001.
(c) 2021 Christian Disciples Church